The New Testament of our Lord and Saviour Jesus Christ
1 Ang aklat ng lahi ni Jesucristo, na anak ni David, na anak ni Abraham. 2 Naging anak ni Abraham si Isaac; at naging anak ni Isaac si Jacob; at naging anak ni Jacob si Juda at ang kaniyang mga kapatid; 3 At naging anak ni Juda kay Tamar si Fares at si Zara; at naging anak ni Fares si Esrom; at naging anak ni Esrom si Aram; 4 At naging anak ni Aram si Aminadab; at naging anak ni Aminadab si Naason; at naging anak ni Naason si Salmon; 5 At naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz; at naging anak ni Booz kay Rut si Obed; at naging anak ni Obed si Jesse. 6 At naging anak ni Jesse ang haring si David; at naging anak ni David si Salomon, doon sa naging asawa ni Urias; 7 At naging anak ni Salomon si Reboam; at naging anak ni Reboam si Abias; at naging anak ni Abias si Asa; 8 At naging anak ni Asa si Josafat; at naging anak ni Josafat si Joram; at naging anak ni Joram si Ozias; 9 At naging anak ni Ozias si Joatam; at naging anak ni Joatam si Acaz; at naging anak ni Acaz si Ezequias; 10 At naging anak ni Ezequias si Manases; at naging anak ni Manases si Amon; at naging anak ni Amon si Josias; 11 At naging anak ni Josias si Jeconias at ang kaniyang mga kapatid, nang panahon ng pagkadalang-bihag sa Babilonia. 12 At pagkatapos nang pagkadalangbihag sa Babilonia, ay naging anak ni Jeconias si Salatiel; at naging anak ni Salatiel si Zorobabel; 13 At naging anak ni Zorobabel si Abiud; at naging anak ni Abiud si Eliaquim; at naging anak ni Eliaquim si Azor; 14 At naging anak ni Azor si Sadoc; at naging anak ni Sadoc si Aquim; at naging anak ni Aquim si Eliud; 15 At naging anak ni Eliud si Eleazar; at naging anak ni Eleazar si Matan; at naging anak ni Matan si Jacob; 16 At naging anak ni Jacob si Jose asawa ni Maria, na siyang nanganak kay Jesus, na siyang tinatawag na Cristo. 17 Sa makatuwid ang lahat ng mga salit-saling lahi buhat kay Abraham hanggang kay David ay labingapat na salit-saling lahi; at buhat kay David hanggang sa pagdalang-bihag sa Babilonia ay labingapat na sali't-saling lahi; at buhat sa pagkadalang-bihag sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labingapat na sali't-saling lahi. 18 Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungang siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo. 19 At si Jose na kaniyang asawa, palibhasa'y lalaking matuwid, at ayaw na ihayag sa madla ang kaniyang kapurihan, ay nagpasiyang hiwalayan siya ng lihim. 20 Datapuwa't samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo. 21 At siya'y manganganak ng isang lalake; at ang pangalang itatawag mo sa kaniya'y JESUS; sapagka't ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan. 22 At nangyari nga ang lahat ng ito, upang maganap ang sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, 23 Narito, ang dalaga'y magdadalang-tao at manganganak ng isang lalake, At ang pangalang itatawag nila sa kaniya ay Emmanuel; na kung liliwanagin, ay sumasa atin ang Dios. 24 At nagbangon si Jose sa kaniyang pagkakatulog, at ginawa niya ang ayon sa ipinagutos sa kaniya ng anghel ng Panginoon, at tinanggap ang kaniyang asawa; 25 At hindi nakilala siya hanggang sa maipanganak ang isang lalake: at tinawag niya ang kaniyang pangalang JESUS.
1 Nang ipanganak nga si Jesus sa Bet-lehem ng Judea sa mga kaarawan ng haring si Herodes, narito, ang mga Pantas na lalake ay nagsidating sa Jerusalem mula sa silanganan, na nagsisipagsabi, 2 Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio? sapagka't aming nakita ang kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya'y sambahin. 3 Nang marinig ito ng haring si Herodes, ay nagulumihanan siya, at pati ng buong Jerusalem. 4 At pagkatipon sa lahat ng mga pangulong saserdote at mga eskriba ng bayan, ay siniyasat niya sa kanila kung saan kaya ipanganganak ang Cristo. 5 At sinabi nila sa kaniya, sa Bet-lehem ng Judea: sapagka't ganito ang pagkasulat ng propeta, 6 At ikaw Bet-lehem, na lupa ng Juda, Sa anomang paraan ay hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga pangulong bayan ng Juda: Sapagka't mula sa iyo'y lalabas ang isang gobernador, Na siyang magiging pastor ng aking bayang Israel. 7 Nang magkagayo'y tinawag ni Herodes ng lihim ang mga Pantas na lalake, at kaniyang siniyasat ng buong ingat sa kanila ang panahong isinilang ng bituin. 8 At pinayaon niya sila sa Bet-lehem, at sinabi, Kayo'y magsiparoon at ipagtanong ng buong ingat ang tungkol sa sanggol; at pagkasumpong ninyo sa kaniya, ay ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako nama'y makaparoon at siya'y aking sambahin. 9 At sila, pagkarinig sa hari ay nagsiyaon ng kanilang lakad; at narito, ang bituing kanilang nakita sa silanganan, ay nanguna sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol. 10 At nang makita nila ang bituin, ay nangagalak sila ng di kawasang galak. 11 At nagsipasok sila sa bahay, at nangakita nila ang sanggol na kasama ng kaniyang inang si Maria; at nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya; at pagkabukas nila ng kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kaniya ang mga alay, na ginto at kamangyan at mira. 12 At palibhasa'y pinagsabihan sila ng Dios sa panaginip na huwag silang mangagbalik kay Herodes, ay nangagsiuwi sila sa kanilang sariling lupain sa ibang daan. 13 Nang mangakaalis nga sila, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita kay Jose sa panaginip, na nagsasabi, Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at tumakas ka hanggang sa Egipto, at dumoon ka hanggang sa sabihin ko sa iyo: sapagka't hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya'y puksain. 14 At siya'y nagbangon at dinala ang sanggol at ang ina nito sa kinagabihan, at napasa Egipto; 15 At dumoon hanggang sa pagkamatay ni Herodes: upang maganap ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, Mula sa Egipto ay tinawag ko ang aking anak. 16 Nang magkagayon, nang mapansin ni Herodes na siya'y pinaglaruan ng mga Pantas na lalake, ay nagalit na mainam, at nagutos, at ipinapatay ang lahat ng mga sanggol na lalake na nangasa Bet-lehem, at sa buong palibotlibot noon, mula sa gulang na dalawang taon hanggang sa pababa, alinsunod sa panahon ng kaniyang maingat na pagkasiyasat sa mga Pantas na lalake. 17 Nang magkagayo'y naganap ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias, na nagsasabi, 18 Isang tinig ay narinig sa Rama, Pananangis at kalagimlagim na iyak, Tinatangisan ni Raquel ang kaniyang mga anak; At ayaw na siyang maaliw, sapagka't sila'y wala na. 19 Nguni't pagkamatay ni Herodes, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa panaginip kay Jose sa Egipto, na nagsasabi, 20 Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo ka sa lupain ng Israel: sapagka't nangamatay na ang nangagmimithi sa buhay ng sanggol. 21 At nagbangon siya at dinala ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo sa lupa ng Israel. 22 Datapuwa't nang mabalitaan niya na si Arquelao ang naghahari sa Judea na kahalili ng kaniyang amang si Herodes, ay natakot siyang pumatungo roon; at palibhasa'y pinagsabihan ng Dios sa panaginip, ay napatungo siya sa mga sakop ng Galilea, 23 At siya'y dumating at tumahan sa isang bayang tinatawag na Nazaret; upang maganap ang mga sinalita ng mga propeta, na siya'y tatawaging Nazareno.
1 At nang mga araw na yaon ay dumating si Juan Bautista, na nangangaral sa ilang ng Judea, na nagsasabi, 2 Mangagsisi kayo; sapagka't malapit na ang kaharian ng langit. 3 Sapagka't ito yaong sinalita sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi, Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas. 4 Si Juan nga ay nananamit ng balahibo ng kamelyo, at may isang pamigkis na katad sa palibot ng kaniyang baywang; at ang kaniyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan. 5 Nang magkagayo'y nilabas siya ng Jerusalem, at ng buong Judea, at ng buong lupain sa palibotlibot ng Jordan; 6 At sila'y kaniyang binabautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan. 7 Datapuwa't nang makita niyang marami sa mga Fariseo at Saduceo na nagsisiparoon sa kaniyang pagbabautismo, ay sinabi niya sa kanila, Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang sa inyo'y nagpaunawa upang magsitakas sa galit na darating? 8 Kayo nga'y mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi: 9 At huwag kayong mangagisip na mangagsabi sa inyong sarili, Si Abraham ang aming ama; sapagka't sinasabi ko sa inyo, na mangyayaring makapagpalitaw ang Dios ng mga anak ni Abraham sa mga batong ito. 10 At ngayon pa'y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy: ang bawa't punong kahoy nga na hindi nagbubungang mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy. 11 Sa katotohanan ay binabautismuhan ko kayo sa tubig sa pagsisisi: datapuwa't ang dumarating sa hulihan ko ay lalong makapangyarihan kay sa akin, na hindi ako karapatdapat magdala ng kaniyang pangyapak: siya ang sa inyo'y magbabautismo sa Espiritu Santo at apoy: 12 Nasa kaniyang kamay ang kaniyang kalaykay, at lilinisin niyang lubos ang kaniyang giikan; at titipunin niya ang kaniyang trigo sa bangan, datapuwa't ang dayami ay susunugin sa apoy na hindi mapapatay. 13 Nang magkagayo'y naparoon si Jesus mula sa Galilea at lumapit kay Juan sa ilog ng Jordan, upang siya'y bautismuhan niya. 14 Datapuwa't ibig siyang sansalain ni Juan, na nagsasabi, Kinakailangan ko na ako'y iyong bautismuhan, at ikaw ang naparirito sa akin? 15 Nguni't pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Payagan mo ngayon: sapagka't ganyan ang nararapat sa atin, ang pagganap ng buong katuwiran. Nang magkagayo'y pinayagan niya siya. 16 At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya; 17 At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.
1 Nang magkagayo'y inihatid ng Espiritu Santo si Jesus sa ilang upang siya'y tuksuhin ng diablo. 2 At nang siya'y makapagayunong apat na pung araw at apat na pung gabi, sa wakas ay nagutom siya. 3 At ang manunukso ay dumating at nagsabi sa kaniya, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay ipagutos mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay. 4 Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Dios. 5 Nang magkagayo'y dinala siya ng diablo sa bayang banal; at inilagay siya sa taluktok ng templo, 6 At sa kaniya'y sinabi, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay magpatihulog ka: sapagka't nasusulat, Siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo: at, Aalalayan ka ng kanilang mga kamay, Baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato. 7 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Nasusulat din naman, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios. 8 Muling dinala siya ng diablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinamalas sa kaniya ang lahat ng mga kaharian sa sanglibutan, at ang kaluwalhatian nila; 9 At sinabi niya sa kaniya, Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasambahin mo ako. 10 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, Satanas: sapagka't nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran. 11 Nang magkagayo'y iniwan siya ng diablo; at narito, nagsidating ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran. 12 Nang marinig nga niya na si Juan ay dinakip, ay umuwi siya sa Galilea; 13 At pagkaiwan sa Nazaret, ay naparoon siya at tumahan sa Capernaum, na nasa tabi ng dagat, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftali: 14 Upang maganap ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Isaias na nagsasabi, 15 Ang lupa ni Zabulon at ang lupa ni Neftali, Sa gawing dagat, sa dako pa roon ng Jordan, Galilea ng mga Gentil, 16 Ang bayang nalulugmok sa kadiliman, ay Nakakita ng dakilang ilaw, At sa nangalulugmok sa pook at lilim ng kamatayan, ay Lumiwanag sa kanila ang ilaw. 17 Mula noon ay nagpasimulang mangaral si Jesus, at magsabi, Mangagsisi kayo; sapagka't malapit na ang kaharian ng langit. 18 At sa paglalakad niya sa tabi ng dagat ng Galilea; ay nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, na inihuhulog ang isang lambat sa dagat; sapagka't sila'y mga mamamalakaya. 19 At sinabi niya sa kanila, Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao. 20 At pagdaka'y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya. 21 At paglakad sa dako roon ay nakita niya ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kaniyang kapatid na si Juan, sa daong na kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nagsisipaghayuma ng kanilang mga lambat; at sila'y kaniyang tinawag. 22 At pagdaka'y iniwan nila ang daong at ang kanilang ama, at nagsisunod sa kaniya. 23 At nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao. 24 At lumaganap ang pagkabantog niya sa buong Siria: at kanilang dinadala sa kaniya ang lahat ng mga may karamdaman, at ang mga pinipighati ng sarisaring sakit at pahirap, at ang mga inaalihan ng mga demonio, at ang mga himatayin, at ang mga lumpo: at sila'y pinagagaling niya. 25 At sinundan siya ng lubhang karamihang tao mula sa Galilea at Decapolis at Jerusalem at Judea at mula sa dakong ibayo ng Jordan.
1 At pagkakita sa mga karamihan, ay umahon siya sa bundok: at pagkaupo niya, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad: 2 At binuka niya ang kaniyang bibig at tinuruan sila, na sinasabi, 3 Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka't kanila ang kaharian ng langit. 4 Mapapalad ang nangahahapis: sapagka't sila'y aaliwin. 5 Mapapalad ang maaamo: sapagka't mamanahin nila ang lupa. 6 Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran: sapagka't sila'y bubusugin. 7 Mapapalad ang mga mahabagin: sapagka't sila'y kahahabagan. 8 Mapapalad ang mga may malinis na puso: sapagka't makikita nila ang Dios. 9 Mapapalad ang mga mapagpayapa: sapagka't sila'y tatawaging mga anak ng Dios. 10 Mapapalad ang mga pinaguusig dahil sa katuwiran: sapagka't kanila ang kaharian ng langit. 11 Mapapalad kayo pagka kayo'y inaalimura, at kayo'y pinaguusig, at kayo'y pinagwiwikaan ng sarisaring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin. 12 Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo: sapagka't malaki ang ganti sa inyo sa langit: sapagka't gayon din ang kanilang pagkausig sa mga propeta na nangauna sa inyo. 13 Kayo ang asin ng lupa: nguni't kung ang asin ay tumabang, ay ano ang ipagpapaalat? wala nang ano pa mang kabuluhan, kundi upang itapon sa labas at yurakan ng mga tao. 14 Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago. 15 Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay. 16 Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit. 17 Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin. 18 Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay. 19 Kaya't ang sinomang sumuway sa isa sa kaliitliitang mga utos na ito, at ituro ang gayon sa mga tao, ay tatawaging kaliitliitan sa kaharian ng langit: datapuwa't ang sinomang gumanap at ituro, ito'y tatawaging dakila sa kaharian ng langit. 20 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit. 21 Narinig ninyo na sinabi sa mga tao sa una, Huwag kang papatay; at ang sinomang pumatay ay mapapasa panganib sa kahatulan: 22 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't mapoot sa kaniyang kapatid ay mapapasa panganib sa kahatulan; at ang sinomang magsabi sa kaniyang kapatid, Raca, ay mapapasa panganib sa Sanedrin; at ang sinomang magsabi, Ulol ka, ay mapapasa panganib sa impierno ng apoy. 23 Kaya't kung inihahandog mo ang iyong hain sa dambana, at doo'y maalaala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anomang laban sa iyo, 24 Iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at yumaon ka ng iyong lakad, makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon ay magbalik ka at ihandog mo ang iyong hain. 25 Makipagkasundo ka agad sa iyong kaalit, samantalang ikaw ay kasama niya sa daan; baka ibigay ka ng kaalit mo sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa punong kawal, at ipasok ka sa bilangguan. 26 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Hindi ka aalis doon sa anomang paraan, hanggang hindi mo mapagbayaran ang katapustapusang beles. 27 Narinig ninyong sinabi, Huwag kang mangangalunya: 28 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala, na ng pangangalunya sa kaniyang puso. 29 At kung ang kanan mong mata ay nakapagpapatisod sa iyo, ay dukitin mo, at iyong itapon: sapagka't may mapapakinabang ka pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan, at huwag ang buong katawan mo ay mabulid sa impierno. 30 At kung ang kanan mong kamay ay nakapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo, at iyong itapon: sapagka't may mapapakinabang ka pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan, at huwag ang buong katawan mo ay mapasa impierno. 31 Sinabi rin naman, Ang sinomang lalake na ihiwalay na ang kaniyang asawa, ay bigyan niya siya ng kasulatan ng paghihiwalay: 32 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, liban na lamang kung sa pakikiapid ang dahil, ay siya ang sa kaniya'y nagbibigay kadahilanan ng pangangalunya: at ang sinomang magasawa sa kaniya kung naihiwalay na siya ay nagkakasala ng pangangalunya. 33 Bukod sa rito'y inyong narinig na sinabi sa mga tao sa una, Huwag kang manunumpa ng di katotohanan, kundi tutupdin mo sa Panginoon ang iyong mga sumpa: 34 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, Huwag ninyong ipanumpa ang anoman; kahit ang langit, sapagka't siyang luklukan ng Dios; 35 Kahit ang lupa, sapagka't siyang tungtungan ng kaniyang mga paa; kahit ang Jerusalem, sapagka't siyang bayan ng dakilang Hari. 36 Kahit man ang ulo mo ay huwag mong ipanumpa, sapagka't hindi ka makagagawa ng isang buhok na maputi o maitim. 37 Datapuwa't ang magiging pananalita ninyo'y, Oo, oo; Hindi, hindi; sapagka't ang humigit pa rito ay buhat sa masama. 38 Narinig ninyong sinabi, Mata sa mata, at ngipin sa ngipin: 39 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong makilaban sa masamang tao: kundi sa sinomang sa iyo'y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo naman sa kaniya ang kabila. 40 At sa magibig na ikaw ay ipagsakdal, at kunin sa iyo ang iyong tunika, ay iwan mo rin naman sa kaniya ang iyong balabal. 41 At sa sinomang pipilit sa iyo na ikaw ay lumakad ng isang milya, ay lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya. 42 Bigyan mo ang sa iyo'y humihingi, at huwag mong talikdan ang sa iyo'y nangungutang. 43 Narinig ninyong sinabi, Iibigin mo ang iyong kapuwa, at kapopootan mo ang iyong kaaway: 44 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo'y nagsisiusig; 45 Upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit: sapagka't pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap. 46 Sapagka't kung kayo'y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong babatiin, ano ang kalabisan ng inyong ginagawa? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga Gentil? 48 Kayo nga'y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.
1 Mangagingat kayo na huwag magsigawa ng katuwiran sa harap ng mga tao, upang kanilang makita: sa ibang paraan ay wala kayong ganti ng inyong Ama na nasa langit. 2 Kaya nga pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag kang tutugtog ng pakakak sa harap mo, na gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga daan, upang sila'y mangagkapuri sa mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila'y ganti. 3 Datapuwa't pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag maalaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay: 4 Upang ang iyong paglilimos ay malihim: at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka. 5 At pagka kayo ay nagsisidalangin, ay huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw: sapagka't iniibig nila ang magsidalangin ng patayo sa mga sinagoga at sa mga likuang daan, upang sila'y mangakita ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila'y ganti. 6 Datapuwa't ikaw, pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at kung mailapat mo na ang iyong pinto, ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka. 7 At sa pananalangin ninyo ay huwag ninyong gamitin ang walang kabuluhang paulitulit, na gaya ng ginagawa ng mga Gentil: sapagka't iniisip nilang dahil sa kanilang maraming kasasalita ay didinggin sila. 8 Huwag nga kayong magsigaya sa kanila: sapagka't talastas ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago ninyo hingin sa kaniya. 9 Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo. 10 Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa. 11 Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw. 12 At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin. 13 At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama. Sapagka't iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man. Siya nawa. 14 Sapagka't kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay patatawarin naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan. 15 Datapuwa't kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama ng inyong mga kasalanan. 16 Bukod dito, pagka kayo'y nangagaayuno, ay huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw, na may mapapanglaw na mukha: sapagka't kanilang pinasasama ang mga mukha nila, upang makita ng mga tao na sila'y nangagaayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila'y ganti. 17 Datapuwa't ikaw, sa pagaayuno mo, ay langisan mo ang iyong ulo, at hilamusan mo ang iyong mukha; 18 Upang huwag kang makita ng mga tao na ikaw ay nagaayuno, kundi ng Ama mo na nasa lihim: at ang Ama mo, na nakakikita sa lihim, ay gagantihin ka. 19 Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito'y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito'y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw: 20 Kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo'y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo'y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw: 21 Sapagka't kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso. 22 Ang ilawan ng katawan ay ang mata: kung tapat nga ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuspos ng liwanag. 23 Datapuwa't kung masama ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuspos ng kadiliman. Kaya't kung ang ilaw na sumasa iyo ay kadiliman, gaano kaya kalaki ang kadiliman! 24 Sinoma'y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka't kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa: o kaya'y magtatapat siya sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan. 25 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano baga ang inyong kakanin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit ang sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin. Hindi baga mahigit ang buhay kay sa pagkain, at ang katawan kay sa pananamit? 26 Masdan ninyo ang mga ibon sa langit, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas, ni nangagtitipon man sa mga bangan; at sila'y pinakakain ng inyong Ama sa kalangitan. Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo kay sa kanila? 27 At alin sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay? 28 At tungkol sa pananamit, bakit kayo nangababalisa? Wariin ninyo ang mga lirio sa parang, kung paanong nagsisilaki; hindi nangagpapagal, ni nangagsusulid man: 29 Gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, na kahit si Salomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito. 30 Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasa'y iginagatong sa kalan, hindi baga lalonglalo na kayong pararamtan niya, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya? 31 Kaya huwag kayong mangabalisa, na mangagsabi, Ano ang aming kakanin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming daramtin? 32 Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga Gentil; yamang talastas ng inyong Ama sa kalangitan na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. 33 Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo. 34 Kaya't huwag ninyong ikabalisa ang sa araw ng bukas: sapagka't ang araw ng bukas ay mababalisa sa kaniyang sarili. Sukat na sa kaarawan ang kaniyang kasamaan.
1 Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan. 2 Sapagka't sa hatol na inyong ihahatol, ay hahatulan kayo: at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo. 3 At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng inyong kapatid, nguni't hindi mo pinapansin ang tahilan na nasa iyong sariling mata? 4 O paanong sasabihin mo sa iyong kapatid, Pabayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo; at narito, ang tahilan sa iyong sariling mata? 5 Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan sa iyong sariling mata; at kung magkagayo'y makikita mong malinaw ang pag-aalis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid. 6 Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anomang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy, baka yurakan ng kanilang mga paa, at mangagbalik at kayo'y lapain. 7 Magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo'y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo'y bubuksan: 8 Sapagka't ang bawa't humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan. 9 O anong tao sa inyo, ang kung siya'y hingan ng tinapay ng kaniyang anak, ay bato ang ibibigay; 10 O kung hingan siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas? 11 Kung kayo nga, bagaman masasama ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya? 12 Kaya nga lahat ng mga bagay na ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila: sapagka't ito ang sa kautusan at ang mga propeta. 13 Kayo'y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka't maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo'y nagsisipasok. 14 Sapagka't makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon. 15 Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa't sa loob ay mga lobong maninila. 16 Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila. Nakapuputi baga ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan? 17 Gayon din naman ang bawa't mabuting punong kahoy ay nagbubunga ng mabuti; datapuwa't ang masamang punong kahoy ay nagbubunga ng masama. 18 Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punong kahoy ay magbunga ng mabuti. 19 Bawa't punong kahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy. 20 Kaya't sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila. 21 Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. 22 Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? 23 At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan. 24 Kaya't ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato: 25 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka't natatayo sa ibabaw ng bato. 26 At ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at hindi ginaganap, ay matutulad sa isang taong mangmang, na itinayo ang kaniyang bahay sa buhanginan: 27 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at nabagsak: at kakilakilabot ang kaniyang pagkabagsak. 28 At nangyari, na nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, ay nangatilihan ang mga karamihan sa kaniyang aral: 29 Sapagka't sila'y kaniyang tinuturuang tulad sa may kapamahalaan, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.
1 At nang siya'y bumaba mula sa bundok, ay sinundan siya ng lubhang maraming tao. 2 At narito, lumapit sa kaniya ang isang ketongin, at siya'y sinamba, na nagsasabi, Panginoon, kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako. 3 At iniunat niya ang kaniyang kamay, at siya'y hinipo, na nagsasabi, Ibig ko; luminis ka. At pagdaka'y nalinis ang kaniyang ketong. 4 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Ingatan mong huwag sabihin kanino man; kundi humayo ka, pakita ka sa saserdote, at ihandog mo ang alay na ipinagutos ni Moises, na bilang patotoo sa kanila. 5 At pagpasok niya sa Capernaum, ay lumapit sa kaniya ang isang senturion, na sa kaniya'y namanhik, 6 At nagsasabi, Panginoon, ang aking alila ay nararatay sa bahay, lumpo, at lubhang nahihirapan. 7 At sinabi niya sa kaniya, Paroroon ako, at siya'y aking pagagalingin. 8 At sumagot ang senturion at sinabi, Panginoon, hindi ako karapat-dapat na ikaw ay pumasok sa ilalim ng aking bubungan; datapuwa't sabihin mo lamang ang salita, at gagaling ang aking alila. 9 Sapagka't ako rin naman ay taong nasa ilalim ng kapamahalaan, na may nasasakupan akong mga kawal: at sinasabi ko rito, Yumaon ka, at siya'y yumayaon; at sa isa, Halika, at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, Gawin mo ito, at kaniyang ginagawa. 10 At nang marinig ito ni Jesus, ay nagtaka siya, at sinabi sa nagsisisunod, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kahit sa Israel man, ay hindi ako nakasumpong ng ganito kalaking pananampalataya. 11 At sinabi ko sa inyo, na marami ang magsisipanggaling sa silanganan at sa kalunuran, at magsisiupong kasama ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, sa kaharian ng langit: 12 Datapuwa't ang mga anak ng kaharian ay pawang itatapon sa kadiliman sa labas: diyan na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin. 13 At sinabi ni Jesus sa senturion, Humayo ka ng iyong lakad; at ayon sa iyong pagsampalataya, ay gayon ang sa iyo'y mangyari. At gumaling ang kaniyang alila sa oras ding yaon. 14 At nang pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, ay nakita niya ang biyanang babae nito na nararatay dahil sa lagnat. 15 At hinipo ang kaniyang kamay, at inibsan siya ng lagnat; at siya'y nagbangon, at naglingkod sa kaniya. 16 At nang kinahapunan, ay dinala nila sa kaniya ang maraming inaalihan ng demonio: at pinalayas niya sa isang salita ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng mga may sakit: 17 Upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi, Siya rin ang kumuha ng ating mga sakit, at nagdala ng ating mga karamdaman. 18 Nang makita nga ni Jesus ang lubhang maraming tao sa palibot niya, ay ipinagutos niyang tumawid sa kabilang ibayo. 19 At lumapit ang isang eskriba, at sa kaniya'y nagsabi, Guro, susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon. 20 At sinabi sa kaniya ni Jesus, May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa't ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo. 21 At ang isa naman sa kaniyang mga alagad ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, tulutan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama. 22 Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Jesus, Sumunod ka sa akin; at pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay. 23 At pagkalulan niya sa isang daong, ay sinundan siya ng kaniyang mga alagad. 24 At narito, bumangon ang isang malakas na bagyo sa dagat, na ano pa't inaapawan ang daong ng mga alon: datapuwa't siya'y natutulog. 25 At nagsilapit sila sa kaniya, at siya'y ginising, na sinasabi, Panginoon, iligtas mo kami; kami'y mangamamatay. 26 At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangatatakot, Oh kayong kakaunti ang pananampalataya? Nang magkagayo'y nagbangon siya, at sinaway ang mga hangin at ang dagat; at humusay na totoo ang panahon. 27 At ang mga tao ay nangagtaka, na sinasabi, Anong tao ito, na maging ang mga hangin at ang mga dagat ay nagsisitalima sa kaniya? 28 At nang siya'y makarating sa kabilang ibayo sa lupain ng mga Gadareno, ay sinalubong siya ng dalawang inaalihan ng mga demonio na nagsisilabas sa mga libingan, na totoong mababangis, na ano pa't sinoma'y walang makapagdaan sa daang yaon. 29 At narito, sila'y nagsisigaw, na nangagsasabi, Anong aming ipakikialam sa iyo, ikaw na Anak ng Dios? naparito ka baga upang kami'y iyong pahirapan bago dumating ang kapanahunan? 30 Sa malayo sa kanila ay may isang kawan ng maraming baboy na nagsisipanginain. 31 At namanhik sa kaniya ang mga demonio, na nangagsasabi, Kung kami'y palalayasin mo, ay paparoonin mo kami sa kawan ng mga baboy. 32 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon kayo. At sila'y nagsilabas, at nagsipasok sa mga baboy: at narito, ang buong kawan ng mga baboy ay nangapadaluhong sa bangin hanggang sa dagat, at nangamatay sa tubig. 33 At nagsitakas ang mga tagapagalaga ng mga yaon, at nagsitungo sa bayan, at sinabi ang lahat ng mga nangyari, at ang kinahinatnan ng mga inalihan ng mga demonio. 34 At narito, lumabas ang buong bayan upang sumalubong kay Jesus: at pagkakita nila sa kaniya, ay pinamanhikan siyang umalis sa kanilang mga hangganan.
1 At lumulan siya sa isang daong, at tumawid, at dumating sa kaniyang sariling bayan. 2 At narito, dinala nila sa kaniya ang isang lumpo, na nakahiga sa isang higaan: at nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, ay sinabi sa lumpo, Anak, laksan mo ang iyong loob; ang iyong mga kasalanan ay ipinatatawad na. 3 At narito, ang ilan sa mga eskriba ay nangagsabi sa kanilang sarili, Ang taong ito'y namumusong. 4 At pagkaunawa ni Jesus ng kanilang mga kaisipan, ay sinabi, Bakit nangagiisip kayo ng masama sa inyong mga puso? 5 Sapagka't alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad na ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka, at lumakad ka? 6 Datapuwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao'y may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi nga niya sa lumpo), Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong bahay. 7 At nagtindig siya, at umuwi sa kaniyang bahay. 8 Datapuwa't nang makita ito ng karamihan, ay nangatakot sila, at kanilang niluwalhati ang Dios, na nagbigay ng gayong kapamahalaan sa mga tao. 9 At pagdaraan doon ni Jesus, ay nakita niya ang isang tao, na kung tawagi'y Mateo, na nakaupo sa paningilan ng buwis: at sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin. At siya'y nagtindig, at sumunod sa kaniya. 10 At nangyari, na nang nakaupo siya sa pagkain sa bahay, narito, ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ay nagsirating at nagsiupong kasalo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad. 11 At nang makita ito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniyang mga alagad, Bakit sumasalo ang inyong Guro sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan? 12 Datapuwa't nang ito'y marinig niya, ay kaniyang sinabi, Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. 13 Datapuwa't magsihayo kayo at inyong pagaralan kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig ko, at hindi hain: sapagka't hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan. 14 Nang magkagayo'y nagsilapit sa kaniya ang mga alagad ni Juan, na nangagsabi, Bakit kami at ang mga Fariseo ay nangagaayunong madalas, datapuwa't hindi nangagaayuno ang mga alagad mo? 15 At sinabi sa kanila ni Jesus, Mangyayari bagang mangagluksa ang mga abay sa kasalan, samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila? datapuwa't darating ang mga araw, na ang kasintahang lalake ay aalisin sa kanila, at kung magkagayo'y mangagaayuno sila. 16 At sinoma'y hindi nagtatagpi ng bagong kayo sa damit na luma; sapagka't ang tagpi ay bumabatak sa damit, at lalong lumalala ang punit. 17 Hindi rin nagsisilid ng bagong alak sa mga balat na luma: sa ibang paraan ay nangagpuputok ang mga balat, at nangabububo ang alak, at nangasisira ang mga balat: kundi isinisilid ang bagong alak sa mga bagong balat, at kapuwa nagsisitagal. 18 Samantalang sinasalita niya ang mga bagay na ito sa kanila, narito, dumating ang isang pinuno, at siya'y sinamba, na nagsasabi, Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae: datapuwa't halina at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya, at siya'y mabubuhay. 19 At si Jesus ay nagtindig, at sumama sa kaniya, pati ng kaniyang mga alagad. 20 At narito, isang babaing inaagasang may labingdalawang taon na, ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit: 21 Sapagka't sinabi niya sa kaniyang kalooban, Kung mahipo ko man lamang ang kaniyang damit, ay gagaling ako. 22 Datapuwa't paglingon ni Jesus at pagkakita sa kaniya, ay sinabi, Anak, laksan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya. At gumaling ang babae mula sa oras na yaon. 23 At nang pumasok si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita ang mga tumutugtog ng mga plauta, at ang mga taong nangagkakagulo, 24 Ay sinabi niya, Magparaan kayo: sapagka't hindi patay ang dalaga, kundi natutulog. At tinawanan nila siya na nililibak. 25 Datapuwa't nang mapalabas na ang mga tao, ay pumasok siya, at tinangnan niya siya sa kamay; at nagbangon ang dalaga. 26 At kumalat ang pagkabantog na ito sa buong lupang yaon. 27 At pagkaraan doon ni Jesus ay sinundan siya ng dalawang lalaking bulag, na nangagsisisigaw, at nangagsasabi, Mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David. 28 At nang pumasok siya sa bahay, ay nagsilapit sa kaniya ang mga lalaking bulag: at sinabi sa kanila ni Jesus, Nagsisisampalataya baga kayo na magagawa ko ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo, Panginoon. 29 Nang magkagayo'y kaniyang hinipo ang mga mata nila, na sinasabi, Alinsunod sa inyong pananampalataya ay siyang mangyari sa inyo. 30 At nangadilat ang kanilang mga mata. At mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila, na sinasabi, Ingatan ninyong sinoma'y huwag makaalam nito. 31 Datapuwa't sila'y nagsialis, at kanilang inilathala ang kaniyang kabantugan sa buong lupang yaon. 32 At samantalang sila'y nagsisialis, narito, sa kaniya'y dinala ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonio. 33 At nang mapalabas ang demonio, ay nagsalita ang lalaking pipi: at nangagtaka ang mga karamihan, na nangagsasabi, Kailan ma'y hindi nakita sa Israel ang ganito. 34 Datapuwa't sinabi ng mga Fariseo, sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio. 35 At nililibot ni Jesus ang lahat ng mga bayan at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at pinagagaling ang sarisaring sakit at ang sarisaring karamdaman. 36 Datapuwa't nang makita niya ang mga karamihan, ay nahabag siya sa kanila, sapagka't pawang nangahahapis at nangangalat, na gaya ng mga tupa na walang pastor. 37 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Katotohana'y ang aanihin ay marami, datapuwa't kakaunti ang mga manggagawa. 38 Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.
1 At pinalapit niya sa kaniya ang kaniyang labingdalawang alagad, at binigyan niya sila ng kapamahalaan laban sa mga karumaldumal na espiritu, upang mapalabas nila, at upang kanilang mapagaling ang lahat ng sarisaring sakit at ang lahat ng sarisaring karamdaman. 2 Ang mga pangalan nga ng labingdalawang apostol ay ito: Ang una'y si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kaniyang kapatid na si Juan; 3 Si Felipe, at si Bartolome; si Tomas, at si Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo at si Tadeo; 4 Si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, na siya ring sa kaniya'y nagkanulo. 5 Ang labingdalawang ito'y sinugo ni Jesus, at sila'y pinagbilinan, na sinasabi, Huwag kayong magsitungo sa alin mang daan ng mga Gentil, at huwag kayong magsipasok sa alin mang bayan ng mga taga Samaria: 6 Kundi bagkus magsiparoon kayo sa mga tupang nangawaglit sa bahay ni Israel. 7 At samantalang kayo'y nangaglalakad, ay magsipangaral kayo, na mangagsabi, Ang kaharian ng langit ay malapit na. 8 Mangagpagaling kayo ng mga may sakit, mangagpabangon kayo ng mga patay, mangaglinis kayo ng mga ketong, mangagpalabas kayo ng mga demonio: tinanggap ninyong walang bayad, ay ibigay ninyong walang bayad. 9 Huwag kayong mangagbaon ng ginto, kahit pilak, kahit tanso sa inyong mga supot: 10 Kahit supot ng pagkain sa paglalakad, kahit dalawang tunika, kahit mga pangyapak, o tungkod: sapagka't ang manggagawa ay karapatdapat sa kaniyang pagkain. 11 At sa alin mang bayan o nayon na inyong pasukin, siyasatin ninyo kung sino roon ang karapatdapat; at magsitahan kayo roon hanggang sa kayo'y magsialis. 12 At pagpasok ninyo sa bahay, ay batiin ninyo ito. 13 At kung karapatdapat ang bahay, ay dumoon ang inyong kapayapaan: datapuwa't kung hindi karapatdapat, ay mabalik sa inyo ang kapayapaan ninyo. 14 At sinomang hindi tumanggap sa inyo, ni duminig sa inyong mga pananalita, pagalis ninyo sa bahay o bayang yaon, ay ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa. 15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Higit na mapagpapaumanhinan ang lupa ng Sodoma at ng Gomorra sa araw ng paghuhukom, kay sa bayang yaon. 16 Narito, sinusugo ko kayong gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo: mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati. 17 Datapuwa't mangagpakaingat kayo sa mga tao: sapagka't kayo'y ibibigay nila sa mga Sanedrin at kayo'y hahampasin sa kanilang mga sinagoga; 18 Oo at kayo'y dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, sa pagpapatotoo sa kanila at sa mga Gentil. 19 Datapuwa't pagka kayo'y ibinigay nila, huwag ninyong ikabalisa kung paano o kung ano ang inyong sasabihin: sapagka't sa oras na yaon ay ipagkakaloob sa inyo ang inyong sasabihin. 20 Sapagka't hindi kayo ang mangagsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang sa inyo'y magsasalita. 21 At ibibigay ng kapatid ang kapatid sa kamatayan, at ng ama ang kaniyang anak: at mangaghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at sila'y ipapapatay. 22 At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan: datapuwa't ang magtitiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas. 23 Datapuwa't pagka kayo'y pinagusig nila sa isang bayang ito, ay magsitakas kayo tungo sa kasunod na bayan: sapagka't sa katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ninyo matatapos libutin ang mga bayan ng Israel, hanggang sa pumarito ang Anak ng tao. 24 Hindi mataas ang alagad sa kaniyang guro, ni hindi rin mataas ang alila sa kaniyang panginoon. 25 Sukat na sa alagad ang maging katulad ng kaniyang guro, at sa alila ang maging katulad ng kaniyang panginoon. Kung pinanganlan nilang Beelzebub ang panginoon ng sangbahayan, gaano pa kaya ang mga kasangbahay niya! 26 Huwag nga ninyo silang katakutan: sapagka't walang bagay na natatakpan, na hindi mahahayag; at natatago na hindi malalaman. 27 Ang sinasabi ko sa inyo sa kadiliman, ay sabihin ninyo sa kaliwanagan; at ang narinig ninyo sa bulong, ay inyong ipagsigawan sa mga bubungan. 28 At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa't hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo'y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impierno. 29 Hindi baga ipinagbibili ng isang beles ang dalawang maya? at kahit isa sa kanila'y hindi mahuhulog sa lupa kung hindi pahintulot ng inyong Ama: 30 Datapuwa't maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat. 31 Huwag nga kayong mangatakot: kayo'y lalong mahalaga kay sa maraming maya. 32 Kaya't ang bawa't kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit. 33 Datapuwa't sinomang sa aki'y magkaila sa harap ng mga tao, ay ikakaila ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit. 34 Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak. 35 Sapagka't ako'y naparito upang papagalitin ang lalake laban sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyanang babae: 36 At ang magiging kaaway ng tao ay ang kaniya ring sariling kasangbahay. 37 Ang umiibig sa ama o sa ina ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin. 38 At ang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin, ay hindi karapatdapat sa akin. 39 Ang nakasusumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon. 40 Ang tumatanggap sa inyo ay ako ang tinatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng ganti ng isang propeta: at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa pangalan ng isang taong matuwid ay tatanggap ng ganti ng isang taong matuwid. 42 At sinomang magpainom sa isa sa maliliit na ito ng kahit isang sarong tubig na malamig, dahil sa pangalang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo na hindi mawawala ang ganti sa kaniya.
1 At nangyari, na nang matapos nang masabi ni Jesus ang kaniyang mga utos sa kaniyang labingdalawang alagad, ay umalis siya roon upang magturo at mangaral sa mga bayan nila. 2 Nang marinig nga ni Juan sa bilangguan ang mga gawa ni Cristo, ay nagpasugo siya sa pamamagitan ng kaniyang mga alagad, 3 At sinabi sa kaniya, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba? 4 At sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangaririnig at nangakikita: 5 Ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nangakalalakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, at ang mga patay ay ibinabangon, at sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita. 6 At mapalad ang sinomang hindi makasumpong ng anomang katitisuran sa akin. 7 At samantalang ang mga ito'y nagsisiyaon ng kanilang lakad, ay nagpasimula si Jesus na magsalita sa mga karamihan tungkol kay Juan, Ano ang nilabas ninyo upang masdan sa ilang? isang tambo na inuuga ng hangin? 8 Datapuwa't ano ang nilabas ninyo upang makita? isang taong nararamtan ng mga damit na maseselan? Narito, ang mga nagsisipanamit ng maseselan ay nangasa mga bahay ng mga hari. 9 Datapuwa't ano ang nilabas ninyo? upang makita ang isang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at lalo pang higit kay sa isang propeta. 10 Ito yaong tungkol sa kaniya'y nasusulat, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo. 11 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa gitna ng mga ipinanganganak ng mga babae ay walang lumitaw na isang dakila kay sa kay Juan Bautista: gayon man ang lalong maliit sa kaharian ng langit ay lalong dakila kay sa kaniya. 12 At mula sa mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay nagbabata ng karahasan, at kinukuha nang sapilitan ng mga taong mararahas. 13 Sapagka't ang lahat ng mga propeta at ang kautusan hanggang kay Juan ay nagsipanghula. 14 At kung ibig ninyong tanggapin, ay siya'y si Elias na paririto. 15 Ang may mga pakinig upang ipakinig, ay makinig. 16 Datapuwa't sa ano ko itutulad ang lahing ito? Tulad sa mga batang nangakaupo sa mga pamilihan, na sinisigawan ang kanilang mga kasama. 17 At sinasabi, Tinutugtugan namin kayo ng plauta, at hindi kayo nagsisisayaw; nagsipanambitan kami, at hindi kayo nangahapis. 18 Sapagka't naparito si Juan na hindi kumakain o umiinom man, at sinasabi nila, Siya'y mayroong demonio. 19 Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom, at sinasabi nila, Narito, ang isang matakaw na tao at isang manginginom ng alak, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan! At ang karunungan ay inaaring-ganap ng kaniyang mga gawa. 20 Nang magkagayo'y kaniyang pinasimulang sumbatan ang mga bayan na pinaggagawan niya ng lalong marami sa kaniyang mga gawang makapangyarihan, sapagka't hindi sila nangagsisi. 21 Sa aba mo, Corazin! sa aba mo, Bethsaida! sapagka't kung sa Tiro at sa Sidon sana ginawa ang mga gawang makapangyarihan na ginawa sa inyo, malaon na dising nangagsisi na may mga damit na magaspang at abo. 22 Nguni't sinasabi ko sa inyo na higit na mapagpapaumanhinan ang Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom, kay sa inyo. 23 At ikaw, Capernaum, magpapakataas ka baga hanggang sa langit? ibababa ka hanggang sa Hades: sapagka't kung sa Sodoma sana ginawa ang mga makapangyarihang gawang sa iyo'y ginawa, ay nanatili sana siya hanggang sa araw na ito. 24 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo na higit na mapagpapaumanhinan ang lupa ng Sodoma sa araw ng paghuhukom, kay sa iyo. 25 Nang panahong yaon ay sumagot si Jesus at sinabi, Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Oh Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, na iyong inilihim ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol: 26 Oo nga, Ama, sapagka't gayon ang nakalugod sa iyong paningin. 27 Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama: at sinoma'y hindi nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at sinoma'y hindi nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak. 28 Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin. 29 Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. 30 Sapagka't malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.
1 Nang panahong yaon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa mga bukiran ng trigo; at nangagutom ang kaniyang mga alagad at nangagpasimulang magsikitil ng mga uhay at magsikain. 2 Datapuwa't pagkakita nito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniya, Tingnan mo, ginagawa ng mga alagad mo ang hindi matuwid na gawin sa sabbath. 3 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Hindi baga ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya'y nagutom, at ang mga kasamahan niya; 4 Kung paanong siya'y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain siya ng mga tinapay na handog, na hindi matuwid na kanin niya, ni ng mga kasamahan niya, kundi ng mga saserdote lamang? 5 O hindi baga ninyo nabasa sa kautusan, kung papaanong sa mga araw ng sabbath ay niwawalang galang ng mga saserdote sa templo ang sabbath, at hindi nangagkakasala? 6 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na dito ay may isang lalong dakila kay sa templo. 7 Datapuwa't kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig ko, at hindi hain, ay hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang kasalanan. 8 Sapagka't ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath. 9 At siya'y umalis doon at pumasok sa sinagoga nila: 10 At narito, may isang tao na tuyo ang isang kamay. At sa kaniya'y itinanong nila, na sinasabi, Matuwid bagang magpagaling sa araw ng sabbath? upang siya'y kanilang maisumbong. 11 At sinabi niya sa kanila, Sino kaya sa inyo, na kung mayroong isang tupa, na kung mahulog ito sa isang hukay sa araw ng sabbath, ay hindi baga niya aabutin, at hahanguin? 12 Gaano pa nga ang isang tao na may halaga kay sa isang tupa! Kaya't matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng sabbath. 13 Nang magkagayo'y sinabi niya sa lalake, Iunat mo ang iyong kamay. At iniunat niya; at napauling walang sakit, na gaya ng isa. 14 Datapuwa't nagsialis ang mga Fariseo, at nangagpulong laban sa kaniya, kung papaanong siya'y maipapupuksa nila. 15 At pagkahalata nito ni Jesus ay lumayo roon: at siya'y sinundan ng marami; at kaniyang pinagaling silang lahat, 16 At ipinagbilin niya sa kanila, na siya'y huwag nilang ihayag: 17 Upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi, 18 Narito, ang lingkod ko na aking hinirang; At minamahal ko na kinalulugdan ng aking kaluluwa: Isasakaniya ko ang aking Espiritu, At ihahayag niya ang paghuhukom sa mga Gentil. 19 Hindi siya makikipagtalo, ni sisigaw; Ni maririnig man ng sinoman ang kaniyang tinig sa mga lansangan. 20 Hindi niya babaliin ang tambong gapok, At hindi papatayin ang timsim na umuusok, Hanggang sa papagtagumpayin ang paghuhukom. 21 At aasa sa kaniyang pangalan ang mga Gentil. 22 Nang magkagayo'y dinala sa kaniya ang isang inaalihan ng demonio, bulag at pipi, at kaniyang pinagaling, ano pa't ang pipi ay nagsalita at nakakita. 23 At ang buong karamihan ay nangagtaka, at nangagsabi, Ito kaya ang Anak ni David? 24 Datapuwa't nang marinig ito ng mga Fariseo, ay kanilang sinabi, Ang taong ito'y hindi nagpapalabas ng mga demonio, kundi sa pamamagitan ni Beelzebub na prinsipe ng mga demonio. 25 At pagkaalam niya ng mga iniisip nila, ay sinabi niya sa kanila, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay mawawasak; ang bawa't bayan o bahay na nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili. 26 At kung pinalalabas ni Satanas si Satanas, siya nababahagi laban sa kaniyang sarili; papaano ngang mananatili ang kaniyang kaharian? 27 At kung sa pamamagitan ni Beelzebub ay nagpapalabas ako ng mga demonio, ang inyong mga anak sa kaninong pamamagitan sila'y pinalalabas? kaya nga sila ang inyong magiging mga hukom. 28 Nguni't kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios nagpapalabas ako ng mga demonio, ay dumating nga sa inyo ang kaharian ng Dios. 29 O papaano bagang makapapasok ang sinoman sa bahay ng malakas, at samsamin ang kaniyang mga pag-aari, kung hindi muna gapusin ang malakas? at kung magkagayo'y masasamsaman niya ang kaniyang bahay. 30 Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin; at ang hindi nagiimpok na kasama ko ay nagsasambulat. 31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwa't ang kapusungang laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad. 32 At ang sinomang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kaniya; datapuwa't ang sinomang magsalita laban sa Espiritu Santo, ay hindi ipatatawad sa kaniya, kahit sa sanglibutang ito, o maging sa darating. 33 O pabutihin ninyo ang punong kahoy, at mabuti ang bunga niyaon; o pasamain ninyo ang punong kahoy, at masama ang bunga niyaon: sapagka't ang punong kahoy ay nakikilala sa pamamagitan ng kaniyang bunga. 34 Kayong lahi ng mga ulupong, papaano kayo na masasama, ay makapagsasalita ng mabubuting bagay? sapagka't sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig. 35 Ang mabuting tao sa kaniyang mabuting kayamanan ay kumukuha ng mabubuting bagay: at ang masamang tao sa kaniyang masamang kayamanan ay kumukuha ng masasamang bagay. 36 At sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't salitang walang kabuluhang sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom. 37 Sapagka't sa iyong mga salita ikaw ay magiging banal, at sa iyong mga salita ay hahatulan ka. 38 Nang magkagayo'y nagsisagot sa kaniya ang ilan sa mga eskriba at sa mga Fariseo, na nangagsasabi, Guro, ibig namin makakita ng isang tanda sa iyo. 39 Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng isang tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda kundi ng tanda ng propeta Jonas: 40 Sapagka't kung paanong si Jonas ay napasa tiyan ng isang balyena na tatlong araw at tatlong gabi; ay gayon ding mapapasa ilalim ng lupa na tatlong araw at tatlong gabi ang Anak ng tao. 41 Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Nineve na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't sila'y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas. 42 Magbabangon sa paghuhukom ang reina ng timugan na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't siya'y nanggaling sa mga wakas ng lupa upang pakinggan ang karunungan ni Salomon; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Salomon. 43 Datapuwa't ang karumaldumal na espiritu, kung siya'y lumabas sa tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig na humahanap ng kapahingahan, at hindi makasumpong. 44 Kung magkagayo'y sinasabi niya, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko; at pagdating niya, ay nasusumpungan niyang walang laman, walis na, at nagagayakan. 45 Kung magkagayo'y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama kay sa kaniya, at sila'y nagsisipasok at nagsisitahan doon: at nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kay sa una. Gayon din ang mangyayari sa masamang lahing ito. 46 Samantalang siya'y nagsasalita pa sa mga karamihan, narito, ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid ay nangakatayo sa labas, at ibig nilang siya'y makausap. 47 At may nagsabi sa kaniya, Narito, ang iyong ina at ang iyong mga kapatid ay nangakatayo sa labas, na ibig nilang makausap ka. 48 Nguni't siya'y sumagot at sinabi sa nagsabi sa kaniya, Sino ang aking ina? at sino-sino ang aking mga kapatid? 49 At iniunat niya ang kaniyang kamay sa kaniyang mga alagad, at sinabi, Narito, ang aking ina at ang aking mga kapatid! 50 Sapagka't sinomang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit, ay siyang aking kapatid na lalake at aking kapatid na babae, at ina.
1 Nang araw na yaon ay lumabas si Jesus sa bahay, at naupo sa tabi ng dagat. 2 At nakisama sa kaniya ang lubhang maraming tao, ano pa't lumulan siya sa isang daong, at naupo; at ang buong karamihan ay nangakatayo sa baybayin. 3 At pinagsalitaan niya sila ng maraming mga bagay sa mga talinghaga, na sinasabi, Narito, ang manghahasik ay yumaon upang maghasik. 4 At sa paghahasik niya, ay nangahulog ang ilang binhi sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at kinain nila; 5 At ang mga iba'y nangahulog sa mga batuhan, na doo'y walang sapat na lupa: at pagdaka'y sumibol, sapagka't hindi malalim ang lupa: 6 At pagsikat ng araw ay nangainitan; at dahil sa walang ugat, ay nangatuyo. 7 At ang mga iba'y nangahulog sa mga dawagan, at nagsilaki ang mga dawag, at ininis ang mga yaon. 8 At ang mga iba'y nangahulog sa mabuting lupa, at nangagbunga, ang ila'y tigisang daan, at ang ila'y tigaanim na pu, at ang ila'y tigtatatlongpu. 9 At ang may mga pakinig, ay makinig. 10 At nagsilapit ang mga alagad, at sinabi nila sa kaniya, Bakit mo sila pinagsasalitaan sa mga talinghaga? 11 At sumagot siya at sinabi sa kanila, Sa inyo'y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng langit, datapuwa't hindi ipinagkaloob sa kanila. 12 Sapagka't sinomang mayroon ay bibigyan, at siya'y magkakaroon ng sagana: nguni't sinomang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kaniya. 13 Kaya't sila'y pinagsasalitaan ko sa mga talinghaga; sapagka't nagsisitingin ay hindi sila nangakakakita, at nangakikinig ay hindi sila nangakakarinig, ni hindi sila nangakakaunawa. 14 At natutupad sa kanila ang hula ni Isaias, na sinasabi, Sa pakikinig ay inyong maririnig, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mapaguunawa; At sa pagtingin ay inyong makikita, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mamamalas: 15 Sapagka't kumapal ang puso ng bayang ito, At mahirap na mangakarinig ang kanilang mga tainga, At kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, At mangakarinig ng kanilang mga tainga, At mangakaunawa ng kanilang puso, At muling mangagbalik loob, At sila'y aking pagalingin. 16 Datapuwa't mapapalad ang inyong mga mata, sapagka't nangakakakita; at ang iyong mga tainga, sapagka't nangakakarinig. 17 Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hinangad na makita ng maraming propeta at ng mga taong matuwid ang inyong nakikita, at hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, at hindi nila narinig. 18 Pakinggan nga ninyo ang talinghaga tungkol sa manghahasik. 19 Kung ang sinoman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at ito'y hindi niya napaguunawa, ay pinaroroonan ng masama, at inaagaw ang nahasik sa kaniyang puso. Ito yaong nahasik sa tabi ng daan. 20 At ang nahasik sa mga batuhan, ay yaong nakikinig ng salita, at pagdaka'y tinatanggap ito ng buong galak; 21 Gayon ma'y wala siyang ugat sa kaniyang sarili, kundi sangdaling tumatagal; at pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa salita, ay pagdaka'y natitisod siya. 22 At ang nahasik sa mga dawagan, ay yaong dumirinig ng salita; nguni't ang pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, ay siyang umiinis sa salita, at yao'y nagiging walang bunga. 23 At ang nahasik sa mabuting lupa, ay siyang dumirinig, at nakauunawa ng salita; na siyang katotohanang nagbubunga, ang ila'y tigisang daan, ang ila'y tigaanim na pu, at ang ila'y tigtatatlongpu. 24 Sinaysay niya sa kanila ang ibang talinghaga, na sinasabi, Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukid: 25 Datapuwa't samantalang nangatutulog ang mga tao, ay dumating ang kaniyang kaaway at naghasik naman ng mga pangsirang damo sa pagitan ng trigo, at umalis. 26 Datapuwa't nang sumibol ang usbong at mamunga, ay lumitaw nga rin ang mga pangsirang damo. 27 At ang mga alipin ng puno ng sangbahayan ay nagsiparoon at nangagsabi sa kaniya, Ginoo, hindi baga naghasik ka ng mabuting binhi sa iyong bukid? saan kaya nangagmula ang mga pangsirang damo? 28 At sinabi niya sa kanila, Isang kaaway ang gumawa nito. At sinabi sa kaniya ng mga alipin, Ibig mo baga na kami nga'y magsiparoon at ang mga yao'y pagtipunin? 29 Datapuwa't sinabi niya, Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga pangsirang damo, ay inyong mabunot pati ng trigo. 30 Pabayaan ninyong magsitubo kapuwa hanggang sa panahon ng pagaani: at sa panahon ng pagaani ay sasabihin ko sa mga mangaani, Tipunin muna ninyo ang mga pangsirang damo, at inyong pagbibigkisin upang sunugin; datapuwa't tipunin ninyo ang trigo sa aking bangan. 31 Sinaysay niya sa kanila ang ibang talinghaga, na sinasabi, Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mostasa, na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kaniyang bukid: 32 Na siya ngang lalong maliit sa lahat ng mga binhi; datapuwa't nang tumubo, ay lalong malaki kay sa mga gulay, at nagiging punong kahoy, ano pa't nagsisiparoon ang mga ibon sa langit at sumisilong sa kaniyang mga sanga. 33 Sinalita niya sa kanila ang ibang talinghaga: Ang kaharian ng langit ay tulad sa lebadura, na kinuha ng isang babae, at itinago sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nalebadurahang lahat. 34 Lahat ng mga bagay na ito'y sinabi ni Jesus sa mga karamihan sa mga talinghaga; at kung hindi sa talinghaga ay hindi niya sila kinakausap: 35 Upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, Bubukhin ko ang aking bibig sa mga talinghaga; Sasaysayin ko ang mga natatagong bagay buhat nang itatag ang sanglibutan. 36 Nang magkagayon ay iniwan niya ang mga karamihan, at pumasok sa bahay: at sa kaniya'y nagsilapit ang kaniyang mga alagad, na nagsisipagsabi, Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga tungkol sa mga pangsirang damo sa bukid. 37 At siya'y sumagot at nagsabi, Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng tao; 38 At ang bukid ay ang sanglibutan; at ang mabuting binhi, ay ito ang mga anak ng kaharian: at ang mga pangsirang damo ay ang mga anak ng masama; 39 At ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diablo: at ang pagaani ay ang katapusan ng sanglibutan; at ang mga mangaani ay ang mga anghel. 40 Kung paano ang pagtipon sa mga pangsirang damo at pagsunog sa apoy; gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan. 41 Susuguin ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at kanilang titipunin sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na nangakapagpapatisod, at ang nagsisigawa ng katampalasanan, 42 At sila'y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin. 43 Kung magkagayo'y mangagliliwanag ang mga matuwid na katulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang may mga pakinig, ay makinig. 44 Tulad ang kaharian ng langit sa natatagong kayamanan sa bukid; na nasumpungan ng isang tao, at inilihim; at sa kaniyang kagalaka'y yumaon at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili ang bukid na yaon. 45 Gayon din naman, ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong nangangalakal na humahanap ng magagandang perlas: 46 At pagkasumpong ng isang mahalagang perlas, ay yumaon siya at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili yaon. 47 Tulad din naman ang kaharian ng langit sa isang lambat, na inihulog sa dagat, na nakahuli ng sarisaring isda: 48 Na, nang mapuno, ay hinila nila sa pampang; at sila'y nagsiupo, at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, datapuwa't itinapon ang masasama. 49 Gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan: lalabas ang mga anghel, at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid, 50 At sila'y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin. 51 Napagunawa baga ninyo ang lahat ng mga bagay na ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo. 52 At sinabi niya sa kanila, Kaya't ang bawa't eskriba na ginagawang alagad sa kaharian ng langit ay tulad sa isang taong puno ng sangbahayan, na naglalabas sa kaniyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma. 53 At nangyari, na nang matapos ni Jesus ang mga talinghagang ito, ay umalis siya doon. 54 At pagdating sa kaniyang sariling lupain, ay kaniyang tinuruan sila sa kanilang sinagoga, ano pa't sila'y nangagtaka, at nangagsabi, Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan, at ng ganitong mga makapangyarihang gawa? 55 Hindi baga ito ang anak ng anluwagi? hindi baga tinatawag na Maria ang kaniyang ina? at Santiago, at Jose, at Simon, at Judas ang kaniyang mga kapatid? 56 At ang kaniyang mga kapatid na babae, hindi baga silang lahat ay nanga sa atin? Saan nga kumuha ang taong ito ng lahat ng ganitong mga bagay? 57 At siya'y kinatisuran nila. Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Walang propeta na di may kapurihan, liban sa kaniyang sariling lupain, at sa kaniyang sariling bahay. 58 At siya'y hindi gumawa roon ng maraming makapangyarihang gawa dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.
1 Nang panahong yao'y narinig ni Herodes na tetrarka ang balita tungkol kay Jesus, 2 At sinabi sa kaniyang mga tagapaglingkod, Ito'y si Juan Bautista; siya'y muling nagbangon sa mga patay; kaya't ang mga kapangyarihang ito ay nagsisigawa sa kaniya. 3 Sapagka't hinuli ni Herodes si Juan, at siya'y iginapos, at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Felipe na kaniyang kapatid. 4 Sapagka't sinabi ni Juan sa kaniya, Hindi matuwid sa iyo na aariin mo siya. 5 At nang ibig niyang ipapatay siya, ay natakot siya sa karamihan, sapagka't siya'y kanilang ibinibilang na propeta. 6 Datapuwa't nang dumating ang araw na kapanganakan kay Herodes, ay sumayaw sa gitna ang anak na babae ni Herodias, at kinalugdan ni Herodes. 7 Dahil dito'y kaniyang ipinangakong may sumpa na sa kaniya'y ibibigay ang anomang hingin niya. 8 At siya, na inudyukan ng kaniyang ina, ay nagsabi, Ibigay mo sa akin dito na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista. 9 At namanglaw ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang mga sumpa, at sa nangakaupong kasalo niya sa dulang, ay ipinagutos niyang ibigay na sa kaniya; 10 At nagutos siya at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 11 At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga: at dinala nito sa kaniyang ina. 12 At ang kaniyang mga alagad ay nagsiparoon, at kanilang binuhat ang bangkay, at kanilang inilibing; at sila'y nagsialis at isinaysay kay Jesus. 13 Nang marinig nga ito ni Jesus, ay lumigpit sila mula roon, sa isang daong na nasa isang dakong ilang na bukod: at nang mabalitaan ito ng mga karamihan, ay nangaglakad sila na sumunod sa kaniya mula sa mga bayan. 14 At siya'y lumabas, at nakita ang isang malaking karamihan, at nahabag siya sa kanila, at pinagaling niya ang sa kanila'y mga may sakit. 15 At nang nagtatakipsilim na, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Ilang ang dakong ito, at lampas na sa panahon; paalisin mo na ang mga karamihan, upang sila'y magsiparoon sa mga nayon, at sila'y mangakabili ng kanilang makakain. 16 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi kailangang sila'y magsialis; bigyan ninyo sila ng makakain. 17 At sinasabi nila sa kaniya, Wala tayo rito kundi limang tinapay at dalawang isda. 18 At sinabi niya, Dalhin ninyo rito sa akin. 19 At ipinagutos niya sa mga karamihan na sila'y magsiupo sa damuhan; at kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol at ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan. 20 At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at kanilang pinulot ang lumabis na pinagputolputol, na labingdalawang bakol na puno. 21 At ang mga nagsikain ay may limang libong lalake, bukod pa ang mga babae at ang mga bata. 22 At pagdaka'y pinapagmadali niya ang kaniyang mga alagad na magsilulan sa daong, at magsiuna sa kaniya sa kabilang ibayo, hanggang pinayayaon niya ang mga karamihan. 23 At pagkatapos na mapayaon niya ang mga karamihan, ay umahon siyang bukod sa bundok upang manalangin: at nang gumabi na, ay siya'y nagiisa doon. 24 Datapuwa't ang daong ay nasa gitna na ng dagat, na hinahampas ng mga alon; sapagka't pasalungat sa hangin. 25 At sa ikaapat na pagpupuyat ng gabi ay naparoon siya sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat. 26 At nang makita siya ng mga alagad na lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay nangagulumihanan sila, na nangagsasabi, Multo! at sila'y nagsisigaw dahil sa takot. 27 Datapuwa't pagdaka'y nagsalita sa kanila si Jesus, na nagsasabi, Laksan ninyo ang inyong loob; ako nga: huwag kayong mangatakot. 28 At sumagot sa kaniya si Pedro, at nagsabi, Panginoon, kung ikaw nga, ay papariyanin mo ako sa iyo sa ibabaw ng tubig. 29 At sinabi niya, Halika. At lumunsad si Pedro sa daong, at lumakad sa ibabaw ng tubig upang pumaroon kay Jesus. 30 Datapuwa't pagkakita niyang malakas ang hangin, ay natakot siya, at nang siya'y malulubog, ay sumigaw, na nagsasabi, Panginoon, iligtas mo ako. 31 At pagdaka'y iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya, at sa kaniya'y sinabi, Oh ikaw na kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nagalinglangan? 32 At pagkalulan nila sa daong, ay humimpil ang hangin. 33 At ang mga nasa daong ay nagsisamba sa kaniya, na nangagsasabi, Tunay na ikaw ang Anak ng Dios. 34 At nang makatawid na sila, ay narating nila ang lupa ng Genezaret. 35 At nang siya'y makilala ng mga tao sa dakong yaon, ay nangagpabalita sila sa palibotlibot ng buong lupaing yaon, at sa kaniya'y dinala ang lahat ng mga may sakit; 36 At ipinamamanhik nila sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit: at ang lahat ng nangagsihipo ay pawang nagsigaling.
1 Nang magkagayo'y nagsilapit kay Jesus na mula sa Jerusalem ang mga Fariseo at ang mga eskriba, na nagsisipagsabi, 2 Bakit ang iyong mga alagad ay nagsisilabag sa sali't-saling sabi ng matatanda? sapagka't hindi sila nangaghuhugas ng kanilang mga kamay pagka nagsisikain sila ng tinapay. 3 At siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bakit naman kayo'y nagsisilabag sa utos ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi? 4 Sapagka't sinabi ng Dios, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: at, Ang manungayaw sa ama at sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala. 5 Datapuwa't sinasabi ninyo, Sinomang magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, Yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay hain ko na sa Dios: 6 Ay hindi niya igagalang ang kaniyang ama. At niwalan ninyong kabuluhan ang salita ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi. 7 Kayong mga mapagpaimbabaw, mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, na nagsasabi, 8 Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kanilang mga labi; Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin. 9 Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao. 10 At pinalapit niya sa kaniya ang karamihan, at sa kanila'y sinabi, Pakinggan ninyo, at unawain. 11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang siyang nakakahawa sa tao; kundi ang lumalabas sa bibig, ito ang nakakahawa sa tao. 12 Nang magkagayo'y nagsilapit ang mga alagad, at sa kaniya'y sinabi, Nalalaman mo bagang nangagdamdam ang mga Fariseo, pagkarinig nila ng pananalitang ito? 13 Datapuwa't sumagot siya at sinabi, Ang bawa't halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa kalangitan, ay bubunutin. 14 Pabayaan ninyo sila: sila'y mga bulag na tagaakay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapuwa sila mangahuhulog sa hukay. 15 At sumagot si Pedro, at sinabi sa kaniya, Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga. 16 At sinabi niya, Kayo baga nama'y wala pa ring pagiisip? 17 Hindi pa baga ninyo nalalaman, na ang anomang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi? 18 Datapuwa't ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay sa puso nanggagaling; at siyang nangakakahawa sa tao. 19 Sapagka't sa puso nanggagaling ang masasamang pagiisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagsaksi sa di katotohanan, mga pamumusong: 20 Ito ang mga bagay na nangakakahawa sa tao; datapuwa't ang kumaing hindi maghugas ng mga kamay ay hindi makakahawa sa tao. 21 At umalis doon si Jesus, at lumigpit sa mga sakop ng Tiro at Sidon. 22 At narito, ang isang babaing Cananea na lumabas sa mga hangganang yaon, at nagsisigaw, na nagsasabi, Kahabagan mo ako, Oh Panginoon, ikaw na Anak ni David; ang aking anak na babae ay pinahihirapang lubha ng isang demonio. 23 Datapuwa't siya'y hindi sumagot ng anomang salita sa kaniya. At nilapitan siya ng kaniyang mga alagad at siya'y pinamanhikan, na nangagsasabi, Paalisin mo siya; sapagka't nagsisisigaw siya sa ating hulihan. 24 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi, Hindi ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel. 25 Datapuwa't lumapit siya at siya'y sinamba niya, na nagsasabi, Panginoon, saklolohan mo ako. 26 At siya'y sumagot at sinabi, Hindi marapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon sa mga aso. 27 Datapuwa't sinabi niya, Oo, Panginoon: sapagka't ang mga aso man ay nagsisikain ng mga mumo na nangalalaglag mula sa dulang ng kanilang mga panginoon. 28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Oh babae, malaki ang pananampalataya mo: mangyari sa iyo ayon sa ibig mo. At gumaling ang kaniyang anak mula sa oras na yaon. 29 At umalis si Jesus doon, at naparoon sa tabi ng dagat ng Galilea; at umahon sa bundok, at naupo doon. 30 At lumapit sa kaniya ang lubhang maraming tao, na may mga pilay, mga bulag, mga pipi, mga pingkaw, at iba pang marami, at sila'y kanilang inilagay sa kaniyang mga paanan; at sila'y pinagaling niya: 31 Ano pa't nangagtaka ang karamihan, nang mangakita nilang nangagsasalita ang mga pipi, nagsisigaling ang mga pingkaw, at nagsisilakad ang mga pilay, at nangakakakita ang mga bulag: at kanilang niluwalhati ang Dios ng Israel. 32 At pinalapit ni Jesus sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi, Nahahabag ako sa karamihan, sapagka't tatlong araw nang sila'y nagsisipanatili sa akin at wala silang makain: at di ko ibig na sila'y paalising nangagaayuno, baka sila'y manganglupaypay sa daan. 33 At sa kaniya'y sinabi ng mga alagad, Saan tayo mangakakakuha rito sa ilang ng sapat na daming tinapay na makabubusog sa ganyang lubhang napakaraming tao? 34 At sinabi ni Jesus sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? At sinabi nila, Pito, at ilang maliliit na isda. 35 At iniutos niya sa karamihan na magsiupo sa lupa; 36 At kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; at siya'y nagpasalamat at pinagputolputol, at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan. 37 At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at pinulot nila ang lumabis sa mga pinagputolputol, na pitong bakol na puno. 38 At silang nagsikain ay apat na libong lalake, bukod ang mga babae at mga bata. 39 At pinayaon niya ang mga karamihan at lumulan sa daong, at napasa mga hangganan ng Magdala.
1 At nagsilapit ang mga Fariseo at mga Saduceo, na tinutukso siya na sa kaniya'y nagsisihiling na sila'y pagpakitaan ng isang tanda na mula sa langit. 2 Datapuwa't siya'y sumagot at sa kanila'y sinabi, Sa kinahapunan, ay sinasabi ninyo, Bubuti ang panahon: sapagka't ang langit ay mapula. 3 At sa umaga, Ngayo'y uunos: sapagka't mapula at makulimlim ang langit. Kayo'y marurunong magsikilala ng anyo ng langit; datapuwa't hindi ninyo mangakilala ang mga tanda ng mga panahon. 4 Ang isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda, kundi ng tanda ni Jonas. At sila'y iniwan niya, at yumaon. 5 At nagsidating ang mga alagad sa kabilang ibayo at nangakalimot na mangagdala ng tinapay. 6 At sinabi sa kanila ni Jesus, Kayo'y mangagingat at magsipangilag sa lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo. 7 At sila'y nangagkatuwiranan sa kanilang sarili, na nagsasabi, Hindi tayo nangakapagbaon ng tinapay. 8 At nang matalastas ni Jesus ay sinabi, Oh kayong kakaunti ang pananampalataya, bakit kayo'y nangagbubulaybulay sa inyong sarili, sapagka't wala kayong tinapay? 9 Hindi pa baga ninyo natatalastas, at hindi ninyo naaalaala ang limang tinapay sa limang libong lalake, at kung ilang bakol ang inyong nailigpit? 10 Ni yaong pitong tinapay sa apat na libong lalake, at kung ilang bakol ang inyong nailigpit? 11 Ano't hindi ninyo napaguunawa na hindi ang sinabi ko sa inyo'y tungkol sa tinapay? Datapuwa't kayo'y mangagingat sa lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo. 12 Nang magkagayo'y kanilang natalastas na sa kanila'y hindi ipinagutos na sila'y magsipagingat sa lebadura ng tinapay, kundi sa mga aral ng mga Fariseo at ng mga Saduceo. 13 Nang dumating nga si Jesus sa mga sakop ng Cesarea ni Filipo, ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinasabi, Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ang Anak ng tao? 14 At kanilang sinabi, Anang ilan, Si Juan Bautista; ang ilan, Si Elias; at ang mga iba, Si Jeremias, o isa sa mga propeta. 15 Kaniyang sinabi sa kanila, Datapuwa't, ano ang sabi ninyo kung sino ako? 16 At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, Ang anak ng Dios na buhay. 17 At sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka't hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit. 18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya. 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit. 20 Nang magkagayo'y ipinagbilin niya sa mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya ang Cristo. 21 Mula ng panahong yao'y nagpasimulang ipinakilala ni Jesus sa kaniyang mga alagad, na kinakailangang siya'y pumaroon sa Jerusalem, at magbata ng maraming bagay sa matatanda at sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at siya'y patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw. 22 At isinama siya ni Pedro, at nagpasimulang siya'y pinagwikaan, na nagsasabi, Panginoon, malayo ito sa iyo: kailan man ay hindi mangyayari ito sa iyo. 23 Datapuwa't lumingon siya, at sinabi kay Pedro, Lumagay ka sa likuran ko, Satanas: ikaw ay tisod sa akin: sapagka't hindi mo pinagiisip ang mga bagay ng Dios, kundi ang mga bagay ng tao. 24 Nang magkagayo'y sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Kung ang sinomang tao'y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin. 25 Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon. 26 Sapagka't ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay? 27 Sapagka't ang Anak ng tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ang kaniyang mga anghel; at kung magkagayo'y bibigyan ang bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa. 28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayo rito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa kanilang makita ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian.
1 At pagkaraan ng anim na araw, ay isinama ni Jesus si Pedro, at si Santiago, at si Juan na kapatid niya, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok: 2 At nagbagong-anyo siya sa harap nila; at nagliwanag ang kaniyang mukha na katulad ng araw, at pumuting tulad sa ilaw ang kaniyang mga damit. 3 At narito, napakita sa kanila si Moises at si Elias na nakikipagusap sa kaniya. 4 At sumagot si Pedro, at sinabi kay Jesus, Panginoon, mabuti sa atin ang tayo'y dumito: kung ibig mo, ay gagawa ako rito ng tatlong tabernakulo; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias. 5 Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan. 6 At nang marinig ito ng mga alagad, ay nangasubasub sila, at lubhang nangatakot. 7 At lumapit si Jesus at sila'y tinapik, at sinabi, Mangagbangon kayo, at huwag kayong mangatakot. 8 At sa paglingap ng kanilang mga mata, ay wala silang nakitang sinoman, kundi si Jesus lamang. 9 At habang sila'y nagsisibaba mula sa bundok, ay iniutos sa kanila ni Jesus, na nagsasabi, Huwag ninyong sabihin kanino mang tao ang pangitain, hanggang sa ang Anak ng tao ay ibangon sa mga patay. 10 At tinanong siya ng kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Bakit nga sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang pumarito muna si Elias? 11 At sumagot siya, at sinabi, Katotohanang si Elias ay paririto, at isasauli ang lahat ng mga bagay: 12 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na naparito na si Elias, at hindi nila siya nakilala, kundi ginawa nila sa kaniya ang anomang kanilang inibig. Gayon din naman ang Anak ng tao ay magbabata sa kanila. 13 Nang magkagayo'y napagunawa ng mga alagad na si Juan Bautista ang sa kanila'y sinasabi niya. 14 At pagdating nila sa karamihan, ay lumapit sa kaniya ang isang lalake, na sa kaniya'y lumuhod, at nagsasabi, 15 Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalake: sapagka't siya'y himatayin, at lubhang naghihirap; sapagka't madalas na siya'y nagsusugba sa apoy, at madalas sa tubig. 16 At siya'y dinala ko sa iyong mga alagad, at hindi nila siya mapagaling. 17 At sumagot si Jesus at sinabi, Oh lahing walang pananampalataya at taksil, hanggang kailan titiisin ko kayo? dalhin ninyo siya rito sa akin. 18 At pinagwikaan siya ni Jesus; at ang demonio ay lumabas sa kaniya: at ang bata'y gumaling mula nang oras ding yaon. 19 Nang magkagayo'y nagsilapit na bukod ang mga alagad kay Jesus, at nangagsabi, Bakit baga hindi namin napalabas yaon? 20 At sinabi niya sa kanila, Dahil sa kakauntian ng inyong pananampalataya: sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito'y lilipat; at sa inyo'y hindi may pangyayari. 21 Datapuwa't ang ganito'y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno. 22 At samantalang sila'y nangakahimpil sa Galilea, ay sinabi sa kanila ni Jesus, Ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao; 23 At siya'y papatayin nila, at sa ikatlong araw ay siya'y muling ibabangon. At sila'y lubhang nangamanglaw, 24 At pagdating nila sa Capernaum, ay nangagsilapit kay Pedro ang mga maniningil ng kalahating siklo, at nangagsabi, Hindi baga pinagbabayaran ng inyong guro ang kalahating siklo? 25 Sinabi niya, Oo. At nang pumasok siya sa bahay, ay pinangunahan siya ni Jesus, na nagsasabi, Anong akala mo, Simon? ang mga hari sa lupa, kanino baga sila nanganiningil ng kabayaran ng buwis? sa kanilang mga anak baga o sa nangaiiba? 26 At nang sabihin niya, Sa nangaiiba, ay sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung gayo'y hindi nangagbabayad ang mga anak. 27 Datapuwa't, baka katisuran tayo nila, ay pumaroon ka sa dagat, at ihulog mo ang kawil, at kunin mo ang unang isdang lumitaw; at pagka naibuka mo na ang kaniyang bibig, ay masusumpungan mo ang isang siklo: kunin mo, at ibigay mo sa kanila sa ganang akin at sa iyo.
1 Nang oras na yaon ay nagsilapit ang mga alagad kay Jesus, na nangagsasabi, Sino nga baga ang pinakadakila sa kaharian ng langit? 2 At pinalapit niya sa kaniya ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila, 3 At sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo'y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit. 4 Sinoman ngang magpakababa na gaya ng maliit na batang ito, ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. 5 At sinomang tumanggap sa isa sa ganitong maliit na bata sa aking pangalan ay ako ang tinanggap: 6 Datapuwa't sinomang magbigay ng ikatitisod sa isa sa maliliit na ito na nagsisisampalataya sa akin, ay may pakikinabangin pa siya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y ilubog sa kalaliman ng dagat. 7 Sa aba ng sanglibutan dahil sa mga kadahilanan ng pagkatisod! sapagka't kinakailangang dumating ang mga kadahilanan; datapuwa't sa aba ng taong yaong panggalingan ng kadahilanan! 8 At kung ang kamay mo o ang paa mo ay makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo, at iyong itapon: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw o pilay, kay sa may dalawang kamay o dalawang paa na ibulid ka sa apoy na walang hanggan. 9 At kung ang mata mo ang makapagpapatisod sa iyo, ay dukitin mo, at iyong itapon: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kay sa may dalawang mata na ibulid ka sa apoy ng impierno. 10 Ingatan ninyo na huwag ninyong pawalang halaga ang isa sa maliliit na ito: sapagka't sinasabi ko sa inyo, na ang kanilang mga anghel sa langit ay nangakakakitang palagi ng mukha ng aking Ama na nasa langit. 11 Sapagka't ang Anak ng tao ay naparito upang iligtas ang nawala. 12 Ano ang akala ninyo? kung ang isang tao ay may isang daang tupa, at maligaw ang isa sa mga yaon, hindi baga iiwan niya ang siyam na pu't siyam, at pasasa kabundukan, at hahanapin ang naligaw? 13 At kung mangyaring masumpungan niya, ay katotohanang sinasabi ko sa inyo, na magagalak ng higit dahil dito kay sa siyam na pu't siyam na hindi nangaligaw. 14 Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak. 15 At kung magkasala laban sa iyo ang kapatid mo, pumaroon ka, at ipakilala mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na ikaw at siyang magisa: kung ikaw ay pakinggan niya, ay nagwagi ka sa iyong kapatid. 16 Datapuwa't kung hindi ka niya pakinggan, ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawang saksi o tatlo ay mapagtibay ang bawa't salita. 17 At kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesia: at kung ayaw rin niyang pakinggan ang iglesia, ay ipalagay mo siyang tulad sa Gentil at maniningil ng buwis. 18 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang lahat ng mga bagay na inyong talian sa lupa ay tatalian sa langit: at ang lahat ng mga bagay na inyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit. 19 Muling sinasabi ko sa inyo, na kung pagkasunduan ng dalawa sa inyo sa lupa ang nauukol sa anomang bagay na kanilang hihingin, ay gagawin sa kanila ng aking Ama na nasa langit. 20 Sapagka't kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila. 21 Nang magkagayo'y lumapit si Pedro at sinabi sa kaniya, Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya'y aking patatawarin? hanggang sa makapito? 22 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito; kundi, Hanggang sa makapitongpung pito. 23 Kaya't ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari, na nagibig na makipagusap sa kaniyang mga alipin. 24 At nang siya'y magpasimulang makipaghusay, ay iniharap sa kaniya ang isa sa kaniya'y may utang na sangpung libong talento. 25 Datapuwa't palibhasa'y wala siyang sukat ibayad, ipinagutos ng kaniyang panginoon na siya'y ipagbili, at ang kaniyang asawa't mga anak, at ang lahat niyang tinatangkilik, at nang makabayad. 26 Dahil dito ang alipin ay nagpatirapa at sumamba sa kaniya, na nagsasabi, Panginoon, pagtiisan mo ako, at pagbabayaran ko sa iyong lahat. 27 At sa habag ng panginoon sa aliping yaon, ay pinawalan siya, at ipinatawad sa kaniya ang utang. 28 Datapuwa't lumabas ang aliping yaon, at nasumpungan ang isa sa mga kapuwa niya alipin, na sa kaniya'y may utang na isang daang denario: at kaniyang hinawakan siya, at sinakal niya, na sinasabi, Bayaran mo ang utang mo. 29 Kaya't nagpatirapa ang kaniyang kapuwa alipin at namanhik sa kaniya, na nagsasabi, Pagtiisan mo ako, at ikaw ay pagbabayaran ko. 30 At siya'y ayaw: at yumaon at siya'y ipinabilanggo hanggang sa magbayad siya ng utang. 31 Nang makita nga ng kaniyang mga kapuwa alipin ang nangyari, ay nangamanglaw silang lubha, at nagsiparoon at isinaysay sa kanilang panginoon ang lahat ng nangyari. 32 Nang magkagayo'y pinalapit siya ng kaniyang panginoon, at sa kaniya'y sinabi, Ikaw na aliping masama, ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na yaon, sapagka't ipinamanhik mo sa akin: 33 Hindi baga dapat na ikaw naman ay mahabag sa iyong kapuwa alipin, na gaya ko namang nahabag sa iyo? 34 At nagalit ang kaniyang panginoon, at ibinigay siya sa mga tagapagpahirap, hanggang sa siya'y magbayad ng lahat ng utang. 35 Gayon din naman ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa kalangitan, kung hindi ninyo patatawarin sa inyong mga puso, ng bawa't isa ang kaniyang kapatid.
1 At nangyari na nang matapos ni Jesus ang mga salitang ito, ay umalis siya sa Galilea at napasa mga hangganan ng Judea sa dako pa roon ng Jordan; 2 At nagsisunod sa kaniya ang lubhang maraming tao, at sila'y pinagaling niya doon. 3 At nagsilapit sa kaniya ang mga Fariseo, na siya'y tinutukso nila, at kanilang sinasabi, Naaayon baga sa kautusan na ihiwalay ng isang lalake ang kaniyang asawa sa bawa't kadahilanan? 4 At siya'y sumagot at sinabi, Hindi baga ninyo nabasa, na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula, ay sila'y nilalang niya na lalake at babae, 5 At sinabi, Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman? 6 Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao. 7 Sinabi nila sa kaniya, Bakit nga ipinagutos ni Moises na magbigay ng kasulatan sa paghihiwalay, at ihiwalay ang babae? 8 Sinabi niya sa kanila, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinaubaya sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawa: datapuwa't buhat sa pasimula ay hindi gayon. 9 At sinasabi ko sa inyo, Sinomang ihiwalay ang kaniyang asawang babae, liban na kung sa pakikiapid, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing yaon na hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya. 10 Ang mga alagad ay nangagsasabi sa kaniya, Kung ganyan ang kalagayan ng lalake sa kaniyang asawa, ay hindi nararapat magasawa. 11 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Hindi matatanggap ng lahat ng mga tao ang pananalitang ito, kundi niyaong mga pinagkalooban. 12 Sapagka't may mga bating, na ipinanganak na gayon mula sa tiyan ng kanilang mga ina: at may mga bating, na ginagawang bating ng mga tao: at may mga bating, na nangagpapakabating sa kanilang sarili dahil sa kaharian ng langit. Ang makakatanggap nito, ay pabayaang tumanggap. 13 Nang magkagayon ay dinala sa kaniya ang maliliit na bata, upang ipatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at ipanalangin: at sinaway sila ng mga alagad. 14 Datapuwa't sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyong pagbawalan silang magsilapit sa akin: sapagka't sa mga ganito ang kaharian ng langit. 15 At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at umalis doon. 16 At narito, lumapit sa kaniya ang isa, at nagsabi, Guro, ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako'y magkaroon ng buhay na walang hanggan? 17 At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa't kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos. 18 Sinabi niya sa kaniya, Alin-alin? At sinabi ni Jesus, Huwag kang papatay, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang magnanakaw, Huwag sasaksi sa di katotohanan, 19 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. 20 Sinabi sa kaniya ng binata, Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko: ano pa ang kulang sa akin? 21 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin. 22 Datapuwa't nang marinig ng binata ang ganitong pananalita, ay yumaon siyang namamanglaw; sapagka't siya'y isang may maraming pag-aari. 23 At sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Mahirap na makapasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng langit. 24 At muling sinasabi ko sa inyo, Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios. 25 At nang marinig ito ng mga alagad, ay lubhang nangagtaka, na nagsisipagsabi, Sino nga kaya ang makaliligtas? 26 At pagtingin ni Jesus ay sinabi sa kanila, Hindi mangyayari ito sa mga tao; datapuwa't sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari. 27 Nang magkagayo'y sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, Narito, iniwan namin ang lahat, at nagsisunod sa iyo: ano nga baga ang kakamtin namin? 28 At sinabi ni Jesus sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayong nagsisunod sa akin, sa pagbabagong lahi pagka uupo na ang Anak ng tao sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian, kayo nama'y magsisiupo sa labingdalawang luklukan, upang magsihukom sa labingdalawang angkan ng Israel. 29 At ang bawa't magiwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng tigisang daan, at magsisipagmana ng walang hanggang buhay. 30 Datapuwa't maraming mga una na mangahuhuli; at mga huli na mangauuna.
1 Sapagka't ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na puno ng sangbahayan, na lumabas pagkaumagang-umaga, upang umupa ng manggagawa sa kaniyang ubasan. 2 At nang makipagkasundo na siya sa mga manggagawa sa isang denario sa bawa't araw, ay isinugo niya sila sa kaniyang ubasan. 3 At siya'y lumabas nang malapit na ang ikatlong oras, at nakita ang mga iba sa pamilihan na nangakatayong walang ginagawa; 4 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon din naman kayo sa ubasan, at bibigyan ko kayo ng nasa katuwiran. At nagsiyaon ng kanilang lakad sa ubasan. 5 Lumabas siyang muli nang malapit na ang mga oras na ikaanim at ikasiyam, at gayon din ang ginawa. 6 At lumabas siya nang malapit na ang ikalabingisang oras at nakasumpong siya ng mga iba na nangakatayo; at sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangakatayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa? 7 At sinabi nila sa kaniya, Sapagka't sinoma'y walang umupa sa amin. Sinabi niya sa kanila, Magsiparito din naman kayo sa ubasan. 8 At nang dumating ang hapon, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala, Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng kaupahan sa kanila, na mula sa mga huli hanggang sa mga una. 9 At paglapit ng mga inupahan nang malapit na ang ikalabingisang oras ay tumanggap bawa't tao ng isang denario. 10 At nang magsilapit ang mga nauna, ang isip nila'y magsisitanggap sila ng higit; at sila'y nagsitanggap din bawa't tao ng isang denario. 11 At nang kanilang tanggapin ay nangagbulongbulong laban sa puno ng sangbahayan, 12 Na nangagsasabi, Isa lamang oras ang ginugol nitong mga huli, sila'y ipinantay mo sa amin, na aming binata ang hirap sa maghapon at ang init na nakasusunog. 13 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa isa sa kanila, Kaibigan, hindi kita iniiring: hindi baga nakipagkayari ka sa akin sa isang denario? 14 Kunin mo ang ganang iyo, at humayo ka sa iyong lakad; ibig kong bigyan itong huli, nang gaya rin sa iyo. 15 Hindi baga matuwid sa aking gawin ang ibig ko sa aking pag-aari? o masama ang mata mo, sapagka't ako'y mabuti? 16 Kaya't ang mga una'y mangahuhuli, at ang mga huli ay mangauuna. 17 Samantalang umaahon si Jesus, ay bukod niyang isinama ang labingdalawang alagad, at sa daa'y sinabi niya sa kanila, 18 Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem; at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba; at kanilang hahatulang siya'y patayin, 19 At ibibigay siya sa mga Gentil upang siya'y kanilang alimurahin, at hampasin, at ipako sa krus: at sa ikatlong araw siya'y ibabangon. 20 Nang magkagayo'y lumapit sa kaniya ang ina ng mga anak na lalake ni Zebedeo, na kasama ang kaniyang mga anak na lalake na siya'y sinamba, at may hinihinging isang bagay sa kaniya. 21 At sinabi niya sa kaniya, Ano ang ibig mo? Sinabi niya sa kaniya, Ipagutos mo na itong aking dalawang anak ay magsiupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian. 22 Nguni't sumagot si Jesus at sinabi, Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Mangyayari bagang inuman ninyo ang sarong malapit nang aking iinuman? Sa kaniya'y sinabi nila, Mangyayari. 23 Sinabi niya sa kanila, Katotohanang iinuman ninyo ang aking saro: datapuwa't ang maupo sa aking kanan, at sa aking kaliwa, ay hindi sa akin ang pagbibigay; datapuwa't yaon ay para sa kanila na mga pinaghandaan ng aking Ama. 24 At nang marinig ito ng sangpu, ay nangagalit laban sa dalawang magkapatid. 25 Datapuwa't sila'y pinalapit ni Jesus sa kaniya, at sinabi, Nalaman ninyo na ang mga pinuno ng mga Gentil ay nangapapapanginoon sa kanila, at ang kanilang mga dakila ay nagsisigamit ng kapamahalaan sa kanila. 26 Sa inyo'y hindi magkakagayon: kundi ang sinomang magibig na dumakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo; 27 At sinomang magibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo: 28 Gayon din naman ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami. 29 At nang sila'y magsialis sa Jerico, ay sumunod sa kaniya ang lubhang maraming tao. 30 At narito, ang dalawang lalaking bulag na nangakaupo sa tabi ng daan, pagkarinig nilang nagdaraan si Jesus, ay nangagsisigaw, na nagsisipagsabi, Panginoon, mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David. 31 At pinagwikaan sila ng karamihan, upang sila'y magsitahimik: datapuwa't sila'y lalong nangagsisigaw, na nagsisipagsabi, Panginoon, mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David. 32 At tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, Ano ang ibig ninyong gawin ko sa inyo? 33 Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, na mangadilat ang mga mata namin. 34 At si Jesus, sa pagkahabag, ay hinipo ang kanilang mga mata, at pagdaka'y nagsitanggap sila ng kanilang paningin; at nagsisunod sa kaniya.
1 At nang malapit na sila sa Jerusalem, at magsidating sa Betfage, sa bundok ng mga Olivo, ay nagsugo nga si Jesus ng dalawang alagad, 2 Na sinasabi sa kanila, Magsiparoon kayo sa nayong nasa tapat ninyo, at pagdaka'y masusumpungan ninyo ang isang nakatali na babaing asno, na may kasamang isang batang asno: kalagin ninyo, at dalhin ninyo sa akin. 3 At kung ang sinoman ay magsabi ng anoman sa inyo, ay sasabihin ninyo, Kinakailangan sila ng Panginoon; at pagdaka'y kaniyang ipadadala sila. 4 Nangyari nga ito, upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, 5 Sabihin ninyo sa anak na babae ng Sion: Narito, ang Hari mo'y pumaparito sa iyo, Na maamo, at nakasakay sa isang asno, At sa isang batang asno na anak ng babaing asno. 6 At nagsiparoon ang mga alagad, at ginawa ang ayon sa ipinagutos ni Jesus sa kanila, 7 At kanilang dinala ang babaing asno, at ang batang asno, at inilagay nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga damit; at dito siya'y sumakay. 8 At inilalatag sa daan ng kalakhang bahagi ng karamihan ang kanilang mga damit; at ang mga iba'y nagsiputol ng mga sanga ng mga punong kahoy, at inilalatag sa daan. 9 At ang mga karamihang nangasa unahan niya, at ang nagsisunod, ay nagsisigawan, na nagsisipagsabi, Hosana sa Anak ni David: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon: Hosana sa kataastaasan. 10 At nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, ay nagkagulo ang buong bayan, na nagsasabi, Sino kaya ito? 11 At sinabi ng mga karamihan, Ito'y ang propeta, Jesus, na taga Nazaret ng Galilea. 12 At pumasok si Jesus sa templo ng Dios, at itinaboy niya ang lahat na nangagbibili at nangamimili sa templo, at ginulo niya ang mga dulang ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati; 13 At sinabi niya sa kanila, Nasusulat, Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan, datapuwa't ginagawa ninyong yungib ng mga tulisan. 14 At nagsilapit sa kaniya sa templo ang mga bulag at mga pilay, at sila'y kaniyang pinagaling. 15 Datapuwa't nang makita ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba ang mga katakatakang bagay na kaniyang ginawa, at ang mga batang nagsisigawan sa templo at nangagsasabi, Hosana sa Anak ni David; ay nangagalit sila, 16 At sinabi nila sa kaniya, Naririnig mo baga ang sinasabi ng mga ito? At sinabi sa kanila ni Jesus, Oo: kailan man baga'y hindi ninyo nabasa, Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay iyong nilubos ang pagpupuri? 17 At sila'y kaniyang iniwan, at pumaroon sa labas ng bayan sa Betania, at nakipanuluyan doon. 18 Pagka umaga nga nang siya'y bumabalik sa bayan, nagutom siya. 19 At pagkakita sa isang puno ng igos sa tabi ng daan, ay kaniyang nilapitan, at walang nasumpungang anoman doon, kundi mga dahon lamang; at sinabi niya rito, Mula ngayo'y huwag kang magbunga kailan man. At pagdaka'y natuyo ang puno ng igos. 20 At nang makita ito ng mga alagad, ay nangagtaka sila, na nangagsasabi, Ano't pagdaka'y natuyo ang puno ng igos? 21 At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo'y may pananampalataya, at di mangagaalinlangan, hindi lamang mangagagawa ninyo ang nangyari sa puno ng igos, kundi maging sabihin ninyo sa bundok na ito, mapataas ka, at mapasugba ka sa dagat, ay mangyayari. 22 At lahat ng mga bagay na inyong hihingin sa panalangin, na may pananampalataya, ay inyong tatanggapin. 23 At pagpasok niya sa templo, ay nagsilapit sa kaniya ang mga pangulong saserdote at ang matatanda sa bayan, samantalang siya'y nagtuturo, at nangagsabi, Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? at sino ang sa iyo'y nagbigay ng kapamahalaang ito? 24 At sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Tatanungin ko rin naman kayo ng isang tanong, na kung inyong sasabihin sa akin, ay sasabihin ko naman sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito. 25 Ang bautismo ni Juan, saan baga nagmula? sa langit o sa mga tao? At kanilang pinagkatuwiranan sa kanilang sarili, na nangagsasabi, Kung sabihin natin, Sa langit; sasabihin niya sa atin, Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan? 26 Datapuwa't kung sasabihin, Sa mga tao; nangatatakot tayo sa karamihan; sapagka't kinikilala ng lahat na propeta si Juan. 27 At sila'y nagsisagot kay Jesus, at sinabi, Hindi namin nalalaman. Kaniyang sinabi naman sa kanila, Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito. 28 Datapuwa't ano sa akala ninyo? Isang taong may dalawang anak; at lumapit siya sa una, at sinabi, Anak, pumaroon at gumawa ka ngayon sa ubasan. 29 At sinagot niya at sinabi, Ayaw ko: datapuwa't nagsisi siya pagkatapos, at naparoon. 30 At siya'y lumapit sa ikalawa, at gayon din ang sinabi. At sumagot siya at sinabi, Ginoo, ako'y paroroon: at hindi naparoon. 31 Alin baga sa dalawa ang gumanap ng kalooban ng kaniyang ama? Sinabi nila, Ang una. Sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot ay nangauuna sa inyo ng pagpasok sa kaharian ng Dios. 32 Sapagka't naparito si Juan sa inyo sa daan ng katuwiran, at hindi ninyo siya pinaniwalaan; datapuwa't pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga patutot: at kayo, sa pagkakita ninyo nito, ay hindi man kayo nangagsisi pagkatapos, upang kayo'y magsipaniwala sa kaniya. 33 Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga: May isang tao, na puno ng sangbahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ng mga buhay na punong kahoy sa palibot, at humukay roon ng isang pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala yaon sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain. 34 At nang malapit na ang panahon ng pamumunga, ay sinugo ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka, upang tanggapin ang kaniyang bunga. 35 At pinaghawakan ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin, at hinampas nila ang isa, at ang isa'y pinatay, at ang isa'y binato. 36 Muling sinugo niya ang ibang mga alipin, na mahigit pa sa nangauna; at ginawa rin sa kanila ang gayon ding paraan. 37 Datapuwa't pagkatapos ay sinugo niya sa kanila ang kaniyang anak na lalake, na nagsasabi, Igagalang nila ang aking anak. 38 Datapuwa't nang makita ng mga magsasaka ang anak, ay nangagusapan sila, Ito ang tagapagmana; halikayo, siya'y ating patayin, at kunin natin ang kaniyang mana. 39 At siya'y hinawakan nila, at itinaboy siya sa ubasan, at pinatay siya. 40 Pagdating nga ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin sa mga magsasakang yaon? 41 Sinabi nila sa kaniya, Pupuksaing walang awa ang mga tampalasang yaon, at ibibigay ang ubasan sa mga ibang magsasaka, na sa kaniya'y mangagbibigay ng mga bunga sa kanilang kapanahunan. 42 Sinabi sa kanila ni Jesus, Kailan man baga'y hindi ninyo nabasa sa mga kasulatan, Ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali, Ang siya ring ginawang pangulo sa panulok; Ito'y mula sa Panginoon, At ito'y kagilagilalas sa harap ng ating mga mata? 43 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Aalisin sa inyo ang kaharian ng Dios, at ibibigay sa isang bansang nagkakabunga. 44 At ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog: datapuwa't sinomang kaniyang malagpakan, ay pangangalating gaya ng alabok. 45 At nang marinig ng mga pangulong saserdote at ng mga Fariseo ang kaniyang mga talinghaga, ay kanilang napaghalata na sila ang kaniyang pinagsasalitaan. 46 At nang sila'y nagsisihanap ng paraang siya'y mahuli, ay nangatakot sila sa karamihan, sapagka't ipinalalagay nito na siya'y propeta.
1 At sumagot si Jesus at muling pinagsalitaan sila sa mga talinghaga, na sinasabi, 2 Tulad ang kaharian ng langit sa isang hari na naghanda ng piging ng kasalan ng kaniyang anak na lalake, 3 At sinugo ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ng kasalan: at sila'y ayaw magsidalo. 4 Muling nagsugo siya sa ibang mga alipin, na sinasabi, Sabihin ninyo sa mga inanyayahan, Narito, inihanda ko na ang aking piging; pinatay ko ang aking mga baka at mga hayop na matataba, at ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na: magsiparito kayo sa piging ng kasalan. 5 Datapuwa't hindi nila pinansin, at sila'y nagsiyaon sa kanilang lakad, ang isa'y sa kaniyang sariling bukid, ang isa'y sa kaniyang mga kalakal; 6 At hinawakan ng mga iba ang kaniyang mga alipin, at sila'y dinuwahagi, at pinagpapatay. 7 Datapuwa't ang hari ay nagalit; at sinugo ang kaniyang mga hukbo, at pinuksa ang mga mamamataytaong yaon, at sinunog ang kanilang bayan. 8 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniyang mga alipin, Nahahanda ang kasalan, nguni't hindi karapatdapat ang mga inanyayahan. 9 Magsiparoon nga kayo sa mga likuang lansangan, at anyayahan ninyo sa piging ng kasalan ang lahat ninyong mangasumpungan. 10 At nagsilabas ang mga aliping yaon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat nilang nangasumpungan, masasama at mabubuti: at napuno ng mga panauhin ang kasalan. 11 Datapuwa't pagpasok ng hari upang tingnan ang mga panauhin, ay doo'y nakita niya ang isang tao na hindi nararamtan ng damit-kasalan: 12 At sinabi niya sa kaniya, Kaibigan, ano't pumasok ka rito na walang damit-kasalan? At siya'y naumid. 13 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga naglilingkod, Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas; diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin. 14 Sapagka't marami ang mga tinawag, datapuwa't kakaunti ang mga nahirang. 15 Nang magkagayo'y nagsialis ang mga Fariseo, at nangagsanggunian sila kung paano kayang mahuhuli nila siya sa kaniyang pananalita. 16 At sinugo nila sa kaniya ang kanilang mga alagad, na kasama ng mga Herodiano, na nagsisipagsabi, Guro, nalalaman naming ikaw ay totoo, at itinuturo mong may katotohanan ang daan ng Dios, at hindi ka nangingimi kanino man: sapagka't hindi ka nagtatangi ng tao. 17 Sabihin mo nga sa amin, Ano sa akala mo? Matuwid bagang bumuwis kay Cesar, o hindi? 18 Datapuwa't napagkikilala ni Jesus ang kanilang kasamaan, at sinabi sa kanila, Bakit ninyo ako tinutukso, kayong mga mapagpaimbabaw? 19 Ipakita ninyo sa akin ang salaping pangbuwis. At dinala nila sa kaniya ang isang denario. 20 At sinabi niya sa kanila, Kanino ang larawang ito at ang nasusulat? 21 Sinabi nila sa kaniya, Kay Cesar. Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Kaya't ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar; at sa Dios ang sa Dios. 22 At pagkarinig nila nito ay nagsipanggilalas sila, at siya'y iniwan, at nagsiyaon. 23 Nang araw na yaon ay nagsilapit sa kaniya ang mga Saduceo, na nangagsasabing walang pagkabuhay na maguli: at siya'y kanilang tinanong, 24 Na sinasabi, Guro, sinabi ni Moises, Kung mamatay na walang mga anak ang isang lalake, ay magasawa ang kaniyang kapatid na lalake sa asawa niya, at magkakaanak sa kaniyang kapatid na lalake. 25 Nagkaroon nga sa amin ng pitong magkakapatid na lalake: at nagasawa ang panganay at namatay, at sapagka't hindi siya nagkaanak ay iniwan niya ang kaniyang asawa sa kaniyang kapatid na lalake; 26 Gayon din naman ang nangyari sa pangalawa, at sa pangatlo, hanggang sa ikapito. 27 At sa kahulihulihan nilang lahat, ay namatay ang babae. 28 Sa pagkabuhay ngang maguli sino kaya doon sa pito ang magiging asawa? sapagka't siya'y naging asawa nilang lahat. 29 Nguni't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Nangagkakamali kayo, sa hindi pagkaalam ng mga kasulatan, ni ng kapangyarihan man ng Dios. 30 Sapagka't sa pagkabuhay na maguli ay hindi na mangagaasawa, ni mga papagaasawahin pa, kundi gaya ng mga anghel sa langit. 31 Datapuwa't tungkol sa pagkabuhay na maguli ng mga patay, hindi baga ninyo nabasa ang sinalita sa inyo ng Dios, na nagsasabi, 32 Ako ang Dios ni Abraham, at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob? Ang Dios ay hindi Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay. 33 At nang marinig ito ng karamihan ay nangagtaka sa kaniyang aral. 34 Datapuwa't nang marinig ng mga Fariseo na kaniyang napatahimik ang mga Saduceo, ay nangagkatipon sila. 35 At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay tinanong siya ng isang tanong, upang siya'y tuksuhin: 36 Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan? 37 At sinabi sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. 38 Ito ang dakila at pangunang utos. 39 At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. 40 Sa dalawang utos na ito'y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta. 41 Habang nangagkakatipon nga ang mga Fariseo, ay tinanong sila ni Jesus ng isang tanong. 42 Na sinasabi, Ano ang akala ninyo tungkol kay Cristo? kanino bagang anak siya? Sinabi nila sa kaniya, kay David. 43 Sinabi niya sa kanila, Kung gayo'y bakit tinatawag siya ni David na Panginoon, sa espiritu, na nagsasabi, 44 Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, Maupo ka sa aking kanan, Hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa? 45 Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya'y kaniyang anak? 46 At wala sinomang nakasagot sa kaniya ng isang salita, ni wala sinomang nangahas buhat sa araw na yaon na tumanong pa sa kaniya ng anomang mga tanong.
1 Nang magkagayo'y nagsalita si Jesus sa mga karamihan at sa kaniyang mga alagad, 2 Na nagsasabi, Nagsisiupo ang mga eskriba at mga Fariseo sa luklukan ni Moises. 3 Lahat nga ng mga bagay na sa inyo'y kanilang ipagutos, ay gawin ninyo at ganapin: datapuwa't huwag kayong magsigawa ng alinsunod sa kanilang mga gawa; sapagka't kanilang sinasabi, at hindi ginagawa. 4 Oo, sila'y nangagbibigkis ng mabibigat na pasan at mahihirap na dalhin, at ipinapasan nila sa mga balikat ng mga tao; datapuwa't ayaw man lamang nilang kilusin ng kanilang daliri. 5 Datapuwa't ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang mangakita ng mga tao: sapagka't nangagpapalapad sila ng kanilang mga pilakteria, at nangagpapalapad ng mga laylayan ng kanilang mga damit, 6 At iniibig ang mga pangulong dako sa mga pigingan, at ang mga pangulong luklukan sa mga sinagoga, 7 At pagpugayan sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, Rabi. 8 Datapuwa't kayo'y huwag patawag na Rabi: sapagka't iisa ang inyong guro, at kayong lahat ay magkakapatid. 9 At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinomang tao sa lupa: sapagka't iisa ang inyong ama, sa makatuwid baga'y siya na nasa langit. 10 Ni huwag kayong patawag na mga panginoon; sapagka't iisa ang inyong panginoon, sa makatuwid baga'y ang Cristo. 11 Datapuwa't ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. 12 At sinomang nagmamataas ay mabababa; at sinomang nagpapakababa ay matataas. 13 Datapuwa't sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka't kayo'y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok. 14 Sa aba ninyo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka't sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing bao, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't magsisitanggap kayo ng lalong mabigat na parusa. 15 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong makakampi; at kung siya'y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impierno kay sa inyong sarili. 16 Sa aba ninyo, kayong mga tagaakay na bulag, na inyong sinasabi, Kung ipanumpa ninoman ang templo, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang ginto ng templo, ay nagkakautang nga siya. 17 Kayong mga mangmang at mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang ginto, o ang templong bumabanal sa ginto? 18 At, kung ipanumpa ninoman ang dambana, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang handog na nasa ibabaw nito, ay nagkakautang nga siya. 19 Kayong mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang handog, o ang dambana na bumabanal sa handog? 20 Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana, ay ipinanunumpa ito, at ang lahat ng mga bagay na nangasa ibabaw nito. 21 At ang nanunumpa sa pamamagitan ng templo, ay ipinanumpa ito, at yaong tumatahan sa loob nito. 22 Ang nanunumpa sa pamamagitan ng langit, ay ipinanumpa ang luklukan ng Dios, at yaong nakaluklok doon. 23 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't nangagbibigay kayo ng sa ikapu ng yerbabuena, at ng anis at ng komino, at inyong pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na dili iba't ang katarungan, at ang pagkahabag, at ang pananampalataya: datapuwa't dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pabayaang di gawin yaong iba. 24 Kayong mga tagaakay na bulag na inyong sinasala ang lamok, at nilulunok ninyo ang kamelyo! 25 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpapaimbabaw! sapagka't inyong nililinis ang labas ng saro at ng pinggan, datapuwa't sa loob ay puno sila ng panglulupig at katakawan. 26 Ikaw bulag na Fariseo, linisin mo muna ang loob ng saro at ng pinggan, upang luminis naman ang kaniyang labas. 27 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa't sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumaldumal. 28 Gayon din naman kayo, sa labas ay nangagaanyong matuwid sa mga tao, datapuwa't sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan. 29 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at inyong ginayakan ang mga libingan ng mga matuwid, 30 At sinasabi ninyo, Kung kami sana ang nangabubuhay nang mga kaarawan ng aming mga magulang disi'y hindi kami nangakaramay nila sa dugo ng mga propeta. 31 Kaya't kayo'y nangagpapatotoo sa inyong sarili, na kayo'y mga anak niyaong mga nagsipatay ng mga propeta. 32 Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang. 33 Kayong mga ahas, kayong mga lahi ng mga ulupong, paanong mangakawawala kayo sa kahatulan sa impierno? 34 Kaya't, narito, sinusugo ko sa inyo ang mga propeta, at mga pantas na lalake, at mga eskriba: ang mga iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus; at ang mga iba sa kanila'y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga, at sila'y inyong paguusigin sa bayan-bayan: 35 Upang mabubo sa inyo ang lahat na matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay ninyo sa pagitan ng santuario at ng dambana. 36 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito. 37 Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya! makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ay ayaw kayo! 38 Narito, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak. 39 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, Buhat ngayon ay hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.
1 At lumabas si Jesus sa templo, at payaon sa kaniyang lakad; at nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad upang sa kaniya'y ipamalas ang mga gusali ng templo. 2 Datapuwa't siya'y sumagot at sa kanila'y sinabi, Hindi baga ninyo nangakikita ang lahat ng mga bagay na ito? katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dito'y walang maiiwang isang bato sa ibabaw ng ibang bato, na hindi ibabagsak. 3 At samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan? 4 At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman. 5 Sapagka't marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at ililigaw ang marami. 6 At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka't kinakailangang ito'y mangyari datapuwa't hindi pa ang wakas. 7 Sapagka't magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba't ibang dako. 8 Datapuwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan. 9 Kung magkagayo'y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo'y papatayin: at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. 10 At kung magkagayo'y maraming mangatitisod, at mangagkakanuluhan ang isa't isa, at mangagkakapootan ang isa't isa. 11 At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami. 12 At dahil sa pagsagana ng katampalasanan, ang pagibig ng marami ay lalamig. 13 Datapuwa't ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas. 14 At ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa buong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo'y darating ang wakas. 15 Kaya nga pagkakita ninyo ng kasuklamsuklam na paninira, na sinalita sa pamamagitan ng propeta Daniel, na natatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa), 16 Kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea: 17 Ang nasa bubungan ay huwag bumaba upang maglabas ng mga bagay sa loob ng kaniyang bahay: 18 At ang nasa bukid ay huwag magbalik upang kumuha ng kaniyang balabal. 19 Datapuwa't sa aba ng nangagdadalang-tao at nangagpapasuso sa mga araw na yaon! 20 At magsipanalangin kayo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa panahong taginaw, o sa sabbath man: 21 Sapagka't kung magkagayo'y magkakaroon ng malaking kapighatian, na ang gayo'y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanglibutan hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man. 22 At malibang paikliin ang mga araw na yaon, ay walang lamang makaliligtas: datapuwa't dahil sa mga hirang ay paiikliin ang mga araw na yaon. 23 Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. 24 Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang. 25 Narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo. 26 Kaya nga kung sa inyo'y kanilang sasabihin, Narito, siya'y nasa ilang; huwag kayong magsilabas: Narito, siya'y nasa mga silid; huwag ninyong paniwalaan. 27 Sapagka't gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kalunuran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao. 28 Saan man naroon ang bangkay, ay doon mangagkakatipon ang mga uwak. 29 Datapuwa't karakarakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit: 30 At kung magkagayo'y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo'y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 31 At susuguin ang kaniyang mga anghel na may matinding pakakak, at kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin ng sanglibutan, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila. 32 Sa puno ng igos nga ay pagaralan ninyo ang kaniyang talinghaga: pagka nananariwa ang kaniyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tagaraw; 33 Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga. 34 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito. 35 Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas. 36 Nguni't tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang. 37 At kung paano ang mga araw ni Noe, gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao. 38 Sapagka't gaya ng mga araw bago nagkagunaw, sila'y nagsisikain at nagsisiinom, at nangagaasawa at pinapapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong, 39 At hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang paggunaw, at sila'y tinangay na lahat; ay gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao. 40 Kung magkagayo'y sasa bukid ang dalawang lalake; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan: 41 Dalawang babaing nagsisigiling sa isang gilingan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan. 42 Mangagpuyat nga kayo: sapagka't hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. 43 Datapuwa't ito'y talastasin ninyo, na kung nalalaman ng puno ng sangbahayan kung anong panahon darating ang magnanakaw, ay siya'y magpupuyat, at hindi niya pababayaang tibagin ang kaniyang bahay. 44 Kaya nga kayo'y magsihanda naman; sapagka't paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip. 45 Sino nga baga ang aliping tapat at matalino, na pinagkatiwalaan ng kaniyang panginoon sa kaniyang sangbahayan, upang sila'y bigyan ng pagkain sa kapanahunan? 46 Mapalad yaong aliping kung dumating ang kaniyang panginoon, ay maratnan siyang gayon ang kaniyang ginagawa. 47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya'y ipagkakatiwala ang lahat niyang pag-aari. 48 Datapuwa't kung ang masamang aliping yaon ay magsabi sa kaniyang puso, Magtatagal ang aking panginoon; 49 At magsimulang bugbugin ang kaniyang mga kapuwa alipin, at makipagkainan at makipaginuman sa mga lasing; 50 Darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya hinihintay, at oras na hindi niya nalalaman, 51 At siya'y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga mapagpaimbabaw: doon na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.
1 Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit ng sangpung dalaga, na kinuha ang kanilang mga ilawan, at nagsilabas upang salubungin ang kasintahang lalake. 2 At ang lima sa kanila'y mga mangmang, at ang lima'y matatalino. 3 Sapagka't nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nangagdala ng langis: 4 Datapuwa't ang matatalino ay nangagdala ng langis sa kanilang sisidlan na kasama ng kanilang mga ilawan. 5 Samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalake, ay nangagantok silang lahat at nangakatulog. 6 Datapuwa't pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya. 7 Nang magkagayo'y nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon, at pinagigi ang kanilang mga ilawan. 8 At sinabi ng mga mangmang sa matatalino, Bigyan ninyo kami ng inyong langis; sapagka't nangamamatay ang aming mga ilawan. 9 Datapuwa't nagsisagot ang matatalino, na nangagsasabi, Baka sakaling hindi magkasiya sa amin at sa inyo: magsiparoon muna kayo sa nangagbibili, at magsibili kayo ng ganang inyo. 10 At samantalang sila'y nagsisiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang lalake; at ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan: at inilapat ang pintuan. 11 Pagkatapos ay nagsirating naman ang mga ibang dalaga, na nagsisipagsabi, Panginoon, Panginoon, buksan mo kami. 12 Datapuwa't sumagot siya at sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala. 13 Mangagpuyat nga kayo, sapagka't hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras. 14 Sapagka't tulad sa isang tao, na nang paroroon sa ibang lupain, ay tinawag ang kaniyang sariling mga alipin, at ipinamahala sa kanila ang kaniyang mga pag-aari. 15 At ang isa'y binigyan niya ng limang talento, ang isa'y dalawa, at ang isa'y isa; sa bawa't isa'y ayon sa kanikaniyang kaya; at siya'y yumaon sa kaniyang paglalakbay. 16 Ang tumanggap ng limang talento pagdaka'y yumaon at ipinangalakal niya ang mga yaon, at siya'y nakinabang ng lima pang talento. 17 Sa gayon ding paraan ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang ng ibang dalawa pa. 18 Datapuwa't ang tumanggap ng isa ay yumaon at humukay sa lupa, at itinago ang salapi ng kaniyang panginoon. 19 Pagkatapos nga ng mahabang panahon, ay dumating ang panginoon ng mga aliping yaon, at nakipaghusay sa kanila. 20 At ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento: narito, ako'y nakinabang ng lima pang talento. 21 Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon. 22 At lumapit naman ang tumanggap ng dalawang talento at sinabi, Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento: narito, ako'y nakinabang ng dalawa pang talento. 23 Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon. 24 At lumapit naman ang tumanggap ng isang talento at sinabi, Panginoon, nakikilala kita na ikaw ay taong mapagmatigas, na gumagapas ka doon sa hindi mo hinasikan, at nagaani ka doon sa hindi mo sinabugan; 25 At ako'y natakot, at ako'y yumaon at aking itinago sa lupa ang talento mo: narito, nasa iyo ang iyong sarili. 26 Datapuwa't sumagot ang kaniyang panginoon at sinabi sa kaniya, Ikaw na aliping masama at tamad, nalalaman mong ako'y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at nagaani doon sa hindi ko sinabugan; 27 Gayon pala'y ibinigay mo sana ang aking salapi sa nagsisipangalakal ng salapi, at nang sa aking pagdating ay tinanggap ko sana ang ganang akin pati ng pakinabang. 28 Alisin nga ninyo sa kaniya ang talento, at ibigay ninyo sa may sangpung talento. 29 Sapagka't ang bawa't mayroon ay bibigyan, at siya'y magkakaroon ng sagana: nguni't ang wala, pati pa nang nasa kaniya ay aalisin sa kaniya. 30 At ang aliping walang kabuluhan ay inyong itapon sa kadiliman sa labas: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin. 31 Datapuwa't pagparito ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo'y luluklok siya sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian: 32 At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at sila'y pagbubukdinbukdin niya na gaya ng pagbubukodbukod ng pastor sa mga tupa at sa mga kambing; 33 At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwa't sa kaliwa ang mga kambing. 34 Kung magkagayo'y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan: 35 Sapagka't ako'y nagutom, at ako'y inyong pinakain; ako'y nauhaw, at ako'y inyong pinainom; ako'y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy; 36 Naging hubad, at inyo akong pinaramtan; ako'y nagkasakit, at inyo akong dinalaw; ako'y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan. 37 Kung magkagayo'y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka? 38 At kailan ka naming nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad, at pinaramtan ka? 39 At kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin? 40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa. 41 Kung magkagayo'y sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel: 42 Sapagka't ako'y nagutom, at hindi ninyo ako pinakain; ako'y nauhaw, at hindi ninyo ako pinainom; 43 Ako'y naging isang taga ibang bayan, at hindi ninyo ako pinatuloy; hubad, at hindi ninyo ako pinaramtan; maysakit at nasa bilangguan, at hindi ako dinalaw. 44 Kung magkagayo'y sila nama'y magsisisagot, na magsisipagsabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, o nauuhaw, o isang taga ibang bayan, o hubad, o may-sakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran? 45 Kung magkagayo'y sila'y sasagutin niya, na sasabihin, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na yamang hindi ninyo ginawa sa maliliit na ito, ay hindi ninyo ginawa sa akin. 46 At ang mga ito'y mangapaparoon sa walang hanggang kaparusahan: datapuwa't ang mga matuwid ay sa walang hanggang buhay.
1 At nangyari, na nang matapos ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad, 2 Nalalaman ninyo na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang paskua, at ibibigay ang Anak ng tao upang ipako sa krus. 3 Nang magkagayo'y ang mga pangulong saserdote, at ang mga matanda sa bayan ay nangagkatipon sa looban ng dakilang saserdote, na tinatawag na Caifas; 4 At sila'y nangagsanggunian upang hulihin si Jesus sa pamamagitan ng daya, at siya'y patayin. 5 Datapuwa't sinabi nila, Huwag sa kapistahan, baka magkagulo sa bayan. 6 Nang nasa Betania nga si Jesus sa bahay ni Simon na ketongin, 7 Ay lumapit sa kaniya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro ng unguento na lubhang mahalaga, at ibinuhos sa kaniyang ulo, samantalang siya'y nakaupo sa pagkain. 8 Datapuwa't nang makita ito ng mga alagad, ay nangagalit sila, na nangagsasabi, Ano ang layon ng pagaaksayang ito? 9 Sapagka't ito'y maipagbibili sa malaking halaga, at maibibigay sa mga dukha. 10 Datapuwa't nang mahalata ito ni Jesus ay sinabi sa kanila, Bakit ninyo binabagabag ang babae? sapagka't gumawa siya sa akin ng mabuting gawa. 11 Sapagka't laging nangasa inyo ang mga dukha; datapuwa't ako'y hindi laging nasa inyo. 12 Sapagka't sa pagbubuhos niya nitong unguento sa aking katawan, ay ginawa niya ito upang ihanda ako sa paglilibing. 13 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saan man ipangaral ang evangeliong ito sa buong sanglibutan, ay sasaysayin din ang ginawa ng babaing ito sa pagaalaala sa kaniya. 14 Nang magkagayo'y isa sa labingdalawa, na tinatawag na Judas Iscariote, ay naparoon sa mga pangulong saserdote, 15 At sinabi, Ano ang ibig ninyong ibigay sa akin, at siya'y ibibigay ko sa inyo? At siya'y tinimbangan nila ng tatlongpung putol na pilak. 16 At buhat nang panahong yao'y humanap siya ng pagkakataon upang maibigay siya. 17 Nang unang araw nga ng mga tinapay na walang lebadura ay nagsilapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsisipagsabing, Saan mo ibig na ipaghanda ka namin upang kumain ng kordero ng paskua? 18 At sinabi niya, Magsipasok kayo sa bayan sa gayong tao, at sabihin ninyo sa kaniya, Sinabi ng Guro, malapit na ang aking panahon; sa iyong bahay magpapaskua ako pati ng aking mga alagad. 19 At ginawa ng mga alagad ang ayon sa ipinagutos sa kanila ni Jesus; at inihanda nila ang kordero ng paskua. 20 Nang dumating nga ang gabi, ay nakaupo siya sa pagkain na kasalo ang labingdalawang alagad; 21 At samantalang sila'y nagsisikain, ay sinabi niya, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo. 22 At sila'y lubhang nangamanglaw, at nagpasimula ang bawa't isa na magsabi sa kaniya, Ako baga, Panginoon? 23 At siya'y sumagot at sinabi, Yaong kasabay kong idampot ang kamay sa pinggan, ay siya ring magkakanulo sa akin. 24 Ang Anak ng tao ay papanaw, ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya: datapuwa't sa aba niyaong taong magkakanulo sa Anak ng tao! mabuti pa sana sa taong yaon ang hindi na siya ipinanganak. 25 At si Judas, na sa kaniya'y nagkanulo, ay sumagot at nagsabi, Ako baga, Rabi? Sinabi niya sa kaniya, Ikaw ang nagsabi. 26 At samantalang sila'y nagsisikain, ay dumampot si Jesus ng tinapay, at pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, Kunin ninyo, kanin ninyo; ito ang aking katawan. 27 At dumampot siya ng isang saro, at nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan; 28 Sapagka't ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. 29 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na buhat ngayon ay hindi na ako iinom nitong bunga ng ubas, hanggang sa araw na yaon na inumin kong panibago na mga kasalo ko kayo sa kaharian ng aking Ama. 30 At pagkaawit nila ng isang himno, ay nagsiparoon sila sa bundok ng mga Olivo. 31 Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Kayong lahat ay mangagdaramdam sa akin sa gabing ito: sapagka't nasusulat, Sasaktan ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa ng kawan. 32 Datapuwa't pagkapagbangon ko, ay mauuna ako sa inyo sa Galilea. 33 Datapuwa't sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, Kung ang lahat ay mangagdaramdam sa iyo, ako kailan ma'y hindi magdaramdam. 34 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo akong makaitlo. 35 Sinabi sa kaniya ni Pedro, Kahima't ako'y mamatay na kasama mo, ay hindi kita ikakaila. Gayon din ang sinabi ng lahat ng mga alagad. 36 Nang magkagayo'y dumating si Jesus na kasama sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani, at sinabi sa kaniyang mga alagad, Magsiupo kayo rito, samantalang ako'y pumaparoon doon at manalangin. 37 At kaniyang isinama si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo, at nagpasimula siyang namanglaw at nanglumong totoo. 38 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Namamanglaw na lubha ang kaluluwa ko, hanggang sa kamatayan: mangatira kayo rito, at makipagpuyat sa akin. 39 At lumakad siya sa dako pa roon, at siya'y nagpatirapa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo. 40 At lumapit siya sa mga alagad, at sila'y kaniyang naratnang nangatutulog, at sinabi kay Pedro, Ano, hindi kayo maaaring mangakipagpuyat sa akin ng isang oras? 41 Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso: ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa't mahina ang laman. 42 Muli siyang umalis na bilang ikalawa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung di mangyayaring makalampas ito, kundi ko inumin, mangyari nawa ang iyong kalooban. 43 At siya'y nagbalik na muli at naratnan silang nangatutulog, sapagka't nangabibigatan ang kanilang mga mata. 44 At muli niya silang iniwan, at umalis, at nanalangin bilang ikatlo, na sinabing muli ang gayon ding mga salita. 45 Nang magkagayo'y lumapit siya sa mga alagad, at sinabi sa kanila, Mangatulog na kayo, at mangagpahinga: narito, malapit na ang oras, at ang Anak ng tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 46 Magsitindig kayo, hayo na tayo: narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin. 47 At samantalang nagsasalita pa siya, narito, dumating si Judas, na isa sa labingdalawa, at kasama niya ang lubhang maraming taong may mga tabak at mga panghampas, mula sa mga pangulong saserdote at sa matatanda sa bayan. 48 Ang nagkanulo nga sa kaniya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, Ang aking hagkan, ay yaon nga: hulihin ninyo siya. 49 At pagdaka'y lumapit siya kay Jesus, at nagsabi, Magalak, Rabi; at siya'y hinagkan. 50 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Gawin mo ang dahil ng pagparito mo. Nang magkagayon ay nagsilapit sila at kanilang sinunggaban si Jesus, at siya'y kanilang dinakip. 51 At narito, ang isa sa mga kasama ni Jesus ay iniunat ang kaniyang kamay at binunot ang kaniyang tabak, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinagpas ang kaniyang tainga. 52 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Jesus, Isauli mo ang iyong tabak sa kaniyang lalagyan: sapagka't ang lahat ng nangagtatangan ng tabak ay sa tabak mangamamatay. 53 O inaakala mo baga na hindi ako makapamamanhik sa aking Ama, at padadalhan niya ako ngayon din ng mahigit sa labingdalawang pulutong na mga anghel? 54 Kung gayo'y paano bagang mangatutupad ang mga kasulatan, na ganyan ang nauukol na mangyari? 55 Sa oras na yaon ay sinabi ni Jesus sa mga karamihan, Kayo baga'y nangagsilabas na waring laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas upang dakpin ako? Araw-araw ay nauupo ako sa templo na nagtuturo, at hindi ninyo ako dinakip. 56 Datapuwa't nangyari ang lahat ng ito, upang mangatupad ang mga kasulatan ng mga propeta. Nang magkagayo'y iniwan siya ng lahat ng mga alagad, at nagsitakas. 57 At si Jesus ay dinala ng nagsihuli sa kaniya sa dakilang saserdoteng si Caifas, na doo'y nangagkakapisan ang mga eskriba at matatanda. 58 Datapuwa't si Pedro'y sumunod sa kaniya sa malayo, hanggang sa looban ng dakilang saserdote, at siya'y pumasok, at nakiumpok sa mga punong kawal, upang makita niya ang wakas. 59 Ang mga pangulong saserdote nga at ang buong Sanedrin ay nagsisihanap ng patotoong kabulaanan laban kay Jesus, upang siya'y kanilang maipapatay; 60 At yao'y hindi nila nangasumpungan, bagaman maraming nagsiharap na mga saksing bulaan. Nguni't pagkatapos ay nagsidating ang dalawa, 61 At nangagsabi, Sinabi ng taong ito, Maigigiba ko ang templo ng Dios, at muling itatayo ko sa tatlong araw. 62 At nagtindig ang dakilang saserdote, at sinabi sa kaniya, Wala kang isinasagot na anoman? Ano itong sinasaksihan ng mga ito laban sa iyo? 63 Datapuwa't hindi umimik si Jesus. At sinabi ng dakilang saserdote sa kaniya, Kita'y pinapanunumpa alangalang sa Dios na buhay, na sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Dios. 64 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Ikaw ang nagsabi: gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, Buhat ngayon ay inyong makikita ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at pumaparitong nasa mga alapaap ng langit. 65 Nang magkagayo'y hinapak ng dakilang saserdote ang kaniyang mga damit, na sinasabi, Nagsalita siya ng kapusungan: ano pa ang kailangan natin ng mga saksi? narito, ngayo'y narinig ninyo ang kapusungan: 66 Ano ang akala ninyo? Nagsisagot sila at kanilang sinabi, Karapatdapat siya sa kamatayan. 67 Nang magkagayo'y niluraan nila ang kaniyang mukha at siya'y kanilang pinagsusuntok: at tinatampal siya ng mga iba, 68 Na nangagsasabi, Hulaan mo sa amin, ikaw Cristo: sino ang sa iyo'y bumubugbog? 69 Nakaupo nga si Pedro sa labas ng looban: at lumapit sa kaniya ang isang alilang babae, na nagsasabi, Ikaw man ay kasama ng taga Galileang si Jesus. 70 Datapuwa't siya'y kumaila sa harap nilang lahat, na sinasabi, Hindi ko nalalaman ang sinasabi mo. 71 At paglabas niya sa portiko ay nakita siya ng ibang alila, at sinabi sa nangaroon, Ang taong ito ay kasama rin ni Jesus na taga Nazaret. 72 At muling kumailang may sumpa, Hindi ko nakikilala ang tao. 73 At pagkaraan ng sandali ay nagsilapit ang nangakatayo roon at kanilang sinabi kay Pedro, Sa katotohanang ikaw man ay isa rin sa kanila; sapagka't ipinakikilala ka ng iyong pananalita. 74 Nang magkagayo'y nagpasimula siyang manungayaw at manumpa, Hindi ko nakikilala ang tao. At pagdaka'y tumilaok ang manok. 75 At naalaala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus, Bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo akong makaitlo. At siya'y lumabas at nanangis na mainam.
1 Pagka umaga nga, ang lahat ng mga pangulong saserdote at ang matatanda sa bayan ay nangagsanggunian laban kay Jesus upang siya'y ipapatay: 2 At siya'y ginapos nila, at siya'y inilabas, at kanilang ibinigay siya kay Pilato na gobernador. 3 Nang magkagayo'y si Judas, na nagkanulo sa kaniya, pagkakitang siya'y nahatulan na, ay nagsisi, at isinauli ang tatlongpung putol na pilak sa mga pangulong saserdote at sa matatanda, 4 Na sinasabi, Nagkasala ako sa aking pagkakanulo sa dugong walang kasalanan. Datapuwa't kanilang sinabi, Ano sa amin? ikaw ang bahala niyan. 5 At kaniyang ibinulaksak sa santuario ang mga putol na pilak, at umalis; at siya'y yumaon at nagbigti. 6 At kinuha ng mga pangulong saserdote ang mga putol na pilak, at sinabi, Hindi matuwid na ilagay ang pilak na iyan sa kabang-yaman, sapagka't halaga ng dugo. 7 At sila'y nangagsanggunian, at ibinili nila ang mga yaon ng bukid ng magpapalyok, upang paglibingan ng mga taga ibang bayan. 8 Dahil dito'y tinawag ang bukid na yaon, ang bukid ng dugo, hanggang ngayon. 9 Nang magkagayo'y natupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias, na nagsasabi, At kinuha nila ang tatlongpung putol na pilak, halaga noong hinalagahan, na inihalaga ng mga anak ng Israel; 10 At kanilang ibinigay ang mga yaon na pinakabayad sa bukid ng magpapalyok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon. 11 Si Jesus nga ay nakatayo sa harap ng gobernador: at tinanong siya ng gobernador, na nagsasabi, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? At sinabi sa kaniya ni Jesus, Ikaw ang nagsasabi. 12 At nang siya'y isakdal ng mga pangulong saserdote at ng matatanda, ay hindi siya sumagot ng anoman. 13 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Pilato, Hindi mo baga naririnig kung gaano karaming bagay ang kanilang sinasaksihang laban sa iyo? 14 At hindi siya sinagot niya, ng kahit isang salita man lamang: ano pa't nanggilalas na mainam ang gobernador. 15 Sa kapistahan nga ay pinagkaugalian ng gobernador na pawalan sa karamihan ang isang bilanggo, na sinoman ang kanilang ibigin. 16 At noo'y sila'y may isang bilanggong bantog, na tinatawag na Barrabas. 17 Nang sila'y mangagkatipon nga, ay sinabi sa kanila ni Pilato, Sino ang ibig ninyong sa inyo'y aking pawalan? si Barrabas, o si Jesus na tinatawag na Cristo? 18 Sapagka't natatalastas niya na dahil sa kapanaghilian ay ibinigay siya nila sa kaniya. 19 At samantalang nakaupo siya sa luklukan ng pagkahukom, ay nagsugo sa kaniya ang kaniyang asawa, na nagsasabi, Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan; sapagka't ngayong araw na ito'y naghirap ako ng maraming bagay sa panaginip dahil sa kaniya. 20 Inudyukan ng mga pangulong saserdote at ng matatanda ang mga karamihan na hingin nila si Barrabas, at puksain si Jesus. 21 Datapuwa't sumagot ang gobernador at sa kanila'y sinabi, Alin sa dalawa ang ibig ninyong sa inyo'y aking pawalan? At sinabi nila, Si Barrabas. 22 Sinabi sa kanila ni Pilato, Ano ang gagawin kay Jesus na tinatawag na Cristo? Sinabi nilang lahat, Mapako siya sa krus. 23 At sinabi niya, Bakit, anong kasamaan ang kaniyang ginawa? Datapuwa't sila'y lalong nangagsigawan, na nangagsasabi, Mapako siya sa krus. 24 Kaya't nang makita ni Pilato na wala siyang magawa, kundi bagkus pa ngang lumalala ang kaguluhan, siya'y kumuha ng tubig, at naghugas ng kaniyang mga kamay sa harap ng karamihan, na sinasabi, Wala akong kasalanan sa dugo nitong matuwid na tao; kayo ang bahala niyan. 25 At sumagot ang buong bayan at nagsabi, Mapasa amin ang kaniyang dugo, at sa aming mga anak. 26 Nang magkagayo'y pinawalan niya sa kanila si Barrabas; nguni't si Jesus ay hinampas at ibinigay upang ipako sa krus. 27 Nang magkagayo'y dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio, at nagkatipon sa kaniya ang buong pulutong. 28 At siya'y kanilang hinubdan, at dinamtan siya ng isang balabal na kulay-ube. 29 At sila'y nangagkamakama ng isang putong na tinik, at ipinutong sa kaniyang ulo, at inilagay sa kanang kamay niya ang isang tambo; at sila'y nagsiluhod sa harap niya at siya'y kanilang nilibak, na nagsisipagsabi, Magalak, Hari ng mga Judio! 30 At siya'y kanilang niluluraan, at kinuha nila ang tambo at sinaktan siya sa ulo. 31 At nang siya'y kanilang malibak, ay hinubdan nila siya ng balabal, at isinuot sa kaniya ang kaniyang mga damit, at kanilang inilabas siya upang ipako sa krus. 32 At paglabas nila'y kanilang nasalubong ang isang taong taga Cirene, na ang pangala'y Simon: ito'y kanilang pinilit na sumama sa kanila, upang pasanin niya ang kaniyang krus. 33 At nang sila'y magsirating sa isang dakong tinatawag na Golgota, sa makatuwid baga'y, Ang dako ng bungo, 34 Ay pinainom nila siya ng alak na may kahalong apdo: at nang kaniyang matikman, ay ayaw niyang inumin. 35 At nang siya'y kanilang maipako sa krus ay kanilang binahagi ang kaniyang mga damit, na kanilang pinagsapalaran; 36 At sila'y nangagsiupo at binantayan siya roon. 37 At inilagay nila sa kaniyang ulunan ang pamagat sa kaniya, na nasusulat: ITO'Y SI JESUS, ANG HARI NG MGA JUDIO. 38 Nang magkagayo'y ipinakong kasama niya ang dalawang tulisan, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 39 At siya'y nililibak ng nangagdaraan, na iginagalaw ang kanilang mga ulo, 40 At nangagsasabi, Ikaw na igigiba mo ang templo, at sa tatlong araw ay iyong itatayo, iyong iligtas ang sarili mo: kung ikaw ay Anak ng Dios, ay bumaba ka sa krus. 41 Gayon din naman ang paglibak sa kaniya ng mga pangulong saserdote, pati ng mga eskriba at ng matatanda, na nagsipagsabi, 42 Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas. Siya ang Hari ng Israel; bumaba siya ngayon sa krus, at tayo'y magsisisampalataya sa kaniya. 43 Nananalig siya sa Dios; iligtas niya siya ngayon, kung siya'y iniibig: sapagka't sinabi niya, Ako'y Anak ng Dios. 44 At minumura din naman siya ng mga tulisang kasama niyang nangapapako sa krus. 45 Mula nga nang oras na ikaanim ay nagdilim sa ibabaw ng buong sangkalupaan hanggang sa oras na ikasiyam. 46 At nang malapit na ang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, na sinasabi: Eli, Eli, lama sabachthani? sa makatuwid baga'y, Dios ko, Dios ko bakit mo ako pinabayaan? 47 At nang marinig ito ng ilan sa nangakatayo roon, ay sinabi, Tinatawag ng taong ito si Elias. 48 At pagkaraka'y tumakbo ang isa sa kanila, at kumuha ng isang espongha, at binasa ng suka, saka inilagay sa isang tambo, at ipinainom sa kaniya. 49 At sinabi ng mga iba, Pabayaan ninyo; tingnan natin kung paririto si Elias upang siya'y iligtas. 50 At muling sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, at nalagot ang kaniyang hininga. 51 At narito, ang tabing ng templo'y nahapak na nagkadalawa buhat sa itaas hanggang sa ibaba; at nayanig ang lupa; at nangabaak ang mga bato; 52 At nangabuksan ang mga libingan; at maraming katawan ng mga banal na nangakatulog ay nangagbangon; 53 At paglabas sa mga libingan pagkatapos na siya'y mabuhay na maguli ay nagsipasok sila sa bayang banal at nangapakita sa marami. 54 Ang senturion nga, at ang mga kasamahan niya sa pagbabantay kay Jesus, nang mangakita nila ang lindol, at ang mga bagay na nangyari, ay lubhang nangatakot, na nangagsasabi, Tunay na ito ang Anak ng Dios. 55 At nangaroroon ang maraming babae na nagsisipanood buhat sa malayo, na nagsisunod kay Jesus buhat sa Galilea, na siya'y kanilang pinaglilingkuran: 56 Na sa mga yaon ay si Maria Magdalena, at si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo. 57 At nang hapon na ay dumating ang isang mayamang mula sa Arimatea, na nagngangalang Jose, na ito'y naging alagad din naman ni Jesus; 58 Ang taong ito'y naparoon kay Pilato, at hiningi ang bangkay ni Jesus. Nang magkagayo'y ipinagutos ni Pilato na ibigay yaon. 59 At kinuha ni Jose ang bangkay at binalot niya ng isang malinis na kayong lino, 60 At inilagay sa kaniyang sariling bagong libingan, na kaniyang hinukay sa bato: at iginulong niya ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan, at umalis. 61 At nangaroon si Maria Magdalena, at ang isang Maria, at nangakaupo sa tapat ng libingan. 62 Nang kinabukasan nga, na siyang araw pagkatapos ng Paghahanda, ay nangagkatipon kay Pilato ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo, 63 Na nagsisipagsabi, Ginoo, naaalaala namin na sinabi ng magdarayang yaon nang nabubuhay pa, Pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon akong muli. 64 Ipagutos mo nga na ingatan ang libingan hanggang sa ikatlong araw, baka sakaling magsiparoon ang kaniyang mga alagad at siya'y nakawin, at sabihin sa bayan, Siya'y nagbangon sa gitna ng mga patay: at lalong sasama ang huling kamalian. 65 Sinabi sa kanila ni Pilato, Mayroon kayong bantay: magsiparoon kayo, inyong ingatan ayon sa inyong makakaya. 66 Kaya't sila'y nagsiparoon, at iningatan nila ang libingan, tinatakan ang bato, na kasama nila ang bantay.
1 Nang magtatapos ang araw ng sabbath, nang nagbubukang liwayway na ang unang araw ng sanglinggo, ay nagsiparoon si Maria Magdalena at ang isa pang Maria upang tingnan ang libingan. 2 At narito, lumindol ng malakas; sapagka't bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, at naparoon at iginulong ang bato, at nakaupo sa ibabaw nito. 3 Ang kaniyang anyo ay tulad sa kidlat, at ang kaniyang pananamit ay maputing parang niebe: 4 At sa takot sa kaniya'y nagsipanginig ang mga bantay, at nangaging tulad sa mga taong patay. 5 At sumagot ang anghel at sinabi sa mga babae, Huwag kayong mangatakot; sapagka't nalalaman ko na inyong hinahanap si Jesus na ipinako sa krus. 6 Siya'y wala rito; sapagka't siya'y nagbangon, ayon sa sinabi niya. Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang dakong kinalagyan ng Panginoon. 7 At magsiyaon kayong madali, at sa kaniyang mga alagad ay sabihin ninyo, Siya'y nagbangon sa mga patay; at narito, siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea; doon makikita ninyo siya: narito, nasabi ko na sa inyo. 8 At sila'y nagsialis na madali sa libingan na taglay ang takot at ang malaking galak, at nagsitakbo upang ibalita sa kaniyang mga alagad. 9 At narito, sila'y sinalubong ni Jesus na nagsasabi, Mangagalak kayo. At sila'y nagsilapit at niyakap ang kaniyang mga paa, at siya'y sinamba. 10 Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Huwag kayong mangatakot: magsiyaon kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na magsiparoon sa Galilea, at doo'y makikita nila ako. 11 Samantala ngang sila'y nagsisiparoon, narito, ang ilan sa mga bantay ay nagsiparoon sa bayan, at ibinalita sa mga pangulong saserdote ang lahat ng mga bagay na nangyari. 12 At nang sila'y mangakipagkatipon na sa matatanda, at makapagsanggunian na, ay nangagbigay sila ng maraming salapi sa mga kawal, 13 Na nangagsasabi, Sabihin ninyo, Nagsiparito nang gabi ang kaniyang mga alagad, at siya'y kanilang ninakaw samantalang kami'y nangatutulog. 14 At kung ito'y dumating sa tainga ng gobernador, ay siya'y aming hihikayatin, at kayo'y aming ilalagay sa panatag. 15 Kaya't kinuha nila ang salapi, at kanilang ginawa alinsunod sa pagkaturo sa kanila: at ang pananalitang ito ay kumalat sa gitna ng mga Judio, at nananatili hanggang sa mga araw na ito. 16 Datapuwa't nagsiparoon ang labingisang alagad sa Galilea, sa bundok na sa kanila'y itinuro ni Jesus. 17 At nang siya'y kanilang makita, ay kanilang sinamba siya; datapuwa't ang ilan ay nangagalinlangan. 18 At lumapit si Jesus sa kanila at sila'y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin. 19 Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: 20 Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.
1 Ang pasimula ng evangelio ni Jesucristo, ang Anak ng Dios. 2 Ayon sa pagkasulat kay Isaias na propeta, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan; 3 Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas; 4 Dumating si Juan, na nagbabautismo sa ilang at ipinangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. 5 At nilalabas siya ng buong lupain ng Judea, at nilang lahat na mga taga Jerusalem; at sila'y binabautismuhan niya sa ilog ng Jordan, na nangagpapahayag ng kanilang mga kasalanan. 6 At si Juan ay nananamit ng balahibo ng kamelyo, at may isang pamigkis na katad sa palibot ng kaniyang baywang, at kumakain ng mga balang at pulot-pukyutan. 7 At siya'y nangangaral, na nagsasabi, Sumusunod sa hulihan ko ang lalong makapangyarihan kay sa akin; hindi ako karapatdapat yumukod at kumalag ng tali ng kaniyang mga pangyapak. 8 Binabautismuhan ko kayo sa tubig; datapuwa't kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo. 9 At nangyari nang mga araw na yaon, na nanggaling si Jesus sa Nazaret ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Jordan. 10 At karakarakang pagahon sa tubig, ay nakita niyang biglang nangabuksan ang mga langit, at ang Espiritu na tulad sa isang kalapati na bumababa sa kaniya: 11 At may isang tinig na nagmula sa mga langit, Ikaw ang sinisinta kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod. 12 At pagdaka'y itinaboy siya ng Espiritu sa ilang. 13 At siya'y nasa ilang na apat na pung araw na tinutukso ni Satanas; at kasama siya ng mga ganid; at pinaglingkuran siya ng mga anghel. 14 Pagkatapos ngang madakip si Juan, ay napasa Galilea si Jesus na ipinangangaral ang evangelio ng Dios, 15 At sinasabi, Naganap na ang panahon, at malapit na ang kaharian ng Dios: kayo'y mangagsisi, at magsisampalataya sa evangelio. 16 At pagdaraan sa tabi ng dagat ng Galilea, ay nakita niya si Simon at si Andres na kapatid ni Simon na naghahagis ng lambat sa dagat; sapagka't sila'y mga mamamalakaya. 17 At sinabi sa kanila ni Jesus, Magsisunod kayo sa aking hulihan, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao. 18 At pagdaka'y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya. 19 At paglakad sa dako pa roon ng kaunti, ay nakita niya si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kaniyang kapatid, na sila rin naman ay nangasa daong na hinahayuma ang mga lambat. 20 At pagdaka'y kaniyang tinawag sila: at kanilang iniwan sa daong ang kanilang amang si Zebedeo na kasama ng mga aliping upahan, at nagsisunod sa kaniya. 21 At nagsipasok sila sa Capernaum; at pagdaka'y pumasok siya sa sinagoga nang araw ng sabbath at nagtuturo. 22 At nangagtaka sila sa kaniyang aral: sapagka't sila'y tinuturuan niyang tulad sa may kapamahalaan, at hindi gaya ng mga eskriba. 23 At pagdaka'y may isang tao sa kanilang sinagoga na may isang karumaldumal na espiritu; at siya'y sumigaw, 24 Na nagsasabi, Anong pakialam namin sa iyo, Jesus ikaw na Nazareno? naparito ka baga upang kami'y puksain? Nakikilala kita kung sino ka, ang Banal ng Dios. 25 At sinaway siya ni Jesus, na nagsasabi, Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya. 26 At ang karumaldumal na espiritu, nang mapangatal niya siya at makapagsisigaw ng malakas na tinig, ay lumabas sa kaniya. 27 At silang lahat ay nangagtaka, ano pa't sila-sila rin ay nangagtatanungan, na sinasabi, Ano kaya ito? isang bagong aral yata! may kapamahalaang naguutos pati sa mga karumaldumal na espiritu, at siya'y tinatalima nila. 28 At lumipana pagdaka ang pagkabantog niya sa lahat ng dako sa buong palibotlibot ng lupain ng Galilea. 29 At paglabas nila sa sinagoga, ay nagsipasok pagdaka sa bahay ni Simon at ni Andres, na kasama si Santiago at si Juan. 30 Nakahiga ngang nilalagnat ang biyanang babae ni Simon; at pagdaka'y pinakiusapan nila siya tungkol sa kaniya: 31 At lumapit siya at tinangnan niya sa kamay, at siya'y itinindig; at inibsan siya ng lagnat, at siya'y naglingkod sa kanila. 32 At nang kinagabihan, paglubog ng araw, ay kanilang dinala sa kaniya ang lahat ng mga may-sakit, at ang mga inaalihan ng mga demonio. 33 At ang buong bayan ay nangagkatipon sa pintuan. 34 At nagpagaling siya ng maraming may karamdaman ng sarisaring sakit, at nagpalabas ng maraming demonio; at hindi tinulutang magsipagsalita ang mga demonio, sapagka't siya'y kanilang kilala. 35 At nagbangon siya nang madaling-araw, na malalim pa ang gabi, at lumabas, at napasa isang dakong ilang, at doo'y nanalangin. 36 At si Simon at ang kasamahan niya ay nagsisunod sa kaniya; 37 At siya'y nasumpungan nila, at sinabi sa kaniya, Hinahanap ka ng lahat. 38 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon tayo sa ibang dako ng mga kalapit na bayan, upang ako'y makapangaral din naman doon; sapagka't sa ganitong dahilan ako'y naparito. 39 At siya'y pumasok sa mga sinagoga nila sa buong Galilea, na nangangaral at nagpapalabas ng mga demonio. 40 At lumapit sa kaniya ang isang ketongin, na namamanhik sa kaniya, at nanikluhod sa kaniya, at sa kaniya'y nagsasabi, Kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako. 41 At sa pagkaawa ay iniunat niya ang kaniyang kamay, at siya'y hinipo, at sinabi sa kaniya, Ibig ko; luminis ka. 42 At pagdaka'y nawalan siya ng ketong, at siya'y nalinis. 43 At siya'y kaniyang pinagbilinang mahigpit, at pinaalis siya pagdaka, 44 At sinabi sa kaniya, Ingatan mong huwag sabihin sa kanino mang tao ang anoman: kundi yumaon ka, at pakita ka sa saserdote, at maghandog ka sa pagkalinis sa iyo ng mga bagay na ipinagutos ni Moises, na bilang isang patotoo sa kanila. 45 Datapuwa't siya'y umalis, at pinasimulang ipamalitang mainam, at ipahayag ang nangyari, ano pa't hindi na makapasok ng hayag si Jesus sa bayan, kundi dumoon sa labas sa mga dakong ilang: at pinagsasadya nila siya mula sa lahat ng panig.
1 At nang siya'y pumasok uli sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, ay nahayag na siya'y nasa bahay. 2 At maraming nagkatipon, ano pa't hindi na magkasiya, kahit sa pintuan man: at sa kanila'y sinaysay niya ang salita. 3 At sila'y nagsidating, na may dalang isang lalaking lumpo sa kaniya, na usong ng apat. 4 At nang hindi sila mangakalapit sa kaniya dahil sa karamihan, ay kanilang binakbak ang bubungan ng kaniyang kinaroroonan: at nang yao'y kanilang masira, ay inihugos nila ang higaang kinahihigan ng lumpo. 5 At pagkakita ni Jesus sa kanilang pananampalataya ay sinabi sa lumpo, Anak, ipinatatawad ang iyong mga kasalanan. 6 Nguni't mayroon doong nangakaupong ilan sa mga eskriba, at nangagbubulaybulay sa kanilang mga puso, 7 Bakit nagsasalita ang taong ito ng ganito? siya'y namumusong: sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan kundi isa, ang Dios lamang? 8 At pagkaunawa ni Jesus, sa kaniyang espiritu na sila'y nangagbubulaybulay sa kanilang sarili, pagdaka'y sinabi sa kanila, Bakit binubulaybulay ninyo ang mga bagay na ito sa inyong mga puso? 9 Alin baga ang lalong magaang sabihin sa lumpo, Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka, at buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka? 10 Datapuwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi niya sa lumpo), 11 Sa iyo ko sinasabi, Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo. 12 At nagtindig siya, at pagdaka'y binuhat ang higaan, at yumaon sa harap nilang lahat; ano pa't nangagtaka silang lahat, at niluwalhati nila ang Dios, na nangagsabi, Kailan ma'y hindi tayo nakakita ng ganito. 13 At muling lumabas at naparoon siya sa tabi ng dagat; at lumapit sa kaniya ang buong karamihan, at sila'y kaniyang tinuruan. 14 At sa kaniyang pagdaraan, ay nakita niya si Levi na anak ni Alfeo na nakaupo sa paningilan ng buwis, at sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin. At nagtindig siya at sumunod sa kaniya. 15 At nangyari, na siya'y nakaupo sa pagkain sa kaniyang bahay, at maraming maniningil ng buwis at mga makasalanang nagsiupong kasalo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad: sapagka't sila'y marami, at sila'y nagsisunod sa kaniya. 16 At nang makita ng mga eskriba at mga Fariseo, na siya'y kumakaing kasalo ng mga makasalanan at ng mga maniningil ng buwis, ay nagsipagsabi sa kaniyang mga alagad, Ano ito na siya'y kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan? 17 At nang ito'y marinig ni Jesus, ay sinabi niya sa kanila, Hindi nangangailangan ng manggagamot ang mga walang sakit, kundi ang mga maysakit: hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan. 18 At nangagaayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Fariseo: at sila'y nagsilapit at sinabi sa kaniya, Bakit nangagaayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Fariseo, datapuwa't hindi nangagaayuno ang iyong mga alagad? 19 At sinabi sa kanila ni Jesus, Mangyayari bagang mangagayuno ang mga abay sa kasalan, samantalang ang kasintahang-lalake ay sumasa kanila? samantalang ang kasintahang-lalake ay sumasa kanila, ay hindi sila mangakapagaayuno. 20 Datapuwa't darating ang mga araw, na aalisin sa kanila ang kasintahang-lalake, at kung magkagayo'y mangagaayuno sila sa araw na yaon. 21 Walang taong nagtatagpi ng matibay na kayo sa damit na luma: sa ibang paraan ang itinagpi ay binabatak ang tinagpian, sa makatuwid baga'y ang bago sa luma, at lalong lumalala ang punit. 22 At walang taong nagsisilid ng bagong alak sa mga balat na luma; sa ibang paraan ay pinupunit ng alak ang mga balat at nabububo ang alak at nasisira ang mga balat: kundi ang alak na bago ay isinisilid sa mga bagong balat. 23 At nangyari, na nagdaraan siya sa mga bukiran ng trigo nang araw ng sabbath; at ang mga alagad niya, samantalang nagsisilakad, ay nagpasimulang nagsikitil ng mga uhay. 24 At sinabi sa kaniya ng mga Fariseo, Narito, bakit ginagawa nila sa araw ng sabbath ang hindi matuwid? 25 At sinabi niya sa kanila, Kailan man baga'y hindi ninyo nabasa ang ginawa ni David, nang siya'y mangailangan, at magutom, siya, at ang kaniyang mga kasamahan? 26 Kung paanong pumasok siya sa bahay ng Dios nang panahon ng dakilang saserdoteng si Abiatar, at kumain siya ng tinapay na itinalaga, na hindi matuwid kanin maliban na sa mga saserdote lamang, at binigyan pa rin niya ang kaniyang mga kasamahan? 27 At sinabi niya sa kanila, Ginawa ang sabbath ng dahil sa tao, at di ang tao ng dahil sa sabbath: 28 Kaya't ang Anak ng tao ay panginoon din naman ng sabbath.
1 At siya'y muling pumasok sa sinagoga; at doo'y may isang lalake na tuyo ang kaniyang kamay. 2 At siya'y inaabangan nila kung pagagalingin siya sa araw ng sabbath; upang siya'y maisakdal nila. 3 At sinabi sa lalaking tuyo ang kamay, Magtindig ka. 4 At sinabi niya sa kanila, Katuwiran baga ang gumawa ng magaling sa araw ng sabbath, o ang gumawa ng masama? magligtas ng isang buhay, o pumatay? Datapuwa't sila'y hindi nagsiimik. 5 At nang siya'y lumingap sa kanila sa palibotlibot na may galit, sapagka't ikinalungkot niya ang katigasan ng kanilang puso, ay sinabi niya sa lalake, Iunat mo ang iyong kamay. At iniunat niya: at gumaling ang kaniyang kamay. 6 At nagsilabas ang mga Fariseo, at pagdaka'y nakipagsanggunian sa mga Herodiano laban sa kaniya, kung paanong siya'y maipapupuksa nila. 7 At si Jesus na kasama ng kaniyang mga alagad ay lumigpit sa dagat: at nagsisunod sa kaniya ang lubhang karamihang taong mula sa Galilea; at mula sa Judea, 8 At mula sa Jerusalem, at mula sa Idumea, at mula sa dakong ibayo ng Jordan, at sa palibotlibot ng Tiro, at Sidon, na lubhang maraming tao, nang mabalitaan ang lubhang mga dakilang bagay na kaniyang ginagawa, ay nagsiparoon sa kaniya. 9 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, na ihanda sa kaniya ang isang maliit na daong dahil sa karamihan, baka siya'y kanilang siksikin: 10 Sapagka't siya'y nakapagpagaling sa marami; ano pa't sinisiksik siya ng lahat ng mga nasasalot upang siya'y mahipo nila. 11 At ang mga karumaldumal na espiritu, pagkakita sa kaniya, ay nangagpatirapa sa kaniyang harapan, at nangagsisisigaw, na nangagsasabi, Ikaw ang Anak ng Dios. 12 At ipinagbilin niya sa kanilang mahigpit na siya'y huwag nilang ihayag. 13 At siya'y umahon sa bundok, at tinawag niya ang balang kaniyang maibigan: at nagsilapit sila sa kaniya. 14 At naghalal siya ng labingdalawa, upang sila'y makisama sa kaniya, at upang sila'y suguin niyang magsipangaral, 15 At magkaroon ng kapamahalaang magpalayas ng mga demonio: 16 At si Simon ay kaniyang pinamagatang Pedro; 17 At si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kapatid ni Santiago; at sila'y pinamagatan niyang Boanerges, na sa makatuwid baga'y mga Anak ng kulog: 18 At si Andres, at si Felipe, at si Bartolome, at si Mateo, at si Tomas, at si Santiago, na anak ni Alfeo, at si Tadeo, at si Simon ang Cananeo, 19 At si Judas Iscariote, na siya ring nagkanulo sa kaniya. At pumasok siya sa isang bahay. 20 At muling nagkatipon ang karamihan, ano pa't sila'y hindi man lamang makakain ng tinapay. 21 At nang mabalitaan yaon ng kaniyang mga kaibigan, ay nagsilabas sila upang siya'y hulihin: sapagka't kanilang sinabi, Sira ang kaniyang bait. 22 At sinabi ng mga eskriba na nagsibaba mula sa Jerusalem, Nasa kaniya si Beelzebub, at, Sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio. 23 At sila'y kaniyang pinalapit sa kaniya, at sinabi sa kanila sa mga talinghaga, Paanong mapalalabas ni Satanas si Satanas? 24 At kung ang isang kaharian ay magkabahabahagi laban sa kaniyang sarili, hindi mangyayaring makapanatili ang kaharian yaon. 25 At kung ang isang bahay ay magkabahabahagi laban sa kaniyang sarili, ay hindi mangyayaring makapanatili ang bahay na yaon. 26 At kung manghihimagsik si Satanas laban sa kaniyang sarili, at magkabahabahagi, hindi siya makapanananatili, kundi magkakaroon ng isang wakas. 27 Datapuwa't walang makapapasok sa bahay ng malakas na tao, at samsamin ang kaniyang mga pag-aari, malibang gapusin muna niya ang malakas na tao; at kung magkagayo'y masasamsaman ang kaniyang bahay. 28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ipatatawad ang lahat ng kanilang mga kasalanan sa mga anak ng mga tao, at ang mga kapusungan nila kailan ma't sila'y mangagsasalita ng kapusungan: 29 Datapuwa't sinomang magsalita ng kapusungan laban sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran magpakailan man, kundi may kasalanan ng isang kasalanang walang hanggan: 30 Sapagka't sinabi nila, Siya'y may isang karumaldumal na espiritu. 31 At dumating nga ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid; at, palibhasa'y nangakatayo sila sa labas, ay nangagpasugo sila sa kaniya, na siya'y tinatawag. 32 At nangakaupo ang isang karamihan sa palibot niya; at sinabi nila sa kaniya, Narito, nangasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na hinahanap ka. 33 At sinagot niya sila, at sinabi, Sino ang aking ina at aking mga kapatid? 34 At paglingap niya sa nangakaupo sa palibot niya, ay sinabi niya, Narito, ang aking ina at aking mga kapatid! 35 Sapagka't sinomang gumaganap ng kalooban ng Dios, ito'y ang aking kapatid na lalake, at aking kapatid na babae, at ina.
1 At siya'y muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagpipisan sa kaniya ang lubhang maraming tao, ano pa't siya'y lumulan sa isang daong, at siya'y naupo sa dagat; at ang buong karamihan ay nasa lupa sa tabi ng dagat. 2 At sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa mga talinghaga, at sinabi sa kanila sa kaniyang pagtuturo, 3 Pakinggan ninyo: Narito, ang manghahasik ay yumaon upang maghasik: 4 At nangyari, sa kaniyang paghahasik, na ang ilang binhi ay nangahulog sa tabi ng daan, at nagsidating ang mga ibon at kinain ito. 5 At ang mga iba'y nangahulog sa batuhan, na doo'y walang maraming lupa; at pagdaka'y sumibol, sapagka't hindi malalim ang lupa: 6 At nang sumikat ang araw, ay nangainitan; at dahil sa walang ugat, ay nangatuyo. 7 At ang mga iba'y nangahulog sa dawagan, at nagsilaki ang mga dawag, at ininis ang mga pananim, at ito'y hindi nangamunga. 8 At ang mga iba'y nangahulog sa mabuting lupa, at nangamunga, na nagsitaas at nagsilago; at may namunga ng tigtatatlongpu, at tiganim na pu, at tigisang daan. 9 At sinabi niya, Ang may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig. 10 At nang siya'y magisa na, ang nangasa palibot niya na kasama ang labingdalawa ay nangagtanong sa kaniya tungkol sa mga talinghaga. 11 At sinabi niya sa kanila, Sa inyo ay ipinagkaloob ang makaalam ng hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa't sa kanilang nangasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa pamamagitan ng mga talinghaga: 12 Upang kung magsitingin sila'y mangakakita, at huwag mamalas; at kung mangakinig sila'y mangakarinig, at huwag mangakaunawa; baka sakaling sila'y mangagbalikloob, at patawarin sila. 13 At sinabi niya sa kanila, Hindi baga ninyo nalalaman ang talinghagang ito? at paanong malalaman ninyo ang lahat ng mga talinghaga? 14 Ang manghahasik ay naghahasik ng salita. 15 At ang mga ito'y yaong nangasa tabi ng daan, na doon nahahasik ang salita; at nang kanilang mapakinggan, pagdaka'y pinaroroonan ni Satanas, at inaalis ang salita na inihasik sa kanila. 16 At gayon din naman itong mga nahasik sa batuhan, na, pagkarinig nila ng salita, pagdaka'y nagsisitanggap na may galak; 17 At hindi nangaguugat sa kanilang sarili, kundi sangdaling tumatagal; kaya't pagkakaroon ng kapighatian o ng mga paguusig dahil sa salita, pagdaka'y nangatisod sila. 18 At ang mga iba'y yaong nangahasik sa dawagan; ang mga ito'y yaong nangakinig ng salita, 19 At ang mga pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, at ang mga pita sa ibang mga bagay na nagsisipasok, ang nagsisiinis sa salita, at ito'y nagiging walang bunga. 20 At yaon ang nangahasik sa mabuting lupa; na nangakikinig ng salita, at tinatanggap ito, at namumunga ng tigtatatlongpu, at tigaanim na pu, at tigiisang daan. 21 At sinabi niya sa kanila, Dinadala baga ang ilaw upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi baga upang ilagay sa talagang lalagayan ng ilaw? 22 Sapagka't walang anomang bagay na natatago, kundi upang mahayag; ni nalilihim, kundi yao'y upang mapasa liwanag. 23 Kung ang sinoman ay may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig. 24 At sinabi niya sa kanila, Ingatan ninyo kung ano ang inyong pinakikinggan: sa panukat na inyong isinusukat ay kayo'y susukatin; at higit pa ang sa inyo'y ibibigay. 25 Sapagka't ang mayroon, ay bibigyan pa; at ang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin pa sa kaniya. 26 At sinabi niya, Ganyan ang kaharian ng Dios, na gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa; 27 At natutulog at nagbabangon sa gabi at araw, at sumisibol at lumalaki ang binhi na di niya nalalaman kung paano. 28 Sa kaniyang sarili ay nagbubunga ang lupa; una-una'y usbong, saka uhay, pagkatapos ay butil na humihitik sa uhay. 29 Datapuwa't pagka hinog na ang bunga, ay ginagamit agad ang panggapas, sapagka't dumating na ang pagaani. 30 At kaniyang sinabi, Sa ano natin itutulad ang kaharian ng Dios? o sa anong talinghaga isasaysay natin ito? 31 Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mostasa, na pagkahasik sa lupa, bagama't siyang lalong pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nangasa lupa, 32 Gayon ma'y pagkatanim, ay tumataas, at lumalaki ng higit kay sa lahat ng mga gulay, at nagsasanga ng malalabay; ano pa't ang mga ibon sa langit ay mangakasisilong sa kaniyang lilim. 33 At sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga ay sinasaysay niya sa kanila ang salita, ayon sa makakaya ng kanilang pakinig; 34 At hindi sila kinakausap kundi sa talinghaga: datapuwa't sa kaniyang sariling mga alagad ay bukod na ipinaliliwanag ang lahat ng mga bagay. 35 At nang araw ding yaon, nang gabi na, ay sinabi niya sa kanila, Tumawid tayo sa kabilang ibayo. 36 At pagkaiwan sa karamihan, ay kanilang dinala siya sa daong, ayon sa kaniyang kalagayan. At mayroon siyang kasamang ibang mga daong. 37 At nagbangon ang isang malakas na bagyo, at sinasalpukan ang daong ng mga alon, na ano pa't ang daong ay halos natitigib. 38 At siya'y natutulog sa hulihan sa ibabaw ng kutson; at siya'y ginising nila, at sinabi sa kaniya, Guro, wala bagang anoman sa iyo na mapahamak tayo? 39 At gumising siya, at sinaway ang hangin, at sinabi sa dagat, Pumayapa, tumahimik ka. At humimpil ang hangin, at humusay na totoo ang panahon, 40 At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo nangatakot? wala pa baga kayong pananampalataya? 41 At sila'y nangatakot na lubha, at sila-sila'y nangagsasabihan, Sino nga ito, na pati ng hangin at ng dagat ay tumatalima sa kaniya?
1 At nagsidating sila sa kabilang ibayo ng dagat sa lupain ng mga Gadareno. 2 At paglunsad niya sa daong, pagdaka'y sinalubong siya na galing sa mga libingan ng isang lalake na may isang karumaldumal na espiritu, 3 Na tumatahan sa mga libingan: at sinoma'y hindi siya magapos, kahit ng tanikala; 4 Sapagka't madalas na siya'y ginapos ng mga damal at mga tanikala, at pinagpatidpatid niya ang mga tanikala, at pinagbabalibali ang mga damal: at walang taong may lakas na makasupil sa kaniya. 5 At palaging sa gabi't araw, ay nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili ng mga bato. 6 At pagkatanaw niya sa malayo kay Jesus, ay tumakbo at siya'y kaniyang sinamba; 7 At nagsisisigaw ng malakas na tinig, na kaniyang sinabi, Ano ang pakialam ko sa iyo, Jesus, ikaw na Anak ng Dios na Kataastaasan? kita'y pinamamanhikan alangalang sa Dios, na huwag mo akong pahirapan. 8 Sapagka't sinabi niya sa kaniya, Lumabas ka sa taong ito, ikaw na karumaldumal na espiritu. 9 At tinanong niya siya, Ano ang pangalan mo? At sinabi niya sa kaniya, Pulutong ang pangalan ko; sapagka't marami kami. 10 At ipinamamanhik na mainam sa kaniya na huwag silang palayasin sa lupaing yaon. 11 At sa libis ng bundok na yaon ay may isang malaking kawan ng mga baboy na nagsisipanginain. 12 At nangamanhik sila sa kaniya, na nagsisipagsabi, Paparoonin mo kami sa mga baboy, upang kami ay magsipasok sa kanila. 13 At ipinahintulot niya sa kanila. At ang mga karumaldumal na espiritu ay nangagsilabas, at nangagsipasok sa mga baboy: at ang kawan ay napadaluhong sa bangin hanggang sa dagat, na sila'y may mga dalawang libo; at sila'y nangalunod sa dagat. 14 At nagsitakas ang mga tagapagalaga ng mga yaon, at ibinalita sa bayan, at sa mga bukid. At nagsiparoon ang mga tao upang makita kung ano ang nangyari. 15 At nagsiparoon sila kay Jesus, at nakita nila ang inalihan ng mga demonio na nakaupo, nakapanamit at matino ang kaniyang pagiisip, sa makatuwid baga'y siyang nagkaroon ng isang pulutong: at sila'y nangatakot. 16 At sinabi sa kanila ng nangakakita kung paanong pagkapangyari sa inalihan ng mga demonio, at tungkol sa mga baboy. 17 At sila'y nangagpasimulang magsipamanhik sa kaniya na siya'y umalis sa kanilang mga hangganan. 18 At habang lumululan siya sa daong, ay ipinamamanhik sa kaniya ng inalihan ng mga demonio na siya'y ipagsama niya. 19 At hindi niya itinulot sa kaniya, kundi sa kaniya'y sinabi, Umuwi ka sa iyong bahay sa iyong mga kaibigan, at sabihin mo sa kanila kung gaano kadakilang mga bagay ang ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong kinaawaan ka niya. 20 At siya'y yumaon ng kaniyang lakad, at nagpasimulang ihayag sa Decapolis kung gaanong kadakilang mga bagay ang sa kaniya'y ginawa ni Jesus: at nangagtaka ang lahat ng mga tao. 21 At nang si Jesus ay muling makatawid sa daong sa kabilang ibayo, ay nakipisan sa kaniya ang lubhang maraming tao; at siya'y nasa tabi ng dagat. 22 At lumapit ang isa sa mga pinuno sa sinagoga, na nagngangalang Jairo; at pagkakita sa kaniya, ay nagpatirapa siya sa kaniyang paanan, 23 At ipinamamanhik na mainam sa kaniya, na sinasabi, Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo: ipinamamanhik ko sa iyo, na ikaw ay pumaroon at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kaniya, upang siya'y gumaling, at mabuhay. 24 At siya'y sumama sa kaniya; at sinundan siya ng lubhang maraming tao; at siya'y sinisiksik nila. 25 At isang babae na may labingdalawang taon nang inaagasan, 26 At siya'y napahirapan na ng maraming bagay ng mga manggagamot, at nagugol na niya ang lahat niyang tinatangkilik, at hindi gumaling ng kaunti man, kundi bagkus pang lumulubha siya, 27 Na pagkarinig niya ng mga bagay tungkol kay Jesus, ay lumapit siya sa karamihan, sa likuran niya, at hinipo ang kaniyang damit. 28 Sapagka't sinasabi niya, Kung mahipo ko man lamang ang kaniyang damit, ay gagaling ako. 29 At pagdaka'y naampat ang kaniyang agas; at kaniyang naramdaman sa kaniyang katawan na magaling na siya sa salot niya. 30 At si Jesus, sa pagkatalastas niya agad sa kaniyang sarili na may umalis na bisa sa kaniya, ay pagdaka'y pumihit sa karamihan at nagsabi, Sino ang humipo ng aking mga damit? 31 At sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad, Nakikita mong sinisiksik ka ng karamihan, at sasabihin mo, Sino ang humipo sa akin? 32 At lumingap siya sa palibotlibot upang makita siya na gumawa ng bagay na ito. 33 Nguni't ang babae na natatakot at nangangatal, palibhasa'y nalalaman ang sa kaniya'y nangyari, lumapit at nagpatirapa sa harap niya, at sinabi sa kaniya ang buong katotohanan. 34 At sinabi niya sa kaniya, Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo; yumaon kang payapa, at gumaling ka sa salot mo. 35 Samantalang nagsasalita pa siya, ay may nagsidating na galing sa bahay ng pinuno sa sinagoga, na nagsasabi, Patay na ang anak mong babae: bakit mo pa binabagabag ang Guro? 36 Datapuwa't hindi pinansin ni Jesus ang kanilang sinasalita, at nagsabi sa pinuno ng sinagoga, Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang. 37 At hindi niya ipinahintulot na sinoma'y makasunod sa kaniya, liban kay Pedro, at kay Santiago, at kay Juan na kapatid ni Santiago. 38 At nagsidating sila sa bahay ng pinuno sa sinagoga; at napanood niya ang pagkakagulo, at ang nagsisitangis, at nangagbubuntong-hininga ng labis. 39 At pagkapasok niya, ay kaniyang sinabi sa kanila, Bakit kayo'y nangagkakagulo at nagsisitangis? hindi patay ang bata, kundi natutulog. 40 At tinatawanan nila siya na nililibak. Datapuwa't, nang mapalabas na niya ang lahat, ay isinama niya ang ama ng bata at ang ina nito, at ang kaniyang mga kasamahan, at pumasok sa kinaroroonan ng bata. 41 At pagkahawak niya sa kamay ng bata, ay sinabi niya sa kaniya, Talitha cumi; na kung liliwanagin ay, Dalaga, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka. 42 At pagdaka'y nagbangon ang dalaga, at lumakad: sapagka't siya'y may labingdalawang taon na. At pagdaka'y nangagtaka silang lubha. 43 At ipinagbilin niya sa kanilang mahigpit, na sinoman ay huwag makaalam nito: at kaniyang ipinagutos na siya'y bigyan ng pagkain.
1 At umalis siya doon; at napasa kaniyang sariling lupain; at nagsisunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad. 2 At nang dumating ang sabbath, ay nagpasimulang magturo siya sa sinagoga: at marami sa nangakakarinig sa kaniya ay nangagtataka, na nangagsasabi, Saan nagkaroon ang taong ito ng mga bagay na ito? at, Anong karunungan ito na sa kaniya'y ibinigay, at anong kahulugan ng gayong mga makapangyarihang gawa na ginagawa ng kaniyang mga kamay? 3 Hindi baga ito ang anluwagi, ang anak ni Maria, at kapatid ni Santiago, at ni Jose, at ni Judas, at ni Simon? at hindi baga nangaririto sa atin ang kaniyang mga kapatid na babae? At siya'y kinatitisuran nila. 4 At sinabi sa kanila ni Jesus, Walang propetang di may kapurihan, liban sa kaniyang sariling lupain, at sa gitna ng kaniyang sariling mga kamaganak, at sa kaniyang sariling bahay. 5 At hindi siya nakagawa doon ng anomang makapangyarihang gawa, liban sa ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa ilang mga maysakit, at pinagaling sila. 6 At nanggigilalas siya sa kanilang di pananampalataya. At siya'y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligidligid. 7 At pinalapit niya sa kaniya ang labingdalawa, at nagpasimulang sinugo sila na daladalawa; at binigyan niya sila ng kapamahalaan laban sa mga karumaldumal na espiritu; 8 At ipinagbilin niya sa kanila na huwag silang magsipagbaon ng anoman sa paglakad, kundi tungkod lamang; kahit tinapay, kahit supot ng ulam, kahit salapi sa kanilang supot; 9 Datapuwa't gumamit ng mga sandalyas: at, huwag magsuot ng dalawang tunika. 10 At sinabi niya sa kanila, Saan man kayo magsipasok sa isang bahay, mangatira kayo roon hanggang sa kayo'y magsialis doon. 11 At sa alin mang dakong hindi kayo tanggapin, at hindi kayo pakinggan, pagalis ninyo doo'y ipagpag ninyo ang alabok na nasa ilalim ng inyong talampakan bilang patotoo sa kanila. 12 At sila'y nangagsialis, at nagsipangaral na mangagsisi ang mga tao. 13 At nangagpalabas ng maraming demonio, at nangagpahid ng langis sa maraming may-sakit, at pinagaling sila. 14 At narinig ng haring Herodes; sapagka't nabantog na ang pangalan niya; at sinabi niya, Si Juan na Mangbabautismo ay nagbangon sa mga patay, at kaya sumasa kaniya ang mga kapangyarihang ito. 15 At sinasabi ng mga iba, Siya'y si Elias. At sinasabi ng mga iba, Siya'y propeta, na gaya ng ibang mga propeta. 16 Datapuwa't nang marinig ni Herodes, ay sinabi, Si Juan na aking pinugutan ng ulo, siya'y nagbangon. 17 Sapagka't si Herodes din ang nagsugo sa mga kawal at nagpahuli kay Juan, at nagpatanikala sa kaniya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Filipo na kaniyang kapatid; sapagka't nagasawa siya sa kaniya. 18 Sapagka't sinabi ni Juan kay Herodes, Hindi matuwid sa iyo na iyong ariin ang asawa ng iyong kapatid. 19 At ipinagtanim siya ni Herodias, at hinahangad siyang patayin; at hindi niya magawa; 20 Sapagka't natatakot si Herodes kay Juan palibhasa'y nalalamang siya'y lalaking matuwid at banal, at siya'y ipinagsanggalang niya. At kung siya'y pinakikinggan niya, ay natitilihan siyang mainam; at pinakikinggan niya siya na may galak. 21 At nang sumapit ang isang kaukulang araw, na kapanganakan niya, ay ipinaghanda ni Herodes ng isang hapunan ang kaniyang mga maginoo, at mga mataas na kapitan, at mga pangulong lalake sa Galilea; 22 At nang pumasok ang anak na babae ni Herodias ay sumayaw, at siya'y kinalugdan ni Herodes at ng mga kasalo niyang nakaupo sa dulang; at sinabi ng hari sa dalaga, Hingin mo sa akin ang maibigan mo, at ibibigay ko sa iyo. 23 At ipinanumpa niya sa kaniya, Ang anomang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian. 24 At lumabas siya, at sinabi sa kaniyang ina, Ano ang aking hihingin? At sinabi niya, Ang ulo ni Juan ang Mangbabautismo. 25 At pagdaka'y pumasok siyang dalidali sa kinaroroonan ng hari, at humingi, na sinasabi, Ibig ko na ngayon din ang ibigay mo sa akin na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista. 26 At namanglaw na lubha ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang sumpa, at sa nangakaupo sa dulang, ay hindi niya itinanggi. 27 At pagdaka'y nagsugo ang hari sa isang kawal na kaniyang bantay, at ipinagutos na dalhin sa kaniya ang ulo niya: at yumaon siya at pinugutan siya ng ulo sa bilangguan, 28 At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga; at ibinigay ng dalaga sa kaniyang ina. 29 At nang mabalitaan ng kaniyang mga alagad, ay nagsiparoon sila at binuhat ang kaniyang bangkay, at inilagay sa isang libingan. 30 At ang mga apostol ay nangagpisan kay Jesus; at isinaysay nila sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kanilang ginawa, at ang lahat ng kanilang itinuro. 31 At sinabi niya sa kanila, Magsiparito kayo ng bukod sa isang dakong ilang, at mangagpahinga kayo ng kaunti. Sapagka't marami ang nangagpaparoo't parito, at sila'y hindi man lamang mangagkapanahon na magsikain. 32 At nagsiyaon silang nangasa daong at nangapasa isang dakong ilang at bukod. 33 At nangakita sila ng mga tao sa pagalis, at sila'y nangakilala ng marami at paraparang nagsisitakbo na nagsiparoon doon mula sa lahat ng mga bayan, at nangaunang nagsirating pa kay sa kanila. 34 At lumabas siya at nakita ang lubhang maraming tao, at nahabag siya sa kanila, sapagka't sila'y gaya ng mga tupa na walang pastor: at siya'y nagpasimulang tinuruan sila ng maraming bagay. 35 At nang gumabi na, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at nangagsabi, Ilang ang dakong ito, at gumagabi na; 36 Payaunin mo sila, upang sila'y magsiparoon sa mga bayan at mga nayon sa palibotlibot nito, at mangagsibili ng anomang makakain. 37 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bigyan ninyo sila ng makakain. At sinabi nila sa kaniya, Magsisiyaon ba kami at magsisibili ng dalawang daang denariong tinapay, at ipakakain namin sa kanila? 38 At sinabi niya sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? magsiparoon kayo at inyong tingnan. At nang mangaalaman nila, ay kanilang sinabi, Lima, at dalawang isda. 39 At iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat na pulupulutong sa ibabaw ng damuhang sariwa. 40 At sila'y nagsiupong hanayhanay, na tigsasangdaan, at tiglilimangpu. 41 At kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol ang mga tinapay; at ibinigay niya sa mga alagad upang ihain nila sa kanila; at ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda. 42 At nagsikain silang lahat, at nangabusog. 43 At kanilang pinulot ang mga pinagputolputol, labingdalawang bakol na puno ng tinapay at mga isda naman. 44 At ang nagsikain ng mga tinapay ay limang libong lalake. 45 At pagdaka'y pinalulan niya sa daong ang kaniyang mga alagad, at pinauna sa kaniya sa kabilang ibayo, sa Betsaida, samantalang pinayayaon niya ang karamihan. 46 At pagkatapos na mapagpaalam niya sila, ay naparoon siya sa bundok upang manalangin. 47 At nang dumating ang gabi, ang daong ay nasa gitna ng dagat, at siya'y nagiisa sa lupa. 48 At pagkakita sa kanila na totoong nangalulumbay sa paggaod, sapagka't sinasalunga sila ng hangin, at malapit na ang ikaapat na pagpupuyat sa gabi ay naparoon siya sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat; at ibig silang lagpasan: 49 Datapuwa't sila, nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay inakala nilang siya'y isang multo, at nangagsisigaw; 50 Sapagka't nakita siya nilang lahat, at nangagulumihanan. Datapuwa't pagdaka'y nagsalita siya sa kanila, at sa kanila'y sinabi, Laksan ninyo ang inyong loob: ako nga; huwag kayong mangatakot. 51 At pinanhik niya sila sa daong; at humimpil ang hangin: at sila'y nanganggilalas ng di kawasa sa kanilang sarili; 52 Palibhasa'y hindi pa nila natatalastas yaong tungkol sa mga tinapay, dahil sa ang kanilang puso'y pinatigas. 53 At nang mangakatawid na sila, ay narating nila ang lupa ng Genezaret, at nagsisadsad sa daungan. 54 At paglunsad nila sa daong, pagdaka'y nakilala siya ng mga tao, 55 At nang malibot nilang nagtutumulin ang buong lupaing yaon, at nagpasimulang dalhin sa kaniya ang mga may-sakit na nasa kanilang higaan, saan man nila marinig na naroon siya. 56 At saan man siya pumasok, sa mga nayon, o sa mga bayan o sa mga bukid, ay inilalagay nila sa mga liwasan ang mga may-sakit, at ipinamamanhik sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit: at ang lahat ng nagsihipo sa kaniya ay pawang nagsigaling.
1 At nakisama sa kanila ang mga Fariseo, at ilan sa mga eskriba, na nagsipanggaling sa Jerusalem, 2 At kanilang nangakita ang ilan sa kaniyang mga alagad na nagsisikain ng kanilang tinapay ng mga kamay na marurumi, sa makatuwid baga'y mga kamay na hindi hinugasan. 3 (Sapagka't ang mga Fariseo, at ang lahat ng mga Judio, ay hindi nagsisikain, kundi muna mangaghugas na maingat ng mga kamay, na pinanghahawakan ang mga sali't-saling sabi ng matatanda; 4 At kung nagsisipanggaling sila sa pamilihan, kung hindi muna mangaghugas, ay hindi sila nagsisikain; at may iba pang maraming bagay na kanilang minana, upang ganapin; gaya ng mga paghuhugas ng mga inuman, at ng mga saro, at ng mga inumang tanso.) 5 At siya'y tinanong ng mga Fariseo at ng mga eskriba, Bakit ang iyong mga alagad ay hindi nagsisilakad ng ayon sa sali't-saling sabi ng matatanda, kundi nagsisikain sila ng kanilang tinapay ng mga kamay na karumaldumal? 6 At sinabi niya sa kanila, Mabuti ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagpaimbabaw, ayon sa nasusulat, Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kaniyang mga labi, Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin. 7 Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ng mga utos ng mga tao. 8 Nilisan ninyo ang utos ng Dios, at inyong pinanghahawakan ang sali't-saling sabi ng mga tao. 9 At sinabi niya sa kanila, Totoong itinatakuwil ninyo ang utos ng Dios, upang mangaganap ninyo ang inyong mga sali't-saling sabi. 10 Sapagka't sinabi ni Moises, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Ang manungayaw sa ama o sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala: 11 Datapuwa't sinasabi ninyo, Kung sabihin ng isang tao sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, Yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay Corban, sa makatuwid baga'y, hain sa Dios; 12 Hindi na ninyo siya pinabayaang gumawa ng anoman na ukol sa kaniyang ama o sa kaniyang ina; 13 Na niwawalang kabuluhan ang salita ng Dios ng inyong sali't-saling sabi, na inyong itinuro: at nagsisigawa kayo ng iba pang maraming bagay na kawangis nito. 14 At muling pinalapit niya sa kaniya ang karamihan, at sinabi sa kanila, Pakinggan ninyong lahat ako, at inyong unawain: 15 Walang anomang nasa labas ng katawan ng tao, na pagpasok sa kaniya ay makakahawa sa kaniya; datapuwa't ang mga bagay na nagsisilabas sa tao yaon ang nangakakahawa sa tao. 16 Kung ang sinoman ay may pakinig na ipakikinig ay makinig. 17 At nang pumasok siya sa bahay na mula sa karamihan, ay itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad ang talinghaga. 18 At sinabi niya sa kanila, Kayo baga naman ay wala ring pagiisip? Hindi pa baga ninyo nalalaman, na anomang nasa labas na pumapasok sa tao, ay hindi nakakahawa sa kaniya; 19 Sapagka't hindi pumapasok sa kaniyang puso, kundi sa kaniyang tiyan, at lumalabas sa dakong daanan ng dumi? Sa salitang ito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain. 20 At sinabi niya, Ang lumalabas sa tao, yaon ang nakakahawa sa tao. 21 Sapagka't mula sa loob, mula sa puso ng mga tao, lumalabas ang masasamang pagiisip, ang mga pakikiapid, ang mga pagnanakaw, ang mga pagpatay sa kapuwa-tao, ang mga pangangalunya, 22 Ang mga kasakiman, ang mga kasamaan, ang pagdaraya, ang kalibugan, ang matang masama, ang kapusungan, ang kapalaluan, ang kamangmangan: 23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagsisipanggaling, at nangakakahawa sa tao. 24 At nagtindig siya doon, at napasa mga hangganan ng Tiro at ng Sidon. At pumasok siya sa isang bahay, at ibig niya na sinomang tao'y huwag sanang makaalam; at hindi siya nakapagtago. 25 Nguni't ang isang babae na ang kaniyang munting anak na babae ay may isang karumaldumal na espiritu, pagdaka'y nang mabalitaan siya, ay lumapit at nagpatirapa sa kaniyang paanan. 26 Ang babae nga ay isang Griega, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. At ipinamamanhik niya sa kaniya na palabasin sa kaniyang anak ang demonio. 27 At sinabi niya sa kaniya, Pabayaan mo munang mangabusog ang mga anak: sapagka't hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon sa mga aso. 28 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kaniya, Oo, Panginoon; kahit ang mga aso sa ilalim ng dulang ay nagsisikain ng mga mumo ng mga anak. 29 At sinabi niya sa kaniya, Dahil sa sabing ito humayo ka; nakaalis na ang demonio sa iyong anak. 30 At umuwi siya sa kaniyang bahay, at naratnan ang anak na nakahiga sa higaan, at nakaalis na ang demonio. 31 At siya'y muling umalis sa mga hangganan ng Tiro, at napasa Sidon hanggang sa dagat ng Galilea, na kaniyang tinahak ang mga hangganan ng Decapolis. 32 At dinala nila sa kaniya ang isang bingi at utal; at ipinamanhik nila sa kaniya na kaniyang ipatong ang kaniyang kamay sa kaniya. 33 At siya'y inihiwalay niya ng bukod sa karamihan, at isinuot ang kaniyang mga daliri sa mga tainga niya, at siya'y lumura, at hinipo ang kaniyang dila; 34 At pagkatingala sa langit, ay siya'y nagbuntong-hininga, at sinabi sa kaniya, Ephatha, sa makatuwid baga'y, Mabuksan. 35 At nangabuksan ang kaniyang mga pakinig, at nakalag ang tali ng kaniyang dila, at siya'y nakapagsalitang malinaw. 36 At ipinagbilin niya sa kanila na kanino mang tao ay huwag nilang sabihin: nguni't kung kailan lalong ipinagbabawal niya sa kanila, ay lalo namang kanilang ibinabantog. 37 At sila'y nangagtataka ng di kawasa, na nangagsasabi, Mabuti ang pagkagawa niya sa lahat ng mga bagay; kaniyang binibigyang pakinig pati ng mga bingi, at pinapagsasalita ang mga pipi.
1 Nang mga araw na yaon, nang magkaroong muli ng maraming tao, at wala silang mangakain, ay tinawag niya ang kaniyang mga alagad, at sinabi sa kanila, 2 Nahahabag ako sa karamihan, sapagka't tatlong araw nang sila'y nangatira sa akin, at walang mangakain: 3 At kung sila'y pauwiin kong nangagugutom sa kanilang mga tahanan, ay magsisipanglupaypay sila sa daan; at nagsipanggaling sa malayo ang ilan sa kanila. 4 At nagsisagot sa kaniya ang kaniyang mga alagad, Paanong mabubusog ninoman ang mga taong ito ng tinapay dito sa isang ilang na dako? 5 At kaniyang tinanong sila, Ilang tinapay mayroon kayo? At sinabi nila, Pito. 6 At iniutos niya sa karamihan na magsiupo sa lupa; at kinuha niya ang pitong tinapay, at pagkapagpasalamat, ay pinagputolputol niya, at ibinigay sa kaniyang mga alagad, upang ihain sa kanila; at inihain nila sa karamihan. 7 At mayroon silang ilang maliliit na isda: at nang mapagpala ang mga ito, ay ipinagutos niya na ihain din naman ang mga ito sa kanila. 8 At sila'y nagsikain, at nangabusog: at kanilang pinulot ang lumabis sa mga pinagputolputol, na pitong bakol na puno. 9 At sila'y may mga apat na libo: at pinayaon niya sila. 10 At pagdaka'y lumulan siya sa daong na kasama ang kaniyang mga alagad, at napasa mga sakop ng Dalmanuta. 11 At nagsilabas ang mga Fariseo, at nangagpasimulang makipagtalo sa kaniya, na hinahanapan siya ng isang tandang mula sa langit, na tinutukso siya. 12 At nagbuntong-hininga siya ng malalim sa kaniyang espiritu, at nagsabi, Bakit humahanap ng tanda ang lahing ito? katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang tandang ibibigay sa lahing ito. 13 At sila'y iniwan niya, at muling pagkalulan sa daong ay tumawid sa kabilang ibayo. 14 At nangalimutan nilang magsipagdala ng tinapay; at wala sila kundi isang tinapay sa daong. 15 At ipinagbilin niya sa kanila, na nagsabi, Tingnan ninyo, mangagingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at sa lebadura ni Herodes. 16 At nangagkatuwiranan sila-sila rin, na nangagsasabi, Wala tayong tinapay. 17 At pagkahalata nito ni Jesus ay sinabi sa kanila, Bakit nangagbubulaybulay kayo, sapagka't wala kayong tinapay? hindi pa baga ninyo napaghahalata, ni napaguunawa man? nangagmatigas na baga ang inyong puso? 18 Mayroon kayong mga mata, hindi baga kayo nangakakakita? at mayroon kayong mga tainga, hindi baga kayo nangakakarinig? at hindi baga ninyo nangaaalaala? 19 Nang aking pagputolputulin ang limang tinapay sa limang libong lalake, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang inyong binuhat? Sinabi nila sa kaniya, Labingdalawa. 20 At nang pagputolputulin ang pitong tinapay sa apat na libo, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang binuhat ninyo? At sinabi nila sa kaniya, Pito. 21 At sinabi niya sa kanila, Hindi pa baga ninyo napaguunawa? 22 At nagsidating sila sa Betsaida. At dinala nila sa kaniya ang isang lalaking bulag, at ipinamanhik sa kaniya na siya'y hipuin. 23 At hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag, at dinala niya sa labas ng nayon; at nang maluraan ang kaniyang mga mata, at maipatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya, ay kaniyang tinanong siya, Nakakakita ka baga ng anoman? 24 At siya'y tumingala, at nagsabi, Nakakakita ako ng mga tao; sapagka't namamasdan ko silang tulad sa mga punong kahoy, na nagsisilakad. 25 Saka ipinatong na muli sa kaniyang mga mata ang mga kamay niya; at siya'y tumitig, at gumaling, at nakita niyang maliwanag ang lahat ng mga bagay. 26 At pinauwi niya siya sa kaniyang tahanan, na sinasabi, Huwag kang pumasok kahit sa nayon. 27 At pumaroon si Jesus, at ang kaniyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Filipo: at sa daan ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinabi sa kanila, Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ako? 28 At sinaysay nila sa kaniya, na sinasabi, Si Juan Bautista; at ang mga iba, si Elias; datapuwa't ang mga iba, Isa sa mga propeta. 29 At tinanong niya sila, Datapuwa't ano ang sabi ninyo kung sino ako? Sumagot si Pedro at nagsabi sa kaniya, Ikaw ang Cristo. 30 At ipinagbilin niya sa kanila na huwag sabihin kanino man ang tungkol sa kaniya. 31 At siya'y nagpasimulang magturo sa kanila, na ang Anak ng tao ay kinakailangang magbata na maraming mga bagay, at itakuwil ng matatanda, at ng mga pangulong saserdote, at ng mga eskriba, at patayin, at pagkaraan ng tatlong araw ay muling magbangon. 32 At hayag na sinabi niya ang pananalitang ito. At isinama siya ni Pedro, at pinasimulang siya'y pagwikaan. 33 Datapuwa't paglingap niya sa palibot, at pagtingin sa kaniyang mga alagad, ay pinagwikaan si Pedro, at sinabi, Lumagay ka sa likuran ko, Satanas; sapagka't hindi mo pinagiisip ang mga bagay na ukol sa Dios, kundi ang mga bagay na ukol sa mga tao. 34 At pinalapit niya sa kaniya ang karamihan pati ng kaniyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin. 35 Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin at sa evangelio ay maililigtas yaon. 36 Sapagka't ano ang mapapakinabang ng tao, na makamtan ang buong sanglibutan, at mapapahamak ang kaniyang buhay? 37 Sapagka't anong ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay? 38 Sapagka't ang sinomang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita sa lahing ito na mapangalunya at makasalanan, ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng tao, pagparito niyang nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.
1 At sinabi niya sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayong ito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Dios na dumarating na may kapangyarihan. 2 At pagkaraan ng anim na araw, ay isinama ni Jesus si Pedro, at si Santiago, at si Juan, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok: at siya'y nagbagong-anyo sa harap nila; 3 At ang kaniyang mga damit ay nangagningning, na nagsiputing maigi, na ano pa't sinomang magpapaputi sa lupa ay hindi makapagpapaputi ng gayon. 4 At doo'y napakita sa kanila si Elias na kasama si Moises: at sila'y nakikipagusap kay Jesus. 5 At sumagot si Pedro at sinabi kay Jesus, Rabi, mabuti sa atin ang tayo'y dumito: at magsigawa kami ng tatlong tabernakulo; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias. 6 Sapagka't hindi niya nalalaman kung ano ang isasagot; sapagka't sila'y lubhang nangatakot. 7 At dumating ang isang alapaap na sa kanila'y lumilim: at may isang tinig na nanggaling sa alapaap, Ito ang sinisinta kong Anak; siya ang inyong pakinggan. 8 At karakaraka'y sa biglang paglingap nila sa palibotlibot, ay wala silang nakitang sinoman, kundi si Jesus lamang na kasama nila. 9 At habang nagsisibaba sila sa bundok, ay ipinagbilin niya sa kanila na sa kanino man ay huwag nilang sabihin ang kanilang nakita, maliban na pagka ang Anak ng tao ay magbangong maguli sa mga patay. 10 At kanilang iningatan ang pananalitang ito, na nangagtatanungan sila-sila kung ano ang kahulugan ng pagbabangong maguli sa mga patay. 11 At tinanong nila siya, na sinasabi, Bakit sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang pumarito muna si Elias? 12 At sinabi niya sa kanila, Katotohanang si Elias ay pariritong mauna, at isasauli sa dati ang lahat ng mga bagay: at paanong nasusulat ang tungkol sa Anak ng tao, na siya'y maghihirap ng maraming bagay at pawalang halaga? 13 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na naparito na si Elias, at ginawa din naman nila sa kaniya ang anomang kanilang inibig, ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya. 14 At pagdating nila sa mga alagad, ay nakita nilang nasa kanilang palibotlibot ang lubhang maraming mga tao, at ang mga eskriba ay nangakikipagtalo sa kanila. 15 At pagdaka'y ang buong karamihan, pagkakita nila sa kaniya, ay nangagtakang mainam, at tinakbo siya na siya'y binati. 16 At tinanong niya sila, Ano ang ipinakikipagtalo ninyo sa kanila? 17 At isa sa karamihan ay sumagot sa kaniya, Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalake na may isang espiritung pipi; 18 At saan man siya alihan nito, ay ibinubuwal siya: at nagbububula ang kaniyang bibig, at nagngangalit ang mga ngipin, at untiunting natutuyo: at sinabi ko sa iyong mga alagad na siya'y palabasin; at hindi nila magawa. 19 At sumagot siya sa kanila at nagsabi, Oh lahing walang pananampalataya, hanggang kailan makikisama ako sa inyo? hanggang kailan titiisin ko kayo? dalhin ninyo siya rito sa akin. 20 At dinala nila siya sa kaniya: at pagkakita niya sa kaniya, ay pagdaka'y pinapangatal siyang lubha ng espiritu; at siya'y nalugmok sa lupa, at nagpagulonggulong na bumubula ang kaniyang bibig. 21 At tinanong niya ang kaniyang ama, Kailan pang panahon nangyayari sa kaniya ito? At sinabi niya, Mula sa pagkabata. 22 At madalas na siya'y inihahagis sa apoy at sa tubig, upang siya'y patayin: datapuwa't kung mayroon kang magagawang anomang bagay, ay maawa ka sa amin, at tulungan mo kami. 23 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung kaya mo! Ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa kaniya na nananampalataya. 24 Pagdaka'y sumigaw ang ama ng bata, at sinabi, Nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya. 25 At nang makita ni Jesus na dumaragsang tumatakbo ang karamihan, ay pinagwikaan niya ang karumaldumal na espiritu, na sinasabi sa kaniya, Ikaw bingi at piping espiritu, iniuutos ko sa iyo na lumabas ka sa kaniya, at huwag ka nang pumasok na muli sa kaniya. 26 At nang makapagsisisigaw, at nang siya'y mapangatal na mainam, ay lumabas siya: at ang bata'y naging anyong patay; ano pa't marami ang nagsabi, Siya'y patay. 27 Datapuwa't hinawakan siya ni Jesus sa kamay, at siya'y ibinangon; at siya'y nagtindig. 28 At nang pumasok siya sa bahay, ay tinanong siya ng lihim ng kaniyang mga alagad, Paano ito na siya'y hindi namin napalabas? 29 At sinabi niya sa kanila, Ang ganito ay hindi mapalalabas ng anoman, maliban sa pamamagitan ng panalangin. 30 At nagsialis sila roon, at nangagdaan sa Galilea; at ayaw siyang sinomang tao'y makaalam niyaon. 31 Sapagka't tinuruan niya ang kaniyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, Ibibigay ang Anak ng tao sa mga kamay ng mga tao, at siya'y papatayin nila; at pagkapatay sa kaniya, ay siyang magbabangong muli pagkaraan ng ikatlong araw. 32 Nguni't hindi nila naunawa ang sabing ito, at nangatakot silang magsipagtanong sa kaniya. 33 At sila'y nagsidating sa Capernaum: at nang siya'y nasa bahay na ay tinanong niya sila, Ano ang pinagkakatuwiranan ninyo sa daan? 34 Datapuwa't hindi sila nagsiimik: sapagka't sila-sila ay nangagtalo sa daan, kung sino ang pinakadakila. 35 At siya'y naupo, at tinawag ang labingdalawa; at sa kanila'y sinabi niya, Kung sinoman ang ibig na maging una, ay siyang mahuhuli sa lahat, at lingkod ng lahat. 36 At kinuha niya ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila: at siya'y kaniyang kinalong, na sa kanila'y sinabi niya, 37 Ang sinomang tumanggap sa isa sa mga ganitong maliliit na bata sa aking pangalan, ay ako ang tinatanggap: at ang sinomang tumanggap sa akin, ay hindi ako ang tinatanggap, kundi yaong sa aki'y nagsugo. 38 Sinabi sa kaniya ni Juan, Guro, nakita namin ang isa na sa pangalan mo'y nagpapalabas ng mga demonio; at pinagbawalan namin siya, sapagka't hindi sumusunod sa atin. 39 Datapuwa't sinabi ni Jesus, Huwag ninyong pagbawalan siya: sapagka't walang taong gumagawa ng makapangyarihang gawa sa pangalan ko, na pagdaka'y makapagsasalita ng masama tungkol sa akin. 40 Sapagka't ang hindi laban sa atin ay sumasa atin. 41 Sapagka't ang sinomang magpainom sa inyo ng isang sarong tubig, dahil sa kayo'y kay Cristo, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hindi mawawala sa anomang paraan ang ganti sa kaniya. 42 At ang sinomang magbigay ng ikatitisod sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, ay mabuti pa sa kaniya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking gilingang bato, at siya'y ibulid sa dagat. 43 At kung ang kamay mo ay makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw, kay sa may dalawang kamay kang mapasa impierno, sa apoy na hindi mapapatay. 44 Na doo'y hindi namamatay ang kanilang uod, at hindi namamatay ang apoy. 45 At kung ang paa mo'y makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok kang pilay sa buhay kay sa may dalawang paa kang mabulid sa impierno. 46 Na doo'y hindi namamatay ang kanilang uod, at hindi namamatay ang apoy. 47 At kung ang mata mo'y makapagpapatisod sa iyo, ay dukitin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Dios na may isang mata, kay sa may dalawang mata kang mabulid sa impierno; 48 Na doo'y hindi namamatay ang kanilang uod, at hindi namamatay ang apoy. 49 Sapagka't bawa't isa'y aasnan sa pamamagitan ng apoy. 50 Mabuti ang asin: datapuwa't kung tumabang ang asin, ay ano ang inyong ipagpapaalat? Taglayin ninyo sa inyong sarili ang asin, at kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa isa't isa.
1 At siya'y umalis doon, at pumasok sa mga hangganan ng Judea at sa dako pa roon ng Jordan: at ang mga karamihan ay muling nakipisan sa kaniya; at, ayon sa kaniyang kinaugalian, ay muling tinuruan niya sila. 2 At nagsilapit sa kaniya ang mga Fariseo, at siya'y tinanong, Matuwid baga sa lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa? na siya'y tinutukso. 3 At sumagot siya at sa kanila'y sinabi, Ano ang iniutos sa inyo ni Moises? 4 At sinabi nila, Ipinahintulot ni Moises na ilagda ang kasulatan sa paghihiwalay, at ihiwalay siya. 5 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay inilagda niya ang utos na ito. 6 Nguni't buhat nang pasimula ng paglalang, Lalake at babaing ginawa niya sila. 7 Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; 8 At ang dalawa ay magiging isang laman; kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. 9 Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao. 10 At sa bahay ay muling tinanong siya ng mga alagad tungkol sa bagay na ito. 11 At sinabi niya sa kanila, Ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa unang asawa: 12 At kung ihiwalay ng babae ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala siya ng pangangalunya. 13 At dinadala nila sa kaniya ang maliliit na bata, upang sila'y kaniyang hipuin: at sinaway sila ng mga alagad. 14 Datapuwa't nang ito'y makita ni Jesus, ay nagdalang galit siya, at sinabi sa kanila, Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka't sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios. 15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan. 16 At kinalong niya sila, at sila'y pinagpala, na ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kanila. 17 At nang siya'y umalis na lumalakad sa daan, ay may isang tumakbong lumapit sa kaniya, at lumuhod sa harap niya, at siya'y tinanong, Mabuting Guro, ano ang gagawin ko upang ako'y magmana ng buhay na walang hanggan? 18 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Bakit tinatawag mo akong mabuti? walang mabuti kundi isa lamang, ang Dios. 19 Nalalaman mo ang mga utos, Huwag kang pumatay, Huwag kang mangalunya, Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Huwag kang magdaya, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina. 20 At sinabi niya sa kaniya, Guro, ang lahat ng mga bagay na ito'y aking ginanap mula sa aking kabataan. 21 At pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya, at sinabi sa kaniya, Isang bagay ang kulang sa iyo: yumaon ka, ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ibigay mo sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin. 22 Datapuwa't siya'y nahapis sa sabing ito, at siya'y yumaong namamanglaw: sapagka't siya'y isang may maraming mga pag-aari. 23 At lumingap si Jesus sa palibotlibot, at sinabi sa kaniyang mga alagad, Kay hirap na magsipasok sa kaharian ng Dios ang mga may kayamanan! 24 At nangagtaka ang mga alagad sa kaniyang mga salita. Datapuwa't si Jesus ay muling sumagot at nagsabi sa kanila, Mga anak, kay hirap na magsipasok sa kaharian ng Dios ang mga magsisiasa sa mga kayamanan! 25 Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios. 26 At sila'y nangagtatakang lubha, na sinasabi sa kaniya, Sino nga kaya ang makaliligtas? 27 Pagtingin ni Jesus sa kanila'y nagsabi, Hindi maaari ito sa mga tao, datapuwa't hindi gayon sa Dios: sapagka't ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa Dios. 28 Si Pedro ay nagpasimulang magsabi sa kaniya, Narito, iniwan namin ang lahat, at nagsisunod sa iyo. 29 Sinabi ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nagiwan ng bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga lupa, dahil sa akin, at dahil sa evangelio, 30 Na hindi siya tatanggap ng tigisang daan ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, at mga ina, at mga anak, at mga lupa, kalakip ng mga paguusig; at sa sanglibutang darating ay ng walang hanggang buhay. 31 Datapuwa't maraming nangauuna ay mangahuhuli; at nangahuhuli na mangauuna. 32 At sila'y nangasa daan, na nagsisiahon sa Jerusalem; at nangunguna sa kanila si Jesus: at sila'y nangagtaka; at ang nangagsisisunod ay nangatakot. At muling kinuha niya ang labingdalawa, at nagpasimulang sinabi sa kanila ang mga bagay na sa kaniya'y mangyayari, 33 Na sinasabi, Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem; at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba; at siya'y kanilang hahatulang patayin, at ibibigay siya sa mga Gentil: 34 At siya'y kanilang aalimurahin, at siya'y luluraan, at siya'y hahampasin, at siya'y papatayin; at pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon siyang muli. 35 At nagsilapit sa kaniya si Santiago at si Juan, na mga anak ni Zebedeo, na sa kaniya'y nagsisipagsabi, Guro, ibig naming iyong gawin sa amin ang anomang aming hingin sa iyo. 36 At sinabi niya sa kanila, Ano ang ibig ninyong sa inyo'y aking gawin? 37 At sinabi nila sa kaniya, Ipagkaloob mo sa amin na mangakaupo kami, ang isa'y sa iyong kanan, at ang isa'y sa iyong kaliwa, sa iyong kaluwalhatian. 38 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Mangakaiinom baga kayo sa sarong aking iinuman? o mangababautismuhan sa bautismo na ibinautismo sa akin? 39 At sinabi nila sa kaniya, Kaya namin. At sinabi sa kanila ni Jesus, Ang sarong aking iinuman ay iinuman ninyo; at sa bautismo na ibinautismo sa akin ay babautismuhan kayo; 40 Datapuwa't ang maupo sa aking kanan o sa aking kaliwa ay hindi ako ang magbibigay; datapuwa't yaon ay para sa kanila na mga pinaghahandaan. 41 At nang marinig ito ng sangpu, ay nangagpasimula silang mangagalit kay Santiago at kay Juan. 42 At sila'y pinalapit ni Jesus sa kaniya, at sa kanila'y sinabi, Nalalaman ninyo na yaong mga inaaring mga pinuno ng mga Gentil ay nangapapapanginoon sa kanila; at ang sa kanila'y mga dakila ay nagsisigamit ng kapamahalaan sa kanila. 43 Datapuwa't sa inyo ay hindi gayon: kundi ang sinomang ibig na dumakila sa inyo, ay magiging lingkod ninyo; 44 At ang sinoman sa inyo ang magibig manguna, ay magiging alipin ng lahat. 45 Sapagka't ang Anak ng tao rin naman ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami. 46 At nagsidating sila sa Jerico: at habang nililisan niya ang Jerico, na kasama ng kaniyang mga alagad at ng lubhang maraming mga tao, ang anak ni Timeo, si Bartimeo, na isang pulubing bulag, ay nakaupo sa tabi ng daan. 47 At nang marinig niya na yao'y si Jesus na Nazareno, siya'y nagpasimulang magsisigaw, at nagsabi, Jesus, ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin. 48 At siya'y pinagwikaan ng marami upang siya'y tumahimik: datapuwa't siya'y lalong sumisigaw, Ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa akin. 49 At tumigil si Jesus, at sinabi, Tawagin ninyo siya. At tinawag nila ang lalaking bulag, na sinasabi sa kaniya, Laksan mo ang iyong loob; ikaw ay magtindig, tinatawag ka niya. 50 At siya, pagkatapon ng kaniyang balabal, ay nagmadaling tumindig, at lumapit kay Jesus. 51 At sumagot sa kaniya si Jesus, at sinabi, Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo? At sinabi ng lalaking bulag, Raboni, na tanggapin ang aking paningin. 52 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka ng iyong lakad; pinagaling ka ng iyong pananampalataya. At pagdaka'y tinanggap niya ang kaniyang paningin, at siya'y sumunod sa kaniya sa daan.
1 At nang malapit na sila sa Jerusalem, sa Betfage at sa Betania, sa bundok ng mga Olivo ay sinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad, 2 At sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo sa nayong nasa tapat ninyo: at pagkapasok ninyo roon, ay masusumpungan ninyo ang isang nakataling batang asno, na hindi pa nasasakyan ng sinomang tao; inyong kalagin siya, at dalhin ninyo siya rito. 3 At kung may magsabi sa inyo, Bakit ninyo ginagawa ito? sabihin ninyo, Kinakailangan siya ng Panginoon; at pagdaka'y ipadadala niya siya rito. 4 At sila'y nagsiyaon, at kanilang nasumpungan ang batang asno na nakatali sa pintuan sa labas ng lansangan; at siya'y kanilang kinalag. 5 At ilan sa nangakatayo roon ay nangagsabi sa kanila, Ano ang ginagawa ninyo na inyong kinakalag ang batang asno? 6 At sinabi nila sa kanila ayon sa sinabi ni Jesus: at pinabayaan nilang sila'y magsialis. 7 At dinala nila ang batang asno kay Jesus, at inilagay nila sa ibabaw ng batang asno ang kanilang mga damit; at ito'y sinakyan ni Jesus. 8 At marami ang nagsisipaglatag ng kanilang mga damit sa daan; at ang mga iba'y ng mga sanga, na kanilang pinutol sa mga parang. 9 At ang nangasa unahan, at ang nagsisisunod, ay nangagsisigawan, Hosanna; Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon: 10 Mapalad ang kahariang pumaparito, ang kaharian ng ating amang si David: Hosanna sa kataastaasan. 11 At pumasok siya sa Jerusalem, sa templo; at nang malingap niya sa palibotlibot ang lahat ng mga bagay, at palibhasa'y hapon na, ay pumaroon siya sa Betania na kasama ang labingdalawa. 12 At sa kinabukasan, pagkaalis nila sa Betania, ay nagutom siya. 13 At pagkatanaw niya sa malayo ng isang puno ng igos na may mga dahon, ay lumapit siya, na baka sakaling makasumpong doon ng anoman: at nang siya'y malapit sa kaniya ay wala siyang nasumpungang anoman kundi mga dahon; sapagka't hindi panahon ng mga igos. 14 At sumagot si Jesus at sinabi rito, Sinomang tao'y hindi kakain ng iyong bunga mula ngayon at magpakailan man. At ito'y narinig ng kaniyang mga alagad. 15 At nagsidating sila sa Jerusalem: at pumasok siya sa templo, at nagpasimulang kaniyang itinaboy ang nangagbibili at nagsisibili sa loob ng templo, at ginulo ang mga dulang ng nangagpapalit ng salapi, at ang mga upuan ng nangagbibili ng mga kalapati; 16 At hindi niya ipinahintulot na sinoman ay magdala ng anomang sisidlan sa templo. 17 At siya'y nagturo, at sinabi sa kanila, Hindi baga nasusulat, Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan ng lahat ng mga bansa? datapuwa't ginawa ninyong yungib ng mga tulisan. 18 At yao'y narinig ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba, at pinagsisikapan kung paanong siya'y kanilang maipapapuksa: sapagka't nangatatakot sila sa kaniya, dahil sa buong karamihan ay nanggigilalas sa kaniyang aral. 19 At gabi-gabi'y lumalabas siya sa bayan. 20 At sa pagdaraan nila pagka umaga, ay nakita nila na ang puno ng igos ay tuyo na mula sa mga ugat. 21 At sa pagkaalaala ni Pedro ay sinabi sa kaniya, Rabi, narito, ang sinumpa mong puno ng igos ay natuyo. 22 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kanila, Magkaroon kayo ng pananampalataya sa Dios. 23 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sinomang magsabi sa bundok na ito, Mapataas ka at mapasugba ka sa dagat; at hindi magalinlangan sa kaniyang puso, kundi manampalataya na mangyayari ang sinabi niya; ay kakamtin niya yaon. 24 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na inyong idinadalangin at hinihingi, ay magsisampalataya kayo na inyong tinanggap na, at inyong kakamtin. 25 At kailan man kayo'y nangakatayong nagsisipanalangin, mangagpatawad kayo, kung mayroon kayong anomang laban sa kanino man; upang ang inyong Ama naman na nasa langit ay patawarin kayo ng inyong mga kasalanan. 26 Datapuwa't kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin sa inyong mga kasalanan ng inyong Ama na nasa mga langit. 27 At sila'y nagsiparoong muli sa Jerusalem: at samantalang lumalakad siya sa templo, ay nagsilapit sa kaniya ang mga pangulong saserdote, at ang mga eskriba, at ang matatanda; 28 At sinabi nila sa kaniya, Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? o sino ang sa iyo'y nagbigay ng kapamahalaang ito upang gawin mo ang mga bagay na ito? 29 At sa kanila'y sinabi ni Jesus, Tatanungin ko kayo ng isang tanong, at sagutin ninyo ako, at aking sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito. 30 Ang bautismo ni Juan, ay mula baga sa langit, o sa mga tao? sagutin ninyo ako. 31 At kanilang pinagkatuwiranan sa kanilang sarili, na sinasabi. Kung sabihin natin, Mula sa langit; ay sasabihin niya, Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan? 32 Datapuwa't kung sabihin natin, Mula sa mga tao-ay nangatatakot sila sa bayan: sapagka't kinikilala ng lahat na si Juan ay tunay na propeta. 33 At sila'y nagsisagot kay Jesus at nagsipagsabi, Hindi namin nalalaman. At sinabi ni Jesus sa kanila, Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.
1 At nagpasimulang pinagsalitaan niya sila sa mga talinghaga. Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, at binakuran ng mga buhay na punong kahoy, at humukay roon ng isang pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala yaon sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain. 2 At sa kapanahunan ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka, upang tanggapin niya sa mga magsasaka ang mga bunga ng ubasan. 3 At hinawakan nila siya, at hinampas siya, at siya'y pinauwing walang dala. 4 At siya'y muling nagsugo sa kanila ng ibang alipin; at ito'y kanilang sinugatan sa ulo, at dinuwahagi. 5 At nagsugo siya ng iba; at ito'y kanilang pinatay: at ang iba pang marami; na hinampas ang iba, at ang iba'y pinatay. 6 Mayroon pa siyang isa, isang sinisintang anak na lalake: ito'y sinugo niyang kahulihulihan sa kanila, na sinasabi, Igagalang nila ang aking anak. 7 Datapuwa't ang mga magsasakang yaon ay nangagsangusapan, Ito ang tagapagmana; halikayo, atin siyang patayin, at magiging atin ang mana. 8 At siya'y kanilang hinawakan, at siya'y pinatay, at itinaboy sa labas ng ubasan. 9 Ano nga kaya ang gagawin ng panginoon ng ubasan? siya'y paroroon at pupuksain ang mga magsasaka, at ibibigay ang ubasan sa mga iba. 10 Hindi man lamang baga nabasa ninyo ang kasulatang ito: Ang batong itinakuwil ng nangagtayo ng gusali, Ang siya ring ginawang pangulo sa panulok; 11 Ito'y mula sa Panginoon, At ito'y kagilagilalas sa harap ng ating mga mata. 12 At pinagsikapan nilang hulihin siya; at sila'y natakot sa karamihan; sapagka't kanilang napaghalata na kaniyang sinalita ang talinghaga laban sa kanila: at siya'y iniwan nila, at nagsialis. 13 At kanilang sinugo sa kaniya ang ilan sa mga Fariseo at sa mga Herodiano, upang siya'y mahuli nila sa pananalita. 14 At nang sila'y magsilapit, ay kanilang sinabi sa kaniya, Guro, nalalaman namin na ikaw ay totoo, at hindi ka nangingimi kanino man; sapagka't hindi ka nagtatangi ng mga tao, kundi itinuturo mong may katotohanan ang daan ng Dios: Matuwid bagang bumuwis kay Cesar, o hindi? 15 Bubuwis baga kami, o hindi kami bubuwis? Datapuwa't siya, na nakatataho ng kanilang pagpapaimbabaw, ay nagsabi sa kanila, Bakit ninyo ako tinutukso? magdala kayo rito sa akin ng isang denario, upang aking makita. 16 At dinalhan nila. At sinabi niya sa kanila, Kanino ang larawang ito at ang nasusulat? At sinabi nila sa kaniya, kay Cesar. 17 At sinabi sa kanila ni Jesus, ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar, at sa Dios ang sa Dios. At sila'y nanggilalas na mainam sa kaniya. 18 At nagsilapit sa kaniya ang mga Saduceo, na nangagsasabi na walang pagkabuhay na maguli; at siya'y kanilang tinanong, na sinasabi, 19 Guro, isinulat sa amin ni Moises, Kung ang kapatid na lalake ng isang lalake ay mamatay, at may maiwang asawa, at walang maiwang anak, ay kukunin ng kaniyang kapatid ang kaniyang asawa, at bigyan ng anak ang kaniyang kapatid. 20 May pitong lalaking magkakapatid: at nagasawa ang panganay, at nang mamatay ay walang naiwang anak; 21 At nagasawa sa bao ang pangalawa, at namatay na walang naiwang anak; at gayon din naman ang pangatlo: 22 At ang ikapito'y walang naiwang anak. Sa kahulihulihan ng lahat ay namatay naman ang babae. 23 Sa pagkabuhay na maguli, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae? sapagka't siya'y naging asawa ng pito. 24 Sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi kaya nangagkakamali kayo dahil diyan, na hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, ni ang kapangyarihan ng Dios? 25 Sapagka't sa pagbabangon nilang muli sa mga patay, ay hindi na mangagaasawa, ni papagaasawahin pa; kundi gaya ng mga anghel sa langit. 26 Nguni't tungkol sa mga patay, na sila'y mga ibabangon; hindi baga ninyo nabasa sa aklat ni Moises, tungkol sa Mababang punong kahoy, kung paanong siya'y kinausap ng Dios na sinasabi, Ako ang Dios ni Abraham, at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob? 27 Hindi siya ang Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay: kayo'y nangagkakamaling lubha. 28 At lumapit ang isa sa mga eskriba, at nakarinig ng kanilang pagtatalo, at palibhasa'y nalalamang mabuti ang pagkasagot niya sa kanila, ay tinanong siya, Ano baga ang pangulong utos sa lahat? 29 Sumagot si Jesus, Ang pangulo ay, Pakinggan mo, Oh Israel; Ang Panginoon nating Dios, ang Panginoon ay iisa: 30 At iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo, at ng buong lakas mo. 31 Ang pangalawa ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. Walang ibang utos na hihigit sa mga ito. 32 At sinabi sa kaniya ng eskriba, Sa katotohanan, Guro, ay mabuti ang pagkasabi mo na siya'y iisa; at wala nang iba liban sa kaniya: 33 At ang siya'y ibigin ng buong puso, at ng buong pagkaunawa, at ng buong lakas, at ibigin ang kapuwa niya na gaya ng sa kaniyang sarili, ay higit pa kay sa lahat ng mga handog na susunugin at mga hain. 34 At nang makita ni Jesus na siya'y sumagot na may katalinuhan, ay sinabi niya sa kaniya, Hindi ka malayo sa kaharian ng Dios. At walang tao, pagkatapos noon na nangahas na tumanong pa sa kaniya ng anomang tanong. 35 At sumagot si Jesus at nagsabi nang siya'y nagtuturo sa templo, Paanong masasabi ng mga eskriba na ang Cristo ay anak ni David? 36 Si David din ang nagsabi sa pamamagitan ng Espiritu Santo, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, Maupo ka sa aking kanan, Hanggang sa gawin ko ang iyong mga kaaway na tungtungan ng iyong mga paa. 37 Si David din ang tumatawag na Panginoon sa kaniya; at paano ngang siya'y kaniyang anak? At ang mga karaniwang tao ay nangakikinig sa kaniyang may galak. 38 At sinabi niya sa kaniyang pagtuturo, Mangagingat kayo sa mga eskriba, na ibig magsilakad na may mahahabang damit, at pagpugayan sa mga pamilihan. 39 At ibig nila ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pangulong luklukan sa mga pigingan: 40 Silang nangananakmal ng mga bahay ng mga babaing bao, at dinadahilan ay ang mahahabang panalangin; ang mga ito'y tatanggap ng lalong malaking kahatulan. 41 At umupo siya sa tapat ng kabang-yaman, at minasdan kung paanong inihuhulog ng karamihan ang salapi sa kabang-yaman: at maraming mayayaman ang nangaghuhulog ng marami. 42 At lumapit ang isang babaing bao, at siya'y naghulog ng dalawang lepta, na ang halaga'y halos isang beles. 43 At pinalapit niya sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang baong babaing ito, ay naghulog ng higit kay sa lahat ng nangaghuhulog sa kabang-yaman: 44 Sapagka't silang lahat ay nagsipaghulog ng sa kanila'y labis; datapuwa't siya sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong nasa kaniya, sa makatuwid baga'y ang buong kaniyang ikabubuhay.
1 At paglabas niya sa templo, ay sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, Guro, masdan mo, pagkaiinam ng mga bato, at pagkaiinam na mga gusali! 2 At sinabi ni Jesus sa kaniya, Nakikita mo baga ang malalaking gusaling ito? walang matitira ditong isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato na di ibabagsak. 3 At samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo sa tapat ng templo, ay tinanong siya ng lihim ni Pedro at ni Santiago at ni Juan at ni Andres, 4 Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda pagka malapit ng maganap ang lahat ng mga bagay na ito? 5 At si Jesus ay nagpasimulang magsabi sa kanila, Mangagingat kayo na huwag kayong paligaw kanino mang tao. 6 Maraming paririto sa aking pangalan, na magsisipagsabi, Ako ang Cristo; at maliligaw ang marami. 7 At kung mangakarinig kayo ng mga digma at ng mga alingawngaw ng mga digma, ay huwag kayong mangagulumihanan: ang mga bagay na ito'y dapat na mangyari: datapuwa't hindi pa ang wakas. 8 Sapagka't magtitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at lilindol sa iba't ibang dako; magkakagutom: ang mga bagay na ito'y pasimula ng kahirapan. 9 Datapuwa't mangagingat kayo sa inyong sarili: sapagka't kayo'y ibibigay nila sa mga Sanedrin; at kayo'y hahampasin sa mga sinagoga; at kayo'y magsisitindig sa harap ng mga gobernador at ng mga hari dahil sa akin, na bilang patotoo sa kanila. 10 At sa lahat ng mga bansa ay kinakailangan munang maipangaral ang evangelio. 11 At pagka kayo'y dinala sa harap ng mga kapulungan, at kayo'y ibigay, ay huwag kayong mangabalisa kung ano ang inyong sasabihin: datapuwa't ang ipagkaloob sa inyo sa oras na yaon, ay siya ninyong sabihin; sapagka't hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo. 12 At ibibigay ng kapatid sa kamatayan ang kapatid, at ng ama ang kaniyang anak; at magsisipaghimagsik ang mga anak laban sa mga magulang, at sila'y ipapapatay. 13 At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan: datapuwa't ang magtitiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas. 14 Nguni't pagkakita ninyo ng kasuklamsuklam na paninira, na nakatayo doon sa hindi dapat niyang kalagyan (unawain ng bumabasa), kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea: 15 At ang nasa bubungan ay huwag bumaba, ni pumasok, upang maglabas ng anoman sa kaniyang bahay: 16 At ang nasa bukid ay huwag magbalik upang kumuha ng kaniyang balabal. 17 Datapuwa't sa aba ng nangagdadalangtao at ng nangagpapasuso sa mga araw na yaon! 18 At magsipanalangin kayo na ito'y huwag mangyari sa panahong taginaw. 19 Sapagka't ang mga araw na yaon ay magiging kapighatian, na ang gayo'y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng paglalang na nilikha ng Dios hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man. 20 At malibang paikliin ng Panginoon ang mga araw, ay walang laman na makaliligtas; datapuwa't dahil sa mga hirang, na kaniyang hinirang, ay pinaikli niya ang mga araw. 21 At kung magkagayon kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito, ang Cristo; o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan: 22 Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, upang mailigaw nila, kung mangyayari, ang mga hirang. 23 Datapuwa't mangagingat kayo: narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo ang lahat ng mga bagay. 24 Nguni't sa mga araw na yaon, pagkatapos ng kapighatiang yaon, ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, 25 At mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit. 26 At kung magkagayo'y makikita nila ang Anak ng tao na napariritong nasa mga alapaap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. 27 At kung magkagayo'y susuguin niya ang mga anghel, at titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa wakas ng lupa hanggang sa dulo ng langit. 28 Sa puno nga ng igos ay pag-aralan ninyo ang kaniyang talinghaga: pagka nananariwa ang kaniyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tagaraw; 29 Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyong nangyari ang mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga. 30 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito. 31 Ang langit at ang lupa ay lilipas: datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas. 32 Nguni't tungkol sa araw o oras na yaon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama. 33 Kayo'y mangagingat, mangagpuyat at magsipanalangin: sapagka't hindi ninyo nalalaman kung kailan kaya ang panahon. 34 Gaya ng isang tao na nanirahan sa ibang lupain, na pagkaiwan ng kaniyang bahay, at pagkabigay ng kapamahalaan sa kaniyang mga alipin, sa bawa't isa'y ang kaniyang gawain, ay nagutos din naman sa bantay-pinto na magpuyat. 35 Mangagpuyat nga kayo: sapagka't hindi ninyo nalalaman kung kailan paririto ang panginoon ng bahay, kung sa hapon, o sa hating gabi, o sa pagtilaok ng manok, o sa umaga; 36 Baka kung biglang pumarito ay kayo'y mangaratnang nangatutulog. 37 At ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Mangagpuyat kayo.
1 Pagkaraan nga ng dalawang araw ay kapistahan ng paskua at ng mga tinapay na walang lebadura: at pinagsisikapan ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba kung paanong siya'y huhulihin sa pamamagitan ng daya, at siya'y maipapatay. 2 Sapagka't sinasabi nila, Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang bayan. 3 At samantalang siya'y nasa Betania sa bahay ni Simon na ketongin, samantalang siya'y nakaupo sa pagkain, ay dumating ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na puno ng unguentong nardo na totoong mahalaga; at binasag niya ang sisidlan, at ibinuhos sa kaniyang ulo. 4 Datapuwa't may ilan na nangagalit sa kanilang sarili, na nagsipagsabi, Ano ang layon ng pagaaksayang ito ng unguento? 5 Sapagka't ang unguentong ito'y maipagbibili ng mahigit sa tatlong daang denario, at maibibigay sa mga dukha. At inupasalaan nila ang babae. 6 Datapuwa't sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo siya; bakit ninyo siya binabagabag? mabuting gawa ang ginawa niya sa akin. 7 Sapagka't laging nasa inyo ang mga dukha, at kung kailan man ibigin ninyo ay mangyayaring magawan ninyo sila ng magaling: datapuwa't ako'y hindi laging nasa inyo. 8 Ginawa niya ang kaniyang nakaya; nagpauna na siya na pahiran ang katawan ko sa paglilibing sa akin. 9 At katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saan man ipangaral ang evangelio sa buong sanglibutan, ay sasaysayin din ang ginawa ng babaing ito sa pagaalaala sa kaniya. 10 At si Judas Iscariote, na isa sa labingdalawa, ay naparoon sa mga pangulong saserdote, upang maipagkanulo niya siya sa kanila. 11 At sila, pagkarinig nila nito, ay nangatuwa, at nagsipangakong siya'y bibigyan ng salapi. At pinagsikapan niya kung paanong siya ay kaniyang maipagkakanulo sa kapanahunan. 12 At nang unang araw ng mga tinapay na walang lebadura, nang kanilang inihahain ang kordero ng paskua, ay sinabi sa kaniya, ng kaniyang mga alagad, Saan mo ibig kaming magsiparoon at ipaghanda ka upang makakain ng kordero ng paskua? 13 At sinugo ang dalawa sa kaniyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo sa bayan, at doo'y masasalubong ninyo ang isang lalake na may dalang isang bangang tubig: sundan ninyo siya; 14 At saan man siya pumasok, ay sabihin ninyo sa puno ng sangbahayan, Sinasabi ng Guro, Saan naroon ang aking tuluyan, na makakanan ko ng kordero ng paskua na kasalo ng aking mga alagad? 15 At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nagagayakan at handa na: at ipaghanda ninyo roon tayo. 16 At nagsiyaon ang mga alagad, at nagsipasok sa bayan, at nasumpungan ang ayon sa sinabi niya sa kanila: at inihanda nila ang kordero ng paskua. 17 At nang gumabi na ay naparoon siyang kasama ang labingdalawa. 18 At samantalang sila'y nangakaupo na at nagsisikain, ay sinabi ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang isa sa inyo na kasalo kong kumakain, ay ipagkakanulo ako. 19 Sila'y nagpasimulang nangamanglaw, at isaisang nagsabi sa kaniya, Ako baga? 20 At sinabi niya sa kanila, Isa nga sa labingdalawa, yaong sumabay sa aking sumawsaw sa pinggan. 21 Sapagka't papanaw ang Anak ng tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya: datapuwa't sa aba niyaong taong nagkakanulo sa Anak ng tao! mabuti pa sa taong yaon ang hindi na siya ipinanganak. 22 At samantalang sila'y nagsisikain, ay dumampot siya ng tinapay, at nang kaniyang mapagpala, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, at sinabi, Inyong kunin: ito ang aking katawan. 23 At siya'y dumampot ng isang saro, at nang siya'y makapagpasalamat, ay ibinigay niya sa kanila: at doo'y nagsiinom silang lahat. 24 At sinabi niya sa kanila, Ito'y ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami. 25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hindi na ako iinom ng bunga ng ubas, hanggang sa araw na yaon na inumin kong panibago sa kaharian ng Dios. 26 At pagkaawit nila ng isang imno, ay nagsiparoon sila sa bundok ng mga Olivo. 27 At sinabi sa kanila ni Jesus, Kayong lahat ay mangatitisod: sapagka't nasusulat, Sasaktan ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa. 28 Gayon ma'y pagkapagbangon ko, ay mauuna ako sa inyo sa Galilea. 29 Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Pedro, Bagama't mangatitisod ang lahat, nguni't ako'y hindi. 30 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na ngayon, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok ng makalawa, ay ikakaila mo akong makaitlo. 31 Datapuwa't lalo nang nagmatigas siya na sinabi, Kahima't kailangang mamatay akong kasama mo, ay hindi kita ikakaila. At sinabi rin naman ng lahat ang gayon din. 32 At nagsirating sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani: at sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Magsiupo kayo rito, samantalang ako'y nananalangin. 33 At kaniyang isinama si Pedro at si Santiago at si Juan, at nagpasimulang nagtakang totoo, at namanglaw na mainam. 34 At sinabi niya sa kanila, Namamanglaw na lubha ang aking kaluluwa, hanggang sa kamatayan: mangatira kayo rito, at mangagpuyat. 35 At lumakad siya sa dako pa roon, at nagpatirapa sa lupa, at idinalangin na, kung mangyayari, ay makalampas sa kaniya ang oras. 36 At kaniyang sinabi, Abba, Ama, may pangyayari sa iyo ang lahat ng mga bagay; ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo. 37 At siya'y lumapit, at naratnang sila'y nangatutulog, at sinabi kay Pedro, Simon, natutulog ka baga? hindi ka makapagpuyat ng isang oras? 38 Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso: ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa't mahina ang laman. 39 At muli siyang umalis, at nanalangin, na sinabi ang gayon ding mga salita. 40 At muli siyang nagbalik, at naratnang sila'y nangatutulog, sapagka't nangabibigatang totoo ang kanilang mga mata; at wala silang maalamang sa kaniya'y isagot. 41 At lumapit siyang bilang ikatlo, at sinabi sa kanila, Mangatulog na kayo, at mangagpahinga: sukat na; dumating na ang oras; narito, ang Anak ng tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 42 Magsitindig kayo, hayo na tayo: narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin. 43 At pagdaka, samantalang nagsasalita pa siya, ay dumating si Judas, na isa sa labingdalawa, at kasama niya ang isang karamihang may mga tabak at mga panghampas, na mula sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba at sa matatanda. 44 Ang nagkanulo nga sa kaniya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, Ang aking hagkan, ay yaon nga; hulihin ninyo siya, at dalhin ninyo siyang maingat. 45 At nang dumating siya, pagdaka'y lumapit siya sa kaniya, at nagsabi, Rabi; at siya'y hinagkan. 46 At siya'y sinunggaban nila, at siya'y kanilang dinakip. 47 Datapuwa't isa sa nangaroon ay nagbunot ng kaniyang tabak, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinigpas ang kaniyang tainga. 48 At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Kayo baga'y nagsilabas, na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas upang dakpin ako? 49 Araw-araw ay kasama ninyo ako sa templo, na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuli: nguni't nangyari ito upang matupad ang mga kasulatan. 50 At iniwan siya ng lahat, at nagsitakas. 51 At sinundan siya ng isang binata, na nababalot ng isang kumot ang katawan niyang hubo't hubad: at hinawakan nila siya; 52 Datapuwa't kaniyang binitiwan ang kumot, at tumakas na hubo't hubad. 53 At dinala nila si Jesus sa dakilang saserdote: at nangagpipisan sa kaniya ang lahat ng mga pangulong saserdote at ang matatanda at ang mga eskriba. 54 At si Pedro ay sumunod sa kaniya sa malayo, hanggang sa loob ng looban ng dakilang saserdote; at nakiumpok siya sa mga punong kawal, at nagpapainit sa ningas ng apoy. 55 Ang mga pangulong saserdote nga at ang buong Sanedrin ay nagsisihanap ng patotoo laban kay Jesus upang siya'y ipapatay; at hindi nangasumpungan. 56 Sapagka't marami ang nagsisaksi ng kasinungalingan laban sa kaniya, at ang kanilang mga patotoo ay hindi nangagkatugma. 57 At nagsipagtindig ang ilan, at nagsisaksi ng kasinungalingan laban sa kaniya, na sinasabi, 58 Narinig naming sinabi niya, Aking igigiba ang templong ito na gawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo ko ang ibang hindi gawa ng mga kamay. 59 At kahit sa papagayon man ay hindi rin nangagkatugma ang patotoo nila. 60 At nagtindig sa gitna ang dakilang saserdote, at tinanong si Jesus na sinabi, Hindi ka sumasagot ng anoman? ano ang sinasaksihan ng mga ito laban sa iyo? 61 Datapuwa't siya'y hindi umiimik, at walang isinagot. Tinanong siyang muli ng dakilang saserdote, at sinabi sa kaniya, Ikaw baga ang Cristo, ang Anak ng Mapalad? 62 At sinabi ni Jesus, Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan, at pumaparito na nasa mga alapaap ng langit. 63 At hinapak ng dakilang saserdote ang kaniyang mga damit, at nagsabi, Ano pang kailangan natin ng mga saksi? 64 Narinig ninyo ang kapusungan: ano sa akala ninyo? At hinatulan nilang lahat na siya'y dapat mamatay. 65 At pinasimulang luraan siya ng ilan, at tinakpan ang kaniyang mukha, at siya'y pinagsusuntok, at sa kaniya'y kanilang sinasabi, Hulaan mo: at siya'y pinagsusuntok ng mga punong kawal. 66 At samantalang nasa ibaba si Pedro, sa looban, ay lumapit ang isa sa mga alilang babae ng dakilang saserdote; 67 At pagkakita niya kay Pedro na nagpapainit, ay tinitigan niya siya, at sinabi, Ikaw man ay kasama rin ng Nazareno, na si Jesus. 68 Datapuwa't siya'y kumaila, na sinasabi, Hindi ko nalalaman, ni nauunawa man ang sinasabi mo: at lumabas siya sa portiko; at tumilaok ang manok. 69 At nakita siya ng alilang babae, at nagpasimulang magsabing muli sa nangaroroon, Ito ay isa sa kanila. 70 Datapuwa't muling ikinaila niya. At hindi nalaon, at ang nangaroon ay nangagsabing muli kay Pedro. Sa katotohanang ikaw ay isa sa kanila; sapagka't ikaw ay Galileo. 71 Datapuwa't siya'y nagpasimulang manungayaw, at manumpa, Hindi ko nakikilala ang taong ito na inyong sinasabi. 72 At pagdaka, bilang pangalawa'y tumilaok ang manok. At naalaala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ng makalawa, ay ikakaila mo akong makaitlo. At nang maisip niya ito, ay tumangis siya.
1 At pagdaka, pagkaumaga ay nangagsangusapan ang mga pangulong saserdote pati ng matatanda at mga eskriba, at ang buong Sanedrin, at ginapos si Jesus, at inilabas siya, at ibinigay siya kay Pilato. 2 At itinanong sa kaniya ni Pilato, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? At pagsagot niya ay sinabi sa kaniya, Ikaw ang nagsasabi. 3 At isinakdal siya sa maraming bagay ng mga pangulong saserdote. 4 At muling tinanong siya ni Pilato, na sinasabi, Hindi ka sumasagot ng anoman? tingnan mo kung gaano karaming bagay ang kanilang isinasakdal laban sa iyo. 5 Datapuwa't si Jesus ay hindi na sumagot ng anoman; ano pa't nanggilalas si Pilato. 6 Sa kapistahan nga ay pinagkaugalian niya na pawalan sa kanila ang isang bilanggo, na kanilang hingin sa kaniya. 7 At mayroong isa na kung tawagin ay Barrabas, na nagagapos na kasama ng nangaghimagsik, mga taong nagsipatay ng mga tao sa panghihimagsik. 8 At nagsipanhik ang karamihan at nangagpasimulang hingin sa kaniya na sa kanila'y gawin ang gaya ng sa kanila'y laging ginagawa. 9 At sinagot sila ni Pilato, na sinasabi, Ibig baga ninyo na pawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio? 10 Sapagka't natatalastas niya na sa kapanaghilian ay ibinigay siya ng mga pangulong saserdote. 11 Datapuwa't inudyukan ng mga pangulong saserdote ang karamihan, na si Barrabas na muna ang siya niyang pawalan sa kanila. 12 At sumagot na muli si Pilato at sa kanila'y sinabi, Ano nga ang aking gagawin sa inyong tinatawag na Hari ng mga Judio? 13 At sila'y muling nagsigawan, Ipako siya sa krus. 14 At sinabi sa kanila ni Pilato, Bakit, anong masama ang kaniyang ginawa? Datapuwa't sila'y lalong nagsigawan, Ipako siya sa krus. 15 At sa pagkaibig ni Pilato na magbigay-loob sa karamihan, ay pinawalan sa kanila si Barrabas, at ibinigay si Jesus, pagkatapos na siya'y mahampas niya, upang siya'y ipako sa krus. 16 At dinala siya ng mga kawal sa looban, na siyang Pretorio; at kanilang tinipon ang buong pulutong. 17 At siya'y kanilang dinamtan ng kulay-ube, at nang makapagkamakama ng isang putong na tinik, ay ipinutong nila sa kaniya. 18 At nagpasimula silang siya'y batiin, Aba, Hari ng mga Judio! 19 At sinaktan nila ang kaniyang ulo ng isang tambo, at siya'y niluluraan, at pagkaluhod nila, siya'y sinamba. 20 At nang siya'y kanilang malibak na, ay inalis nila sa kaniya ang kulay-ube, at isinuot sa kaniya ang kanyang mga damit. At siya'y kanilang inilabas upang ipako siya sa krus. 21 At kanilang pinilit ang isang nagdaraan, si Simon na taga Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggagaling sa bukid, upang sumama sa kanila, upang pasanin niya ang kaniyang krus. 22 At siya'y kanilang dinala sa dako ng Golgota, na kung liliwanagin ay, Ang dako ng bungo. 23 At siya'y dinulutan nila ng alak na hinaluan ng mirra: datapuwa't hindi niya tinanggap. 24 At siya'y kanilang ipinako sa krus, at kanilang pinaghatihatian ang kaniyang mga damit, na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang dadalhin ng bawa't isa. 25 At ikatlo na ang oras, at siya'y kanilang ipinako sa krus. 26 At ang pamagat ng pagkasakdal sa kaniya ay isinulat sa ulunan, ANG HARI NG MGA JUDIO. 27 At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kaniyang kanan, at isa sa kaniyang kaliwa. 28 At natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail. 29 At siya'y inalipusta ng nagsisipagdaan na pinatatangotango ang kanilang mga ulo, at sinasabi, Ah! ikaw na iginigiba mo ang templo, at sa tatlong araw ay iyong itinatayo, 30 Iyong iligtas ang sarili mo, at bumaba ka sa krus. 31 Gayon din naman ang mga pangulong saserdote pati ng mga eskriba, siya'y minumura na nangagsasalitaan sila-sila na sinasabi, Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas. 32 Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel, upang aming makita at sampalatayanan. At minumura siya ng mga kasama niyang nangapapako. 33 At nang dumating ang ikaanim na oras, ay nagdilim sa buong lupa hanggang sa oras na ikasiyam. 34 At nang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig: Eloi, Eloi, lama sabacthani? na kung liliwanagin ay, Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan? 35 At nang marinig ng ilang nangaroon, ay sinabi nila, Narito, tinatawag niya si Elias. 36 At tumakbo ang isa, at binasa ng suka ang isang espongha, saka inilagay sa isang tambo, at ipinainom sa kaniya, na sinasabi, Pabayaan ninyo; tingnan natin kung paririto si Elias upang siya'y ibaba. 37 At si Jesus ay sumigaw ng malakas na tinig, at nalagot ang hininga. 38 At ang tabing ng templo ay nahapak na nagkadalawa mula sa itaas hanggang sa ibaba. 39 At ang senturiong nakatayo sa tapat niya, nang makitang malagot ang hininga niya, ay kaniyang sinabi, Katotohanang ang taong ito ay Anak ng Dios. 40 At mayroon din namang mga babae na nagsisitanaw mula sa malayo: na sa mga yao'y nangaroroon kapuwa si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago na bata at ni Jose, at si Salome; 41 Na, nang siya'y nasa Galilea, ay nagsisunod sila sa kaniya, at siya'y pinaglilingkuran nila; at mga iba pang maraming babae na nagsiahong kasama niya sa Jerusalem. 42 At nang kinahapunan, sapagka't noo'y Paghahanda, sa makatuwid baga'y ang araw na nauuna sa sabbath, 43 Dumating si Jose na taga Arimatea, isang kasangguni na may marangal na kalagayan, na naghihintay rin naman ng kaharian ng Dios; at pinangahasan niyang pinasok si Pilato, at hiningi ang bangkay ni Jesus. 44 At nanggilalas si Pilato kung siya'y patay na: at nang mapalapit niya sa kaniya ang senturion, ay itinanong niya sa kaniya kung malaon nang patay. 45 At nang matanto niya sa senturion, ay ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose. 46 At binili niya ang isang kayong lino, at pagkababa sa kaniya sa krus, ay binalot siya ng kayong lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato; at iginulong niya ang isang bato hanggang sa pintuan ng libingan. 47 At tinitingnan ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya nalagay.
1 At nang makaraan ang sabbath, si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay nagsibili ng mga pabango, upang sila'y magsiparoon at siya'y pahiran. 2 At pagkaumagang-umaga nang unang araw ng sanglinggo, ay nagsiparoon sila sa libingan nang sikat na ang araw. 3 At kanilang pinaguusapan, Sino kaya ang ating mapagpapagulong ng bato mula sa pintuan ng libingan? 4 At pagkatingin, ay nakita nilang naigulong na ang bato: sapagka't yao'y totoong malaki. 5 At pagkapasok sa libingan, ay kanilang nakita ang isang binata na nakaupo sa dakong kanan, na nararamtan ng isang damit na maputi; at sila'y nangagitla. 6 At sinabi niya sa kanila, Huwag kayong mangagitla: hinahanap ninyo si Jesus, ang Nazareno, na ipinako sa krus: siya'y nagbangon; wala siya rito: tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya! 7 Datapuwa't magsiyaon kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro, Siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea: doon siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo. 8 At sila'y nagsilabas, at nagsitakas mula sa libingan; sapagka't sila'y nagsipangilabot at nangagitla: at hindi sila nangagsasabi ng anoman sa kanino man; sapagka't sila'y nangatatakot. 9 Nang siya nga'y magbangon nang unang araw ng sanglinggo, ay napakita muna siya kay Maria Magdalena, na sa kaniya'y pitong demonio ang pinalabas niya. 10 Siya'y yumaon at ipinagbigay alam sa mga naging kasamahan ni Jesus, samantalang sila'y nangahahapis at nagsisitangis. 11 At sila, nang kanilang mabalitaan na siya'y nabuhay, at nakita ni Magdalena, ay hindi sila nagsipaniwala. 12 At pagkatapos ng mga bagay na ito ay napakita siya sa ibang anyo sa dalawa sa kanila, nang sila'y nangaglalakad na patungo sa bukid. 13 At sila'y nagsiyaon at ipinagbigay-alam ito sa mga iba: at kahit sa kanila'y hindi rin sila nagsipaniwala. 14 At pagkatapos siya'y napakita sa labingisa samantalang sila'y nangakaupong nagsisikain; at pinagwikaan sila sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagka't hindi sila nagsipaniwala sa nangakakita sa kaniya pagkatapos na siya'y magbangon. 15 At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. 16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan. 17 At lalakip ang mga tandang ito sa magsisisampalataya: mangagpapalabas sila ng mga demonio sa aking pangalan; mangagsasalita sila ng mga bagong wika; 18 Sila'y magsisihawak ng mga ahas, at kung magsiinom sila ng bagay na makamamatay, sa anomang paraan ay hindi makasasama sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga may-sakit, at sila'y magsisigaling. 19 Ang Panginoong Jesus nga, pagkatapos na sila'y mangakausap niya, ay tinanggap sa itaas ng langit, at lumuklok sa kanan ng Dios. 20 At nagsialis sila, at nagsipangaral sa lahat ng dako, na gumagawang kasama nila ang Panginoon, at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip. Siya nawa.
1 Yamang marami ang nagpilit mag-ayos ng isang kasaysayan noong mga bagay na naganap sa gitna natin, 2 Alinsunod sa ipinatalos sa atin nilang buhat sa pasimula ay mga saksing nangakakakita at mga ministro ng salita, 3 Ay minagaling ko naman, pagkasiyasat na lubos ng pangyayari ng lahat ng mga bagay mula nang una, na isulat sa iyong sunodsunod, kagalanggalang na Teofilo; 4 Upang mapagkilala mo ang katunayan tungkol sa mga bagay na itinuro sa iyo. 5 Nagkaroon nang mga araw ni Herodes, hari sa Judea, ng isang saserdoteng ang ngala'y Zacarias, sa pulutong ni Abias: at ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron, at ang kaniyang ngala'y Elisabet. 6 At sila'y kapuwa matuwid sa harap ng Dios, na nagsisilakad na walang kapintasan sa lahat ng mga utos at mga palatuntunan ng Panginoon. 7 At wala silang anak, sapagka't baog si Elisabet, at sila'y kapuwa may pataw ng maraming taon. 8 Nangyari nga, na samantalang ginaganap niya ang pagkasaserdote sa harapan ng Dios ayon sa kapanahunan ng kaniyang pulutong, 9 Alinsunod sa kaugalian ng tungkuling pagkasaserdote, ay naging palad niya ang pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng kamangyan. 10 At ang buong karamihan ng mga tao ay nagsisipanalangin sa labas sa oras ng kamangyan. 11 At napakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon, na nakatayo sa dakong kanan ng dambana ng kamangyan. 12 At nagulumihanan si Zacarias, pagkakita niya sa kaniya, at dinatnan siya ng takot. 13 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Zacarias: sapagka't dininig ang daing mo, at ang asawa mong si Elisabet ay manganganak sa iyo ng isang anak na lalake, at tatawagin mong Juan ang kaniyang pangalan. 14 At magkakaroon ka ng ligaya at galak; at marami ang maliligaya sa pagkapanganak sa kaniya. 15 Sapagka't siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon, at siya'y hindi iinom ng alak ni matapang na inumin; at siya'y mapupuspos ng Espiritu Santo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina. 16 At marami sa mga anak ni Israel, ay papagbabaliking-loob niya sa Panginoon na kanilang Dios. 17 At siya'y lalakad sa unahan ng kaniyang mukha na may espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papagbaliking-loob ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga suwail ay magsilakad sa karunungan ng mga matuwid, upang ipaglaan ang Panginoon ng isang bayang nahahanda. 18 At sinabi ni Zacarias sa anghel, Sa ano malalaman ko ito? sapagka't ako'y matanda na, at ang aking asawa ay may pataw ng maraming taon. 19 At pagsagot ng anghel ay sinabi sa kaniya, Ako'y si Gabriel, na nananayo sa harapan ng Dios; at ako'y sinugo upang makipagusap sa iyo, at magdala sa iyo nitong mabubuting balita. 20 At narito, mapipipi ka at hindi ka makapangungusap, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito, sapagka't hindi ka sumampalataya sa aking mga salita, na magaganap sa kanilang kapanahunan. 21 At hinihintay ng bayan si Zacarias, at nanganggigilalas sila sa kaniyang pagluluwat sa loob ng templo. 22 At nang lumabas siya, ay hindi siya makapagsalita sa kanila: at hininagap nila na siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo: at siya'y nagpatuloy ng pakikipagusap sa kanila, sa pamamagitan ng mga hudyat, at nanatiling pipi. 23 At nangyari, na nang maganap na ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, siya'y umuwi sa kaniyang bahay. 24 At pagkatapos ng mga araw na ito ay naglihi ang kaniyang asawang si Elisabet; at siya'y lumigpit ng limang buwan, na nagsasabi, 25 Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin sa mga araw nang ako'y tingnan niya, upang alisin ang aking pagkaduwahagi sa gitna ng mga tao. 26 Nang ikaanim na buwan nga'y sinugo ng Dios ang anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea, ngala'y Nazaret, 27 Sa isang dalagang magaasawa sa isang lalake, na ang kaniyang ngala'y Jose, sa angkan ni David; at Maria ang pangalan ng dalaga. 28 At pumasok siya sa kinaroroonan niya, at sinabi, Magalak ka, ikaw na totoong pinakamamahal, ang Panginoon ay sumasa iyo. 29 Datapuwa't siya'y totoong nagulumihanan sa sabing ito, at iniisip sa kaniyang sarili kung anong bati kaya ito. 30 At sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Maria: sapagka't nakasumpong ka ng biyaya sa Dios. 31 At narito, maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang JESUS. 32 Siya'y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan: at sa kaniya'y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama: 33 At siya'y maghahari sa angkan ni Jacob magpakailan man; at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian. 34 At sinabi ni Maria sa anghel, Paanong mangyayari ito, sa ako'y hindi nakakakilala ng lalake? 35 At sumagot ang anghel, at sinabi sa kaniya, Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios. 36 At narito, si Elisabet na iyong kamaganak, ay naglihi rin naman ng isang anak na lalake sa kaniyang katandaan; at ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog. 37 Sapagka't walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan. 38 At sinabi ni Maria, Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita. At iniwan siya ng anghel. 39 At nang mga araw na ito'y nagtindig si Maria, at nagmadaling napasa lupaing maburol, sa isang bayan ng Juda; 40 At pumasok sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elisabet. 41 At nangyari, pagkarinig ni Elisabet ng bati ni Maria, ay lumukso ang sanggol sa kaniyang tiyan; at napuspos si Elisabet ng Espiritu Santo; 42 At sumigaw siya ng malakas na tinig, at sinabi, Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong tiyan. 43 At ano't nangyari sa akin, na ang ina ng aking Panginoon ay pumarito sa akin? 44 Sapagka't ganito, pagdating sa aking mga pakinig ng tinig ng iyong bati, lumukso sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. 45 At mapalad ang babaing sumampalataya; sapagka't matutupad ang mga bagay na sa kaniya'y sinabi ng Panginoon. 46 At sinabi ni Maria, Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon, 47 At nagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas. 48 Sapagka't nilingap niya ang kababaan ng kaniyang alipin. Sapagka't, narito, mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng maghahalihaliling lahi. 49 Sapagka't ginawan ako ng Makapangyarihan ng mga dakilang bagay; At banal ang kaniyang pangalan. 50 At ang kaniyang awa ay sa mga lahi't lahi. Sa nangatatakot sa kaniya. 51 Siya'y nagpakita ng lakas ng kaniyang bisig; Isinambulat niya ang mga palalo sa paggunamgunam ng kanilang puso. 52 Ibinaba niya ang mga prinsipe sa mga luklukan nila, At itinaas ang mga may mababang kalagayan. 53 Binusog niya ang nangagugutom ng mabubuting bagay; At pinaalis niya ang mayayaman, na walang anoman. 54 Tumulong siya sa Israel na kaniyang alipin, Upang maalaala niya ang awa 55 (Gaya ng sinabi niya sa ating mga magulang) Kay Abraham at sa kaniyang binhi magpakailan man. 56 At si Maria ay natirang kasama niya na may tatlong buwan, at umuwi sa kaniyang bahay. 57 Naganap nga kay Elisabet ang panahon ng panganganak; at siya'y nanganak ng isang lalake. 58 At nabalitaan ng kaniyang mga kapitbahay at mga kamaganak, na dinakila ng Panginoon ang kaniyang awa sa kaniya; at sila'y nangakigalak sa kaniya. 59 At nangyari, na nang ikawalong araw ay nagsiparoon sila upang tuliin ang sanggol; at siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kaniyang ama. 60 At sumagot ang kaniyang ina at nagsabi, Hindi gayon; kundi ang itatawag sa kaniya'y Juan. 61 At sinabi nila sa kaniya, Wala sa iyong kamaganak na tinatawag sa pangalang ito. 62 At hinudyatan nila ang kaniyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag. 63 At humingi siya ng isang sulatan at sumulat, na sinasabi, Ang kaniyang pangalan ay Juan. At nagsipanggilalas silang lahat. 64 At pagdaka'y nabuka ang kaniyang bibig, at ang kaniyang dila'y nakalag, at siya'y nagsalita, na pinupuri ang Dios. 65 At sinidlan ng takot ang lahat ng nagsisipanahan sa palibot nila; at nabansag ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat ng lupaing maburol ng Judea. 66 At lahat ng mga nangakarinig nito ay pawang iningatan sa kanilang puso, na sinasabi, Magiging ano nga kaya ang batang ito? Sapagka't ang kamay ng Panginoon ay sumasa kaniya. 67 At si Zacarias na kaniyang ama ay napuspos ng Espiritu Santo, at nanghula, na nagsasabi, 68 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel; Sapagka't kaniyang dinalaw at tinubos ang kaniyang bayan, 69 At nagtaas sa atin ng isang sungay ng kaligtasan Sa bahay ni David na kaniyang alipin 70 (Gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang mga banal na propeta na nagsilitaw buhat nang unang panahon), 71 Kaligtasang mula sa ating mga kaaway, at sa kamay ng lahat ng nangapopoot sa atin; 72 Upang magkaawang-gawa sa ating mga magulang, At alalahanin ang kaniyang banal na tipan; 73 Ang sumpa na isinumpa niya kay Abraham na ating ama, 74 Na ipagkaloob sa atin na yamang nangaligtas sa kamay ng ating mga kaaway, Ay paglingkuran natin siya ng walang takot, 75 Sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya, lahat ng ating mga araw. 76 Oo at ikaw, sanggol, tatawagin kang propeta ng kataastaasan; Sapagka't magpapauna ka sa unahan ng mukha ng Panginoon, upang ihanda ang kaniyang mga daan; 77 Upang maipakilala ang kaligtasan sa kaniyang bayan, Sa pagkapatawad ng kanilang mga kasalanan, 78 Dahil sa magiliw na habag ng aming Dios, Ang pagbubukang liwayway buhat sa kaitaasan ay dadalaw sa atin, 79 Upang liwanagan ang nangakalugmok sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan; Upang itumpak ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan. 80 At lumaki ang sanggol, at lumakas sa espiritu, at nasa mga ilang hanggang sa araw ng kaniyang pagpapakita sa Israel.
1 Nangyari nga nang mga araw na yaon na lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar, na magpatala ang buong sanglibutan. 2 Ito ang unang talaang-mamamayan na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria. 3 At nagsisiparoon ang lahat upang sila'y mangatala, bawa't isa sa kaniyang sariling bayan. 4 At si Jose naman ay umahon mula sa Galilea, mula sa bayan ng Nazaret, hanggang sa Judea, sa bayan ni David, na kung tawagi'y Bet-lehem, sapagka't siya'y sa angkan at sa lahi ni David; 5 Upang patala siya pati ni Maria, na magaasawa sa kaniya, na kasalukuyang kagampan. 6 At nangyari, samantalang sila'y nangaroroon, at naganap ang mga kaarawang dapat siyang manganak. 7 At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito'y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka't wala nang lugar para sa kanila sa tuluyan. 8 At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan. 9 At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila'y totoong nangatakot. 10 At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka't narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan: 11 Sapagka't ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon. 12 At ito ang sa inyo'y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban. 13 At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi: 14 Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya. 15 At nangyari nang lisanin sila ng mga anghel at nangapasa langit, ang mga pastor ay nangagsangusapan. Magsiparoon nga tayo ngayon hanggang sa Bet-lehem, at tingnan natin itong nangyari, na ipinagbigay alam sa atin ng Panginoon. 16 At sila'y dalidaling nagsiparoon at nasumpungan kapuwa si Maria at si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa pasabsaban. 17 At nang makita nila yaon, ay inihayag nila ang mga sinabi sa kanila tungkol sa sanggol na ito. 18 At lahat ng nangakarinig nito ay nangagtaka sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastor. 19 Datapuwa't iningatan ni Maria ang lahat ng mga pananalitang ito, na pinagbulaybulay sa kaniyang puso. 20 At nangagbalik ang mga pastor, na niluluwalhati at pinupuri ang Dios dahil sa lahat ng mga bagay na kanilang nangarinig at nangakita, ayon sa sinabi sa kanila. 21 At nang makaraan ang walong araw upang tuliin siya, ay tinawag na JESUS ang kaniyang pangalan, na siyang itinawag ng anghel bago siya ipinaglihi sa tiyan. 22 At nang maganap na ang mga araw na kanilang paglilinis alinsunod sa kautusan ni Moises, ay kanilang dinala siya sa Jerusalem, upang iharap siya sa Panginoon 23 (Ayon sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, Ang bawa't lalaking nagbubukas ng bahay-bata ay tatawaging banal sa Panginoon), 24 At upang maghandog ng hain alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, Dalawang batobato, o dalawang inakay ng kalapati. 25 At narito, may isang lalake sa Jerusalem, na nagngangalang Simeon; at ang lalaking ito'y matuwid at masipag sa kabanalan, na nag-aantay ng kaaliwan ng Israel: at sumasa kaniya ang Espiritu Santo. 26 At ipinahayag sa kaniya ng Espiritu Santo, na di niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon. 27 At siya'y napasa templo sa Espiritu: at nang ipasok sa templo ang sanggol na si Jesus ng kaniyang mga magulang, upang sa kaniya'y magawa nila ang nauukol alinsunod sa kaugalian ng kautusan, 28 Ay tinanggap nga niya siya sa kaniyang mga bisig, at pinuri ang Dios, at nagsabi, 29 Ngayo'y papanawin mo, Panginoon, ang iyong alipin, Ayon sa iyong salita, sa kapayapaan, 30 Sapagka't nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas, 31 Na iyong inihanda sa unahan ng mukha ng lahat ng mga tao; 32 Isang ilaw upang ipahayag sa mga Gentil, At ang kaluwalhatian ng iyong bayang Israel. 33 At ang kaniyang ama at ang kaniyang ina ay nagsisipanggilalas sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kaniya; 34 At sila'y pinagpala ni Simeon, at sinabi sa kaniyang inang si Maria, Narito, ito ay itinalaga sa ikararapa at sa ikatitindig ng marami sa Israel; at pinakatandang tudlaan ng pagsalangsang: 35 Oo at paglalampasanan ng isang tabak ang iyong sariling kaluluwa; upang mangahayag ang mga pagiisip ng maraming puso. 36 At naroroon din naman si Ana, na isang propetisa, anak na babae ni Fanuel, sa angkan ni Aser, (siya'y lubhang matanda na, at may pitong taong nakisama sa kaniyang asawa mula sa kaniyang kadalagahan, 37 At siya'y bao nang walongpu't apat na taon), na hindi humihiwalay sa templo, at sumasamba sa gabi at araw sa pamamagitan ng mga pagaayuno at mga pagdaing. 38 At pagdating niya sa oras ding yaon, siya'y nagpasalamat sa Dios, at nagsalita ng tungkol sa sanggol sa lahat ng nagsisipaghintay ng katubusan sa Jerusalem. 39 At nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na alinsunod sa kautusan ng Panginoon, ay nangagbalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayang Nazaret. 40 At lumalaki ang bata, at lumalakas, at napupuspos ng karunungan: at sumasa kaniya ang biyaya ng Dios. 41 At nagsisiparoon taon-taon ang kaniyang mga magulang sa Jerusalem sa kapistahan ng paskua. 42 At nang siya'y may labindalawang taon na, ay nagsiahon sila ayon sa kaugalian ng kapistahan; 43 At nang kanilang maganap na ang mga araw, sa pagbalik nila, ay naiwan ang batang si Jesus sa Jerusalem; at di nalalaman ng kaniyang mga magulang; 44 Nguni't sa pagaakala nilang siya'y nasa kasamahan, ay nagsiyaon sila nang isang araw na paglalakbay; at hinahanap nila siya sa mga kamaganak at mga kakilala; 45 At nang di nila siya matagpuan, ay nagsipagbalik sila sa Jerusalem, na hinahanap siya. 46 At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw, ay nangatagpuan nila siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro, na sila'y pinakikinggan, at sila'y tinatanong: 47 At ang lahat ng sa kaniya'y nangakakarinig ay nagsisipanggilalas sa kaniyang katalinuhan at sa kaniyang mga sagot. 48 At nang siya'y mangakita nila, ay nangagtaka sila; at sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganyan? narito, ang iyong ama at ako na hinahanap kang may hapis. 49 At sinabi niya sa kanila, Bakit ninyo ako hinahanap? di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama. 50 At di nila naunawa ang pananalitang sa kanila'y sinabi. 51 At lumusong siyang kasama nila, at napasa Nazaret; at napasakop sa kanila: at iniingatan ng kaniyang ina sa kaniyang puso ang lahat ng mga pananalitang ito. 52 At lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.
1 Nang ikalabinglimang taon nga ng paghahari ni Tiberio Cesar, na noo'y gobernador sa Judea si Poncio Pilato, at tetrarka sa Galilea si Herodes, at ang kaniyang kapatid na si Felipe ay tetrarka sa lalawigan ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ay tetrarka sa Abilinia, 2 Nang kasalukuyang mga pangulong saserdote si Anas at si Caifas, ay dumating ang salita ng Dios kay Juan, anak ni Zacarias, sa ilang. 3 At siya'y napasa buong lupain sa palibotlibot ng Jordan, na ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan; 4 Gaya ng nasusulat sa aklat ng salita ng propeta Isaias, Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas. 5 Lahat ng libis ay tatambakan, At pababain ang bawa't bundok at burol; At ang liko ay matutuwid, At ang mga daang bakobako ay mangapapatag; 6 At makikita ng lahat ng laman ang pagliligtas ng Dios. 7 Sinasabi nga niya sa mga karamihang nagsisilabas upang mangagpabautismo sa kaniya, Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang sa inyo'y nagudyok upang tumakas sa galit na darating? 8 Kayo nga'y mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi, at huwag mangagpasimulang mangagsabi sa inyong sarili, Si Abraham ang siya naming ama; sapagka't sinasabi ko sa inyo, na makapagpapabangon ang Dios ng mga anak ni Abraham maging sa mga batong ito. 9 At ngayon pa'y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy: ang bawa't punong kahoy nga na di nagbubunga ng mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy. 10 At tinanong siya ng karamihan, na nangagsasabi, Ano ngang dapat namin gawin? 11 At sinagot niya at sinabi sa kanila, Ang may dalawang tunika ay magbahagi sa wala; at ang may pagkain ay gayon din ang gawin. 12 At dumating naman ang mga maniningil ng buwis upang mangagpabautismo, at sinabi nila sa kaniya, Guro, anong dapat naming gawin? 13 At sinabi niya sa kanila, Huwag na kayong sumingil pa ng higit kay sa utos sa inyo. 14 At tinanong naman siya ng mga kawal, na nangagsasabi, At kami, anong dapat naming gawin? At sa kanila'y sinabi niya, Huwag kayong kumuhang may karahasan sa kanino man, ni mangagparatang; at mangagkasiya kayo sa bayad sa inyo. 15 At samantalang ang mga tao'y nagsisipaghintay at pinagbubulaybulay ng lahat sa kanilang puso ang tungkol kay Juan, kung siya kaya ang Cristo; 16 Ay sumagot si Juan na sinasabi sa kanilang lahat, Katotohanang binabautismuhan ko kayo ng tubig; datapuwa't dumarating ang lalong makapangyarihan kay sa akin; ako'y hindi karapatdapat magkalag ng panali ng kaniyang mga pangyapak: kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo at sa apoy: 17 Nasa kaniyang kamay ang kaniyang kalaykay, upang linising lubos ang kaniyang giikan, at tipunin ang trigo sa kaniyang bangan; datapuwa't susunugin niya ang dayami sa apoy na hindi mapapatay. 18 Sa mga iba pang maraming pangaral ay ipinangangaral nga niya sa bayan ang mabuting balita; 19 Datapuwa't si Herodes na tetrarka, palibhasa'y pinagwikaan niya dahil kay Herodias, na asawa ng kaniyang kapatid, at dahil sa lahat ng masasamang bagay na ginawa ni Herodes, 20 Ay naparagdag naman ito sa lahat, na kinulong niya si Juan sa bilangguan. 21 Nangyari nga, nang mabautismuhan ang buong bayan, na si Jesus ay binautismuhan naman, at nang nananalangin, ay nabuksan ang langit, 22 At bumaba sa kaniya ang Espiritu Santo na may anyong katawan, tulad sa isang kalapati, at nanggaling ang isang tinig sa langit, Ikaw ang sinisinta kong Anak; sa iyo ako lubos na nalulugod. 23 At si Jesus din, nang magpasimula siyang magturo ay may gulang na tatlongpung taon, na anak (ayon sa sinasapantaha) ni Jose, ni Eli, 24 Ni Matat, ni Levi, ni Melqui, ni Jane, ni Jose, 25 Ni Matatias, ni Amos, ni Nahum, ni Esli, ni Nage, 26 Ni Maat, ni Matatias, ni Semei, ni Jose, ni Juda, 27 Ni Joana, ni Resa, ni Zorobabel, ni Seatiel, ni Neri, 28 Ni Melqui, ni Adi, ni Cosam, ni Elmodam, ni Er, 29 Ni Jesus, ni Eliezer, ni Jorim, ni Mata, ni Levi, 30 Ni Simeon, ni Juda, ni Jose, ni Jonan, ni Eliaquim, 31 Ni Melea, ni Mena, ni Matata, ni Natan, ni David, 32 Ni Jesse, ni Obed, ni Booz, ni Salmon, ni Naason, 33 Ni Aminadab, ni Aram, ni Esrom, ni Fares, ni Juda, 34 Ni Jacob, ni Isaac, ni Abraham, ni Tare, ni Nacor, 35 Ni Serug, ni Regan, ni Paleg, ni Heber, ni Selah, 36 Ni Cainan, ni Arfaxjad, ni Sem, ni Noe, ni Lamec, 37 Ni Matusalem, ni Enoc, ni Jared, ni Mahalaleel, ni Cainan, 38 Ni Enos, ni Set, ni Adam, ng Dios.
1 At si Jesus, na puspos ng Espiritu Santo ay bumalik mula sa Jordan at inihatid ng Espiritu sa ilang, 2 Sa loob ng apat na pung araw na tinutukso ng diablo. At hindi siya kumain ng anoman nang mga araw na yaon; at nang maganap ang mga yaon ay nagutom siya. 3 At sinabi sa kaniya ng diablo, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ipag-utos mo na ang batong ito ay maging tinapay. 4 At sinagot siya ni Jesus, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao. 5 At iniakyat pa siya niya, at ipinakita sa kaniya sa sandaling panahon ang lahat ng mga kaharian sa sanglibutan. 6 At sinabi sa kaniya ng diablo, Sa iyo'y ibibigay ko ang lahat ng kapamahalaang ito, at ang kaluwalhatian nila: sapagka't ito'y naibigay na sa akin; at ibibigay ko kung kanino ko ibig. 7 Kaya nga kung sasamba ka sa harapan ko, ay magiging iyong lahat. 8 At si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran. 9 At dinala niya siya sa Jerusalem, at inilagay siya sa taluktok ng templo, at sinabi sa kaniya, Kung ikaw ay Anak ng Dios, ay magpatihulog ka mula rito hanggang sa ibaba: 10 Sapagka't nasusulat, Siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, upang ikaw ay ingatan: 11 At, Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay, Baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato. 12 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Nasasabi, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios. 13 At nang matapos ng diablo ang lahat ng pagtukso, ay hiniwalayan siya niya ng ilang panahon. 14 At bumalik si Jesus sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu: at kumalat ang kabantugan tungkol sa kaniya sa palibot ng buong lupain. 15 At nagtuturo siya sa mga sinagoga nila, na niluluwalhati ng lahat. 16 At siya'y napasa Nazaret na kaniyang nilakhan: at ayon sa kaniyang kaugalian, siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng sabbath, at nagtindig upang bumasa. 17 At ibinigay sa kaniya ang aklat ng propeta Isaias. At binuklat niya ang aklat, na nasumpungan niya ang dakong kinasusulatan, 18 Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagka't ako'y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha: Ako'y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, At sa mga bulag ang pagkakita, Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi, 19 Upang itanyag ang kaayaayang taon ng Panginoon. 20 At binalumbon niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod, at naupo: at ang mga mata ng lahat ng nangasa sinagoga ay nangakatitig sa kaniya. 21 At siya'y nagpasimulang magsabi sa kanila, Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig. 22 At siya'y pinatotohanan ng lahat, at nangagtataka sa mga salita ng biyaya na lumalabas sa kaniyang bibig: at sinabi nila, Hindi baga ito ang anak ni Jose? 23 At sinabi niya sa kanila, Walang salang sasabihin ninyo sa akin itong talinghaga, Manggagamot, gamutin mo ang iyong sarili: ang anomang aming narinig na ginawa sa Capernaum, ay gawin mo naman dito sa iyong lupain. 24 At sinabi niya, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang propetang kinalulugdan sa kaniyang tinubuang lupa. 25 Datapuwa't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maraming mga baong babai sa Israel nang mga araw ni Elias, nang sarhan ang langit sa loob ng tatlong taon at anim na buwan, noong datnan ng malaking kagutom ang buong sangkalupaan; 26 At sa kanino man sa kanila ay hindi sinugo si Elias, kundi sa Sarepta sa lupa ng Sidon, sa isang babaing bao. 27 At maraming ketongin sa Israel nang panahon ni Eliseo na propeta; at sinoman sa kanila'y hindi nilinis, kundi lamang si Naaman na Siro. 28 At nangapuspos ng galit ang lahat ng nangasa sinagoga, sa pagkarinig nila ng mga bagay na ito; 29 At sila'y nagsitindig, at ipinagtabuyan siya sa labas ng bayan at dinala siya hanggang sa ibabaw ng taluktok ng gulod na kinatatayuan ng kanilang bayan, upang siya'y maibulid nila ng patiwarik. 30 Datapuwa't pagdaraan niya sa gitna nila, ay yumaon ng kaniyang lakad. 31 At siya'y bumaba sa Capernaum, na isang bayan ng Galilea. At sila'y tinuruan niya sa araw ng sabbath: 32 At nangagtaka sila sa kaniyang aral, sapagka't may kapamahalaan ang kaniyang salita. 33 At sa sinagoga ay may isang lalake na may espiritu ng karumaldumal na demonio; at siya'y sumigaw ng malakas na tinig, 34 Ah! anong mayroon kami sa iyo, Jesus, ikaw na Nazareno? naparito ka baga upang kami'y iyong puksain? nakikilala ko ikaw kung sino ka, ang Banal ng Dios. 35 At sinaway siya ni Jesus, na sinasabi, Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya. At nang siya'y mailugmok ng demonio sa gitna, ay lumabas siya sa kaniya, na hindi siya sinaktan. 36 At silang lahat ay nangagtaka at nagsalitaan ang isa't isa, na nangagsasabi, Anong salita kaya ito? sapagka't siya na may kapamahalaan at kapangyarihan ay naguutos sa mga karumaldumal na espiritu, at nagsisilabas sila. 37 At kumakalat ang alingawngaw tungkol sa kaniya sa lahat ng dako sa palibotlibot ng lupaing yaon. 38 At siya'y nagtindig sa sinagoga, at pumasok sa bahay ni Simon. At nilalagnat na mainam ang biyanang babae ni Simon, at siya'y kanilang ipinamanhik sa kaniya. 39 At tinunghan niya siya, at sinaway ang lagnat; at inibsan siya: at siya'y nagtindig pagdaka at naglingkod sa kanila. 40 At nang lumulubog na ang araw, ang lahat na may mga sakit ng sarisaring karamdaman ay dinala sa kaniya; at ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa bawa't isa sa kanila, at sila'y pinagaling. 41 At nagsilabas din sa marami ang mga demonio na nagsisisigaw, na nagsasabi, Ikaw ang anak ng Dios. At sinasaway sila, na di niya sila tinutulutang mangagsalita, sapagka't naalaman nilang siya ang Cristo. 42 At nang araw na, ay lumabas siya at naparoon sa isang ilang na dako: at hinahanap siya ng mga karamihan, at nagsiparoon sa kaniya, at pinagpipilitang pigilin siya, upang huwag siyang humiwalay sa kanila. 43 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Dapat namang ipangaral ko sa mga ibang bayan ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios: sapagka't sa ganito ay sinugo ako. 44 At siya'y nangangaral sa mga sinagoga ng Galilea.
1 Nangyari nga, na samantalang siya'y sinisiksik ng karamihan na pinakikinggan ang salita ng Dios, na siya'y nakatayo sa tabi ng dagatdagatan ng Genezaret; 2 At nakakita siya ng dalawang daong na nasa tabi ng dagatdagatan: datapuwa't nagsilunsad sa mga yaon ang mga mamamalakaya, at hinuhugasan ang kanilang mga lambat. 3 At lumulan siya sa isa sa mga daong, na kay Simon, at ipinamanhik niya dito na ilayo ng kaunti sa lupa. At siya'y naupo at nagturo sa mga karamihan buhat sa daong. 4 At pagtigil niya ng pagsasalita, ay sinabi niya kay Simon, Pumaroon ka sa laot, at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang mamalakaya. 5 At sumagot si Simon at sinabi, Guro, sa buong magdamag ay nagsipagpagal kami, at wala kaming nahuli: datapuwa't sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat. 6 At nang magawa nila ito, ay nakahuli sila ng lubhang maraming isda; at nagkampupunit ang kanilang mga lambat; 7 At kinawayan nila ang mga kasamahan sa isang daong upang magsilapit at sila'y tulungan. At sila'y nagsilapit at nangapuno ang dalawang daong, ano pa't sila'y nagpasimulang lulubog. 8 Datapuwa't nang makita ni Simon Pedro, ay nagpatirapa sa mga tuhod ni Jesus, na nagsasabi, Lumayo ka sa akin; sapagka't ako'y taong makasalanan, Oh Panginoon. 9 Sapagka't siya at ang lahat ng kasama niya ay nagsipanggilalas, dahil sa karamihan ng mga isdang kanilang nangahuli: 10 At gayon din si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasama ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, Huwag kang matakot; mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao. 11 At nang maisadsad na nila sa lupa ang kanilang mga daong, ay iniwan nila ang lahat, at nagsisunod sa kaniya. 12 At nangyari, samantalang siya'y nasa isa sa mga bayan, narito, may isang lalake na lipos ng ketong: at nang makita niya si Jesus, ay nagpatirapa siya, at namanhik sa kaniya, na sinasabi, Panginoon, kung ibig mo, ay maaaring linisin mo ako. 13 At iniunat niya ang kaniyang kamay at siya'y hinipo, na sinasabi, Ibig ko; luminis ka. At pagdaka'y nilisan siya ng ketong. 14 At ipinagbilin niya sa kaniya na huwag sabihin kanino man: kundi yumaon ka ng iyong lakad, at pakita ka sa saserdote, at maghandog ka sa pagkalinis sa iyo, alinsunod sa iniutos ni Moises, na pinakapatotoo sa kanila. 15 Datapuwa't lalo nang kumakalat ang balita tungkol sa kaniya: at nangagkatipon ang lubhang maraming tao upang makinig, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit. 16 Datapuwa't siya'y lumigpit sa mga ilang, at nananalangin. 17 At nangyari nang isa sa mga araw na yaon, na siya'y nagtuturo; at may nangakaupo doong mga Fariseo at mga guro sa kautusan, na nagsipanggaling sa bawa't nayon ng Galilea at Judea at Jerusalem: at ang kapangyarihan ng Panginoon ay sumasa kaniya upang magpagaling. 18 At narito, dinala ng mga tao na nasa isang higaan ang isang lalaking lumpo: at pinagpipilitan niyang maipasok siya, at ilagay siya sa harap nila. 19 At sa hindi pagkasumpong ng mapagpapasukan, dahil sa karamihan, ay nagsiakyat sila sa bubungan ng bahay, at siya'y inihugos mula sa butas ng bubungan pati ng kaniyang higaan, sa gitna, sa harapan ni Jesus. 20 At pagkakita sa kanilang pananampalataya, ay kaniyang sinabi, Lalake, ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan. 21 At ang mga eskriba at mga Fariseo ay nangagpasimulang mangagkatuwiranan, na nangagsasabi, Sino ito na nagsasalita ng mga kapusungan? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan, kundi ang Dios lamang? 22 Datapuwa't si Jesus, na nakatatanto ng kanilang mga iniisip, ay sumagot at sinabi sa kanila, Bakit pinagbubulaybulay ninyo sa inyong mga puso? 23 Alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka at lumakad ka? 24 Datapuwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi niya sa lumpo), Sa iyo ko sinasabi, Magtindig ka, at buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo. 25 At pagdaka'y nagtindig siya sa harap nila, at binuhat ang kaniyang hinigan, at napasa kaniyang bahay, na niluluwalhati ang Dios. 26 At nagsipanggilalas ang lahat at niluwalhati nila ang Dios; at nangapuspos sila ng takot, na nangagsasabi, Nakakita kami ngayon ng mga bagay na katakataka. 27 At pagkatapos ng mga bagay na ito, siya'y umalis, at nakita ang isang maniningil ng buwis, na nagngangalang Levi, na nakaupo sa paningilan ng buwis, at sinabi sa kaniya, Sumunod ka sa akin. 28 At iniwan niya ang lahat at nagtindig at sumunod sa kaniya. 29 At siya'y ipinagpiging ng malaki ni Levi sa kaniyang bahay: at lubhang maraming maniningil ng buwis at mga iba pa na nangakasalo nila sa dulang. 30 At nangagbulongbulungan ang mga Fariseo at ang kanilang mga eskriba laban sa kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Bakit kayo'y nagsisikain at nagsisiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan? 31 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kanila, Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot; kundi ang mga may sakit. 32 Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan sa pagsisisi. 33 At sinabi nila sa kaniya, Ang mga alagad ni Juan ay nangagaayunong madalas, at nagsisigawa ng mga pagdaing; gayon din ang mga alagad ng mga Fariseo; datapuwa't ang mga iyo'y nagsisikain at nagsisiinom. 34 At sinabi ni Jesus sa kanila, Mangyayari bagang papagayunuhin ninyo ang mga abay sa kasalan samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila? 35 Datapuwa't darating ang mga araw; at pagka inalis sa kanila ang kasintahang lalake, kung magkagayo'y mangagaayuno sila sa mga araw na yaon. 36 At sinalita rin naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Walang taong pumilas sa bagong damit at itinagpi sa damit na luma; sa ibang paraa'y sisirain ang bago, at sa luma naman ay hindi bagay ang tagping mula sa bago. 37 At walang taong nagsisilid ng alak na bago sa mga balat na luma; sa ibang paraa'y papuputukin ng alak na bago ang mga balat, at mabububo, masisira ang mga balat. 38 Kundi dapat isilid ang alak na bago sa mga bagong balat. 39 At walang taong nakainom ng alak na laon, ay iibig sa alak na bago; sapagka't sasabihin niya, Mabuti ang laon.
1 Nangyari nga nang dumaraan siya sa mga trigohan nang isang sabbath, ay kumitil ng mga uhay ang mga alagad niya, at kinakain pagkaligis sa kanilang mga kamay. 2 Datapuwa't sinabi ng ilan sa mga Fariseo, Bakit ginagawa ninyo ang di matuwid gawin sa araw ng sabbath? 3 At pagsagot sa kanila ni Jesus ay sinabi, Hindi baga nabasa ninyo ang ginawa ni David, nang siya'y magutom, siya, at ang mga kasamahan niya; 4 Kung paanong siya'y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain ng mga tinapay na handog, at binigyan pati ang kaniyang mga kasamahan; na hindi naaayon sa kautusan na kanin ninoman kundi ng mga saserdote lamang? 5 At sinabi niya sa kanila, Ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath. 6 At nangyari nang ibang sabbath, na siya'y pumasok sa sinagoga at nagturo: at doo'y may isang lalake, at tuyo ang kaniyang kanang kamay. 7 At inaabangan siya ng mga eskriba at ng mga Fariseo, kung siya'y magpapagaling sa sabbath; upang makasumpong sila ng paraan na siya'y maisakdal. 8 Datapuwa't nalalaman niya ang kanilang mga kaisipan; at sinabi niya sa lalake na tuyo ang kamay, Magtindig ka at tumayo ka sa gitna. At siya'y nagtindig at tumayo. 9 At sinabi sa kanila ni Jesus, Itinatanong ko sa inyo, Matuwid bagang gumawa ng magaling, o gumawa ng masama kung sabbath? magligtas ng isang buhay o pumuksa? 10 At minamasdan niya silang lahat sa palibotlibot, at sinabi sa kaniya, Iunat mo ang iyong kamay. At ginawa niyang gayon; at gumaling ang kaniyang kamay. 11 Datapuwa't sila'y nangapuno ng galit; at nangagsangusapan, kung ano ang kanilang magagawang laban kay Jesus. 12 At nangyari nang mga araw na ito, na siya'y napasa bundok upang manalangin; at sa buong magdamag ay nanatili siya sa pananalangin sa Dios. 13 At nang araw na, ay tinawag niya ang kaniyang mga alagad; at siya'y humirang ng labingdalawa sa kanila, na tinawag naman niyang mga apostol: 14 Si Simon, na tinawag naman niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, at si Santiago at si Juan, at si Felipe at si Bartolome. 15 At si Mateo at si Tomas, at si Santiago anak ni Alfeo, at si Simon, na tinatawag na Masikap, 16 At si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging lilo; 17 At bumaba siya na kasama nila, at tumigil sa isang patag na dako, at ang lubhang marami sa mga alagad niya, at ang lubhang malaking bilang ng mga tao mula sa buong Judea at sa Jerusalem, at sa pangpangin ng dagat ng Tiro at Sidon, na nangagsidalo upang magsipakinig sa kaniya, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit; 18 Ang mga pinahihirapan ng mga espiritung karumaldumal ay pinagagaling. 19 At pinagpipilitan ng buong karamihan na siya'y mahipo; sapagka't lumalabas sa kaniya ang makapangyarihang bisa, at nagpapagaling sa lahat. 20 At itiningin niya ang kaniyang mga mata sa kaniyang mga alagad, at sinabi, Mapapalad kayong mga dukha: sapagka't inyo ang kaharian ng Dios. 21 Mapapalad kayong nangagugutom ngayon: sapagka't kayo'y bubusugin. Mapapalad kayong nagsisitangis ngayon: sapagka't kayo'y magsisitawa. 22 Mapapalad kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, at kung kayo'y ihiwalay nila, at kayo'y alimurahin, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masasama, dahil sa Anak ng tao. 23 Mangagalak kayo sa araw na yaon, at magsilukso kayo sa kagalakan; sapagka't narito, ang ganti sa inyo'y malaki sa langit; sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga propeta. 24 Datapuwa't sa aba ninyong mayayaman! sapagka't tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan. 25 Sa aba ninyo mga busog ngayon! sapagka't kayo'y mangagugutom. Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon! sapagka't kayo'y magsisitaghoy at magsisitangis. 26 Sa aba ninyo, pagka ang lahat ng mga tao ay mangagsalita ng magaling tungkol sa inyo! sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga bulaang propeta. 27 Datapuwa't sinasabi ko sa inyong nangakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang nangapopoot sa inyo, 28 Pagpalain ninyo ang sa inyo'y sumusumpa at ipanalangin ninyo ang sa inyo'y lumalait. 29 Sa sumampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo naman ang kabila; at ang sa iyo'y magalis ng iyong balabal, huwag mong itanggi pati ng iyong tunika. 30 Bigyan mo ang bawa't sa iyo'y humihingi; at sa kumuha ng pag-aari mo, ay huwag mong hinging muli. 31 At kung ano ang ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gayon din ang gawin ninyo sa kanila. 32 At kung kayo'y magsiibig sa mga nagsisiibig sa inyo, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ang mga makasalanan man ay nagsisiibig sa nagsisiibig sa kanila. 33 At kung magsigawa kayo ng mabuti sa nagsisigawa sa inyo ng mabuti, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ganito rin ang ginagawa ng mga makasalanan. 34 At kung kayo'y mangagpahiram doon sa mga inaasahan ninyong may tatanggapin, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? ang mga makasalanan man ay nangagpapahiram sa mga makasalanan, upang muling magsitanggap ng gayon din. 35 Datapuwa't ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ninyo sila ng mabuti, at mangagpahiram kayo, na kailan man ay huwag mawawalan ng pagasa; at malaki ang sa inyo'y magiging ganti, at kayo'y magiging mga anak ng Kataastaasan: sapagka't siya'y magandang-loob sa mga walang turing at sa masasama. 36 Magmaawain kayo, gaya naman ng inyong Ama na maawain. 37 At huwag kayong mangagsihatol, at hindi kayo hahatulan: at huwag kayong mangagparusa, at hindi kayo parurusahan: mangagpalaya kayo, at kayo'y palalayain: 38 Mangagbigay kayo, at kayo'y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw, ay ibibigay nila sa inyong kandungan. Sapagka't sa panukat na inyong isukat ay doon kayo muling susukatin. 39 At sinabi naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Mangyayari bagang umakay ang bulag sa bulag? di baga sila mangabubulid kapuwa sa hukay? 40 Hindi higit ang alagad sa kaniyang guro: datapuwa't ang bawa't isa, pagka naging sakdal, ay nagiging katulad ng kaniyang guro. 41 At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, datapuwa't hindi mo pinupuna ang tahilan na nasa iyong sariling mata? 42 O paanong masasabi mo sa iyong kapatid, Kapatid, pabayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata, kundi mo nakikita ang tahilan na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan na nasa iyong sariling mata, kung magkagayo'y makikita mong malinaw ang pagaalis ng puwing na nasa mata ng iyong kapatid. 43 Sapagka't walang mabuting punong kahoy na nagbubunga ng masama; at wala rin naman masamang punong kahoy na nagbubunga ng mabuti. 44 Sapagka't bawa't punong kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagka't ang mga tao ay di nangakapuputi ng mga igos sa mga dawag, at di nangakapuputi ng ubas sa mga tinikan. 45 Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso; at ang masamang tao'y kumukuha ng kasamaan sa masamang kayamanan: sapagka't sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig. 46 At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi? 47 Ang bawa't lumalapit sa akin, at pinakikinggan ang aking mga salita, at ginagawa, ituturo ko sa inyo kung sino ang katulad: 48 Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay at pinakalalim, at inilagay ang patibayan sa bato: at nang dumating ang isang baha, ay hinampas ng agos ang bahay na yaon, at hindi nakilos; sapagka't natitirik na mabuti. 49 Datapuwa't ang dumirinig, at hindi ginagawa, ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa, na walang patibayan; laban sa yaon ay hinampas ng agos, at pagdaka'y nagiba; at malaki ang naging kasiraan ng bahay na yaon.
1 Nang matapos na niya ang lahat ng kaniyang mga pananalita sa mga pakinig ng bayan, ay pumasok siya sa Capernaum. 2 At ang alipin ng isang senturion, na minamahal nito, ay may sakit at malapit nang mamatay. 3 At nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, ay pinaparoon niya sa kaniya ang matatanda sa mga Judio, na ipamanhik sa kaniya, na pumaroon at iligtas ang kaniyang alipin. 4 At nang magsidating sila kay Jesus, ay ipinamanhik nilang mapilit sa kaniya, na sinasabi, Karapatdapat siya na gawin mo sa kaniya ito; 5 Sapagka't iniibig niya ang ating bansa, at ipinagtayo niya tayo ng ating sinagoga. 6 At si Jesus ay sumama sa kanila. At nang siya'y di na lubhang malayo sa bahay, ay nagsugo sa kaniya ang senturion ng mga kaibigan, na nagsisipagsabi sa kaniya, Panginoon, huwag ka nang maligalig, sapagka't di ako karapatdapat na ikaw ay pumasok sa silong ng aking bubungan: 7 Dahil dito'y hindi ko inakalang ako'y karapatdapat man lamang pumariyan sa iyo: datapuwa't sabihin mo ang salita, at gagaling ang aking alipin. 8 Sapagka't ako rin naman ay taong nasa ilalim ng kapamahalaan, may nasasakupan akong mga kawal: at sinasabi ko rito, Yumaon ka, at siya'y yumayaon; at sa isa, Halika, at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, Gawin mo ito, at kaniyang ginagawa. 9 At nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito, ay nagtaka siya sa kaniya, at lumingon at sinabi sa karamihang nagsisisunod sa kaniya, Sinasabi ko sa inyo, Hindi ako nakasumpong ng ganitong kalaking pananampalataya, hindi, kahit sa Israel man. 10 At pagbalik sa bahay ng mga sinugo, ay kanilang naratnang magaling na ang alipin. 11 At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya'y naparoon sa bayan na tinatawag na Nain; at kasama niya ang kaniyang mga alagad, at ang lubhang maraming tao. 12 At nang siya nga'y malapit na sa pintuan ng bayan, narito, inilalabas ang isang patay, bugtong na anak na lalake ng kaniyang ina, at siya'y bao: at kasama niya ang maraming tao na taga bayan. 13 At pagkakita sa kaniya ng Panginoon, siya'y kinahabagan niya, at sinabi sa kaniya, Huwag kang tumangis. 14 At siya'y lumapit at hinipo ang kabaong: at ang nangagdadala ay tumigil. At sinabi niya, Binata, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka. 15 At naupo ang patay, at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay niya sa kaniyang ina. 16 At sinidlan ng takot ang lahat: at niluluwalhati nila ang Dios, na sinasabi, Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta: at, dinalaw ng Dios ang kaniyang bayan. 17 At kumalat ang balitang ito tungkol sa kaniya sa buong Judea, at sa buong palibotlibot ng lupain. 18 At ibinalita kay Juan ng kaniyang mga alagad ang lahat ng mga bagay na ito. 19 At sa pagpapalapit ni Juan sa kaniya ng dalawa sa kaniyang mga alagad, ay sinugo sila sa Panginoon, na nagpapasabi, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba? 20 At pagdating sa kaniya ng mga tao, ay kanilang sinabi, Pinaparito kami sa iyo ni Juan Bautista, na ipinasasabi, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba? 21 Nang oras na yaon ay nagpagaling siya ng maraming may sakit at mga pagkasalot at masasamang espiritu; at kaniyang pinagkaloobang mangakakita ang maraming bulag. 22 At sumagot siya at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo, at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangakita at nangarinig; ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nagsisilakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, ang mga patay ay ibinabangon, sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita. 23 At mapalad ang sinomang hindi makasumpong ng anomang katitisuran sa akin. 24 At nang mangakaalis na ang mga sugo ni Juan, ay nagpasimula siyang magsalita tungkol kay Juan sa mga karamihan, Ano ang linabas ninyo upang mamasdan sa ilang? isang tambong inuuga ng hangin? 25 Datapuwa't ano ang linabas ninyo upang makita? isang taong nararamtan ng mga damit na maseselang? Narito, ang nagsisipanamit ng maririlag, at nangabubuhay sa pagmamaselang ay nasa mga palasio ng mga hari. 26 Datapuwa't ano ang linabas ninyo upang makita? isa bagang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta. 27 Ito yaong tungkol sa kaniya'y nasusulat, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo. 28 Sinasabi ko sa inyo, Sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang dakila kay sa kay Juan: gayon ma'y ang lalong maliit sa kaharian ng Dios ay lalong dakila kay sa kaniya. 29 At pagkarinig ng buong bayan, at ng mga maniningil ng buwis ay pinatotohanan ang Dios, na nagsipagbautismo ng bautismo ni Juan. 30 Datapuwa't pinawalang halaga ng mga Fariseo at ng mga tagapagtanggol ng kautusan sa kanilang sarili ang payo ng Dios, at hindi napabautismo sa kaniya. 31 Sa ano ko itutulad ang mga tao ng lahing ito, at ano ang kanilang katulad? 32 Tulad sila sa mga batang nangakaupo sa pamilihan, at nagsisigawan sa isa't isa; na sinasabi, Tinutugtugan namin kayo ng plauta, at hindi kayo nagsisayaw; nanambitan kami at hindi kayo nagsitangis. 33 Sapagka't naparito si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, Siya'y may isang demonio. 34 Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom; at inyong sinasabi, Narito ang isang matakaw na tao, at isang magiinum ng alak, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan! 35 At ang karunungan ay pinatotohanan ng lahat ng kaniyang mga anak. 36 At ipinamanhik sa kaniya ng isa sa mga Fariseo na kumaing kasalo niya. At siya'y pumasok sa bahay ng Fariseo at naupo sa dulang. 37 At narito, ang isang babaing makasalanan na nasa bayan; at nang maalaman niyang siya'y nasa dulang ng pagkain sa bahay ng Fariseo ay nagdala siya ng isang sisidlang alabastro na puno ng unguento, 38 At nakatayo sa likuran sa kaniyang mga paanan na tumatangis, ay pinasimulan niyang dinilig ng mga luha ang kaniyang mga paa, at ang mga ito'y kinukuskos ng buhok ng kaniyang ulo, at hinahagkan ang kaniyang mga paa, at pinapahiran ng unguento. 39 Nang makita nga ito ng Fariseo na sa kaniya'y naganyaya, ay nagsalita sa kaniyang sarili, na sinasabi, Ang taong ito, kung siya'y isang propeta ay nakikilala niya kung sino at kung ano ang babaing ito na sa kaniya'y humihipo, na siya'y makasalanan. 40 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Simon, ako'y may isang bagay na sasabihin sa iyo. At sinabi niya, Guro, sabihin mo. 41 Isang may pautang ay may dalawang may utang sa kaniya: at ang isa'y may utang na limang daang denario, at ang isa'y limangpu. 42 Nang sila'y walang maibayad, ay kapuwa pinatawad niya. Alin nga sa kanila ang lalong iibig sa kaniya? 43 Sumagot si Simon at sinabi, Inaakala ko na yaong pinatawad niya ng lalong malaki. At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang pagkahatol mo. 44 At paglingon sa babae, ay sinabi niya kay Simon, Nakikita mo baga ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig na ukol sa aking mga paa: datapuwa't dinilig niya ang aking mga ng kaniyang mga luha, at kinuskos ng kaniyang buhok. 45 Hindi mo ako binigyan ng halik: datapuwa't siya, buhat nang ako'y pumasok ay hindi humihinto ng paghalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo: datapuwa't pinahiran niya ng unguento ang aking mga paa. 47 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ipinatatawad ang kaniyang maraming kasalanan; sapagka't siya ay umibig ng malaki: datapuwa't sa pinatatawad ng kaunti, ay kakaunti ang pagibig. 48 At sinabi niya sa babae, Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan. 49 At ang mga kasalo niyang nangakaupo sa dulang ng pagkain ay nagpasimulang nangagsabi sa kanilang sarili, Sino ito, na nagpapatawad pati ng mga kasalanan? 50 At sinabi niya sa babae, Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.
1 At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya'y naglalakad sa mga bayan at mga nayon, na ipinangangaral at dinadala ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios, at kasama niya ang labingdalawa, 2 At ang ilang babae na pinagaling sa masasamang espiritu at sa mga sakit, si Maria, na tinatawag na Magdalena, na sa kaniya'y pitong demonio ang nagsilabas, 3 At si Juana na asawa ni Chuza, katiwala ni Herodes, at si Susana, at iba pang marami na ipinaglilingkod sa kanila ang kanilang tinatangkilik. 4 At nang magkatipon ang malaking karamihang tao, at ang mga mula sa bawa't bayan na nagsadya sa kaniya, ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga: 5 Ang manghahasik ay yumaon upang maghasik ng kaniyang binhi: at sa kaniyang paghahasik ang ilan ay nangahulog sa tabi ng daan; at napagyapakan, at ito'y kinain ng mga ibon sa langit. 6 At ang iba'y nahulog sa batuhan; at pagsibol, ay natuyo, sapagka't walang halumigmig. 7 At ang iba'y nahulog sa mga dawagan; at tumubong kasama ang mga dawag, at yao'y ininis. 8 At ang iba'y nahulog sa mabuting lupa, at tumubo at nagbunga ng tigiisang daan. Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, siya ay sumigaw, Ang may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig. 9 At tinanong siya ng kaniyang mga alagad, kung ano kaya ang talinghagang ito. 10 At sinabi niya, Sa inyo'y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa't sa mga iba'y sa mga talinghaga; upang kung magsitingin ay huwag silang mangakakita, at mangakarinig ay huwag silang mangakaunawa. 11 Ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Dios. 12 At ang mga sa tabi ng daan, ay ang nangakinig; kung magkagayo'y dumarating ang diablo, at inaalis ang salita sa kanilang puso, upang huwag silang magsisampalataya at mangaligtas. 13 At ang mga sa batuhan, ay yaong mga pagkarinig, ay tinatanggap na may galak ang salita; at ang mga ito'y walang ugat, na sila sa sangdaling panaho'y nagsisisampalataya, at sa panahon ng tukso ay nagsisihiwalay. 14 At ang nahulog sa dawagan, ay ito ang nangakinig, at samantalang sila'y nagsisiyaon sa kanilang lakad ay iniinis sila ng mga pagsusumakit at mga kayamanan at mga kalayawan sa buhay na ito, at hindi nangagbubunga ng kasakdalan. 15 At ang sa mabuting lupa ay ang mga pusong timtiman at mabuti, na iniingatan ang salita pagkarinig, at nangagbubunga may pagtitiis. 16 At walang taong pagkapaningas niya ng ilawan ay tinatakpan ng isang banga, o inilalagay kaya ito sa ilalim ng isang higaan; kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan, upang makita ng nagsisipasok ang ilaw. 17 Sapagka't walang bagay na natatago, na di mahahayag; o walang lihim, na di makikilala at mapapasa liwanag. 18 Ingatan ninyo kung paano ang inyong pakikinig: sapagka't sino mang mayroon ay bibigyan; at ang sinomang wala, pati ng inaakala niyang nasa kaniya ay aalisin. 19 At nagsiparoon sa kaniya ang kaniyang ina at mga kapatid, at sila'y hindi mangakalapit sa kaniya dahil sa karamihan ng tao. 20 At may nagsabi sa kaniya, Nangakatayo sa labas ang iyong ina at iyong mga kapatid, na ibig nilang makita ka. 21 Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay itong nangakikinig ng salita ng Dios, at ginagawa. 22 Nangyari nga sa mga araw na yaon, na siya'y lumulan sa isang daong, siya at ang kaniyang mga alagad; at sinabi niya sa kanila, Magsitawid tayo sa kabilang ibayo ng dagatdagatan: at sila'y nagsitulak. 23 Datapuwa't samantalang sila'y nangaglalayag, siya'y nakatulog: at bumugso ang isang unos ng hangin sa dagatdagatan; at sila'y nangatitigib ng tubig, at nangasa kapanganiban. 24 At sila'y nangagsilapit sa kaniya at siya'y ginising, na nangagsasabi, Guro, guro, tayo'y mangamamatay. At siya'y gumising, at sinaway ang hangin at ang galit ng tubig: at nangagsitigil, at humusay ang panahon. 25 At sinabi niya sa kanila, Saan naroon ang inyong pananampalataya? At palibhasa'y nangatakot sila'y nagsisipanggilalas, na sinasabi ng isa sa iba, Sino nga ito, na siya'y naguutos maging sa hangin at sa tubig, at siya'y tinatalima nila? 26 At sila'y nagsidating sa lupain ng mga Gadareno, na nasa tapat ng Galilea. 27 At pagkalunsad niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan, na may mga demonio; at malaong panahon na hindi siya nagdaramit, at hindi tumatahan sa bahay, kundi sa mga libingan. 28 At nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, at nagpatirapa sa harap niya, at sinabi ng malakas na tinig, Ano ang pakialam ko sa iyo, Jesus, ikaw na Anak ng Dios na Kataastaasan? Ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mo akong pahirapan. 29 Sapagka't ipinagutos niya sa karumaldumal na espiritu na lumabas sa tao. Sapagka't madalas siyang inaalihan: at siya'y binabantayan at gapos ng mga tanikala at mga damal; at pagka pinapatid ang gapos ay siya'y itinataboy ng demonio sa mga ilang. 30 At tinanong siya ni Jesus, Ano ang pangalan mo? At sinabi niya, Pulutong; sapagka't maraming demonio ang nagsipasok sa kaniya. 31 At ipinamamanhik nila sa kaniya na huwag silang paparoonin sa kalalimlaliman. 32 Doon nga'y may isang kawan ng maraming baboy na nagsisipanginain sa bundok: at ipinamanhik nila sa kaniya na pabayaang sila'y magsipasok sa mga yaon. At sila'y pinahintulutan niya. 33 At nagsilabas ang mga demonio sa tao, at nagsipasok sa mga baboy: at ang kawan ay napadaluhong sa bangin hanggang sa dagatdagatan, at nangalunod. 34 At nang makita ng nagsisipagalaga ng mga yaon ang nangyari, ay nagsitakas, at isinaysay sa bayan at sa bukid. 35 At sila'y nagsilabas upang makita ang nangyari; at nagsilapit sila kay Jesus, at kanilang naratnan sa paanan ni Jesus ang taong nilabasan ng mga demonio, na nakaupo, may pananamit, at matino ang kaniyang bait: at sila'y nangatakot. 36 At sa kanila'y isinaysay ng nangakakita kung paanong pinagaling ang inaalihan ng mga demonio. 37 At ipinamanhik sa kaniya ng lahat ng mga tao sa palibotlibot ng lupain ng mga Gadareno na siya'y umalis sa kanila, sapagka't sila'y napipigilan ng malaking takot: at siya'y lumulan sa daong, at nagbalik. 38 Datapuwa't namanhik sa kaniya ang taong nilabasan ng mga demonio, na siya'y ipagsama niya: datapuwa't siya'y pinaalis niya, na sinasabi, 39 Umuwi ka sa iyong bahay, at ipahayag mo kung gaano kadakilang mga bagay ang ginawa ng Dios sa iyo. At siya'y yumaon ng kaniyang lakad, na ibinabalita sa buong bayan, kung gaanong kadakilang mga bagay ang sa kaniya'y ginawa ni Jesus. 40 At sa pagbalik ni Jesus, ay sinalubong siyang may galak ng karamihan; sapagka't hinihintay siya nilang lahat. 41 At narito, lumapit ang isang lalaking nagngangalang Jairo, at siya'y isang pinuno sa sinagoga: at siya'y nagpatirapa sa paanan ni Jesus, at ipinamamanhik sa kaniya, na pumasok sa kaniyang bahay; 42 Sapagka't siya'y may isang bugtong na anak na babae, na may labingdalawang taong gulang, at siya'y naghihingalo. Datapuwa't samantalang siya'y lumalakad ay sinisiksik siya ng karamihan. 43 At isang babae na may labingdalawang taon nang inaagasan, na ginugol sa mga manggagamot ang lahat niyang pagkabuhay, at sinoma'y walang makapagpagaling sa kaniya, 44 Ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit at pagdaka'y naampat ang kaniyang agas. 45 At sinabi ni Jesus, Sino ang humipo sa akin? At nang tumatanggi ang lahat, ay sinabi ni Pedro, at ng mga kasamahan niya, Guro, iniimpit ka at sinisiksik ka ng karamihan. 46 Datapuwa't sinabi ni Jesus, May humipo sa akin, sapagka't naramdaman ko na may umalis na bisa sa akin. 47 At nang makita ng babae na siya'y hindi nalingid, ay lumapit siya na nangangatal, at nagpatirapa sa harapan niya na isinasaysay sa harapan ng buong bayan ang dahil kung bakit siya'y hinipo niya, at kung paanong gumaling siya kapagdaka. 48 At sinabi niya sa kaniya, Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa. 49 Samantalang nagsasalita pa siya ay dumating ang isa na mula sa bahay ng pinuno sa sinagoga, na nagsasabi, Patay na ang anak mong babae; huwag mong bagabagin ang Guro. 50 Datapuwa't nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kaniya, Huwag kang matakot: manampalataya ka lamang, at siya'y gagaling. 51 At nang dumating siya sa bahay, ay hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinomang tao, maliban na kay Pedro, at kay Juan, at kay Santiago, at ang ama ng dalaga at ang ina nito. 52 At tumatangis ang lahat, at pinananambitanan ang dalaga: datapuwa't sinabi niya, Huwag kayong magsitangis; sapagka't siya'y hindi patay, kundi natutulog. 53 At tinawanan nila siya na nililibak, na napagaalamang siya'y patay na. 54 Datapuwa't tinangnan niya sa kamay, at tinawag, na sinasabi, Dalaga, magbangon ka. 55 At nagbalik ang kaniyang espiritu, at siya'y nagbangon pagdaka: at kaniyang ipinagutos na siya'y bigyan ng pagkain. 56 At nangagtaka ang kaniyang mga magulang: datapuwa't ipinagbilin niya sa kanila na huwag sabihin kanino man ang kaniyang ginawa.
1 At tinipon niya ang labingdalawa, at binigyan sila ng kapangyarihan at kapamahalaan sa lahat ng mga demonio, at upang magpagaling ng mga sakit. 2 At sila'y sinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Dios, at magpagaling ng mga may sakit. 3 At sinabi niya sa kanila, Huwag kayong mangagdala ng anoman sa inyong paglalakad, kahit tungkod, kahit supot ng ulam, kahit tinapay, kahit salapi; at kahit magkaroon ng dalawang tunika. 4 At sa anomang bahay na inyong pasukin, doon kayo mangatira, at buhat doo'y magsialis kayo. 5 At ang lahat na di magsitanggap sa inyo sa bayang yaon, ay ipagpag ninyo ang alabok sa inyong mga paa, na pinaka patotoo laban sa kanila. 6 At sila'y nagsialis, at nagsiparoon sa lahat ng mga nayon, na ipinangangaral ang evangelio, at nagpapagaling saa't saan man. 7 Nabalitaan nga ni Herodes na tetrarka ang lahat na ginawa; at siya'y totoong natitilihan, sapagka't sinasabi ng ilan, na si Juan ay muling ibinangon sa mga patay; 8 At ng ilan, na si Elias ay lumitaw; at ng mga iba, na isa sa mga datihang propeta ay muling ibinangon. 9 At sinabi ni Herodes, Pinugutan ko ng ulo si Juan: datapuwa't sino nga ito, na tungkol sa kaniya'y nababalitaan ko ang gayong bagay? At pinagsisikapan niyang siya'y makita. 10 At nang magsibalik ang mga apostol, ay isinaysay nila sa kaniya kung anong mga bagay ang kanilang ginawa. At sila'y isinama niya, at lumigpit na bukod sa isang bayan na tinatawag na Betsaida. 11 Datapuwa't nang maalaman ng mga karamihan ay nagsisunod sa kaniya: at sila'y tinanggap niyang may galak at sinasalita sa kanila ang tungkol sa kaharian ng Dios, at pinagagaling niya ang nangagkakailangang gamutin. 12 At nagpasimulang kumiling ang araw; at nagsilapit ang labingdalawa, at nangagsabi sa kaniya, Paalisin mo ang karamihan, upang sila'y magsiparoon sa mga nayon at sa mga lupaing nasa palibotlibot, at mangakapanuluyan, at mangakakuha ng pagkain: sapagka't tayo'y nangarito sa isang ilang na dako. 13 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Bigyan ninyo sila ng makakain. At sinabi nila, Wala tayo kundi limang tinapay at dalawang isda; malibang kami'y magsiyaon at ibili ng pagkain ang lahat ng mga taong ito. 14 Sapagka't sila'y may limang libong lalake. At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Paupuin ninyo sila ng pulupulutong, na may tiglilimangpu bawa't isa. 15 At gayon ang ginawa nila, at pinaupo silang lahat. 16 At kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad upang ihain sa harap ng karamihan. 17 At sila'y nagsikain, at nangabusog ang lahat: at ang lumabis sa kanila na mga pinagputolputol ay pinulot na labingdalawang bakol. 18 At nangyari, nang siya'y nananalangin ng bukod, na ang mga alagad ay kasama niya: at tinanong niya sila, na sinasabi, Ano ang sinasabi ng karamihan kung sino ako? 19 At pagsagot nila'y nangagsabi, Si Juan Bautista; datapuwa't sinasabi ng mga iba, Si Elias; at sinasabi ng mga iba na isa sa mga datihang propeta ay muling nagbangon. 20 At sinabi niya sa kanila, Datapuwa't, ano ang sabi ninyo kung sino ako? At pagsagot ni Pedro, ay nagsabi, Ang Cristo ng Dios. 21 Datapuwa't ipinagbilin niya, at ipinagutos sa kanila na huwag sabihin ito sa kanino mang tao; 22 Na sinasabi, Kinakailangang magbata ng maraming mga bagay ang Anak ng tao, at itakuwil ng matatanda at ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba, at patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw. 23 At sinabi niya sa lahat, Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin sa arawaraw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin. 24 Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay, ay mawawalan nito; datapuwa't sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin, ay maililigtas nito yaon. 25 Sapagka't ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan, at mawawala o mapapahamak ang kaniyang sarili? 26 Sapagka't ang sinomang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita, ay ikahihiya siya ng Anak ng tao, pagparito niyang nasa kaniyang sariling kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel. 27 Datapuwa't katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayo rito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa mangakita nila ang kaharian ng Dios. 28 At nangyari, nang makaraan ang may mga walong araw pagkatapos ng mga pananalitang ito, na isinama niya si Pedro at si Juan at si Santiago, at umahon sa bundok upang manalangin. 29 At samantalang siya'y nananalangin, ay nagbago ang anyo ng kaniyang mukha, at ang kaniyang damit ay pumuti, at nakasisilaw. 30 At narito, dalawang lalake ay nakikipagusap sa kaniya, na ang mga ito'y si Moises at si Elias; 31 Na napakitang may kaluwalhatian, at nangaguusapan ng tungkol sa kaniyang pagkamatay na malapit niyang ganapin sa Jerusalem. 32 Si Pedro nga at ang kaniyang mga kasamahan ay nangagaantok: datapuwa't nang sila'y mangagising na totoo ay nakita nila ang kaniyang kaluwalhatian, at ang dalawang lalaking nangakatayong kasama niya. 33 At nangyari, samantalang sila'y nagsisihiwalay sa kaniya, ay sinabi ni Pedro kay Jesus, Guro, mabuti sa atin ang tayo'y dumito: at magsigawa tayo ng tatlong dampa; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias: na hindi nalalaman ang kaniyang sinasabi. 34 At samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ay dumating ang isang alapaap, at sila'y naliliman: at sila'y nangatakot nang sila'y mangapasok sa alapaap. 35 At may tinig na nanggaling sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang aking Anak, ang aking hirang: siya ang inyong pakinggan. 36 At nang dumating ang tinig, si Jesus ay nasumpungang nagiisa. At sila'y di nagsisiimik, at nang mga araw na yao'y hindi nila sinabi kanino mang tao ang alin man sa mga bagay na kanilang nakita. 37 At nangyari nang kinabukasan, nang pagbaba nila mula sa bundok, ay sinalubong siya ng lubhang maraming tao. 38 At narito, isang lalake sa karamihan, ay sumigaw na nagsasabi, Guro, ipinamamanhik ko sa iyo na iyong tingnan ang aking anak na lalake; sapagka't siya'y aking bugtong na anak; 39 At narito, inaalihan siya ng isang espiritu, at siya'y biglang nagsisigaw; at siya'y nililiglig, na pinabubula ang bibig, at bahagya nang siya'y hiwalayan, na siya'y totoong pinasasakitan. 40 At ipinamanhik ko sa iyong mga alagad na palabasin siya; at hindi nila magawa. 41 At sumagot si Jesus at nagsabi, Oh lahing walang pananampalataya at taksil, hanggang kailan makikisama ako sa inyo at magtitiis sa inyo? dalhin mo rito ang anak mo. 42 At samantalang siya'y lumalapit, ay ibinuwal siya ng demonio, at pinapangatal na mainam. Datapuwa't pinagwikaan ni Jesus ang karumaldumal na espiritu, at pinagaling ang bata, at isinauli siya sa kaniyang ama. 43 At nangagtaka silang lahat sa karangalan ng Dios. Datapuwa't samantalang ang lahat ay nagsisipanggilalas sa lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad, 44 Manuot sa inyong mga tainga ang mga salitang ito: sapagka't ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao. 45 Datapuwa't hindi nila napaguunawa ang sabing ito, at sa kanila'y nalilingid, upang ito'y huwag mapagunawa; at nangatatakot silang magsipagtanong sa kaniya ng tungkol sa sabing ito. 46 At nagkaroon ng isang pagmamatuwiran sa gitna nila kung sino kaya sa kanila ang pinakadakila. 47 Datapuwa't pagkaunawa ni Jesus sa pangangatuwiran ng kanilang puso, ay kumuha siya ng isang maliit na bata, at inilagay sa kaniyang siping, 48 At sinabi sa kanila, Ang sinomang tumanggap sa maliit na batang ito sa pangalan ko, ay ako ang tinatanggap: at ang sinomang tumanggap sa akin, ay tinatanggap ang nagsugo sa akin: sapagka't ang pinaka maliit sa inyong lahat, ay siyang dakila. 49 At sumagot si Juan at sinabi, Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonio sa pangalan mo; at aming pinagbawalan siya, sapagka't siya'y hindi sumasama sa atin. 50 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Huwag ninyong pagbawalan siya: sapagka't ang hindi laban sa inyo, ay sumasa inyo. 51 At nangyari, nang nalalapit na ang mga kaarawan na siya'y tatanggapin sa itaas, ay pinapanatili niyang harap ang kaniyang mukha upang pumaroon sa Jerusalem, 52 At nagsugo ng mga sugo sa unahan ng kaniyang mukha: at nagsiyaon sila, at nagsipasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang siya'y ipaghanda. 53 At hindi nila siya tinanggap, sapagka't ang mukha niya'y anyong patungo sa Jerusalem. 54 At nang makita ito ng mga alagad niyang si Santiago at si Juan, ay nangagsabi, Panginoon, ibig mo bagang magpababa tayo ng apoy mula sa langit, at sila'y pugnawin? 55 Datapuwa't, lumingon siya, at sila'y pinagwikaan. 56 At sila'y nagsiparoon sa ibang nayon. 57 At paglakad nila sa daan ay may nagsabi sa kaniya, Susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon. 58 At sinabi sa kaniya ni Jesus, May mga lungga ang mga sorra, at ang mga ibon sa langit ay may mga pugad; datapuwa't ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo. 59 At sinabi niya sa iba, Sumunod ka sa akin. Datapuwa't siya'y nagsabi, Panginoon, tulutan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama. 60 Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, Pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay; datapuwa't yumaon ka at ibalita mo ang kaharian ng Dios. 61 At ang iba nama'y nagsabi, Susunod ako sa iyo, Panginoon; datapuwa't pabayaan mo akong magpaalam muna sa mga kasangbahay ko. 62 Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Jesus, Walang taong pagkahawak sa araro, at lumilingon sa likod, ay karapatdapat sa kaharian ng Dios.
1 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay naghalal ng pitongpu pa, at sila'y sinugong daladalawa, sa unahan ng kaniyang mukha, sa bawa't bayan at dako na kaniyang paroroonan. 2 At sinabi niya sa kanila, Sa katotohana'y marami ang aanihin, datapuwa't kakaunti ang mga manggagawa: kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin. 3 Magsiyaon kayo sa iyong lakad; narito, sinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga lobo. 4 Huwag kayong magsipagdala ng supot ng salapi, ng supot man ng pagkain, ng mga pangyapak man; at huwag kayong magsibati kanino mang tao sa daan. 5 At sa alin mang bahay na inyong pasukin, ay sabihin ninyo muna, Kapayapaan nawa sa bahay na ito. 6 At kung mayroon doong anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaa'y mananatili sa kaniya: datapuwa't kung wala, ay babalik ito sa inyong muli. 7 At magsipanatili kayo sa bahay ding yaon, na kanin at inumin ninyo ang mga bagay na kanilang ibigay: sapagka't ang manggagawa ay marapat sa kaniyang kaupahan. Huwag kayong mangagpalipatlipat sa bahaybahay. 8 At sa alin mang bayan na iyong pasukin, at kayo'y kanilang tanggapin, ay kanin ninyo ang mga bagay na ihain sa inyo: 9 At pagalingin ninyo ang mga maysakit na nangaroon, at sabihin ninyo sa kanila, Lumapit na sa inyo ang kaharian ng Dios. 10 Datapuwa't sa alin mang bayan na inyong pasukin, at hindi kayo tanggapin, magsilabas kayo sa kanilang mga lansangan at inyong sabihin, 11 Pati ng alabok ng inyong bayan na kumakapit sa aming paa, ay ipinapagpag namin laban sa inyo: gayon ma'y inyong talastasin ito, na lumapit na ang kaharian ng Dios. 12 Sinasabi ko sa inyo, Sa araw na yaon ay higit na mapagpapaumanhinan ang Sodoma kay sa bayang yaon. 13 Sa aba mo, Corazin! sa aba mo, Betsaida! sapagka't kung sa Tiro at sa Sidon sana ginawa ang mga gawang makapangyarihang ginawa sa inyo, ay maluwat na dising nangagsisi, na nangauupong may kayong magaspang at abo. 14 Datapuwa't sa paghuhukom, higit na mapagpapaumanhinan ang Tiro at Sidon, kay sa inyo. 15 At ikaw, Capernaum, magpapakataas ka hanggang sa langit? ikaw ay ibaba hanggang sa Hades. 16 Ang nakikinig sa inyo, ay sa akin nakikinig; at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil; at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang sa aki'y nagsugo. 17 At nagsipagbalik ang pitongpu na may kagalakan, na nangagsasabi, Panginoon, pati ang mga demonio ay nagsisisuko sa amin sa iyong pangalan. 18 At sinabi niya sa kanila, Nakita ko si Satanas, na nahuhulog na gaya ng lintik, mula sa langit. 19 Narito, binigyan ko kayo ng kapamahalaan na inyong yurakan ang mga ahas at ang mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway: at sa anomang paraa'y hindi kayo maaano. 20 Gayon ma'y huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagsisisuko sa inyo; kundi inyong ikagalak na nangasusulat ang inyong mga pangalan sa langit. 21 Nang oras ding yaon siya'y nagalak sa Espiritu Santo, at sinabi, Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Oh Ama, Panginoon ng langit at lupa, na iyong inilihim ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol: gayon nga, Ama; sapagka't gayon ang nakalulugod sa iyong paningin. 22 Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama: at walang nakakakilala kung sino ang Anak, kundi ang Ama; at kung sino ang Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak. 23 At paglingon sa mga alagad, ay sinabi niya ng bukod, Mapapalad ang mga matang nangakakakita ng mga bagay na inyong nangakikita: 24 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na maraming propeta at mga hari ang nangaghahangad na mangakakita ng mga bagay na inyong nangakikita, at hindi nila nangakita at mangarinig ang mga bagay na inyong nangaririnig, at hindi nila nangarinig. 25 At narito, ang isang tagapagtanggol ng kautusan ay nagtindig at siya'y tinutukso, na sinasabi, Guro, anong aking gagawin upang magmana ng walang hanggang buhay? 26 At sinabi niya sa kaniya, Ano ang nasusulat sa kautusan? ano ang nababasa mo? 27 At pagsagot niya'y sinabi, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. 28 At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang sagot mo: gawin mo ito, at mabubuhay ka. 29 Datapuwa't siya, na ibig magaringganap sa kaniyang sarili, ay nagsabi kay Jesus, At sino ang aking kapuwa tao? 30 Sumagot si Jesus at sinabi, Isang tao'y bumababa sa Jerico na mula sa Jerusalem; at siya'y nahulog sa kamay ng mga tulisan, na sa kaniya'y sumamsam at sa kaniya'y humampas, at nagsialis na siya'y iniwang halos patay na. 31 At nagkataong bumababa sa daang yaon ang isang saserdote; at nang makita siya ay dumaan sa kabilang tabi. 32 At sa gayon ding paraan ang isang Levita naman, nang dumating siya sa dakong yaon, at makita siya, ay dumaan sa kabilang tabi. 33 Datapuwa't ang isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya: at nang siya'y makita niya, ay nagdalang habag, 34 At lumapit sa kaniya, at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binuhusan ng langis at alak; at siya'y isinakay sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-tuluyan, at siya'y inalagaan. 35 At nang kinabukasa'y dumukot siya ng dalawang denario, at ibinigay sa katiwala ng bahay-tuluyan, at sinabi, Alagaan mo siya, at ang anomang magugol mong higit, ay aking pagbabayaran sa iyo pagbabalik ko. 36 Sino sa tatlong ito, sa akala mo, ang nagpakilalang kapuwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan? 37 At sinabi niya, Ang nagkaawanggawa sa kaniya. At sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, at gayon din ang gawin mo. 38 Sa pagyaon nga nila sa kanilang lakad, ay pumasok siya sa isang nayon: at isang babaing nagngangalang Marta, ay tinanggap siya sa kaniyang bahay. 39 At siya'y may isang kapatid na tinatawag na Maria, na naupo rin naman sa mga paanan ng Panginoon, at pinakikinggan ang kaniyang salita. 40 Nguni't si Marta ay naliligalig sa maraming paglilingkod; at siya'y lumapit sa kaniya, at sinabi, Panginoon, wala bagang anoman sa iyo, na pabayaan ako ng aking kapatid na babae na maglingkod na magisa? iutos mo nga sa kaniya na ako'y tulungan niya. 41 Datapuwa't sumagot ang Panginoon, at sinabi sa kaniya, Marta, Marta naliligalig ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay: 42 Datapuwa't isang bagay ang kinakailangan: sapagka't pinili ni Maria ang magaling na bahagi, na hindi aalisin sa kaniya.
1 At nangyari, nang siya'y nananalangin sa isang dako, nang siya'y matapos, ay sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, Panginoon, turuan mo kaming manalangin, na gaya naman ni Juan na nagturo sa kaniyang mga alagad. 2 At sinabi niya sa kanila, Pagka kayo'y nagsisipanalangin, inyong sabihin, Ama, Sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. 3 Ibigay mo sa amin arawaraw ang aming pangarawaraw na kakanin. 4 At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan; sapagka't aming pinatawad naman ang bawa't may utang sa amin. At huwag mo kaming ihatid sa tukso. 5 At sinabi niya sa kanila, Sino sa inyo ang magkakaroon ng isang kaibigan, at paroroon sa kaniya sa hating gabi, at sa kaniya'y sasabihin, Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay; 6 Sapagka't dumarating sa akin na galing sa paglalakbay ang isa kong kaibigan, at wala akong maihain sa kaniya; 7 At siya na mula sa loob ay sasagot at sasabihin, Huwag mo akong bagabagin: nalalapat na ang pinto, at kasama ko sa hihigan ang aking mga anak; hindi ako makabangon at makapagbigay sa iyo? 8 Sinasabi ko sa inyo, Kahit siya'y hindi bumangon, at magbigay sa kaniya, dahil sa siya'y kaibigan niya, gayon ma'y dahil sa kaniyang pagbagabag ay siya'y magbabangon at ibibigay gaano man ang kinakailangan niya. 9 At sinasabi ko sa inyo, Magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo'y mangakakasumpong; magsituktok kayo, at kayo'y bubuksan. 10 Sapagka't ang bawa't humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan. 11 At aling ama sa inyo, na kung humingi ang kaniyang anak ng isang tinapay, ay bibigyan niya siya ng isang bato? o ng isang isda kaya, at hindi isda ang ibibigay, kundi isang ahas? 12 O kung siya'y humingi ng itlog, kaniyang bibigyan kaya siya ng alakdan? 13 Kung kayo nga, bagaman masasama, ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng Espiritu Santo sa nagsisihingi sa kaniya? 14 At nagpalabas siya ng isang demoniong pipi. At nangyari, nang makalabas na ang demonio, ang pipi ay nangusap; at nangagtaka ang mga karamihan. 15 Datapuwa't sinabi ng ilan sa kanila, Sa pamamagitan ni Beelzebub, na pangulo ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio. 16 At ang mga iba sa pagtukso sa kaniya'y hinanapan siya ng isang tanda na mula sa langit. 17 Datapuwa't siya, na nakatataho ng mga pagiisip nila, sa kanila'y sinabi, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay magkakawatakwatak; at ang sangbahayan na nagkakabahabahagi laban sa sangbahayan ay nagigiba. 18 At kung si Satanas naman ay nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili, paanong mananatili ang kaniyang kaharian? sapagka't sinasabi ninyong sa pamamagitan ni Beelzebub nagpapalabas ako ng mga demonio. 19 At kung nagpapalabas ako ng mga demonio sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino sila pinalalabas ng inyong mga anak? kaya nga, sila ang inyong magiging mga hukom. 20 Nguni't kung sa pamamagitan ng daliri ng Dios ay nagpapalabas ako ng mga demonio, dumating nga sa inyo ang kaharian ng Dios. 21 Pagka ang lalaking malakas na nasasandatahang lubos ay nagbabantay sa kaniyang sariling looban, ang kaniyang mga pag-aari ay wala sa panganib. 22 Datapuwa't kung siya'y datnan ng ibang lalong malakas kay sa kaniya, at siya'y matalo, ay kukunin nito sa kaniya ang lahat ng kaniyang sandata na kaniyang inaasahan, at ipamamahagi ang mga nasamsam sa kaniya. 23 Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin; at ang hindi nagiimpok na kasama ko ay nagsasambulat. 24 Pagka ang karumaldumal na espiritu ay lumabas sa isang tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig, na humahanap ng kapahingahan, at pagka hindi makasumpong, ay sinasabing, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko. 25 At pagdating niya ay nasusumpungang walis na at nagagayakan. 26 Kung magkagayo'y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama pa kay sa kaniya; at sila'y nagsisipasok at nagsisitahan doon: at nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kay sa una. 27 At nangyari, na nang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ang isang babaing mula sa karamihan ay naglakas ng kaniyang tinig at sinabi sa kaniya, Mapalad ang tiyang sa iyo'y nagdala, at ang mga dibdib na iyong sinusuhan. 28 Datapuwa't sinabi niya, Oo, bagkus na lalong mapapalad ang nangakikinig ng salita ng Dios, at ito'y ginaganap. 29 At nang ang mga karamihan ay nangagkakatipon sa kaniya, ay nagpasimula siyang magsabi, Ang lahing ito'y isang masamang lahi: siya'y humahanap ng isang tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda kundi ng tanda ni Jonas. 30 Sapagka't kung paanong si Jonas ay naging tanda sa mga Ninivita, ay gayon din naman ang Anak ng tao sa lahing ito. 31 Magbabangon sa paghuhukom ang reina ng timugan na kasama ng mga tao ng lahing ito, at sila'y hahatulan: sapagka't siya'y naparitong galing sa mga wakas ng lupa, upang pakinggan ang karunungan ni Salomon; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Salomon. 32 Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Ninive na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't sila'y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas. 33 Walang taong pagkapagpaningas niya ng isang ilawan, ay ilalagay sa isang dakong tago, ni sa ilalim man ng takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw, upang ang nagsisipasok ay makita ang ilaw. 34 Ang ilawan ng katawan mo ay ang iyong mata: kung magaling ang iyong mata, ang buong katawan mo naman ay puspos ng liwanag; datapuwa't kung ito'y may sakit, ang katawan mo nama'y puspos ng kadiliman. 35 Masdan mo nga kung ang ilaw na nasa iyo ay baka kadiliman. 36 Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay puspos ng liwanag, na walang anomang bahaging madilim, ito'y lubos na mapupuspos ng liwanag, na gaya ng pagliliwanag sa iyo ng ilawang may liwanag na maningning. 37 Samantala ngang siya'y nagsasalita, ay inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya: at siya'y pumasok, at naupo sa dulang. 38 At nang makita ito ng Fariseo, ay nagtaka na siya'y hindi muna naghugas bago mananghali. 39 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Gayon nga kayong mga Fariseo na nililinis ninyo ang dakong labas ng saro at ng pinggan; datapuwa't ang loob ninyo'y puno ng panglulupig at kasamaan. 40 Kayong mga haling, di baga ang gumawa ng dakong labas ay siya ring gumawa ng dakong loob? 41 Datapuwa't ilimos ninyo ang mga bagay na nasa kalooban; at narito, ang lahat ng mga bagay ay malilinis sa inyo. 42 Datapuwa't sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka't nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena, at ng ruda, at ng bawa't gugulayin, at pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pagibig ng Dios: datapuwa't dapat ngang gawin ninyo ang mga ito, at huwag pabayaan di ginagawa ang mga yaon. 43 Sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka't inyong iniibig ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan. 44 Sa aba ninyo! sapagka't kayo'y tulad sa mga libingang hindi nakikita, at di nalalaman ng mga taong nagsisilakad sa ibabaw nila. 45 At pagsagot ng isa sa mga tagapagtanggol ng kautusan, ay nagsabi sa kaniya, Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong pinupulaan. 46 At sinabi niya, Sa aba rin naman ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka't inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasang mahihirap dalhin, at hindi man lamang ninyo hinihipo ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasan. 47 Sa aba ninyo! sapagka't inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, at ang mga yao'y pinatay ng inyong mga magulang. 48 Kayo nga'y mga saksi at nagsisisangayon sa mga gawa ng inyong mga magulang: sapagka't pinatay ng mga ito ang mga yaon, at itinatayo ninyo ang kanilang mga libingan. 49 Kaya nga, sinasabi naman ng karunungan ng Dios, Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; at ilan sa kanila ay kanilang papatayin at paguusigin; 50 Upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta, na ibinubo buhat nang itatag ang sanglibutan; 51 Mula sa dugo ni Abel, hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuario: oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito. 52 Sa aba ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka't inalis ninyo ang susi ng karunungan: hindi kayo nagsipasok, at inyong sinasansala ang nagsisipasok. 53 At paglabas niya roon, ay nangagpasimula ang mga eskriba at ang mga Fariseo na higpitang mainam siya, at akitin siyang magsalita ng maraming mga bagay; 54 Na siya'y inaabangan, upang makahuli sa kaniyang bibig ng anoman.
1 Samantalang nangagkakatipon ang libolibong tao, na ano pa't nagkakayapakan silasila, ay nagpasimula siyang magsalita muna sa kaniyang mga alagad, Mangagingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na ito'y pagpapaimbabaw nga. 2 Datapuwa't walang bagay na natatakpan, na hindi mahahayag: at natatago, na hindi malalaman. 3 Kaya nga, ang anomang sinabi ninyo sa kadiliman ay maririnig sa kaliwanagan, at ang sinalita ninyo sa bulong sa mga silid, ay ipagsisigawan sa mga bubungan. 4 At sinasabi ko sa inyo mga kaibigan ko, Huwag kayong mangatakot sa mga pumapatay ng katawan, na pagkatapos niyan ay wala na silang magagawa. 5 Datapuwa't ipinagpapauna ko sa inyo kung sino ang inyong katatakutan: Katakutan ninyo yaong pagkatapos na pumatay, ay may kapangyarihang magbulid sa impierno; tunay, sinasabi ko sa inyo, Siya ninyong katakutan. 6 Hindi baga ipinagbibili ang limang maya sa dalawang beles? at isa man sa kanila ay hindi nalilimutan sa paningin ng Dios. 7 Datapuwa't maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat. Huwag kayong mangatakot: kayo'y lalong mahalaga kay sa maraming maya. 8 At sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin naman siya ng Anak ng tao sa harap ng mga anghel ng Dios: 9 Datapuwa't ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao, ay ikakaila sa harap ng mga anghel ng Dios. 10 Ang bawa't magsalita ng salitang laban sa Anak ng tao ay patatawarin: nguni't ang magsalita ng kapusungan laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin. 11 At pagka kayo'y dadalhin sa harap ng mga sinagoga, at sa mga pinuno, at sa mga may kapamahalaan, ay huwag kayong mangabalisa kung paano o ano ang inyong isasagot, o kung ano ang inyong sasabihin: 12 Sapagka't ituturo sa inyo ng Espiritu Santo sa oras ding yaon ang inyong dapat sabihin. 13 At sinabi sa kaniya ng isa sa karamihan, Guro, iutos mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana. 14 Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, Lalake, sino ang gumawa sa aking hukom o tagapamahagi sa inyo? 15 At sinabi niya sa kanila, Mangagmasid kayo, at kayo'y mangagingat sa lahat ng kasakiman: sapagka't ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya. 16 At nagsaysay siya sa kanila ng isang talinghaga, na sinasabi, Ang lupa ng isang taong mayaman ay namumunga ng sagana: 17 At iniisip niya sa sarili na sinasabi, Ano ang gagawin ko, sapagka't wala akong mapaglalagyan ng aking mga inaning bunga? 18 At sinabi niya, Ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pag-aari. 19 At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, matuwa ka. 20 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa; at ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya? 21 Gayon nga ang nagpapakayaman sa ganang kaniyang sarili, at hindi mayaman sa Dios. 22 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano ang inyong kakanin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin. 23 Sapagka't ang buhay ay higit kay sa pagkain, at ang katawan kay sa damit. 24 Wariin ninyo ang mga uwak, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas man; na walang bangan ni kamalig man; at sila'y pinakakain ng Dios: gaano ang kahigtan ng kahalagahan ninyo kay sa mga ibon! 25 At sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay? 26 Kung hindi nga ninyo magawa kahit ang lalong maliit, bakit nangababalisa kayo tungkol sa mga ibang bagay? 27 Wariin ninyo ang mga lirio, kung paano silang nagsisilaki: hindi nangagpapagal, o nangagsusulid man; gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, Kahit si Salomon man, sa buong kaluwalhatian niya, ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito. 28 Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasan ay iginagatong sa kalan; gaano pa kaya kayo na di niya pararamtan, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya? 29 At huwag ninyong pagsikapan kung ano ang inyong kakanin, at kung ano ang inyong iinumin, o huwag man kayo'y mapagalinlangang pagiisip. 30 Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga bansa sa sanglibutan: datapuwa't talastas ng inyong Ama na inyong kinakailangan ang mga bagay na ito. 31 Gayon ma'y hanapin ninyo ang kaniyang kaharian, at idaragdag sa inyo ang mga bagay na ito. 32 Huwag kayong mangatakot, munting kawan; sapagka't nakalulugod na mainam sa inyong Ama ang sa inyo'y ibigay ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik, at kayo'y mangaglimos; magsigawa kayo sa ganang inyo ng mga supot na hindi nangaluluma, isang kayamanan sa langit na hindi nagkukulang, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang tanga. 34 Sapagka't kung saan naroroon ang inyong kayamanan, ay doroon naman ang inyong puso. 35 Bigkisan ninyo ang inyong mga baywang, at paningasan ang inyong mga ilawan; 36 At magsitulad kayo sa mga taong nangaghihintay sa kanilang panginoon kung siya'y bumalik na galing sa kasalan; upang kung siya'y dumating at tumuktok, pagdaka'y mabuksan nila siya. 37 Mapapalad yaong mga alipin na kung dumating ang panginoon ay maratnang nangagpupuyat: katotohanang sinasabi ko sa inyo na siya'y magbibigkis sa sarili, at sila'y pauupuin sa dulang, at lalapit at sila'y paglilingkuran niya. 38 At kung siya'y dumating sa ikalawang pagpupuyat, o sa ikatlo, at masumpungan sila sa gayon, ay mapapalad ang mga aliping yaon. 39 Datapuwa't talastasin ninyo ito na kung nalalaman lamang ng puno ng sangbahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, siya'y magpupuyat, at hindi pababayaang sirain ang kaniyang bahay. 40 Kayo rin naman ay mangagsihanda: sapagka't sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating. 41 At sinabi ni Pedro, Panginoon, sinasabi mo baga ang talinghagang ito sa amin, o sa lahat naman? 42 At sinabi ng Panginoon, Sino nga baga ang katiwalang tapat at matalino, na pagkakatiwalaan ng kaniyang panginoon ng kaniyang sangbahayan, upang sila'y bigyan ng kanilang bahagi na pagkain sa kapanahunan? 43 Mapalad ang aliping yaon, na kung dumating ang kaniyang panginoon ay maratnang gayon ang ginagawa niya. 44 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya'y ipagkakatiwala ang lahat niyang pag-aari. 45 Datapuwa't kung sabihin ng aliping yaon sa kaniyang puso, Maluluwatan ang pagdating ng aking panginoon; at magpasimulang bugbugin ang mga aliping lalake at ang mga aliping babae, at kumain at uminom, at maglasing; 46 Ang panginoon ng aliping yaon ay darating sa araw na di niya hinihintay, at sa oras na hindi niya nalalaman, at siya'y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga di tapat. 47 At yaong aliping nakaaalam ng kalooban ng kaniyang panginoon, at hindi naghanda, at hindi gumawa ng alinsunod sa kaniyang kalooban ay papaluin ng marami; 48 Datapuwa't ang hindi nakaaalam, at gumawa ng mga bagay na karapatdapat sa mga palo, ay papaluin ng kaunti. At sa sinomang binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kaniya: at sa sinomang pinagkatiwalaan ng marami ay lalo nang marami ang hihingin sa kaniya. 49 Ako'y naparito upang maglagay ng apoy sa lupa; at ano pa ang iibigin ko, kung magningas na? 50 Datapuwa't ako'y may isang bautismo upang ibautismo sa akin; at gaano ang aking kagipitan hanggang sa ito'y maganap? 51 Inaakala baga ninyo na ako'y naparito upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, Hindi, kundi bagkus pagkakabahabahagi: 52 Sapagka't mula ngayon ay magkakabahabahagi ang lima sa isang bahay, tatlo laban sa dalawa, at dalawa laban sa tatlo. 53 Sila'y mangagkakabahabahagi, ang ama'y laban sa anak na lalake, at ang anak na lalake ay laban sa ama; ang ina'y laban sa anak na babae, at ang anak na babae ay laban sa kaniyang ina; ang biyanang babae ay laban sa kaniyang manugang na babae, at ang manugang na babae ay laban sa kaniyang biyanang babae. 54 At sinabi rin naman niya sa mga karamihan, Pagka nakikita ninyong bumangon sa kalunuran ang isang alapaap, ay agad ninyong sinasabi, Uulan; at gayon ang nangyayari. 55 At kung humihihip ang hanging timugan, ay sinasabi ninyo, Iinit na maigi; at ito'y nangyayari. 56 Kayong mga mapagpaimbabaw! marunong kayong mangagpaaninaw ng anyo ng lupa at ng langit; datapuwa't bakit di ninyo nalalamang ipaaninaw ang panahong ito? 57 At bakit naman hindi ninyo hatulan sa inyong sarili kung alin ang matuwid? 58 Sapagka't samantalang pumaparoon ka sa hukom na kasama mo ang iyong kaalit, ay sikapin mo sa daan na makaligtas ka sa kaniya; baka sakaling kaladkarin ka niya sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa punong kawal at ipasok ka ng punong kawal sa bilangguan. 59 Sinasabi ko sa iyo, Hindi ka lalabas doon sa anomang paraan, hanggang sa mabayaran mo ang katapustapusang lepta.
1 Nang panahon ding ngang yaon ay nangaroon ang ilan, na nagsipagsabi sa kaniya tungkol sa mga Galileo, na ang dugo ng mga ito'y inihalo ni Pilato sa mga hain nila. 2 At siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Inaakala baga ninyo na ang mga Galileong ito ay higit ang pagkamakasalanan kay sa lahat ng mga Galileo, dahil sa sila'y nangagbata ng mga bagay na ito? 3 Sinasabi ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan. 4 O yaong labingwalo, na nalagpakan ng moog sa Siloe, at nangamatay, ay inaakala baga ninyo na sila'y lalong salarin kay sa lahat ng taong nangananahan sa Jerusalem? 5 Sinasabi ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan. 6 At sinalita niya ang talinghagang ito, Isang tao ay may isang puno ng igos na natatanim sa kaniyang ubasan; at siya'y naparoong humahanap ng bunga niyaon, at walang nasumpungan. 7 At sinabi niya sa nagaalaga ng ubasan, Narito, tatlong taon nang pumaparito akong humahanap ng bunga sa puno ng igos na ito, at wala akong masumpungan: putulin mo; bakit pa makasisikip sa lupa? 8 At pagsagot niya'y sinabi sa kaniya, Panginoon, pabayaan mo muna sa taong ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot, at malagyan ng pataba: 9 At kung pagkatapos ay magbunga, ay mabuti; datapuwa't kung hindi, ay puputulin mo. 10 At siya'y nagtuturo sa mga sinagoga nang araw ng sabbath. 11 At narito, ang isang babae na may espiritu ng sakit na may labingwalong taon na; at totoong baluktot at hindi makaunat sa anomang paraan. 12 At nang siya'y makita ni Jesus, ay kaniyang tinawag siya, at sinabi niya sa kaniya, Babae, kalag ka na sa iyong sakit. 13 At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya: at pagdaka siya'y naunat, at niluwalhati niya ang Dios. 14 At ang pinuno sa sinagoga, dala ng kagalitan, sapagka't si Jesus ay nagpagaling nang sabbath, ay sumagot at sinabi sa karamihan, May anim na araw na ang mga tao'y dapat na magsigawa: kaya sa mga araw na iyan ay magsiparito kayo, at kayo'y pagagalingin, at huwag sa araw ng sabbath. 15 Datapuwa't sinagot siya ng Panginoon, at sinabi, Kayong mga mapagpaimbabaw, hindi baga kinakalagan ng bawa't isa sa inyo sa sabbath ang kaniyang bakang lalake o ang kaniyang asno sa sabsaban, at ito'y inilalabas upang painumin? 16 At ang babaing itong anak ni Abraham, na tinalian ni Satanas, narito, sa loob ng labingwalong taon, hindi baga dapat kalagan ng taling ito sa araw ng sabbath? 17 At samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ay nangapahiya ang lahat ng kaniyang mga kaalit: at nangagagalak ang buong karamihan dahil sa lahat ng maluwalhating bagay na kaniyang ginawa. 18 Sinabi nga niya, Sa ano tulad ang kaharian ng Dios? at sa ano ko itutulad? 19 Tulad sa isang butil ng mostasa na kinuha ng isang tao, at inihagis sa kaniyang sariling halamanan; at ito'y sumibol, at naging isang punong kahoy; at humapon sa mga sanga nito ang mga ibon sa langit. 20 At muling sinabi niya, Sa ano ko itutulad ang kaharian ng Dios? 21 Tulad sa lebadura na kinuha ng isang babae, at itinago sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nalebadurahang lahat. 22 At siya'y yumaon sa kaniyang lakad sa mga bayan at mga nayon, na nagtuturo, at naglalakbay na tungo sa Jerusalem. 23 At may isang nagsabi sa kaniya, Panginoon, kakaunti baga ang mangaliligtas? At sinabi niya sa kanila, 24 Magpilit kayong magsipasok sa pintuang makipot: sapagka't sinasabi ko sa inyo na marami ang mangagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari. 25 Kung makatindig na ang puno ng sangbahayan, at mailapat na ang pinto, at magpasimula kayong mangagsitayo sa labas, at mangagsituktok sa pintuan, na mangagsasabi, Panginoon, buksan mo kami; at siya'y sasagot at sasabihin sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan; 26 Kung magkagayo'y pasisimulan ninyong sabihin, Nagsikain kami at nagsiinom sa harap mo, at nagturo ka sa aming mga lansangan; 27 At sasabihin niya, Sinasabi ko sa inyo na hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan; magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kalikuan. 28 Diyan na nga ang pagtangis, at ang pagngangalit ng mga ngipin, kung mangakita ninyo si Abraham, at si Isaac, at si Jacob, at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Dios, at kayo'y palabasin. 29 At sila'y magsisipanggaling sa silanganan at sa kalunuran, at sa timugan at sa hilagaan, at magsisiupo sa kaharian ng Dios. 30 At narito, may mga huling magiging una at may mga unang magiging huli. 31 Nagsidating nang oras ding yaon ang ilang Fariseo, na nangagsasabi sa kaniya, Lumabas ka, at humayo ka rito: sapagka't ibig kang patayin ni Herodes. 32 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon kayo, at inyong sabihin sa sorrang yaon, Narito, nagpapalabas ako ng mga demonio at nagpapagaling ngayon at bukas, at ako'y magiging sakdal sa ikatlong araw. 33 Gayon ma'y kailangang ako'y yumaon sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa: sapagka't hindi mangyayari na ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem. 34 Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinugo sa kaniya! Makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, at ayaw kayo! 35 Narito, sa inyo'y iniwang walang anoman ang inyong bahay: at sinasabi ko sa inyo, Hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.
1 At nangyari, sa pagpasok niya sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo nang isang sabbath upang kumain ng tinapay, at inaabangan nila siya. 2 At narito, sa kaniyang harapan ay may isang lalaking namamaga. 3 At pagsagot ni Jesus, ay nagsalita sa mga tagapagtanggol ng kautusan at sa mga Fariseo, na sinasabi, Matuwid baga o hindi na magpagaling sa sabbath? 4 Datapuwa't sila'y di nagsiimik. At siya'y tinangnan niya, at siya'y pinagaling, at siya'y pinayaon. 5 At sinabi niya sa kanila, Sino kaya sa inyo ang kung magkaroon ng isang asno o isang bakang lalake na mahulog sa hukay, at pagdaka'y hindi kukunin kahit araw ng sabbath? 6 At di na muling nakasagot sila sa kaniya sa mga bagay na ito. 7 At nagsalita siya ng isang talinghaga sa mga inanyayahan, nang mamasdan niya na kanilang pinipili ang mga pangulong luklukan; na nagsasabi sa kanila, 8 Pagka inaanyayahan ka ninomang tao sa kasalan, huwag kang uupo sa pangulong luklukan; baka mayroon siyang anyayahang lalong marangal na tao kay sa iyo, 9 At lumapit yaong naganyaya sa iyo at sa kaniya, at sabihin sa iyo, Bigyan mong puwang ang taong ito; at kung magkagayo'y magpapasimula kang mapahiya na mapalagay ka sa dakong kababababaan. 10 Kundi pagka inaanyayahan ka, ay pumaroon ka at umupo ka sa dakong kababababaan; upang kung dumating ang naganyaya sa iyo, ay sa iyo'y sabihin niya, Kaibigan pumaroon ka pa sa lalong mataas: kung magkagayo'y magkakaroon ka ng kaluwalhatian sa harap ng lahat na mga kasalo mong nangakaupo sa dulang. 11 Sapagka't ang bawa't nagmamataas ay mabababa; at ang nagpapakababa ay matataas. 12 At sinabi rin naman niya sa naganyaya sa kaniya, Pagka naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan, ay huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan, ni ang iyong mga kapatid, ni ang iyong mga kamaganak, ni ang mayayamang kapitbahay; baka ikaw naman ang kanilang muling anyayahan, at gantihan ka. 13 Datapuwa't kung maghahanda ka, ay anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pingkaw, ang mga pilay, ang mga bulag, 14 At magiging mapalad ka; sapagka't wala silang sukat ikaganti sa iyo: sapagka't gagantihin sa iyo sa pagkabuhay na maguli ng mga ganap. 15 At nang marinig ito ng isa sa nangakaupong kasalo niya sa dulang, ay sinabi sa kaniya, Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Dios. 16 Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, May isang naghanda ng isang malaking hapunan; at marami siyang inanyayahan: 17 At sa panahon ng paghapon ay sinugo niya ang kaniyang alipin, upang sabihin sa mga inanyayahan, Magsiparito kayo; sapagka't ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na. 18 At silang lahat na parang iisa ay nangagpasimulang nangagdahilan. Sa kaniya'y sinabi ng una, Bumili ako ng isang bukid, at kailangan akong umalis at tingnan; ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako. 19 At sinabi ng iba, Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalake, at paroroon ako upang sila'y subukin; ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako. 20 At sinabi ng iba, Bago akong kasal, at kaya nga hindi ako makaparoroon. 21 At dumating ang alipin, at isinaysay ang mga bagay na ito sa kaniyang panginoon. Nang magkagayon, sa galit ng puno ng sangbahayan ay sinabi sa kaniyang alipin, Pumaroon kang madali sa mga lansangan at sa mga daang makikipot ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, at ang mga pingkaw, at ang mga bulag, at ang mga pilay. 22 At sinabi ng alipin, panginoon, nagawa na ang ipinagutos mo, at gayon ma'y maluwag pa. 23 At sinabi ng panginoon sa alipin, Pumaroon ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang magsipasok, upang mapuno ang aking bahay. 24 Sapagka't sinasabi ko sa inyo na alin man sa mga taong inanyayahan ay hindi makatitikim ng aking hapunan. 25 Nagsisama nga sa kaniya ang lubhang maraming tao; at siya'y lumingon at sa kanila'y sinabi, 26 Kung ang sinomang tao'y pumaparito sa akin, at hindi napopoot sa kaniyang sariling ama, at ina, at asawang babae, at mga anak, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, oo, at pati sa kaniyang sariling buhay man, ay hindi siya maaaring maging alagad ko. 27 Sinomang hindi nagdadala ng kaniyang sariling krus, at sumusunod sa akin, ay hindi maaaring maging alagad ko. 28 Sapagka't alin sa inyo, ang kung ibig magtayo ng isang moog, ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol kung mayroong maipagtatapos? 29 Baka kung mailagay na niya ang patibayan, at hindi matapos, ang lahat ng mga makakita ay mangagpasimulang siya'y libakin, 30 Na sabihin, Nagpasimula ang taong ito na magtayo, at hindi nakayang tapusin. 31 O aling hari, na kung sasalubong sa pakikidigma sa ibang hari, ay hindi muna uupo at sasangguni kung makahaharap siya na may sangpung libo sa dumarating na laban sa kaniya na may dalawangpung libo? 32 O kung hindi, samantalang malayo pa ang isa, ay magsusugo siya ng isang sugo, at hihilingin ang mga kailangan sa pagkakasundo. 33 Kaya nga sinoman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad ko. 34 Mabuti nga ang asin: datapuwa't kung ang asin ay tumabang, ay ano ang ipagpapaalat? 35 Walang kabuluhang maging sa lupa kahit sa tapunan man ng dumi: itinatapon sa labas. Ang may mga pakinig upang ipakinig, ay makinig.
1 Nagsisilapit nga sa kaniya ang lahat ng mga maniningil ng buwis at makasalanan upang makinig sa kaniya. 2 At ang mga Fariseo at gayon din ang mga eskriba ay nangagbubulongbulungan, na nangagsasabi, Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan, at sumasalo sa kanila. 3 At sinalita niya sa kanila ang talinghagang ito, na sinasabi, 4 Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon ay hindi iiwan ang siyam na pu't siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito'y kaniyang masumpungan? 5 At pagka nasumpungan niya, ay pinapasan niya sa kaniyang balikat, na natutuwa. 6 At paguwi niya sa tahanan, ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at ang kaniyang mga kapitbahay, na sasabihin sa kanila, Makipagkatuwa kayo sa akin, sapagka't nasumpungan ko ang aking tupang nawala. 7 Sinasabi ko sa inyo, na gayon din magkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kay sa siyam na pu't siyam na taong matutuwid na di nangagkakailangang magsipagsisi. 8 O aling babae na may sangpung putol na pilak, na kung mawalan siya ng isang putol, ay hindi baga magpapaningas ng isang ilawan, at wawalisan ang bahay, at hahanaping masikap hanggang sa ito'y masumpungan niya? 9 At pagka nasumpungan niya, ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na sinasabi, Makipagkatuwa kayo sa akin, sapagka't nasumpungan ko ang isang putol na nawala sa akin. 10 Gayon din, sinasabi ko sa inyo, na may tuwa sa harapan ng mga anghel ng Dios, dahil sa isang makasalanang nagsisisi. 11 At sinabi niya, May isang tao na may dalawang anak na lalake: 12 At sinabi sa kaniyang ama ng bunso, Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng iyong kayamanang nauukol sa akin. At binahagi niya sa kanila ang kaniyang pagkabuhay. 13 At hindi nakaraan ang maraming araw, ay tinipong lahat ng anak na bunso ang ganang kaniya, at naglakbay sa isang malayong lupain; at doo'y inaksaya ang kaniyang kabuhayan sa palunging pamumuhay. 14 At nang magugol na niyang lahat, ay nagkaroon ng isang malaking kagutom sa lupaing yaon; at siya'y nagpasimulang mangailangan. 15 At pumaroon siya at nakisama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing yaon; at sinugo niya siya sa kaniyang mga parang, upang magpakain ng mga baboy. 16 At ibig sana niyang mabusog ang kaniyang tiyan ng mga ipa na kinakain ng mga baboy: at walang taong magbigay sa kaniya. 17 Datapuwa't nang siya'y makapagisip ay sinabi niya, Ilang mga alilang upahan ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, at ako rito'y namamatay ng gutom? 18 Magtitindig ako at paroroon sa aking ama, at aking sasabihin sa kaniya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin: 19 Hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo: gawin mo akong tulad sa isa sa iyong mga alilang upahan. 20 At siya'y nagtindig, at pumaroon sa kaniyang ama. Datapuwa't samantalang nasa malayo pa siya, ay natanawan na siya ng kaniyang ama, at nagdalang habag, at tumakbo, at niyakap siya sa leeg, at siya'y hinagkan. 21 At sinabi ng anak sa kaniya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin: hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo. 22 Datapuwa't sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin, Dalhin ninyo ritong madali ang pinakamabuting balabal, at isuot ninyo sa kaniya; at lagyan ninyo ng singsing ang kaniyang kamay, at mga panyapak ang kaniyang mga paa: 23 At kunin ninyo ang pinatabang guya, at inyong patayin, at tayo'y magsikain, at mangagkatuwa: 24 Sapagka't patay na ang anak kong ito, at muling nabuhay; siya'y nawala, at nasumpungan. At sila'y nangagpasimulang mangagkatuwa. 25 Nasa bukid nga ang anak niyang panganay: at nang siya'y dumating at malapit sa bahay, ay narinig niya ang tugtugan at ang sayawan. 26 At pinalapit niya sa kaniya ang isa sa mga alipin, at itinanong kung ano kaya ang mga bagay na yaon. 27 At sinabi niya sa kaniya, Dumating ang kapatid mo; at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya, dahil sa siya'y tinanggap niya na ligtas at magaling. 28 Datapuwa't nagalit siya, at ayaw pumasok: at lumabas ang kaniyang ama, at siya'y namanhik sa kaniya. 29 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kaniyang ama, Narito, maraming taon nang kita'y pinaglilingkuran, at kailan ma'y hindi ako sumuway sa iyong utos; at gayon ma'y hindi mo ako binigyan kailan man ng isang maliit na kambing, upang ipakipagkatuwa ko sa aking mga kaibigan: 30 Datapuwa't nang dumating itong anak mong umubos ng iyong pagkabuhay sa mga patutot, ay ipinagpatay mo siya ng pinatabang guya. 31 At sinabi niya sa kaniya, Anak, ikaw ay palaging nasa akin, at iyo ang lahat ng akin. 32 Datapuwa't karapatdapat mangagkatuwa at mangagsaya tayo: sapagka't patay ang kapatid mong ito, at muling nabuhay; at nawala, at nasumpungan.
1 At sinabi rin naman niya sa mga alagad, May isang taong mayaman, na may isang katiwala; at ito'y isinumbong sa kaniya na siya'y nagsisira ng kaniyang mga pag-aari. 2 At tinawag niya siya, at sa kaniya'y sinabi, Ano ito na nababalitaan ko tungkol sa iyo? magbigay sulit ka ng pagiging katiwala; sapagka't hindi ka na maaaring maging katiwala pa. 3 At sinabi ng katiwala sa kaniyang sarili, Anong gagawin ko, yamang inaalis sa akin ng panginoon ko ang pagiging katiwala? Magdukal ng lupa'y wala akong kaya; magpalimos ay nahihiya ako. 4 Nalalaman ko na ang gagawin ko, upang, kung mapaalis ako sa pagiging katiwala, ako ay matanggap nila sa kanilang mga bahay. 5 At pagtawag niya sa bawa't isa sa mga may utang sa kaniyang panginoon, ay sinabi niya sa una, Gaano ang utang mo sa aking panginoon? 6 At sinabi niya, Isang daang takal na langis. At sinabi niya sa kaniya, Abutin mo ang iyong kasulatan, at maupo kang madali at isulat mong limangpu. 7 Nang magkagayon ay sinabi niya sa iba, At ikaw, gaano ang utang mo? At sinabi niya, Isang daang takal na trigo. Sinabi niya sa kaniya, Abutin mo ang iyong kasulatan, at isulat mong walongpu. 8 At pinuri ng kaniyang panginoon ang lilong katiwala, sapagka't siya'y gumawang may katalinuhan: sapagka't ang mga anak ng sanglibutang ito, sa kanilang sariling lahi, ay matatalino kay sa mga anak ng ilaw. 9 At sinabi ko sa inyo, Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng kayamanan ng kasamaan; upang, kung kayo'y magkulang, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tabernakulo. 10 Ang mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din naman sa marami: at ang di matuwid sa kakaunti ay di rin naman matuwid sa marami. 11 Kung kayo nga'y di naging mapagtapat sa masamang kayamanan, sino nga ang magkakatiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan? 12 At kung di kayo naging mapagtapat sa kayamanan ng iba, sino ang sa inyo'y magbibigay ng sa inyong sarili. 13 Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka't kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa; o di kaya'y magtatapat sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan. 14 At ang mga Fariseo, na pawang maibigin sa salapi, ay nangakikinig ng lahat ng mga bagay na ito; at siya'y tinutuya nila. 15 At sinabi niya sa kanila, Kayo ang nangagaaring-ganap sa inyong sarili sa paningin ng mga tao; datapuwa't nakikilala ng Dios ang inyong mga puso; sapagka't ang dinadakila ng mga tao ay kasuklamsuklam sa paningin ng Dios. 16 Ang kautusan at ang mga propeta ay nanatili hanggang kay Juan: mula noo'y ang evangelio ng kaharian ng Dios ay ipinangangaral, at ang bawa't tao ay pumapasok doon na nagpipilit. 17 Nguni't lubhang magaan pa ang mangawala ang langit at ang lupa, kay sa mahulog ang isang kudlit ng kautusan. 18 Ang bawa't lalaki na inihihiwalay ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing inihiwalay ng kaniyang asawa ay nagkakasala ng pangangalunya. 19 Mayroon ngang isang taong mayaman, at siya'y nagdaramit ng kulay ube at maselang lino, at sa araw-araw ay kumakain ng sagana: 20 At isang pulubi na ang pangala'y Lazaro, lipos ng mga sugat, ay inilalagay sa kaniyang pintuan, 21 At naghahangad na mapakain ng mga mumo na nangahuhulog mula sa dulang ng mayaman; oo, at lumapit pati ang mga aso at hinihimuran ang kaniyang mga sugat. 22 At nangyari, na namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham: at namatay naman ang mayaman, at inilibing. 23 At sa Hades na nasa mga pagdurusa ay itiningin niya ang kaniyang mga mata, at natanaw sa malayo si Abraham, at si Lazaro ay nasa kaniyang sinapupunan. 24 At siya'y sumigaw at sinabi, Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kaniyang daliri, at palamigin ang aking dila; sapagka't naghihirap ako sa alab na ito. 25 Datapuwa't sinabi ni Abraham, Anak, alalahanin mo na ikaw ay tumanggap ng iyong mabubuting bagay sa iyong pamumuhay, at si Lazaro sa gayon ding paraan ay masasamang bagay: datapuwa't ngayon, ay inaaliw siya rini, at ikaw ay nasa kahirapan. 26 At bukod sa lahat ng ito, ay may isang malaking banging nakalagay sa pagitan namin at ninyo, upang ang mga magibig tumawid buhat dini hanggang sa inyo ay hindi maari, at gayon din walang makatawid mula diyan hanggang sa amin. 27 At sinabi niya, Ipinamamanhik ko nga sa iyo, ama, na suguin mo siya sa bahay ng aking ama; 28 Sapagka't ako'y may limang kapatid na lalake; upang sa kanila'y patotohanan niya, baka pati sila'y mangaparito sa dakong ito ng pagdurusa. 29 Datapuwa't sinabi ni Abraham, Nasa kanila si Moises at ang mga propeta; bayaang sila'y pakinggan nila. 30 At sinabi niya, Hindi amang Abraham: datapuwa't kung ang isang mula sa mga patay ay makaparoon sa kanila, sila'y mangagsisisi. 31 At sinabi niya sa kaniya, Kung di nila pinakikinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin mangahihikayat sila, kahit ang isa'y magbangon sa mga patay.
1 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad Hindi mangyayari na di dumating ang mga kadahilanan ng pagkakatisod; datapuwa't sa aba niyaong pinanggalingan. 2 Mabuti pa sa kaniya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang gilingang bato, at siya'y ihagis sa dagat, kay sa siya'y magpatisod sa isa sa maliliit na ito. 3 Mangagingat kayo sa inyong sarili: kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya; at kung siya'y magsisi, patawarin mo siya. 4 At kung siya'y makapitong magkasala sa isang araw laban sa iyo, at makapitong magbalik sa iyo na sasabihin, Pinagsisisihan ko; patawarin mo siya. 5 At sinabi ng mga apostol sa Panginoon, Dagdagan mo ang pananampalataya namin. 6 At sinabi ng Panginoon, Kung mangagkaroon kayo ng pananampalataya na kasing laki ng isang butil ng binhi ng mostasa, sasabihin ninyo sa puno ng sikomorong ito, Mabunot ka, at matanim ka sa dagat; at kayo'y tatalimahin. 7 Datapuwa't sino sa inyo, ang may isang aliping nagaararo o nagaalaga ng mga tupa, na pagbabalik niyang galing sa bukid ay magsasabi sa kaniya, Parito ka agad at maupo ka sa dulang ng pagkain; 8 At hindi sasabihin sa kaniya, Ipaghanda mo ako ng mahahapunan, at magbigkis ka, at paglingkuran mo ako, hanggang sa ako'y makakain at makainom; at saka ka kumain at uminom? 9 Nagpapasalamat baga siya sa alipin sapagka't ginawa ang iniutos sa kaniya? 10 Gayon din naman kayo, pagka nangagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na sa inyo'y iniutos, inyong sabihin, Mga aliping walang kabuluhan kami; ginawa namin ang katungkulan naming gawin. 11 At nangyari, na samantalang sila'y napapatungo sa Jerusalem, na siya'y nagdaraan sa mga hangganan ng Samaria at Galilea. 12 At sa pagpasok niya sa isang nayon, ay sinalubong siya ng sangpung lalaking ketongin, na nagsitigil sa malayo: 13 At sila'y nagsisigaw na nagsisipagsabi, Jesus, Guro, maawa ka sa amin. 14 At pagkakita niya sa kanila, ay sinabi niya sa kanila, Magsihayo kayo at kayo'y pakita sa mga saserdote. At nangyari, na samantalang sila'y nagsisiparoon, ay nangalinis sila. 15 At isa sa kanila, nang makita niyang siya'y gumaling, ay nagbalik, na niluluwalhati ang Dios ng malakas na tinig; 16 At siya'y nagpatirapa sa kaniyang paanan, na nagpapasalamat sa kaniya: at siya'y isang Samaritano. 17 At pagsagot ni Jesus ay nagsabi, Hindi baga sangpu ang nagsilinis? datapuwa't saan nangaroon ang siyam? 18 Walang nagbalik upang lumuwalhati sa Dios, kundi itong taga ibang lupa? 19 At sinabi niya sa kaniya, Magtindig ka, at yumaon ka sa iyong lakad: pinagaling ka ng iyong pananampalataya. 20 At palibhasa'y tinanong siya ng mga Fariseo, kung kailan darating ang kaharian ng Dios, ay sinagot niya sila at sinabi, Ang kaharian ng Dios ay hindi paririto na mapagkikita: 21 Ni sasabihin man nila, Naririto! o Naririyan! sapagka't narito, ang kaharian ng Dios ay nasa loob ninyo. 22 At sinabi niya sa mga alagad, Darating ang mga araw, na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng tao, at hindi ninyo makikita. 23 At sasabihin nila sa inyo, Naririyan! Naririto! huwag kayong magsisiparoon, ni magsisisisunod man sa kanila: 24 Sapagka't gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa kaniyang kaarawan. 25 Datapuwa't kailangan muna siyang magbata ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito. 26 At kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang mangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao. 27 Sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom, sila'y nangagaasawa, at sila'y pinapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe, at dumating ang paggunaw, at nilipol silang lahat. 28 Gayon din naman kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Lot; sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom, sila'y nagsisibili, sila'y nangagbibili, sila'y nangagtatanim, sila'y nangagtatayo ng bahay. 29 Datapuwa't nang araw na umalis sa Sodoma si Lot, ay umulan mula sa langit ng apoy at asupre, at nilipol silang lahat: 30 Gayon din naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng tao ay mahayag. 31 Sa araw na yaon, ang mapapasa bubungan, at nasa bahay ng kaniyang mga pag-aari, ay huwag silang manaog upang kunin: at ang nasa bukid ay gayon din, huwag siyang umuwi. 32 Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. 33 Sinomang nagsisikap ingatan ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: datapuwa't ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay ay maiingatan yaon. 34 Sinasabi ko sa inyo, Sa gabing yaon ay dalawang lalake ang sasa isang higaan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan. 35 Magkasamang gigiling ang dalawang babae; kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan. 36 Mapapasa bukid ang dalawang lalake; ang isa'y kukunin at ang isa'y iiwan. 37 At pagsagot nila ay sinabi sa kaniya, Saan, Panginoon? At sinabi niya sa kanila, Kung saan naroon ang bangkay ay doon din naman magkakatipon ang mga uwak.
1 At sinalita niya sa kanila ang isang talinghaga, na sila'y dapat magsipanalanging lagi, at huwag manganglupaypay; 2 Na sinasabi, May isang hukom sa isang bayan, na hindi natatakot sa Dios, at walang taong pinagpipitaganan: 3 At sa bayang yaon ay may isang babaing bao; at siya'y naparoroong madalas sa kaniya, na sinasabi, Iganti mo ako sa aking kaalit. 4 At may ilang panahon na siya'y tumatanggi: datapuwa't pagkatapos ay sinabi sa kaniyang sarili, Bagaman di ako natatakot sa Dios, at di nagpipitagan sa tao: 5 Gayon man, sapagka't nililigalig ako ng baong ito, ay igaganti ko siya, baka niya ako bagabagin ng kapaparito. 6 At sinabi ng Panginoon, Pakinggan ninyo ang sinabi ng likong hukom. 7 At hindi baga, igaganti ng Dios ang kaniyang mga hirang, na sumisigaw sa kaniya sa araw at gabi, at siya'y may pagpapahinuhod sa kanila? 8 Sinasabi ko sa inyo, na sila'y madaling igaganti niya. Gayon ma'y pagparito ng Anak ng tao, makakasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa? 9 At kaniyang sinalita naman ang talinghagang ito sa nagsisiasa sa kanilang sarili, na nangagpapanggap na sila'y matutuwid, at pinawawalang halaga ang lahat ng mga iba: 10 May dalawang lalaking nagsipanhik sa templo upang magsipanalangin; ang isa'y Fariseo, at ang isa'y maniningil ng buwis. 11 Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kaniyang sarili ng ganito, Dios, pinasasalamatan kita, na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga manglulupig, mga liko, mga mapangalunya, o hindi man lamang gaya ng maniningil ng buwis na ito. 12 Makalawa akong nagaayuno sa isang linggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinakamtan. 13 Datapuwa't ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo, ay ayaw na itingin man lamang ang kaniyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kaniyang dibdib, na sinasabi, Dios, ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan. 14 Sinasabi ko sa inyo, Nanaog at umuwi sa kaniyang bahay ang taong ito na inaaaringganap kay sa isa: sapagka't ang bawa't nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa; datapuwa't ang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas. 15 At dinala naman nila sa kaniya ang kanilang mga sanggol, upang kaniyang hipuin sila; datapuwa't nang mangakita ito ng mga alagad, ay sila'y sinaway nila. 16 Datapuwa't pinalapit sila ni Jesus sa kaniya, na sinasabi, Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka't sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios. 17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na gaya ng isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan. 18 At tinanong siya ng isang pinuno, na sinasabi, Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay? 19 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Bakit mo ako tinatawag na mabuti? walang mabuti, kundi isa, ang Dios lamang. 20 Talastas mo ang mga utos, Huwag kang mangalunya, Huwag kang pumatay, Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Igalang mo ang iyong ama at ina. 21 At sinabi niya, Ginanap ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata. 22 At nang marinig ito ni Jesus, ay sinabi niya sa kaniya, Isang bagay pa ang kulang sa iyo: ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin. 23 Datapuwa't nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y namanglaw na lubha; sapagka't siya'y totoong mayaman. 24 At sa pagmamasid sa kaniya ni Jesus ay sinabi, Pagkahiraphirap na makapasok sa kaharian ng Dios ang mga may kayamanan! 25 Sapagka't magaan pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Dios. 26 At sinabi ng mga nakarinig nito, Sino nga kaya ang makaliligtas? 27 Datapuwa't sinabi niya, Ang mga bagay na di mangyayari sa mga tao ay may pangyayari sa Dios. 28 At sinabi ni Pedro, Narito, iniwan namin ang aming sarili, at nagsisunod sa iyo. 29 At sinabi niya sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nagiwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Dios, 30 Na di tatanggap ng makapupung higit sa panahong ito, at sa sanglibutang darating, ng walang hanggang buhay. 31 At isinama niya ng bukod ang labingdalawa, at sa kanila'y sinabi, Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta ay mangagaganap sa Anak ng tao. 32 Sapagka't siya'y ibibigay sa mga Gentil, at siya'y aalimurahin, at duduwahaginin, at luluraan. 33 At kanilang papaluin at papatayin siya: at sa ikatlong araw ay muling magbabangon siya. 34 At wala silang napagunawa sa mga bagay na ito; at ang sabing ito ay nalingid sa kanila, at hindi nila napagtalastas ang sinabi. 35 At nangyari, na nang nalalapit na sila sa Jerico, isang bulag ay nakaupo sa tabi ng daan na nagpapalimos: 36 At pagkarinig na nagdaraan ang maraming tao, ay itinanong niya kung ano ang ibig sabihin noon. 37 At sinabi nila sa kaniya, na nagdaraan si Jesus na taga Nazaret. 38 At siya'y nagsisigaw, na sinasabi, Jesus, ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin. 39 At siya'y sinaway ng nangasa unahan, upang siya'y tumahimik: datapuwa't siya'y lalong nagsisigaw, Ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin. 40 At si Jesus ay tumigil, at ipinagutos na dalhin siya sa kaniya: at nang mailapit siya, ay itinanong niya sa kaniya, 41 Anong ibig mo na sa iyo'y gawin ko? At sinabi niya, Panginoon, na tanggapin ko ang aking paningin. 42 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Tanggapin mo ang iyong paningin: pinagaling ka ng pananampalataya mo. 43 At pagdaka'y tinanggap niya ang kaniyang paningin, at sumunod sa kaniya, na niluluwalhati ang Dios: at pagkakita nito ng buong bayan, ay nangagpuri sa Dios.
1 At siya'y pumasok at nagdaan sa Jerico. 2 At narito, isang lalake na tinatawag sa pangalang Zaqueo; at siya'y isang puno ng mga maniningil ng buwis, at siya'y mayaman. 3 At pinagpipilitan niyang makita si Jesus kung sino kaya siya; at hindi mangyari, dahil sa maraming tao, sapagka't siya'y pandak. 4 At tumakbo siya sa unahan, at umakyat sa isang punong kahoy na sikomoro upang makita siya: sapagka't siya'y magdaraan sa daang yaon. 5 At nang dumating si Jesus sa dakong yaon, ay siya'y tumingala, at sinabi sa kaniya, Zaqueo, magmadali ka, at bumaba ka; sapagka't ngayo'y kinakailangang ako'y tumuloy sa bahay mo. 6 At siya'y nagmadali, at bumaba, at tinanggap siyang may tuwa. 7 At nang makita nila ito, ay nangagbulongbulungan silang lahat, na nangagsasabi, Siya'y pumasok na nanunuluyan sa isang taong makasalanan. 8 At si Zaqueo ay nagtindig, at sinabi sa Panginoon, Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha; at kung sakali't nakasingil akong may daya sa kanino mang tao, ay isinasauli ko ng makaapat. 9 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Dumating sa bahay na ito ngayon ang pagkaligtas, sapagka't siya'y anak din naman ni Abraham. 10 Sapagka't ang Anak ng tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang nawala. 11 At samantalang pinakikinggan nila ang mga bagay na ito, ay dinugtungan niya at sinalita ang isang talinghaga, sapagka't siya'y malapit na sa Jerusalem, at sapagka't kanilang inakala na pagdaka'y mahahayag ang kaharian ng Dios. 12 Sinabi nga niya, Isang mahal na tao ay naparoon sa isang malayong lupain, upang tumanggap ng isang kaharian na ukol sa kaniyang sarili, at magbalik. 13 At tinawag niya ang sangpu sa kaniyang mga alipin at binigyan sila ng sangpung mina, at sinabi sa kanila, Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako'y dumating. 14 Datapuwa't kinapopootan siya ng kaniyang mga mamamayan, at ipinahabol siya sa isang sugo, na nagsasabi, Ayaw kami na ang taong ito'y maghari pa sa amin. 15 At nangyari, na nang siya'y muling magbalik, nang matanggap na ang kaharian, ay ipinatawag niya sa kaniyang harapan ang mga aliping yaon, na binigyan niya ng salapi, upang maalaman niya kung gaano ang kanilang tinubo sa pangangalakal. 16 At dumating sa harapan niya ang una, na nagsasabi, Panginoon, nagtubo ang iyong mina ng sangpung mina pa. 17 At sinabi niya sa kaniya, Mabuting gawa, ikaw na mabuting alipin: sapagka't nagtapat ka sa kakaunti, magkaroon ka ng kapamahalaan sa sangpung bayan. 18 At dumating ang ikalawa, na nagsasabi, Panginoon, nagtubo ang iyong mina ng limang mina. 19 At sinabi niya sa kaniya, Magkaroon ka naman ng kapamahalaan sa limang bayan. 20 At dumating ang iba pa, na nagsasabi, Panginoon, narito ang iyong mina, na aking itinago sa isang panyo: 21 Dahil sa ako'y natakot sa iyo, sapagka't ikaw ay taong mabagsik kinukuha mo ang hindi mo inilagay, at ginagapas mo ang hindi mo inihasik. 22 Sinabi niya sa kaniya, Sa sariling bibig mo kita hinahatulan ikaw na masamang alipin. Nalalaman mo na ako'y taong mabagsik, na kumukuha ng hindi ko inilagay, at gumagapas ng hindi ko inihasik; 23 Kung gayon, bakit hindi mo inilagay ang salapi ko sa bangko, at nang sa aking pagbalik ay mahingi ko yaon pati ng tinubo? 24 At sinabi niya sa mga nahaharap, Alisin ninyo sa kaniya ang mina, at ibigay ninyo sa may sangpung mina. 25 At sinabi nila sa kaniya, Panginoon, siya'y mayroong sangpung mina. 26 Sinasabi ko sa inyo, na bibigyan ang bawa't mayroon; datapuwa't ang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kaniya. 27 Datapuwa't itong aking mga kaaway, na ayaw na ako'y maghari sa kanila, ay dalhin ninyo rito, at patayin ninyo sila sa harapan ko. 28 At nang masabi niyang gayon, ay nagpatuloy siya sa unahan, na umahon sa Jerusalem. 29 At nangyari, na nang siya'y malapit na sa Betfage at Betania, sa bundok na tinatawag na Olivo, ay sinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad, 30 Na sinasabi, Magsiyaon kayo sa inyong lakad sa katapat na nayon; sa pagpasok ninyo roon, ay masusumpungan ninyo ang isang nakatali na batang asno, na hindi pa nasasakyan ng sinomang tao: kalagin ninyo siya, at dalhin ninyo siya rito. 31 At kung may sinomang tumanong sa inyo, Bakit ninyo kinakalag iyan? ganito ang inyong sasabihin, Kinakailangan siya ng Panginoon. 32 At nagsiparoon ang mga sugo at nasumpungan ng ayon sa sinabi niya sa kanila. 33 At nang kinakalag nila ang batang asno, ay sinabi sa kanila ng mga mayari niyaon, Bakit kinakalag ninyo ang batang asno? 34 At sinabi nila, Kinakailangan siya ng Panginoon. 35 At dinala nila siya kay Jesus: at inilagay nila ang kanilang mga damit sa ibabaw ng batang asno, at isinakay nila si Jesus sa ibabaw noon. 36 At samantalang siya'y lumalakad, ay inilalatag nila ang kanilang mga damit sa daan. 37 At nang nalalapit siya sa libis ng bundok ng mga Olivo, ang buong karamihan ng mga alagad ay nangagpasimulang mangagkatuwa at mangagpuri sa Dios ng malakas na tinig dahil sa lahat ng mga gawang makapangyarihan na kanilang mangakita. 38 Na sinasabi, Mapalad ang Hari na pumaparito sa pangalan ng Panginoon: kapayapaan sa langit, at kaluwalhatian sa kataastaasan. 39 At ilan sa mga Fariseo na mula sa karamihan ay nangagsabi sa kaniya, Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad. 40 At sumagot siya at nagsabi, Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mangagsiimik ang mga ito, ang mga bato'y sisigaw. 41 At nang malapit na siya, nakita niya ang bayan, at ito'y kaniyang tinangisan, 42 Na sinasabi, Kung sa araw na ito ay nakilala mo sana, sa iyong sarili, ang mga bagay na nauukol sa iyong kapayapaan! datapuwa't ngayo'y pawang nangatatago sa iyong mga mata. 43 Sapagka't darating sa iyo ang mga araw, na babakuran ka ng kuta ng mga kaaway mo, at kukubkubin ka, at gigipitin ka sa magkabikabila, 44 At ilulugso ka sa lupa, at ang mga anak mo na nasa loob mo; at sa iyo'y hindi sila magiiwan ng bato sa ibabaw ng kapuwa bato; sapagka't hindi mo nakilala ang panahon ng sa iyo'y pagdalaw. 45 At pumasok siya sa templo, at pinasimulang itaboy sa labas ang mga nangagbibili, 46 Na sinasabi sa kanila, Nasusulat nga, At ang aking bahay ay magiging bahay-panalanginan: datapuwa't ginawa ninyong yungib ng mga tulisan. 47 At nagtuturo siya arawaraw sa templo. Datapuwa't ang mga pangulong saserdote, at ang mga eskriba, at ang mga taong pangunahin sa bayan ay nangagsisikap na siya'y patayin: 48 At di nila masumpungan kung ano ang kanilang magagawa; sapagka't natitigilan ang buong bayan sa pakikinig sa kaniya.
1 At nangyari, sa isa sa mga araw, samantalang tinuturuan niya ang bayan sa templo, at ipinangangaral ang evangelio, na nagsilapit sa kaniya ang mga saserdote, at ang mga eskriba pati ng matatanda; 2 At sila'y nangagsalita, na nangagsasabi sa kaniya, Sabihin mo sa amin: Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? o sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito? 3 At siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Tatanungin ko naman kayo ng isang tanong; at sabihin ninyo sa akin: 4 Ang bautismo ni Juan, ay mula baga sa langit, o sa mga tao? 5 At sila'y nangagkatuwiranan, na nangagsasabi, Kung sabihin natin, Mula sa langit; ay sasabihin niya, Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan? 6 Datapuwa't kung sabihin natin, Mula sa mga tao; ay babatuhin tayo ng buong bayan, sapagka't sila'y nanganiniwala na si Juan ay propeta. 7 At sila'y nagsisagot, na hindi nila nalalaman kung saan mula. 8 At sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito. 9 At siya'y nagpasimulang magsabi sa bayan ng talinghagang ito: Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, at ipinagkatiwala sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain na mahabang panahon. 10 At sa kapanahunan ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka, upang siya'y bigyan ng bunga ng ubas: datapuwa't hinampas siya ng mga magsasaka, at pinauwing walang dala. 11 At nagsugo pa siya ng ibang alipin: at ito nama'y kanilang hinampas, at inalimura, at pinauwing walang dala. 12 At nagsugo pa siya ng ikatlo: at kanila ring sinugatan ito, at pinalayas. 13 At sinabi ng panginoon ng ubasan, Anong gagawin ko? aking susuguin ang minamahal kong anak; marahil siya'y igagalang nila. 14 Datapuwa't nang makita siya ng mga magsasaka, ay nangagsangusapan sila, na sinasabi, Ito ang tagapagmana; atin siyang patayin upang ang mana ay maging atin. 15 At itinaboy nila siya sa ubasan, at pinatay siya. Ano nga kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan? 16 Paroroon siya at pupuksain niya ang mga magsasakang ito, at ibibigay ang ubasan sa mga iba. At nang marinig nila ito, ay sinabi nila, Huwag nawang mangyari. 17 Datapuwa't kaniyang tinitigan sila, at sinabi, Ano nga baga ito na nasusulat, Ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali. Ay siya ring ginawang pangulo sa panulok? 18 Ang bawa't mahulog sa ibabaw ng batong yaon ay madudurog; datapuwa't sinomang kaniyang malagpakan, ay kaniyang pangangalating gaya ng alabok. 19 At pinagsisikapan siyang hulihin sa oras ding yaon ng mga eskriba at ng mga pangulong saserdote; at sila'y nangatatakot sa bayan: sapagka't nahalata nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila. 20 At siya'y inaabangan nila, at sila'y nangagsugo ng mga tiktik, na nangagpakunwaring mga matuwid, upang siya'y mahuli sa kaniyang salita, na siya'y maibigay sa pamiminuno at sa kapamahalaan ng gobernador. 21 At kanilang tinanong siya, na sinasabi, Guro, nalalaman namin na ikaw ay nagsasabi at nagtuturo ng matuwid, at wala kang itinatanging tao, kundi itinuturo mo ang katotohanan ng daan ng Dios. 22 Matuwid bagang kami ay bumuwis kay Cesar, o hindi? 23 Datapuwa't napagkilala niya ang kanilang lalang, at sinabi sa kanila, 24 Pagpakitaan ninyo ako ng isang denario. Kanino ang larawan at ang nasusulat dito? At sinabi nila, Kay Cesar. 25 At sinabi niya sa kanila, Kung gayo'y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at ang sa Dios ang sa Dios. 26 At sila'y hindi nakahuli sa kaniyang mga pananalita sa harap ng bayan: at sila'y nanganggilalas sa kaniyang sagot, at hindi nangagsiimik. 27 At may lumapit sa kaniyang ilan sa mga Saduceo, na nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli; 28 At kanilang itinanong sa kaniya, na sinasabi, Guro, isinulat sa amin ni Moises, na kung ang kapatid na lalake ng isang lalake ay mamatay, na may asawa, at siya'y walang anak, ay kunin ng kaniyang kapatid ang asawa, at bigyang anak ang kaniyang kapatid. 29 Mayroon ngang pitong lalaking magkakapatid: at nagasawa ang panganay, at namatay na walang anak; 30 At ang pangalawa: 31 At ang pangatlo'y nagasawa sa bao; at gayon din ang pito naman ay hindi nagiwan ng mga anak, at nangamatay. 32 Pagkatapos ay namatay naman ang babae. 33 Sa pagkabuhay na maguli nga, kanino sa kanila magiging asawa kaya ang babaing yaon? sapagka't siya'y naging asawa ng pito. 34 At sinabi sa kanila ni Jesus, Nagsisipagasawa ang mga anak ng sanglibutang ito, at pinapagaasawa: 35 Datapuwa't ang mga inaaring karapatdapat magkamit ng sanlibutang yaon, at ng pagkabuhay na maguli sa mga patay, ay hindi mangagaasawa, ni papagaasawahin: 36 Sapagka't hindi na sila maaaring mangamatay pa: sapagka't kahalintulad na sila ng mga anghel; at sila'y mga anak ng Dios, palibhasa'y mga anak ng pagkabuhay na maguli. 37 Datapuwa't tungkol sa pagbabangon ng mga patay, ay ipinakilala rin naman ni Moises sa Mababang punong kahoy, nang tinawag niya ang Panginoon na Dios ni Abraham, at Dios ni Isaac, at Dios ni Jacob. 38 Siya nga'y hindi Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay: sapagka't nangabubuhay sa kaniya ang lahat. 39 At pagsagot ng ilan sa mga eskriba, ay nangagsabi, Guro, mabuti ang pagkasabi mo. 40 Sapagka't hindi na nga sila nangahas tumanong pa sa kaniya ng anomang tanong. 41 At kaniyang sinabi sa kanila, Paanong sinasabi nila na ang Cristo ay anak ni David? 42 Sapagka't si David din ang nagsasabi sa aklat ng Mga Awit, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; Maupo ka sa aking kanan, 43 Hanggang sa gawin ko ang iyong mga kaaway na tuntungan ng iyong mga paa. 44 Dahil dito tinatawag siyang Panginoon ni David, at paanong siya'y anak niya? 45 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, na naririnig ng buong bayan, 46 Mangagingat kayo sa mga eskriba na ibig magsilakad na may mahahabang damit, at iniibig nila ang sila'y pagpugayan sa mga pamilihan, at ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pangulong dako sa mga pigingan; 47 Na sinasakmal nila ang mga bahay ng mga babaing bao, at sa pagpakunwaring banal ay nanalangin ng mahaba: ang mga ito'y tatanggap ng lalong malaking kahatulan.
1 At siya'y tumunghay, at nakita ang mga taong mayayaman na nangaghuhulog ng kanilang mga alay sa kabangyaman. 2 At nakita niya ang isang dukhang babaing bao na doo'y naghuhulog ng dalawang lepta. 3 At sinabi niya, Sa katotohana'y sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang babaing baong ito ay naghulog ng higit kay sa kanilang lahat. 4 Sapagka't ang lahat ng mga yaon ay nangaghulog sa mga alay ng sa kanila'y labis; datapuwa't siya, sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong kaniyang ikabubuhay na nasa kaniya. 5 At samantalang sinasalita ng ilan ang tungkol sa templo, kung paanong ito'y pinalamutihan ng magagandang bato at mga hain, ay kaniyang sinabi, 6 Tungkol sa mga bagay na ito na inyong nangakikita, ay darating ang mga araw, na walang maiiwan ditong isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato, na hindi ibabagsak. 7 At kanilang itinanong sa kaniya, na sinasabi, Guro, kailan nga mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging tanda pagka malapit ng mangyari ang mga bagay na ito? 8 At sinabi niya, Mangagingat kayo na huwag kayong mangailigaw: sapagka't marami ang paririto sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at, Malapit na ang panahon: huwag kayong magsisunod sa kanila. 9 At pagka kayo'y nangakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, ay huwag kayong mangasindak: sapagka't kinakailangang mangyari muna ang mga bagay na ito; datapuwa't hindi pa malapit ang wakas. 10 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Magtitindig ang isang bansa laban sa bansa, at ang isang kaharian laban sa kaharian; 11 At magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakagutom at magkakasalot; at magkakaroon ng mga bagay na kakilakilabot, at ng mga dakilang tanda mula sa langit. 12 Datapuwa't bago mangyari ang lahat ng mga bagay na ito, ay huhulihin kayo, at paguusigin kayo, na kayo'y ibibigay sa mga sinagoga at sa mga bilangguan, na kayo'y dadalhin sa harapan ng mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. 13 Ito'y magiging patotoo sa inyo. 14 Pagtibayin nga ninyo ang inyong mga puso, na huwag munang isipin kung paano ang inyong isasagot: 15 Sapagka't bibigyan ko kayo ng isang bibig at karunungan, na hindi mangyayaring masalangsang o matutulan man ng lahat ninyong mga kaalit. 16 Datapuwa't kayo'y ibibigay ng kahit mga magulang, at mga kapatid, at mga kamaganak, at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang iba sa inyo. 17 At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan. 18 At hindi mawawala kahit isang buhok ng inyong ulo. 19 Sa inyong pagtitiis ay maipagwawagi ninyo ang inyong mga kaluluwa. 20 Datapuwa't pagka nangakita ninyong nakukubkob ng mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo'y talastasin ninyo na ang kaniyang pagkawasak ay malapit na. 21 Kung magkagayo'y ang mga nasa Judea ay magsitakas sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng bayan ay magsilabas; at ang mga nasa parang ay huwag magsipasok sa bayan. 22 Sapagka't ito ang mga araw ng paghihiganti, upang maganap ang lahat ng mga bagay na nangasusulat. 23 Sa aba ng mga nagdadalangtao, at ng mga nagpapasuso sa mga araw na yaon! sapagka't magkakaroon ng malaking kahapisan sa ibabaw ng lupa, at kagalitan sa bayang ito. 24 At sila'y mangabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak, at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa: at yuyurakan ang Jerusalem ng mga Gentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Gentil. 25 At magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin; at sa lupa'y magkakaroon ng kasalatan sa mga bansa, na matitilihan dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong; 26 Magsisipanglupaypay ang mga tao dahil sa takot, at dahil sa paghihintay ng mga bagay na darating sa ibabaw ng sanglibutan: sapagka't mangangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit. 27 At kung magkagayo'y makikita nila ang Anak ng tao na pariritong nasa isang alapaap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 28 Datapuwa't kung magpasimulang mangyari ang mga bagay na ito, ay magsitingin kayo, at itaas ninyo ang inyong mga ulo; sapagka't malapit na ang pagkatubos ninyo. 29 At sinalita niya sa kanila ang isang talinghaga: Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punong kahoy: 30 Pagka nangagdadahon na sila, ay nakikita ninyo at nalalaman ninyo sa inyong sarili na malapit na ang tagaraw. 31 Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyong nangyari ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Dios. 32 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay. 33 Ang langit at ang lupa ay lilipas: datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas. 34 Datapuwa't mangagingat kayo sa inyong sarili, baka mangalugmok ang inyong mga puso sa katakawan, at sa kalasingan, at sa mga pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo: 35 Sapagka't gayon darating sa kanilang lahat na nangananahan sa ibabaw ng buong lupa. 36 Datapuwa't mangagpuyat kayo sa bawa't panahon, na mangagsidaing, upang kamtin ninyo ang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang mangakatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao. 37 At araw-araw ay nagtuturo siya sa templo; at lumalabas gabi-gabi at tumatahan sa bundok na tinatawag na Olivo. 38 At ang buong bayan ay maagang pumaparoon sa kaniya sa templo, upang makinig sa kaniya.
1 Malapit na nga ang pista ng mga tinapay na walang lebadura, na tinatawag na Paskua. 2 At pinagsisikapan ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba kung paanong kanilang maipapapatay siya; sapagka't nangatatakot sila sa bayan. 3 At pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa labingdalawa. 4 At siya'y umalis, at nakipagusap sa mga pangulong saserdote at mga punong kawal kung paanong maibibigay niya siya sa kanila. 5 At sila'y nangagalak, at pinagkasunduang bigyan siya ng salapi. 6 At pumayag siya, at humanap ng ukol na panahon upang kaniyang maibigay siya sa kanila, nang hindi kaharap ang karamihan. 7 At dumating ang araw ng mga tinapay na walang lebadura, na noon ay kinakailangang ihain ang paskua. 8 At sinugo niya si Pedro at si Juan, na sinasabi, Magsihayo kayo at magsipaghanda kayo ng kordero ng paskua para sa atin, upang tayo'y magsikain. 9 At kanilang sinabi sa kaniya, Saan mo ibig na aming ihanda? 10 At kaniyang sinabi sa kanila, Narito, pagpasok ninyo sa bayan, ay masasalubong ninyo ang isang lalake na may dalang isang bangang tubig; sundan ninyo siya hanggang sa bahay na kaniyang papasukan. 11 At sasabihin ninyo sa puno ng sangbahayan, Sinasabi ng Guro sa iyo, Saan naroon ang tuluyang aking makakanan ng kordero ng paskua na kasalo ng aking mga alagad? 12 At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nagagayakan: doon ninyo ihanda. 13 At nagsiparoon sila, at nasumpungan ayon sa sinabi niya sa kanila: at inihanda nila ang kordero ng paskua. 14 At nang dumating ang oras, ay naupo siya, at ang mga apostol ay kasalo niya. 15 At sinabi niya sa kanila, Pinakahahangad kong kanin na kasalo ninyo ang kordero ng paskuang ito bago ako maghirap: 16 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, Ito'y hindi ko kakanin, hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Dios. 17 At siya'y tumanggap ng isang saro, at nang siya'y makapagpasalamat, ay sinabi niya, Kunin ninyo ito, at inyong pagbahabahaginin: 18 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na hindi na ako iinom mula ngayon ng bunga ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Dios. 19 At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, Ito'y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin. 20 Gayon din naman ang saro, pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito'y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo. 21 Datapuwa't narito, ang kamay ng nagkakanulo sa akin, ay kasalo ko sa dulang. 22 Sapagka't ang Anak ng tao nga ay yayaon, ayon sa itinakda: datapuwa't sa aba niyaong taong nagkakanulo sa kaniya! 23 At sila'y nagpasimulang nangagtanungan sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa ng bagay na ito. 24 At nagkaroon naman ng isang pagtatalotalo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ibibilang na pinakadakila. 25 At kaniyang sinabi sa kanila, Ang mga hari ng mga Gentil ay napapanginoon sa kanila; at ang mga may kapamahalaan sa kanila'y tinatawag na mga Tagapagpala. 26 Datapuwa't sa inyo'y hindi gayon: kundi bagkus ang lalong dakila sa inyo ay maging tulad sa lalong bata; at ang nangungulo ay maging gaya ng naglilingkod. 27 Sapagka't alin ang lalong dakila, ang nakaupo baga sa dulang, o ang naglilingkod? hindi baga ang nakaupo sa dulang? datapuwa't ako'y nasa gitna ninyo na gaya niyaong naglilingkod. 28 Datapuwa't kayo ay yaong nagsipanatili sa akin sa mga pagtukso sa akin; 29 At kayo'y inihahalal kong isang kaharian, na gaya nga ng pagkahalal sa akin ng aking Ama, 30 Upang kayo'y magsikain at magsiinom sa aking dulang sa kaharian ko; at kayo'y magsisiupo sa mga luklukan, na inyong huhukuman ang labingdalawang angkan ni Israel. 31 Simon, Simon, narito, hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo: 32 Datapuwa't ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid. 33 At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nakatalaga akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan. 34 At kaniyang sinabi, Sinasabi ko sa iyo, Pedro, na hindi titilaok ngayon ang manok, hanggang sa ikaila mong makaitlo na ako'y hindi mo nakikilala. 35 At sinabi niya sa kanila, Nang kayo'y suguin ko na walang supot ng salapi, at supot ng pagkain, at mga pangyapak, kinulang baga kayo ng anoman? At kanilang sinabi, Hindi. 36 At sinabi niya sa kanila, Nguni't ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayon din ang supot ng pagkain; at ang wala, ay ipagbili niya ang kaniyang balabal, at bumili ng isang tabak. 37 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kinakailangang matupad sa akin itong nasusulat, At ibinilang siya sa mga suwail: sapagka't ang nauukol sa akin ay may katuparan. 38 At sinabi nila, Panginoon, narito ang dalawang tabak. At sinabi niya sa kanila, Sukat na. 39 At siya'y lumabas, at pumaroon, ayon sa kaniyang kaugalian, sa bundok ng mga Olivo; at nagsisunod naman sa kaniya ang mga alagad. 40 At nang siya'y dumating sa dakong yaon, ay sinabi niya sa kanila, Magsipanalangin kayo nang huwag kayong magsipasok sa tukso. 41 At siya'y humiwalay sa kanila na may agwat na isang itsang bato; at siya'y nanikluhod at nanalangin, 42 Na sinasabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo. 43 At napakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya. 44 At nang siya'y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa. 45 At nang magtindig siya sa kaniyang pananalangin, ay lumapit siya sa mga alagad, at naratnan silang nangatutulog dahil sa hapis, 46 At sinabi sa kanila, Bakit kayo nangatutulog? mangagbangon kayo at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso. 47 Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang karamihan, at siyang tinatawag na Judas, na isa sa labingdalawa, ay nangunguna sa kanila; at siya'y lumapit kay Jesus upang ito'y hagkan. 48 Datapuwa't sinabi ni Jesus sa kaniya, Judas, sa isang halik baga ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng tao? 49 At nang makita ng mga kasama niya ang mangyayari, ay kanilang sinabi, Panginoon, magsisipanaga baga kami ng tabak? 50 At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng dakilang saserdote, at tinigpas ang kanang tainga niya. 51 Datapuwa't sumagot si Jesus, na nagsabi, Pabayaan ninyo sila hanggang dito. At hinipo niya ang tainga ng alipin, at ito'y pinagaling. 52 At sinabi ni Jesus sa mga pangulong saserdote, at sa mga punong kawal sa templo, at sa mga matanda, na nagsidating laban sa kaniya, Kayo'y nagsilabas, na tila laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas? 53 Nang ako'y kasama ninyo sa templo araw-araw, ay hindi ninyo iniunat ang inyong mga kamay laban sa akin; datapuwa't ito ang inyong oras, at ang kapangyarihan ng kadiliman. 54 At kanilang dinakip siya, at dinala siya, at ipinasok siya sa bahay ng pangulong saserdote. Datapuwa't sa malayo'y sumusunod si Pedro. 55 At nang makapagpadikit nga sila ng apoy sa gitna ng looban, at mangakaupong magkakasama, si Pedro ay nakiumpok sa gitna nila. 56 At isang alilang babae, na nakakakita sa kaniya samantalang siya'y nakaupo sa liwanag ng apoy, ay tinitigan siya, at sinabi, Ang taong ito ay kasama rin niya. 57 Datapuwa't siya'y nagkaila, na nagsasabi, Babae, hindi ko siya nakikilala. 58 At pagkaraan ng isang sangdali ay nakita siya ng iba, at sinabi, Ikaw man ay isa sa kanila. Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, ako'y hindi. 59 At nang makaraan ang may isang oras, ay pinatotohanan ng iba pa, na nagsasabi, Sa katotohanan, ang taong ito'y kasama rin niya; sapagka't siya'y Galileo. 60 Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo. At pagdaka, samantalang siya'y nagsasalita pa, ay tumilaok ang manok. 61 At lumingon ang Panginoon, at tinitigan si Pedro. At naalaala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ikakaila mo akong makaitlo. 62 At siya'y lumabas, at nanangis ng kapaitpaitan. 63 At nililibak si Jesus, at siya'y sinasaktan ng mga taong nangagbabantay. 64 At siya'y piniringan nila, at tinatanong siya, na sinasabi, Hulaan mo; sino ang sa iyo'y humampas? 65 At sinabi nila ang ibang maraming bagay laban sa kaniya, na siya'y inaalimura. 66 At nang araw na, ay nagkatipon ang kapulungan ng matatanda sa bayan, ang mga pangulong saserdote, at gayon din ang mga eskriba, at dinala siya sa kanilang Sanedrin, na sinasabi, 67 Kung ikaw ang Cristo, ay sabihin mo sa amin. Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Kung sabihin ko sa inyo, ay hindi ninyo ako paniniwalaan: 68 At kung kayo'y aking tanungin, ay hindi kayo magsisisagot. 69 Datapuwa't magmula ngayon ang Anak ng tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Dios. 70 At sinabi nilang lahat, Kung gayo'y ikaw baga ang Anak ng Dios? At sinabi niya sa kanila, Kayo ang nangagsasabi na ako nga. 71 At sinabi nila, Ano pa ang kailangan natin ng patotoo? sapagka't tayo rin ang nangakarinig sa kaniyang sariling bibig.
1 At nagsitindig ang buong kapulungan nila, at dinala siya sa harap ni Pilato. 2 At nangagpasimula silang isumbong siya, na sinasabi, Nasumpungan namin ang taong ito na pinasasama ang aming bansa, at ipinagbabawal na bumuwis kay Cesar, at sinasabi na siya rin nga ang Cristo, ang hari. 3 At tinanong siya ni Pilato, na nagsasabi, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? At sumagot siya at sinabi, Ikaw ang nagsasabi. 4 At sinabi ni Pilato sa mga pangulong saserdote at sa mga karamihan, Wala akong masumpungang kasalanan sa taong ito. 5 Datapuwa't sila'y lalong nangagpipilit na sinasabi, Ginugulo niya ang bayan, na nagtuturo sa buong Judea, magbuhat sa Galilea hanggang sa dakong ito. 6 Datapuwa't nang ito'y marinig ni Pilato, ay itinanong niya kung ang taong yaon ay Galileo. 7 At nang maunawa na siya'y nasasakop ni Herodes, ay ipinadala niya siya kay Herodes, na nang mga araw na yaon ay nasa Jerusalem din naman. 8 Nang makita nga ni Herodes si Jesus, ay nagalak siyang lubha: sapagka't malaon nang hinahangad niya na makita siya, sapagka't siya'y nakabalita tungkol sa kaniya; at siya'y naghihintay na makakita ng ilang himalang gawa niya. 9 At tinanong niya siya ng maraming salita; datapuwa't siya'y hindi sumagot ng anoman. 10 At ang mga pangulong saserdote at mga eskriba ay nagsitindig, na isinusumbong siyang mainam. 11 At si Herodes na kasama ang kaniyang mga kawal ay inalimura siya, at siya'y nilibak, at sinuutan siya ng maringal na damit, at ipinabalik siya kay Pilato. 12 At nang araw ding yaon ay naging magkaibigan si Herodes at si Pilato: sapagka't dating sila'y nagkakagalit. 13 At tinipon ni Pilato ang mga pangulong saserdote, at ang mga pinuno at ang bayan, 14 At sinabi sa kanila, Dinala ninyo sa akin ang taong ito na gaya ng isang nagpapasama sa bayan: at narito, nang aking siyasatin siya sa harapan ninyo, ay wala akong nasumpungang anomang sala sa taong ito, tungkol sa mga bagay na isinusumbong ninyo laban sa kaniya; 15 Wala, kahit si Herodes man; sapagka't siya'y ipinabalik niyang muli sa atin; at narito, walang anomang karapatdapat sa kamatayan na ginawa niya. 16 Siya nga'y aking parurusahan, at siya'y pawawalan. 17 Kinakailangan nga niyang sa kanila'y magpakawala ng isang bilanggo sa kapistahan. 18 Datapuwa't silang lahat ay nagsisigawang paminsan, na nangagsabi, Alisin mo ang taong ito, at pawalan mo sa amin si Barrabas: 19 Isa na ibinilanggo dahil sa isang paghihimagsik na ginawa sa bayan, at sa pagpatay. 20 At si Pilato'y nagsalitang muli sa kanila, sa pagnanais na pawalan si Jesus; 21 Datapuwa't sila'y nagsigawan, na sinasabi, Ipako sa krus, ipako siya sa krus. 22 At kaniyang sinabi sa kanila, na bilang ikatlo, Bakit, anong masama ang ginawa ng taong ito? Wala akong nasumpungang anomang kadahilanang ipatay sa kaniya: parurusahan ko nga siya, at siya'y pawawalan. 23 Datapuwa't pinipilit nilang hingin sa malalakas na tinig, na siya'y ipako sa krus. At nanaig ang kanilang mga tinig. 24 At hinatulan ni Pilato na gawin ang kanilang hinihingi, 25 At pinawalan niya yaong ibinilanggo dahil sa paghihimagsik at sa pagpatay, na siyang kanilang hiningi; datapuwa't ibinigay si Jesus sa kalooban nila. 26 At nang siya'y kanilang dalhin ay kanilang pinigil ang isang Simong taga Cirene, na nanggaling sa bukid, at ipinasan sa kaniya ang krus, upang dalhin sa likuran ni Jesus. 27 At siya'y sinusundan ng isang makapal na karamihan sa bayan, at ng mga babaing nagiiyakan at nananambitan dahil sa kaniya. 28 Datapuwa't paglingon sa kanila ni Jesus ay sinabi, Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan, kundi tangisan ninyo ang inyong sarili, at ang inyong mga anak. 29 Sapagka't narito, darating ang mga araw, na kanilang sasabihin, Mapapalad ang mga baog, at ang mga tiyang kailan ma'y hindi nangagdalang-tao, at ang mga dibdib na kailan man ay hindi nangagpapasuso. 30 Kung magkagayon ay magpapasimulang sabihin nila sa mga bundok, mangahulog kayo sa ibabaw namin; at sa mga burol, Takpan ninyo kami. 31 Sapagka't kung ginagawa ang mga bagay na ito sa punong kahoy na sariwa, ano kaya ang gagawin sa tuyo? 32 At dinala rin naman na kasama niya, ang dalawang tampalasan, upang patayin. 33 At nang dumating sa dakong tinatawag na Bungo, ay kanilang ipinako roon siya sa krus, at ang mga tampalasan, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 34 At sinabi ni Jesus, Ama, patawarin mo sila; sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa. At sa pagbabahabahagi nila ng kaniyang mga suot ay kanilang pinagsapalaranan. 35 At nakatayong nanonood ang bayan. At tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, Nagligtas siya sa mga iba; iligtas niya ang kaniyang sarili, kung ito ang Cristo ng Dios, ang hinirang niya. 36 At nililibak rin naman siya ng mga kawal, na nagsisilapit sa kaniya, na dinudulutan siya ng suka, 37 At sinabi, Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili. 38 At mayroon naman sa itaas niya na isang pamagat, ITO'Y ANG HARI NG MGA JUDIO. 39 At siya'y inalipusta ng isa sa mga tampalasang nabibitin, na sinasabi, Hindi baga ikaw ang Cristo? iligtas mo ang iyong sarili at kami. 40 Datapuwa't sumagot ang isa, at pagsaway sa kaniya'y sinabi, Hindi ka pa baga natatakot sa Dios, yamang ikaw ay nasa gayon ding kaparusahan? 41 At tayo sa katotohanan ay ayon sa katuwiran; sapagka't tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa; datapuwa't ang taong ito'y hindi gumagawa ng anomang masama. 42 At sinabi niya, Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian. 43 At sinabi niya sa kaniya, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso. 44 At nang may oras na ikaanim na, ay nagdilim sa ibabaw ng buong lupa, hanggang sa oras na ikasiyam, 45 At nagdilim ang araw: at nahapak sa gitna ang tabing ng templo. 46 At si Jesus, na sumigaw ng malakas na tinig, ay nagsabi, Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu: at pagkasabi nito, ay nalagot ang hininga. 47 At nang makita ng senturion ang nangyari, ay niluwalhati niya ang Dios na nagsasabi, Tunay na ito'y isang taong matuwid. 48 At ang lahat ng mga karamihang nangagkatipon sa panonood nito, pagkakita nila sa mga bagay na nangyari ay nangagsiuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib. 49 At ang lahat ng mga kakilala niya at ang mga babaing sa kaniya'y nagsisunod buhat sa Galilea, at nangasa malayo na pinagmamasdan ang mga bagay na ito. 50 At narito ang isang lalaking nagngangalang Jose, na isang kasangguni, isang lalaking mabuti at matuwid: 51 (Siya'y hindi umayon sa kanilang payo at gawa), isang lalaking taga Arimatea, bayan ng mga Judio, na naghihintay ng kaharian ng Dios; 52 Ang taong ito'y naparoon kay Pilato: at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53 At ito'y ibinababa niya, at binalot ng isang kayong lino, at inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, na doo'y wala pang nalilibing. 54 At noo'y araw ng Paghahanda, at nalalapit na ang sabbath. 55 At ang mga babae, na nagsisama sa kaniya mula sa Galilea, ay nagsisunod, at tiningnan ang libingan, at kung paano ang pagkalagay ng kaniyang bangkay. 56 At sila'y nagsiuwi, at nangaghanda ng mga pabango at mga unguento. At nang araw ng sabbath sila'y nangagpahinga ayon sa utos.
1 Datapuwa't nang unang araw ng sanglinggo pagkaumagang-umaga, ay nagsiparoon sila sa libingan, na may dalang mga pabango na kanilang inihanda. 2 At nasumpungan nilang naigulong na ang bato mula sa libingan. 3 At sila'y nagsipasok, at hindi nila nangasumpungan ang bangkay ng Panginoong Jesus. 4 At nangyari, na samantalang sila'y nangatitilihan dahil dito, narito, tumayo sa tabi nila ang dalawang lalake na nakasisilaw ang mga damit: 5 At nang sila'y nangatatakot at nangakatungo ang kanilang mga mukha sa lupa ay sinabi nila sa kanila, Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay? 6 Wala siya rito, datapuwa't nagbangon: alalahanin ninyo ang salita niya sa inyo nang siya'y nasa Galilea pa, 7 Na sinasabi, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay ibigay sa mga kamay ng mga taong makasalanan, at ipako sa krus, at magbangong muli sa ikatlong araw. 8 At naalaala nila ang kaniyang mga salita, 9 At nagsibalik mula sa libingan, at ibinalita ang lahat ng mga bagay na ito sa labingisa, at sa lahat ng mga iba pa. 10 Sila nga'y si Maria Magdalena, si Juana, at si Mariang ina ni Santiago: at iba pang mga babaing kasama nila ang nangagbalita ng mga bagay na ito sa mga apostol. 11 At ang mga salitang ito'y inakala nilang walang kabuluhan; at hindi nila pinaniwalaan. 12 Datapuwa't nagtindig si Pedro, at tumakbo sa libingan; at nang siya'y tumungo pagtingin niya sa loob, ay nakita niya ang mga kayong lino na nangasa isang tabi; at umuwi siya sa kaniyang bahay na nanggigilalas sa nangyaring yaon. 13 At narito, dalawa sa kanila ay naparoroon nang araw ding yaon sa isang nayong ngala'y Emaus, na may anim na pung estadio ang layo sa Jerusalem. 14 At kanilang pinaguusapan ang lahat ng mga bagay na nangyari. 15 At nangyari, na samantalang sila'y naguusap at nagtatanongan, na si Jesus din ay lumapit, at nakisabay sa kanila. 16 Datapuwa't sa mga mata nila'y may nakatatakip upang siya'y huwag nilang makilala. 17 At sinabi niya sa kanila, Ano ang mga salitaan ninyong ito sa inyong paglalakad? At sila'y nagsitigil, na nangalulumbay ang mga mukha. 18 At isa sa kanila, na nagngangalang Cleopas, sa pagsagot ay sinabi sa kaniya, Ikaw baga'y nakikipamayan lamang sa Jerusalem, at hindi nakaalam ng mga bagay na doo'y nangyari nang mga araw na ito? 19 At sinabi niya sa kanila, Anong mga bagay? At sinabi nila sa kaniya, Ang mga bagay tungkol kay Jesus na Nazareno, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Dios at ng buong bayan: 20 At kung paano ang pagkabigay sa kaniya ng mga pangulong saserdote at ng mga pinuno upang hatulan sa kamatayan, at siya'y ipako sa krus. 21 Datapuwa't hinihintay naming siya ang tutubos sa Israel. Oo at bukod sa lahat ng mga ito ay ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito. 22 Bukod sa rito iba sa mga babaing kasamahan namin na nagsiparoong maaga sa libingan, ay nakapagtaka sa amin; 23 At nang hindi mangasumpungan ang kaniyang bangkay, ay nangagbalik sila, na nangagsabing sila nama'y nakakita ng isang pangitain ng mga anghel, na nangagsabing siya'y buhay. 24 At nagsiparoon sa libingan ang ilang kasama namin, at nasumpungan nila alinsunod sa sinabi ng mga babae: datapuwa't siya'y hindi nila nakita. 25 At sinabi niya sa kanila, Oh mga taong haling, at makukupad ang mga pusong magsisampalataya sa lahat ng salita ng mga propeta! 26 Hindi baga kinakailangang si Cristo ay maghirap ng mga bagay na ito, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian? 27 At magmula kay Moises at sa mga propeta, ay ipinaaninaw niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniya sa lahat ng mga kasulatan. 28 At sila'y malapit na sa nayong kanilang paroroonan: at naganyo siyang wari may paroroonang lalo pang malayo. 29 At siya'y kanilang pinigil, na sinasabi, tumuloy ka sa amin, sapagka't gumagabi na, at kumikiling na ang araw. At pumasok siya upang tumuloy sa kanila. 30 At nangyari, nang siya'y nakaupo na kasalo nila sa dulang ng pagkain, ay kaniyang dinampot ang tinapay at binasbasan; at ito'y pinagputolputol, at ibinigay sa kanila. 31 At nangabuksan ang kanilang mga mata, at siya'y nakilala nila; at siya'y nawala sa kanilang mga paningin. 32 At sila-sila'y nangagsabihan, Hindi baga nagaalab ang ating puso sa loob natin, habang tayo'y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan? 33 At sila'y nagsitindig sa oras ding yaon, at nangagbalik sa Jerusalem, at naratnang nangagkakatipon ang labingisa, at ang kanilang mga kasama. 34 Na nangagsasabi, Tunay na nagbangong muli ang Panginoon, at napakita kay Simon, 35 At isinaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan, at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputolputulin ang tinapay. 36 At samantalang kanilang pinaguusapan ang mga bagay na ito, siya rin ay tumayo sa gitna nila, at sa kanila'y nagsabi, Kapayapaa'y suma inyo. 37 Datapuwa't sila'y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu. 38 At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin. 40 At pagkasabi niya nito, ay ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang mga paa. 41 At samantalang hindi pa sila nagsisisampalataya dahil sa galak, at nagsisipanggilalas, ay sinabi niya sa kanila, Mayroon baga kayo ritong anomang makakain? 42 At binigyan nila siya ng isang putol na isdang inihaw. 43 At kaniyang inabot yaon, at kumain sa harap nila. 44 At sinabi niya sa kanila, Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, nang ako'y sumasa inyo pa, na kinakailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nangasusulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, at sa mga propeta, at sa mga awit. 45 Nang magkagayo'y binuksan niya ang kanilang mga pagiisip, upang mapagunawa nila ang mga kasulatan; 46 At sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw; 47 At ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem. 48 Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito. 49 At narito, ipadadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, datapuwa't magsipanatili kayo sa bayan, hanggang sa kayo'y masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas. 50 At kaniyang dinala sila sa labas hanggang sa tapat ng Betania: at itinaas niya ang kaniyang mga kamay, at sila'y binasbasan. 51 At nangyari, na samantalang sila'y binabasbasan niya, ay iniwan niya sila; at dinala siya sa itaas sa langit. 52 At siya'y sinamba nila, at nagsibalik sila sa Jerusalem na may malaking galak: 53 At palaging sila'y nasa templo, na nangagpupuri sa Dios.
1 Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios. 2 Ito rin nang pasimula'y sumasa Dios. 3 Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya. 4 Nasa kaniya ang buhay; at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao. 5 At ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito'y hindi napagunawa ng kadiliman. 6 Naparito ang isang tao, na sugong mula sa Dios, na ang kaniyang pangalan ay Juan. 7 Ito'y naparitong saksi, upang kaniyang patotohanan ang ilaw, upang sa pamamagitan niya'y magsisampalataya ang lahat. 8 Hindi siya ang ilaw, kundi pumarito upang kaniyang patotohanan ang ilaw. 9 Nagkaroon ng tunay na ilaw, sa makatuwid baga'y ang ilaw na lumiliwanag sa bawa't tao, na pumaparito sa sanglibutan. 10 Siya'y nasa sanglibutan, at ang sanglibuta'y ginawa sa pamamagitan niya, at hindi siya nakilala ng sanglibutan. 11 Siya'y naparito sa sariling kaniya, at siya'y hindi tinanggap ng mga sariling kaniya. 12 Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan: 13 Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios. 14 At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan. 15 Pinatotohanan siya ni Juan, at sumigaw, na nagsasabi, Ito yaong aking sinasabi, Ang pumaparitong nasa hulihan ko ay magiging una sa akin: sapagka't siya'y una sa akin. 16 Sapagka't sa kaniyang kapuspusan ay nagsitanggap tayong lahat, at biyaya sa biyaya. 17 Sapagka't ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay nagsidating sa pamamagitan ni Jesu-cristo. 18 Walang taong nakakita kailan man sa Dios; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, siya ang nagpakilala sa kanya. 19 At ito ang patotoo ni Juan, nang suguin sa kaniya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang mga saserdote at mga Levita upang sa kaniya'y itanong, Sino ka baga? 20 At kaniyang ipinahayag, at hindi ikinaila; at kaniyang ipinahayag, Hindi ako ang Cristo. 21 At sa kaniya'y kanilang itinanong, Kung gayo'y ano nga? Ikaw baga'y si Elias? At sinabi niya, Hindi ako. Ikaw baga ang propeta? At siya'y sumagot, Hindi. 22 Sinabi nga nila sa kaniya, Sino ka baga? Upang ibigay namin ang kasagutan sa nangagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili? 23 Sinabi niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias. 24 At sila'y sinugo buhat sa mga Fariseo. 25 At sa kaniya'y kanilang itinanong, at sinabi sa kaniya, Bakit nga bumabautismo ka, kung hindi ikaw ang Cristo, ni si Elias, ni ang propeta? 26 Sila'y sinagot ni Juan, na nagsasabi, Ako'y bumabautismo sa tubig: datapuwa't sa gitna ninyo'y may isang nakatayo na hindi ninyo nakikilala, 27 Siya nga ang pumaparitong sumusunod sa akin, na sa kaniya'y hindi ako karapatdapat magkalag ng panali ng kaniyang pangyapak. 28 Ang mga bagay na ito'y ginawa sa Betania, sa dako pa roon ng Jordan, na pinagbabautismuhan ni Juan. 29 Nang kinabukasan ay nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kaniya, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan! 30 Ito yaong aking sinasabi, Sa hulihan ko'y dumarating ang isang lalake na magiging una sa akin: sapagka't siya'y una sa akin. 31 At siya'y hindi ko nakilala; datapuwa't upang siya'y mahayag sa Israel, dahil dito'y naparito ako na bumabautismo sa tubig. 32 At nagpatotoo si Juan, na nagsasabi, Nakita ko ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit; at dumapo sa kaniya. 33 At siya'y hindi ko nakilala; datapuwa't ang nagsugo sa akin upang bumautismo sa tubig, ay siyang nagsabi sa akin, Ang makita mong babaan ng Espiritu, at manahan sa kaniya, ay siya nga ang bumabautismo sa Espiritu Santo. 34 At aking nakita, at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Dios. 35 Nang kinabukasan ay muling nakatayo si Juan, at ang dalawa sa kaniyang mga alagad; 36 At kaniyang tiningnan si Jesus samantalang siya'y naglalakad, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios! 37 At narinig siyang nagsalita ng dalawang alagad, at sila'y nagsisunod kay Jesus. 38 At lumingon si Jesus, at nakita silang nagsisisunod, at sinabi sa kanila, Ano ang inyong hinahanap? At sinabi nila sa kaniya, Rabi (na kung liliwanagin, ay Guro), saan ka tumitira? 39 Sinabi niya sa kanila, Magsiparito kayo, at inyong makikita. Nagsiparoon nga sila at nakita kung saan siya tumitira; at sila'y nagsitirang kasama niya nang araw na yaon: noo'y magiikasangpu na ang oras. 40 Ang isa sa dalawang nakarinig ng pagsasalita ni Juan, at sumunod sa kaniya, ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Una niyang nasumpungan ang kaniyang sariling kapatid na si Simon, at sa kaniya'y sinabi, Nasumpungan namin ang Mesias (na kung liliwanagin, ay ang Cristo). 42 Siya'y kaniyang dinala kay Jesus. Siya'y tiningnan ni Jesus, at sinabi, Ikaw ay si Simon na anak ni Juan: tatawagin kang Cefas (na kung liliwanagin, ay Pedro). 43 Nang kinabukasan ay pinasiyahan niyang pumaroon sa Galilea, at kaniyang nasumpungan si Felipe: at sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Sumunod ka sa akin. 44 Si Felipe nga ay taga Betsaida, sa bayan ni Andres at ni Pedro. 45 Nasumpungan ni Felipe si Natanael, at sinabi sa kaniya, Nasumpungan namin yaong isinulat ni Moises sa kautusan, at gayon din ng mga propeta, si Jesus na taga Nazaret, ang anak ni Jose. 46 At sinabi sa kaniya ni Natanael, Mangyayari bagang lumitaw ang anomang magaling na bagay sa Nazaret? Sinabi sa kaniya ni Felipe, Pumarito ka at tingnan mo. 47 Nakita ni Jesus si Natanael na lumalapit sa kaniya, at sinabi ang tungkol sa kaniya, Narito, ang isang tunay na Israelita, na sa kaniya'y walang daya! 48 Sinabi sa kaniya ni Natanael, Saan mo ako nakilala? Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos, ay nakita kita. 49 Sumagot si Natanael sa kaniya, Rabi, ikaw ang Anak ng Dios; ikaw ang Hari ng Israel. 50 Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Dahil baga sa sinabi ko sa iyo, Kita'y nakita sa ilalim ng puno ng igos, kaya ka sumasampalataya? makikita mo ang mga bagay na lalong dakila kay sa rito. 51 At sinabi niya sa kaniya, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Dios na nagmamanhik-manaog sa ulunan ng Anak ng tao.
1 At nang ikatlong araw ay nagkaroon ng isang kasalan sa Cana ng Galilea; at naroon ang ina ni Jesus: 2 At inanyayahan din naman si Jesus, at ang kaniyang mga alagad, sa kasalan. 3 At nang magkulang ng alak, ang ina ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, Wala silang alak. 4 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, anong pakialam ko sa iyo? ang aking oras ay hindi pa dumarating. 5 Sinabi ng kaniyang ina sa mga alila, Gawin ninyo ang anomang sa inyo'y kaniyang sabihin. 6 Mayroon nga roong anim na tapayang bato na nalalagay alinsunod sa kaugaliang paglilinis ng mga Judio, na naglalaman ang bawa't isa ng dalawa o tatlong bangang tubig. 7 Sinabi sa kanila ni Jesus, Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan. At kanilang pinuno hanggang sa labi. 8 At sinabi niya sa kanila, Kunin ninyo ngayon, at inyong iharap sa pangulo ng kapistahan. At kanilang iniharap. 9 At nang matikman ng pangulo ng kapistahan ang tubig na naging alak nga, at hindi niya nalalaman kung saan buhat (datapuwa't nalalaman ng mga alila na nagsikuha ng tubig), ay tinawag ng pangulo ng kapistahan ang kasintahang lalake, 10 At sinabi sa kaniya, Ang bawa't tao ay unang inilalagay ang mabuting alak; at kung mangakainom nang mabuti ang mga tao, ay saka inilalagay ang pinakamasama: itinira mo ang mabuting alak hanggang ngayon. 11 Ang pasimulang ito ng kaniyang mga tanda ay ginawa ni Jesus sa Cana ng Galilea, at inihayag ang kaniyang kaluwalhatian; at nagsisampalataya sa kaniya ang kaniyang mga alagad. 12 Pagkatapos nito ay lumusong siya sa Capernaum, siya, at ang kaniyang ina, at ang kaniyang mga kapatid, at ang kaniyang mga alagad; at sila'y nangatira roong hindi maraming araw. 13 At malapit na ang paskua ng mga Judio, at umahon si Jesus sa Jerusalem. 14 At nasumpungan niya sa templo yaong nangagbibili ng mga baka at mga tupa at mga kalapati, at ang mga mamamalit ng salapi na nangakaupo: 15 At ginawa niyang isang panghampas ang mga lubid, itinaboy niyang lahat sa templo, ang mga tupa at gayon din ang mga baka; at ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit, at ginulo ang kanilang mga dulang; 16 At sa nangagbibili ng mga kalapati ay sinabi niya, Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawin ang bahay ng aking Ama na bahay-kalakal. 17 Napagalaala ng kaniyang mga alagad na nasusulat, Kakanin ako ng sikap sa iyong bahay. 18 Ang mga Judio nga'y nagsisagot at sa kaniya'y sinabi, Anong tanda ang maipakikita mo sa amin, yamang ginawa mo ang mga bagay na ito? 19 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Igiba ninyo ang templong ito, at aking itatayo sa tatlong araw. 20 Sinabi nga ng mga Judio, Apat na pu't anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo sa tatlong araw? 21 Datapuwa't sinasalita niya ang tungkol sa templo ng kaniyang katawan. 22 Nang magbangon na maguli nga siya sa mga patay, ay naalaala ng kaniyang mga alagad na sinalita niya ito; at nagsisampalataya sila sa kasulatan, at sa salitang sinabi ni Jesus. 23 Nang siya nga'y nasa Jerusalem nang paskua, sa loob ng panahon ng kapistahan, ay marami ang mga nagsisampalataya sa kaniyang pangalan, pagkakita ng kaniyang mga tandang ginawa. 24 Datapuwa't si Jesus sa kaniyang sarili ay hindi rin nagkatiwala sa kanila, sapagka't nakikilala niya ang lahat ng mga tao, 25 Sapagka't hindi niya kinakailangan na ang sinoman ay magpatotoo tungkol sa tao; sapagka't nalalaman nga niya ang isinasaloob ng tao.
1 May isang lalake nga sa mga Fariseo, na nagngangalang Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio: 2 Ito rin ay naparoon sa kaniya nang gabi, at sa kaniya'y nagsabi, Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na nagbuhat sa Dios; sapagka't walang makagagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, maliban na kung sumasa kaniya ang Dios. 3 Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios. 4 Sinabi sa kaniya ni Nicodemo, Paanong maipanganganak ang tao kung siya'y matanda na? makapapasok baga siyang bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina, at ipanganak? 5 Sumagot si Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios. 6 Ang ipinanganak ng laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga. 7 Huwag kang magtaka sa aking sinabi sa iyo, Kinakailangan ngang kayo'y ipanganak na muli. 8 Humihihip ang hangin kung saan niya ibig, at naririnig mo ang kaniyang ugong, nguni't hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling, at kung saan naparoroon: gayon ang bawa't ipinanganak ng Espiritu. 9 Sumagot si Nicodemo at sa kaniya'y sinabi, Paanong pangyayari ng mga bagay na ito? 10 Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Ikaw ang guro sa Israel, at hindi mo nauunawa ang mga bagay na ito? 11 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ang nalalaman namin ay sinasalita namin, at ang aming nakita ay pinatototohanan namin; at hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo. 12 Kung sinabi ko sa inyo ang mga bagay na nauukol sa lupa at hindi ninyo pinaniniwalaan, paanong paniniwalaan ninyo kung sabihin ko sa inyo ang mga bagay na nauukol sa langit? 13 At walang umakyat sa langit, kundi ang nanggaling sa langit, sa makatuwid baga'y ang Anak ng tao, na nasa langit. 14 At kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, ay gayon kinakailangang itaas ang Anak ng tao; 15 Upang ang sinomang sumampalataya ay magkaroon sa kaniya ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Sapagka't hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya. 18 Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios. 19 At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka't masasama ang kanilang mga gawa. 20 Sapagka't ang bawa't isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa. 21 Datapuwa't ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang mahayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa sa Dios. 22 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagsiparoon si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa lupain ng Judea; at doon siya tumira na kasama nila, at bumabautismo. 23 At bumabautismo rin naman si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagka't doo'y maraming tubig: at sila'y nagsiparoon, at nangabautismuhan. 24 Sapagka't hindi pa ipinapasok sa bilangguan si Juan. 25 Nagkaroon nga ng isang pakikipagtalo ang mga alagad ni Juan sa isang Judio tungkol sa paglilinis. 26 At sila'y nagparoon kay Juan, at sa kaniya'y sinabi, Rabi, yaong kasama mo sa dako pa roon ng Jordan, na binigyan mong patotoo, narito, siya'y bumabautismo, at ang lahat ng mga tao'y nagsisiparoon sa kaniya. 27 Sumagot si Juan at sinabi, Hindi makatatanggap ng anoman ang isang tao, malibang ito'y ipinagkaloob sa kaniya mula sa langit. 28 Kayo man ay magsisisaksi sa akin, na aking sinabi, Hindi ako ang Cristo, kundi, na ako'y sinugo sa unahan niya. 29 Ang nagtatangkilik sa kasintahang babae ay ang kasintahang lalake: datapuwa't ang kaibigan ng kasintahang lalake, na nakatayo at nakikinig sa kaniya, ay nagagalak na lubos dahil sa tinig ng kasintahang lalake: ito ngang aking kaligayahan ay naganap. 30 Siya'y kinakailangang dumakila, nguni't ako'y kinakailangang bumaba. 31 Ang nanggagaling sa itaas ay sumasaibabaw ng lahat: ang galing sa lupa ay taga lupa nga, at ang ukol sa lupa ang sinasalita niya: ang nanggagaling sa langit ay sumasaibabaw ng lahat. 32 At kaniyang nakita at narinig, ay siyang pinatototohanan niya; at walang taong tumatanggap ng kaniyang patotoo. 33 Ang tumatanggap ng kaniyang patotoo ay naglagay dito ng kaniyang tatak, na ang Dios ay totoo. 34 Sapagka't ang sinugo ng Dios ay nagsasalita ng mga salita ng Dios: sapagka't hindi niya ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng sukat. 35 Sinisinta ng Ama ang Anak, at inilagay sa kaniyang kamay ang lahat ng mga bagay. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; nguni't ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Dios ay sumasa kaniya.
1 Nang maalaman nga ng Panginoon na nabalitaan ng mga Fariseo na si Jesus ay gumagawa at bumabautismo ng lalong maraming alagad kay sa kay Juan 2 (Bagaman hindi bumabautismo si Jesus, kundi ang kaniyang mga alagad), 3 Nilisan niya ang Judea, at naparoong muli sa Galilea. 4 At kinakailangang magdaan siya sa Samaria. 5 Sumapit nga siya sa isang bayan ng Samaria, na tinatawag na Sicar, malapit sa bahagi ng lupang ibinigay ni Jacob kay Jose na kaniyang anak: 6 At naroon ang balon ni Jacob. Si Jesus nga, nang napapagod na sa kaniyang paglalakbay, ay naupong gayon sa tabi ng balon. Magiikaanim na nga ang oras. 7 Dumating ang isang babaing taga Samaria upang umigib ng tubig: sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Painumin mo ako. 8 Sapagka't napasa bayan ang kaniyang mga alagad upang magsibili ng pagkain. 9 Sinabi nga sa kaniya ng babaing Samaritana, Paano ngang ikaw, na isang Judio, ay humingi ng maiinom sa akin, na ako'y babaing Samaritana? (Sapagka't hindi nangakikipagusap ang mga Judio sa mga Samaritano.) 10 Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Kung napagkikilala mo ang kaloob ng Dios, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, Painumin mo ako; ikaw ay hihingi sa kaniya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buhay. 11 Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, wala kang sukat isalok ng tubig, at malalim ang balon: saan nga naroon ang iyong tubig na buhay? 12 Dakila ka pa baga sa aming amang si Jacob, na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya, at ang kaniyang mga anak, at ang kaniyang mga hayop? 13 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Ang bawa't uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw: 14 Datapuwa't ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni't ang tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan. 15 Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, ibigay mo sa akin ang tubig na ito, upang ako'y huwag mauhaw, ni pumarito man sa ganito kalayo upang umigib pa. 16 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, tawagin mo ang iyong asawa, at pumarito ka. 17 Sumagot ang babae at sinabi sa kaniya, Wala akong asawa. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Mabuti ang pagkasabi mo, Wala akong asawa: 18 Sapagka't nagkaroon ka na ng limang asawa; at ang nasa iyo ngayon ay hindi mo asawa: dito'y sinabi mo ang katotohanan. 19 Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, napaghahalata kong ikaw ay isang propeta. 20 Nagsisamba ang aming mga magulang sa bundok na ito; at sinasabi ninyo, na sa Jerusalem ay siyang dakong kinakailangang pagsambahan ng mga tao. 21 Sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Babae, paniwalaan mo ako, na dumarating ang oras, na kahit sa bundok na ito, ni sa Jerusalem, ay hindi ninyo sasambahin ang Ama. 22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nalalaman: sinasamba namin ang nalalaman namin; sapagka't ang kaligtasan ay nanggagaling sa mga Judio. 23 Datapuwa't dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka't hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya. 24 Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan. 25 Sinabi sa kaniya ng babae, Nalalaman ko na paririto ang Mesias (ang tinatawag na Cristo): na pagparito niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay. 26 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako na nagsasalita sa iyo ay siya nga. 27 At sa ganito'y nagsidating ang kaniyang mga alagad; at sila'y nangagtaka na siya'y nakikipagsalitaan sa isang babae; gayon ma'y walang taong nagsabi, Ano ang iyong hinahanap? o, Bakit nakikipagsalitaan ka sa kaniya? 28 Sa gayo'y iniwan ng babae ang kaniyang banga ng tubig, at napasa bayan, at sinabi sa mga tao, 29 Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang isang lalake, na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa: mangyayari kayang ito ang Cristo? 30 Nagsilabas sila sa bayan, at nagsisiparoon sa kaniya. 31 Samantala ay ipinamamanhik sa kaniya ng mga alagad, na nangagsasabi, Rabi, kumain ka. 32 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Ako'y may pagkaing kakanin na hindi ninyo nalalaman. 33 Ang mga alagad nga ay nangagsangusapan, May tao kayang nagdala sa kaniya ng pagkain? 34 Sinabi sa kanila ni Jesus, Ang pagkain ko ay ang aking gawin ang kalooban ng sa akin ay nagsugo, at tapusin ang kaniyang gawa. 35 Hindi baga sinasabi ninyo, May apat na buwan pa, at saka darating ang pagaani? narito, sa inyo'y aking sinasabi, Itanaw ninyo ang inyong mga mata, at inyong tingnan ang mga bukid, na mapuputi na upang anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga sa buhay na walang hanggan; upang ang naghahasik at ang umaani ay mangagalak kapuwa. 37 Sapagka't dito'y totoo ang kasabihan, Isa ang naghahasik, at iba ang umaani. 38 Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpagalan: iba ang nangagpagal, at kayo'y siyang nagsipasok sa kanilang pinagpagalan. 39 At marami sa mga Samaritano sa bayang yaon ang sa kaniya'y nagsisampalataya dahil sa salita ng babae, na nagpatotoo, Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa. 40 Kaya nang sa kaniya'y magsidating ang mga Samaritano, ay sa kaniya'y ipinamanhik nila na matira sa kanila: at siya'y natira roong dalawang araw. 41 At lalo pang marami ang mga nagsisampalataya sa kaniya dahil sa kaniyang salita; 42 At sinabi nila sa babae, Ngayo'y nagsisisampalataya kami, hindi dahil sa iyong pananalita: sapagka't kami rin ang nakarinig, at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanglibutan. 43 At pagkaraan ng dalawang araw ay umalis siya doon at napasa Galilea. 44 Sapagka't si Jesus din ang nagpatotoo, na ang isang propeta ay walang kapurihan sa kaniyang sariling lupain. 45 Kaya nang siya'y dumating sa Galilea, ay tinanggap siya ng mga Galileo, nang kanilang mangakita ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginawa sa Jerusalem sa kapistahan: sapagka't sila man ay nagsiparoon din sa kapistahan. 46 Naparoon ngang muli siya sa Cana ng Galilea, na doo'y kaniyang pinapaging alak ang tubig. At naroroon ang isang mahal na tao, na ang kaniyang anak na lalake ay may-sakit sa Capernaum. 47 Nang mabalitaan niya na si Jesus ay dumating sa Galilea na mula sa Judea, ay naparoon siya sa kaniya, at ipinamanhik sa kaniya na siya'y lumusong, at pagalingin ang kaniyang anak na lalake; sapagka't siya'y naghihingalo. 48 Sinabi nga sa kaniya ni Jesus, Malibang kayo'y mangakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, ay hindi kayo magsisipaniwala sa anomang paraan. 49 Ang mahal na tao ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang aking anak. 50 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Yumaon ka ng iyong lakad; buhay ang anak mo. Pinaniwalaan ng lalake ang salitang sinalita sa kaniya ni Jesus, at siya'y yumaon sa kaniyang lakad. 51 At samantalang siya'y lumulusong, ay sinalubong siya ng kaniyang mga alipin, na nangagsasabi, na ang kaniyang anak ay buhay. 52 Itinanong nga niya sa kanila ang oras nang siya'y pasimulan ng paggaling. Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Kahapon nang ikapitong oras inibsan siya ng lagnat. 53 Naunawa nga ng ama na sa oras na yaon nang sabihin sa kaniya ni Jesus, Buhay ang anak mo: at siya'y sumampalataya, at ang kaniyang buong sangbahayan. 54 Ito nga ang muling pangalawang tanda na ginawa ni Jesus, nang siya'y pumaroon sa Galilea na mula sa Judea.
1 Pagkatapos ng mga bagay na ito'y nagkaroon ng pista ang mga Judio; at umahon si Jesus sa Jerusalem. 2 Sa Jerusalem nga'y may isang tangke sa tabi ng pintuan ng mga tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Betesda, na may limang portiko. 3 Na sa mga ito ay nangaghandusay ang marami sa kanilang mga maysakit, mga bulag, mga pilay, mga natutuyo. 4 Sapagka't lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tangke at kinakalawkaw ang tubig: at ang unang manaog sa tangke, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anomang sakit na dinaramdam. 5 At naroon ang isang lalake, na may tatlongpu't walong taon nang maysakit. 6 Nang makita ni Jesus na siya'y nakahandusay, at mapagkilalang siya'y malaon nang panahong maysakit, ay sinabi niya sa kaniya, Ibig mo bagang gumaling? 7 Sumagot sa kaniya ang lalaking maysakit, Ginoo, wala ng taong maglusong sa akin sa tangke, pagkalawkaw sa tubig: datapuwa't samantalang ako'y naparoroon, ay nakalusong na muna ang iba bago ako. 8 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka. 9 At pagdaka'y gumaling ang lalake, at binuhat ang kaniyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng sabbath. 10 Kaya sinabi ng mga Judio sa kaniya na pinagaling, Ito'y araw ng sabbath, at hindi matuwid na buhatin mo ang iyong higaan. 11 Nguni't sila'y sinagot niya, Ang nagpagaling sa akin, ang siya ring sa akin ay nagsabi, Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka. 12 Tinanong nila siya, Sino ang taong sa iyo'y nagsabi, Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka? 13 Nguni't hindi nakikilala ng pinagaling kung sino siya; sapagka't si Jesus ay humiwalay, palibhasa'y may isang karamihan sa dakong yaon. 14 Pagkatapos ay nasumpungan siya ni Jesus sa templo, at sa kaniya'y sinabi, Narito, ikaw ay gumaling na: huwag ka nang magkasala, baka mangyari pa sa iyo ang lalong masama. 15 Umalis ang tao, at sinaysay sa mga Judio na si Jesus ang sa kaniya'y nagpagaling. 16 At dahil dito'y pinagusig ng mga Judio si Jesus, sapagka't ginagawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng sabbath. 17 Datapuwa't sinagot sila ni Jesus, Hanggang ngayo'y gumagawa ang aking Ama, at ako'y gumagawa. 18 Dahil dito nga'y lalo nang pinagsikapan ng mga Judio na siya'y patayin, sapagka't hindi lamang sinira ang araw ng sabbath, kundi tinatawag din naman na kaniyang sariling Ama ang Dios, na siya'y nakikipantay sa Dios. 19 Sumagot nga si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama; sapagka't ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa, ay ang mga ito rin naman ang ginagawa ng Anak sa gayon ding paraan. 20 Sapagka't sinisinta ng Ama ang Anak, at sa kaniya'y ipinakikita ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa: at lalong dakilang mga gawa kay sa mga ito ang sa kaniya'y ipakikita niya, upang kayo'y magsipanggilalas. 21 Sapagka't kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayon din naman binubuhay ng Anak ang kaniyang mga ibigin. 22 Sapagka't ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol; 23 Upang papurihan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpapapuri sa Ama. Ang hindi nagpapapuri sa Anak ay hindi nagpapapuri sa Ama na sa kaniya'y nagsugo. 24 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan. 25 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dumarating ang panahon, at ngayon nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Dios; at ang mangakarinig ay mangabubuhay. 26 Sapagka't kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili, ay gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili: 27 At binigyan niya siya ng kapamahalaang makahatol, sapagka't siya'y anak ng tao. 28 Huwag ninyong ipanggilalas ito: sapagka't dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig, 29 At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol. 30 Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili: humahatol ako ayon sa aking naririnig: at ang paghatol ko'y matuwid; sapagka't hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. 31 Kung ako'y nagpapatotoo sa aking sarili, ang patotoo ko ay hindi katotohanan. 32 Iba ang nagpapatotoo sa akin; at talastas ko na ang patotoong isinasaksi niya sa akin ay totoo. 33 Kayo'y nangagsugo kay Juan, at siya'y nagpatotoo sa katotohanan. 34 Datapuwa't ang patotoo ay hindi mula sa tao: gayon ma'y sinasabi ko ang mga bagay na ito, upang kayo'y mangaligtas. 35 Siya ang ilawang nagniningas at lumiliwanag; at inibig ninyong kayo'y mangagkatuwang sumandali sa kaniyang liwanag. 36 Datapuwa't ang aking pagpapatotoo ay lalong dakila kay sa kay Juan; sapagka't ang mga gawang ibinigay sa akin ng aking Ama upang ganapin, ang gayon ding mga gawa na aking ginagawa, ay nagpapatotoo tungkol sa akin, na ako'y sinugo ng Ama. 37 At ang Ama na nagsugo sa akin, ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailan ma'y hindi ninyo narinig ang kaniyang tinig, ni hindi man ninyo nakita ang kaniyang anyo. 38 At kayo'y walang salita niya na nananatili sa inyo: sapagka't hindi kayo nagsisisampalataya sa kaniyang sinugo. 39 Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka't iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito'y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin. 40 At ayaw kayong magsilapit sa akin, upang kayo'y magkaroon ng buhay. 41 Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao. 42 Datapuwa't nakikilala ko kayo, na kayo'y walang pagibig ng Dios sa inyong sarili. 43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, at ayaw ninyo akong tanggapin: kung iba ang pumarito sa kaniyang sariling pangalan, ay siya ninyong tatanggapin. 44 Paanong kayo'y makapananampalataya, kayong nangagtatanggapan sa isa't isa ng kaluwalhatian at hindi ninyo pinaghahanap ang kaluwalhatiang nanggagaling sa tanging Dios? 45 Huwag ninyong isiping ako ang sa inyo'y magsusumbong sa Ama: may isang magsusumbong sa inyo, sa makatuwid baga'y si Moises, yaong pinaglagakan ninyo ng inyong pagasa. 46 Sapagka't kung kayo'y nagsisisampalataya kay Moises, ay magsisisampalataya kayo sa akin; sapagka't tungkol sa akin siya'y sumulat. 47 Nguni't kung hindi kayo nagsisipaniwala sa kaniyang mga sulat, ay paanong magsisisampalataya kayo sa aking mga salita?
1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay naparoon si Jesus sa kabilang ibayo ng dagat ng Galilea, na siyang dagat ng Tiberias. 2 At sumusunod sa kaniya ang lubhang maraming tao, sapagka't kanilang nangakikita ang mga tanda na ginagawa niya sa mga maysakit. 3 At umahon si Jesus sa bundok, at doo'y naupo siya na kasama ng kaniyang mga alagad. 4 Malapit na nga ang paskua, na pista ng mga Judio. 5 Itinanaw nga ni Jesus ang kaniyang mga mata, at pagkakita na ang lubhang maraming tao'y lumalapit sa kaniya, ay sinabi kay Felipe, Saan tayo magsisibili ng tinapay, upang mangakakain ang mga ito? 6 At ito'y sinabi niya upang siya'y subukin: sapagka't nalalaman niya sa kaniyang sarili kung ano ang kaniyang gagawin. 7 Sumagot si Felipe sa kaniya, Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawang daang denariong tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawa't isa. 8 Sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, 9 May isang batang lalake rito, na mayroong limang tinapay na sebada, at dalawang isda: datapuwa't gaano na ang mga ito sa ganyang karamihan? 10 Sinabi ni Jesus, Inyong paupuin ang mga tao. Madamo nga sa dakong yaon. Kaya't nagsiupo ang mga lalake, na may limang libo ang bilang. 11 Kinuha nga ni Jesus ang mga tinapay; at nang makapagpasalamat, ay ipinamahagi niya sa kanilang nangakaupo; at gayon din naman binigyan sila ng mga isda kung gaanong ibigin nila. 12 At nang sila'y mangabusog, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Pulutin ninyo ang mga pinagputolputol na lumabis, upang walang anomang masayang. 13 Kaya't kanilang tinipon, at nangapuno ang labingdalawang bakol ng mga pinagputolputol sa limang tinapay na sebada, na lumabis sa nagsikain. 14 Kaya't nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya, ay kanilang sinabi, Totoong ito nga ang propeta na paririto sa sanglibutan. 15 Nang mapaghalata nga ni Jesus na sila'y magsisilapit at siya'y agawin, upang siya'y gawing hari, ay muling nagbalik sa bundok na nagiisa. 16 At nang kinahapunan, ay nagsilusong ang kaniyang mga alagad sa dagat; 17 At nagsilulan sila sa isang daong, at kanilang tinatawid ang dagat hanggang sa Capernaum. At madilim na nga, at hindi dumarating sa kanila si Jesus. 18 At lumalaki ang dagat dahil sa isang malakas na hanging humihihip. 19 Nang sila nga'y mangakagaod na ng may dalawangpu't lima o tatlongpung estadio, ay kanilang nakita si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat, at lumalapit sa daong: at sila'y nangahintakutan. 20 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Ako nga; huwag kayong mangatakot. 21 Malugod nga nilang tinanggap siya sa daong: at pagdaka'y dumating ang daong sa lupang kanilang tinutumpa. 22 Nang kinabukasan ay nakita ng karamihang nakatayo sa kabilang ibayo ng dagat na doo'y walang ibang daong, kundi isa, at hindi lumulan sa daong si Jesus na kasama ng kaniyang mga alagad, kundi ang kaniyang mga alagad lamang ang nagsipaglayag 23 (Gayon man ay may mga daong na nagsidating na mula sa Tiberias malapit sa dako na kanilang kinainan ng tinapay pagkatapos na makapagpasalamat ang Panginoon): 24 Nang makita nga ng karamihan na wala roon si Jesus, ni ang kaniyang mga alagad man, ay nagsilulan sila sa mga daong, at nagsidating sa Capernaum, na hinahanap si Jesus. 25 At nang siya'y kanilang masumpungan sa kabilang ibayo ng dagat, ay kanilang sinabi sa kanila, Rabi, kailan ka dumating dito? 26 Sinagot sila ni Jesus at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako'y inyong hinahanap, hindi dahil sa inyong nangakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo'y nagsikain ng tinapay, at kayo'y nangabusog. 27 Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao: sapagka't siyang tinatakan ng Ama, sa makatuwid baga'y ang Dios. 28 Sinabi nga nila sa kaniya, Ano ang kinakailangan naming gawin, upang aming magawa ang mga gawa ng Dios? 29 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Ito ang gawa ng Dios, na inyong sampalatayanan yaong kaniyang sinugo. 30 Sinabi nga nila sa kaniya, Ano nga ang inyong ginagawa na pinakatanda, upang aming makita, at sampalatayanan ka namin? ano ang ginagawa mo? 31 Nagsikain ang aming mga magulang ng mana sa ilang; gaya ng nasusulat, Tinapay na galing sa langit ang sa kanila'y kaniyang ipinakain. 32 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit; kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit. 33 Sapagka't ang tinapay ng Dios ay yaong bumababang mula sa langit, at nagbibigay buhay sa sanglibutan. 34 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Panginoon, bigyan mo kaming palagi ng tinapay na ito. 35 Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Ako ang tinapay ng kabuhayan: ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin kailan ma'y hindi mauuhaw. 36 Datapuwa't sinabi ko sa inyo, na nakita ninyo ako, at gayon ma'y hindi kayo nagsisampalataya. 37 Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay magsisilapit sa akin; at ang lumalapit sa akin sa anomang paraan ay hindi ko itataboy. 38 Sapagka't bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. 39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin, na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anoman, kundi ibangon sa huling araw. 40 Sapagka't ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawa't nakakakita sa Anak, at sa kaniya'y sumampalataya, ay magkaroon ng walang hanggang buhay; at akin siyang ibabangon sa huling araw. 41 Ang mga Judio nga ay nagbulongbulungan tungkol sa kaniya sapagka't kaniyang sinabi, Ako ang tinapay na bumabang galing sa langit. 42 At kanilang sinabi, Hindi baga ito'y si Jesus, ang anak ni Jose, na nakikilala natin ang kaniyang ama at ina? paano ngang sinasabi niya, Ako'y bumabang galing sa langit? 43 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Huwag kayong mangagbulongbulungan. 44 Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya'y magdala sa akin; at siya'y aking ibabangon sa huling araw. 45 Nasusulat sa mga propeta, At tuturuan silang lahat ng Dios. Ang bawa't nakarinig sa Ama, at natuto, ay lumalapit sa akin. 46 Hindi sa ang sinoma'y nakakita sa Ama, kundi yaong nanggaling sa Dios, siya ang nakakita sa Ama. 47 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng kabuhayan. 49 Nagsikain ang inyong mga magulang ng mana sa ilang, at sila'y nangamatay. 50 Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang taong makakain, ay huwag mamatay. 51 Ako ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit: kung ang sinoman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailan man: oo at ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, sa ikabubuhay ng sanglibutan. 52 Ang mga Judio nga'y nangagtatalo, na nangagsasabi, Paanong maipakakain sa atin ng taong ito ang kaniyang laman? 53 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili. 54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan; at siya'y aking ibabangon sa huling araw. 55 Sapagka't ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. 56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako'y sa kaniya. 57 Kung paanong sinugo ako ng Amang buhay, at ako'y nabubuhay dahil sa Ama; gayon din naman ang kumakain sa akin, siya nama'y mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit: hindi gaya ng mga magulang na nagsikain, at nangamatay; ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailan man. 59 Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga, samantalang siya'y nagtuturo sa Capernaum. 60 Marami nga sa kaniyang mga alagad, nang kanilang marinig ito, ay nangagsabi, Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig noon? 61 Datapuwa't pagkaalam ni Jesus sa kaniyang sarili na nagbubulongbulungan ang kaniyang mga alagad tungkol dito, sa kanila'y sinabi, Ito baga'y nakapagpapatisod sa inyo? 62 Ano nga kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng tao sa kinaroroonan niya nang una? 63 Ang espiritu nga ang bumubuhay; sa laman ay walang anomang pinakikinabang: ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay. 64 Datapuwa't may ilan sa inyong hindi nagsisisampalataya. Sapagka't talastas na ni Jesus buhat pa nang una kung sino-sino ang hindi nagsisisampalataya, at kung sino ang sa kaniya'y magkakanulo. 65 At sinabi niya, Dahil dito'y sinabi ko sa inyo, na walang taong makalalapit sa akin, maliban na ipagkaloob sa kaniya ng Ama. 66 Dahil dito'y marami sa kaniyang mga alagad ay nagsitalikod, at hindi na nagsisama sa kaniya. 67 Sinabi nga ni Jesus sa labingdalawa, Ibig baga ninyong magsialis din naman? 68 Sinagot siya ni Simon Pedro, Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan. 69 At kami'y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Banal ng Dios. 70 Sinagot sila ni Jesus, Hindi baga hinirang ko kayong labingdalawa, at ang isa sa inyo ay diablo? 71 Tinukoy nga niya si Judas na anak ni Simon Iscariote, sapagka't siya ang sa kaniya'y magkakanulo, palibhasa'y isa sa labingdalawa.
1 At pagkatapos ng mga bagay na ito ay naglakad si Jesus sa Galilea: sapagka't ayaw siyang maglakad sa Judea, dahil sa pinagsisikapan ng mga Judio na siya'y patayin. 2 Malapit na nga ang pista ng mga Judio, ang pista ng mga tabernakulo. 3 Sinabi nga sa kaniya ng kaniyang mga kapatid, Umalis ka rito, at pumaroon ka sa Judea, upang makita naman ng iyong mga alagad ang mga gawang iyong ginagawa. 4 Sapagka't walang taong gumagawa ng anomang bagay sa lihim, at nagsisikap ihayag ang kaniyang sarili. Kung ginagawa mo ang mga bagay na ito ay pakilala ka sa sanglibutan. 5 Sapagka't kahit ang kaniyang mga kapatid man ay hindi nagsisisampalataya sa kaniya. 6 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Hindi pa dumarating ang aking panahon; datapuwa't ang inyong panahon ay laging nahahanda. 7 Hindi mangyayaring kayo'y kapootan ng sanglibutan; nguni't ako'y kinapopootan, sapagka't siya'y aking pinatototohanang masasama ang kaniyang mga gawa. 8 Mangagsiahon kayo sa pista: ako'y hindi aahon sa pistang ito; sapagka't hindi pa nagaganap ang aking panahon. 9 At nang masabi sa kanila ang mga bagay na ito, ay nanahan pa siya sa Galilea. 10 Datapuwa't nang mangakaahon na ang kaniyang mga kapatid sa pista, saka naman siya umahon, hindi sa hayag, kundi waring sa lihim. 11 Hinahanap nga siya ng mga Judio sa pista, at kanilang sinasabi, Saan naroon siya? 12 At nagkaroon ng maraming bulongbulungan tungkol sa kaniya ang karamihan: sinasabi ng ilan, Siya'y taong mabuti; sinasabi ng mga iba, Hindi gayon, kundi inililigaw niya ang karamihan. 13 Gayon man ay walang taong nagsasalita ng hayag tungkol sa kaniya dahil sa takot sa mga Judio. 14 Datapuwa't nang ang kapistahan nga'y nasa kalagitnaan na ay umahon si Jesus sa templo, at nagturo. 15 Nagsipanggilalas nga ang mga Judio, na nangagsasabi, Paanong nakaaalam ang taong ito ng mga karunungan, gayong hindi naman nagaral kailan man? 16 Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. 17 Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili. 18 Ang nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili'y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa't ang humahanap ng kaluwalhatian niyaong sa kaniya'y nagsugo, ang gayon ay totoo, at sa kaniya'y walang kalikuan. 19 Hindi baga ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan, at gayon ma'y wala sa inyong gumaganap ng kautusan? Bakit ninyo pinagsisikapang ako'y patayin? 20 Sumagot ang karamihan, Mayroon kang demonio: sino ang nagsisikap na ikaw ay patayin? 21 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Isang gawa ang aking ginawa, at kayong lahat ay nagsipanggilalas dahil doon. 22 Ibinigay sa inyo ni Moises ang pagtutuli (hindi sa ito'y kay Moises, kundi sa mga magulang); at tinutuli ninyo sa sabbath ang isang lalake. 23 Kung tinatanggap ng lalake ang pagtutuli sa sabbath, upang huwag labagin ang kautusan ni Moises; nangagagalit baga kayo sa akin, dahil sa pinagaling kong lubos ang isang tao sa sabbath? 24 Huwag kayong magsihatol ayon sa anyo, kundi magsihatol kayo ng matuwid na paghatol. 25 Sinabi nga ng ilang taga Jerusalem, Hindi baga ito ang kanilang pinagsisikapang patayin? 26 At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at walang anomang sinasabi sila sa kaniya. Napagkikilala kayang tunay ng mga pinuno na ito ang Cristo? 27 Gayon man ay nakikilala namin ang taong ito kung taga saan siya: datapuwa't pagparito ng Cristo, sinoma'y walang makakaalam kung taga saan siya. 28 Sumigaw nga si Jesus sa templo, na nagtuturo at sinasabi, Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din naman ninyo kung taga saan ako; at hindi ako naparito sa aking sarili, datapuwa't ang nagsugo sa akin ay tunay, na hindi ninyo nakikilala. 29 Siya'y nakikilala ko; sapagka't ako'y mula sa kaniya, at siya ang nagsugo sa akin. 30 Pinagsisikapan nga nilang siya'y hulihin: at walang taong sumunggab sa kaniya, sapagka't hindi pa dumarating ang kaniyang oras. 31 Datapuwa't sa karamihan ay marami ang nagsisampalataya sa kaniya; at kanilang sinasabi, Pagparito ng Cristo, ay gagawa pa baga siya ng lalong maraming tanda kay sa mga ginawa ng taong ito? 32 Nangarinig ng mga Fariseo ang bulongbulungan ng karamihan tungkol sa kaniya; at nangagsugo ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo ng mga punong kawal upang siya'y hulihin. 33 Sinabi nga ni Jesus, Makikisama pa ako sa inyong sangdaling panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin. 34 Hahanapin ninyo ako, at hindi ako masusumpungan: at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon. 35 Ang mga Judio nga'y nangagsangusapan, Saan paroroon ang taong ito na hindi natin siya masusumpungan? siya kaya'y paroroon sa nagsisipangalat sa gitna ng mga Griego, at magtuturo sa mga Griego? 36 Ano ang salitang ito na kaniyang sinabi, Hahanapin ninyo ako, at hindi ninyo ako masusumpungan; at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon? 37 Nang huling araw nga, na dakilang araw ng kapistahan, si Jesus ay tumayo at sumigaw, na nagsasabi, Kung ang sinomang tao'y nauuhaw, ay pumarito siya sa akin, at uminom. 38 Ang sumasampalataya sa akin, gaya ng sinasabi ng kasulatan, ay mula sa loob niya ay aagos ang mga ilog ng tubig na buhay. 39 (Nguni't ito'y sinalita niya tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga magsisisampalataya sa kaniya: sapagka't hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu; sapagka't si Jesus ay hindi pa niluluwalhati.) 40 Ang ilan nga sa karamihan, nang marinig ang mga salitang ito, ay nangagsabi, Tunay na ito ang propeta. 41 Sinasabi ng mga iba, Ito nga ang Cristo. Datapuwa't sinasabi ng ilan, Ano, sa Galilea baga manggagaling ang Cristo? 42 Hindi baga sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa lahi ni David, at mula sa Bet-lehem, ang nayong kinaroonan ni David? 43 Kaya nangyaring nagkaroon ng pagkakabahabahagi sa karamihan dahil sa kaniya. 44 At ibig ng ilan sa kanila na siya'y hulihin; datapuwa't walang taong sumunggab sa kaniya. 45 Nagsidating nga ang mga punong kawal sa mga pangulong saserdote at sa mga Fariseo; at sinabi nila sa kanila, Bakit hindi ninyo siya dinala? 46 Nagsisagot ang mga punong kawal, Kailan ma'y walang taong nagsalita ng gayon. 47 Sinagot nga sila ng mga Fariseo, Kayo baga naman ay nangailigaw rin? 48 Sumampalataya baga sa kaniya ang sinoman sa mga pinuno, o ang sinoman sa mga Fariseo? 49 Datapuwa't ang karamihang ito na hindi nakaaalam ng kautusan ay sinumpa. 50 Sinabi sa kanila ni Nicodemo (yaong pumaroon kay Jesus nang una, na isa sa kanila), 51 Hinahatulan baga ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya muna'y dinggin at talastasin kung ano ang kaniyang ginagawa? 52 Sila'y nagsisagot at sinabi sa kaniya, Ikaw baga'y taga Galilea rin? Siyasatin mo, at tingnan mo na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta. 53 Ang bawa't tao'y umuwi sa kanikaniyang sariling bahay:
1 Datapuwa't si Jesus ay napasa bundok ng mga Olivo. 2 At pagka umaga ay nagbalik siya sa templo, at ang buong bayan ay lumapit sa kaniya; at siya'y naupo, at sila'y tinuruan. 3 At dinala sa kaniya ng mga eskriba at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pangangalunya; at nang mailagay siya sa gitna, 4 Ay sinabi nila sa kaniya, Guro, nahuli ang babaing ito sa kasalukuyan ng pangangalunya. 5 Sa kautusan nga ay ipinagutos sa amin ni Moises na batuhin ang mga ganyan: ano nga ang iyong sabi tungkol sa kaniya? 6 At ito'y kanilang sinabi, na siya'y sinusubok, upang sa kaniya'y may maisumbong sila. Datapuwa't yumuko si Jesus, at sumulat ng kaniyang daliri sa lupa. 7 Datapuwa't nang sila'y nangagpatuloy ng pagtatanong sa kaniya, ay umunat siya, at sa kanila'y sinabi, Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kaniya. 8 At muli siyang yumuko, at sumulat ng kaniyang daliri sa lupa. 9 At sila, nang ito'y kanilang marinig, ay nagsialis na isa-isa, na nagpasimula sa katandatandaan, hanggang sa kahulihulihan: at iniwang magisa si Jesus at ang babae, sa kinaroroonan nito, sa gitna. 10 At umunat si Jesus, at sa kaniya'y sinabi, Babae, saan sila nangaroroon? wala bagang taong humatol sa iyo? 11 At sinabi niya, Wala sinoman, Panginoon. At sinabi ni Jesus, Ako man ay hindi rin hahatol sa iyo: humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo'y huwag ka nang magkasala. 12 Muli ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan. 13 Sinabi nga sa kaniya ng mga Fariseo, Nagpapatotoo ka sa iyong sarili; hindi totoo ang patotoo mo. 14 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Bagama't ako'y nagpapatotoo sa akin din, ay totoo ang aking patotoo; sapagka't nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako paroroon; datapuwa't hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling, o kung saan ako paroroon. 15 Nagsisihatol kayo ayon sa laman; ako'y hindi humahatol sa kanino mang tao. 16 Oo, at kung ako'y humahatol, ang hatol ko'y totoo; sapagka't hindi ako nagiisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin. 17 Oo, at sa inyong kautusan ay nasusulat, na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. 18 Ako ang nagpapatotoo sa akin din, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo sa akin. 19 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Saan naroroon ang iyong Ama? Sumagot si Jesus, Hindi ninyo nakikilala ako, ni ang aking Ama: kung ako'y inyong makilala, ay makikilala rin ninyo ang aking Ama. 20 Sinalita niya ang mga salitang ito sa dakong kabang-yaman, nang nagtuturo siya sa templo: at walang taong humuli sa kaniya; sapagka't hindi pa dumarating ang kaniyang oras. 21 Muli ngang sinabi niya sa kanila, Yayaon ako, at ako'y inyong hahanapin, at mangamamatay kayo sa inyong kasalanan: sa aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon. 22 Sinabi nga ng mga Judio, Siya kaya'y magpapakamatay, sapagka't kaniyang sinabi, Sa aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon. 23 At sa kanila'y kaniyang sinabi, Kayo'y mga taga ibaba; ako'y taga itaas: kayo'y mga taga sanglibutang ito; ako'y hindi taga sanglibutang ito. 24 Sinabi ko nga sa inyo, na kayo'y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka't malibang kayo'y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. 25 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Sino ka baga? Sinabi sa kanila ni Jesus, Siya rin na sinalita ko sa inyo mula pa nang una. 26 Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya'y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglibutan. 27 Hindi nila napagunawa na tungkol sa Ama ang kaniyang sinasalita sa kanila. 28 Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga ang Cristo, at wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi sinalita ko ang mga bagay na ito, ayon sa itinuro sa akin ng Ama. 29 At ang nagsugo sa akin ay sumasa akin; hindi niya ako binayaang nagiisa; sapagka't ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya'y nakalulugod. 30 Samantalang sinasalita niya ang mga bagay na ito, ay maraming nagsisampalataya sa kaniya. 31 Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, Kung kayo'y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko; 32 At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana'y magpapalaya sa inyo. 33 Sa kaniya'y kanilang isinagot, Kami'y binhi ni Abraham, at kailan ma'y hindi pa naging alipin ninomang tao: paanong sinasabi mo, Kayo'y magiging laya? 34 Sinagot sila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35 At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailan man: ang anak ang nananahan magpakailan man. 36 Kung palayain nga kayo ng Anak, kayo'y magiging tunay na laya. 37 Talastas ko na kayo'y binhi ni Abraham; gayon ma'y pinagsisikapan ninyong ako'y patayin, sapagka't ang salita ko'y hindi magkasiya sa inyo. 38 Sinasalita ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama: at ginagawa rin ninyo ang mga bagay na inyong narinig sa inyong Ama. 39 Sila'y nagsisagot at sa kaniya'y sinabi, Si Abraham ang aming ama. Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Kung kayo'y mga anak ni Abraham, ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham. 40 Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham. 41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama. Sinabi nila sa kaniya, Hindi kami inianak sa pakikiapid; may isang Ama kami, ang Dios. 42 Sinabi sa kanila ni Jesus, Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako: sapagka't ako'y nagmula at nanggaling sa Dios; sapagka't hindi ako naparito sa aking sarili, kundi sinugo niya ako. 43 Bakit hindi ninyo napaguunawa ang aking pananalita? sapagka't hindi ninyo mangyayaring dinggin ang aking salita. 44 Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito. 45 Nguni't dahil sa sinasabi ko ang katotohanan, ay hindi ninyo ako sinasampalatayanan. 46 Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi ninyo ako sinasampalatayanan? 47 Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito'y hindi ninyo dinirinig, sapagka't kayo'y hindi sa Dios. 48 Nagsisagot ang mga Judio at sa kaniya'y sinabi, Hindi baga magaling ang aming pagkasabi na ikaw ay isang Samaritano, at mayroon kang demonio? 49 Sumagot si Jesus, Ako'y walang demonio; kundi pinapupurihan ko ang aking Ama, at ako'y inyong sinisiraan ng puri. 50 Nguni't hindi ko hinahanap ang aking sariling kaluwalhatian: may isang humahanap at humahatol. 51 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung ang sinoman ay tutupad ng aking salita, ay hindi siya makakakita magpakailan man ng kamatayan. 52 Sinabi ng mga Judio sa kaniya, Ngayo'y nalalaman naming mayroon kang demonio. Namatay si Abraham, at ang mga propeta; at sinasabi mo, Kung ang sinoman ay tutupad ng aking salita, ay hindi niya matitikman magpakailan man ang kamatayan. 53 Dakila ka pa baga sa aming amang Abraham, na namatay? at nangamatay ang mga propeta: sino ang ipinalalagay mo sa iyong sarili? 54 Sumagot si Jesus, Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang anoman: ang aking Ama'y siyang lumuluwalhati sa akin; na tungkol sa kaniya'y sinasabi ninyo, na siya'y inyong Dios; 55 At hindi ninyo siya napagkilala: nguni't nakikilala ko siya; at kung aking sasabihin, na hindi ko siya nakikilala, ay ako'y matutulad sa inyo, na sinungaling: datapuwa't nakikilala ko siya, at tinutupad ko ang kaniyang salita. 56 Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita ang aking araw; at nakita niya, at natuwa. 57 Sinabi nga sa kaniya ng mga Judio, Wala ka pang limangpung taon, at nakita mo si Abraham? 58 Sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bago ipinanganak si Abraham, ay ako nga. 59 Sila nga'y nagsidampot ng mga bato upang ihagis sa kaniya: datapuwa't nagtago si Jesus, at lumabas sa templo.
1 At sa pagdaraan niya, ay nakita niya ang isang lalaking bulag mula sa kaniyang kapanganakan. 2 At itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kaniyang mga magulang, upang siya'y ipanganak na bulag? 3 Sumagot si Jesus, Hindi dahil sa ang taong ito'y nagkasala, ni ang kaniyang mga magulang man: kundi upang mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Dios. 4 Kinakailangan nating gawin ang mga gawa niyaong nagsugo sa akin, samantalang araw: dumarating ang gabi, na walang taong makagagawa. 5 Samantalang ako'y nasa sanglibutan, ako ang ilaw ng sanglibutan. 6 Nang masabi niya ang ganito, siya'y lumura sa lupa, at pinapagputik ang lura, at pinahiran ang mga mata niya ng putik, 7 At sinabi sa kaniya, Humayo ka, maghugas ka sa tangke ng Siloe (na kung liliwanagin ay Sinugo). Siya nga'y humayo, at naghugas, at nagbalik na nakakakita. 8 Ang mga kapitbahay nga, at ang nangakakita sa kaniya nang una, na siya'y pulubi, ay nangagsabi, Hindi baga ito ang nauupo at nagpapalimos? 9 Sinabi ng mga iba, Siya nga: sinabi ng mga iba, Hindi, kundi nakakamukha niya. Sinabi niya, Ako nga. 10 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Paano nga ang pagkadilat ng iyong mga mata? 11 Sumagot siya, Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, at pinahiran ang aking mga mata, at sinabi sa akin, Humayo ka sa Siloe, at maghugas ka: kaya't ako'y humayo at naghugas, at ako'y tumanggap ng paningin. 12 At sinabi nila sa kaniya, Saan naroon siya? Sinabi niya, Hindi ko nalalaman. 13 Dinala nila sa mga Fariseo siya na nang una'y bulag. 14 Araw nga ng sabbath nang gumawa ng putik si Jesus, at padilatin ang kaniyang mga mata. 15 Muli ngang tinanong naman siya ng mga Fariseo kung paanong tumanggap siya ng kaniyang paningin. At sinabi niya sa kanila, Nilagyan niya ng putik ang ibabaw ng aking mga mata, at naghugas ako, at ako'y nakakakita. 16 Ang ilan nga sa mga Fariseo ay nangagsabi, Ang taong ito'y hindi galing sa Dios, sapagka't hindi nangingilin sa sabbath. Datapuwa't sinasabi ng mga iba, Paano bagang makagagawa ng gayong mga tanda ang isang taong makasalanan? At nagkaroon ng pagkakabahabahagi sa gitna nila. 17 Muling sinabi nga nila sa bulag, Ano ang sabi mo tungkol sa kaniya, na siyang nagpadilat ng iyong mga mata? At kaniyang sinabi, Siya'y isang propeta. 18 Hindi nga nagsipaniwala ang mga Judio tungkol sa kaniya, na siya'y naging bulag, at tumanggap ng kaniyang paningin, hanggang sa kanilang tinawag ang mga magulang niyaong tumanggap ng kaniyang paningin, 19 At nangagtanong sa kanila, na sinasabi, Ito baga ang inyong anak, na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag? paano ngang nakakakita siya ngayon? 20 Nagsisagot ang kaniyang mga magulang, at nangagsabi, Nalalaman naming ito'y aming anak, at siya'y ipinanganak na bulag: 21 Datapuwa't kung paanong siya'y nakakakita ngayon, ay hindi namin nalalaman; o kung sino ang nagpadilat ng kaniyang mga mata, ay hindi namin nalalaman: tanungin siya; siya'y may gulang na; siya'y magsasalita para sa sarili niya. 22 Ang mga bagay na ito'y sinabi ng kaniyang mga magulang, sapagka't nangatatakot sa mga Judio: sapagka't pinagkaisahan na ng mga Judio, na kung ang sinomang tao'y ipahayag siya na siya ang Cristo, ay palayasin siya sa sinagoga. 23 Kaya't sinabi ng kaniyang mga magulang, Siya'y may gulang na; tanungin siya. 24 Dahil dito'y tinawag nilang bilang ikalawa ang taong naging bulag, at sinabi sa kaniya, Luwalhatiin mo ang Dios: nalalaman naming makasalanan ang taong ito. 25 Sumagot nga siya, Kung siya'y makasalanan ay hindi ko nalalaman: isang bagay ang nalalaman ko, na, bagaman ako'y naging bulag, ngayo'y nakakakita ako. 26 Sinabi nga nila sa kaniya, Ano ang ginawa niya sa iyo? paano ang pagkapadilat niya sa iyong mga mata? 27 Sinagot niya sila, Kasasabi ko lamang sa inyo, at hindi ninyo pinakinggan; bakit ibig ninyong marinig uli? ibig baga naman ninyong kayo'y maging mga alagad niya? 28 At siya'y kanilang inalipusta, at sinabi, Ikaw ang alagad niya; datapuwa't kami'y mga alagad ni Moises. 29 Nalalaman naming nagsalita ang Dios kay Moises: datapuwa't tungkol sa taong ito, ay hindi namin nalalaman kung taga saan siya. 30 Sumagot ang tao at sa kanila'y sinabi, Narito nga ang kagilagilalas, na hindi ninyo nalalaman kung siya'y taga saan, at gayon ma'y pinadilat niya ang aking mga mata. 31 Nalalaman naming hindi pinakikinggan ng Dios ang mga makasalanan: datapuwa't kung ang sinomang tao'y maging mananamba sa Dios, at ginagawa ang kaniyang kalooban, siya'y pinakikinggan niya. 32 Buhat nang lalangin ang sanglibutan ay hindi narinig kailan man na napadilat ng sinoman ang mga mata ng isang taong ipinanganak na bulag. 33 Kung ang taong ito'y hindi galing sa Dios, ay hindi makagagawa ng anoman. 34 Sila'y nagsisagot at sa kaniya'y sinabi, Ipinanganak kang lubos sa mga kasalanan, at ikaw baga ang nagtuturo sa amin? At siya'y pinalayas nila. 35 Nabalitaan ni Jesus na siya'y pinalayas nila; at pagkasumpong sa kaniya, ay sinabi niya, Sumasampalataya ka baga sa Anak ng Dios? 36 Sumagot siya at sinabi. At sino baga siya, Panginoon, upang ako'y sumampalataya sa kaniya? 37 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Siya'y nakita mo na, at siya nga na nakikipagsalitaan sa iyo. 38 At sinabi niya, Panginoon, sumasampalataya ako. At siya'y sinamba niya. 39 At sinabi ni Jesus, Sa paghatol ay naparito ako sa sanglibutang ito, upang ang mga hindi nakakakita ay mangakakita; at upang ang mga nakakakita, ay maging mga bulag. 40 Yaong mga Fariseo na kasama niya ay nangakarinig ng mga bagay na ito, at sinabi sa kaniya, Kami baga naman ay mga bulag din? 41 Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Kung kayo'y mga bulag, ay hindi kayo magkakaroon ng kasalanan: datapuwa't ngayo'y sinasabi ninyo, Kami'y nangakakakita: nananatili ang inyong kasalanan.
1 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang pumapasok sa hindi pintuan ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang gayon ay tulisan at magnanakaw. 2 Datapuwa't ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastor ng mga tupa. 3 Binubuksan siya ng bantaypinto; at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig: at tinatawag ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan, at sila'y inihahatid sa labas. 4 Pagka nailabas na niya ang lahat ng sariling kaniya, ay pinangungunahan niya sila, at nagsisisunod sa kaniya ang mga tupa: sapagka't nakikilala nila ang kaniyang tinig. 5 At sa iba'y hindi sila magsisisunod, kundi magsisitakas sa kaniya: sapagka't hindi nila nakikilala ang tinig ng mga iba. 6 Sinalita ni Jesus sa kanila ang talinghagang ito: datapuwa't hindi nila napagunawa kung anong mga bagay ang sa kanila'y sinasalita. 7 Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa. 8 Ang lahat ng nangauna sa aking nagsiparito ay mga magnanakaw at mga tulisan: datapuwa't hindi sila dininig ng mga tupa. 9 Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya'y maliligtas, at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan. 10 Hindi pumaparito ang magnanakaw, kundi upang magnakaw, at pumatay, at pumuksa: ako'y naparito upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito. 11 Ako ang mabuting pastor: ibinibigay ng mabuting pastor ang kaniyang buhay dahil sa mga tupa. 12 Ang nagpapaupa, at hindi ang pastor, na hindi may-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo, at pinababayaan ang mga tupa, at tumatakas, at inaagaw sila ng lobo, at pinapangangalat: 13 Siya'y tumatakas sapagka't siya'y upahan, at hindi ipinagmamalasakit ang mga tupa. 14 Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako, 15 Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga tupa. 16 At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor. 17 Dahil dito'y sinisinta ako ng Ama, sapagka't ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli. 18 Sinoma'y hindi nagaalis sa akin nito, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong kumuhang muli. Tinanggap ko ang utos na ito sa aking Ama. 19 At muling nagkaroon ng isang pagbabahabahagi sa gitna ng mga Judio dahil sa mga salitang ito. 20 At sinasabi ng marami sa kanila, Mayroon siyang demonio, at siya'y nauulol; bakit ninyo siya pinakikinggan? 21 Sinasabi ng mga iba, Hindi sa inaalihan ng demonio ang mga sabing ito. Maaari bagang ang demonio ay makapagpadilat ng mga mata ng bulag? 22 At niyao'y kapistahan ng pagtatalaga sa Jerusalem: 23 Noo'y tagginaw; at naglalakad si Jesus sa templo sa portiko ni Salomon. 24 Nilibot nga siya ng mga Judio, at sa kaniya'y sinabi, Hanggang kailan mo pa baga pagaalinlanganin kami? Kung ikaw ang Cristo, ay sabihin mong maliwanag sa amin. 25 Sinagot sila ni Jesus, Sinabi ko sa inyo, at hindi kayo nagsisampalataya: ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama, ay siyang nangagpapatotoo sa akin. 26 Datapuwa't hindi kayo nagsisampalataya, sapagka't hindi kayo sa aking mga tupa. 27 Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa akin: 28 At sila'y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay. 29 Ang aking Ama, na sa kanila ay nagbigay sa akin, ay lalong dakila kay sa lahat; at hindi sila maaagaw ninoman sa kamay ng Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa. 31 Nagsidampot uli ng mga bato ang mga Judio upang siya'y batuhin. 32 Sinagot sila ni Jesus, Maraming mabubuting gawa na mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo; alin sa mga gawang yaon ang ibinabato ninyo sa akin? 33 Sinagot siya ng mga Judio, Hindi dahil sa mabuting gawa ay binabato ka namin, kundi sa pamumusong; at sapagka't ikaw, bagaman ikaw ay tao, ay nagpapakunwari kang Dios. 34 Sinagot sila ni Jesus, Hindi baga nasusulat sa inyong kautusan, Aking sinabi, Kayo'y mga dios? 35 Kung tinawag niyang mga dios, yaong mga dinatnan ng salita ng Dios (at hindi mangyayaring sirain ang kasulatan), 36 Sinasabi baga ninyo tungkol sa kaniya, na pinabanal ng Ama at sinugo sa sanglibutan, Ikaw ay namumusong; sapagka't sinasabi ko, Ako ang anak ng Dios? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag ninyo akong sampalatayanan. 38 Datapuwa't kung ginagawa ko, ang mga yaon kahit hindi kayo magsisampalataya sa akin, ay magsisampalataya kayo sa mga gawa; upang maalaman ninyo at mapagunawa na ang Ama ay nasa akin, at ako'y nasa Ama. 39 Muling pinagsikapan nilang siya'y hulihin: at siya'y tumakas sa kanilang mga kamay. 40 At siya'y muling naparoon sa dako pa roon ng Jordan sa dako nang una'y pinagbautismuhan ni Juan; at siya'y tumira doon. 41 At marami ang mga nagsiparoon sa kaniya; at kanilang sinabi, Katotohanang si Juan ay hindi gumawa ng tanda: nguni't lahat ng mga bagay na sinalita ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo. 42 At marami ang mga nagsisampalataya sa kaniya roon.
1 Isang tao nga na may-sakit, si Lazaro na taga Betania, na nayon ni Maria at ni Marta na kaniyang kapatid. 2 At ito'y yaong si Maria na nagpahid sa Panginoon ng unguento, at kinuskos ang kaniyang mga paa ng kaniyang mga buhok, na ang kaniyang kapatid na si Lazaro ay may-sakit. 3 Nagpasugo nga sa kaniya ang mga kapatid na babae, na nagsasabi, Panginoon, narito, siya na iyong iniibig ay may-sakit. 4 Nguni't pagkarinig ni Jesus nito, ay sinabi niya, Ang sakit na ito'y hindi sa ikamamatay, kundi sa ikaluluwalhati ng Dios, upang ang Anak ng Dios ay luwalhatiin sa pamamagitan niyaon. 5 Iniibig nga ni Jesus si Marta, at ang kaniyang kapatid na babae, at si Lazaro. 6 Nang mabalitaan nga niya na siya'y may-sakit, siya'y tumahang dalawang araw nang panahong yaon sa dating kinaroroonan niya. 7 Saka pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, Tayo nang muli sa Judea. 8 Sinabi sa kaniya ng mga alagad, Rabi, ngayo'y pinagsisikapang batuhin ka ng mga Judio; at muli kang paroroon doon? 9 Sumagot si Jesus, Hindi baga ang araw ay may labingdalawang oras? Kung ang isang tao'y lumalakad samantalang araw, ay hindi siya natitisod, sapagka't nakikita niya ang ilaw ng sanglibutang ito. 10 Nguni't ang isang taong lumalakad samantalang gabi, ay natitisod siya, sapagka't walang ilaw sa kaniya. 11 Ang mga bagay na ito'y sinalita niya: at pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog; nguni't ako'y paroroon, upang gisingin ko siya sa pagkakatulog. 12 Sinabi nga ng mga alagad sa kaniya, Panginoon, kung siya'y natutulog, ay siya'y gagaling. 13 Sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay: datapuwa't sinapantaha nila na ang sinalita ay ang karaniwang pagtulog. 14 Nang magkagayon nga ay sinabi sa kanila ni Jesus ng malinaw, Si Lazaro ay patay. 15 At ikinagagalak ko dahil sa inyo rin na ako'y wala roon, upang kayo'y magsipaniwala; gayon ma'y tayo na sa kaniya. 16 Si Tomas nga, na tinatawag na Didimo, ay nagsabi sa mga kapuwa niya alagad, Tayo'y magsiparoon din naman, upang tayo'y mangamatay na kasama niya. 17 Kaya't nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw na siya'y nalilibing. 18 Ang Betania nga'y malapit sa Jerusalem, na may layong labing-limang estadio; 19 At marami sa mga Judio ang nangakaparoon na kay Marta at kay Maria, upang sila'y aliwin tungkol sa kanilang kapatid. 20 Si Marta nga, nang marinig niyang si Jesus ay dumarating, ay yumaon at sumalubong sa kaniya: nguni't si Maria ay nanatiling nakaupo sa bahay. 21 Sinabi nga ni Marta kay Jesus, Panginoon, kung ikaw sana'y narito, disin ang kapatid ko ay hindi namatay. 22 At ngayon man nama'y nalalaman ko na, anomang hingin mo sa Dios, ay ipagkakaloob sa iyo ng Dios. 23 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magbabangon uli ang iyong kapatid. 24 Si Marta ay nagsabi sa kaniya, Nalalaman ko na siya'y magbabangon uli sa pagkabuhay na maguli sa huling araw. 25 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya; 26 At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man. Sinasampalatayanan mo baga ito? 27 Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon: sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo ang Anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang naparirito sa sanglibutan. 28 At nang masabi na niya ito, ay yumaon siya, at tinawag ng lihim si Maria na kapatid niya, na sinasabi, Ang Guro ay narito, at tinatawag ka. 29 At siya, nang marinig niya ito, ay nagtindig na madali, at pumaroon sa kaniya. 30 (Hindi pa nga dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa dakong kinasalubungan sa kaniya ni Marta.) 31 Ang mga Judio nga na kaniyang mga kasama sa bahay, at nangagsisialiw sa kaniya, pagkakita nilang si Maria, na siya'y nagtindig na madali at lumabas, ay nagsisunod sa kaniya, na inaakalang paroroon siya sa libingan upang doo'y tumangis. 32 Si Maria nga, pagdating niya sa kinaroroonan ni Jesus, at pagkakita sa kaniya, ay nagpatirapa sa kaniyang paanan, na sinabi sa kaniya, Panginoon, kung ikaw sana'y narito, disin ay hindi namatay ang aking kapatid. 33 Nang makita nga ni Jesus na siya'y tumatangis, at gayon din ang mga Judiong nagsisitangis na kasama niyang dumating, ay nalagim siya sa espiritu, at nagulumihanan, 34 At sinabi, Saan ninyo siya inilagay? Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, halika at tingnan mo. 35 Tumangis si Jesus. 36 Sinabi nga ng mga Judio, Tingnan ninyo kung gaano ang pagibig niya sa kaniya! 37 Datapuwa't ang ilan sa kanila'y nagsipagsabi, Hindi baga magagawa ng taong ito, na nagpadilat ng mga mata ng bulag, na ang taong ito naman ay huwag mamatay? 38 Si Jesus nga sa muling pagkalagim sa kaniyang sarili ay naparoon sa libingan. Yaon nga'y isang yungib, at mayroong isang batong nakatakip sa ibabaw noon. 39 Sinabi ni Jesus, Alisin ninyo ang bato. Si Marta, na kapatid niyaong namatay, ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, sa ngayon ay nabubulok na ang bangkay sapagka't may apat na araw nang siya'y namamatay. 40 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Di baga sinabi ko sa iyo, na, kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Dios? 41 Kaya't inalis nila ang bato. At itiningin ni Jesus sa itaas ang kaniyang mga mata, at sinabi, Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, na ako'y iyong dininig. 42 At nalalaman ko na ako'y lagi mong dinirinig: nguni't ito'y sinabi ko dahil sa karamihang nasa palibot, upang sila'y magsisampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. 43 At nang masabi niya ang gayon, ay sumigaw siya ng malakas na tinig, Lazaro, lumabas ka. 44 Siya na patay ay lumabas, na natatalian ang mga kamay at mga paa ng mga kayong panglibing; at ang kaniyang mukha ay nababalot ng isang panyo. Sinabi sa kanila ni Jesus, Siya'y inyong kalagan, at bayaan ninyo siyang yumaon. 45 Marami nga sa mga Judio ang nagsiparoon kay Maria at nangakakita ng ginawa niya, ay nagsisampalataya sa kaniya. 46 Datapuwa't ang ilan sa kanila ay nagsiparoon sa mga Fariseo, at sinaysay sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus. 47 Ang mga pangulong saserdote nga at ang mga Fariseo ay nangagpulong, at nagsipagsabi, Ano ang ginagawa natin? sapagka't ang taong ito'y gumagawa ng maraming tanda. 48 Kung siya'y ating pabayaang gayon, ang lahat ng mga tao ay magsisisampalataya sa kaniya: at magsisiparito ang mga Romano at pagkukunin ang ating kinaroroonan at gayon din naman ang ating bansa. 49 Nguni't ang isa sa kanila na si Caifas, na dakilang saserdote nang taong yaon, ay nagsabi sa kanila, Kayo'y walang nalalamang anoman. 50 Ni inyong niwawari na sa inyo'y nararapat na ang isang tao ay mamatay dahil sa bayan, at hindi ang buong bansa ay mapahamak. 51 Ito nga'y sinabi niya na hindi sa kaniyang sarili: kundi palibhasa ay dakilang saserdote nang taong yaon, ay hinulaan niya na si Jesus ay dapat mamatay dahil sa bansa; 52 At hindi dahil sa bansa lamang, kundi upang matipon din naman niya sa isa ang mga anak ng Dios na nagsisipangalat. 53 Kaya't mula nang araw na yaon ay pinagsanggunianan nilang ipapatay siya. 54 Si Jesus ay hindi na naglalakad ng hayag sa gitna ng mga Judio, kundi naparoon doon sa lupaing malapit sa ilang, sa isang bayan na tinatawag na Efraim; at siya'y nanahanan doong kasama ng mga alagad. 55 Ang paskua nga ng mga Judio ay malapit na: at maraming nagsiahon sa Jerusalem mula sa lupaing yaon bago magpaskua, upang magsipaglinis. 56 Pinaghahanap nga nila si Jesus, at pinaguusapan ng isa't isa, samantalang nangakatayo sila sa templo, Anong akala ninyo? Na hindi na kaya siya paririto sa pista? 57 Ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo nga ay nangagutos, na, kung ang sinomang tao'y nakakaalam ng kung saan siya naroroon, ay dapat niyang ihayag, upang kanilang madakip siya.
1 Anim na araw nga bago magpaskua ay naparoon si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro, na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay. 2 Kaya't iginawa siya doon ng isang hapunan: at si Marta ay naglilingkod; datapuwa't si Lazaro ay isa sa nangakaupo sa pagkain na kasalo niya. 3 Si Maria nga'y kumuha ng isang libra ng unguentong taganas na nardo, na totoong mahalaga, at pinahiran ang mga paa ni Jesus, at kinuskos ang kaniyang mga paa ng kaniyang mga buhok: at ang bahay ay napuno ng amoy ng unguento. 4 Datapuwa't si Judas Iscariote, na isa sa kaniyang mga alagad, na sa kaniya'y magkakanulo, ay nagsabi, 5 Bakit hindi ipinagbili ang unguentong ito ng tatlong daang denario, at ibigay sa mga dukha? 6 Ito'y sinabi nga niya, hindi sapagka't ipinagmalasakit niya ang mga dukha; kundi sapagka't siya'y magnanakaw, at yamang nasa kaniya ang supot ay kinukuha niya ang doon ay inilalagay. 7 Sinabi nga ni Jesus, Pabayaan ninyong ilaan niya ito ukol sa araw ng paglilibing sa akin. 8 Sapagka't ang mga dukha ay laging nasa inyo; nguni't ako'y hindi laging nasa inyo. 9 Ang karaniwang mga tao nga sa mga Judio ay naalaman na siya'y naroroon: at sila'y nagsiparoon, hindi dahil kay Jesus lamang, kundi upang makita nila si Lazaro naman, na muling ibinangon niya mula sa mga patay. 10 Datapuwa't nangagsanggunian ang mga pangulong saserdote upang kanilang maipapatay pati si Lazaro; 11 Sapagka't dahil sa kaniya'y marami sa mga Judio ang nagsisialis at nagsisipanampalataya kay Jesus. 12 Nang kinabukasan ang isang malaking karamihan na nagsiparoon sa pista, pagkabalita nila na si Jesus ay dumarating sa Jerusalem, 13 Ay nagsikuha ng mga palapa ng mga puno ng palma, at nagsilabas na sumalubong sa kaniya, na nagsisigawan, Hosanna: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang Hari ng Israel. 14 At si Jesus, pagkasumpong sa isang batang asno, ay sumakay doon, gaya ng nasusulat, 15 Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion: narito, ang iyong Hari ay pumaparito, na nakasakay sa isang anak ng asno. 16 Ang mga bagay na ito ay hindi napagunawa ng kaniyang mga alagad sa pasimula: nguni't nang si Jesus ay maluwalhati na, ay saka nila naalaala na ang mga bagay na ito ay sinulat tungkol sa kaniya, at kanilang ginawa ang mga bagay na ito sa kaniya. 17 Ang karamihan ngang kasama niya nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan, at siya'y ibangon sa mga patay, ay siyang nangagpapatotoo. 18 Dahil dito rin naman ang karamihan ay nagsiyaon at sumalubong sa kaniya, sapagka't nabalitaan nila na siyang gumawa ng tandang ito. 19 Ang mga Fariseo nga'y nangagsangusapan, Tingnan ninyo kung paanong kayo'y walang anomang ikapanaig; narito, ang sanglibutan ay sumusunod sa kaniya. 20 Mayroon ngang ilang Griego sa nagsiahon sa kapistahan upang magsisamba: 21 Ang mga ito nga'y nagsilapit kay Felipe, na taga Betsaida ng Galilea, at nagsipamanhik sa kaniya, na sinasabi, Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus. 22 Lumapit si Felipe at sinabi kay Andres: lumapit si Andres, at si Felipe, at kanilang sinabi kay Jesus. 23 At sinagot sila ni Jesus, na nagsasabi, Dumating na ang oras, na ang Anak ng tao ay luluwalhatiin. 24 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ay natitira siyang magiisa; nguni't kung mamatay, ay nagbubunga ng marami. 25 Ang umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang napopoot sa kaniyang buhay sa sanglibutang ito ay maiingatan yaon sa buhay na walang hanggan. 26 Kung ang sinomang tao'y naglilingkod sa akin, ay sumunod sa akin; at kung saan ako naroroon, ay doon naman doroon ang lingkod ko: kung ang sinomang tao'y maglingkod sa akin, ay siya'y pararangalan ng Ama. 27 Ngayon ay nagugulumihanan ang aking kaluluwa; at ano ang aking sasabihin? Ama, iligtas mo ako sa oras na ito. Nguni't dahil dito ay naparito ako sa oras na ito. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan. Dumating nga ang isang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin. 29 Ang karamihan ngang nangaroroon, at nangakarinig, ay nagsipagsabing kumulog: sinabi ng mga iba, Isang anghel ang nakipagusap sa kaniya. 30 Sumagot si Jesus at sinabi, Ang tinig na ito'y hindi dumating dahil sa akin, kundi dahil sa inyo. 31 Ngayon ang paghatol sa sanglibutang ito: ngayon ang prinsipe ng sanglibutang ito ay palalayasin. 32 At ako, kung ako'y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin ko sa akin din. 33 Datapuwa't ito'y sinabi niya, na ipinaaalam kung sa anong kamatayan ang ikamamatay niya. 34 Sinagot nga siya ng karamihan, Aming narinig sa kautusan na ang Cristo ay lumalagi magpakailan man: at paanong sinasabi mo, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay mataas? sino ang Anak ng taong ito? 35 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Kaunting panahon na lamang sasagitna ninyo ang ilaw. Kayo'y magsilakad samantalang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng kadiliman: at ang lumalakad sa kadiliman ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo. 36 Samantalang nasa inyo ang ilaw, ay magsisampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw. Ang mga bagay na ito'y sinalita ni Jesus, at siya'y umalis at nagtago sa kanila. 37 Nguni't bagaman gumawa siya sa harap nila ng gayon maraming mga tanda, gayon ma'y hindi sila nagsisampalataya sa kaniya: 38 Upang maganap ang salita ng propeta Isaias, na kaniyang sinalita, Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita? At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon? 39 Dahil dito'y hindi sila makapaniwala, sapagka't muling sinabi ni Isaias, 40 Binulag niya ang kanilang mga mata, at pinatigas niya ang kanilang mga puso; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, at mangakaunawa ng kanilang puso At mangagbalik-loob, At sila'y mapagaling ko. 41 Ang mga bagay na ito'y sinabi ni Isaias, sapagka't nakita niya ang kaniyang kaluwalhatian; at siya'y nagsalita ng tungkol sa kaniya. 42 Gayon man maging sa mga pinuno ay maraming nagsisampalataya sa kaniya; datapuwa't dahil sa mga Fariseo ay hindi nila ipinahayag, baka sila'y mapalayas sa sinagoga: 43 Sapagka't iniibig nila ng higit ang kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios. 44 At si Jesus ay sumigaw at nagsabi, Ang sumasampalataya sa akin, ay hindi sa akin sumasampalataya, kundi doon sa nagsugo sa akin. 45 At ang nakakita sa akin, ay nakakita doon sa nagsugo sa akin. 46 Ako'y naparito na isang ilaw sa sanglibutan, upang ang sinomang sumampalataya sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. 47 At kung ang sinomang tao'y nakikinig sa aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi ko siya hinahatulan: sapagka't hindi ako naparito upang humatol sa sanglibutan, kundi upang iligtas ang sanglibutan. 48 Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya'y hahatol sa huling araw. 49 Sapagka't ako'y hindi nagsasalita na mula sa aking sarili; kundi ang Ama na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong salitain. 50 At nalalaman ko na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng Ama, gayon ko sinasalita.
1 Bago nga magpista ng paskua, sa pagkaalam ni Jesus na dumating na ang kaniyang oras ng paglipat niya mula sa sanglibutang ito hanggang sa Ama, sa pagkaibig sa mga kaniya na nangasa sanglibutan, ay inibig niya sila hanggang sa katapusan. 2 At habang humahapon, nang mailagay na ng diablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, ang pagkakanulo sa kaniya. 3 Si Jesus, sa pagkatalastas na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kaniyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Dios, at sa Dios din paroroon, 4 Ay nagtindig sa paghapon, at itinabi ang kaniyang mga damit; at siya'y kumuha ng isang toalya, at ibinigkis sa kaniyang sarili. 5 Nang magkagayo'y nagsalin ng tubig sa kamaw, at pinasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at kinuskos ng toalya na sa kaniya'y nakabigkis. 6 Sa gayo'y lumapit siya kay Simon Pedro. Sinabi niya sa kaniya, Panginoon, huhugasan mo baga ang aking mga paa? 7 Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Ang ginagawa ko'y hindi mo nalalaman ngayon; datapuwa't mauunawa mo pagkatapos. 8 Sinabi sa kaniya ni Pedro, Huwag mong huhugasan ang aking mga paa kailan man. Sinagot siya ni Jesus, Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin. 9 Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ng aking mga kamay at ang aking ulo. 10 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ang napaliguan na ay walang kailangang hugasan maliban ang kaniyang mga paa, sapagka't malinis nang lubos: at kayo'y malilinis na, nguni't hindi ang lahat. 11 Sapagka't nalalaman niya ang sa kaniya'y magkakanulo; kaya't sinabi niya, Hindi kayong lahat ay malilinis. 12 Kaya't nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kaniyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, Nalalaman baga ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro, at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi; sapagka't ako nga. 14 Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa't isa. 15 Sapagka't kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo. 16 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang alipin ay hindi dakila kay sa kaniyang panginoon; ni ang sinugo man ay dakila kay sa nagsugo sa kaniya. 17 Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay mapapalad kung inyong mga gawin. 18 Hindi ko sinasalita tungkol sa inyong lahat: nalalaman ko ang aking mga hinirang: nguni't upang matupad ang kasulatan, Ang kumakain ng aking tinapay ay nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin. 19 Mula ngayon ay sinasalita ko sa inyo bago mangyari, upang, pagka nangyari, kayo'y magsisampalataya na ako nga. 20 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang tumatanggap sa sinoman sinusugo ko ay ako ang tinatanggap; at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin. 21 Nang masabing gayon ni Jesus, siya'y nagulumihanan sa espiritu, at pinatotohanan, at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo. 22 Ang mga alagad ay nangagtingintinginan, na nangagaalinlangan kung kanino niya sinasalita. 23 Sa dulang ay may isa sa kaniyang mga alagad, na minamahal ni Jesus na nakahilig sa sinapupunan ni Jesus. 24 Hinudyatan nga siya ni Simon Pedro, at sinabi sa kaniya, Sabihin mo sa amin kung sino ang sinasalita niya. 25 Ang nakahilig nga sa dibdib ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, sino yaon? 26 Sumagot nga si Jesus, Yaong aking ipagsawsaw at bigyan ng tinapay ay siya nga. Kaya't nang maisawsaw niya ang tinapay, ay kinuha niya at ibinigay niya kay Judas, na anak ni Simon Iscariote. 27 At pagkatapos na maisubo, si Satanas nga ay pumasok sa kaniya. Sinabi nga sa kaniya ni Jesus, Ang ginagawa mo, ay gawin mong madali. 28 Hindi nga natalastas ng sinomang nasa dulang kung sa anong kadahilanan sinalita niya ito. 29 Sapagka't iniisip ng ilan, na sapagka't si Judas ang may tangan ng supot, ay sinabi ni Jesus sa kaniya, Bumili ka ng mga bagay na ating kailangan sa pista; o, magbigay siya ng anoman sa mga dukha. 30 Nang kaniya ngang matanggap ang subo ay umalis agad: at noo'y gabi na. 31 Nang siya nga'y makalabas na, ay sinabi ni Jesus, Ngayon ay niluluwalhati ang Anak ng tao, at ang Dios ay niluluwalhati sa kaniya: 32 At luluwalhatiin siya ng Dios sa kaniyang sarili, at pagdaka'y luluwalhatiin siya niya. 33 Maliliit na anak, sumasa inyo pa ako ng kaunting panahon. Ako'y inyong hahanapin: at gaya ng sinabi ko sa mga Judio, Sa paroroonan ko, ay hindi kayo mangakaparoon: gayon ang sinasabi ko sa inyo ngayon. 34 Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa. 35 Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa. 36 Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, Panginoon, saan ka paroroon? Sumagot si Jesus, Sa paroroonan ko, ay hindi ka makasusunod sa akin ngayon: nguni't pagkatapos ay makasusunod ka. 37 Sinabi sa kaniya ni Pedro, Panginoon, bakit hindi ako makasusunod sa iyo ngayon? Ang aking buhay ay ibibigay ko dahil sa inyo. 38 Sumagot si Jesus. Ang buhay mo baga'y iyong ibibigay dahil sa akin? Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Hindi titilaok ang manok, hanggang ikaila mo akong makaitlo.
1 Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsisampalataya kayo sa Dios, magsisampalataya naman kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo; sapagka't ako'y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan. 3 At kung ako'y pumaroon at kayo'y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon. 4 At kung saan ako paroroon, ay nalalaman ninyo ang daan. 5 Sinabi sa kaniya ni Tomas, Panginoon, hindi namin nalalaman kung saan ka paroroon; paano ngang malalaman namin ang daan? 6 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung ako'y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya'y inyong mangakikilala, at siya'y inyong nakita. 8 Sinabi sa kaniya ni Felipe, Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at sukat na ito sa amin. 9 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong ako'y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama? 10 Hindi ka baga nananampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. 11 Magsisampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin: o kungdi kaya'y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin. 12 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sa akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya; sapagka't ako'y paroroon sa Ama. 13 At ang anomang inyong hingin sa aking pangalan, ay yaon ang aking gagawin, upang ang Ama ay lumuwalhati sa Anak. 14 Kung kayo'y magsisihingi ng anoman sa pangalan ko, ay yaon ang aking gagawin. 15 Kung ako'y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos. 16 At ako'y dadalangin sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man, 17 Sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan: na hindi matatanggap ng sanglibutan; sapagka't hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya'y nakikilala ninyo; sapagka't siya'y tumatahan sa inyo, at sasa inyo. 18 Hindi ko kayo iiwang magisa: ako'y paririto sa inyo. 19 Kaunti pang panahon, at hindi na ako makikita ng sanglibutan; nguni't inyong makikita ako: sapagka't ako'y nabubuhay, ay mangabubuhay rin naman kayo. 20 Sa araw na yao'y makikilala ninyong ako'y nasa aking Ama, at kayo'y nasa akin, at ako'y nasa inyo. 21 Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin: at ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at siya'y iibigin ko, at ako'y magpapakahayag sa kaniya. 22 Si Judas (hindi ang Iscariote) ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, ano't mangyayari na sa amin ka magpapakahayag, at hindi sa sanglibutan? 23 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Kung ang sinoman ay umiibig sa akin, ay kaniyang tutuparin ang aking salita: at siya'y iibigin ng aking Ama, at kami'y pasasa kaniya, at siya'y gagawin naming aming tahanan. 24 Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita: at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin. 25 Ang mga bagay na ito'y sinalita ko sa inyo, samantalang ako'y tumatahang kasama pa ninyo. 26 Datapuwa't ang Mangaaliw, sa makatuwid baga'y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo'y aking sinabi. 27 Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man. 28 Narinig ninyo kung paanong sinabi ko sa inyo, Papanaw ako, at paririto ako sa inyo. Kung ako'y inyong iniibig, kayo'y mangagagalak, dahil sa ako'y pasasa Ama: sapagka't ang Ama ay lalong dakila kay sa akin. 29 At ngayon ay sinabi ko sa inyo bago mangyari, upang, kung ito'y mangyari, ay magsisampalataya kayo. 30 Hindi na ako magsasalita pa ng marami sa inyo, sapagka't dumarating ang prinsipe ng sanglibutan: at siya'y walang anoman sa akin; 31 Datapuwa't upang maalaman ng sanglibutan na ako'y umiibig sa Ama, at ayon sa kautusang ibinigay sa akin ng Ama, ay gayon din ang aking ginagawa. Magsitindig kayo, at magsialis tayo rito.
1 Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang magsasaka. 2 Ang bawa't sanga na sa akin ay hindi nagbubunga, ay inaalis niya: at ang bawa't sanga na nagbubunga ay nililinis niya, upang lalong magbunga. 3 Kayo'y malilinis na sa pamamagitan ng salita na sa inyo'y aking sinalita. 4 Kayo'y manatili sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo'y manatili sa akin. 5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako'y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka't kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. 6 Kung ang sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya'y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog. 7 Kung kayo'y magsipanatili sa akin, at ang mga salita ko'y magsipanatili sa inyo, ay hingin ninyo ang anomang inyong ibigin, at gagawin sa inyo. 8 Sa ganito'y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo'y magsipagbunga ng marami; at gayon kayo'y magiging aking mga alagad. 9 Kung paanong inibig ako ng Ama, ay gayon din naman iniibig ko kayo: magsipanatili kayo sa aking pagibig. 10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay magsisipanahan kayo sa aking pagibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako'y nananatili sa kaniyang pagibig. 11 Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang ang aking kagalakan ay mapasa inyo, at upang ang inyong kagalakan ay malubos. 12 Ito ang aking utos, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo. 13 Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan. 14 Kayo'y aking mga kaibigan, kung gawin ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo. 15 Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin; sapagka't hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon: nguni't tinatawag ko kayong mga kaibigan; sapagka't ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay mga ipinakilala ko sa inyo. 16 Ako'y hindi ninyo hinirang, nguni't kayo'y hinirang ko, at aking kayong inihalal, upang kayo'y magsiyaon at magsipagbunga, at upang manatili ang inyong bunga: upang ang anomang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan, ay maibigay niya sa inyo. 17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, upang kayo'y mangagibigan sa isa't isa. 18 Kung kayo'y kinapopootan ng sanglibutan, ay inyong talastas na ako muna ang kinapootan bago kayo. 19 Kung kayo'y taga sanglibutan, ay iibigin ng sanglibutan ang kaniyang sarili: nguni't sapagka't kayo'y hindi taga sanglibutan, kundi kayo'y hinirang ko sa sanglibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanglibutan. 20 Alalahanin ninyo ang salitang sa inyo'y aking sinabi, Ang alipin ay hindi dakila kay sa kaniyang panginoon. Kung ako'y kanilang pinagusig, kayo man ay kanilang paguusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din. 21 Datapuwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagka't hindi nila nakikilala ang sa akin ay nagsugo. 22 Kung hindi sana ako naparito at nagsalita sa kanila, ay hindi sila magkakaroon ng kasalanan: datapuwa't ngayo'y wala na silang madadahilan sa kanilang kasalanan. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din naman sa aking Ama. 24 Kung ako sana'y hindi gumawa sa gitna nila ng mga gawang hindi ginawa ng sinomang iba, ay hindi sana sila nangagkaroon ng kasalanan: datapuwa't ngayon ay kanilang nangakita at kinapootan nila ako at ang aking Ama. 25 Nguni't nangyari ito, upang matupad ang salitang nasusulat sa kanilang kautusan, Ako'y kinapootan nila na walang kadahilanan. 26 Datapuwa't pagparito ng Mangaaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan, na nagbubuhat sa Ama, ay siyang magpapatotoo sa akin: 27 At kayo naman ay magpapatotoo, sapagka't kayo'y nangakasama ko buhat pa nang una.
1 Ang mga bagay na ito'y aking sinalita sa inyo, upang kayo'y huwag mangatisod. 2 Kayo'y palalayasin nila sa mga sinagoga: oo, dumarating ang oras, na ang sinomang pumatay sa inyo ay aakalaing naghahandog siya ng paglilingkod sa Dios. 3 At ang mga bagay na ito'y gagawin nila, sapagka't hindi nila nakikilala ang Ama, ni ako man. 4 Datapuwa't ang mga bagay na ito'y sinalita ko sa inyo, upang kung dumating ang kanilang oras, ay inyong mangaalaala, kung paanong sinabi ko sa inyo. At ang mga bagay na ito'y hindi ko sinabi sa inyo buhat pa nang una, sapagka't ako'y sumasa inyo. 5 Datapuwa't ngayong ako'y paroroon sa nagsugo sa akin; at sinoman sa inyo ay walang nagtatanong sa akin, Saan ka paroroon? 6 Nguni't sapagka't sinalita ko ang mga bagay na ito sa inyo, ay napuno ng kalumbayan ang inyong puso. 7 Gayon ma'y sinasalita ko sa inyo ang katotohanan: Nararapat sa inyo na ako'y yumaon; sapagka't kung hindi ako yayaon, ang Mangaaliw ay hindi paririto sa inyo; nguni't kung ako'y yumaon, siya'y susuguin ko sa inyo. 8 At siya, pagparito niya, ay kaniyang susumbatan ang sanglibutan tungkol sa kasalanan, at sa katuwiran, at sa paghatol: 9 Tungkol sa kasalanan, sapagka't hindi sila nagsisampalataya sa akin; 10 Tungkol sa katuwiran, sapagka't ako'y paroroon sa Ama, at hindi na ninyo ako makikita; 11 Tungkol sa paghatol, sapagka't ang prinsipe ng sanglibutang ito ay hinatulan na. 12 Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni't ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. 13 Gayon ma'y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka't hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating. 14 Luluwalhatiin niya ako: sapagka't kukuha siya sa nasa akin, at sa inyo'y ipahahayag. 15 Ang lahat ng mga bagay na nasa Ama ay akin: kaya sinabi ko, na siya'y kukuha sa nasa akin, at sa inyo'y ipahahayag. 16 Sangdali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita; at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita. 17 Ang ilan sa kaniyang mga alagad nga ay nangagsangusapan, Ano itong sinasabi niya sa atin, Sangdali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita; at muling sangdali pa, at ako'y inyong makikita: at, Sapagka't ako'y paroroon sa Ama? 18 Sinabi nga nila, Ano nga itong sinasabi niya, Sangdali na lamang? Hindi namin nalalaman kung ano ang sinasabi niya. 19 Natalastas ni Jesus na sa kaniya'y ibig nilang itanong, at sa kanila'y sinabi niya, Nangagtatanungan kayo tungkol dito sa aking sinabi, Sangdali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sangdali pa, at ako'y inyong makikita? 20 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayo'y magsisiiyak at magsisipanaghoy, datapuwa't ang sanglibutan ay magagalak: kayo'y mangalulumbay, datapuwa't ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan. 21 Ang babae pagka nanganganak ay nalulumbay, sapagka't dumating ang kaniyang oras: nguni't pagkapanganak niya sa sanggol, ay hindi na niya naalaala ang hirap dahil sa kagalakan sa pagkapanganak sa isang tao sa sanglibutan. 22 At kayo nga sa ngayon ay may kalumbayan: nguni't muli ko kayong makikita, at magagalak ang inyong puso, at walang makapagaalis sa inyo ng inyong kagalakan. 23 At sa araw na yaon ay hindi kayo magtatanong sa akin ng anomang tanong. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo'y hihingi ng anoman sa Ama, ay ibibigay niya sa inyo sa aking pangalan. 24 Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihinging anoman sa pangalan ko: kayo'y magsihingi, at kayo'y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan. 25 Sinalita ko sa inyo ang mga bagay na ito sa malalabong pananalita: darating ang oras, na hindi ko na kayo pagsasalitaan sa malalabong pananalita, kundi maliwanag na sa inyo'y sasaysayin ko ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na yao'y magsisihingi kayo sa aking pangalan: at sa inyo'y hindi ko sinasabi, na kayo'y idadalangin ko sa Ama; 27 Sapagka't ang Ama rin ang umiibig sa inyo, sapagka't ako'y inyong inibig, at kayo'y nagsisampalataya na ako'y nagbuhat sa Ama. 28 Nagbuhat ako sa Ama, at naparito ako sa sanglibutan: muling iniiwan ko ang sanglibutan, at ako'y paroroon sa Ama. 29 Sinasabi ng kaniyang mga alagad, Narito, ngayo'y nagsasalita kang malinaw, at wala kang sinasalitang anomang malabong pananalita. 30 Ngayon ay nakikilala namin na nalalaman mo ang lahat ng mga bagay, at hindi nangangailangan na tanungin ka ng sinoman: dahil dito'y nagsisisampalataya kami na ikaw ay nagbuhat sa Dios. 31 Sinagot sila ni Jesus, Ngayon baga'y nagsisisampalataya kayo? 32 Narito, ang oras ay dumarating, oo, dumating na, na kayo'y mangangalat, ang bawa't tao sa kanikaniyang sarili, at ako'y iiwan ninyong magisa: at gayon ma'y hindi ako nagiisa, sapagka't ang Ama ay sumasa akin. 33 Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo'y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni't laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.
1 Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak: 2 Gaya ng ibinigay mo sa kaniya ang kapamahalaan sa lahat ng laman, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kaniya. 3 At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo. 4 Niluwalhati kita sa lupa, pagkaganap ko ng gawa na ipinagawa mo sa akin. 5 At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyo rin ng kaluwalhatiang aking tinamo sa iyo bago ang sanglibutan ay naging gayon. 6 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: sila'y iyo, at sila'y ibinigay mo sa akin; at tinupad nila ang iyong salita. 7 Ngayon ay nangakilala nila na ang lahat ng mga bagay na sa akin ay ibinigay mo ay mula sa iyo: 8 Sapagka't ang mga salitang sa akin ay ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; at kanilang tinanggap, at nangakilala nilang tunay na nagbuhat ako sa iyo, at nagsipaniwalang ikaw ang nagsugo sa akin. 9 Idinadalangin ko sila: hindi ang sanglibutan ang idinadalangin ko, kundi yaong mga sa akin ay ibinigay mo; sapagka't sila'y iyo: 10 At ang lahat ng mga bagay ay iyo, at ang mga iyo ay akin: at ako'y lumuluwalhati sa kanila. 11 At wala na ako sa sanglibutan, at ang mga ito ay nasa sanglibutan, at ako'y paririyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin. 12 Samantalang ako'y sumasa kanila, ay iningatan ko sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin: at sila'y binantayan ko, at isa man sa kanila'y walang napahamak, kundi ang anak ng kapahamakan; upang matupad ang kasulatan. 13 Nguni't ngayon ay napaririyan ako sa iyo; at sinasalita ko ang mga bagay na ito sa sanglibutan, upang sila'y mangagtamo ng aking kagalakang ganap sa kanila rin. 14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita: at kinapootan sila ng sanglibutan, sapagka't hindi sila taga sanglibutan, gaya ko naman na hindi taga sanglibutan. 15 Hindi ko idinadalangin na alisin mo sila sa sanglibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama. 16 Hindi sila taga sanglibutan, na gaya ko naman na hindi taga sanglibutan. 17 Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan. 18 Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanglibutan, sila'y gayon ding sinusugo ko sa sanglibutan. 19 At dahil sa kanila'y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay mangagpakabanal sa katotohanan. 20 Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita; 21 Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako'y sa iyo, na sila nama'y suma atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo. 22 At ang kaluwalhatiang sa aki'y ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa; 23 Ako'y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila'y malubos sa pagkakaisa; upang makilala ng sanglibutan na ikaw ang sa akin ay nagsugo, at sila'y iyong inibig, na gaya ko na inibig mo. 24 Ama, yaong mga ibinigay mo sa akin ay ibig ko kung saan ako naroroon, sila naman ay dumoong kasama ko, upang makita nila ang kaluwalhatian ko, na ibinigay mo sa akin: sapagka't ako'y iyong inibig bago natatag ang sanglibutan. 25 Oh Amang banal, hindi ka nakikilala ng sanglibutan, nguni't nakikilala kita; at nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin; 26 At ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan, at ipakikilala ko; upang ang pagibig na sa akin ay iniibig mo ay mapasa kanila, at ako'y sa kanila.
1 Nang masalita ni Jesus ang mga salitang ito, siya'y umalis na kasama ng kaniyang mga alagad na nagsitawid ng batis ng Cedron, na doo'y may isang halamanan, na pinasok niya at ng kaniyang mga alagad. 2 Si Judas nga rin naman, na sa kaniya'y nagkanulo, ay nalalaman ang dako: sapagka't madalas na si Jesus ay nakikipagkatipon sa kaniyang mga alagad doon. 3 Si Judas nga, pagkatanggap ng pulutong ng mga kawal, at mga punong kawal na mula sa mga pangulong saserdote at mga Fariseo, ay nagsiparoon na may mga ilawan at mga sulo at mga sandata. 4 Si Jesus nga, na nakatataho ng lahat ng mga bagay na sasapit sa kaniya, ay lumabas, at sa kanila'y sinabi, Sino ang inyong hinahanap? 5 Sinagot niya sila, Si Jesus na taga Nazaret. Sinabi sa kanila ni Jesus, Ako nga. At si Judas din naman, na sa kaniya'y nagkanulo, ay nakatayong kasama nila. 6 Pagkasabi nga niya sa kanila, Ako nga, ay nagsiurong sila, at nangalugmok sa lupa. 7 Muli ngang sila'y tinanong niya, Sino ang inyong hinahanap? At sinabi nila, Si Jesus na taga Nazaret. 8 Sumagot si Jesus, Sinabi ko sa inyo na ako nga; kung ako nga ang inyong hinahanap, ay pabayaan ninyo ang mga ito na magsiyaon sa kanilang lakad. 9 Upang matupad ang salitang sinalita niya, Sa mga ibinigay mo sa akin ay hindi ko iniwala kahit isa. 10 Si Simon Pedro nga na may tabak ay nagbunot nito, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinagpas ang kaniyang kanang tainga. Ang pangalan ng aliping yaon ay Malco. 11 Sinabi nga ni Jesus kay Pedro, Isalong mo ang iyong tabak: ang sarong sa akin ay ibinigay ng Ama, ay hindi ko baga iinuman? 12 Kaya dinakip si Jesus ng pulutong at ng pangulong kapitan, at ng mga punong kawal ng mga Judio, at siya'y ginapos. 13 At siya'y dinala muna kay Anas; sapagka't siya'y biyenan ni Caifas, na dakilang saserdote nang taong yaon. 14 Si Caifas nga na siyang nagpayo sa mga Judio, na dapat na ang isang tao'y mamatay dahil sa bayan. 15 At sumunod si Simon Pedro kay Jesus, at gayon din ang isa pang alagad. Ang alagad ngang yaon ay kilala ng dakilang saserdote, at pumasok na kasama ni Jesus sa looban ng dakilang saserdote; 16 Nguni't si Pedro ay nakatayo sa pintuan sa labas. Kaya't ang isang alagad, na kilala ng dakilang saserdote ay lumabas at kinausap ang babaing tanod-pinto, at ipinasok si Pedro. 17 Sinabi nga kay Pedro ng dalagang tanod-pinto, Pati baga ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito? Sinabi niya, Ako'y hindi. 18 Nangakatayo nga doon ang mga alipin at ang mga punong kawal, na nangagpapaningas ng sigang uling; sapagka't maginaw; at sila'y nangagpapainit: at si Pedro rin naman ay kasama nila, na nakatayo at nagpapainit. 19 Tinanong nga ng dakilang saserdote si Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad, at sa kaniyang pagtuturo. 20 Sinagot siya ni Jesus, Ako'y hayag na nagsalita sa sanglibutan; ako'y laging nagtuturo sa mga sinagoga, at sa templo, na siyang pinagkakatipunan ng lahat ng mga Judio; at wala akong sinalita sa lihim. 21 Bakit ako'y iyong tinatanong? tanungin mo silang nangakarinig sa akin, kung anong sinalita ko sa kanila: narito, ang mga ito ang nangakakaalam ng mga bagay na sinabi ko. 22 At nang kaniyang masabi ito, ay sinampal si Jesus ng isa sa mga punong kawal na nakatayo roon, na nagsasabi, Ganyan ang pagsagot mo sa dakilang saserdote? 23 Sinagot siya ni Jesus, Kung ako'y nagsalita ng masama, patotohanan mo ang kasamaan; datapuwa't kung mabuti, bakit mo ako sinasampal? 24 Ipinadala nga siyang gapos ni Anas kay Caifas na dakilang saserdote. 25 Nakatayo nga si Pedro na nagpapainit. Sinabi nga nila sa kaniya, Ikaw baga ay isa rin naman sa kaniyang mga alagad? Siya'y kumaila, at sinabi, Ako'y hindi. 26 Ang isa sa mga alipin ng dakilang saserdote, na kamaganak niyaong tinagpas ni Pedro ang tainga, ay nagsabi, Hindi baga ikaw ay nakita kong kasama niya sa halamanan? 27 Muli ngang kumaila si Pedro: at pagdaka'y tumilaok ang manok. 28 Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas hanggang sa Pretorio: at niyao'y maaga pa; at sila'y hindi nagsipasok sa Pretorio, upang huwag silang madungisan, upang sila'y mangyaring makakain ng kordero ng paskua. 29 Nilabas nga sila ni Pilato, at sinabi, Anong sakdal ang dala ninyo laban sa taong ito? 30 Sila'y nagsisagot at sinabi sa kaniya, Kung ang taong ito'y hindi manggagawa ng masama, ay hindi sana namin dinala sa iyo. 31 Sa kanila nga'y sinabi ni Pilato, Kunin ninyo siya, at siya'y inyong hatulan ayon sa inyong kautusan. Ang mga Judio'y nangagsabi sa kaniya, Sa amin ay hindi naaayon sa kautusan na magpapatay ng sinomang tao: 32 Upang matupad ang salitang sinalita ni Jesus, na ipinaalam kung sa anong paraan ng kamatayan siya mamamatay. 33 Si Pilato nga'y muling pumasok sa Pretorio, at tinawag si Jesus, at sa kaniya'y sinabi, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? 34 Sumagot si Jesus, Sinasabi mo baga ito sa iyong sarili, o sinabi sa iyo ng mga iba tungkol sa akin? 35 Si Pilato ay sumagot, Ako baga'y Judio? Ang iyong sariling bansa at ang mga pangulong saserdote ang sa iyo'y nagdala sa akin: anong ginawa mo? 36 Sumagot si Jesus, Ang kaharian ko ay hindi sa sanglibutang ito: kung ang kaharian ko ay sa sanglibutang ito, ang aking mga alipin nga ay makikipagbaka, upang ako'y huwag maibigay sa mga Judio: nguni't ngayo'y ang aking kaharian ay hindi rito. 37 Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga'y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. Ang bawa't isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig. 38 Sinabi sa kaniya ni Pilato, Ano ang katotohanan? At nang masabi niya ito ay lumabas siyang muli sa mga Judio, at sa kanila'y sinabi, Wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya. 39 Nguni't kayo'y may ugali, na pawalan sa inyo ang isa sa paskua: ibig nga baga ninyong sa inyo'y pawalan ko ang Hari ng mga Judio? 40 Sila nga'y nagsigawang muli, na nangagsasabi, Huwag ang taong ito, kundi si Barrabas. Si Barrabas nga'y isang tulisan.
1 Nang magkagayon nga'y tinangnan ni Pilato si Jesus, at siya'y hinampas. 2 At ang mga kawal ay nangagkamakama ng isang putong na tinik, at ipinutong sa kaniyang ulo, at siya'y sinuutan ng isang balabal na kulay-ube; 3 At sila'y nagsilapit sa kaniya, at nangagsabi, Magalak, Hari ng mga Judio! at siya'y kanilang pinagsuntukanan. 4 At si Pilato ay lumabas na muli, at sa kanila'y sinabi, Narito, siya'y inilabas ko sa inyo, upang inyong matalastas na wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya. 5 Lumabas nga si Jesus, na may putong na tinik at balabal na kulay-ube. Sa kanila'y sinabi ni Pilato, Narito, ang tao! 6 Pagkakita nga sa kaniya ng mga pangulong saserdote at ng mga punong kawal, ay sila'y nangagsigawan, na sinasabi, Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus! Sinabi sa kanila ni Pilato, Kunin ninyo siya, at ipako ninyo siya sa krus: sapagka't ako'y walang masumpungang kasalanan sa kaniya. 7 Nagsisagot sa kaniya ang mga Judio, Kami'y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang yaon ay nararapat siyang mamatay, sapagka't siya'y nagpapanggap na Anak ng Dios. 8 Pagkarinig nga ni Pilato ng salitang ito, ay lalong sinidlan siya ng takot; 9 At siya'y muling pumasok sa Pretorio, at sinabi kay Jesus, Taga saan ka? Nguni't hindi siya sinagot ni Jesus. 10 Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Sa akin ay hindi ka nagsasalita? Hindi mo baga nalalaman na ako'y may kapangyarihang sa iyo'y magpawala, at may kapangyarihang sa iyo'y magpako sa krus? 11 Sumagot si Jesus sa kaniya, Anomang kapangyarihan ay hindi ka magkakaroon laban sa akin malibang ito'y ibinigay sa iyo mula sa itaas: kaya't ang nagdala sa iyo sa akin ay may lalong malaking kasalanan. 12 Dahil dito'y pinagsisikapan ni Pilato na siya'y pawalan: nguni't ang mga Judio ay nagsisigawan, na nangagsasabi, Kung pawalan mo ang taong ito, ay hindi ka kaibigan ni Cesar: ang bawa't isang nagpapanggap na hari ay nagsasalita ng laban kay Cesar. 13 Nang marinig nga ni Pilato ang mga salitang ito, ay inilabas niya si Jesus, at siya'y naupo sa hukuman sa dakong tinatawag na Pavimento, datapuwa't sa Hebreo ay Gabbatha. 14 Noon nga'y Paghahanda ng paskua: at noo'y magiikaanim ng oras. At sinabi niya sa mga Judio, Narito, ang inyong Hari! 15 Sila nga'y nagsigawan, Alisin siya, alisin siya, ipako siya sa krus! Sinabi sa kanila ni Pilato, Ipapako ko baga sa krus ang inyong Hari? Nagsisagot ang mga pangulong saserdote, Wala kaming hari kundi si Cesar. 16 Nang magkagayon nga'y ibinigay siya sa kanila upang maipako sa krus. 17 Kinuha nga nila si Jesus: at siya'y lumabas, na pasan niya ang krus, hanggang sa dakong tinatawag na Dako ng bungo, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Golgota: 18 Na doo'y ipinako nila siya sa krus, at kasama niya ang dalawa pa, isa sa bawa't tagiliran, at si Jesus sa gitna. 19 At sumulat din naman si Pilato ng isang pamagat, at inilagay sa ulunan ng krus. At ang nasusulat ay, JESUS NA TAGA NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO. 20 Marami nga sa mga Judio ang nakabasa ng pamagat na ito, sapagka't ang dakong pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa bayan; at ito'y nasusulat sa Hebreo, at sa Latin, at sa Griego. 21 Sinabi nga kay Pilato ng mga pangulong saserdote ng mga Judio, Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio; kundi, ang kanyang sinabi, Hari ako ng mga Judio. 22 Sumagot si Pilato, Ang naisulat ko ay naisulat ko. 23 Ang mga kawal nga, nang si Jesus ay kanilang maipako na sa krus, ay kanilang kinuha ang kaniyang mga kasuutan at pinagapat na bahagi, sa bawa't kawal ay isang bahagi; at gayon din naman ang tunika: at ang tunika ay walang tahi, na hinabing buo mula sa itaas. 24 Nangagsangusapan nga sila, Huwag natin itong punitin, kundi ating pagsapalaranan, kung mapapakanino: upang matupad ang kasulatan, na nagsasabi, Binahagi nila sa kanila ang aking mga kasuutan, At ang aking balabal ay kanilang pinagsapalaran. 25 Ang mga bagay ngang ito ay ginawa ng mga kawal. Datapuwa't nangakatayo sa piling ng krus ni Jesus ang kaniyang ina, at ang kapatid ng kaniyang ina, na si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Pagkakita nga ni Jesus sa kanyang ina, at sa nakatayong alagad na kaniyang iniibig, ay sinabi niya sa kaniyang ina, Babae, narito, ang iyong anak! 27 Nang magkagayo'y sinabi niya sa alagad, Narito, ang iyong ina! At buhat nang oras na yaon ay tinanggap siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan. 28 Pagkatapos nito, pagkaalam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na nga, upang matupad ang kasulatan, ay sinabi, Nauuhaw ako. 29 Mayroon doong isang sisidlang puno ng suka: kaya't naglagay sila ng isang esponghang basa ng suka sa isang tukod na isopo, at kanilang inilagay sa kaniyang bibig. 30 Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, Naganap na: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga. 31 Ang mga Judio nga, sapagka't noo'y Paghahanda, upang ang mga katawan ay huwag mangatira sa krus sa sabbath (sapagka't dakila ang araw ng sabbath na yaon), ay hiniling nila kay Pilato na mangaumog ang kanilang mga hita, at upang sila'y mangaalis doon. 32 Nagsiparoon na ang mga kawal, at inumog ang mga hita ng una, at ng sa isa na ipinako sa krus na kasama niya: 33 Nguni't nang magsiparoon sila kay Jesus, at makitang siya'y patay na, ay hindi na nila inumog ang kaniyang mga hita: 34 Gayon ma'y pinalagpasan ang kaniyang tagiliran ng isang sibat ng isa sa mga kawal, at pagdaka'y lumabas ang dugo at tubig. 35 At ang nakakita ay nagpatotoo, at ang kaniyang patotoo ay totoo: at nalalaman niyang siya'y nagsasabi ng totoo, upang kayo naman ay magsisampalataya. 36 Sapagka't ang mga bagay na ito ay nangyari, upang matupad ang kasulatan, Ni isa mang buto niya'y hindi mababali. 37 At sinabi naman sa ibang kasulatan, Magsisitingin sila sa kaniya na kanilang pinagulusanan. 38 At pagkatapos ng mga bagay na ito si Jose na taga Arimatea, palibhasa'y alagad ni Jesus, bagama't lihim dahil sa katakutan sa mga Judio, ay namanhik kay Pilato na makuha niya ang bangkay ni Jesus; at ipinahintulot ni Pilato sa kaniya. Naparoon nga siya, at inalis ang kaniyang bangkay. 39 At naparoon naman si Nicodemo, yaong naparoon nang una sa kaniya nang gabi, na may dalang isang pinaghalong mirra at mga aloe, na may mga isang daang libra. 40 Kinuha nga nila ang bangkay ni Jesus, at binalot nila ng mga kayong lino na may mga pabango, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41 Sa dako nga ng pinagpakuan sa kaniya ay may isang halamanan; at sa halamana'y may isang bagong libingan na kailan ma'y hindi pa napaglalagyan ng sinoman. 42 Doon nga, dahil sa Paghahanda ng mga Judio (sapagka't malapit ang libingan) ay kanilang inilagay si Jesus.
1 Nang unang araw nga ng sanglinggo ay naparoong maaga sa libingan si Maria Magdalena, samantalang madilim pa, at nakita ang bato na naalis na sa libingan. 2 Tumakbo nga siya, at naparoon kay Simon Pedro, at sa isang alagad na iniibig ni Jesus, at sa kanila'y sinabi, Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin maalaman kung saan nila siya inilagay. 3 Umalis nga si Pedro, at ang isang alagad, at nagsitungo sa libingan. 4 At sila'y kapuwa tumakbong magkasama: at ang isang alagad ay tumakbong matulin kay sa kay Pedro, at dumating na una sa libingan; 5 At nang kaniyang tunghan at tingnan ang loob, ay nakita niyang nangakalatag ang mga kayong lino; gayon ma'y hindi siya pumasok sa loob. 6 Dumating naman nga si Simon Pedro, na sumusunod sa kaniya, at pumasok sa libingan; at nakita niyang nangakalatag ang mga kayong lino, 7 At ang panyo na nasa kaniyang ulo, ay hindi kasamang nakalatag ng mga kayong lino, kundi bukod na natitiklop sa isang tabi. 8 Nang magkagayo'y pumasok din naman nga ang isang alagad, na unang dumating sa libingan, at siya'y nakakita at sumampalataya. 9 Sapagka't hindi pa nila napaguunawa ang kasulatan, na kinakailangang siya'y muling magbangon sa mga patay. 10 Kaya't ang mga alagad ay muling nagsitungo sa kanikanilang sariling tahanan. 11 Nguni't si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan na umiiyak: sa gayon, samantalang siya'y umiiyak, siya'y yumuko at tumingin sa loob ng libingan; 12 At nakita niya ang dalawang anghel na nararamtan na nangakaupo, ang isa'y sa ulunan, at ang isa'y sa paanan, ng kinalalagyan ng bangkay ni Jesus. 13 At sinabi nila sa kaniya, Babae, bakit ka umiiyak? Sinabi niya sa kanila, Sapagka't kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko maalaman kung saan nila inilagay siya. 14 Pagkasabi niya ng gayon, siya'y lumingon, at nakitang nakatayo si Jesus, at hindi nalalaman na yaon ay si Jesus. 15 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, bakit ka umiiyak? sino ang iyong hinahanap? Siya, sa pagaakalang yao'y maghahalaman, ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at akin siyang kukunin. 16 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Maria. Lumingon siya, at nagsabi sa kaniya sa wikang Hebreo, Raboni; na ang ibig sabihin ay, Guro. 17 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios. 18 Naparoon si Maria Magdalena at sinabi sa mga alagad, Nakita ko ang Panginoon; at kung paanong sinabi niya sa kaniya ang mga bagay na ito. 19 Nang kinahapunan nga, nang araw na yaon, na unang araw ng sanglinggo, at nang nangapipinid ang mga pintong kinaroroonan ng mga alagad, dahil sa katakutan sa mga Judio ay dumating si Jesus at tumayo sa gitna, at sa kanila'y sinabi, Kapayapaan ang sumainyo. 20 At nang masabi niya ito, ay kaniyang ipinakita sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang tagiliran. Ang mga alagad nga'y nangagalak, nang makita nila ang Panginoon. 21 Sinabi ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang sumainyo: kung paanong pagkasugo sa akin ng Ama, ay gayon din naman sinusugo ko kayo. 22 At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo: 23 Sinomang inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila; sinomang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, ay hindi pinatatawad. 24 Nguni't si Tomas, isa sa labingdalawa, na tinatawag na Didimo, ay wala sa kanila nang dumating si Jesus. 25 Sinabi nga sa kaniya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon. Nguni't sinabi niya sa kanila, Malibang aking makita sa kaniyang mga kamay ang butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako sasampalataya. 26 At pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang kaniyang mga alagad, at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus, nang nangapipinid ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, Kapayapaan ang sumainyo. 27 Nang magkagayo'y sinabi niya kay Tomas, idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo siya sa aking tagiliran: at huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin. 28 Sumagot si Tomas, at sa kaniya'y sinabi, Panginoon ko at Dios ko. 29 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Sapagka't ako'y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma'y nagsisampalataya. 30 Gumawa rin nga si Jesus ng iba't ibang maraming tanda sa harap ng kaniyang mga alagad, na hindi nangasusulat sa aklat na ito: 31 Nguni't ang mga ito ay nangasulat, upang kayo'y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.
1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay napakitang muli si Jesus sa mga alagad sa tabi ng dagat ng Tiberias; at siya'y napakita sa ganitong paraan. 2 Samasama nga si Simon Pedro, at si Tomas na tinatawag na Didimo, at si Natanael na taga Cana ng Galilea, at ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kaniyang mga alagad. 3 Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, Mangingisda ako. Sinabi nila sa kaniya, Kami man ay magsisisama sa iyo. Sila'y nagsiyaon, at nagsilulan sa daong; at nang gabing yaon ay wala silang nahuling anoman. 4 Nguni't nang nagbubukang liwayway na, si Jesus ay tumayo sa baybayin: gayon ma'y hindi napagalaman ng mga alagad na yaon ay si Jesus. 5 Sa kanila nga'y sinabi ni Jesus, Mga anak, mayroon baga kayong anomang makakain? Nagsisagot sila sa kaniya, Wala. 6 At kaniyang sinabi sa kanila, Ihulog ninyo ang lambat sa dakong kanan ng daong, at makakasumpong kayo. Inihulog nga nila, at hindi na nila mahila dahil sa karamihan ng mga isda. 7 Yaong alagad nga na iniibig ni Jesus ay nagsabi kay Pedro, Ang Panginoon nga. Kaya't pagkarinig nga ni Simon Pedro na yao'y ang Panginoon, ay nagbigkis siya ng kaniyang tunika (sapagka't siya'y hubo't hubad), at tumalon sa dagat. 8 Datapuwa't ang ibang mga alagad ay nagsilapit sa maliit na daong (sapagka't sila'y hindi lubhang malayo sa lupa, kundi may mga dalawangdaang siko), na hinihila ang lambat na puno ng mga isda. 9 Kaya't nang sila'y magsilunsad sa lupa, ay nakakita sila doon ng mga bagang uling, at isda ang nakalagay sa ibabaw, at tinapay. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, Mangagdala kayo rito ng mga isdang inyong nangahuli ngayon. 11 Umahon nga si Simon Pedro, at hinila ang lambat sa lupa, puno ng malalaking isda, na isang daan at limangpu at tatlo, at sa ganoong karami ay hindi napunit ang lambat. 12 Sinabi sa kanila ni Jesus, Magsiparito kayo at mangagpawing gutom. At sinoman sa mga alagad ay hindi nangahas na siya'y tanungin, Sino ka? sa pagkaalam na yaon ang Panginoon. 13 Lumapit si Jesus, at dinampot ang tinapay, at sa kanila'y ibinigay, at gayon din ang isda. 14 Ito'y ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad, pagkatapos na siya'y magbangon sa mga patay. 15 Kaya't nang mangakapagpawing gutom sila, ay sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, Simon, anak ni Juan, iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Pakanin mo ang aking mga kordero. 16 Sinabi niya sa kaniyang muli sa ikalawa, Simon anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Alagaan mo ang aking mga tupa. 17 Sinabi niya sa kaniya sa ikatlo, Simon, anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Nalumbay si Pedro sapagka't sa kaniya'y sinabing makaitlo, Iniibig mo baga ako? At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Pakanin mo ang aking mga tupa. 18 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Nang ikaw ay bata pa, ikaw ay nagbibihis, at ikaw ay lumalakad kung saan mo ibig; nguni't pagtanda mo'y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig. 19 Ito nga'y sinalita niya, na ipinaalam kung sa anong kamatayan ang iluluwalhati niya sa Dios. At pagkasalita niya nito, ay sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin. 20 Si Pedro, paglingon, ay nakita yaong alagad na iniibig ni Jesus na sumusunod; na siya ring humilig sa kaniyang dibdib sa paghapon, at nagsabi, Panginoon, sino ang sa iyo'y magkakanulo? 21 Pagkakita nga ni Pedro sa kaniya ay nagsabi kay Jesus, Panginoon, at ano ang gagawin ng taong ito? 22 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y pumarito, ay ano nga sa iyo? sumunod ka sa akin. 23 Kumalat nga ang sabing ito sa gitna ng mga kapatid, na ang alagad na yaon ay hindi mamamatay: gayon ma'y hindi sinabi ni Jesus, sa kaniya na hindi siya mamamatay; kundi, Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y pumarito, ay ano nga sa iyo? 24 Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito, at sumulat ng mga bagay na ito; at nalalaman namin na ang kaniyang patotoo ay totoo. 25 At mayroon ding iba't ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, ay inaakala ko na kahit sa sanglibutan ay hindi magkakasiya ang mga aklat na susulatin.
1 Ang unang kasaysayan na ginawa ko, Oh Teofilo, ay tungkol sa lahat na pinasimulang ginawa at itinuro ni Jesus, 2 Hanggang sa araw na tanggapin siya sa kaitaasan, pagkatapos na makapagbigay siya ng mga utos sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa mga apostol na kaniyang hinirang; 3 Na sa kanila nama'y napakita rin siyang buhay, sa pamamagitan ng maraming mga katunayan, pagkatapos na siya'y makapaghirap, na napakikita sa kanila sa loob ng apat na pung araw, at nagpahayag ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Dios: 4 At, palibhasa'y nakikipagpulong sa kanila, ay ipinagutos niya sa kanila na huwag silang magsialis sa Jerusalem, kundi hintayin ang pangako ng Ama, na sinabi niyang narinig ninyo sa akin: 5 Sapagka't tunay na si Juan ay nagbautismo ng tubig; datapuwa't kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo na di na malalaunan pa. 6 Tinanong nga siya nila nang sila'y nangagkakatipon, na nangagsasabi, Panginoon, isasauli mo baga ang kaharian sa Israel sa panahong ito? 7 At sinabi niya sa kanila, Hindi ukol sa inyo ang pagkaalam ng mga panahon o ng mga bahagi ng panahon, na itinakda ng Ama sa kaniyang sariling kapamahalaan. 8 Datapuwa't tatanggapin ninyo ang kapangyarihan, pagdating sa inyo ng Espiritu Santo: at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa. 9 At pagkasabi niya ng mga bagay na ito, nang siya'y tinitingnan nila, ay dinala siya sa itaas; at siya'y tinanggap ng isang alapaap at ikinubli sa kanilang mga paningin. 10 At samantalang tinititigan nila ang langit habang siya'y lumalayo, narito may dalawang lalaking nangakatayo sa tabi nila na may puting damit; 11 Na nangagsabi naman, Kayong mga lalaking taga Galilea, bakit kayo'y nangakatayong tumitingin sa langit? itong si Jesus, na tinanggap sa langit mula sa inyo, ay paparitong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon niya sa langit. 12 Nang magkagayon ay nangagbalik sila sa Jerusalem buhat sa tinatawag na bundok ng mga Olivo, na malapit sa Jerusalem, na isang araw ng sabbath lakarin. 13 At nang sila'y magsipasok sa bayan, ay nagsiakyat sila sa silid sa itaas, na kinatitirahan nila; ni Pedro at ni Juan at ni Santiago at ni Andres, ni Felipe at ni Tomas, ni Bartolome at ni Mateo, ni Santiago na anak ni Alfeo, at ni Simong Masikap, at ni Judas na anak ni Santiago. 14 Ang lahat ng mga ito'y nagsisipanatiling matibay na nangagkakaisa sa pananalangin na kasama ang mga babae, at si Maria na ina ni Jesus, at pati ng mga kapatid niya. 15 At nang mga araw na ito'y nagtindig si Pedro sa gitna ng mga kapatid, at nagsabi (at nangagkakatipon ang karamihang mga tao, na may isang daa't dalawangpu), 16 Mga kapatid, kinakailangang matupad ang kasulatan, na nang una ay sinalita ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ni David tungkol kay Judas, na siyang pumatnugot sa nagsihuli kay Jesus. 17 Sapagka't siya'y ibinilang sa atin, at siya'y tumanggap ng kaniyang bahagi sa ministeriong ito. 18 Kumuha nga ang taong ito ng isang parang sa pamamagitan ng ganti sa kaniyang katampalasanan; at sa pagpapatihulog ng patiwarik, ay pumutok siya sa gitna, at sumambulat ang lahat ng mga laman ng kaniyang tiyan. 19 At ito'y nahayag sa lahat ng mga nagsisitahan sa Jerusalem; ano pa't tinawag ang parang na yaon sa kanilang wika na Aceldama, sa makatuwid baga'y, Ang parang ng Dugo.) 20 Sapagka't nasusulat sa aklat ng Mga Awit, Bayaang mawalan nawa ng tao ang kaniyang tahanan, At huwag bayaang manahan doon ang sinoman; at, Bayaang kunin ng iba ang kaniyang katungkulan. 21 Sa mga taong ito nga na nangakisama sa atin sa buong panahon na ang Panginoong si Jesus ay pumapasok at lumalabas sa atin, 22 Magmula sa pagbautismo ni Juan, hanggang sa araw na siya'y tanggapin sa itaas mula sa atin, ay nararapat na ang isa sa mga ito'y maging saksi na kasama natin sa kaniyang pagkabuhay na maguli. 23 At kanilang ibinukod ang dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas, na pinamagatang Justo, at si Matias. 24 At sila'y nagsipanalangin, at nagsipagsabi, Ikaw, Panginoon, na nakatataho ng mga puso ng lahat ng mga tao, ay ipakilala mo kung alin sa dalawang ito ang iyong hinirang, 25 Upang tanggapin ang katungkulan sa ministeriong ito at pagkaapostol na kinahulugan ni Judas, upang siya'y makaparoon sa kaniyang sariling kalalagyan. 26 At sila'y pinagsapalaran nila; at nagkapalad si Matias; at siya'y ibinilang sa labingisang apostol.
1 At nang dumating nga ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nangagkakatipon sa isang dako. 2 At biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno ang buong bahay na kanilang kinauupuan. 3 At sa kanila'y may napakitang mga dilang kawangis ng apoy, na nagkabahabahagi; at dumapo sa bawa't isa sa kanila. 4 At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain. 5 May mga nagsisitahan nga sa Jerusalem na mga Judio, mga lalaking religioso, na buhat sa bawa't bansa sa ilalim ng langit. 6 At nang marinig ang ugong na ito, ay nangagkatipon ang karamihan, at nangamaang, sapagka't sa kanila'y narinig ng bawa't isa na sinasalita ang kaniyang sariling wika. 7 At silang lahat ay nangagtaka at nagsipanggilalas, na nangagsasabi, Narito, hindi baga mga Galileong lahat ang mga nagsisipagsalitang ito? 8 At bakit nga naririnig ng bawa't isa sa atin, ang ating sariling wikang kinamulatan? 9 Tayong mga Parto, at mga Medo, at mga Elamita, at ang nangananahan sa Mesapotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia, 10 Sa Frigia at Pamfilia, sa Egipto at sa mga sakop ng Libia na karatig ng Cirene at mga nakikipamayang galing sa Roma, mga Judio, at gayon din ang mga naging Judio, 11 Mga Cretense at mga Arabe, ay nangaririnig nating nagsisipagsalita sila sa ating mga wika ng mga makapangyarihang gawa ng Dios. 12 At silang lahat ay nangagtaka at nangalito, na sinasabi ng isa sa isa, Anong kahulugan nito? 13 Datapuwa't ang mga iba'y nanganglilibak na nangagsabi, Sila'y puno ng bagong alak. 14 Datapuwa't pagtindig ni Pedro na kasama ang labingisa, ay itinaas ang kaniyang tinig, at sa kanila'y nagsaysay, na sinasabing, Kayong mga lalaking taga Judea, at kayong lahat na nangananahan sa Jerusalem, mangaalaman nawa ninyong lahat ito, at inyong pakinggan ang aking mga salita. 15 Sapagka't ang mga ito'y hindi mga lasing, na gaya ng inyong inaakala; yamang ngayo'y oras na ikatlo lamang ng araw; 16 Datapuwa't ito'y yaong sinalita na sa pamamagitan ng propeta Joel: 17 At mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Dios, Na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman: At ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, At ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain, Ang inyong mga matatanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip: 18 Oo't sa aking mga lingkod na lalake at sa aking mga lingkod na babae, sa mga araw na yaon Ibubuhos ko ang aking Espiritu; at magsisipanghula sila. 19 At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas, At mga tanda sa lupa sa ibaba, Dugo, at apoy, at singaw ng usok: 20 Ang araw ay magiging kadiliman, At ang buwan ay dugo, Bago dumating ang araw ng Panginoon, Yaong araw na dakila at tangi: 21 At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon, ay maliligtas. 22 Kayong mga lalaking taga Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga Nazaret, lalaking pinatunayan ng Dios sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan at mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Dios sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya rin ng nalalaman ninyo; 23 Siya, na ibinigay sa takdang pasiya at paunang kaalaman ng Dios, kayo sa pamamagitan ng mga kamay ng mga tampalasan ay inyong ipinako sa krus at pinatay: 24 Na siya'y binuhay na maguli ng Dios, pagkaalis sa mga hirap ng kamatayan: sapagka't hindi maaari na siya'y mapigilan nito. 25 Sapagka't sinasabi ni David tungkol sa kaniya, Nakita kong lagi ang Panginoon sa aking harapan; Sapagka't siya'y nasa aking kanang kamay, upang huwag akong makilos: 26 Dahil dito'y nagalak ang aking puso, at natuwa ang aking dila; Pati naman ang aking laman ay mananahan sa pagasa: 27 Sapagka't hindi mo iiwan ang kaluluwa ko sa Hades, Ni titiisin man na ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan. 28 Ipinakilala mo sa akin ang mga daan ng buhay; Pupuspusin mo ako ng kagalakan sa harap ng iyong mukha. 29 Mga kapatid, malayang masasabi ko sa inyo ang tungkol sa patriarkang si David, na siya'y namatay at inilibing, at nasa atin ang kaniyang libingan hanggang sa araw na ito. 30 Palibhasa nga'y isang propeta, at sa pagkaalam na may panunumpang isinumpa ng Dios sa kaniya, na sa bunga ng kaniyang baywang ay iluluklok niya ang isa sa kaniyang luklukan; 31 Palibhasa'y nakikita na niya ito, ay nagsalita tungkol sa pagkabuhay na maguli ng Cristo, na siya'y hindi pinabayaan sa Hades, ni ang kaniya mang katawan ay hindi nakakita ng kabulukan. 32 Ang Jesus na ito'y binuhay na maguli ng Dios, at tungkol dito'y mga saksi kaming lahat. 33 Palibhasa nga'y pinarangal ng kanang kamay ng Dios, at tinanggap na sa Ama ang pangako ng Espiritu Santo, ay ibinuhos niya ito, na inyong nakikita at naririnig. 34 Sapagka't hindi umakyat si David sa mga langit; datapuwa't siya rin ang nagsabi, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; Maupo ka sa kanan ko, 35 Hanggang sa gawin ko ang mga kaaway mo na tuntungan ng iyong mga paa. 36 Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus. 37 Nang marinig nga nila ito, ay nangasaktan ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, Mga kapatid, anong gagawin namin? 38 At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa't isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. 39 Sapagka't sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya. 40 At sa iba pang maraming salita ay nagpatotoo siya, at nangaral sa kanila, na sinasabi, Magsiligtas kayo sa likong lahing ito. 41 Yaon ngang nagsitanggap ng kaniyang salita ay nangabautismuhan: at nangaparagdag sa kanila nang araw na yaon ang may tatlong libong kaluluwa. 42 At sila'y nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga pananalangin. 43 At ang takot ay dumating sa bawa't kaluluwa: at ginawa ang maraming kababalaghan at tanda sa pamamagitan ng mga apostol. 44 At ang lahat ng mga nagsisampalataya ay nangagkakatipon, at lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan; 45 At ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at kayamanan, at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawa't isa. 46 At araw-araw sila'y nagsisipanatiling matibay sa pagkakaisa sa templo, at sa pagpuputolputol ng tinapay sa bahay-bahay, at nagsisikain sila ng kanilang pagkain na may galak at may katapatan ng puso. 47 Na nangagpupuri sa Dios, at nangagtatamo ng paglingap ng buong bayan. At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw yaong nangaliligtas.
1 Si Pedro at si Juan nga ay nagsisipanhik sa templo nang oras ng pananalangin, na ikasiyam. 2 At isang lalake na pilay buhat pa sa tiyan ng kaniyang ina ay dinadala roon, na siya'y inilalagay nila araw-araw sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa nagsisipasok sa templo; 3 Ito, pagkakita kay Pedro at kay Juan na magsisipasok sa templo, ay namanhik upang tumanggap siya ng limos. 4 At pagtitig sa kaniya ni Pedro, na kasama si Juan, ay sinabi, Tingnan mo kami. 5 At kaniyang pinansin sila, na umaasang tatanggap sa kanila ng anomang bagay. 6 Datapuwa't sinabi ni Pedro, Pilak at ginto ay wala ako; datapuwa't ang nasa akin, ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, lumakad ka. 7 At kaniyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig: at pagdaka'y nagsilakas ang kaniyang mga paa at mga bukong-bukong. 8 At paglukso, siya'y tumayo, at nagpasimulang lumakad; at pumasok na kasama nila sa templo, na lumalakad, at lumulukso, at nagpupuri sa Dios. 9 At nakita ng buong bayang siya'y lumalakad, at nagpupuri sa Dios: 10 At nangakilala nila na siya nga ang nauupo at nagpapalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila'y nangapuspos ng panggigilalas at pamamangha sa nangyari sa kaniya. 11 At samantalang siya'y nakahawak kay Pedro at kay Juan, ay nagsitakbong samasama sa kanila ang buong bayan sa tinatawag na portiko ni Salomon na lubhang nanggigilalas. 12 At nang makita ito ni Pedro, ay sumagot sa mga tao, Kayong mga lalaking taga Israel, bakit kayo'y nagsisipanggilalas sa taong ito? o bakit kami ang inyong tinititigan, na sa inyong akala ay dahil sa aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay aming napalakad siya? 13 Ang Dios ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, ang Dios ng ating mga magulang, ay niluwalhati ang kaniyang Lingkod na si Jesus; na inyong ibinigay, at inyong tinanggihan sa harap ni Pilato, nang pasiyahan nito na siya'y pawalan. 14 Datapuwa't inyong pinakatanggihan ang Banal at ang Matuwid na Ito, at inyong hiningi na ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao, 15 At inyong pinatay ang Lumikha ng buhay: na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay; mga saksi kami ng mga bagay na ito. 16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang pangalan ay pinalakas ng kaniyang pangalan ang taong ito, na inyong nakikita at nakikilala: oo, ang pananampalataya na sa pamamagitan niya'y nagkaloob sa kaniya nitong lubos na kagalingan sa harapan ninyong lahat. 17 At ngayon, mga kapatid, nalalaman ko na inyong ginawa yaon sa di pagkaalam, gaya ng ginawa rin naman ng inyong mga pinuno. 18 Datapuwa't ginanap ang mga bagay na ipinagpaunang ibinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng lahat ng mga propeta, na ang kaniyang Cristo ay magbabata. 19 Kaya nga mangagsisi kayo, at mangagbalik-loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan, upang kung magkagayon ay magsidating ang mga panahon ng kaginhawahang mula sa harapan ng Panginoon; 20 At upang kaniyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, na si Jesus: 21 Na siya'y kinakailangang tanggapin ng langit hanggang sa mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay, na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang una. 22 Tunay na sinabi ni Moises, Ang Panginoong Dios ay magtitindig sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa gitna ng inyong mga kapatid; siya ang inyong pakinggan sa lahat ng mga bagay na sa inyo'y sasalitain niya. 23 At mangyayari, na ang bawa't kaluluwa na hindi makinig sa propetang yaon, ay pupuksaing lubos mula sa gitna ng bayan. 24 Oo at ang lahat ng mga propetang mula kay Samuel at ang mga nagsisunod, sa dami ng mga nagsipagsalita, sila naman ay nagsipagsaysay rin tungkol sa mga araw na ito. 25 Kayo ang mga anak ng mga propeta, at ng tipang ginawa ng Dios sa inyong mga magulang, na sinasabi kay Abraham, At sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa. 26 Sa inyo una-una, nang maitindig na ng Dios ang kaniyang Lingkod, ay sinugo niya upang kayo'y pagpalain, sa pagtalikod ng bawa't isa sa inyo sa inyong mga katampalasanan.
1 At nang sila'y nangagsasalita pa sa bayan, ay nagsilapit sa kanila ang mga saserdote, at ang puno sa templo, at ang mga Saduceo, 2 Palibhasa'y totoong nangabagabag sapagka't tinuruan nila ang bayan, at ibinalita sa pangalan ni Jesus ang pagkabuhay na maguli sa mga patay. 3 At sila'y kanilang sinunggaban at kanilang ibinilanggo hanggang sa kinabukasan: sapagka't noon nga'y gabi na. 4 Datapuwa't marami sa nangakarinig ng salita ay nagsisampalataya; at ang bilang ng mga lalake ay umabot sa mga limang libo. 5 At nangyari nang kinabukasan, na nangagkatipon sa Jerusalem ang kanilang mga pinuno at mga matanda at mga eskriba; 6 At si Anas, na dakilang saserdote, at si Caifas, at si Juan, at si Alejandro, at ang lahat ng kalipian ng dakilang saserdote. 7 At nang kanilang mailagay na sila sa gitna nila, ay sila'y tinanong, Sa anong kapangyarihan, o sa anong pangalan ginawa ninyo ito? 8 Nang magkagayo'y si Pedro, na puspos ng Espiritu Santo, ay nagsabi sa kanila, Kayong mga pinuno sa bayan, at matatanda, 9 Kung kami sa araw na ito'y sinisiyasat tungkol sa mabuting gawa na ginawa sa isang taong may-sakit, na kung sa anong paraan gumaling ito; 10 Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit. 11 Siya ang bato na itinakuwil ninyong mga nagtayo ng bahay, na naging pangulo sa panulok. 12 At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas. 13 Nang makita nga nila ang katapangan ni Pedro at ni Juan, at pagkatalastas na sila'y mga taong walang pinagaralan at mga mangmang, ay nangagtaka sila; at nangapagkilala nila, na sila'y nangakasama ni Jesus. 14 At nang mangakita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama nila, ay wala silang maitutol. 15 Datapuwa't nang sila'y mangautusan na nilang magsilabas sa pulong, ay nangagsangusapan, 16 Na nangagsasabi, Anong gagawin natin sa mga taong ito? sapagka't tunay na ginawa sa pamamagitan nila ang himalang hayag sa lahat ng nangananahan sa Jerusalem; at hindi natin maikakaila. 17 Gayon ma'y upang huwag nang lalong kumalat sa bayan, atin silang balaan, na buhat ngayo'y huwag na silang mangagsalita pa sa sinomang tao sa pangalang ito. 18 At sila'y tinawag nila, at binalaan sila, na sa anomang paraan ay huwag silang magsipagsalita ni magsipagturo tungkol sa pangalan ni Jesus. 19 Datapuwa't si Pedro at si Juan ay nagsisagot at nagsipagsabi sa kanila, Kung katuwiran sa paningin ng Dios na makinig muna sa inyo kay sa Dios, inyong hatulan: 20 Sapagka't hindi mangyayaring di namin salitain ang mga bagay na aming nangakita at nangarinig. 21 At sila, nang mapagbalaan na nila, ay pinakawalan, palibhasa'y hindi nangakasumpong ng anomang bagay upang sila'y kanilang mangaparusahan, dahil sa bayan; sapagka't niluluwalhati ng lahat ng mga tao ang Dios dahil sa bagay na ginawa. 22 Sapagka't may mahigit nang apat na pung taong gulang ang tao, na ginawan nitong himala ng pagpapagaling. 23 At nang sila'y mangapakawalan na, ay nagsiparoon sa kanilang mga kasamahan, at iniulat ang lahat ng sa kanila'y sinabi ng mga pangulong saserdote at ng matatanda. 24 At sila, nang kanilang marinig ito, ay nangagkaisang itaas nila ang kanilang tinig sa Dios, at nangagsabi, Oh Panginoon, ikaw na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat, at ng lahat ng nangasa mga yaon: 25 Na sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ng aming amang si David, na iyong lingkod, ay sinabi mo, Bakit nangagalit ang mga Gentil, At nagsipaghaka ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan? 26 Nagsitayong handa ang mga hari sa lupa, At ang mga pinuno ay nangagpisanpisan, Laban sa Panginoon, at laban sa kaniyang Pinahiran. 27 Sapagka't sa katotohanan sa bayang ito'y laban sa iyong banal na Lingkod na si Jesus, na siya mong pinahiran, ang dalawa ni Herodes at ni Poncio Pilato, kasama ng mga Gentil at ng mga bayan ng Israel, ay nangagpisanpisan, 28 Upang gawin ang anomang naitakda na ng iyong kamay at ng iyong pasiya upang mangyari. 29 At ngayon, Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga bala: at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na salitain ang iyong salita ng buong katapangan, 30 Samantalang iyong iniuunat ang iyong kamay upang magpagaling; at upang mangyari nawa ang mga tanda at mga kababalaghan sa pangalan ng iyong banal na si Jesus. 31 At nang sila'y makapanalangin na, ay nayanig ang dakong pinagkakatipunan nila; at nangapuspos silang lahat ng Espiritu Santo, at kanilang sinalita na may katapangan ang salita ng Dios. 32 At ang karamihan ng mga nagsisampalataya ay nangagkakaisa ang puso at kaluluwa: at sinoma'y walang nagsabing kaniyang sarili ang anoman sa mga bagay na kaniyang inaari: kundi lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan. 33 At pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan, ang pagkabuhay na maguli ng Panginoong Jesus: at dakilang biyaya ang sumasa kanilang lahat. 34 Sapagka't walang sinomang nasasalat sa kanila: palibnasa'y ipinagbili ng lahat ng may mga lupa o mga bahay ang mga ito, at dinala ang mga halaga ng mga bagay na ipinagbili, 35 At ang mga ito'y inilagay sa mga paanan ng mga apostol: at ipinamamahagi sa bawa't isa, ayon sa kinakailangan ng sinoman. 36 At si Jose, na pinamagatang Bernabe ng mga apostol (na kung liliwanagin ay Anak ng pangangaral), isang Levita, tubo sa Chipre, 37 Na may isang bukid, ay ipinagbili ito, at dinala ang salapi at inilagay sa mga paanan ng mga apostol.
1 Datapuwa't isang lalake na tinatawag na Ananias, na kasama ng kaniyang asawang si Safira, ay nagbili ng isang pag-aari, 2 At inilingid ang isang bahagi ng halaga, na nalalaman din ito ng kaniyang asawa, at dinala ang isang bahagi, at inilagay sa mga paanan ng mga apostol. 3 Datapuwa't sinabi ni Pedro, Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling sa Espiritu Santo, at upang maglingid ng isang bahagi ng halaga ng lupa? 4 Nang yao'y nananatili pa, hindi baga yao'y nanatiling iyong sarili? at nang maipagbili na, hindi baga nasa iyo ring kapangyarihan? Ano't inisip mo pa ang bagay na ito sa iyong puso? hindi ka nagsinungaling sa mga tao, kundi sa Dios. 5 At nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito ay nahandusay at nalagot ang hininga: at sinidlan ng malaking takot ang lahat ng nangakarinig nito. 6 At nagsitindig ang mga kabinataan at siya'y binalot, at kanilang dinala siya sa labas at inilibing. 7 At may tatlong oras ang nakaraan, nang ang kaniyang asawa, na di nalalaman ang nangyari, ay pumasok. 8 At sinabi sa kaniya ni Pedro, Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ng gayon ang lupa. At sinabi niya, Oo, sa gayon. 9 Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Pedro, Bakit kayo'y nagkasundo upang tuksuhin ang Espiritu ng Panginoon? narito, nangasa pintuan ang mga paa ng mga nagsipaglibing sa iyong asawa, at kanilang dadalhin ka sa labas. 10 At pagdaka'y nahandusay sa paanan niya ang babae, at nalagot ang hininga: at nagsipasok ang mga kabinataan at nasumpungan siyang patay, at siya'y kanilang inilabas at inilibing siya sa siping ng kaniyang asawa. 11 At sinidlan ng malaking takot ang buong iglesia, at ang lahat ng nangakarinig ng mga bagay na ito. 12 At sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol ay ginawa ang maraming tanda at kababalaghan sa gitna ng mga tao: at nangaroon silang lahat na nangagkakaisa sa portiko ni Salomon. 13 Datapuwa't sinoman sa mga iba ay hindi nangangahas na makisama sa kanila: bagaman sila'y pinapupurihan ng bayan; 14 At ang mga nagsisisampalataya ay lalo pang nangaparagdag sa Panginoon, ang mga karamihang lalake at babae: 15 Na ano pa't dinala nila sa mga lansangan ang mga may-sakit, at inilagay sa mga higaan at mga hiligan, upang, pagdaan ni Pedro, ay maliliman man lamang ng anino niya ang sinoman sa kanila. 16 At nangagkatipon din naman ang karamihang mula sa mga bayang nangasa palibotlibot ng Jerusalem, na nangagdadala ng mga may-sakit, at ng mga pinahihirapan ng mga karumaldumal na espiritu: at sila'y pawang pinagaling. 17 Datapuwa't nagtindig ang dakilang saserdote, at ang lahat ng kasama niya (na siyang sekta ng mga Saduceo), at sila'y nangapuspos ng kainggitan, 18 At kanilang sinunggaban ang mga apostol, at kanilang inilagay sila sa bilangguang bayan. 19 Datapuwa't nang gabi na ay binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang mga pintuan ng bilangguan, at sila'y inilabas, at sinabi, 20 Magsihayo kayo, at magsitayo kayo sa templo, at sabihin ninyo sa bayan ang lahat ng mga salita ng Buhay na ito. 21 At nang marinig nila ito, ay nagsipasok sila sa templo nang magbubukang liwayway, at nangagturo. Datapuwa't dumating ang dakilang saserdote, at ang mga kasamahan niya, at pinulong ang sanedrin, at ang buong senado sa mga anak ni Israel, at nagpautos sa bilangguan upang sila'y dalhin doon. 22 Datapuwa't ang mga punong kawal na nagsiparoon ay hindi sila nangasumpungan sa bilangguan; at sila'y nangagbalik, at nangagbigay alam, 23 Na sinasabi, Aming naratnang totoong mabuti ang pagkalapat ng bilangguan, at nangakatayo sa mga pintuan ang mga bantay: datapuwa't ng aming mabuksan, wala kaming nasumpungang sinoman sa loob. 24 Nang marinig nga ang mga salitang ito ng puno sa templo, at ng mga pangulong saserdote, ay nangalitong totoo tungkol sa mga ito kung ano ang magiging wakas niyaon. 25 At may dumating na isa at nagsabi sa kanila, Narito, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nangakatayo sa templo at nangagtuturo sa bayan. 26 Nang magkagayo'y naparoon ang pangulo na kasama ang mga punong kawal, at sila'y dinalang hindi sa pilitan: sapagka't nangatatakot sa bayan, baka sila'y batuhin. 27 At nang kanilang mangadala sila, ay kanilang iniharap sa Sanedrin. At tinanong sila ng dakilang saserdote, 28 Na sinasabi: Ibinala naming mahigpit sa inyo na huwag kayong mangagturo sa pangalang ito: at narito, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito. 29 Datapuwa't nagsisagot si Pedro at ang mga apostol at nangagsabi, Dapat muna kaming magsitalima sa Dios bago sa mga tao. 30 Ibinangon ng Dios ng ating mga magulang si Jesus, na siya ninyong pinatay, na ibinitin sa isang punong kahoy. 31 Siya'y pinadakila ng Dios ng kaniyang kanang kamay upang maging Principe at Tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel, at kapatawaran ng mga kasalanan. 32 At kami'y mga saksi ng mga bagay na ito; at gayon din ang Espiritu Santo, na siyang ibinigay ng Dios sa nagsisitalima sa kaniya. 33 Datapuwa't sila, nang kanilang marinig ito, ay nangasugatan sa puso, at nangagpasiyang sila'y patayin. 34 Datapuwa't nagtindig sa Sanedrin ang isang Fariseo, na nagngangalang Gamaliel, doktor sa kautusan, na pinapupurihan ng buong bayan, at nagutos na ilabas na sandali ang mga tao. 35 At sinabi niya sa kanila, Kayong mga lalaking taga Israel, ay mangagingat kayo sa inyong sarili tungkol sa mga taong ito, kung ano ang inyong gagawin. 36 Sapagka't bago pa ng mga araw na ito ay lumitaw na si Teudas, na nagsabing siya'y dakila; at sa kaniya'y nakisama ang may apat na raang tao ang bilang: na siya'y pinatay; at ang lahat ng sa kaniya'y nagsisunod, ay pawang nagsipangalat at nangawalang kabuluhan. 37 Pagkatapos ng taong ito ay lumitaw si Judas na taga Galilea nang mga araw ng pagpapasulat, at nakahila siya ng marami sa bayan: siya'y nalipol rin; at ang lahat ng sa kaniya'y nagsisunod ay pawang nagsipangalat. 38 At ngayo'y sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangakialam sa mga taong ito, at pabayaan ninyo sila: sapagka't kung ang pasiyang ito, o ang gawang ito ay sa mga tao, ay mawawasak: 39 Datapuwa't kung sa Dios, ay hindi ninyo maiwawasak; baka pa kayo'y mangasumpungan na nangakikihamok laban sa Dios. 40 At sila'y nagsisangayon sa kaniya: at pagkatawag nila sa mga apostol, ay pinalo nila at ibinala sa kanila na huwag silang mangagsalita sa pangalan ni Jesus, at sila'y pinawalan. 41 Sila nga'y nagsialis sa harapan ng Sanedrin, na nangatutuwang sila'y nangabilang na karapatdapat na mangagbata ng kaalimurahan dahil sa Pangalan. 42 At sa araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, ay hindi sila nagsisipagtigil ng pagtuturo at pangangaral, na si Jesus ang siyang Cristo.
1 Nang mga araw ngang ito, nang dumadami ang bilang ng mga alagad, ay nagkaroon ng bulongbulungan ang mga Greco-Judio laban sa mga Hebreo, sapagka't ang kanilang mga babaing bao ay pinababayaan sa pamamahagi sa araw-araw. 2 At tinawag ng labingdalawa ang karamihang mga alagad, at sinabi, Hindi marapat na aming pabayaan ang salita ng Dios, at mangaglingkod sa mga dulang. 3 Magsihanap nga kayo, mga kapatid, sa inyo, ng pitong lalake na may mabuting katunayan, puspos ng Espiritu at ng karunungan, na ating mailalagay sa gawaing ito. 4 Datapuwa't magsisipanatili kaming matibay sa pananalangin, at sa ministerio ng salita. 5 At minagaling ng buong karamihan ang pananalitang ito: at kanilang inihalal si Esteban, taong puspos ng pananampalataya at ng Espiritu Santo, at si Felipe, at si Procoro, at si Nicanor, at si Timon, at si Parmenas, at si Nicolas na taga Antioquia na naging Judio; 6 Na siyang iniharap nila sa mga apostol: at nang sila'y mangakapanalangin na, ay ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga yaon. 7 At lumago ang salita ng Dios; at dumaming lubha sa Jerusalem ang bilang ng mga alagad; at nagsitalima sa pananampalataya ang lubhang maraming saserdote. 8 At si Esteban, na puspos ng biyaya at ng kapangyarihan, ay gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga tanda sa mga tao. 9 Datapuwa't nagsitindig ang ilan sa nangasa sinagoga, na tinatawag na sinagoga ng mga Libertino, at ng mga Cireneo, at ng mga Alejandrino, at ng mga taga Cilicia, at taga Asia, na nangakipagtalo kay Esteban. 10 At hindi sila makalaban sa karunungan at sa Espiritu na kaniyang ipinangungusap. 11 Nang magkagayo'y nagsisuhol sila sa mga lalake, na nangagsabi, Narinig naming siya'y nagsalita ng mga salitang kapusungan laban kay Moises at sa Dios. 12 At kanilang ginulo ang bayan, at ang mga matanda, at ang mga eskriba, at kanilang dinaluhong, at sinunggaban si Esteban, at dinala siya sa Sanedrin, 13 At nangagharap ng mga saksing sinungaling, na nangagsabi, Ang taong ito'y hindi naglilikat ng pagsasalita ng mga salitang laban dito sa dakong banal, at sa kautusan: 14 Sapagka't narinig naming kaniyang sinabi, na itong si Jesus na taga Nazaret ay iwawasak ang dakong ito, at babaguhin ang mga kaugaliang ibinigay sa atin ni Moises. 15 At ang lahat ng nangakaupo sa Sanedrin, na nagsisititig sa kaniya, ay kanilang nakita ang kaniyang mukha na katulad ng mukha ng isang anghel.
1 At sinabi ng dakilang saserdote, Tunay baga ang mga bagay na ito? 2 At sinabi niya, Mga kapatid na lalake at mga magulang, mangakinig kayo: Ang Dios ng kaluwalhatia'y napakita sa ating amang si Abraham, nang siya'y nasa Mesapotamia, bago siya tumahan sa Haran, 3 At sinabi sa kaniya, Umalis ka sa iyong lupain, at sa iyong kamaganakan, at pumaroon ka sa lupaing ituturo ko sa iyo. 4 Nang magkagayo'y umalis siya sa lupain ng mga Caldeo, at tumahan sa Haran: at buhat doon, pagkamatay ng kaniyang ama, ay inilipat siya ng Dios sa lupaing ito, na inyong tinatahanan ngayon: 5 At hindi siya pinamanahan ng anoman doon, kahit mayapakan ng kaniyang paa: at siya'y nangakong yao'y ibibigay na pinakaari sa kaniya, at sa kaniyang binhi pagkatapos niya, nang wala pa siyang anak. 6 At ganito ang sinalita ng Dios, na ang kaniyang binhi ay makikipamayan sa ibang lupain, at kanilang dadalhin sila sa pagkaalipin, at sila'y pahihirapang apat na raang taon. 7 At ang bansang sa kanila'y aalipin ay aking hahatulan, sabi ng Dios: at pagkatapos nito'y magsisialis sila, at paglilingkuran nila ako sa dakong ito. 8 At ibinigay niya sa kaniya ang tipan ng pagtutuli: at sa ganito'y naging anak ni Abraham si Isaac, at ito'y tinuli nang ikawalong araw; at naging anak ni Isaac si Jacob, at naging mga anak ni Jacob ang labingdalawang patriarka. 9 At ang mga patriarka sa udyok ng kainggitan kay Jose, ay ipinagbili siya, upang dalhin sa Egipto; at ang Dios ay sumasa kaniya, 10 At siya'y iniligtas sa lahat ng kaniyang kapighatian, at siya'y binigyan ng ikalulugod at karunungan sa harapan ni Faraon na hari sa Egipto; at siya'y ginawang gobernador sa Egipto at sa buong bahay niya. 11 Dumating nga ang kagutom sa buong Egipto at sa Canaan, at nagkaroon ng malaking kapighatian: at walang nasumpungang pagkain ang ating mga magulang. 12 Datapuwa't nang marinig ni Jacob na may trigo sa Egipto, ay sinugo niyang una ang ating mga magulang. 13 At sa ikalawa'y napakilala si Jose sa kaniyang mga kapatid; at nahayag kay Faraon ang lahi ni Jose. 14 At nagsugo si Jose, at pinaparoon sa kaniya si Jacob, na kaniyang ama, at ang lahat niyang kamaganakan, na pitongpu't limang tao. 15 At lumusong si Jacob sa Egipto; at namatay siya, at ang ating mga magulang. 16 At sila'y inilipat sa Siquem, at inilagay sila sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor sa Siquem, sa halaga ng pilak. 17 Datapuwa't nang nalalapit na ang panahon ng pangako, na ginawa ng Dios kay Abraham, ang bayan ay kumapal at dumami sa Egipto, 18 Hanggang sa lumitaw ang ibang hari sa Egipto na hindi nakakikilala kay Jose. 19 Ito rin ay gumamit ng lalang sa ating lahi, at pinahirapan ang ating mga magulang, na ipinatapon ang kani-kanilang mga sanggol upang huwag mangabuhay. 20 Nang panahong yaon, ay ipinanganak si Moises, at siya'y totoong maganda; at siya'y inalagaang tatlong buwan sa bahay ng kaniyang ama: 21 At nang siya'y matapon, ay pinulot siya ng anak na babae ni Faraon, at siya'y inalagaang gaya ng sariling anak niya. 22 At tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio: at siya ay makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa. 23 Datapuwa't nang siya'y magaapat na pung taong gulang na, ay tumugtog sa kaniyang puso na dalawin ang kaniyang mga kapatid na mga anak ni Israel. 24 At nang makita niya ang isa sa kanila na inaalipusta, ay kaniyang ipinagsanggalang siya, at ipinaghiganti ang pinipighati, at pinatay ang Egipcio: 25 At ang isip niya'y napagunawa ng kaniyang mga kapatid na ibinigay ng Dios sa kanila ang kaligtasan sa pamamagitan ng kamay niya: datapuwa't hindi nila napagunawa. 26 At nang kinabukasan ay napakita siya sa kanila samantalang sila'y nagaaway, at sila'y ibig sana niyang payapain, na sinasabi, mga Ginoo, kayo'y magkapatid; bakit kayo'y nagaalipustaan? 27 Datapuwa't itinulak siya ng umalipusta sa kaniyang kapuwa tao, na sinasabi, Sino ang naglagay sa iyo na puno at hukom sa amin? 28 Ibig mo bagang ako'y patayin mo, na gaya ng pagkapatay mo kahapon sa Egipcio? 29 At sa salitang ito'y tumakas si Moises, at nakipamayan sa lupain ng Midian, na doo'y nagkaanak siya ng dalawang lalake. 30 At nang maganap ang apat na pung taon, ay napakita sa kaniya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punong kahoy. 31 At nang makita ito ni Moises, ay nanggilalas sa tanawin; at nang siya'y lumapit upang pagmasdan, ay dumating ang isang tinig ng Panginoon, 32 Ako ang Dios ng iyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob. At si Moises ay nanginig at hindi nangahas tumingin. 33 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Alisin mo ang mga pangyapak sa iyong mga paa: sapagka't ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal. 34 Totoong nakita ko ang kapighatian ng aking bayang nasa Egipto, at narinig ko ang kanilang hibik, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas: at ngayo'y halika, susuguin kita sa Egipto. 35 Ang Moises na ito na kanilang itinakuwil, na sinasabi, Sino ang sa iyo'y naglagay na puno at hukom? ay siyang sinugo ng Dios na maging puno at tagapagligtas sa pamamagitan ng kamay ng anghel na sa kaniya'y napakita sa mababang punong kahoy. 36 Pinatnugutan sila ng taong ito, pagkagawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa Egipto, at sa dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apat na pung taon. 37 Ito'y yaong Moises, na nagsabi sa mga anak ni Israel, Palilitawin ng Dios sa inyo ang isang propeta na gaya ko, mula sa inyong mga kapatid. 38 Ito'y yaong naroon sa iglesia sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga magulang: na siyang nagsitanggap ng mga aral na buhay upang ibigay sa atin: 39 Sa kaniya'y ayaw magsitalima ang ating mga magulang, kundi siya'y kanilang itinakuwil, at sa kanilang mga puso'y nangagbalik sa Egipto, 40 Na sinasabi kay Aaron, Igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin: sapagka't tungkol dito kay Moises, na naglabas sa amin sa lupain ng Egipto, ay hindi namin nalalaman kung ano ang nangyari sa kaniya. 41 At nagsigawa sila nang mga araw na yaon ng isang guyang baka, at nagsipaghandog ng hain sa diosdiosang yaon, at nangatuwa sa mga gawa ng kanilang mga kamay. 42 Datapuwa't tumalikod ang Dios, at sila'y pinabayaang magsisamba sa hukbo ng langit; gaya ng nasusulat sa aklat ng mga propeta, Hinandugan baga ninyo ako ng mga hayop na pinatay at mga hain Na apat na pung taon sa ilang, Oh angkan ni Israel? 43 At dinala ninyo ang tabernakulo ni Moloc, At ang bituin ng dios Refan, Ang mga larawang ginawa ninyo upang inyong sambahin: At dadalhin ko kayo sa dako pa roon ng Babilonia. 44 Sumaating mga magulang sa ilang ang tabernakulo ng patotoo, ayon sa itinakda ng nagsalita kay Moises, na kaniyang gawin yaon alinsunod sa anyong kaniyang nakita. 45 Na yao'y ipinasok din ng ating mga magulang sa kapanahunang ukol, na kasama ni Josue nang sila'y magsipasok sa inaari ng mga bansa, na pinalayas ng Dios sa harapan ng ating magulang, hanggang sa mga araw ni David; 46 Na nakasumpong ng biyaya sa paningin ng Dios, at huminging makasumpong ng isang tahanang ukol sa Dios ni Jacob. 47 Datapuwa't iginawa siya ni Salomon ng isang bahay. 48 Bagama't ang Kataastaasa'y hindi tumatahan sa mga bahay na gawa ng mga kamay; gaya ng sinasabi ng propeta, 49 Ang langit ay ang aking luklukan, At ang lupa ang tungtungan ng aking mga paa: Anong anyo ng bahay ang itatayo ninyo sa akin? sabi ng Panginoon: O anong dako ang aking pahingahan? 50 Hindi baga ginawa ng aking kamay ang lahat ng mga bagay na ito? 51 Kayong matitigas ang ulo, at di tuli ang puso't mga tainga, kayo'y laging nagsisisalangsang sa Espiritu Santo: kung ano ang ginawa ng inyong mga magulang, ay gayon din naman ang ginagawa ninyo. 52 Alin sa mga propeta ang hindi pinagusig ng inyong mga magulang? at kanilang pinatay ang nangagpahayag ng una ng pagdating ng Matuwid na Ito; na sa kaniya'y kayo ngayon ay nangaging mga tagapagkanulo at mamamatay-tao; 53 Kayo na nagsitanggap ng kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, at hindi ninyo ginanap. 54 Nang marinig nga nila ang mga bagay na ito, ay nangasugatan sila sa puso, at siya'y pinagngalitan nila ng kanilang mga ngipin. 55 Datapuwa't siya, palibhasa'y puspos ng Espiritu Santo ay tumitig na maigi sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Dios, at si Jesus na nakatindig sa kanan ng Dios, 56 At nagsabi, Narito, nakikita kong bukas ang mga langit, at ang Anak ng tao na nakatindig sa kanan ng Dios. 57 Datapuwa't sila'y nagsigawan ng malakas na tinig, at nangagtakip ng kanilang mga tainga, at nangagkaisang siya'y dinaluhong; 58 At siya'y kanilang itinapon sa labas ng bayan, at binato: at inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa mga paanan ng isang binata na nagngangalang Saulo. 59 At kanilang pinagbatuhanan si Esteban, na tumatawag sa Panginoon at nagsasabi, Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu. 60 At siya'y nanikluhod, at sumigaw ng malakas na tinig, Panginoon, huwag mong iparatang sa kanila ang kasalanang ito. At pagkasabi niya nito, ay nakatulog siya.
1 At si Saulo ay sumangayon sa kaniyang pagkamatay. At nang araw na yao'y nangyari ang isang malaking paguusig laban sa iglesia na nasa Jerusalem; at silang lahat ay nagsipangalat sa lahat ng mga dako ng Judea at Samaria, maliban na sa mga apostol. 2 At inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at siya'y tinangisan ng di kawasa. 3 Datapuwa't pinuksa ni Saulo ang iglesia, na pinapasok ang bahay-bahay, at kinakaladkad ang mga lalake't mga babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan. 4 Ang mga nagsipangalat nga ay nagsipaglakbay, na ipinangangaral ang salita. 5 At bumaba si Felipe sa bayan ng Samaria, at ipinangaral sa kanila ang Cristo. 6 At ang mga karamiha'y nangagkakaisang nangakikinig sa mga bagay na sinasalita ni Felipe, pagkarinig nila, at pagkakita ng mga tanda na ginawa niya. 7 Sapagka't sa maraming may mga karumaldumal na espiritu, ay nangagsilabas sila, na nangagsisisigaw ng malakas na tinig: at maraming lumpo, at pilay, ang pinagaling. 8 At nagkaroon ng malaking kagalakan sa bayang yaon. 9 Datapuwa't may isang tao, na nagngangalang Simon, na nang unang panaho'y nanggagaway sa bayan, at pinahahanga ang mga tao sa Samaria, at nagsasabing siya'y isang dakila: 10 Na siyang pinakikinggan nilang lahat, buhat sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan, na sinasabi, Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na Dakila. 11 At siya'y pinakinggan nila, sapagka't mahabang panahong pinahahanga niya sila ng kaniyang mga panggagaway. 12 Datapuwa't nang magsipaniwala sila kay Felipe na nangangaral ng mabubuting balita tungkol sa kaharian ng Dios at sa pangalan ni Jesucristo, ay nangabautismuhan ang mga lalake't mga babae. 13 At si Simon man ay naniwala rin: at nang mabautismuhan na, ay nanatili siyang kasama ni Felipe; at nang makakita ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa, ay napahanga siya. 14 Nang mabalitaan nga ng mga apostol na nangasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Dios, ay sinugo nila sa kanila si Pedro at si Juan: 15 Na nang sila'y makalusong, ay ipinanalangin nila sila, upang kanilang tanggapin ang Espiritu Santo. 16 Sapagka't ito'y hindi pa bumababa sa kanino man sa kanila: kundi sila'y nangabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Nang magkagayo'y ipinatong sa kanila ang kanilang mga kamay, at kanilang tinanggap ang Espiritu Santo. 18 Nang makita nga ni Simon na sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol ay ibinigay ang Espiritu Santo, ay inalok niya sila ng salapi, 19 Na sinasabi, Bigyan naman ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinomang patungan ko ng aking mga kamay, ay tumanggap ng Espiritu Santo. 20 Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Pedro, Ang iyong salapi'y mapahamak na kasama mo, sapagka't inisip mong tamuhin ang kaloob ng Dios sa pamamagitan ng salapi. 21 Wala kang bahagi ni kapalaran man sa bagay na ito: sapagka't ang puso mo'y hindi matuwid sa harap ng Dios. 22 Magsisi ka nga sa kasamaan mong ito, at manalangin ka sa Panginoon, baka sakaling ipatawad sa iyo ang pagiisip ng iyong puso. 23 Sapagka't nakikita kong ikaw ay nasa apdo ng kapaitan at sa tali ng katampalasanan. 24 At sumagot si Simon at sinabi, Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon, upang huwag mangyari sa akin ang alin mang bagay sa mga sinasabi ninyo. 25 Sila nga, nang makapagpatotoo at masabi na nila ang salita ng Panginoon, ay nangagbalik sa Jerusalem, at ipinangaral ang evangelio sa maraming nayon ng mga Samaritano. 26 Datapuwa't nagsalita kay Felipe ang isang anghel ng Panginoon, na nagsasabi, Magtindig ka, at ikaw ay pumaroon sa dakong timugan, sa daang palusong mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza: na ito'y ilang. 27 At siya'y nagtindig at yumaon: at narito, ang isang lalaking taga Etiopia, isang bating na may dakilang kapamahalaan na sakop ni Candace, reina ng mga Etiope, na siyang namamahala ng lahat niyang kayamanan, at siya'y naparoon sa Jerusalem upang sumamba; 28 At siya'y pabalik at nakaupo sa kaniyang karo, at binabasa ang propeta Isaias. 29 At sinabi kay Felipe ng Espiritu, Lumapit ka, at makisama sa karong ito. 30 At tumakbo si Felipeng patungo sa kaniya, at napakinggan niyang binabasa si Isaias na propeta, at sinabi, Nauunawa mo baga ang binabasa mo? 31 At sinabi niya, Paanong magagawa ko, maliban nang may pumatnubay sa aking sinoman? At pinakiusapan niya si Felipe na pumanhik at maupong kasama niya. 32 Ang dako nga ng kasulatan na binabasa niya ay ito, Siya'y gaya ng tupa na dinala sa patayan; At kung paanong hindi umimik ang kordero sa harap ng manggugupit sa kaniya, Gayon din hindi niya binubuka ang kaniyang bibig: 33 Sa kaniyang pagpapakababa'y inalis ang kaniyang paghuhukom. Sino ang maghahayag ng kaniyang lahi? Sapagka't inalis sa lupa ang kaniyang buhay. 34 At sumagot ang bating kay Felipe, at sinabi, Ipinamamanhik ko sa iyo, kanino sinasabi ng propeta ito? sa kaniya bagang sarili, o sa alin mang iba? 35 At binuka ni Felipe ang kaniyang bibig, at pagpapasimula sa kasulatang ito, ay ipinangaral sa kaniya si Jesus. 36 At sa pagpapatuloy sa daan, ay nagsidating sila sa dakong may tubig; at sinabi ng bating, Narito, ang tubig; ano ang nakahahadlang upang ako'y mabautismuhan? 37 At sinabi ni Felipe Kung nanampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. At sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Dios. 38 At ipinagutos niyang itigil ang karo: at sila'y kapuwa lumusong sa tubig, si Felipe at ang bating; at kaniyang binautismuhan siya. 39 At nang magsiahon sila sa tubig, ay inagaw si Felipe ng Espiritu ng Panginoon; at hindi na siya nakita ng bating, sapagka't ipinagpatuloy niya ang kaniyang lakad na natutuwa. 40 Nguni't nasumpungan si Felipe sa Azoto: at sa pagdadaan ay ipinangaral niya ang evangelio sa lahat ng mga bayan, hanggang sa dumating siya sa Cesarea.
1 Datapuwa't si Saulo, na sumisilakbo pa ng mga pagbabanta at pagpatay laban sa mga alagad ng Panginoon, ay naparoon sa dakilang saserdote, 2 At humingi sa kaniya ng mga sulat sa Damasco sa mga sinagoga, upang kung siya'y makasumpong ng sinoman sa mga nasa Daan, maging mga lalake o mga babae, ay kaniya silang madalang gapos sa Jerusalem. 3 At sa kaniyang paglalakad, ay nangyari na siya'y malapit sa Damasco: at pagdaka'y nagliwanag sa palibot niya ang isang ilaw mula sa langit: 4 At siya'y nasubasob sa lupa, at nakarinig ng isang tinig na sa kaniya'y nagsasabi, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig? 5 At sinabi niya, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi niya, Ako'y si Jesus na iyong pinaguusig: 6 Nguni't magtindig ka, at ikaw ay pumasok sa bayan, at sasalitain sa iyo ang dapat mong gawin. 7 At ang mga taong kasama niya sa paglalakad ay nangatilihan na hindi makapagsalita, na naririnig ang tinig, datapuwa't walang nakikitang sinoman. 8 At nagtindig sa lupa si Saulo; at pagkadilat ng kaniyang mga mata, ay di siya nakakita ng anoman; at kanilang inakay siya sa kamay at ipinasok siya sa Damasco. 9 At siya'y tatlong araw na walang paningin, at hindi kumain ni uminom man. 10 Ngayon nga'y may isang alagad sa Damasco, na nagngangalang Ananias; at sinabi sa kaniya ng Panginoon sa pangitain, Ananias. At sinabi niya, Narito ako, Panginoon. 11 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Magtindig ka, at pumaroon sa lansangang tinatawag na Matuwid, at ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isa na nagngangalang Saulo, lalaking taga Tarso: sapagka't narito, siya'y nananalangin; 12 At nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Ananias na pumapasok, at ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya, upang tanggapin niya ang kaniyang paningin. 13 Nguni't sumagot si Ananias, Panginoon, nabalitaan ko sa marami ang tungkol sa taong ito, kung gaano karaming kasamaan ang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem: 14 At dito siya'y may kapahintulutan ng mga pangulong saserdote na gapusin ang lahat ng mga nagsisitawag sa iyong pangalan. 15 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Panginoon, Pumaroon ka: sapagka't siya'y sisidlang hirang sa akin, upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel: 16 Sapagka't sa kaniya'y aking ipakikilala kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang tiisin dahil sa aking pangalan. 17 At umalis si Ananias at pumasok sa bahay; at ipinatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya na sinabi, Kapatid na Saulo, ang Panginoon, sa makatuwid baga'y si Jesus, na sa iyo'y napakita sa daan na iyong pinanggalingan, ay nagsugo sa akin, upang tanggapin mo ang iyong paningin, at mapuspos ka ng Espiritu Santo. 18 At pagdaka'y nangalaglag mula sa kaniyang mga mata ang mga parang kaliskis, at tinanggap niya ang kaniyang paningin; at siya'y nagtindig at siya'y binautismuhan; 19 At siya'y kumain at lumakas. At siya'y nakisamang ilang araw sa mga alagad na nangasa Damasco. 20 At pagdaka'y kaniyang itinanyag sa mga sinagoga si Jesus, na siya ang Anak ng Dios. 21 At ang lahat ng sa kaniya'y nakarinig ay namangha, at nangagsabi, Hindi baga ito yaong sa Jerusalem ay lumipol sa mga nagsitawag sa pangalang ito? at sa ganitong nasa ay naparito siya, upang sila'y dalhing gapos sa harap ng mga pangulong saserdote. 22 Datapuwa't lalo nang lumakas ang loob ni Saulo, at nilito ang mga Judio na nangananahan sa Damasco, na pinatutunayan na ito ang Cristo. 23 At nang maganap ang maraming mga araw, ay nangagsanggunian ang mga Judio upang siya'y patayin: 24 Datapuwa't napagtalastas ni Saulo ang kanilang banta. At kanilang binantayan naman ang mga pintuang daan sa araw at gabi upang siya'y kanilang patayin: 25 Nguni't kinuha siya sa gabi ng kaniyang mga alagad, at siya'y ibinaba sa kuta na siya'y inihugos na nasa isang balaong. 26 At nang siya'y dumating sa Jerusalem, ay pinagsikapan niyang makipisan sa mga alagad: at silang lahat ay nangatakot sa kaniya, sa di paniniwala na siya'y alagad, 27 Datapuwa't kinuha siya ni Bernabe, at siya'y iniharap sa mga apostol, at sa kanila'y isinaysay kung paanong nakita niya sa daan ang Panginoon, at kinausap siya, at kung paanong siya'y nangaral sa Damasco na may katapangan sa pangalan ni Jesus. 28 At siya'y kasamasama nila, na pumapasok at lumalabas sa Jerusalem, 29 Na nangangaral na may katapangan sa pangalan ng Panginoon: at siya'y nagsalita at nakipagtuligsaan sa mga Greco-Judio; datapuwa't pinagpipilitan nilang siya'y mapatay. 30 At nang maalaman ito ng mga kapatid, ay inihatid nila siya sa Cesarea, at siya'y sinugo nila sa Tarso. 31 Sa gayo'y nagkaroon ng kapayapaan ang iglesia sa buong Judea at Galilea at Samaria palibhasa'y pinagtibay; at, sa paglakad na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Espiritu Santo, ay nagsisidami. 32 At nangyari, na sa paglalakad ni Pedro sa lahat ng dako, siya'y naparoon naman sa mga banal na nangananahan sa Lidda. 33 At doo'y natagpuan niya ang isang lalake na nagngangalang Eneas, na walo nang taong sumasabanig; sapagka't siya'y lumpo. 34 At sinabi sa kaniya ni Pedro, Eneas, pinagagaling ka ni Jesucristo: magtindig ka, at husayin mo ang iyong higaan. At pagdaka'y nagtindig siya. 35 At siya'y nakita ng lahat ng mga nangananahan sa Lidda at sa Sarona, at sila'y nangagbalik-loob sa Panginoon. 36 Ngayon ay may isang alagad sa Joppe na nagngangalang Tabita, na ang kahuluga'y Dorcas: ang babaing ito'y puspos ng mabubuting gawa at ng pagkaawang gawa na kaniyang ginagawa. 37 At nangyari nang mga araw na yaon, na siya'y nagkasakit, at namatay: at nang siya'y mahugasan na nila, ay kanilang ibinurol siya sa isang silid sa itaas. 38 At sapagka't malapit ang Lidda sa Joppe, pagkabalita ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, ay nangagsugo sa kaniya ng dalawa katao, na ipinamamanhik sa kaniya, Huwag kang magluwat ng pagparito sa amin. 39 At nagtindig si Pedro at sumama sa kanila. At pagdating niya, ay inihatid nila sa silid sa itaas: at siya'y niligid ng lahat ng mga babaing bao, na nagsisitangis, at ipinakikita ang mga tunika at ang mga damit na ginawa ni Dorcas, nang ito'y kasama pa nila. 40 Datapuwa't pinalabas silang lahat ni Pedro, at lumuhod, at nanalangin; at pagbaling sa bangkay ay kaniyang sinabi, Tabita, magbangon ka. At iminulat niya ang kaniyang mga mata, at nang makita niya si Pedro, ay naupo siya. 41 At iniabot ni Pedro sa kaniya ang kaniyang kamay, at siya'y itinindig; at tinawag ang mga banal at ang mga babaing bao, at siya'y iniharap niyang buhay. 42 At ito'y nabansag sa buong Joppe: at marami ang mga nagsisampalataya sa Panginoon. 43 At nangyari, na siya'y nanahang maraming mga araw sa Joppe, na kasama ni Simong mangluluto ng balat.
1 At may isang lalake nga sa Cesarea, na nagngangalang Cornelio, senturion ng pulutong na tinatawag na pulutong Italiano. 2 Isang taong masipag sa kabanalan at matatakutin sa Dios siya at ang buong sangbahayan at naglimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Dios. 3 Nakita niyang maliwanag, sa isang pangitain, nang may oras na ikasiyam ng araw, na pumapasok na patungo sa kaniya ang isang anghel ng Dios, at nagsasabi sa kaniya, Cornelio. 4 At siya, sa pagtitig niya sa kaniya, at sa pagkatakot niya, ay nagsabi, Ano ito, Panginoon? At sinabi niya sa kaniya, Ang mga panalangin mo at ang iyong mga paglilimos ay nangapailanglang na isang alaala sa harapan ng Dios. 5 At ngayo'y magsugo ka ng mga tao sa Joppe, at ipagsama mo yaong Simon, na may pamagat na Pedro; 6 Siya'y nanunuluyan sa isa na Simong mangluluto ng balat, na ang kaniyang bahay ay nasa tabi ng dagat. 7 At nang umalis ang anghel na sa kaniya'y nagsalita, ay tumawag siya ng dalawa sa kaniyang mga alila, at ng isang kawal na masipag sa kabanalan sa mga nagsisipaglingkod sa kaniyang parati; 8 At nang maisaysay na sa kanila ang lahat ng mga bagay, sila'y sinugo niya sa Joppe. 9 Nang kinabukasan nga samantalang sila'y patuloy sa kanilang paglalakad, at nang malapit na sa bayan, si Pedro ay umakyat sa ibabaw ng bahay upang manalangin, nang may oras na ikaanim; 10 At siya'y nagutom at nagnais kumain: datapuwa't samantalang nangaghahanda sila, ay nawalan siya ng diwa; 11 At nakita niyang bukas ang langit, at may isang sisidlang bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na nakabitin sa apat na panulok na bumababa sa lupa: 12 Na doo'y naroroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa at ang mga nagsisigapang sa lupa at ang mga ibon sa langit. 13 At dumating sa kaniya ang isang tinig, Magtindig ka, Pedro; magpatay ka at kumain. 14 Datapuwa't sinabi ni Pedro, Hindi maaari, Panginoon; sapagka't kailan ma'y hindi ako kumain ng anomang bagay na marumi at karumaldumal. 15 At muling dumating sa kaniya ang tinig sa ikalawa, Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi. 16 At ito'y nangyaring makaitlo: at pagdaka'y binatak sa langit ang sisidlan. 17 Samantalang natitilihang totoo si Pedro sa kaniyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kaniyang nakita, narito, ang mga taong sinugo ni Cornelio, nang maipagtanong ang bahay ni Simon, ay nangagsitayo sa harapan ng pintuan. 18 At nangagsitawag at nangagtanong kung si Simon, na pinamagatang Pedro, ay nanunuluyan doon. 19 At samantalang iniisip ni Pedro ang tungkol sa pangitain, ay sinabi sa kaniya ng Espiritu, Narito, hinahanap ka ng tatlong tao. 20 Datapuwa't magtindig ka, at manaog ka, at sumama ka sa kanila, na huwag kang magalinlangan ng anoman: sapagka't sila'y aking sinugo. 21 At pinanaog ni Pedro ang mga tao, at sinabi, Narito, ako ang hinahanap ninyo: ano baga ang dahil ng inyong ipinarito? 22 At sinabi nila, Ang senturiong si Cornelio, na taong matuwid at matatakutin sa Dios, at may mabuting patotoo ng buong bansa ng mga Judio, ay pinagpaunawaan ng Dios sa pamamagitan ng isang banal na anghel na ikaw ay paparoonin sa kaniyang bahay, at upang makarinig sa iyo ng mga salita. 23 Kaya't sila'y pinapasok at pinatuloy sila. At nang kinabukasa'y nagbangon siya at umalis na kasama nila, at siya'y sinamahan ng ilang kapatid na mula sa Joppe. 24 At nang kinabukasa'y nagsipasok sila sa Cesarea. At sila'y hinihintay ni Cornelio, na tinipon nito ang kaniyang kamaganakan at ang kaniyang mga kaibigang minamahal. 25 At nangyari, na pagpasok ni Pedro, ay sinalubong siya ni Cornelio, at nagpatirapa sa kaniyang paanan, at siya'y sinamba. 26 Datapuwa't itinindig siya ni Pedro, na sinasabi, Magtindig ka; ako man ay tao rin. 27 At sa pakikipagsalitaan niya sa kaniya, ay pumasok siya, at kaniyang naratnan ang maraming nangagkakatipon: 28 At sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo na hindi matuwid sa isang taong Judio na makisama lumapit sa isang taga ibang bansa; at gayon ma'y ipinakilala sa akin ng Dios, na sinomang tao'y huwag kong tawaging marumi o karumaldumal: 29 Dahil din dito'y naparito akong hindi tumutol ng anoman, nang ako'y ipasundo. Itinatanong ko nga kung sa anong kadahilanan ipinasundo ninyo ako. 30 At sinabi ni Cornelio, May apat nang araw, hanggang sa oras na ito, na aking ginaganap ang pananalangin sa oras na ikasiyam sa bahay ko; at narito, tumindig sa harapan ko ang isang lalake na may pananamit na nagniningning, 31 At sinabi, Cornelio, dininig ang dalangin mo, at ang iyong mga paglilimos ay inaalaala sa paningin ng Dios. 32 Magsugo ka nga sa Joppe, at ipatawag mo si Simon, na pinamagatang Pedro; siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simong mangluluto ng balat, na nasa tabi ng dagat. 33 Pagdaka nga'y nagsugo ako sa iyo; at mabuti ang ginawa mo't naparito ka. Ngayon nga'y kaming lahat ay nangaririto sa paningin ng Dios, upang dinggin ang lahat ng mga bagay na sa iyo'y ipinagutos ng Panginoon. 34 At binuka ni Pedro ang kaniyang bibig, at sinabi, Tunay ngang natatalastas ko na hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao: 35 Kundi sa bawa't bansa siya na may takot sa kaniya, at gumagawa ng katuwiran, ay kalugodlugod sa kaniya. 36 Ang salita na kaniyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang evangelio ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo (siya'y Panginoon ng lahat:) 37 Talastas ninyo ang salitang ito na nahayag sa buong Judea, magbuhat sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan; 38 Sa makatuwid baga'y si Jesus na taga Nazaret, kung paanong siya'y pinahiran ng Dios ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan: na naglilibot na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling sa lahat ng mga pinahihirapan ng diablo; sapagka't sumasa kaniya ang Dios. 39 At mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng mga Judio, at sa Jerusalem; na siya nama'y kanilang pinatay, na siya'y ibinitin sa isang punong kahoy. 40 Siya'y muling binuhay ng Dios nang ikatlong araw, at siya'y itinalagang mahayag. 41 Hindi sa buong bayan, kundi sa mga saksi na hinirang ng Dios nang una, sa makatuwid baga'y sa amin, na nagsikain at nagsiinom na kasalo niya, pagkatapos na siya'y muling mabuhay sa mga patay. 42 At sa ami'y ipinagbilin niya na magsipangaral kami sa bayan, at saksihan na siya ang itinalaga ng Dios na maging Hukom ng mga buhay at ng mga patay. 43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta, na ang bawa't sumasampalataya sa kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan. 44 Samantalang nagsasalita pa si Pedro ng mga salitang ito, ay bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nangakikinig ng salita. 45 At silang sa pagtutuli na nagsisampalataya ay nangamanghang lahat na nagsiparoong kasama ni Pedro, sapagka't ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Espiritu Santo. 46 Sapagka't nangarinig nilang nangagsasalita ang mga ito ng mga wika, at nangagpupuri sa Dios. Nang magkagayo'y sumagot si Pedro, 47 Mangyayari bagang hadlangan ng sinoman ang tubig, upang huwag mangabautismuhan itong mga nagsitanggap ng Espiritu Santo na gaya naman natin? 48 At inutusan niya sila na magsipagbautismo sa pangalan ni Jesucristo. Nang magkagayo'y kanilang ipinamanhik sa kaniya na matirang mga ilang araw.
1 Nabalitaan nga ng mga apostol at ng mga kapatid na nangasa Judea na nagsitanggap din naman ang mga Gentil ng salita ng Dios. 2 At nang umahon si Pedro sa Jerusalem, ay nakipagtalo sa kaniya ang mga sa pagtutuli, 3 Na nagsisipagsabi, Nakisalamuha ka sa mga taong hindi tuli, at kumain kang kasalo nila. 4 Datapuwa't si Pedro ay nagpasimula, at ang kadahilanan ay isinaysay sa kanilang sunodsunod na sinasabi, 5 Ako'y nananalangin sa bayan ng Joppe: at sa kawalan ng diwa'y nakakita ako ng isang pangitain, na may isang sisidlang bumababa, na gaya ng isang malapad na kumot, na inihuhugos mula sa langit na nakabitin sa apat na sulok; at dumating hanggang sa akin: 6 At nang yao'y aking titigan, ay pinagwari ko, at aking nakita ang mga hayop na may apat na paa sa lupa at mga hayop na ganid at ang mga nagsisigapang at mga ibon sa langit. 7 At nakarinig din naman ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, Magtindig ka, Pedro; magpatay ka at kumain. 8 Datapuwa't sinabi ko, Hindi maaari, Panginoon: sapagka't kailan man ay walang anomang pumasok sa aking bibig na marumi o karumaldumal. 9 Nguni't sumagot na ikalawa ang tinig mula sa langit, Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi. 10 At ito'y nangyaring makaitlo: at muling binatak ang lahat sa langit. 11 At narito, pagdaka'y nangagsitayo sa tapat ng bahay na aming kinaroroonan, ang tatlong lalake na mga sinugo sa akin buhat sa Cesarea. 12 At iniutos sa akin ng Espiritu na ako'y sumama sa kanila, na huwag magtangi. At nagsisama naman sa akin itong anim na kapatid; at nagsipasok kami sa bahay ng lalaking yaon: 13 At kaniyang isinaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kaniyang bahay, at nagsasabi, Magsugo ka sa Joppe, at ipagsama mo si Simon, na may pamagat na Pedro; 14 Na siyang magsasaysay sa iyo ng mga salita, na ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sangbahayan mo. 15 At nang ako'y magpasimulang magsalita, ay bumaba sa kanila ang Espiritu Santo, na gaya naman ng pagbaba sa atin nang una. 16 At naalaala ko ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya, Tunay na si Juan ay nagbautismo ng tubig; datapuwa't kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo. 17 Kung ibinigay nga sa kanila ng Dios ang gayon ding kaloob na gaya naman ng kaniyang ibinigay sa atin, nang tayo'y nagsisisampalataya sa Panginoong Jesucristo, sino baga ako, na makahahadlang sa Dios? 18 At nang marinig nila ang mga bagay na ito, ay nagsitahimik sila, at niluwalhati ang Dios, na sinasabi, Kung gayo'y binigyan din naman ng Dios ang mga Gentil ng pagsisisi sa ikabubuhay. 19 Yaon ngang nagsipangalat sa ibang lupain dahil sa kapighatian na nangyari tungkol kay Esteban ay nangaglakbay hanggang sa Fenicia, at sa Chipre, at sa Antioquia, na hindi nagsaysay kanino man ng salita kundi sa mga Judio lamang. 20 Datapuwa't may ilan sa kanila, mga taong taga Chipre at taga Cirene, na, nang sila'y magsidating sa Antioquia, ay nangagsalita naman sa mga Griego, na ipinangangaral ang Panginoong Jesus. 21 At sumasa kanila ang kamay ng Panginoon: at ang lubhang marami sa nagsisisampalataya ay nangagbalik-loob sa Panginoon. 22 At dumating ang balita tungkol sa kanila sa mga tainga ng iglesia na nasa Jerusalem: at kanilang sinugo si Bernabe hanggang sa Antioquia: 23 Na, nang siya'y dumating, at makita ang biyaya ng Dios, ay nagalak; at kaniyang inaralan ang lahat, na sa kapasiyahan ng puso ay magsipanatili sa Panginoon: 24 Sapagka't siya'y lalaking mabuti, at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya: at maraming tao ang nangaparagdag sa Panginoon. 25 At siya'y naparoon sa Tarso upang hanapin si Saulo; 26 At nang siya'y kaniyang masumpungan ay kaniyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari, na sa buong isang taon sila'y nakisama sa iglesia, at nagsipagturo sa maraming tao; at ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano, sa Antioquia. 27 Nang mga araw ngang ito ay may lumusong sa Antioquia na mga propetang galing sa Jerusalem. 28 At nagtindig ang isa sa kanila na nagngangalang Agabo, at ipinaalam sa pamamagitan ng Espiritu na magkakagutom ng malaki sa buong sanglibutan: na nangyari nang mga kaarawan ni Claudio. 29 At ang mga alagad, ayon sa kaya ng bawa't isa, ay nangagpasiyang magpadala ng saklolo sa mga kapatid na nangananahan sa Judea: 30 Na siya nga nilang ginawa, na ipinadala nila sa mga matanda sa pamamagitan ng kamay ni Bernabe at ni Saulo.
1 Nang panahon ngang yaon ay iniunat ni Herodes ang kaniyang mga kamay upang pahirapan ang ilan sa iglesia. 2 At pinatay niya sa tabak si Santiago na kapatid ni Juan. 3 At nang makita niya na ito'y ikinatutuwa ng mga Judio, ay kaniya namang ipinagpatuloy na hulihin si Pedro. At noo'y mga araw ng mga tinapay na walang lebadura. 4 At nang siya'y mahuli na niya, ay kaniyang inilagay siya sa bilangguan at siya'y ibinigay sa apat na tigaapat na kawal upang siya'y bantayan; na inaakalang siya'y iharap sa bayan pagkatapos ng Paskua. 5 Kaya nga't si Pedro ay iningatan sa bilangguan: datapuwa't ang iglesia ay maningas na dumalangin sa Dios patungkol sa kaniya. 6 At nang siya'y malapit nang ilabas ni Herodes, nang gabi ring yaon ay natutulog si Pedro sa gitna ng dalawang kawal, na nagagapos ng dalawang tanikala: at ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nangagbabantay ng bilangguan. 7 At narito, tumayo sa tabi niya ang isang anghel ng Panginoon, at lumiwanag ang isang ilaw sa silid na kulungan: at tinapik si Pedro sa tagiliran, at siya'y ginising, na sinasabi, Magbangon kang madali. At nangalaglag ang kaniyang mga tanikala sa kaniyang mga kamay. 8 At sinabi sa kaniya ng anghel, Magbigkis ka, at itali mo ang iyong mga pangyapak. At gayon ang ginawa niya. At sinabi niya sa kaniya. Isuot mo sa iyo ang damit mo, at sumunod ka sa akin. 9 At siya'y lumabas, at sumunod; at hindi niya nalalaman kung tunay ang ginawa ng anghel kundi ang isip niya'y nakakita siya ng isang pangitain. 10 At nang kanilang maraanan na ang una at ang pangalawang bantay, ay nagsirating sila sa pintuang-bakal na patungo sa bayan; na kusang nabuksan sa kanila: at sila'y nagsilabas, at nangagpatuloy sa isang lansangan; at pagdaka'y humiwalay sa kaniya ang anghel. 11 At nang si Pedro ay pagsaulian ng isip, ay kaniyang sinabi, Ngayo'y nalalaman kong sa katotohanan ay sinugo ng Panginoon ang kaniyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa buong pagasa ng bayan ng mga Judio. 12 At nang siya'y makapagnilay na, ay naparoon siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na may pamagat na Marcos; na kinaroroonan ng maraming nangagkakatipon at nagsisipanalangin. 13 At nang siya'y tumuktok sa pintuang-daan, ay lumabas upang sumagot, ang isang dalagang nagngangalang Rode. 14 At nang makilala niya ang tinig ni Pedro, sa tuwa'y hindi niya binuksan ang pintuan, kundi nagtakbo sa loob, ipinagbigay-alam na nakatayo si Pedro sa harap ng pintuan. 15 At kanilang sinabi sa kaniya, Nauulol ka. Datapuwa't buong tiwala niyang pinatunayan na gayon nga. At kanilang sinabi, na yao'y kaniyang anghel. 16 Datapuwa't nanatili si Pedro nang pagtuktok: at nang kanilang buksan, ay nakita nila siya, at sila'y nangamangha. 17 Datapuwa't siya, nang mahudyatan sila ng kaniyang kamay na sila'y tumahimik, ay isinaysay sa kanila kung paanong inilabas siya ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya, Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago, at sa mga kapatid. At siya'y umalis, at napasa ibang dako. 18 Nang maguumaga na ay hindi kakaunti ang kaguluhang nangyari sa mga kawal, tungkol sa kung anong nangyari kay Pedro. 19 At nang siya'y maipahanap na ni Herodes, at hindi siya nasumpungan, ay siniyasat niya ang mga bantay, at ipinagutos na sila'y patayin. At siya buhat sa Judea ay lumusong sa Cesarea, at doon tumira. 20 At galit na galit nga si Herodes sa mga taga Tiro at taga Sidon: at sila'y nangagkaisang pumaroon sa kaniya, at, nang makaibigan na nila si Blasto na katiwala ng hari, ay kanilang ipinamanhik ang pagkakasundo, sapagka't ang lupain nila'y pinakakain ng lupain ng hari. 21 At isang takdang araw ay nagsuot si Herodes ng damit-hari, at naupo sa luklukan, at sa kanila'y tumalumpati. 22 At ang bayan ay sumigaw, Tinig ng dios, at hindi ng tao. 23 At pagdaka'y sinaktan siya ng isang anghel ng Panginoon, sapagka't hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Dios: at siya'y kinain ng mga uod, at nalagot ang hininga. 24 Datapuwa't lumago ang salita ng Dios at dumami. 25 At nagbalik na galing sa Jerusalem si Bernabe at si Saulo, nang maganap na nila ang kanilang ministerio, na kanilang isinama si Juan na may pamagat na Marcos.
1 Sa iglesia nga na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro, si Bernabe, at si Simeon na tinatawag na Niger, at si Lucio na taga Cirene, at si Manaen na kapatid sa gatas ni Herodes na tetrarka, at si Saulo. 2 At nang sila'y nagsisipaglingkod sa Panginoon, at nangagaayuno, ay sinabi ng Espiritu Santo, Ibukod ninyo sa akin si Bernabe at si Saulo sa gawaing itinawag ko sa kanila. 3 Nang magkagayon, nang sila'y makapagayuno na at makapanalangin at maipatong ang mga kamay nila sa kanila, ay kanilang pinayaon sila. 4 Sila nga, palibhasa'y sinugo ng Espiritu Santo, ay nagsilusong sa Seleucia; at buhat doo'y nangaglayag hanggang sa Chipre. 5 At nang sila'y nasasa Salamina, ay kanilang ipinangaral ang salita ng Dios sa mga sinagoga ng mga Judio: at kanila namang katulong si Juan. 6 At nang kanilang matahak na ang buong pulo hanggang sa Pafos, ay nakasumpong sila ng isang manggagaway, bulaang propeta, Judio, na ang kaniyang pangalan ay Bar-Jesus; 7 Na kasama ng proconsul, Sergio Paulo, lalaking matalino. Ito rin ang nagpatawag kay Bernabe at kay Saulo, at minimithing mapakinggan ang salita ng Dios. 8 Datapuwa't si Elimas na manggagaway (sapagka't ganito nga ang pakahulugan sa kaniyang pangalan) ay humadlang sa kanila, na pinagsisikapang ihiwalay sa pananampalataya ang proconsul. 9 Datapuwa't si Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Espiritu Santo, ay itinitig sa kaniya ang kaniyang mga mata, 10 At sinabi, Oh puspos ng lahat ng karayaan at ng lahat ng kasamaan, ikaw na anak ng diablo, ikaw na kaaway ng lahat ng katuwiran, hindi ka baga titigil ng pagpapasama sa mga daang matuwid ng Panginoon? 11 At ngayon, narito, nasa iyo ang kamay ng Panginoon, at mabubulag ka, na hindi mo makikita ang araw na kaunting panahon. At pagdaka'y nahulog sa kaniya ang isang ulap at ang isang kadiliman; at siya'y nagpalibot na humahanap ng sa kaniya'y aakay sa kamay. 12 Nang magkagayon, pagkakita ng proconsul sa nangyari, ay nanampalataya, na nanggigilalas sa aral ng Panginoon. 13 Nagsitulak nga sa Pafos si Pablo at ang kaniyang mga kasama, at sumadsad sa Perga ng Pamfilia: at humiwalay sa kanila si Juan at nagbalik sa Jerusalem. 14 Datapuwa't sila, pagkatahak sa Perga, ay nagsidating sa Antioquia ng Pisidia; at sila'y nagsipasok sa sinagoga nang araw ng sabbath, at nagsiupo. 15 At pagkatapos ng pagbasa ng kautusan at ng mga propeta, ang mga pinuno sa sinagoga ay nagpautos sa kanila, na sinasabi, Mga kapatid, kung mayroon kayong anomang iaaral sa bayan, ay mangagsalita kayo. 16 At nagtindig si Pablo, at ang kamay ay ikinikiya na nagsabi, Mga lalaking taga Israel, at kayong nangatatakot sa Dios, magsipakinig kayo. 17 Hinirang ng Dios nitong bayang Israel ang ating mga magulang, at pinaunlakan ang bayan nang sila'y nakipamayan sa Egipto, at sa pamamagitan ng taas at unat na kamay ay kaniyang inilabas sila roon. 18 At nang panahong halos apat na pung taon, ay kaniyang binata ang mga kaugalian nila sa ilang. 19 At nang maiwasak na niya ang pitong bansa sa lupaing Canaan, ay ibinigay niya sa kanila ang kanilang lupain na pinakamana, sa loob ng halos apat na raa't limangpung taon: 20 At pagkatapos ng mga bagay na ito ay binigyan niya sila ng mga hukom hanggang kay Samuel na propeta. 21 At pagkatapos ay nagsihingi sila ng hari: at ibinigay ng Dios sa kanila si Saul na anak ni Kis na isang lalake sa angkan ni Benjamin; sa loob ng apat na pung taon. 22 At nang siya'y alisin niya, ay ibinangon niya si David upang maging hari nila; na siya rin namang pinatotohanan niya at sinabi, Nasumpungan ko si David na anak ni Jesse na isang lalaking kinalulugdan ng aking puso, na gagawa ng buong kalooban ko. 23 Sa binhi ng taong ito, ayon sa pangako, ang Dios ay nagkaloob ng isang Tagapagligtas, na si Jesus; 24 Noong unang ipangaral ni Juan ang bautismo ng pagsisisi sa buong bayang Israel bago siya dumating. 25 At nang ginaganap na ni Juan ang kaniyang katungkulan, ay sinabi niya, Sino baga ako sa inyong akala? Hindi ako siya. Datapuwa't narito, may isang dumarating sa hulihan ko na hindi ako karapatdapat na magkalag ng mga pangyapak ng kaniyang mga paa. 26 Mga kapatid, mga anak ng lahi ni Abraham, at ang mga sa inyo'y nangatatakot sa Dios, sa atin ipinadadala ang salita ng kaligtasang ito. 27 Sapagka't silang nangananahan sa Jerusalem at ang mga pinuno nila, dahil sa hindi nila pagkakilala sa kaniya, ni sa mga tinig ng mga propeta na sa tuwing sabbath ay binabasa, ay kanilang tinupad ang hatol sa kaniya. 28 At bagaman hindi sila nakasumpong sa kaniya ng anomang kadahilanang sukat ipatay, gayon ma'y kanilang hiningi kay Pilato na siya'y patayin. 29 At nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat tungkol sa kaniya, ay kanilang ibinaba siya sa punong kahoy, at inilagay siya sa isang libingan. 30 Datapuwa't siya'y binuhay na maguli ng Dios sa mga patay: 31 At siya'y nakitang maraming mga araw ng mga kasama niyang nagsiahon buhat sa Galilea hanggang sa Jerusalem, na siyang mga saksi niya ngayon sa bayan. 32 At dinadalhan namin kayo ng mabubuting balita ng pangakong ipinangako sa mga magulang, 33 Na tinupad din ng Dios sa ating mga anak nang muling buhayin niya si Jesus; gaya naman ng nasusulat sa ikalawang awit, Ikaw ay aking Anak, sa araw na ito ay naging anak kita. 34 At tungkol sa muling binuhay niya, upang ngayon at kailan ma'y huwag nang magbalik sa kabulukan, ay nagsalita siya ng ganito, Ibibigay ko sa iyo ang banal at tunay na mga pagpapala ni David. 35 Sapagka't sinabi rin naman niya sa ibang awit, Hindi mo ipagkakaloob na ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan. 36 Sapagka't si David, nang maipaglingkod na niya sa kaniyang sariling lahi ang pasiya ng Dios, ay natulog, at isinama sa kaniyang mga magulang, at nakakita ng kabulukan. 37 Datapuwa't yaong binuhay na maguli ng Dios ay hindi nakakita ng kabulukan. 38 Kaya maging hayag nawa sa inyo, mga kapatid, na sa pamamagitan ng taong ito'y ibinabalita sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan: 39 At sa pamamagitan niya ang bawa't nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito'y hindi kayo aariing ganap sa pamamagitan ng kautusan ni Moises. 40 Magsipagingat nga kayo, na baka magsisapit sa inyo ang sinalita ng mga propeta: 41 Tingnan ninyo, mga mapagwalang-halaga, at mangapagilalas kayo, at kayo'y mangaparam: Sapagka't ako'y gumagawa ng isang gawa sa inyong mga kaarawan, Isang gawang sa anomang paraa'y hindi ninyo paniniwalaan kung saysayin sa inyo ng sinoman. 42 At pagalis nila, ay kanilang ipinamanhik na salitain sa kanila ang mga salitang ito sa sabbath na susunod. 43 Nang makaalis nga ang kapisanan sa sinagoga, marami sa mga Judio at nangaging-Judiong masisipag sa kabanalan ay nagsisunod kay Pablo at kay Bernabe; na, sa pagsasalita sa kanila, ay sila'y hinimok na magsipanatili sa biyaya ng Dios. 44 At nang sumunod na sabbath ay nagkatipon halos ang buong bayan upang pakinggan ang salita ng Dios. 45 Datapuwa't nang makita ng mga Judio ang mga karamihan, ay nangapuno ng kapanaghilian, at tinutulan ang mga bagay na sinalita ni Pablo, at nagsipamusong. 46 At nagsipagsalita ng buong katapangan si Pablo at si Bernabe, at nagsipagsabi, Kinakailangang salitain muna ang salita ng Dios sa inyo. Yamang inyong itinatakuwil, at hinahatulan ninyong hindi kayo karapatdapat sa walang hanggang buhay, narito, kami ay pasasa mga Gentil. 47 Sapagka't ganito ang ipinagutos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, Inilagay kitang isang ilaw ng mga Gentil, Upang ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa. 48 At nang marinig ito ng mga Gentil, ay nangagalak sila, at niluwalhati ang salita ng Dios: at nagsisampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan. 49 At lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong lupain. 50 Datapuwa't inudyukan ng mga Judio ang mga babaing masisipag sa kabanalan na may mga kalagayang mahal, at ang mga mahal na tao sa bayan, at nangagbangon ng paguusig laban kay Pablo at kay Bernabe, at kanilang pinalayas sila sa kanilang mga hangganan. 51 Datapuwa't ipinagpag nila ang alabok ng kanilang mga paa laban sa kanila, at nagsiparoon sa Iconio. 52 At ang mga alagad ay nangapuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo.
1 At nangyari sa Iconio na sila'y magkasamang nagsipasok sa sinagoga ng mga Judio, at nangagsalita ng gayon na lamang na ano pa't nagsisampalataya ang lubhang marami sa mga Judio at sa mga Griego. 2 Datapuwa't inudyukan ng mga Judiong suwail ang mga kaluluwa ng mga Gentil, at pinasama sila laban sa mga kapatid. 3 Nagsitira nga sila doon ng mahabang panahon na nagsisipagsalita ng buong katapangan sa Panginoon, na nagpapatotoo sa salita ng kaniyang biyaya, na ipinagkakaloob na gawin ng kanilang mga kamay ang mga tanda at mga kababalaghan. 4 Datapuwa't nagkabahabahagi ang karamihan sa bayan; at ang isang bahagi'y nakisama sa mga Judio, at ang ibang bahagi'y nakisama sa mga apostol. 5 At nang gawin ang pagdaluhong ng mga Gentil at ng mga Judio naman na kasama ang kanilang mga pinuno, upang sila'y halayin at batuhin, 6 At sa pagkaalam nila nito, ay nagsitakas na patungo sa mga bayan ng Licaonia, Listra at Derbe, at sa palibotlibot ng lupain: 7 At doon nila ipinangaral ang evangelio. 8 At sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na sa mga paa'y walang lakas, pilay mula pa sa tiyan ng kaniyang ina, na kailan ma'y hindi nakalakad. 9 Narinig nitong nagsasalita si Pablo: na, nang titigan siya ni Pablo, at makitang may pananampalataya upang mapagaling, 10 Ay nagsabi ng malakas na tinig, Magtindig kang matuwid sa iyong mga paa. At siya'y lumukso at lumakad. 11 At nang makita ng karamihan ang ginawa ni Pablo, ay nagsigawan sila, na sinasabi sa wikang Licaonia, Ang mga dios ay nagsibaba sa atin sa anyo ng mga tao. 12 At tinawag nilang Jupiter, si Bernabe; at Mercurio, si Pablo, sapagka't siya ang pangulong tagapagsalita. 13 At ang saserdote ni Jupiter na ang kaniyang templo ay nasa harap ng bayan, ay nagdala ng mga baka't mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghaing kasama ng mga karamihan. 14 Datapuwa't nang marinig ito ng mga apostol, na si Bernabe at si Pablo, ay hinapak nila ang kanilang mga damit, at nagsipanakbo sa gitna ng karamihan, na nagsisigaw, 15 At nagsisipagsabi, Mga ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao ring may mga karamdamang gaya ninyo, at nangagdadala ng mabubuting balita sa inyo, upang mula sa mga bagay na itong walang kabuluhan ay magsibalik kayo sa Dios na buhay, na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat, at ng lahat ng nasa mga yaon: 16 Na nang mga panahong nakaraan ay pinabayaan niya ang lahat ng mga bansa ay magsilakad sa kanilang mga sariling daan. 17 At gayon man ay hindi nagpabayang di nagbigay patotoo, tungkol sa kaniyang sarili, na gumawa ng mabuti at nagbigay sa inyo ng ulang galing sa langit at ng mga panahong sagana, na pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at ng katuwaan. 18 At sa mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang karamihan sa paghahain sa kanila. 19 Datapuwa't nagsirating ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio: at nang mahikayat nila ang mga karamihan, ay kanilang pinagbabato si Pablo, at kinaladkad nila siya sa labas ng bayan, na inaakalang siya'y patay na. 20 Datapuwa't samantalang ang mga alagad ay nangakatayo sa paligid niya, ay nagtindig siya, at pumasok sa bayan: at nang kinabukasa'y umalis siya na kasama ni Bernabe napasa Derbe. 21 At nang maipangaral na nila ang evangelio sa bayang yaon, at makahikayat ng maraming mga alagad, ay nagsibalik sila sa Listra at sa Iconio, at sa Antioquia, 22 Na pinatitibay ang mga kaluluwa ng mga alagad, at inaaralan sila na magsipanatili sa pananampalataya, at sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kinakailangang magsipasok tayo sa kaharian ng Dios. 23 At nang makapaglagay na sa kanila ng mga matanda sa bawa't iglesia, at nang makapanalanging may pagaayuno, ay ipinagtagubilin sila sa Panginoong kanilang sinampalatayanan. 24 At kanilang tinahak ang Pisidia, at nagsiparoon sa Pamfilia. 25 At nang masalita na nila ang salita sa Perga, ay nagsilusong sila sa Atalia; 26 At buhat doo'y nagsilayag sila sa Antioquia, na doo'y ipinagtagubilin sila sa biyaya ng Dios dahil sa gawang kanilang natapos na. 27 At nang sila'y magsidating, at matipon na ang iglesia, ay isinaysay nila ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Dios sa kanila, at kung paanong binuksan niya sa mga Gentil ang pintuan ng pananampalataya. 28 At nangatira silang hindi kakaunting panahon na kasama ng mga alagad.
1 At may ibang mga taong nagsilusong mula sa Judea ay nagsipagturo sa mga kapatid, na sinasabi, Maliban na kayo'y mangagtuli ayon sa kaugalian ni Moises, ay hindi kayo mangaliligtas. 2 At nang magkaroon si Pablo at si Bernabe ng di kakaunting pagtatalo at pakikipagtuligsaan sa kanila, ay ipinasiya ng mga kapatid na si Pablo at si Bernabe, at ang ilan sa kanila, ay magsiahon sa Jerusalem, sa mga apostol at sa mga matanda tungkol sa suliraning ito. 3 Sila nga, palibhasa'y inihatid ng iglesia sa kanilang paglalakbay, ay tinahak ang Fenicia at Samaria, na isinasaysay ang pagbabalik-loob ng mga Gentil: at sila'y nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid. 4 At nang sila'y magsidating sa Jerusalem, ay tinanggap sila ng iglesia at ng mga apostol at ng mga matanda, at isinaysay nila ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Dios sa pamamagitan nila. 5 Datapuwa't nagsitindig ang ilan sa sekta ng mga Fariseong nagsisampalataya na nangagsasabi, Kinakailangang sila'y tuliin, at sa kanila'y ipagbiling ganapin ang kautusan ni Moises. 6 At nangagkatipon ang mga apostol at ang mga matanda upang pagusapan ang bagay na ito. 7 At pagkatapos ng maraming pagtatalo, ay nagtindig si Pedro, at sinabi sa kanila, Mga kapatid, nalalaman ninyo na nang unang panahong nakaraan ay humirang ang Dios sa inyo, upang sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Gentil ang salita ng Evangelio, at sila'y magsisampalataya. 8 At ang Dios, na nakatataho ng puso, ay nagpatotoo sa kanila, na sa kanila'y ibinigay ang Espiritu Santo, na gaya naman ng kaniyang ginawa sa atin; 9 At tayo'y hindi niya itinangi sa kanila, na nilinis sa pamamagitan ng pananampalataya ang kanilang mga puso. 10 Ngayon nga bakit ninyo tinutukso ang Dios, na inyong nilalagyan ng pamatok ang batok ng mga alagad na kahit ang ating mga magulang ni tayo man ay hindi maaaring makadala? 11 Datapuwa't naniniwala tayo na tayo'y mangaliligtas sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na gaya rin naman nila. 12 At nagsitahimik ang buong karamihan; at kanilang pinakinggan si Bernabe at si Pablo na nagsisipagsaysay ng mga tanda at ng mga kababalaghang ginawa ng Dios sa mga Gentil sa pamamagitan nila. 13 At nang matapos na silang magsitahimik, ay sumagot si Santiago, na sinasabi, Mga kapatid, pakinggan ninyo ako: 14 Sinaysay na ni Simeon kung paanong dinalaw na una ng Dios ang mga Gentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan sa kaniyang pangalan. 15 At dito'y nasasangayon ang mga salita ng mga propeta; gaya ng nasusulat, 16 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ako'y babalik, At muli kong itatayo ang tabernakulo ni David, na nabagsak; At muli kong itatayo ang nangasira sa kaniya. At ito'y aking itatayo: 17 Upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon, At ng lahat ng mga Gentil, na tinatawag sa aking pangalan, 18 Sabi ng Panginoon, na nagpapakilala ng mga bagay na ito mula nang una. 19 Dahil dito'y ang hatol ko, ay huwag nating gambalain yaong sa mga Gentil ay nangagbabalik-loob sa Dios; 20 Kundi sumulat tayo sa kanila, na sila'y magsilayo sa mga ikahahawa sa diosdiosan, at sa pakikiapid, at sa binigti, at sa dugo. 21 Sapagka't si Moises mula nang unang panahon ay mayroon sa bawa't bayan na nangangaral tungkol sa kaniya, palibhasa'y binabasa sa mga sinagoga sa bawa't sabbath. 22 Nang magkagayo'y minagaling ng mga apostol at ng matatanda, pati ng buong iglesia, na magsihirang ng mga tao sa kanilang magkakasama, at suguin sa Antioquia na kasama ni Pablo at ni Bernabe; si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas na mga nangungulo sa mga kapatid: 23 At nagsisulat sila sa pamamagitan nila, Ang mga apostol at ang mga matanda, mga kapatid, sa mga kapatid na nangasa mga Gentil sa Antioquia at Siria at Cilicia, ay bumabati: 24 Sapagka't aming nabalitaan na ang ilang nagsialis sa amin ay nangangbagabag sa inyo ng mga salita, na isininsay ang inyong mga kaluluwa; na sa kanila'y hindi kami nangagutos ng anoman; 25 Ay minagaling namin, nang mapagkaisahan na, na magsihirang ng mga lalake at suguin sila sa inyo na kasama ng aming mga minamahal na si Bernabe at si Pablo, 26 Na mga lalaking nangagsapanganib ng kanilang mga buhay alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo. 27 Kaya nga sinugo namin si Judas at si Silas, na mangagsasaysay din naman sila sa inyo ng gayon ding mga bagay sa salita ng bibig. 28 Sapagka't minagaling ng Espiritu Santo, at namin, na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan: 29 Na kayo'y magsiilag sa mga bagay na inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa mga binigti, at sa pakikiapid; kung kayo'y mangilag sa mga bagay na ito, ay ikabubuti ninyo. Paalam na sa inyo. 30 Kaya nga, nang sila'y mapayaon na, ay nagsilusong sa Antioquia; at nang matipon na nila ang karamihan, ay kanilang ibinigay ang sulat. 31 At nang ito'y kanilang mabasa na, ay nangagalak dahil sa pagkaaliw. 32 Si Judas at si Silas, palibhasa'y mga propeta rin naman, ay inaralan ang mga kapatid ng maraming mga salita, at sila'y pinapagtibay. 33 At nang sila'y makapaggugol na ng ilang panahon doon, ay payapang pinapagbalik sila ng mga kapatid sa mga nagsipagsugo sa kanila. 34 Datapuwa't minagaling ni Silas ang matira roon. 35 Datapuwa't nangatira si Pablo at si Bernabe sa Antioquia, na itinuturo at ipinangangaral ang salita ng Panginoon, na kasama naman ng ibang marami. 36 At nang makaraan ang ilang araw ay sinabi ni Pablo kay Bernabe, Pagbalikan natin ngayon at dalawin ang mga kapatid sa bawa't bayang pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at tingnan natin kung ano ang lagay nila. 37 At inibig ni Bernabe na kanilang isama naman si Juan, na tinatawag na Marcos. 38 Datapuwa't hindi minagaling ni Pablo na isama nila ang humiwalay sa kanila mula sa Pamfilia, at hindi sumama sa kanila sa gawain. 39 At nagkaroon ng pagtatalo, ano pa't sila'y naghiwalay, at isinama ni Bernabe si Marcos, at lumayag sa Chipre: 40 Datapuwa't hinirang ni Pablo si Silas, at yumaon, na sila'y ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Panginoon. 41 At kaniyang tinahak ang Siria at Cilicia, na pinagtitibay ang mga iglesia.
1 At siya'y naparoon din naman sa Derbe at sa Listra: at narito, naroon ang isang alagad, na nagngangalang Timoteo, na anak ng isang Judiang sumasampalataya; datapuwa't Griego ang kaniyang ama. 2 Siya'y may mabuting patotoo ng mga kapatid na nangasa Listra at Iconio. 3 Iniibig ni Pablo na sumama siya sa kaniya; at kaniyang kinuha siya at tinuli dahil sa mga Judio na nangasa mga dakong yaon: sapagka't nalalaman ng lahat na ang kaniyang ama'y Griego. 4 At sa kanilang pagtahak sa mga bayan, ay ibinigay sa kanila ang mga utos na inilagda ng mga apostol at ng mga matanda sa Jerusalem, upang kanilang tuparin. 5 Kaya nga, ang mga iglesia'y pinalakas sa pananampalataya at naragdagan ang bilang araw-araw. 6 At nang kanilang matahak ang lupain ng Frigia at Galacia, ay pinagbawalan sila ng Espiritu Santo na saysayin ang salita sa Asia; 7 At nang sila'y magsidating sa tapat ng Misia, ay pinagsikapan nilang magsipasok sa Bitinia; at hindi sila tinulutan ng Espiritu ni Jesus; 8 At pagkaraan nila sa Misia, ay nagsilusong sila sa Troas. 9 At napakita ang isang pangitain sa gabi kay Pablo: May isang lalaking taga Macedonia na nakatayo, na namamanhik sa kaniya, at sinasabi, Tumawid ka sa Macedonia, at tulungan mo kami. 10 At pagkakita niya sa pangitain, pagdaka'y pinagsikapan naming magsiparoon sa Macedonia, na pinatutunayang kami'y tinawag ng Dios upang sa kanila'y ipangaral ang evangelio. 11 Pagtulak nga sa Troas, ay pinunta namin ang Samotracia, at nang kinabukasa'y ang Neapolis; 12 At mula doo'y ang Filipos, na isang bayan ng Macedonia, na siyang una sa purok, lupang nasasakupan ng Roma: at nangatira kaming ilang araw sa bayang yaon. 13 At nang araw ng sabbath ay nagsilabas kami sa labas ng pintuan sa tabi ng ilog, na doo'y sinapantaha naming may mapapanalanginan; at kami'y nangaupo, at nakipagsalitaan sa mga babaing nangagkatipon. 14 At isang babaing nagngangalang Lidia, na mangangalakal ng kayong kulay-ube, na taga bayan ng Tiatira, isang masipag sa kabanalan, ay nakinig sa amin: na binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang unawain ang mga bagay na sinalita ni Pablo. 15 At nang siya'y mabautismuhan na, at ang kaniyang mga kasangbahay, ay namanhik siya sa amin, na sinasabi, Kung inyong inaakalang ako'y tapat sa Panginoon, ay magsipasok kayo sa aking bahay, at kayo'y magsitira doon. At kami'y pinilit niya. 16 At nangyari, na nang kami'y nagsisiparoon sa mapapanalanginan, ay sinalubong kami ng isang dalagang may karumaldumal na espiritu ng panghuhula, at nagdadala ng maraming pakinabang sa kaniyang mga panginoon sa pamamagitan ng panghuhula. 17 Siya'y sumusunod kay Pablo at sa amin at nagsisigaw, na sinasabi, Mga alipin ng Kataastaasang Dios ang mga taong ito, na nagsisipangaral sa inyo ng daan ng kaligtasan. 18 At maraming mga araw na ginawa niya ito. Datapuwa't palibhasa'y si Pablo ay totoong nababagabag, ay lumingon at sinabi sa espiritu, Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesucristo na lumabas ka sa kaniya. At ito ay lumabas nang oras ding yaon. 19 Datapuwa't nang makita ng kaniyang mga panginoon na wala na ang inaasahan nilang kapakinabangan, ay hinuli nila si Pablo at si Silas, at kinaladkad sila sa pamilihan, sa harapan ng mga may kapangyarihan, 20 At nang maiharap na sila sa mga hukom, ay sinabi nila, Ang mga lalaking ito, palibhasa'y mga Judio, ay nagsisipanggulong totoo sa ating bayan, 21 At nangaghahayag ng mga kaugaliang hindi matuwid nating tanggapin, o gawin, palibhasa tayo'y Romano. 22 At samasamang nagsitindig ang karamihan laban sa kanila: at hinapak ng mga hukom ang kanilang mga damit, at ipinapalo sila ng mga panghampas. 23 At nang sila'y mapalo na nila ng marami, ay ipinasok sila sa bilangguan, na ipinagtatagubilin sa tagapamahala na sila'y bantayang maigi: 24 Na, nang tanggapin nito ang gayong tagubilin, ay ipinasok sila sa kalooblooban ng bilangguan, at piniit ang kanilang mga paa sa mga pangawan. 25 Datapuwa't nang maghahatinggabi na si Pablo at si Silas ay nagsipanalangin at nagsiawit ng mga himno sa Dios, at sila'y pinakikinggan ng mga bilanggo; 26 At kaginsaginsa'y nagkaroon ng isang malakas na lindol, ano pa't nangagsiuga ang mga patibayan ng bahay-bilangguan: at pagdaka'y nangabuksan ang lahat ng mga pinto; at nangakalas ang mga gapos ng bawa't isa. 27 At ang tagapamahala, palibhasa'y nagising sa pagkakatulog at nang makitang bukas ang mga pinto ng bilangguan, ay binunot ang kaniyang tabak at magpapakamatay sana, sa pagaakalang nangakatakas na ang mga bilanggo. 28 Datapuwa't sumigaw si Pablo ng malakas na tinig, na sinasabi, Huwag mong saktan ang iyong sarili: sapagka't nangaririto kaming lahat. 29 At siya'y humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob, at, nanginginig sa takot, ay nagpatirapa sa harapan ni Pablo at ni Silas, 30 At sila'y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas? 31 At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan. 32 At sa kaniya'y sinalita nila ang salita ng Panginoon, pati sa lahat ng nangasa kaniyang bahay. 33 At sila'y kaniyang kinuha nang oras ding yaon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga latay; at pagdaka'y binautismuhan, siya at ang buong sangbahayan niya. 34 At sila'y kaniyang ipinanhik sa kaniyang bahay, at hinainan sila ng pagkain, at nagalak na totoo, pati ng buong sangbahayan niya, na nagsisampalataya sa Dios. 35 Datapuwa't nang umaga na, ang mga hukom ay nangagsugo ng mga sarhento, na nagsasabi, Pawalan mo ang mga taong iyan. 36 At iniulat ng tagapamahala kay Pablo ang mga salitang ito, na sinasabi, Ipinagutos ng mga hukom na kayo'y pawalan: ngayon nga'y magsilabas kayo, at magsiyaon kayong payapa. 37 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Pablo, Pinalo nila kami sa hayag, na hindi nangahatulan, bagama't mga lalaking Romano, at kami'y ibinilanggo; at ngayo'y lihim na kami'y pinawawalan nila? tunay na hindi nga; kundi sila rin ang magsiparito at kami'y pawalan. 38 At iniulat ng mga sarhento ang mga salitang ito sa mga hukom: at sila'y nangatakot nang kanilang marinig na sila'y mga Romano; 39 At sila'y nagsiparoon at pinamanhikan sila; at nang kanilang mailabas na sila, ay hiniling nila sa kanila na magsilabas sa bayan. 40 At sila'y nagsilabas sa bilangguan, at nagsipasok sa bahay ni Lidia: at nang makita nila ang mga kapatid, ay kanilang inaliw sila, at nagsialis.
1 Pagkatahak nga nila sa Amfipolis at sa Apolonia, ay nagsirating sila sa Tesalonica, na kinaroroonan ng isang sinagoga ng mga Judio. 2 At si Pablo, ayon sa ugali niya ay pumasok sa kanila, at sa tatlong sabbath ay nangatuwiran sa kanila sa mga kasulatan, 3 Na binubuksan at pinatunayan na kinakailangang si Cristo ay maghirap, at muling mabuhay sa mga patay; at itong si Jesus, aniya, na aking ipinangangaral sa inyo, ay siyang Cristo. 4 At nangahikayat ang ilan sa kanila, at nakikampi kay Pablo at kay Silas; at gayon din ang lubhang maraming mga Griegong masisipag sa kabanalan, at hindi kakaunting mga babaing mararangal. 5 Datapuwa't ang mga Judio, palibhasa'y nangaudyokan ng inggit, ay nangagsama ng ilang masasamang tao sa pamilihan, at pagkatipon ng isang karamihan, ay ginulo ang bayan; at pagkalusob sa bahay ni Jason, ay pinagsikapan nilang sila'y iharap sa mga tao. 6 At nang hindi sila mangasumpungan, ay kanilang kinaladkad si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga punong bayan, na ipinagsisigawan, Itong mga nagsisipagtiwarik ng sanglibutan, ay nagsiparito rin naman; 7 Na tinanggap sila ni Jason: at ang lahat ng mga ito ay nagsisigawa ng laban sa mga utos ni Cesar, na nagsasabing may ibang hari, si Jesus. 8 At kanilang ginulo ang karamihan at ang mga punong bayan, nang kanilang marinig ang mga bagay na ito. 9 At nang matanggap na nila ang pinakaako kay Jason at sa mga iba, ay kanilang pinawalan sila. 10 At pagdaka'y pinayaon sa gabi ng mga kapatid si Pablo at si Silas sa Berea: na nang dumating sila doon ay nagsipasok sa sinagoga ng mga Judio. 11 Ngayon lalong naging mararangal ang mga ito kay sa mga taga Tesalonica, sapagka't tinanggap nila ang salita ng buong pagsisikap, at sinisiyasat sa araw-araw ang mga kasulatan, kung tunay nga ang mga bagay na ito. 12 Kaya nga marami sa kanila ang mga nagsisampalataya; gayon din sa mga babaing Griega na may mga kalagayang mahal, at sa mga lalake, ay hindi kakaunti. 13 Datapuwa't nang maunawa ng mga Judiong taga Tesalonica na sa Berea ay ipinangangaral din ni Pablo ang salita ng Dios, ay nagsiparoon din naman, na ginulo at binagabag ang mga karamihan. 14 At nang magkagayo'y pagdaka'y pinayaon ng mga kapatid si Pablo na pumaroon hanggang sa dagat: at nangatira pa roon si Silas at si Timoteo. 15 Datapuwa't silang mga nagsipaghatid kay Pablo ay dinala siya hanggang sa Atenas: at nang matanggap na nila ang pautos kay Silas at kay Timoteo na madalingmadali silang magsiparoon sa kaniya, ay nagsialis sila. 16 Samantala ngang sila'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, ay namuhi ang kaniyang espiritu sa loob niya sa pagkamasid niya sa bayan na puno ng diosdiosan. 17 Kaya't sa sinagoga'y nakipagmatuwiran siya sa mga Judio at sa mga taong masisipag sa kabanalan, at sa araw-araw sa pamilihan sa mga nakikipagkita sa kaniya. 18 At ilan naman sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipagtalo sa kaniya. At sinabi ng ilan, Anong ibig sabihin ng masalitang ito? binagabag ang mga iba, Parang siya'y tagapagbalita ng mga ibang dios: sapagka't ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay na maguli. 19 At siya'y tinangnan nila, at dinala siya sa Areopago, na sinasabi, Mangyayari bagang maalaman namin kung ano itong bagong aral, na sinasalita mo? 20 Sapagka't naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga: ibig nga naming maalaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito. 21 (Lahat nga ng mga Ateniense at ang mga taga ibang bayang nakikipamayan doon ay walang ibang ginagawa, kundi ang magsipagsaysay o mangakinig ng anomang bagay na bago.) 22 At tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at sinabi, Kayong mga lalaking taga Atenas, sa lahat ng mga bagay ay napapansin kong kayo'y lubhang relihioso. 23 Sapagka't sa aking pagdaraan, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, ay nakasumpong din naman ako ng isang dambana na may sulat na ganito, SA ISANG DIOS NA HINDI KILALA. Yaon ngang inyong sinasamba sa hindi pagkakilala, siya ang sa inyo'y ibinabalita ko. 24 Ang Dios na gumawa ng sanglibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya, palibhasa'y Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng mga kamay; 25 Ni hindi rin naman pinaglilingkuran siya ng mga kamay ng mga tao, na para bagang siya'y nangangailangan ng anomang bagay, yamang siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay; 26 At ginawa niya sa isa ang bawa't bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, na itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tahanan; 27 Upang kanilang hanapin ang Dios baka sakaling maapuhap nila siya at siya'y masumpungan, bagaman hindi siya malayo sa bawa't isa sa atin: 28 Sapagka't sa kaniya tayo'y nangabubuhay, at nagsisikilos, at mayroon tayong pagkatao: na gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling mga manunula, Sapagka't tayo nama'y sa kaniyang lahi. 29 Yamang tayo nga'y lahi ng Dios, ay hindi marapat nating isipin na ang pagka Dios ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inukit ng kabihasnan at katalinuhan ng tao. 30 Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas na nga ng Dios; datapuwa't ngayo'y ipinaguutos niya sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako: 31 Sapagka't siya'y nagtakda ng isang araw na kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kaniyang itinalaga; na ito'y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, nang siya'y buhayin niyang maguli sa mga patay. 32 At nang kanilang marinig ang tungkol sa pagkabuhay na maguli, ay nanglibak ang ilan; datapuwa't sinabi ng mga iba, Pakikinggan ka naming muli tungkol dito. 33 Sa gayo'y umalis si Pablo sa gitna nila. 34 Datapuwa't nakisama sa kanya ang ilang mga tao, at nagsisampalataya: na sa mga yao'y isa si Dionisio na Areopagita, at ang isang babaing nagngangalang Damaris, at mga iba pang kasama nila.
1 Pagkatapos ng mga bagay na ito'y umalis siya sa Atenas, at napasa Corinto. 2 At nasumpungan niya ang isang Judio na nagngangalang Aquila, isang lalaking tubo sa Ponto, na hindi pa nalalaong nanggagaling sa Italia, kasama ni Priscila na kaniyang asawa, sapagka't ipinagutos ni Claudio na ang lahat ng mga Judio ay magsialis sa Roma: at siya'y lumapit sa kanila; 3 At sapagka't ang hanap-buhay niya'y gaya rin ng kanila, ay nakipanuluyan siya sa kanila, at sila'y nagsigawa: sapagka't ang hanap-buhay nila'y gumawa ng mga tolda. 4 At siya'y nangangatuwiran tuwing sabbath sa sinagoga, at hinihikayat ang mga Judio at ang mga Griego. 5 Datapuwa't nang si Silas at si Timoteo ay magsilusong mula sa Macedonia, si Pablo ay napilitan sa pamamagitan ng salita, na sinasaksihan sa mga Judio na si Jesus ang siyang Cristo. 6 At nang sila'y magsitutol at magsipamusong, ay ipinagpag niya ang kaniyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, Ang inyong dugo'y sumainyong sariling mga ulo: ako'y malinis: buhat ngayo'y paparoon ako sa mga Gentil. 7 At siya'y umalis doon, at pumasok sa bahay ng isang lalaking nagngangalang Tito Justo, na isang sumasamba sa Dios, na ang bahay niya'y karugtong ng sinagoga. 8 At si Crispo, ang pinuno sa sinagoga, ay nanampalataya sa Panginoon, pati ng buong sangbahayan niya; at marami sa mga taga Corinto na sa pakikinig ay nagsisampalataya, at pawang nangabautismuhan. 9 At sinabi ng Panginoon kay Pablo nang gabi sa pangitain, Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik: 10 Sapagka't ako'y sumasaiyo, at sinoma'y hindi ka madadaluhong upang saktan ka: sapagka't makapal ang mga tao ko sa bayang ito. 11 At siya'y tumahan doong isang taon at anim na buwan, na itinuturo sa kanila ang salita ng Dios. 12 Datapuwa't nang si Galion ay proconsul ng Acaya ang mga Judio ay nangagkaisang nangagsitindig laban kay Pablo at siya'y dinala sa harapan ng hukuman, 13 Na nagsasabi, Hinihikayat ng taong ito ang mga tao upang magsisamba sa Dios laban sa kautusan. 14 Datapuwa't nang bubukhin na ni Pablo ang kaniyang bibig, ay sinabi ni Galion sa mga Judio, Kung ito'y tunay na masamang gawa o mabigat na kasalanan, Oh mga Judio, may matuwid na tiisin ko kayo: 15 Datapuwa't kung mga pagtatalo tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo sa inyong sarili na ang bahala noon; ayaw kong maging hukom sa mga bagay na ito. 16 At sila'y pinalayas niya sa hukuman. 17 At hinawakan nilang lahat si Sostenes, na pinuno sa sinagoga, at siya'y hinampas sa harapan ng hukuman. At hindi man lamang pinansin ni Galion ang mga bagay na ito. 18 At si Pablo, pagkatapos na makatira na roong maraming araw, ay nagpaalam sa mga kapatid, at buhat doo'y lumayag na patungo sa Siria, at kasama niya si Priscila at si Aquila: na inahit niya ang kaniyang buhok sa Cencrea; sapagka't siya'y may panata. 19 At sila'y nagsidating sa Efeso, at sila'y iniwan niya doon: datapuwa't pumasok siya sa sinagoga, at nangatuwiran sa mga Judio. 20 At nang siya'y pamanhikan nila na tumigil pa roon ng ilang panahon, ay hindi siya pumayag; 21 Kundi nang siya'y nagpaalam sa kanila, at nagsabi, Babalik uli ako sa inyo kung loobin ng Dios, siya'y naglayag buhat sa Efeso. 22 At nang makalunsad na siya sa Cesarea, ay siya'y umahon at bumati sa iglesia, at lumusong sa Antioquia. 23 At nang makagugol na siya roon ng ilang panahon, ay umalis siya, at tinahak ang lupain ng Galacia, at Frigia, na sunodsunod, na pinagtitibay ang lahat ng mga alagad. 24 Ngayon ang isang Judio na nagngangalang Apolos, na isang Alejandrino sa lahi, at taong marikit mangusap, ay dumating sa Efeso; at siya'y makapangyarihan ukol sa mga kasulatan. 25 Ang taong ito'y tinuruan sa daan ng Panginoon; at palibhasa'y may maningas na espiritu, ay kaniyang sinalita at itinurong maingat ang mga bagay na tungkol kay Jesus, na ang naalaman lamang ay ang bautismo ni Juan: 26 At siya'y nagpasimulang magsalita ng buong tapang sa sinagoga. Datapuwa't nang siya'y marinig ni Priscila at ni Aquila, ay kanilang isinama siya, at isinaysay sa kaniya ang daan ng Panginoon ng lalong maingat. 27 At nang ibig niyang lumipat sa Acaya, ay pinalakas ng mga kapatid ang kaniyang loob at sila'y nagsisulat sa mga alagad na siya'y tanggapin: at nang siya'y dumating doon, ay lubos na tumulong siya sa mga nagsisampalataya sa pamamagitan ng biyaya; 28 Sapagka't may kapangyarihang dinaig niya ang mga Judio, at hayag, na ipinakilala sa pamamagitan ng mga kasulatan na si Jesus ay ang Cristo.
1 At nangyari, na, samantalang si Apolos ay nasa Corinto, pagkatahak ni Pablo ng mga lupaing matataas ay napasa Efeso, at nakasumpong ng ilang mga alagad: 2 At sa kanila'y sinabi niya, Tinanggap baga ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y magsisampalataya? At sinabi nila sa kaniya, Hindi, hindi man lamang namin narinig na may ibinigay na Espiritu Santo. 3 At sinabi niya, Kung gayo'y sa ano kayo binautismuhan? At sinabi nila, Sa bautismo ni Juan. 4 At sinabi ni Pablo, Nagbabautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi, na sinasabi sa bayan na sila'y magsisampalataya sa darating sa hulihan niya, sa makatuwid baga'y kay Jesus. 5 At nang kanilang marinig ito, ay nangapabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6 At nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kaniyang mga kamay, ay bumaba sa kanila ang Espiritu Santo; at sila'y nagsipagsalita ng mga wika, at nagsipanghula. 7 At silang lahat ay may labingdalawang lalake. 8 At siya'y pumasok sa sinagoga, at nagsalitang may katapangan sa loob ng tatlong buwan, na nangangatuwiran at nanghihikayat tungkol sa mga bagay na nauukol sa kaharian ng Dios. 9 Datapuwa't nang magsipagmatigas ang ilan at ayaw magsipaniwala, na pinagsasalitaan ng masama ang Daan sa harapan ng karamihan, ay umalis siya sa kanila, at inihiwalay ang mga alagad, na nangangatuwiran araw-araw sa paaralan ni Tiranno. 10 At ito'y tumagal sa loob ng dalawang taon; ano pa't ang lahat ng mga nagsisitahan sa Asia ay nangakarinig ng salita ng Panginoon, ang mga Judio at gayon din ang mga Griego. 11 At gumawa ang Dios ng mga tanging himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo: 12 Ano pa't ang mga panyo o mga tapi na mapadaiti sa kaniyang katawan ay dinadala sa mga may-sakit, at nawawala sa kanila ang mga sakit, at nangagsisilabas ang masasamang espiritu. 13 Datapuwa't ilan sa mga Judiong pagalagala na nagsisipagpalayas ng masasamang espiritu, ay nagsipangahas na sambitlain ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga may masasamang espiritu, na nagsisipagsabi, Ipinamamanhik ko sa inyo sa pamamagitan ni Jesus na siyang ipinangangaral ni Pablo. 14 At may pitong anak na lalake ang isang Esceva na Judio, isang pangulong saserdote, na nagsisigawa nito. 15 At sumagot ang masamang espiritu at sa kanila'y sinabi, Nakikilala ko si Jesus, at nakikilala ko si Pablo; datapuwa't sino-sino kayo? 16 At ang taong kinaroroonan ng masamang espiritu ay lumukso sa kanila, at sila'y kaniyang natalo, at nadaig sila, ano pa't nagsitakas sila sa bahay na yaon na mga hubo't hubad at mga sugatan. 17 At nahayag ito sa lahat, sa mga Judio at gayon din sa mga Griego, na nangananahanan sa Efeso; at sinidlan silang lahat ng takot, at pinadakila ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 Marami rin naman sa mga nagsisampalataya na ang nagsidating, na ipinahahayag at isinasaysay ang kanilang mga gawain. 19 At hindi kakaunti sa mga nagsisigamit ng mga kabihasnang magica ay nagsipagtipon ng kanilang mga aklat, at pinagsusunog sa paningin ng lahat; at kanilang binilang ang halaga niyaon, at nasumpungang may limampung libong putol na pilak. 20 Sa gayo'y lumagong totoo ang salita ng Panginoon at nanaig. 21 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, ay ipinasiya ni Pablo sa espiritu, nang matahak na niya ang Macedonia at ang Acaya, na pumaroon sa Jerusalem, na sinasabi, Pagkapanggaling ko roon, ay kinakailangang makita ko naman ang Roma. 22 At nang maisugo na niya sa Macedonia ang dalawa sa nagsisipaglingkod sa kaniya, na si Timoteo at si Erasto, siya rin ay natirang ilang panahon sa Asia. 23 At halos nang panahong yao'y may nangyaring hindi mumunting kaguluhan tungkol sa Daan. 24 Sapagka't may isang taong nagngangalang Demetrio, pandaypilak, na gumagawa ng maliliit na dambanang pilak ni Diana, ay nagbibigay ng hindi kakaunting hanap-buhay sa mga panday; 25 Na sila'y kaniyang tinipon pati ng mga manggagawa ng mga gayong gawa, at sinabi, Mga Ginoo, talastas ninyo na nagsisiyaman tayo sa hanap-buhay na ito. 26 At inyong nakikita at naririnig, na hindi lamang sa Efeso, kundi halos sa buong Asia, ay nakaakit ang Pablong ito at naghiwalay ng maraming mga tao, na sinasabing hindi raw mga dios, ang mga ginagawa ng mga kamay: 27 At hindi lamang may panganib na mawalang kapurihan ang hanapbuhay nating ito; kundi naman ang templo ng dakilang diosa Diana ay mawawalan ng halaga, at hanggang sa malugso ang kadakilaan niya na sinasamba ng buong Asia at ng sanglibutan. 28 At nang marinig nila ito'y nangapuno sila ng galit, at nangagsigawan, na nagsipagsabi, Dakila ang Diana ng mga taga Efeso. 29 At napuno ng kaguluhan ang bayan: at pinagkaisahan nilang lusubin ang dulaan, na sinunggaban si Gayo at si Aristarco, mga lalaking taga Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30 At nang inakala ni Pablo na pasukin ang mga tao, ay hindi siya tinulutan ng mga alagad. 31 At ang ilan din naman sa mga puno sa Asia, palibhasa'y kaniyang mga kaibigan, ay nangagpasugo sa kaniya at siya'y pinakiusapang huwag siyang pumaroon sa dulaan. 32 At ang iba nga'y sumisigaw ng isang bagay, at ang iba'y iba naman: sapagka't ang pulong ay nasa kaguluhan; at hindi maalaman ng karamihan kung bakit sila'y nangagkatipon. 33 At kanilang inilabas si Alejandro sa karamihan, na siya'y itinutulak ng mga Judio sa dakong harap. At inihudyat ang kamay ni Alejandro, at ibig sanang magsanggalang sa harapan ng bayan. 34 Datapuwa't nang matalastas nilang siya'y Judio, ay nangagkaisang lahat na mangagsigawan sa loob halos ng dalawang oras, Dakila ang Diana ng mga Efeso. 35 At nang mapatahimik na ng kalihim-bayan ang karamihan, ay kaniyang sinabi, Kayong mga lalaking taga Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang bayan ng mga Efeso ay tagapagingat ng templo ng dakilang Diana, at ng larawang nahulog mula kay Jupiter? 36 Yamang hindi nga maikakaila ang mga bagay na ito, ay dapat kayong magsitahimik, at huwag magsigawa ng anomang bagay sa madalian. 37 Sapagka't dinala ninyo rito ang mga taong ito, na hindi mga mangloloob sa templo, ni mga mamumusong man sa ating diosa. 38 Kung si Demetrio nga, at ang mga panday na kasama niya, ay mayroong anomang sakdal laban sa kanino man, ay bukas ang mga hukuman, at may mga proconsul: bayaan ninyong mangagsakdal ang isa't isa. 39 Datapuwa't kung may inuusig kayo sa ano pa mang ibang mga bagay, ay mahahatulan sa karaniwang kapulungan. 40 Sapagka't totoong nanganganib tayo na mangasakdal tungkol sa pagkakagulo sa araw na ito, palibhasa'y walang anomang kadahilanan: at tungkol dito ay hindi tayo makapagbibigay sulit tungkol sa pagkakatipong ito. 41 At nang siya'y makapagsalitang gayon, ay pinaalis niya ang kapulungan.
1 At pagkatapos na mapatigil ang kaguluhan, nang maipatawag na ni Pablo ang mga alagad at sila'y mapangaralan, ay nagpaalam sa kanila, at umalis upang pumaroon sa Macedonia. 2 At nang matahak na niya ang mga dakong yaon, at maaralan na sila ng marami, siya'y napasa Grecia. 3 At nang siya'y makapaggugol na ng tatlong buwan doon, at mapabakayan siya ng mga Judio nang siya'y lalayag na sa Siria, ay pinasiyahan niyang bumalik na magdaan sa Macedonia. 4 At siya'y sinamahan hanggang sa Asia, ni Sopatro na taga Berea, na anak ni Pirro; at ng mga taga Tesalonicang si Aristarco at si Segundo; at ni Gayo na taga Derbe, at ni Timoteo; at ng mga taga Asiang si Tiquico at si Trofimo. 5 Datapuwa't nangauna ang mga ito, at hinintay kami sa Troas. 6 At kami'y nagsilayag mula sa Filipos pagkaraan ng mga kaarawan ng mga tinapay na walang lebadura, at nagsidating kami sa kanila sa Troas sa loob ng limang araw; na doo'y nagsitira kaming pitong araw. 7 At nang unang araw ng sanglinggo, nang kami'y nangagkakapisan upang pagputolputulin ang tinapay, si Pablo ay nangaral sa kanila, na nagaakalang umalis sa kinabukasan; at tumagal ang kaniyang pananalita hanggang sa hatinggabi. 8 At may maraming mga ilaw sa silid sa itaas na pangkatipunan namin. 9 At may nakaupo sa durungawan na isang binatang nagngangalang Eutico, na mahimbing sa pagtulog; at samantalang si Pablo ay nangangaral ng mahaba, palibhasa'y natutulog ay nahulog buhat sa ikatlong grado, at siya'y binuhat na patay. 10 At nanaog si Pablo, at dumapa sa ibabaw niya, at siya'y niyakap na sinabi, Huwag kayong magkagulo; sapagka't nasa kaniya ang kaniyang buhay. 11 At nang siya'y makapanhik na, at mapagputolputol na ang tinapay, at makakain na, at makapagsalita sa kanila ng mahaba, hanggang sa sumikat ang araw, kaya't siya'y umalis. 12 At kanilang dinalang buhay ang binata, at hindi kakaunti ang kanilang pagkaaliw. 13 Datapuwa't kami, na nangauna sa daong, ay nagsilayag na patungong Ason, na doon namin inaakalang ilulan si Pablo: sapagka't gayon ang kaniyang ipinasiya, na ninanasa niyang maglakad. 14 At nang salubungin niya kami sa Ason, siya'y inilulan namin, at nagsiparoon kami sa Mitilene. 15 At pagtulak namin doon, ay sumapit kami nang sumunod na araw sa tapat ng Chio; at nang kinabukasan ay nagsidaong kami sa Samo; at nang kinabukasan ay nagsirating kami sa Mileto. 16 Sapagka't ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso, upang huwag na siyang maggugol ng panahon sa Asia; sapagka't siya'y nagmamadali upang kung maaari ay dumating sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes. 17 At mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso, at ipinatawag ang mga matanda sa iglesia. 18 At nang sila'y magsidating sa kaniya, ay sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo, na mula nang unang araw na ako'y tumungtong sa Asia, kung paano ang pakikisama ko sa inyo sa buong panahon, 19 Na ako'y naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapakumbaba ng isip, at ng mga luha, at ng mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagbakay ng mga Judio; 20 Kung paanong hindi ko ikinait na ipahayag sa inyo ang anomang bagay na pakikinabangan, at hayag na itinuro sa inyo, at sa mga bahay-bahay, 21 Na sinasaksihan ko sa mga Judio at gayon din sa mga Griego ang pagsisisi sa Dios, at ang pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo. 22 At ngayon, narito, ako na natatali sa espiritu ay pasasa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon: 23 Maliban na pinatotohanan sa akin ng Espiritu Santo sa bawa't bayan, na sinasabing ang mga tanikala at ang mga kapighatian ay nagsisipagantay sa akin. 24 Datapuwa't hindi ko minamahal ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga, maganap ko lamang ang aking katungkulan, at ang ministeriong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo ng evangelio ng biyaya ng Dios. 25 At ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat, na aking nilibot na pinangaralan ng kaharian, ay hindi na ninyo muling makikita pa ang aking mukha. 26 Kaya nga pinatotohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y malinis sa dugo ng lahat ng mga tao. 27 Sapagka't hindi ko ikinait ang pagsasaysay sa inyo ng buong kapasiyahan ng Dios. 28 Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang buong kawan, na sa kanila'y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga obispo, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo. 29 Aking talastas na pagalis ko ay magsisipasok sa inyo ang mga ganid na lobo, na hindi mangagpapatawad sa kawan; 30 At magsisilitaw sa mga kasamahan din ninyo ang mga taong mangagsasalita ng mga bagay na masasama, upang mangagdala ng mga alagad sa kanilang hulihan. 31 Kaya nga kayo'y mangagpuyat, na alalahaning sa loob ng tatlong taon ay hindi ako naglikat sa gabi at araw ng paalaala sa bawa't isa na may pagluha. 32 At ngayo'y ipinagtatagubilin ko kayo sa Dios, at sa salita ng kaniyang biyaya, na makapagpapatibay, at makapagbibigay sa inyo ng mana sa kasamahan ng lahat na mga pinapaging banal. 33 Hindi ko inimbot ang pilak ninoman, o ang ginto, o ang pananamit. 34 Nalalaman din ninyo na ang mga kamay na ito ay nangaglilingkod sa mga kinakailangan ko, at sa aking mga kasamahan. 35 Nagbigay halimbawa ako sa inyo sa lahat ng mga bagay, na sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong magsisaklolo sa mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya rin ang may sabi, Lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap. 36 At nang makapagsalita na siya ng gayon, ay nanikluhod siya at nanalanging kasama silang lahat. 37 At silang lahat ay nagsipanangis nang di kawasa, at nangagsiyakap sa leeg ni Pablo at siya'y hinagkan nila. 38 Na ikinahahapis ng lalo sa lahat ang salitang sinabi niya, na hindi na nila makikitang muli pa ang kaniyang mukha. At kanilang inihatid siya sa kaniyang paglalakbay hanggang sa daong.
1 At nang mangyaring kami'y mangakahiwalay na sa kanila at mangaglayag, ay tuloytuloy na pinunta namin ang Coos, at nang kinabukasa'y ang Rodas, at buhat doo'y ang Patara: 2 At nang aming masumpungan ang isang daong na dumaraang patungo sa Fenicia, ay nagsilulan kami, at nagsipaglayag. 3 At nang matanaw namin ang Chipre, na maiiwan namin sa dakong kaliwa ay nagsilayag kaming hanggang sa Siria, at nagsidaong sa Tiro; sapagka't ilulunsad doon ng daong ang kaniyang lulan. 4 At nang masumpungan ang mga alagad, ay nangatira kami doong pitong araw: at sinabi ng mga ito kay Pablo na sa pamamagitan ng Espiritu, na huwag siyang tutungtong sa Jerusalem. 5 At nang mangyari na maganap namin ang mga araw na yaon, ay nagsialis kami at nangagpatuloy sa aming paglalakbay: at silang lahat, pati ng mga asawa at mga anak, ay humatid sa amin sa aming paglalakad hanggang sa labas ng bayan: at sa paninikluhod namin sa baybayin, kami'y nagsipanalangin, at nangagpaalaman sa isa't isa; 6 At nagsilulan kami sa daong, datapuwa't sila'y muling nagsiuwi sa bahay. 7 At nang aming matapos ang paglalayag buhat sa Tiro, ay nagsidating kami sa Tolemaida; at kami'y nagsibati sa mga kapatid, at kami'y nagsitahan sa kanilang isang araw. 8 At nang kinabukasan ay nagsialis kami, at nagsidating sa Cesarea: at sa pagpasok namin sa bahay ni Felipe na evangelista, na isa sa pito, ay nagsitahan kaming kasama niya. 9 Ang tao ngang ito'y may apat na anak na binibini, na nagsisipanghula. 10 At sa pagtira namin doong ilang araw, ay dumating na galing sa Judea ang isang propeta, na nagngangalang Agabo. 11 At paglapit sa amin, at pagkakuha ng pamigkis ni Pablo, ay ginapos niya ang kaniyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, Ganito ang sabi ng Espiritu Santo, Ganitong gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Gentil. 12 At nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at gayon din ang nangaroroon doon ay nagsipamanhik sa kaniya na huwag ng umahon sa Jerusalem. 13 Nang magkagayo'y sumagot si Pablo, Anong ginagawa ninyo, na nagsisitangis at dinudurog ang aking puso? sapagka't ako'y nahahanda na hindi lamang gapusin, kundi mamatay rin naman sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus. 14 At nang hindi siya pahikayat ay nagsitigil kami, na nagsisipagsabi, Mangyari ang kalooban ng Panginoon. 15 At pagkatapos ng mga araw na ito ay binuhat namin ang aming daladalahan at nagsiahon kami sa Jerusalem. 16 At nagsisama naman sa aming mula sa Cesarea ang ilan sa mga alagad, at kanilang isinama ang isang Mnason, na taga Chipre, isa sa mga kaunaunahang alagad, na sa kaniya kami magsisipanuluyan. 17 At nang magsidating kami sa Jerusalem, ay tinanggap kami ng mga kapatid na may kagalakan. 18 At nang sumunod na araw ay pumaroon si Pablo na kasama kami kay Santiago; at ang lahat ng mga matanda ay nangaroroon. 19 At nang sila'y mangabati na niya, ay isaisang isinaysay niya sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Dios sa mga Gentil sa pamamagitan ng kaniyang ministerio. 20 At sila, nang kanilang marinig yaon, ay niluwalhati ang Dios; at sa kaniya'y sinabi nila, Nakikita mo na, kapatid, kung ilang libo-libo ang mga Judio na nagsisisampalataya; at silang lahat ay pawang masisikap sa kautusan. 21 At nabalitaan nila tungkol sa iyo, na itinuturo mo sa lahat ng mga Judio na nangasa mga Gentil na magsihiwalay kay Moises, na sinasabi mo sa kanila na huwag tuliin ang kanilang mga anak ni mangagsilakad ng ayon sa mga kaugalian. 22 Ano nga baga ito? tunay na kanilang mababalitaang dumating ka. 23 Gawin mo nga itong sinasabi namin sa iyo: Mayroon kaming apat katao na may panata sa kanilang sarili; 24 Isama mo sila, maglinis kang kasama nila, at pagbayaran mo ang kanilang magugugol, upang sila'y mangagpaahit ng kanilang mga ulo: at maalaman ng lahat na walang katotohanan ang mga bagay na kanilang nabalitaan tungkol sa iyo; kundi ikaw rin naman ay lumalakad ng maayos na tumutupad ng kautusan. 25 Nguni't tungkol sa mga Gentil na nagsisisampalataya, ay sinulatan namin, na pinagpayuhang sila'y magsiilag sa mga inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa binigti, at sa pakikiapid. 26 Nang magkagayo'y isinama ni Pablo ang mga tao, at nang sumunod na araw nang makapaglinis na siyang kasama nila ay pumasok sa templo, na isinasaysay ang katuparan ng mga araw ng paglilinis, hanggang sa ihain ang haing patungkol sa bawa't isa sa kanila. 27 At nang halos tapos na ang pitong araw, ang mga Judiong taga Asia, nang siya'y makita nila sa templo, ay kanilang ginulo ang buong karamihan at siya'y kanilang dinakip, 28 Na nangagsisigawan, Mga lalaking taga Israel, magsitulong kayo: Ito ang tao na nagtuturo sa mga tao sa lahat ng dako laban sa bayan, at sa kautusan, at sa dakong ito; at bukod pa sa rito'y nagdala rin siya ng mga Griego sa templo, at dinungisan itong dakong banal. 29 Sapagka't nakita muna nila na kasama niya sa bayan si Trofimo taga Efeso, na sinapantaha nilang ipinasok ni Pablo sa templo. 30 At ang buong bayan ay napakilos, at ang mga tao'y samasamang nagsipanakbuhan; at kanilang sinunggaban si Pablo, at siya'y kinaladkad na inilabas sa templo: at pagdaka'y inilapat ang mga pinto. 31 At samantalang pinagpipilitan nilang siya'y patayin, ay dumating ang balita sa pangulong kapitan ng pulutong, na ang buong Jerusalem ay nasa kaguluhan. 32 At pagdaka'y kumuha siya ng mga kawal at mga senturion, at sumagasa sa kanila: at sila, nang kanilang makita ang pangulong kapitan at ang mga kawal ay nagsitigil ng paghampas kay Pablo. 33 Nang magkagayo'y lumapit ang pangulong kapitan, at tinangnan siya, at siya'y ipinagapos ng dalawang tanikala; at itinanong kung sino siya, at kung ano ang ginawa niya. 34 At iba'y sumisigaw ng isang bagay, ang iba'y iba naman, sa gitna ng karamihan: at nang hindi niya maunawa ang katotohanan dahil sa kaguluhan, ay ipinadala siya sa kuta. 35 At nang siya'y dumating sa hagdanan ay nangyari na siya'y binuhat ng mga kawal dahil sa pagagaw ng karamihan; 36 Sapagka't siya'y sinusundan ng karamihan ng mga tao, na nangagsisigawan, Alisin siya. 37 At nang ipapasok na si Pablo sa kuta, ay kaniyang sinabi sa pangulong kapitan, Mangyayari bagang magsabi ako sa iyo ng anoman? At sinabi niya, Marunong ka baga ng Griego? 38 Hindi nga baga ikaw yaong Egipcio, na nang mga nakaraang araw ay nanghihikayat sa kaguluhan at nagdala sa ilang ng apat na libong katao na mga Mamamatay-tao? 39 Datapuwa't sinabi ni Pablo, Ako'y Judio, na taga Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng bayang hindi kakaunti ang kahalagahan: at ipinamamanhik ko sa iyo, na ipahintulot mo sa aking magsalita sa bayan. 40 At nang siya'y mapahintulutan na niya, si Pablo, na nakatayo sa hagdanan, inihudyat ang kamay sa bayan; at nang tumahimik nang totoo, siya'y nagsalita sa kanila sa wikang Hebreo, na sinasabi,
1 Mga kapatid na lalake at mga magulang, pakinggan ninyo ang pagsasanggalang na gagawin ko ngayon sa harapan ninyo. 2 At nang marinig nilang sila'y kinakausap niya sa wikang Hebreo, ay lalo pang tumahimik sila: at sinabi niya, 3 Ako'y Judio, na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, datapuwa't pinapagaral sa bayang ito, sa paanan ni Gamaliel, na tinuruan alinsunod sa mahigpit na kaparaanan ng kautusan ng ating mga magulang, palibhasa'y masikap tungkol sa Dios, na gaya ninyong lahat ngayon: 4 At aking pinagusig ang Daang ito hanggang sa mamatay, na tinatalian at ipinapasok sa mga bilangguan ang mga lalake at gayon din ang mga babae. 5 Gaya rin naman ng pangulong saserdote na nagpapatotoo sa akin, at ang buong kapulungan ng matatanda: na sa kanila nama'y tumanggap ako ng mga sulat sa mga kapatid, at naglakbay ako sa Damasco upang dalhin ko namang mga gapos sa Jerusalem ang nangaroroon upang parusahan. 6 At nangyari, na, samantalang ako'y naglalakbay, at nalalapit na sa Damasco, nang magtatanghaling tapat, biglang nagliwanag mula sa langit ang isang malaking ilaw sa palibot ko. 7 At ako'y nasubasob sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig? 8 At ako'y sumagot, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi niya sa akin, Ako'y si Jesus na taga Nazaret, na iyong pinaguusig. 9 At sa katotohana'y nakita ng mga kasamahan ko ang ilaw, datapuwa't hindi nila narinig ang tinig na nagsalita sa akin. 10 At sinabi ko, Ano ang gagawin ko, Panginoon? At sinabi sa akin ng Panginoon, Magtindig ka, at pumaroon ka sa Damasco; at doo'y sasabihin sa iyo ang lahat ng mga bagay na itinalagang gagawin mo. 11 At nang hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng ilaw na yaon, palibhasa'y inakay ako sa kamay ng mga kasamahan ko, ay pumasok ako sa Damasco. 12 At isang Ananias, lalaking masipag sa kabanalan ayon sa kautusan, na may mabuting katunayan ng lahat ng mga Judiong nagsisitahan doon, 13 Ay lumapit sa akin, at natatayo sa tabi ko ay nagsabi sa akin, Kapatid na Saulo, tanggapin mo ang iyong paningin. At nang oras ding yao'y tumingin ako sa kaniya. 14 At sinabi niya, Ang Dios ng ating mga magulang ay itinalaga ka upang mapagkilala mo ang kaniyang kalooban, at makita mo ang Banal, at marinig mo ang isang tinig mula sa kaniyang bibig. 15 Sapagka't magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig. 16 At ngayon bakit ka tumitigil? magtindig ka, at ikaw ay magbautismo, at hugasan mo ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kaniyang pangalan. 17 At nangyari, na, nang ako'y makabalik na sa Jerusalem, at nang ako'y nananalangin sa templo ay nawalan ako ng diwa, 18 At siya'y nakita ko na nagsasabi sa akin, Magmadali ka, at umalis ka agad sa Jerusalem; sapagka't hindi nila tatanggapin sa iyo ang patotoo tungkol sa akin. 19 At aking sinabi, Panginoon, napagtatalastas nila na ako ang nagbilanggo at humampas sa bawa't sinagoga sa mga nagsisisampalataya sa iyo: 20 At nang ibubo ang dugo ni Estebang iyong saksi, ay ako nama'y nakatayo sa malapit, at sinasangayunan ko, at iningatan ko ang mga damit ng sa kaniya'y nagsipatay. 21 At sinabi niya sa akin, Yumaon ka: sapagka't susuguin kita sa malayo sa mga Gentil. 22 At kanilang pinakinggan siya hanggang sa salitang ito; at sila'y nangagtaas ng kanilang tinig, at nangagsabi, Alisin sa lupa ang isang gayong tao: sapagka't hindi marapat na siya'y mabuhay. 23 At samantalang sila'y nangagsisigawan, at ipinaghahagisan ang kanilang mga damit, at nangagsasabog ng alabok sa hangin, 24 Ay ipinagutos ng pangulong kapitan na siya'y ipasok sa kuta, na ipinaguutos na siya'y sulitin sa pamamagitan ng hampas, upang maalaman niya kung sa anong kadahilanan sila'y nangagsigawan ng gayon laban sa kaniya. 25 At nang siya'y kanilang magapos na ng mga panaling katad, ay sinabi ni Pablo sa senturiong nakatayo sa malapit, Matuwid baga sa iyo na hampasin ang isang taong taga Roma, na hindi pa nahahatulan? 26 At nang ito'y marinig ng senturion, ay naparoon siya sa pangulong kapitan at sa kaniya'y ipinagbigay-alam, na sinasabi, Ano baga ang gagawin mo? sapagka't ang taong ito ay taga Roma. 27 At lumapit ang pangulong kapitan at sinabi sa kaniya, Sabihin mo sa akin, ikaw baga'y taga Roma? At sinabi niya, Oo. 28 At sumagot ang pangulong kapitan, Binili ko ng totoong mahal ang pagkamamamayang ito. At sinabi ni Pablo, Nguni't ako'y katutubong taga Roma. 29 Pagkaraka nga'y nagsilayo sa kaniya ang mga sa kaniya sana'y susulit: at ang pangulong kapitan din naman ay natakot nang maalamang siya'y taga Roma, at dahil sa pagkagapos niya sa kaniya. 30 Datapuwa't nang kinabukasan, sa pagkaibig na matanto ang katunayan kung bakit siya'y isinakdal ng mga Judio, ay kaniyang pinawalan siya, at pinapagpulong ang mga pangulong saserdote at ang buong Sanedrin, at ipinapanaog si Pablo at iniharap sa kanila.
1 At si Pablo, na tumititig na mabuti sa Sanedrin, ay nagsabi, Mga kapatid na lalake, ako'y nabuhay sa harapan ng Dios sa buong kabutihan ng budhi hanggang sa mga araw na ito. 2 At ipinagutos ng dakilang saserdoteng si Ananias sa mga nalalapit sa kaniya na siya'y saktan sa bibig. 3 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Pablo, sasaktan ka ng Dios, ikaw na pinaputing pader: at nakaupo ka baga upang ako'y hatulan mo ayon sa kautusan, at ako'y sinasaktan mo ng laban sa kautusan? 4 At sinabi ng nangakatayo sa malapit, Nilalait mo ang dakilang saserdote ng Dios? 5 At sinabi ni Pablo, Hindi ko nalalaman, mga kapatid na lalake, na siya'y dakilang saserdote: sapagka't nasusulat, Huwag kang magsasalita ng masama sa isang pinuno ng iyong bayan. 6 Datapuwa't nang matalastas ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanedrin, Mga kapatid na lalake, ako'y Fariseo, anak ng mga Fariseo: ako'y sinisiyasat tungkol sa pagasa at pagkabuhay na maguli ng mga patay. 7 At nang masabi na niya ang gayon, nangyari ang isang pagtatalo sa mga Fariseo at sa mga Saduceo; at nagkabahabahagi ang kapulungan. 8 Sapagka't sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay na maguli, ni anghel, ni espiritu; datapuwa't kapuwa pinaniniwalaan ng mga Fariseo. 9 At nagkaroon ng malaking sigawan, at nagsitindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at nakikipagtalo, na nagsipagsabi, Wala kaming masumpungang anomang kasalanan sa taong ito: at ano kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel? 10 At nang magkaroon ng malaking pagtatalo, sa takot ng pangulong kapitan na baka pagwaraywarayin nila si Pablo, ay pinapanaog ang mga kawal at ipinaagaw siya sa gitna nila, at siya'y ipinasok sa kuta. 11 At nang sumunod na gabi ay lumapit sa kaniya ang Panginoon, at sinabi, Laksan mo ang iyong loob: sapagka't kung paano ang pagkapatotoo mo tungkol sa akin sa Jerusalem, ay kailangang patotohanan mo rin gayon sa Roma. 12 At nang araw na, ay nangagkatipon ang mga Judio, at sila'y nangagpanata sa ilalim ng sumpa, na nagsisipagsabi na hindi sila kakain ni iinom man hanggang sa kanilang mapatay si Pablo. 13 At mahigit sa apat na pu ang mga nagsipanumpa ng ganito. 14 At sila'y nagsiparoon sa mga pangulong saserdote at sa mga matanda, at nangagsabi, Kami ay nangagpanata sa ilalim ng mahigpit na sumpa, na hindi titikim ng anoman hanggang sa mapatay namin si Pablo. 15 Ngayon nga kayo pati ng Sanedrin ay mangagpahiwatig sa pangulong kapitan na siya'y ipapanaog niya sa inyo, na waring ibig ninyong mahatulan ng lalong ganap ang sakdal tungkol sa kaniya: at kami, bago siya dumating ay nangahanda upang siya'y patayin. 16 Datapuwa't ang anak na lalake ng kapatid na babae ni Pablo ay narinig ang tungkol sa kanilang pagbabakay, at siya'y naparoon at pumasok sa kuta at isinaysay kay Pablo. 17 At tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturion, at sinabi, Dalhin mo ang binatang ito sa pangulong kapitan; sapagka't siya'y may isang bagay na sasabihin sa kaniya. 18 Kaya't siya'y kinuha, at dinala siya sa pangulong kapitan, at sinabi, Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at ipinamanhik sa aking dalhin ko sa iyo ang binatang ito, na may isang bagay na sasabihin sa iyo. 19 At tinangnan siya ng pangulong kapitan sa kamay, at pagtabi ay lihim na tinanong siya, Ano yaong sasabihin mo sa akin? 20 At sinabi niya, Pinagkasunduan ng mga Judio na sa iyo'y ipamanhik na iyong ipapanaog bukas si Pablo sa Sanedrin, na waring ikaw ay may sisiyasating lalong ganap tungkol sa kaniya. 21 Huwag ka ngang palamuyot sa kanila: sapagka't binabakayan siya ng mahigit na apat na pung katao sa kanila, na nangagsipagpanata sa ilalim ng sumpa, na hindi kakain ni iinom man hanggang sa siya'y kanilang mapatay: at ngayo'y nangahahanda sila, na nangaghihintay ng pangako mo. 22 Kaya't pinaalis ng pangulong kapitan ang binata, na ipinagbilin sa kaniya, Huwag mong sasabihin sa kanino man na ipinahiwatig mo sa akin ang mga bagay na ito. 23 At kaniyang tinawag ang dalawa sa mga senturion, at sinabi, Ihanda ninyo ang dalawang daang kawal upang magsiparoon hanggang sa Cesarea, at pitong pung kabayuhan, at dalawang daang sibatan, sa ikatlong oras ng gabi: 24 At pinapaghanda niya sila ng mga hayop, upang mapagsakyan kay Pablo, at siya'y maihatid na walang panganib kay Felix na gobernador. 25 At siya'y sumulat ng isang sulat, na ganito: 26 Si Claudio Lisias sa kagalanggalang na gobernador Felix, bumabati. 27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin na lamang sana nila, nang dumalo akong may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko, nang mapagtantong siya'y isang taga Roma. 28 At sa pagkaibig kong mapagunawa ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, ay ipinanaog ko siya sa kanilang Sanedrin: 29 Na nasumpungan ko na siya'y kanilang isinasakdal sa mga suliranin tungkol sa kanilang kautusan, datapuwa't walang anomang sakdal laban sa kaniya na marapat sa kamatayan o sa tanikala. 30 At nang ipakilala sa akin na may banta laban sa taong iyan, ay ipinadala ko siya agad sa iyo, na aking ipinagbilin din sa mga sa kaniya'y nangagsasakdal na mangagsalita sa harapan mo laban sa kaniya. 31 Kaya't ang mga kawal, alinsunod sa iniutos sa kanila, ay kinuha si Pablo at dinala siya sa gabi sa Antipatris. 32 Datapuwa't nang kinabukasan ay pinabayaan nilang samahan siya ng mga kabayuhan, at nangagbalik sa kuta: 33 At sila, nang sila'y magsidating sa Cesarea at maibigay ang sulat sa gobernador, ay iniharap din si Pablo sa harapan niya. 34 At nang mabasa niya ito, ay itinanong niya kung taga saang lalawigan siya; at nang maalamang siya'y taga Cilicia, 35 Pakikinggan kitang lubos, ang sabi niya, pagdating naman ng mga nagsisipagsakdal sa iyo: at ipinagutos na siya'y ingatan sa palasio ni Herodes.
1 At pagkaraan ng limang araw ay lumusong ang pangulong saserdoteng si Ananias na kasama ang ilang matatanda, at ang isang Tertulo na mananalumpati; at sila'y nangagbigay-alam sa gobernador laban kay Pablo. 2 At nang siya'y tawagin, si Tertulo ay nagpasimulang isakdal siya, na sinasabi, Yamang dahil sa iyo'y nangagtatamo kami ng malaking kapayapaan, at sa iyong kalinga ay napawi sa bansang ito ang mga kasamaan, 3 Ay tinatanggap namin ito sa lahat ng mga paraan at sa lahat ng mga dako, kagalanggalang na Felix, ng buong pagpapasalamat. 4 Datapuwa't, nang huwag akong makabagabag pa sa iyo, ay ipinamamanhik ko sa iyo na pakinggan mo kami sa iyong kagandahang loob sa ilang mga salita. 5 Sapagka't nangasumpungan namin ang taong ito'y isang taong mapangulo at mapagbangon ng mga paghihimagsik sa gitna ng lahat ng mga Judio sa buong sanglibutan, at namiminuno sa sekta ng mga Nazareno: 6 Na kaniya rin namang pinagsisikapang lapastanganin ang templo: na siya ring dahil ng aming inihuli: 7 Datapuwa't dumating ang pangulong pinunong si Lysias at sapilitang inagaw siya sa aming mga kamay. 8 Na mapagtatalastas mo, sa iyong pagsisiyasat sa kaniya, ang lahat ng mga bagay na ito na laban sa kaniya'y isinasakdal namin. 9 At nakianib naman ang mga Judio sa pagsasakdal, na pinatutunayan na ang mga bagay na ito'y gayon nga. 10 At nang siya'y mahudyatan ng gobernador upang magsalita, si Pablo ay sumagot, Yamang nalalaman ko na ikaw ay hukom sa loob ng maraming mga taon sa bansang ito, ay masiglang gagawin ko ang aking pagsasanggalang: 11 Sapagka't napagtatalastas mo na wala pang labingdalawang araw buhat nang ako'y umahon sa Jerusalem upang sumamba: 12 At ni hindi nila ako nasumpungan sa templo na nakikipagtalo sa kanino man o kaya'y nanggugulo sa karamihan, ni sa mga sinagoga, ni sa bayan. 13 Ni hindi rin mapatutunayan nila sa iyo ang mga bagay na ngayo'y kanilang isinasakdal laban sa akin. 14 Nguni't ito ang ipinahahayag ko sa iyo, na ayon sa Daan na kanilang tinatawag na sekta, ay gayon ang paglilingkod ko sa Dios ng aming mga magulang, na sinasampalatayanan ang lahat ng mga bagay na alinsunod sa kautusan, at nangasusulat sa mga propeta; 15 Na may pagasa sa Dios, na siya rin namang hinihintay nila, na magkakaroon ng pagkabuhay na maguli ng mga ganap at gayon din ng mga di ganap. 16 Na dahil nga rito'y lagi rin akong nagsasanay upang magkaroon ng isang budhing walang kapaslangan sa Dios at sa mga tao. 17 At nang makaraan nga ang ilang mga taon ay naparito ako upang magdala ng mga limos sa aking bansa, at ng mga hain: 18 Na ganito nila ako nasumpungang pinalinis sa templo, na walang kasamang karamihan, ni wala ring kaguluhan: datapuwa't mayroon doong ilang mga Judiong galing sa Asia. 19 Na dapat magsiparito sa harapan mo, at mangagsakdal, kung may anomang laban sa akin. 20 O kaya'y ang mga tao ring ito ang mangagsabi kung anong masamang gawa ang nasumpungan nila nang ako'y nakatayo sa harapan ng Sanedrin, 21 Maliban na sa isang tinig na ito na aking isinigaw nang nakatayo sa gitna nila, Tungkol sa pagkabuhay na maguli ng mga patay ako'y pinaghahatulan sa harapan ninyo sa araw na ito. 22 Datapuwa't si Felix, na may lalong ganap nang pagkatalastas tungkol sa Daan, ay ipinagpaliban sila, na sinasabi, Paglusong ni Lisias na pangulong kapitan, ay pasisiyahan ko ang inyong usap. 23 At iniutos niya sa senturion na siya'y tanuran at siya'y pagbigyang-loob; at huwag ipagbawal sa kanino mang mga kaibigan niya na siya'y paglingkuran. 24 Datapuwa't nang makaraan ang ilang mga araw, si Felix ay dumating na kasama si Drusila, na kaniyang asawa, na isang Judia, at ipinatawag si Pablo, at siya'y pinakinggan tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus. 25 At samantalang siya'y nagsasalaysay tungkol sa katuwiran, at sa sariling pagpipigil, at sa paghuhukom na darating, ay nangilabot si Felix, at sumagot, Ngayo'y humayo ka; at pagkakaroon ko ng kaukulang panahon ay ipatatawag kita. 26 Kaniyang inaasahan din naman na siya'y bibigyan ni Pablo ng salapi: kaya naman lalong madalas na ipinatatawag siya, at sa kaniya'y nakikipagusap. 27 Datapuwa't nang maganap ang dalawang taon, si Felix ay hinalinhan ni Porcio Festo; at sa pagkaibig ni Felix na siya'y kalugdan ng mga Judio, ay pinabayaan sa mga tanikala si Pablo.
1 Nang makapasok na nga si Festo sa lalawigan, pagkaraan ng tatlong araw ay umahon sa Jerusalem mula sa Cesarea. 2 At ang mga pangulong saserdote at ang mga maginoo sa mga Judio ay nangagbigay-alam sa kaniya laban kay Pablo; at siya'y kanilang pinamanhikan, 3 Na humihingi ng lingap laban sa kaniya, na siya'y ipahatid sa Jerusalem; na binabakayan upang siya'y mapatay sa daan. 4 Gayon ma'y sumagot si Festo, na si Pablo ay tinatanuran sa Cesarea, at siya'y paroroon sa lalong madaling panahon. 5 Kaya nga, sinabi niya, ang mga may kapangyarihan sa inyo ay magsisamang lumusong sa akin, at kung may anomang pagkakasala ang taong ito, ay isakdal siya nila. 6 At nang siya'y makatira na sa kanila na hihigit sa walo o sangpung araw, ay lumusong siya sa Cesarea: at nang kinabukasa'y lumuklok siya sa hukuman, at ipinaharap sa kaniya si Pablo. 7 At nang siya'y dumating, ay niligid siya ng mga Judio na nagsilusong na galing sa Jerusalem, na may dalang marami at mabibigat na sakdal laban sa kaniya, na pawang hindi nila mapatunayan; 8 Samantalang sinasabi ni Pablo sa kaniyang pagsasanggalang, Laban man sa kautusan ng mga Judio, ni laban sa templo, ni laban kay Cesar, ay hindi ako nagkakasala ng anoman. 9 Datapuwa't si Festo, sa pagkaibig na siya'y kalugdan ng mga Judio, ay sumagot kay Pablo, at nagsabi, Ibig mo bagang umahon sa Jerusalem, at doon ka hatulan sa mga bagay na ito sa harapan ko? 10 Datapuwa't sinabi ni Pablo, Nakatayo ako sa harapan ng hukuman ni Cesar, na doon ako dapat hatulan: wala akong ginawang anomang kasamaan sa mga Judio, gaya rin naman ng pagkatalastas mong mabuti. 11 Kung ako nga'y isang makasalanan, at nakagawa ng anomang bagay na marapat sa kamatayan, ay hindi ako tumatangging mamatay; datapuwa't kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinagsasakdal ng mga ito laban sa akin, ay hindi ako maibibigay ninoman sa kanila. Maghahabol ako kay Cesar. 12 Nang magkagayon si Festo, nang makapagpanayam na sa Sanedrin, ay sumagot, Naghabol ka kay Cesar; kay Cesar ka paparoon. 13 Nang makaraan nga ang ilang mga araw, si Agripa na hari at si Bernice ay nangagsidating sa Cesarea, at nagsibati kay Festo. 14 At nang sila'y magsitira roong maraming araw, ay isinaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo, na sinasabi, May isang taong bilanggo na iniwan ni Felix: 15 Tungkol sa kaniya nang ako'y nasa Jerusalem, ang mga pangulong saserdote at ang mga matanda sa mga Judio ay nangagbigay-alam sa akin, na hinihinging ako'y humatol laban sa kaniya. 16 Sa kanila'y aking isinagot, na hindi kaugalian ng mga taga Roma na ibigay ang sinomang tao, hanggang hindi nahaharap ang isinasakdal sa mga nagsisipagsakdal, at siya'y magkaroon ng pagkakataong makagawa ng kaniyang pagsasanggalang tungkol sa sakdal laban sa kaniya. 17 Nang sila nga'y mangagkatipon dito, ay hindi ako nagpaliban, kundi nang sumunod na araw ay lumuklok ako sa hukuman, at ipinaharap ko ang tao. 18 Tungkol sa kaniya, nang magsitindig ang mga nagsisipagsakdal, ay walang anomang sakdal na masamang bagay na maiharap sila na gaya ng aking sinapantaha; 19 Kundi may ilang mga suliranin laban sa kaniya tungkol sa kanilang sariling relihion, at sa isang Jesus, na namatay, na pinatutunayan ni Pablo na ito'y buhay. 20 At ako, palibhasa'y naguguluhan tungkol sa kung paano kayang mapagsisiyasat ang mga bagay na ito, ay itinanong ko kung ibig niyang pumaroon sa Jerusalem at doon siya hatulan tungkol sa mga bagay na ito. 21 Datapuwa't nang makapaghabol na si Pablo na siya'y ingatan upang hatulan ng emperador, ay ipinagutos kong ingatan siya hanggang sa siya'y maipadala ko kay Cesar. 22 At sinabi ni Agripa kay Festo, Ibig ko rin sanang mapakinggan ang tao. Bukas, sinasabi niya, siya'y mapapakinggan mo. 23 Kaya't nang kinabukasan, nang dumating si Agripa, at si Bernice, na may malaking karilagan, at nang mangakapasok na sila sa hukuman na kasama ang mga pangulong kapitan at ang mga maginoo sa bayan, sa utos ni Festo ay ipinasok si Pablo. 24 At sinabi ni Festo, Haring Agripa, at lahat ng mga lalaking nangariritong kasama namin, nakikita ninyo ang taong ito, na tungkol sa kaniya'y nagsasakdal sa akin sa Jerusalem at dito naman ang buong karamihan ng mga Judio, na nangagsisigawang hindi marapat na siya'y mabuhay pa. 25 Datapuwa't aking nasumpungang siya'y walang anomang ginawang marapat sa kamatayan: at sapagka't siya rin ay naghabol sa emperador ay ipinasiya kong siya'y ipadala. 26 Tungkol sa kaniya'y wala akong alam na tiyak na bagay na maisusulat sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo, at lalong-lalo na sa harapan mo, haring Agripa, upang, pagkatapos ng pagsisiyasat, ay magkaroon ng sukat na maisulat. 27 Sapagka't inaakala kong di katuwiran, na sa pagpapadala ng isang bilanggo, ay hindi magpahiwatig naman ng mga sakdal laban sa kaniya.
1 At sinabi ni Agripa kay Pablo, Ipinahihintulot sa iyong magsaysay ka sa ganang iyo. Nang magkagayo'y iniunat ni Pablo ang kaniyang kamay, at ginawa ang kaniyang pagsasanggalang: 2 Ikinaliligaya kong lubha, haring Agripa, na sa harapan mo'y gawin ko ang aking pagsasanggalang sa araw na ito tungkol sa lahat ng mga bagay na isinasakdal ng mga Judio laban sa akin. 3 Lalong-lalo na sapagka't bihasa ka sa lahat ng mga kaugalian at mga suliranin na mayroon ang mga Judio: kaya nga ipinamamanhik ko sa iyo na pagdalitaan mong dinggin ako. 4 Ang akin ngang pamumuhay mula sa aking pagkabata, na nang una'y inugali ko sa gitna ng aking bansa at sa Jerusalem, ay nalalaman ng lahat ng mga Judio; 5 Na napagtatalastas nila mula pa nang una, kung ibig nilang magsisaksi, na alinsunod sa lalong mahigpit na sekta ng aming relihion ay nabuhay akong isang Fariseo. 6 At ngayo'y nakatayo ako upang hatulan dahil sa pagasa sa pangakong ginawa ng Dios sa aming mga magulang; 7 Dahil sa pangakong ito'y ang aming labingdalawang angkan ay buong pusong nagsisipaglingkod sa Dios gabi't araw, na inaasahang kakamtin. At tungkol sa pagasang ito ako'y isinasakdal ng mga Judio, Oh hari! 8 Bakit inaakala ninyong ito'y hindi mapaniniwalaan, kung binubuhay ng Dios ang mga patay? 9 Tunay na ako ma'y nagisip na dapat akong gumawa ng maraming mga bagay laban sa pangalan ni Jesus na taga Nazaret. 10 At ginawa ko rin ito sa Jerusalem: at kinulong ko sa mga bilangguan ang marami sa mga banal, pagkatanggap ko ng kapamahalaan sa mga pangulong saserdote, at nang sila'y ipinapapatay, ay ibinibigay ko ang aking pagsangayon laban sa kanila. 11 At madalas sa pagpaparusa ko sa kanila sa lahat ng mga sinagoga, ay pinipilit ko silang magsipamusong; at sa totoong pagkagalit ko sa kanila, ay sila'y pinaguusig ko hanggang sa mga bayan ng ibang lupain. 12 Hinggil dito sa paglalakbay kong patungo sa Damasco na taglay ang kapamahalaan at bilin ng mga pangulong saserdote, 13 Nang katanghalian, Oh hari, ay nakita ko sa daan ang isang ilaw na mula sa langit, na lalong maningning kay sa araw, at lumiwanag sa palibot ko at sa mga nagsisipaglakbay na kasama ko. 14 At nang mangapasubasob sa lupa kaming lahat, ay narinig ko ang isang tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig? mahirap sa iyo ang sumikad sa mga matulis. 15 At sinabi ko, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi ng Panginoon, Ako'y si Jesus na iyong pinaguusig. 16 Datapuwa't magbangon ka, at ikaw ay tumindig sa iyong mga paa: sapagka't dahil dito'y napakita ako sa iyo, upang ihalal kitang ministro at saksi din naman ng mga bagay na nakita mo sa akin, at ng mga bagay na pagpapakitaan ko sa iyo; 17 Na ililigtas kita sa bayan, at sa mga Gentil, na sa kanila'y sinusugo kita, 18 Upang idilat mo ang kanilang mga mata, upang sila'y mangagbalik sa ilaw mula sa kadiliman at mula sa kapangyarihan ni Satanas hanggang sa Dios, upang sila'y magsitanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng mga mana sa kasamahan ng mga pinapaging banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin. 19 Dahil nga dito, Oh haring Agripa, hindi ako nagsuwail sa pangitain ng kalangitan: 20 Kundi nangaral akong unauna sa mga taga Damasco, at sa Jerusalem din naman, at sa buong lupain ng Judea, at gayon din sa mga Gentil, na sila'y mangagsisi at mangagbalik-loob sa Dios, na mangagsigawa ng mga gawang karapatdapat sa pagsisisi. 21 Dahil dito'y hinuli ako ng mga Judio sa templo, at pinagsisikapang ako'y patayin. 22 Nang aking tamuhin nga ang tulong na mula sa Dios, ay nananatili ako hanggang sa araw na ito na nagpapatotoo sa maliliit at gayon din sa malalaki, na wala akong sinasabing anoman kundi ang sinabi ng mga propeta at ni Moises na mangyayari; 23 Kung paano na ang Cristo ay kailangang maghirap, at kung paano na siya muna sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ng mga patay ay magtatanyag ng ilaw sa bayan, at gayon din sa mga Gentil. 24 At nang magawa na niyang gayon ang kaniyang pagsasanggalang ay sinabi ni Festo ng malakas na tinig, Pablo, ikaw ay ulol; ang kalakhan ng dunong mo ay siyang sa iyo'y nagpapaulol. 25 Datapuwa't sinabi ni Pablo, Hindi ako ulol, kagalanggalang na Festo; kundi nagsasalita ako ng mga salitang katotohanan at kahinahunan. 26 Sapagka't nalalaman ng hari ang mga bagay na ito, na sa kaniya'y nagsasalita naman ako ng buong laya: sapagka't naniniwala ako na sa kaniya'y walang nalilingid sa mga bagay na ito; sapagka't ito'y hindi ginawa sa isang sulok. 27 Haring Agripa, naniniwala ka baga sa mga propeta? Nalalaman kong naniniwala ka. 28 At sinabi ni Agripa kay Pablo, Sa kakaunting paghikayat ay ibig mo akong maging Cristiano. 29 At sinabi ni Pablo, Loobin nawa ng Dios, na sa kakaunti o sa marami man, ay hindi lamang ikaw, kundi pati ng lahat ng mga nagsisipakinig sa akin ngayon, ay pawang maging katulad ko naman, tangi lamang sa mga tanikalang ito. 30 At nagtindig ang hari, at ang gobernador, at si Bernice, at ang mga nagsiupong kasama nila: 31 At nang sila'y makahiwalay, ay nangagsalitaan sila sa isa't isa, na nagsisipagsabi, Ang taong ito ay walang anomang ginagawa na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala. 32 At sinabi ni Agripa kay Festo, mapalalaya sana ang taong ito, kung hindi naghabol kay Cesar.
1 At nang ipasiya na kami ay lalayag na patungo sa Italia, ay ibinigay nila si Pablo at ang iba pang mga bilanggo sa isang senturion na nagngangalang Julio, sa pulutong ni Augusto. 2 At sa paglulan namin sa isang daong Adrameto, na palayag sa mga dakong nasa baybayin ng Asia, ay nagsitulak kami, na kasama namin si Aristarco na isang taga Macedonia mula sa Tesalonica. 3 At nang sumunod na araw ay nagsidaong kami sa Sidon: at pinagpakitaan ni Julio ng magandang-loob si Pablo, at pinahintulutan siyang pumaroon sa kaniyang mga kaibigan, at siya'y magpakaginhawa. 4 At nang kami'y magsitulak buhat doon, ay nagsilayag kami na nagsipanganlong sa Chipre, sapagka't pasalunga ang hangin. 5 At nang matawid na namin ang dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, ay nagsirating kami sa Mira, na isang bayan ng Licia. 6 At nasumpungan doon ng senturion ang isang daong Alejandria na lumalayag na patungo sa Italia; at inilulan niya kami roon. 7 At nang makapaglayag na kaming marahan nang maraming mga araw, at may kahirapan kaming nakarating sa tapat ng Gnido, na hindi kami tinulutan ng hanging makasulong pa, ay nagsilayag kami na nagsipanganlong sa Creta, sa tapat ng Salmon; 8 At sa pamamaybay namin dito na may kahirapan ay nagsidating kami sa isang dako na tinatawag na Mabubuting Daongan; na malapit doon ang bayan ng Lasea. 9 At nang magugol na ang mahabang panahon, at mapanganib na ang paglalayag, sapagka't nakalampas na ang Pagaayuno, ay pinamanhikan sila ni Pablo, 10 At sa kanila'y sinabi, Mga ginoo, nakikita ko na ang paglalayag na ito ay makapipinsala at magiging malaking kapahamakan, hindi lamang sa lulan at sa daong, kundi naman sa ating mga buhay. 11 Datapuwa't may higit pang paniwala ang senturion sa piloto at sa may-ari ng daong, kay sa mga bagay na sinalita ni Pablo. 12 At sapagka't hindi bagay hintuan sa tagginaw ang daongan, ay ipinayo ng karamihan na tumulak mula roon, at baka sakaling sa anomang paraan ay makarating sila sa Fenix, at doon huminto sa tagginaw; na yao'y daungan ng Creta, na nasa dakong hilagang-silanganan at timugang-silanganan. 13 At nang marahang humihihip ang hanging timugan na inaakalang maisasagawa nila ang kanilang nasa, itinaas nila ang sinepete at namaybay sa baybayin ng Creta. 14 Datapuwa't hindi nalaon at humampas na galing doon ang maunos na hangin, na tinatawag na Euraclidon: 15 At nang ipadpad ang daong, at hindi makasalungat sa hangin, ay nangagpabaya na kami, at kami'y ipinadpad. 16 At sa pagtakbo ng daong na nanganganlong sa isang maliit na pulo na tinatawag na Clauda, ay may kahirapan naming maitaas ang bangka: 17 At nang maitaas na ito, ay nagsigamit sila ng mga lubid, na tinalian ang ibaba ng daong; at, sa takot na baka mapapadpad sa Sirte, ay ibinaba nila ang mga layag, at sa gayo'y napaanod sila. 18 At sapagka't lubhang nakikipaglaban kami sa bagyo, nang sumunod na araw ay nangagsimula silang magtapon ng lulan sa dagat; 19 At nang ikatlong araw ay kanilang ipinagtatapon ng kanilang sariling mga kamay ang mga kasangkapan ng daong. 20 At nang hindi sumisikat sa amin ang araw ni ang mga bituin man nang maraming mga araw, at sumasa ibabaw namin ang isang hindi munting bagyo, ay nawala ang buong pagasa na kami'y makaliligtas. 21 At nang maluwat nang hindi sila nagsisikain, ay tumayo nga si Pablo sa gitna nila, at sinabi, Mga ginoo, nangakinig sana kayo sa akin, at hindi umalis sa Creta, at nailagan ang kapinsalaang ito at kapahamakan. 22 At ngayon ay ipinamamanhik ko sa inyo na inyong laksan ang inyong loob; sapagka't walang buhay na mapapahamak sa inyo, kundi ang daong lamang. 23 Sapagka't nang gabing ito ay tumayo sa tabi ko ang anghel ng Dios na may-ari sa akin, at siya ko namang pinaglilingkuran, 24 Na nagsabi, Huwag kang matakot, Pablo; kailangang ikaw ay humarap kay Cesar: at narito, ipinagkaloob sa iyo ng Dios ang lahat ng kasama mo sa paglalayag. 25 Kaya nga, mga ginoo, laksan ninyo ang inyong loob: sapagka't ako'y sumasampalataya sa Dios, na mangyayari ayon sa sinalita sa akin. 26 Datapuwa't tayo'y kailangang mapapadpad sa isang pulo. 27 Datapuwa't nang dumating ang ikalabingapat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa magkabikabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating gabi na ay sinasapantaha ng mga mangdaragat na sila'y nangalalapit na sa isang lupain. 28 At kanilang tinarok, at nasumpungang may dalawangpung dipa; at pagkasulongsulong ng kaunti, ay tinarok nilang muli at nasumpungang may labinglimang dipa. 29 At sa takot naming mapapadpad sa batuhan, ay nangaghulog sila ng apat na sinepete sa hulihan, at iniibig magumaga na. 30 At sa pagpipilit ng mga mangdaragat na mangagtanan sa daong, at nang maibaba na ang bangka sa dagat, na ang dinadahilan ay mangaghuhulog sila ng mga sinepete sa unahan, 31 Ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, Maliban na magsipanatili ang mga ito sa daong, kayo'y hindi mangakaliligtas. 32 Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog. 33 At samantalang naguumaga, ay ipinamanhik ni Pablo sa lahat na magsikain, na sinasabi, Ang araw na ito ang ikalabingapat na araw na kayo'y nangaghihintay at nangagpapatuloy sa hindi pagkain, na walang kinakaing anoman. 34 Kaya nga ipinamamanhik ko sa inyo na kayo'y magsikain: sapagka't ito'y sa ikaliligtas ninyo: sapagka't hindi mawawala kahit isang buhok sa ulo ng sinoman sa inyo. 35 At nang masabi na niya ito, at makadampot ng tinapay, ay nagpasalamat siya sa Dios sa harapan ng lahat; at kaniyang pinagputolputol, at pinasimulang kumain. 36 Nang magkagayo'y nagsilakas ang loob ng lahat, at sila nama'y pawang nagsikain din. 37 At kaming lahat na nangasa daong ay dalawang daan at pitongpu't anim na kaluluwa. 38 At nang mangabusog na sila, ay pinagaan nila ang daong, na ipinagtatapon sa dagat ang trigo. 39 At nang magumaga na, ay hindi nila makilala ang lupain; datapuwa't nababanaagan nila ang isang look ng dagat na may baybayin, at sila'y nangagsangusapan kung kanilang maisasadsad ang daong doon. 40 At inihulog ang mga sinepete, at kanilang pinabayaan sa dagat, samantalang kinakalag ang mga tali ng mga ugit; at nang maitaas na nila sa hangin ang layag sa unahan, ay nagsipatungo sila sa baybayin. 41 Datapuwa't pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, ay kanilang isinadsad ang daong; at ang unahan ng daong ay napabunggo at tumigil na hindi kumikilos, datapuwa't nagpasimulang magkawasakwasak ang hulihan sa kalakasan ng mga alon. 42 At ang payo ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo, upang ang sinoma'y huwag makalangoy at makatanan. 43 Datapuwa't ang senturion, sa pagkaibig na iligtas si Pablo, ay pinigil sila sa kanilang balak; at ipinagutos na ang mga makalangoy ay magsitalon, at mangaunang magsidating sa lupa; 44 At sa mga naiwan, ang iba'y sa mga kahoy, at ang iba nama'y sa mga bagay na galing sa daong. At sa ganito nangyari, na ang lahat ay nangakatakas na ligtas hanggang sa lupa.
1 At nang kami'y mangakatakas na, nang magkagayo'y napagtalastas namin na ang pulo'y tinatawag na Melita. 2 At pinagpakitaan kami ng hindi karaniwang kagandahang-loob ng mga barbaro: sapagka't sila'y nagsiga, at tinanggap kaming lahat, dahil sa ulan niyaon, at dahil sa ginaw. 3 Datapuwa't pagkapagtipon ni Pablo ng isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, ay lumabas ang isang ulupong dahil sa init, at kumapit sa kaniyang kamay. 4 At nang makita ng mga barbaro ang makamandag na hayop na nakabitin sa kaniyang kamay, ay nagsabi ang isa sa iba, Walang salang mamamatay-tao ang taong ito, na, bagama't siya'y nakatakas sa dagat, gayon ma'y hindi siya pinabayaang mabuhay ng Katarungan. 5 Gayon ma'y ipinagpag niya ang hayop sa apoy, at siya'y hindi nasaktan. 6 Nguni't kanilang hinihintay na siya'y mamaga, o biglang mabuwal na patay: datapuwa't nang maluwat na silang makapaghintay, at makitang walang nangyari sa kaniyang anoman, ay nangagbago sila ng akala, at nangagsabing siya'y isang dios. 7 At sa mga kalapit ng dakong yao'y may mga lupain ang pangulo sa pulong yaon, na nagngangalang Publio; na tumanggap sa amin, at nagkupkop sa aming tatlong araw na may kagandahang-loob. 8 At nangyari, nararatay ang ama ni Publio na may-sakit na lagnat at iti: at pinasok siya ni Pablo, at nanalangin, at nang maipatong sa kaniya ang kaniyang mga kamay ay siya'y pinagaling. 9 At nang magawa na ito, ay nagsiparoon naman ang mga ibang maysakit sa pulo, at pawang pinagaling: 10 Kami nama'y kanilang pinarangalan ng maraming pagpaparangal; at nang magsilayag kami, ay kanilang inilulan sa daong ang mga bagay na kinakailangan namin. 11 At nang makaraan ang tatlong buwan ay nagsilayag kami sa isang daong Alejandria na tumigil ng tagginaw sa pulo, na ang sagisag ay Ang Magkapatid na Kambal. 12 At nang dumaong kami sa Siracusa, ay nagsitigil kami roong tatlong araw. 13 At mula doo'y nagsiligid kami, at nagsirating sa Regio: at pagkaraan ng isang araw ay humihip ang timugan, at nang ikalawang araw ay nagsirating kami sa Puteoli; 14 Na doo'y nakasumpong kami ng mga kapatid, at kami'y pinakiusapang matira sa kanilang pitong araw: at sa gayo'y nagsirating kami sa Roma. 15 At buhat doo'y pagkabalita ng mga kapatid, ay sinalubong kami sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-Tuluyan; na nang sila'y makita ni Pablo, ay nagpasalamat sa Dios, at lumakas ang loob. 16 At nang mangakapasok kami sa Roma, si Pablo ay pinahintulutang mamahay na magisa na kasama ng kawal na sa kaniya'y nagbabantay. 17 At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw ay tinipon niya yaong mga pangulo sa mga Judio: at nang sila'y mangagkatipon na, ay sinabi niya sa kanila, Ako, mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anoman laban sa bayan, o sa mga kaugalian ng ating mga magulang, ay ibinigay akong bilanggo buhat sa Jerusalem sa mga kamay ng mga taga Roma: 18 Na, nang ako'y kanilang masulit na, ay ibig sana nila akong palayain, sapagka't wala sa aking anomang kadahilanang marapat sa kamatayan. 19 Datapuwa't nang magsalita laban dito ang mga Judio, ay napilitan akong maghabol hanggang kay Cesar; hindi dahil sa mayroon akong anomang sukat na maisakdal laban sa aking bansa. 20 Sanhi sa dahilang ito tinawag ko kayo upang makipagkita at makipagusap sa akin: sapagka't dahil sa pagasa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito. 21 At sinabi nila sa kaniya, Kami'y hindi nagsitanggap ng mga sulat na galing sa Judea tungkol sa iyo, ni naparito man ang sinomang kapatid na magbalita o magsalita ng anomang masama tungkol sa iyo. 22 Datapuwa't ibig naming marinig sa iyo kung ano ang iyong iniisip: sapagka't tungkol sa sektang ito'y talastas naming sa lahat ng mga dako ay laban dito ang mga salitaan. 23 At nang mataningan na nila siya ng isang araw, ay nagsiparoon ang lubhang marami sa kaniyang tinutuluyan; at sa kanila'y kaniyang ipinaliwanag ang bagay, na sinasaksihan ang kaharian ng Dios, at sila'y hinihikayat tungkol kay Jesus, sa pamamagitan ng kautusan ni Moises at gayon din sa pamamagitan ng mga propeta, buhat sa umaga hanggang sa gabi. 24 At ang mga iba'y nagsipaniwala sa mga bagay na sinabi, at ang mga iba'y hindi nagsipaniwala. 25 At nang sila'y hindi mangagkaisa, ay nangagsialis pagkasabi ni Pablo ng isang salita, Mabuti ang pagkasalita ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng propeta Isaias sa inyong mga magulang, 26 Na sinasabi, Pumaroon ka sa bayang ito, at sabihin mo, Sa pakikinig ay inyong mapapakinggan, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mapaguunawa; At sa pagtingin ay inyong makikita, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mamamalas: 27 Sapagka't kumapal ang puso ng bayang ito, At mahirap na makarinig ang kanilang mga tainga, At kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, At mangakarinig ng kanilang mga tainga, At mangakaunawa ng kanilang puso, At muling mangagbalik-loob, At sila'y aking pagalingin. 28 Maging hayag nawa sa inyo, na ang kaligtasang ito ng Dios ay ipinadala sa mga Gentil: sila'y makikinig naman. 29 At nang masabi na niya ang mga salitang ito'y nagsialis ang mga Judio, at sila-sila'y nangagtatalong mainam. 30 At tumahan si Pablo na dalawang taong ganap sa kaniyang tahanang inuupahan, at tinatanggap ang lahat ng sa kaniya'y nagsisipagsadya, 31 Na ipinangangaral ang kaharian ng Dios, at itinuturo ang mga bagay na nauukol sa Panginoong Jesucristo ng buong katapangan, wala sinomang nagbabawal sa kaniya.
1 Si Pablo na alipin ni Jesucristo, na tinawag na maging apostol, ibinukod sa evangelio ng Dios, 2 Na kaniyang ipinangako nang una sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa mga banal na kasulatan, 3 Tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak sa binhi ni David ayon sa laman, 4 Na ipinahayag na Anak ng Dios na may kapangyarihan ayon sa espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ng mga patay, sa makatuwid baga'y si Jesucristo na Panginoon natin, 5 Na sa pamamagitan niya'y tinanggap namin ang biyaya at pagkaapostol, sa pagtalima sa pananampalataya sa lahat ng mga bansa, dahil sa kaniyang pangalan; 6 Sa mga ito kayo naman, ay tinawag kay Jesucristo: 7 Sa lahat ninyong nangasa Roma, mga iniibig ng Dios, tinawag na mangagbanal: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at Panginoong Jesucristo. 8 Kaunaunahan, ay nagpapasalamat ako sa aking Dios sa pamamagitan ni Jesucristo tungkol sa inyong lahat, na ang inyong pananampalataya ay bantog sa buong sanglibutan. 9 Sapagka't ang Dios ang aking saksi, na siyang pinaglilingkuran ko sa aking espiritu sa evangelio ng kaniyang Anak, na walang patid na aking kayong binabanggit, sa aking mga panalangin, 10 At laging isinasamo ko, kung ngayon sa wakas sa anomang paraan ay magkapalad ako sa kalooban ng Dios na makarating sa inyo. 11 Sapagka't ninanasa kong makita kayo, upang ako'y makapamahagi sa inyo ng kaloob na ukol sa espiritu, upang kayo'y mangagsitibay; 12 Sa makatuwid baga, upang ako't kayo ay maaliw sa inyo, ang bawa't isa sa atin sa pananampalataya ng iba, ang sa inyo at sa akin. 13 At hindi ko ibig, mga kapatid, na hindi ninyo matalastas na madalas kong inaakalang makarating sa inyo (datapuwa't hanggang ngayon ako'y nahahadlangan), upang magkaroon naman ako sa inyo ng anomang bunga, na gaya sa mga ibang Gentil. 14 Ako'y may utang sa mga Griego at gayon din naman sa mga barbaro, sa marurunong at gayon din sa mga mangmang. 15 Kaya nga, sa ganang akin, ay handa akong ipangaral din ang evangelio sa inyong nangasa Roma. 16 Sapagka't hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka't siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa't sumasampalataya; una'y sa Judio, at gayon din sa Griego. 17 Sapagka't dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya. 18 Sapagka't ang poot ng Dios ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat na kasamaan at kalikuan ng mga tao, na mga sinasawata ang katotohanan ng kalikuan; 19 Sapagka't ang nakikilala tungkol sa Dios ay hayag sa kanila; sapagka't ito'y ipinahayag ng Dios sa kanila. 20 Sapagka't ang mga bagay niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka Dios; upang sila'y walang madahilan: 21 Sapagka't kahit kilala nila ang Dios, siya'y hindi niluwalhati nilang tulad sa Dios, ni pinasalamatan; kundi bagkus niwalang kabuluhan sa kanilang mga pagmamatuwid at ang mangmang nilang puso ay pinapagdilim. 22 Ang mga nangagmamarunong ay naging mga mangmang, 23 At pinalitan nila ang kaluwalhatian ng Dios na hindi nasisira, ng isang katulad ng larawan ng tao na nasisira, at ng mga ibon, at ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang. 24 Dahil dito'y sa karumihan ng mga pita ng kanilang mga puso ay ibinigay sila ng Dios sa kahalayan, upang alisan nila ng puri ang kanilang mga katawan sa kanikanilang sarili: 25 Sapagka't pinalitan nila ang katotohanan ng Dios ng kasinungalingan, at sila'y nagsisamba at nangaglingkod sa nilalang kay sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailan man. Siya nawa. 26 Dahil dito'y ibinigay sila ng Dios sa mga mahahalay na pita: sapagka't pinalitan ng kanilang mga babae ang katutubong kagamitan niyaong nalalaban sa katutubo: 27 At gayon din naman ang mga lalake, na nang iwan na ang katutubong kagamitan sa mga babae, ay nangagningas sa kanilang karumihan ng pita ang isa't isa, na gumagawa ng kahalayan ang mga lalake sa mga kapuwa lalake, at tumatanggap sa kanilang sarili ng kagantihan ng kanilang pagkakamali. 28 At palibhasa'y hindi nila minagaling na kilalanin ang Dios, ibinigay sila ng Dios sa isang mahalay na pagiisip, upang gawin yaong mga bagay na hindi nangararapat; 29 Nangapuspus sila ng buong kalikuan, ng kasamaan, ng kasakiman, ng kahalayan; puspos ng kapanaghilian, ng pagpatay sa kapuwa tao, ng pagtatalo, ng pagdaraya, ng mga kasamaan; mga mapagupasala, 30 Mga mapanirang puri, mga napopoot sa Dios, mga manglalait, mga palalo, mga mapagmapuri, mga mangangatha ng mga kasamaan, mga masuwayin sa mga magulang, 31 Mga haling, mga hindi tapat sa tipanan, mga walang katutubong paggiliw, mga walang habag: 32 Na, bagama't nalalaman nila ang kautusan ng Dios, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay mga karapatdapat sa kamatayan, ay hindi lamang gayon ang ginagawa, kundi naman pinapayagan ang mga nagsisigawa ng mga yaon.
1 Dahil dito'y wala kang madadahilan, Oh tao, sino ka man na humahatol: sapagka't sa iyong paghatol sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagka't ikaw na humahatol ay gumagawa ka ng gayon ding mga bagay. 2 At nalalaman natin na ang hatol ng Dios ay ayon sa katotohanan laban sa kanila na mga nagsisigawa ng gayong mga bagay. 3 At iniisip mo baga ito, Oh tao, na humahatol sa mga nagsisigawa ng gayong mga bagay, at ginagawa mo ang gayon din, na ikaw ay makatatanan sa hatol ng Dios? 4 O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinuhod, na hindi mo nalalaman na ang kabutihan ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi? 5 Datapuwa't ayon sa iyong katigasan at iyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng tapat na paghuhukom ng Dios; 6 Na siya ang magbibigay sa bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa: 7 Sa mga nagsisipagtiyaga sa mabubuting gawa sa paghanap ng kaluwalhatian at puri at ng di pagkasira, ay ang buhay na walang hanggan: 8 Datapuwa't ang sa mga palaaway, at mga hindi nagsisitalima sa katotohanan, kundi bagkus nagsisisunod sa kalikuan, ay ang kagalitan at kapootan, 9 Kapighatian at kahapisan, ang sa bawa't kaluluwa ng tao na gumagawa ng masama, ng Judio una-una, at gayon din ng Griego; 10 Datapuwa't kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan ang sa bawa't taong gumagawa ng mabuti, sa Judio ang una-una, at gayon din sa Griego: 11 Sapagka't ang Dios ay hindi nagtatangi ng mga tao. 12 Sapagka't ang lahat ng nangagkasala ng walang kautusan ay mangapapahamak din naman ng walang kautusan: at ang lahat na nangagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan din sila hahatulan; 13 Sapagka't hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang mga ganap sa harapan ng Dios, kundi ang nangagsisitalima sa kautusan ay aariing mga ganap; 14 (Sapagka't kung ang mga Gentil na walang kautusan sa katutubo, ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, na walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili; 15 Na nangagtatanyag ng gawa ng kautusang nasusulat sa kanilang puso, na pinatotohanan ito pati ng kanilang budhi, at ang kanilang mga pagiisip ay nangagsusumbungan o nangagdadahilanan sa isa't isa); 16 Sa araw na hahatulan ng Dios ang mga lihim ng mga tao, ayon sa aking evangelio, sa pamamagitan ni Jesucristo. 17 Nguni't kung ikaw na may taglay na pangalang Judio, at nasasalig sa kautusan, at nagmamapuri sa Dios, 18 At nakaaalam ng kaniyang kalooban, at sumasangayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa'y tinuruan ka ng kautusan, 19 At nagkakatiwala ka na ikaw ay tagaakay ng mga bulag, ilaw ng mga nasa kadiliman, 20 Tagasaway sa mga di nakaaalam, guro ng mga bata, na sa kautusan ay mayroon kang anyo ng pagkakilala at ng katotohanan; 21 Ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo tinuturuan ang iyong sarili? ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnanakaw, ay nagnanakaw ka? 22 Ikaw na nagsasabing ang tao ay huwag mangalunya, ay nangangalunya ka? ikaw na nasusuklam sa mga diosdiosan, ay nanakawan mo ang mga templo? 23 Ikaw na nagmamapuri sa kautusan, sa iyong pagsuway sa kautusan ay niwawalan mo ng puri ang Dios? 24 Sapagka't ang pangalan ng Dios ay nalalait ng mga Gentil dahil sa iyo, gaya ng nasusulat. 25 Sapagka't ang pagtutuli'y tunay na pinakikinabangan, kung tinutupad mo ang kautusan; datapuwa't kung ikaw ay masuwayin sa kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di pagtutuli. 26 Kung ang di pagtutuli nga ay tumutupad ng katuwiran ng kautusan, hindi baga aariing pagtutuli ang kaniyang di pagtutuli? 27 At ang di pagtutuli sa katutubo, kung tumupad ng kautusan, ay hindi baga hahatol sa iyo na may titik at may pagtutuli na masuwayin sa kautusan? 28 Sapagka't siya'y hindi Judio kung sa labas lamang; ni magiging pagtutuli yaong hayag sa laman; 29 Datapuwa't siya'y Judio sa loob; at ang pagtutuli ay yaong sa puso, sa Espiritu hindi sa titik; ang kaniyang kapurihan ay hindi sa mga tao, kundi sa Dios.
1 Ano nga ang kahigitan ng Judio? o ano ang mapapakinabang sa pagtutuli? 2 Marami sa anomang paraan: ang una sa lahat, ay ipinagkatiwala sa kanila ang mga aral ng Dios. 3 Ano nga kung ang ilan ay hindi nangagsisampalataya? ang di pananampalataya nila ay nagpapawalang halaga baga sa pagtatapat ng Dios? 4 Huwag nawang mangyari: oo, bagkus pa nga ang Dios ay tapat, datapuwa't ang bawa't tao'y sinungaling; gaya ng nasusulat, Upang ikaw ay ariing ganap sa iyong mga salita, At makapagtagumpay ka kung ikaw ay mahatulan. 5 Datapuwa't kung ang ating kalikuan ay nagbibigay dilag sa katuwiran ng Dios, ano ang ating sasabihin? Liko baga ang Dios na dumadalaw na may poot? (nagsasalita akong ayon sa pagkatao.) 6 Huwag nawang mangyari: sapagka't kung gayo'y paanong paghatol ng Dios sa sanglibutan? 7 Datapuwa't kung ang katotohanan ng Dios sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay sumagana sa ikaluluwalhati niya, bakit pa naman ako'y hinahatulang tulad sa isang makasalanan? 8 At bakit hindi (gaya ng pagkalibak sa atin, at gaya ng pinatotohanan ng ilan na ating sinasabi), Magsigawa tayo ng masama upang dumating ang mabuti? ang kaparusahan sa mga gayon ay matuwid. 9 Ano nga? tayo baga'y lalong mabuti kay sa kanila? Hindi, sa anomang paraan: sapagka't ating kapuwa isinasakdal na muna ang mga Judio at ang mga Griego, na silang lahat ay nangasa ilalim ng kasalanan; 10 Gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala, wala kahit isa; 11 Walang nakatatalastas, Walang humahanap sa Dios; 12 Silang lahat ay nagsilihis, magkakasamang nawalan ng kasaysayan; Walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa: 13 Ang kanilang lalamunan ay isang libingang bukas; Nagsigamit ng daya sa pamamagitan ng kanilang mga dila: Ang kamandag ng mga ulupong ang siyang nasa ilalim ng kanilang mga labi: 14 Ang kanilang bibig ay puno ng panunumpa at ng kapaitan: 15 Ang kanilang mga paa ay matulin sa pagbububo ng dugo; 16 Kagibaan at kahirapan ang nasa kanilang mga daan; 17 At ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala; 18 Walang pagkatakot sa Dios sa harap ng kanilang mga mata. 19 Ngayon ay nalalaman natin na ang anomang sinasabi ng kautusan, yaon ay sinasabi sa nangasa ilalim ng kautusan; upang matikom ang bawa't bibig, at ang buong sanglibutan ay mapasa ilalim ng hatol ng Dios: 20 Sapagka't sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka't sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan. 21 Datapuwa't ngayon bukod sa kautusan ay ipinahahayag ang isang katuwiran ng Dios, na sinasaksihan ng kautusan at ng mga propeta; 22 Sa makatuwid baga'y ang katuwiran ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo sa lahat ng mga nagsisisampalataya; sapagka't walang pagkakaiba; 23 Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios; 24 Palibhasa'y inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus: 25 Na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran dahil sa hindi pagpansin sa mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinuhod ng Dios; 26 Sa pagpapakilala'y aking sinasabi, ng kaniyang katuwiran sa panahong kasalukuyan, upang siya'y maging ganap at tagaaring-ganap sa may pananampalataya kay Cristo. 27 Kaya nga saan naroon ang pagmamapuri? Ito'y inihiwalay na. Sa pamamagitan ng anong kautusan? ng mga gawa? Hindi: kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya. 28 Kaya nga maipasisiya natin na ang tao ay inaaring-ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan. 29 O ang Dios baga ay Dios ng mga Judio lamang? hindi baga siya ang Dios din ng mga Gentil? Oo, ng mga Gentil din naman: 30 Kung gayon nga na iisa ang Dios, at kaniyang aariing-ganap ang pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang di pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya. 31 Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan.
1 Ano nga ang ating sasabihin, na nasumpungan ni Abraham na ating magulang ayon sa laman? 2 Sapagka't kung si Abraham ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, ay mayroon sana siyang ipagmamapuri; datapuwa't hindi sa Dios. 3 Sapagka't ano ang sinasabi ng kasulatan? At sumampalataya si Abraham sa Dios, at sa kaniya'y ibinilang na katuwiran. 4 Ngayon sa kaniya na gumagawa'y, hindi ibinibilang na biyaya ang ganti, kundi utang. 5 Datapuwa't sa kaniya na hindi gumagawa, nguni't sumasampalataya sa kaniya na umaaring ganap sa masama, ang kaniyang pananampalataya ay ibibilang na katuwiran. 6 Gaya naman ng sinasambit ni David na kapalaran ng tao, na sa kaniya'y ibinibilang ng Dios ang katuwiran nang walang mga gawa, 7 Na sinasabi, Mapapalad yaong ang kanilang mga pagsalangsang ay ipinatawad, At ang kanilang mga kasalanan ay nangatakpan. 8 Mapalad ang tao na sa kaniya'y hindi ibibilang ng Panginoon ang kasalanan. 9 Sinambit nga baga ang kapalarang ito tungkol sa pagtutuli, o tungkol din naman sa di-pagtutuli? sapagka't sinasabi natin, Kay Abraham ay ibinilang na katuwiran ang kaniyang pananampalataya. 10 Paano ngang ito'y ibinilang? nang siya baga'y nasa pagtutuli, o sa di-pagtutuli? Hindi sa pagtutuli, kundi sa di-pagtutuli: 11 At tinanggap niya ang tanda ng pagtutuli, na isang tatak ng katuwiran ng pananampalataya na nasa kaniya samantalang siya'y nasa di-pagtutuli: upang siya'y maging ama ng lahat ng mga nagsisisampalataya, bagaman sila'y nasa di-pagtutuli, upang ang katuwiran ay maibilang sa kanila; 12 At ang ama ng pagtutuli nila na hindi lamang sa pagtutuli, kundi pati naman sa mga nagsisilakad sa mga bakas niyaong pananampalataya ng ating amang si Abraham na nasa kaniya nang siya'y nasa di-pagtutuli. 13 Sapagka't hindi sa pamamagitan ng kautusan ginawa ang pangako kay Abraham o sa kaniyang binhi na siyang magmamana ng sanglibutan, kundi sa pamamagitan ng katuwiran ng pananampalataya. 14 Sapagka't kung silang nangasa kautusan ay siyang mga tagapagmana, ay walang kabuluhan ang pananampalataya, at nawawalang kabuluhan ang pangako: 15 Sapagka't ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa't kung saan walang kautusan ay wala ring pagsalangsang. 16 Dahil dito'y sa pananampalataya, upang maging ayon sa biyaya; upang ang pangako ay lumagi sa lahat ng binhi; hindi lamang sa nasa kautusan, kundi pati naman sa nasa pananampalataya ni Abraham, na ama nating lahat. 17 (Gaya ng nasusulat, Ginawa kitang ama ng maraming bansa) sa harapan niyaong kaniyang pinanampalatayanan, sa makatuwid baga'y ang Dios, na nagbibigay ng buhay sa mga patay, at tumatawag sa mga bagay na hindi pa hayag na tila hayag na. 18 Siya na sumampalataya na nasa pagasa laban sa pagasa, upang maging ama ng maraming bansa ayon sa sabi, Magiging gayon ang iyong binhi. 19 At hindi humina sa pananampalataya na ipinalagay man ang kaniyang katawang tulad sa patay na (gayon siya'y may mga isang daang taon na), at ang pagkabaog ng bahay-bata ni Sara; 20 Kundi, sa pagtingin niya sa pangako ng Dios, ay hindi nagalinlangan sa pamamagitan ng di pananampalataya, kundi lumakas ng lumakas sa pamamagitan ng pananampalataya, na niluluwalhati ang Dios, 21 At lubos nanalig na ang Dios na nangako ay may kapangyarihang makagawa noon. 22 Dahil dito'y ibinilang naman na katuwiran sa kaniya. 23 Ngayo'y hindi lamang dahil sa kaniya isinulat, na sa kaniya'y ibinilang; 24 Kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa ating mga nagsisisampalataya sa kaniya na bumuhay na maguli sa mga patay, kay Jesus na ating Panginoon, 25 Na ibinigay dahil sa ating mga kasuwayan, at binuhay na maguli sa ikaaaring-ganap natin.
1 Yaman nga na mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo; 2 Sa pamamagitan din naman niya'y nangagkaroon tayo ng ating pagpasok sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na diyan ay nagsisilagi tayo; at nangagagalak tayo sa pagasa ng kaluwalhatian ng Dios. 3 At hindi lamang gayon, kundi naman nangagagalak tayo sa ating mga kapighatian na nalalamang ang kapighatian ay gumagawa ng katiyagaan; 4 At ang katiyagaan, ng pagpapatunay; at ang pagpapatunay, ng pagasa: 5 At ang pagasa ay hindi humihiya; sapagka't ang pagibig ng Dios ay nabubuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin. 6 Sapagka't nang tayo ay mahihina pa ay namatay si Cristo sa kapanahunan dahil sa mga masama. 7 Sapagka't ang isang tao'y bahagya nang mamatay dahil sa isang taong matuwid: bagama't dahil sa isang taong mabuti marahil ay may mangangahas mamatay. 8 Datapuwa't ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin. 9 Lubha pa nga ngayong inaaring-ganap sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ay mangaliligtas tayo sa galit ng Dios sa pamamagitan niya. 10 Sapagka't kung, noong tayo'y mga kaaway ay pinakipagkasundo tayo sa Dios sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lubha pa, ngayong nangagkakasundo na, ay mangaliligtas tayo sa kaniyang buhay; 11 At hindi lamang gayon, kundi tayo'y nangagagalak naman sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niya'y tinamo natin ngayon ang pagkakasundo. 12 Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala: 13 Sapagka't ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang kautusan: nguni't hindi ibinibilang ang kasalanan kung walang kautusan. 14 Bagaman ang kamatayan ay naghari mula kay Adam hanggang kay Moises, kahit doon sa hindi nangagkasala man ng tulad sa pagsalangsang ni Adam, na siyang anyo niyaong darating. 15 Datapuwa't gayon din ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagsuway. Sapagka't kung sa pagsuway ng isa ay nangamatay ang marami, lubha pang sumagana sa marami ang biyaya ng Dios, at ang kaloob dahil sa biyaya ng isang lalaking si Jesucristo. 16 At ang kaloob ay hindi gaya ng nangyari sa pamamagitan ng isang nagkasala: sapagka't ang kahatulan ay dumating sa isa sa ipagdurusa, datapuwa't ang kaloob na walang bayad ay dumating sa maraming pagsuway sa ikaaaring ganap. 17 Sapagka't kung, sa pagsuway ng isa, ay naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isa; lubha pang magsisipaghari sa buhay ang nagsisitanggap ng kasaganaan ng biyaya at kaloob ng katuwiran sa pamamagitan ng isa, sa makatuwid baga'y si Jesucristo. 18 Kaya kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang hatol sa lahat ng mga tao sa ipagdurusa; gayon din naman sa pamamagitan ng isang gawa ng katuwiran, ang kaloob na walang bayad ay dumating sa lahat ng mga tao sa ikaaaring-ganap ng buhay. 19 Sapagka't kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayon din sa pamamagitan ng pagtalima ng isa ang marami ay magiging mga matuwid. 20 At bukod sa rito ay pumasok ang kautusan, upang ang pagsuway ay makapanagana; datapuwa't kung saan nanagana ang kasalanan, ay nanaganang lubha ang biyaya: 21 Upang, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa ikamamatay, ay gayon din naman ang biyaya ay makapaghahari sa pamamagitan ng katuwiran sa ikabubuhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo na Panginoon natin.
1 Ano nga ang ating sasabihin? Magpapatuloy baga tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay makapanagana? 2 Huwag nawang mangyari. Tayong mga patay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa riyan? 3 O hindi baga ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nangabautismuhan sa kaniyang kamatayan? 4 Tayo nga'y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo'y makalalakad sa panibagong buhay. 5 Sapagka't kung tayo nga ay naging kalakip niya dahil sa kawangisan ng kaniyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo dahil sa kawangisan ng kaniyang pagkabuhay na maguli; 6 Na nalalaman natin, na ang ating datihang pagkatao ay kalakip niyang napako sa krus, upang ang katawang salarin ay magiba, at nang sa gayo'y huwag na tayong maalipin pa ng kasalanan; 7 Sapagka't ang namatay ay ligtas na sa kasalanan. 8 Datapuwa't kung tayo'y nangamatay na kalakip ni Cristo, ay naniniwala tayo na mangabubuhay naman tayong kalakip niya; 9 Na nalalaman nating si Cristo na nabuhay na maguli sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamataya'y hindi naghahari sa kaniya. 10 Sapagka't ang kamatayan na ikinamatay niya, ay kaniyang ikinamatay na minsan sa kasalanan: datapuwa't ang buhay na kaniyang ikinabubuhay, ay kaniyang ikinabubuhay sa Dios. 11 Gayon din naman kayo, ibilang ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, nguni't mga buhay sa Dios kay Cristo Jesus. 12 Huwag ngang maghari ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang kayo'y magsisunod sa kaniyang mga pita: 13 At huwag din naman ninyong ihandog ang inyong mga sangkap sa kasalanan na pinaka kasangkapan ng kalikuan; kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Dios, na tulad sa nangabuhay sa mga patay, at ang inyong mga sangkap na pinaka kasangkapan ng katuwiran sa Dios. 14 Sapagka't ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo: sapagka't wala kayo sa ilalim ng kautusan, kundi sa ilalim ng biyaya. 15 Ano nga? mangagkakasala baga tayo, dahil sa tayo'y wala sa ilalim ng kautusan, kundi sa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari. 16 Hindi baga ninyo nalalaman, na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili na pinaka alipin upang tumalima ay kayo'y mga alipin niyaong inyong tinatalima; maging ng kasalanan sa ikamamatay, maging ng pagtalima sa ikapagiging matuwid? 17 Datapuwa't salamat sa Dios, na, bagama't kayo'y naging mga alipin ng kasalanan, kayo'y naging mga matalimahin sa puso doon sa uri ng aral na pinagbigyan sa inyo; 18 At yamang pinalaya kayo sa kasalanan ay naging mga alipin kayo ng katuwiran. 19 Nagsasalita ako ayon sa kaugalian ng mga tao dahil sa karupukan ng inyong laman: sapagka't kung paanong inyong inihandog ang inyong mga sangkap ng katawan na pinaka alipin ng karumihan at ng lalo't lalong kasamaan, gayon din ihandog ninyo ngayon ang inyong mga sangkap na pinaka alipin ng katuwiran sa ikababanal. 20 Sapagka't nang kayo ay mga alipin ng kasalanan, kayo'y laya tungkol sa katuwiran. 21 Ano nga ang ibinunga ninyo sa panahong yaon sa mga bagay na ngayo'y ikinahihiya ninyo? sapagka't ang wakas ng mga bagay na yaon ay kamatayan. 22 Datapuwa't ngayong mga laya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Dios, kayo ay mayroong inyong bunga sa ikababanal, at ang wakas ay ang buhay na walang hanggan. 23 Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.
1 O hindi baga ninyo nalalaman mga kapatid (sapagka't nagsasalita ako sa mga taong nakakaalam ng kautusan), na ang kautusan ay naghahari sa tao samantalang siya'y nabubuhay? 2 Sapagka't ang babae na may asawa ay itinali ng kautusan sa asawa samantalang ito ay nabubuhay; datapuwa't kung ang asawa'y mamatay, ay kalag na sa kautusan ng asawa. 3 Kaya nga kung, samantalang nabubuhay ang asawa, siya'y makikisama sa ibang lalake, siya'y tatawaging mangangalunya: datapuwa't kung mamatay ang asawa, ay laya na siya sa kautusan, ano pa't siya'y hindi na mangangalunya, bagaman siya'y makisama sa ibang lalake. 4 Gayon din naman, mga kapatid ko, kayo'y nangamatay rin sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo; upang kayo'y makisama sa iba, sa makatuwid baga'y doon sa nabuhay na maguli, upang tayo'y magsipagbunga sa Dios. 5 Sapagka't nang tayo'y nangasa laman, ang mga pitang salarin na pawang sa pamamagitan ng kautusan, ay nagsigawa sa ating mga sangkap upang magsipagbunga sa kamatayan. 6 Datapuwa't ngayon tayo'y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo'y nangamatay doon sa nakatatali sa atin; ano pa't nagsisipaglingkod na tayo sa panibagong espiritu, at hindi sa karatihan ng sulat. 7 Ano nga ang ating sasabihin? Ang kautusan baga'y kasalanan? Huwag nawang mangyari. Datapuwa't, hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kundi sa pamamagitan ng kautusan: sapagka't hindi ko sana nakilala ang kasakiman, kung hindi sinasabi ng kautusan, Huwag kang mananakim: 8 Datapuwa't ang kasalanan, nang makasumpong ng pagkakataon, ay gumawa sa akin sa pamamagitan ng utos ng sarisaring kasakiman: sapagka't kung walang kautusan ang kasalanan ay patay. 9 At nang isang panahon ako'y nabubuhay na walang kautusan: datapuwa't nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan at ako'y namatay; 10 At ang utos na sa ikabubuhay, ay nasumpungan kong ito'y sa ikamamatay; 11 Sapagka't ang kasalanan, nang makasumpong ng pagkakataon, ay dinaya ako sa pamamagitan ng utos, at sa pamamagitan nito ay pinatay ako. 12 Kaya nga ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti. 13 Ang mabuti nga baga ay naging kamatayan sa akin? Huwag nawang mangyari. Kundi ang kasalanan, upang maipakilalang kasalanan, sa pamamagitan ng mabuti ay gumawa sa akin ng kamatayan; na sa pamamagitan ng utos ang kasalanan ay maging lalong sala. 14 Sapagka't nalalaman natin na ang kautusa'y sa espiritu: nguni't ako'y sa laman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan. 15 Sapagka't ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman: sapagka't ang hindi ko ibig, ang ginagawa ko; datapuwa't ang kinapopootan ko, yaon ang ginagawa ko. 16 Nguni't kung ang hindi ko ibig, ang siyang ginagawa ko, ay sumasangayon ako na mabuti ang kautusan. 17 Kaya ngayo'y hindi ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin. 18 Sapagka't nalalaman ko na sa akin, sa makatuwid ay sa aking laman, ay hindi tumitira ang anomang bagay na mabuti: sapagka't ang pagnanasa ay nasa akin, datapuwa't ang paggawa ng mabuti ay wala. 19 Sapagka't ang mabuti na aking ibig, ay hindi ko ginagawa: nguni't ang masama na hindi ko ibig, ay siya kong ginagawa. 20 Datapuwa't kung ang hindi ko ibig, ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin. 21 Kaya nga nasumpungan ko ang isang kautusan na, kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ay nasa akin. 22 Sapagka't ako'y nagagalak sa kautusan ng Dios ayon sa pagkataong loob: 23 Datapuwa't nakikita ko ang ibang kautusan sa aking mga sangkap na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pagiisip, at dinadala akong bihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap. 24 Abang tao ako! sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan? 25 Nagpapasalamat ako sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo na Panginoon natin. Kaya nga tunay kong ipinaglilingkod ang aking pagiisip, sa kautusan ng Dios; datapuwa't ang laman ay sa kautusan ng kasalanan.
1 Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus. 2 Sapagka't ang kautusan ng Espiritu ng buhay na kay Cristo Jesus ay pinalaya ako sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan. 3 Sapagka't ang hindi magawa ng kautusan, na mahina sa pamamagitan ng laman, sa pagsusugo ng Dios sa kaniyang sariling Anak na naganyong lamang salarin at dahil sa kasalanan, ay hinatulan ng Dios sa laman ang kasalanan: 4 Upang ang kahilingan ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi nangagsisilakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. 5 Sapagka't ang mga ayon sa laman ay nangagsisitalima sa mga bagay ng laman; datapuwa't ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu. 6 Sapagka't ang kaisipan ng laman ay kamatayan; datapuwa't ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan. 7 Sapagka't ang kaisipan ng laman ay pakikipagalit laban sa Dios; sapagka't hindi napasasaklaw sa kautusan ng Dios, ni hindi nga maaari: 8 At ang nangasa laman ay hindi makalulugod sa Dios. 9 Datapuwa't kayo'y wala sa laman kundi nasa sa Espiritu, kung gayo'y tumitira sa inyo ang Espiritu ng Dios. Datapuwa't kung ang sinoma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kaniya. 10 At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; datapuwa't ang espiritu ay buhay dahil sa katuwiran. 11 Nguni't kung ang Espiritu niyaong bumuhay na maguli kay Jesus ay tumira sa inyo, ang bumuhay na maguli kay Cristo Jesus sa mga patay ay magbibigay buhay naman sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na tumitira sa inyo. 12 Kaya nga, mga kapatid, mga may utang tayo, hindi sa laman, upang mabuhay ayon sa laman: 13 Sapagka't kung mangabuhay kayo ng ayon sa laman, ay mangamamatay kayo; datapuwa't kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, ay mangabubuhay kayo. 14 Sapagka't ang lahat ng mga pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios, ay sila ang mga anak ng Dios. 15 Sapagka't hindi ninyo muling tinanggap ang espiritu ng pagkaalipin sa ikatatakot; datapuwa't tinanggap ninyo ang espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y sumisigaw tayo, Abba, Ama. 16 Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Dios: 17 At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo'y lumuwalhati namang kasama niya. 18 Sapagka't napatutunayan ko na ang pagtitiis sa panahong ito'y hindi karapatdapat maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin. 19 Sapagka't ang maningas na pagmimithi ng buong nilalang ay naghihintay ng pagkahayag ng mga anak ng Dios. 20 Sapagka't ang buong nilalang ay nasakop ng kawalang kabuluhan, hindi sa kaniyang kalooban, kundi dahil doon sa sumakop sa kaniya, sa pagasa 21 Na ang buong nilalang naman ay magiging laya mula sa pagkaalipin ng kabulukan sa kalayaang maluwalhati ng mga anak ng Dios. 22 Sapagka't nalalaman natin na ang buong nilalang ay humihibik at nagdaramdam na may kahirapan na kasama natin hanggang ngayon. 23 At hindi lamang gayon, kundi pati naman tayo na mayroong mga pangunahing bunga ng Espiritu, sa makatuwid baga'y tayo nama'y nangagsisihibik din sa ating sarili, sa paghihintay ng pagkukupkop, na dili iba't, ang pagtubos sa ating katawan. 24 Sapagka't tayo'y iniligtas sa pagasa: datapuwa't ang pagasa na nakikita ay hindi pagasa: kaya't sino nga ang umaasa sa nakikita? 25 Datapuwa't kung nagsisiasa tayo sa hindi natin nakikita, kung magkagayo'y hinihintay nating may pagtitiis. 26 At gayon din naman ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan: sapagka't hindi tayo marunong manalangin ng nararapat; nguni't ang Espiritu rin ang namamagitan dahil sa atin ng mga hibik na hindi maisasaysay sa pananalita; 27 At ang nakasisiyasat ng mga puso'y nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagka't siya ang namamagitan dahil sa mga banal alinsunod sa kalooban ng Dios. 28 At nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga'y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa. 29 Sapagka't yaong mga nang una pa'y kaniyang nakilala, ay itinalaga naman niya na maging katulad ng larawan ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid: 30 At yaong mga itinalaga niya, ay kaniyang tinawag naman: at ang mga tinawag ay inaring-ganap naman niya: at ang mga inaring-ganap ay niluwalhati din naman niya. 31 Ano ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin? 32 Siya, na hindi ipinagkait ang kaniyang sariling anak kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit hindi naman ibibigay sa atin ng walang bayad ang lahat ng mga bagay? 33 Sino ang magsasakdal ng anoman laban sa mga hirang ng Dios? Ang Dios ay ang umaaring-ganap; 34 Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, yaong nabuhay na maguli sa mga patay na siyang nasa kanan ng Dios, na siya namang namamagitan dahil sa atin. 35 Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo? ang kapighatian, o ang kahapisan, o ang paguusig, o ang kagutum, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak? 36 Gaya ng nasusulat, Dahil sa iyo kami'y pinapatay sa buong araw; Kami ay nabilang na parang mga tupa sa patayan. 37 Hindi, kundi sa lahat ng mga bagay na ito tayo'y higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umibig. 38 Sapagka't ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan, 39 Kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin.
1 Sinasabi ko ang katotohanang na kay Cristo, na hindi ako nagsisinungaling, na ako'y sinasaksihan ng aking budhi sa Espiritu Santo, 2 Na mayroon akong malaking kalungkutan at walang tigil na karamdaman sa aking puso. 3 Sapagka't ako'y makapagnanasa na ako man ay itakuwil mula kay Cristo dahil sa aking mga kapatid, na aking mga kamaganak ayon sa laman. 4 Na pawang mga Israelita; na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagbibigay ng kautusan, at ang paglilingkod sa Dios, at ang mga kapangakuan; 5 Na sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang Cristo ayon sa laman, na siyang lalo sa lahat, Dios na maluwalhati magpakailan man. Siya nawa. 6 Datapuwa't hindi sa ang salita ng Dios ay nauwi sa wala. Sapagka't hindi ang lahat ng buhat sa Israel ay mga taga Israel: 7 Ni sapagka't sila'y binhi ni Abraham, ay mga anak na silang lahat: kundi, Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi. 8 Sa makatuwid, ay hindi mga anak sa laman ang mga anak ng Dios: kundi ang mga anak sa pangako'y siyang ibibilang na isang binhi. 9 Sapagka't ito ang salita ng pangako, Ayon sa panahong ito'y paririto ako, at magkakaroon si Sara ng isang anak na lalake. 10 At hindi lamang gayon; kundi nang maipaglihi na ni Rebeca sa pamamagitan ng isa, ito nga'y ng ating ama na si Isaac- 11 Sapagka't ang mga anak nang hindi pa ipinanganganak, at hindi pa nagsisigawa ng anomang mabuti o masama, upang ang layon ng Dios ay mamalagi alinsunod sa pagkahirang, na hindi sa mga gawa, kundi doon sa tumatawag, 12 Ay sinabi sa kaniya, Ang panganay ay maglilingkod sa bunso. 13 Gaya ng nasusulat, Si Jacob ay inibig ko, datapuwa't si Esau ay aking kinapootan. 14 Ano nga ang ating sasabihin? Mayroon baga kayang kalikuan sa Dios? Huwag nawang mangyari. 15 Sapagka't sinasabi niya kay Moises, Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan, at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan. 16 Kaya nga hindi sa may ibig, ni hindi sa tumatakbo, kundi sa Dios na naaawa. 17 Sapagka't sinasabi ng kasulatan tungkol kay Faraon, Dahil sa layong ito, ay itinaas kita, upang aking maihayag sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangala'y maitanyag sa buong lupa. 18 Kaya nga sa kaniyang ibig siya'y naaawa, at sa kaniyang ibig siya'y nagpapatigas. 19 Sasabihin mo nga sa akin, Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagka't sino ang sumasalangsang sa kaniyang kalooban? 20 Nguni't, Oh tao, sino kang tumututol sa Dios? Sasabihin baga ng bagay na ginawa doon sa gumawa sa kaniya, Bakit mo ako ginawang ganito? 21 O wala bagang kapangyarihan sa putik ang magpapalyok, upang gawin sa isa lamang limpak ang isang sisidlan sa ikapupuri, at ang isa'y sa ikahihiya. 22 Ano kung ang Dios ay inibig na ihayag ang kaniyang kagalitan, at ipakilala ang kaniyang kapangyarihan, ay nagtiis ng malaking pagpapahinuhod sa mga sisidlan ng galit na nangahahanda na sa pagkasira: 23 At upang maipakilala ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na kaniyang inihanda nang una pa sa kaluwalhatian, 24 Maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil? 25 Gaya naman ng sinasabi niya sa aklat ni Oseas, Tatawagin kong aking bayan na hindi ko dating bayan; At iniibig, na hindi dating iniibig. 26 At mangyayari, na sa dakong pinagsabihan sa kanila, kayo'y hindi ko bayan, Ay diyan sila tatawaging mga anak ng Dios na buhay. 27 At si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, Kung ang bilang man ng mga anak ng Israel ay maging tulad sa buhangin sa dagat, ay ang nalalabi lamang ang maliligtas: 28 Sapagka't isasagawa ng Panginoon ang kaniyang salita sa lupa, na tatapusin at paiikliin. 29 At gaya ng sinabi nang una ni Isaias, Kung hindi nagiwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo, Tayo'y naging katulad sana ng Sodoma, at naging gaya ng Gomorra. 30 Ano nga ang ating sasabihin? Na ang mga Gentil, na hindi nangagsisisunod sa katuwiran, ay nagkamit ng katuwiran, sa makatuwid baga'y ng katuwiran sa pananampalataya: 31 Datapuwa't ang Israel sa pagsunod sa kautusan ng katuwiran, ay hindi umabot sa kautusang iyan. 32 Bakit? Sapagka't hindi nila hinanap sa pamamagitan ng pananampalataya, kundi ng ayon sa mga gawa. Sila'y nangatisod sa batong katitisuran; 33 Gaya ng nasusulat, Narito, inilalagay ko sa Sion ang isang batong katitisuran, at batong pangbuwal: At ang sumasampalataya sa kaniya'y hindi mapapahiya.
1 Mga kapatid, ang nais ng aking puso at ang aking panalangin sa Dios ay patungkol sa kanila, upang sila'y mangaligtas. 2 Sapagka't sila'y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa't hindi ayon sa pagkakilala. 3 Sapagka't sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios. 4 Sapagka't si Cristo ang kinauuwian ng kautusan sa ikatutuwid ng bawa't sumasampalataya. 5 Sapagka't isinulat ni Moises na ang tao na gumagawa ng katuwirang ayon sa kautusan ay mabubuhay dahil dito. 6 Datapuwa't sinasabi ng katuwiran ayon sa pananampalataya ang ganito, Huwag mong sabihin sa iyong puso, Sino ang aakyat sa langit? (sa makatuwid baga'y upang ibaba si Cristo:) 7 O, Sino ang mananaog sa kalalimlaliman? (sa makatuwid baga'y upang iakyat si Cristo mula sa mga patay.) 8 Datapuwa't ano ang sinasabi nito? Ang salita ay malapit sa iyo, sa iyong bibig, at sa iyong puso: sa makatuwid baga'y ang salita ng pananampalataya na aming ipinangangaral: 9 Sapagka't kung ipahahayag mo ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang maguli ng Dios sa mga patay ay maliligtas ka: 10 Sapagka't ang tao'y nanampalataya ng puso sa ikatutuwid; at ginagawa sa pamamagitan ng bibig ang pagpapahayag sa ikaliligtas. 11 Sapagka't sinasabi ng kasulatan, Ang lahat na sa kaniya'y nagsisisampalataya ay hindi mapapahiya. 12 Sapagka't walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego: sapagka't ang Panginoon din ay siyang Panginoon ng lahat, at mayaman siya sa lahat ng sa kaniya'y nagsisitawag: 13 Sapagka't, Ang lahat na nagsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay mangaliligtas. 14 Paano nga silang magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan? at paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral? 15 At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila nga sinugo? gaya nga ng nasusulat, Anong pagkaganda ng mga paa niyaong mga nagdadala ng masasayang balita ng mga bagay na mabuti! 16 Datapuwa't hindi silang lahat ay nakinig ng masasayang balita. Sapagka't sinasabi ni Isaias, Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita? 17 Kaya nga ang paniniwala'y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo. 18 Datapuwa't sinasabi ko, Hindi baga sila'y nangakinig? Oo, tunay nga, Ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa, At ang kanilang mga salita'y hanggang sa mga dulo ng sanglibutan. 19 Datapuwa't sinasabi ko, Hindi baga nalalaman ng Israel? Unauna'y sinasabi ni Moises, Ipamumungkahi ko kayo sa paninibugho sa pamamagitan niyaong hindi bansa, Sa pamamagitan ng isang bansang mangmang ay gagalitin ko kayo. 20 At si Isaias ay buong tapang na nagsasabi, Ako'y nasumpungan nilang mga hindi nagsisihanap sa akin; Nahayag ako sa kanilang mga hindi nagsisipagtanong tungkol sa akin. 21 Datapuwa't tungkol sa Israel ay sinasabi niya, Sa buong araw ay iniunat ko ang aking mga kamay sa isang bayang suwail at matutol.
1 Sinasabi ko nga, Itinakuwil baga ng Dios ang kaniyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagka't ako man ay Israelita, sa binhi ni Abraham, sa angkan ni Benjamin. 2 Hindi itinakuwil ng Dios ang kaniyang bayan na nang una pa'y kinilala niya. O hindi baga ninyo nalalaman ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? kung paanong namamagitan siya sa Dios laban sa Israel na sinabi: 3 Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta, giniba nila ang iyong mga dambana; at ako'y naiwang nagiisa, at hinahanap nila ang aking buhay. 4 Datapuwa't ano ang sinasabi ng kasagutan ng Dios sa kaniya? Nagtira ako sa akin ng pitong libong lalake na hindi nangagsiluhod kay Baal. 5 Gayon din nga sa panahong itong kasalukuyan ay may isang nalalabi ayon sa pagkahirang ng biyaya. 6 Nguni't kung ito'y sa pamamagitan ng biyaya, ay hindi na sa mga gawa: sa ibang paraan ang biyaya ay hindi biyaya. 7 Ano nga? Ang hinahanap ng Israel ay hindi niya kinamtan; datapuwa't ito'y kinamtan ng pagkahirang, at ang mga iba'y pinapagmatigas: 8 Ayon sa nasusulat, Binigyan sila ng Dios ng Espiritu ng pagkakatulog, ng mga matang hindi nangakakakita, at ng mga pakinig na hindi nangakakarinig, hanggang sa araw na ito. 9 At sinasabi ni David, Ang kanilang dulang nawa'y maging isang silo, at isang panghuli, At isang katitisuran, at isang kabayaran sa kanila: 10 Manganglabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag mangakakita, At laging baluktutin mo nawa ang kanilang gulugod. 11 Sinasabi ko nga, Nangatisod kaya sila upang mangahulog? Huwag nawang mangyari: datapuwa't sa pagkahulog nila'y dumating ang pagkaligtas sa mga Gentil, upang ipamungkahi sila sa paninibugho. 12 Ngayon kung ang pagkahulog nga nila ay siyang kayamanan ng sanglibutan, at ang pagkalugi nila ay siyang kayamanan ng mga Gentil; gaano pa ang kapunuan nila? 13 Datapuwa't nagsasalita ako sa inyong mga Gentil. Palibasa'y ako nga'y apostol ng mga Gentil, ay niluluwalhati ko ang aking ministerio; 14 Baka sa anomang paraan ay maipamungkahi ko sa paninibugho yaong aking mga kalaman, at maligtas ang ilan sa kanila. 15 Sapagka't kung ang pagkatakuwil sa kanila ay siyang pakikipagkasundo ng sanglibutan, ano kaya ang pagtanggap sa kanila, kundi buhay mula sa mga patay? 16 At kung ang pangunahing bunga ay banal, ay gayon din ang lahat: at kung ang ugat ay banal, ay gayon din ang mga sanga. 17 Datapuwa't kung ang ilang mga sanga'y nangabali, at ikaw, na isang olibong ligaw ay isinanib ka sa kanila, at ikaw ay naging kabahagi nila sa ugat ng katabaan ng punong olibo; 18 Huwag kang magpalalo sa mga sanga: datapuwa't kung magpalalo ka, ay hindi ikaw ang nagkakandili sa ugat, kundi ang ugat ang nagkakandili sa iyo. 19 Sasabihin mo nga, Ang mga sanga ay nangabali upang ako ay makasanib. 20 Mabuti; sa kawalan nila ng pananampalataya ay nangabali sila, at sa iyong pananampalataya'y nakatayo ka. Huwag kang magpalalo kundi matakot ka: 21 Sapagka't kung hindi nga pinatawad ng Dios ang mga talagang sanga, ikaw man ay hindi patatawarin. 22 Masdan mo nga ang kabutihan at ang kabagsikan ng Dios: ang kabagsikan ay sa nangahulog, datapuwa't ang kabutihan ng Dios ay sa iyo, kung mamamalagi ka sa kaniyang kabutihan: sa ibang paraan ay ikaw man ay puputulin. 23 At sila naman, kung hindi mangagsisilagi sa di pananampalataya ay mangakakasanib: sapagka't makapangyarihan ang Dios upang sila'y isanib na muli. 24 Sapagka't kung ikaw ay pinutol doon sa talagang olibong ligaw, at laban sa kaugalian ay isinanib ka sa mabuting punong olibo; gaano pa nga ang mga ito, na mga talagang sanga, na mangakakasanib sa kanilang sariling punong olibo? 25 Sapagka't hindi ko ibig, mga kapatid, na di ninyo maalaman ang hiwagang ito, baka kayo'y mangagmarunong sa inyong sariling mga haka, na ang katigasan ng isang bahagi ay nangyari sa Israel, hanggang sa pumasok ang kapunuan ng mga Gentil; 26 At sa ganito'y ang buong Israel ay maliligtas: gaya ng nasusulat, Magbubuhat sa Sion ang Tagapagligtas; Siya ang maghihiwalay sa Jacob ng kalikuan: 27 At ito ang aking tipan sa kanila, Pagka aalisin ko ang kanilang mga kasalanan. 28 Tungkol sa evangelio, ay mga kaaway sila dahil sa inyo: datapuwa't tungkol sa pagkahirang, ay mga pinakaiibig sila dahil sa mga magulang. 29 Sapagka't ang mga kaloob at ang pagtawag ng Dios ay hindi nagbabago. 30 Sapagka't kung paanong kayo nang nakaraang panahon ay mga masuwayin sa Dios, datapuwa't ngayon kayo'y nangagkamit ng habag sa pamamagitan ng kanilang pagsuway, 31 Gayon din naman ang mga ito ay naging mga masuwayin ngayon, upang sa pamamagitan ng habag na ipinagkaloob sa inyo, sila nama'y magkamit ngayon ng habag. 32 Sapagka't ang lahat ay kinulong ng Dios sa kasuwayan, upang siya'y mahabag sa lahat. 33 Oh kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Dios! oh di matingkalang mga hatol niya, at hindi malirip na kaniyang mga daan! 34 Sapagka't sino ang nakaalam ng pagiisip ng Panginoon? o sino ang kaniyang naging kasangguni? 35 O sino ang nagbigay na una sa kaniya, at siya'y babayarang muli? 36 Sapagka't kaniya, at sa pamamagitan niya, at sa kaniya, ang lahat ng mga bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.
1 Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alangalang sa mga kahabagan ng Dios, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios, na siya ninyong katampatang pagsamba. 2 At huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito: kundi magiba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Dios. 3 Sapagka't sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na sa akin ay ibinigay, sa bawa't tao sa inyo, na huwag magisip sa kaniyang sarili ng totoong matayog kay sa nararapat niyang isipin; kundi magisip na may kahinahunan, ayon sa kasukatan ng pananampalataya na ibinahagi ng Dios sa bawa't isa. 4 Sapagka't kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain: 5 Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa. 6 At yamang may mga kaloob na nagkakaibaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin, kung hula, ay manganghula tayo ayon sa kasukatan ng ating pananampalataya; 7 O kung ministerio, ay gamitin natin ang ating sarili sa ating ministerio; o ang nagtuturo, ay sa kaniyang pagtuturo; 8 O ang umaaral, ay sa kaniyang pagaral: ang namimigay, ay magbigay na may magandang-loob; ang nagpupuno, ay magsikap; ang nahahabag ay magsaya. 9 Ang pagibig ay maging walang pagpapaimbabaw. Kapootan ninyo ang masama; makisanib kayo sa mabuti. 10 Sa pagibig sa mga kapatid ay mangagmahalan kayo; sa kapurihan ay ipagpauna ng isa't isa ang iba; 11 Huwag mga tamad sa pagsusumikap; maningas sa espiritu; mapaglingkod sa Panginoon; 12 Mangagalak sa pagasa; magmatiisin sa kapighatian; magmatiyagain sa pananalangin; 13 Mapagdamay sa mga kailangan ng mga banal; maging mapagpatuloy. 14 Pagpalain ninyo ang mga sa inyo'y nagsisiusig; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain. 15 Makigalak kayo sa nangagagalak; makiiyak kayo sa nagsisiiyak. 16 Mangagkaisa kayo ng pagiisip. Huwag ninyong ilagak ang inyong pagiisip sa mga bagay na kapalaluan, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong mga pantas sa inyong sariling mga haka. 17 Huwag kayong mangagbayad sa kanino man ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuripuri sa harapan ng lahat ng mga tao. 18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, ay magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng mga tao. 19 Huwag kayong mangaghigantihan, mga iniibig, kundi bigyan ninyong daan ang galit ng Dios: sapagka't nasusulat, Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon. 20 Kaya't kung ang iyong kaaway ay magutom, pakanin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo: sapagka't sa paggawa mo ng gayon ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kaniyang ulo. 21 Huwag kang padaig sa masama, kundi bagkus daigin mo ng mabuti ang masama.
1 Ang bawa't kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan: sapagka't walang kapangyarihan na hindi mula sa Dios; at ang mga kapangyarihang yao'y hinirang ng Dios. 2 Kaya nga't ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili. 3 Sapagka't ang mga pinuno ay hindi kilabot sa gawang mabuti, kundi sa masama. At ibig mo bagang mawalaan ng takot sa may kapangyarihan? gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan sa kaniya: 4 Sapagka't siya'y ministro ng Dios sa ikagagaling mo. Datapuwa't kung ginagawa mo ang masama, ay matakot ka; sapagka't hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak: sapagka't siya'y ministro ng Dios, tagapaghiganti sa ikagagalit sa gumagawa ng masama. 5 Kaya nga't dapat na kayo'y pasakop, hindi lamang dahil sa kagalitan, kundi naman dahil sa budhi. 6 Sapagka't dahil dito ay nagsisipagbayad naman kayo ng buwis; sapagka't sila'y mga tagapangasiwa ng paglilingkod sa Dios, na nagsisipamahalang walang patid sa bagay na ito. 7 Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; takot sa dapat katakutan; puri sa dapat papurihan. 8 Huwag kayong magkautang ng ano pa man sa kanino man, maliban na sa mangagibigan kayo: sapagka't ang umiibig sa kaniyang kapuwa'y nakaganap na ng kautusan. 9 Sapagka't ito, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mananakim, at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, sa makatuwid baga'y Ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sa iyong sarili. 10 Ang pagibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa: ang pagibig nga ay siyang katuparan ng kautusan. 11 At ito, yamang nakikilala ang panahon, na ngayo'y kapanahunan nang magsigising kayo sa pagkakatulog: sapagka't ngayon ay lalong malapit na sa atin ang kaligtasan kay sa nang tayo'y magsisampalataya nang una. 12 Ang gabi ay totoong malalim, at ang araw ay malapit na: iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan. 13 Magsilakad tayong mahinhin, gaya ng sa araw; huwag sa katakawan at paglalasing, huwag sa kalibugan at sa kahalayan, huwag sa mga pagkakaalit at pagkakainggitan. 14 Kundi bagkus isakbat ninyo ang Panginoong Jesucristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga kahalayan noon.
1 Datapuwa't ang mahina sa pananampalataya ay tanggapin ninyo, hindi upang pagtalunan ang kaniyang pagaalinlangan. 2 May tao na may pananampalataya na makakain ang lahat ng mga bagay: nguni't ang mahina'y kumakain ng mga gulay. 3 Ang kumakain ay huwag magwalang halaga sa hindi kumakain; at ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain: sapagka't siya'y tinanggap ng Dios. 4 Sino kang humahatol sa alila ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon ay natatayo siya o nabubuwal. Oo, patatayuin siya; sapagka't makapangyarihan ang Panginoon na siya'y maitayo. 5 May nagmamahal sa isang araw ng higit kay sa iba: may ibang nagmamahal sa bawa't araw. Bawa't isa'y magtibay sa kaniyang sariling pagiisip. 6 Ang nagmamahal sa araw, ay minamahal ito sa Panginoon; at ang kumakain, ay kumakain sa Panginoon, sapagka't siya'y nagpapasalamat sa Dios; at ang hindi kumakain, ay hindi kumakain sa Panginoon, at nagpapasalamat sa Dios. 7 Sapagka't ang sinoman sa atin ay hindi nabubuhay sa kaniyang sarili, at sinoman ay hindi namamatay sa kaniyang sarili. 8 Sapagka't kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo'y nangamamatay: kaya't sa mabuhay tayo, o sa mamatay man, tayo'y sa Panginoon. 9 Sapagka't dahil dito ay namatay si Cristo at nabuhay na maguli, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayon din ng mga buhay. 10 Datapuwa't ikaw, bakit humahatol ka sa iyong kapatid? at ikaw naman, bakit pinawalaang halaga mo ang iyong kapatid? sapagka't tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Dios. 11 Sapagka't nasusulat, Buhay ako, sabi ng Panginoon, sa akin ang bawa't tuhod ay luluhod, At ang bawa't dila ay magpapahayag sa Dios. 12 Kaya nga ang bawa't isa sa atin ay magbibigay sulit sa Dios ng kaniyang sarili. 13 Huwag na nga tayong mangaghatulan pa sa isa't isa: kundi bagkus ihatol ninyo ito, na ang sinoman ay huwag maglagay ng katitisuran sa daan ng kaniyang kapatid o kadahilanan ng ikararapa. 14 Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos kay Jesus na Panginoon, na walang anomang bagay na marumi sa kaniyang sarili: maliban na doon sa nagaakala na ang anomang bagay ay marumi, sa kaniya'y marumi ito. 15 Sapagka't kung dahil sa pagkain ang iyong kapatid ay naghinanakit ay hindi ka na lumalakad sa pagibig. Huwag mong ipamahamak sa iyong pagkain yaong pinagkamatayan ni Cristo. 16 Huwag nga ninyong pabayaan na pagsalitaan ng masama ang inyong kabutihan: 17 Sapagka't ang kaharian ng Dios ay hindi ang pagkain at paginom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa Espiritu Santo. 18 Sapagka't ang sa ganito ay naglilingkod kay Cristo ay kalugodlugod sa Dios, at pinatutunayan ng mga tao. 19 Kaya nga sundin ang mga bagay na makapapayapa, at ang mga bagay na makapagpapatibay sa isa't isa. 20 Huwag mong sirain ang gawa ng Dios dahil sa pagkain. Tunay na ang lahat ng mga bagay ay malilinis; gayon man ay masama sa tao ang kumakain ng laban sa kaniyang budhi. 21 Mabuti ang huwag kumain ng lamangkati, ni uminom ng alak, ni gumawa ng anoman na katitisuran ng iyong kapatid. 22 Ang pananampalataya mo na nasa iyo ay ingatan mo sa iyong sarili sa harap ng Dios. Mapalad ang hindi humahatol sa kaniyang sarili sa bagay na kaniyang sinasangayunan. 23 Nguni't ang nagaalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagka't hindi siya kumakain sa pananampalataya; at ang anomang hindi sa pananampalataya ay kasalanan.
1 Tayo ngang malalakas ay nararapat mangagbata ng kahinaan ng mahihina, at huwag tayong mangagbigay lugod sa ating sarili. 2 Bawa't isa sa atin ay magbigay lugod sa kaniyang kapuwa, sa kaniyang ikabubuti sa ikatitibay. 3 Sapagka't si Cristo man ay hindi nagbigay lugod sa kaniyang sarili; kundi gaya ng nasusulat, Ang mga pagalipusta ng mga nagsisialipusta sa iyo, ay nangahulog sa akin. 4 Sapagka't ang anomang mga bagay na isinulat nang una ay nangasulat dahil sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at pagaliw ng mga kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pagasa. 5 Loobin nawa ng Dios ng pagtitiis at paggiliw, na kayo ay magkaisa ng pagiisip sa isa't isa ayon kay Cristo Jesus: 6 Upang kayo na may isang pagiisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo. 7 Sa ganito'y mangagtanggapan kayo, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa kaluwalhatian ng Dios. 8 Sapagka't sinasabi ko na si Cristo ay ginawang ministro ng pagtutuli dahil sa katotohanan ng Dios, upang kaniyang mapagtibay ang mga pangakong ibinigay sa mga magulang, 9 At upang ang mga Gentil ay makaluwalhati sa Dios dahil sa kaniyang kahabagan; gaya ng nasusulat, Kaya nga't ikaw ay aking pupurihin sa gitna ng mga Gentil. At aawit ako sa iyong pangalan. 10 At muling sinasabi niya, Makigalak kayo, kayong mga Gentil, sa kaniyang bayan. 11 At muli, Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Gentil; At purihin siya ng lahat ng mga bayan. 12 At muli, sinasabi ni Isaias, Magkakaroon ng ugat kay Jesse, At siya'y lilitaw upang maghari sa mga Gentil; Ay sa kaniya magsisiasa ang mga Gentil. 13 Puspusin nga kayo ng Dios ng pagasa ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y managana sa pagasa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 14 At ako naman sa aking sarili ay naniniwalang lubos tungkol sa inyo mga kapatid ko, na kayo naman ay mangapuspos ng kabutihan, pinuspos ng lahat ng kaalaman, na ano pa't makapagpapaalaala naman kayo sa isa't isa. 15 Nguni't sinulatan ko kayo na may dakilang kalayaan na bilang pagpapaalaala sa inyo, dahil sa biyaya na sa akin ay ibinigay ng Dios, 16 Upang ako'y maging ministro ni Cristo Jesus sa mga Gentil, na nangangasiwa sa evangelio ng Dios, upang ang mga Gentil ay maging kalugodlugod na handog, palibhasa'y pinapaging banal ng Espiritu Santo. 17 Mayroon nga akong ipinagmamapuri kay Cristo Jesus sa mga bagay na nauukol sa Dios. 18 Sapagka't hindi ako nangangahas magsalita ng anomang mga bagay, maliban na sa mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, sa pagtalima ng mga Gentil, sa salita at sa gawa, 19 Sa bisa ng mga tanda at ng mga kababalaghan, sa kapangyarihan ng Espiritu ng Dios; ano pa't buhat sa Jerusalem, at sa palibotlibot hanggang sa Ilirico, ay aking ipinangaral na lubos ang evangelio ni Cristo; 20 Aking nilayon na maipangaral ang evangelio, hindi doon sa napagbalitaan na kay Cristo, upang huwag akong magtayo sa ibabaw ng pinagsaligan ng iba; 21 Kundi, gaya ng nasusulat, Makakakita silang mga hindi dinatnan ng mga balita tungkol sa kaniya, At silang hindi nangakapakinig, ay mangakakatalastas. 22 Kaya't madalas namang napigil ako ng pagpariyan sa inyo: 23 Datapuwa't ngayon, na wala nang dako sa mga lupaing ito, at malaon nang panahong ako'y may nasang pumariyan sa inyo, 24 Pagparoon ko sa Espana ay paririyan ako (sapagka't inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay, at ako'y sasamahan ninyo patungo doon, pagkatapos na magkamit ng kaunting kasiyahan sa pakikisama sa inyo). 25 Nguni't ngayon, sinasabi ko, ako'y pasasa-Jerusalem, upang mamahagi sa mga banal. 26 Sapagka't minagaling ng Macedonia at ng Acaya na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem. 27 Oo, ito'y kalugodlugod sa kanila; at sila'y may utang na loob sa kanila. Sapagka't kung ang mga Gentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na ayon sa Espiritu, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga yaon sa mga bagay na ayon sa laman. 28 Kung maganap ko nga ito, at aking matatakan na sa kanila ang bungang ito, ay magdaraan ako sa inyong patungo sa Espana. 29 At nalalaman ko na, pagpariyan ko sa inyo, ay darating akong puspos ng pagpapala ng evangelio ni Cristo. 30 Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, alangalang sa Panginoon nating Jesucristo, at sa pagibig ng Espiritu, na kayo'y makipagsikap na kasama ko sa inyong mga pananalangin sa Dios patungkol sa akin; 31 Upang ako'y maligtas sa mga hindi nagsisisampalataya na nangasa Judea, at nang ang aking pamamahagi sa Jerusalem ay maging kalugodlugod sa mga banal; 32 Upang sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, ako'y makarating sa inyo na may kagalakan, at ako'y makipamahinga sa inyo. 33 Ngayon ang Dios ng kapayapaan ay sumainyo nawang lahat. Siya nawa.
1 Ipinagtatagubilin ko sa inyo si Febe na ating kapatid na babae, na lingkod sa iglesia na nasa Cencrea: 2 Upang tanggapin ninyo siya sa Panginoon, ayon sa nararapat sa mga banal, at tulungan ninyo siya sa anomang bagay na magiging kailangan niya sa inyo: sapagka't siya nama'y naging katulong ng marami, at ng aking sarili naman. 3 Batiin ninyo si Prisca at si Aquila na aking mga kamanggagawa kay Cristo Jesus, 4 Na ipinain ang kanilang mga leeg dahil sa aking buhay; na sa kanila'y hindi lamang ako ang nagpapasalamat, kundi naman ang lahat ng mga iglesia ng mga Gentil: 5 At batiin ninyo ang iglesia na nasa kanilang bahay. Batiin ninyo si Epeneto na minamahal ko, na siyang pangunahing bunga ng Asia kay Cristo. 6 Batiin ninyo si Maria, na lubhang nagpagal sa inyo. 7 Batiin ninyo si Andronico at si Junias, na aking mga kamaganak, at mga kasama ko sa pagkabilanggo, na siyang mga bantog sa mga apostol, na sila nama'y nangauna sa akin kay Cristo. 8 Batiin ninyo si Ampliato na aking minamahal sa Panginoon. 9 Batiin ninyo si Urbano na aming kamanggagawa kay Cristo, at si Estaquis na minamahal ko. 10 Batiin ninyo si Apeles na subok kay Cristo. Batiin ninyo ang mga kasangbahay ni Aristobulo. 11 Batiin ninyo si Herodion na aking kamaganak. Batiin ninyo ang mga kasangbahay ni Narciso, yaong nangasa Panginoon. 12 Batiin ninyo si Trifena at si Trifosa, na nangagpapagal sa Panginoon. Batiin ninyo si Persida na minamahal, na lubhang nagpagal sa Panginoon. 13 Batiin ninyo si Rufo na hinirang sa Panginoon, at ang kaniyang ina at akin. 14 Batiin ninyo si Asincrito, si Flegonte, si Hermes, si Patrobas, si Hermas, at ang mga kapatid na kasama nila. 15 Batiin ninyo si Filologo at si Julia, si Nereo at ang kaniyang kapatid na babae, at si Olimpas, at ang lahat ng mga banal na kasama nila. 16 Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesia ni Cristo. 17 Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo yaong mga pinanggagalingan ng pagkakabahabahagi at ng mga katitisuran, laban sa mga aral na inyong nangapagaralan: at kayo'y magsilayo sa kanila. 18 Sapagka't ang mga gayon ay hindi nagsisipaglingkod sa Cristong Panginoon, kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mabuting pananalita at maiinam na mga talumpati ay dinadaya ang mga puso ng mga walang malay. 19 Sapagka't ang inyong pagtalima ay naging bantog sa lahat ng mga tao. Kaya't nagagalak ako tungkol sa inyo: datapuwa't ibig ko na kayo'y maging marunong sa kabutihan, at musmos sa kasamaan. 20 At si Satanas ay dudurugin ng Dios ng kapayapaan sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya nawa ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo. 21 Binabati kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa; at ni Lucio at ni Jason at ni Sosipatro, na aking mga kamaganak. 22 Akong si Tercio, na sumusulat ng sulat na ito, ay bumabati sa inyo sa Panginoon. 23 Binabati kayo ni Gayo na pinanunuluyanan ko, at ng buong iglesia. Binabati kayo ni Erasto na ingat-yaman ng bayan, at ng kapatid na si Cuarto. 24 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyong lahat. Siya nawa. 25 At ngayon sa kaniya na makapangyarihan na sa inyo'y makapagpapatibay ayon sa aking evangelio at sa pangangaral ni Jesucristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan. 26 Datapuwa't nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ayon sa ipinagutos ng Dios na walang hanggan, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa upang magsitalima sa pananampalataya: 27 Sa iisang Dios na marunong, sa pamamagitan ni Jesucristo, na sumasa kaniya ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.
1 Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Sostenes na ating kapatid, 2 Sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, sa makatuwid baga'y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa't dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon: 3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo. 4 Nagpapasalamat akong lagi sa aking Dios tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus; 5 Na kayo ay pinayaman sa kanya, sa lahat ng mga bagay sa lahat ng pananalita at sa lahat ng kaalaman; 6 Gaya ng pinagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo: 7 Ano pa't kayo'y hindi nagkulang sa anomang kaloob; na nagsisipaghintay ng paghahayag ng ating Panginoong Jesucristo; 8 Na siya namang magpapatibay sa inyo hanggang sa katapusan, upang huwag kayong mapagwikaan sa kaarawan ng ating Panginoong Jesucristo. 9 Ang Dios ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa pakikisama ng kaniyang anak na si Jesucristo na Panginoon natin. 10 Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo'y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol. 11 Sapagka't ipinatalastas sa akin tungkol sa inyo, mga kapatid ko, ng mga kasangbahay ni Cloe, na sa inyo'y may mga pagtatalotalo. 12 Ibig ko ngang sabihin ito, na ang bawa't isa sa inyo ay nagsasabi, Ako'y kay Pablo; at ako'y kay Apolos; at ako'y kay Cefas; at ako'y kay Cristo. 13 Nabahagi baga si Cristo? ipinako baga sa krus si Pablo dahil sa inyo? o binautismuhan baga kayo sa pangalan ni Pablo? 14 Nagpapasalamat ako sa Dios na hindi ko binautismuhan ang sinoman sa inyo, maliban si Crispo at si Gayo; 15 Baka masabi ninoman na kayo'y binautismuhan sa pangalan ko. 16 At binautismuhan ko rin naman ang sangbahayan ni Estefanas: maliban sa mga ito, di ko maalaman kung may nabautismuhan akong iba pa. 17 Sapagka't hindi ako sinugo ni Cristo upang bumautismo, kundi upang mangaral ng evangelio: hindi sa karunungan ng mga salita baka mawalan ng kabuluhan ang krus ni Cristo. 18 Sapagka't ang salita ng krus ay kamangmangan sa kanila na nangapapahamak; nguni't ito'y kapangyarihan ng Dios sa atin na nangaliligtas. 19 Sapagka't nasusulat, Iwawalat ko ang karunungan ng marurunong, At isasawala ko ang kabaitan ng mababait. 20 Saan naroon ang marunong? saan naroon ang eskriba? saan naroon ang mapagmatuwid sa sanglibutang ito? hindi baga ginawa ng Dios na kamangmangan ang karunungan ng sanglibutan? 21 Sapagka't yamang sa karunungan ng Dios ay hindi nakilala ng sanglibutan ang Dios sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, ay kinalugdan ng Dios na iligtas ang mga nagsisipanampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral. 22 Ang mga Judio nga ay nagsisihingi ng mga tanda, at ang mga Griego ay nagsisihanap ng karunungan: 23 Datapuwa't ang aming ipinangangaral ay ang Cristo na napako sa krus, na sa mga Judio ay katitisuran, at sa mga Gentil ay kamangmangan; 24 Nguni't sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griego, si Cristo ang kapangyarihan ng Dios, at ang karunungan ng Dios. 25 Sapagka't ang kamangmangan ng Dios ay lalong marunong kay sa mga tao; at ang kahinaan ng Dios ay lalong malakas kay sa mga tao. 26 Sapagka't masdan ninyo ang sa inyo'y pagkatawag, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao ang mga tinawag: 27 Kundi pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas; 28 At ang mga bagay na mababa ng sanglibutan, at ang mga bagay na hinamak, ang pinili ng Dios, oo at ang mga bagay na walang halaga upang mawalang halaga ang mga bagay na mahahalaga: 29 Upang walang laman na magmapuri sa harapan ng Dios. 30 Datapuwa't sa kaniya kayo'y nangasa kay Cristo Jesus, na sa atin ay ginawang karunungang mula sa Dios, at katuwiran at kabanalan, at katubusan: 31 Na, ayon sa nasusulat, Ang nagmamapuri, ay magmapuri sa Panginoon.
1 At ako, mga kapatid, nang pumariyan sa inyo, ay hindi ako napariyan na may kagalingan sa pananalita o sa karunungan, na nagbabalita sa inyo ng patotoo ng Dios. 2 Sapagka't aking pinasiyahang walang maalaman anoman sa gitna ninyo, maliban na si Jesucristo, at siya na napako sa krus. 3 At ako'y nakisama sa inyo na may kahinaan, at may katakutan, at may lubhang panginginig. 4 At ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa mga salitang panghikayat ng karunungan, kundi sa patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan: 5 Upang ang inyong pananampalataya ay huwag masalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Dios. 6 Gayon man, ay nangagsasalita kami ng karunungan sa mga may gulang: bagaman hindi ng karunungan ng sanglibutang ito, o ng mga may kapangyarihan sa sanglibutang ito, na ang mga ito'y nangauuwi sa wala: 7 Kundi sinasalita namin ang karunungan ng Dios sa hiwaga, yaong karunungan na itinalaga ng Dios, bago nilalang ang mga sanglibutan sa ikaluluwalhati natin: 8 Na hindi napagkilala ng sinomang pinuno sa sanglibutang ito: sapagka't kung nakilala sana nila, ay dising di ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian: 9 Datapuwa't gaya ng nasusulat, Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, Ni hindi pumasok sa puso ng tao, Anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya. 10 Nguni't ang mga ito ay ipinahayag sa atin ng Dios sa pamamagitan ng Espiritu; sapagka't nasisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, oo, ang malalalim na mga bagay ng Dios. 11 Sapagka't sino sa mga tao ang nakakakilala ng mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao, na nasa kaniya? gayon din naman ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban na ng Espiritu ng Dios. 12 Nguni't ating tinanggap, hindi ang espiritu ng sanglibutan, kundi ang espiritung mula sa Dios; upang ating mapagkilala ang mga bagay na sa atin ay ibinigay na walang bayad ng Dios. 13 Na ang mga bagay na ito ay atin namang sinasalita, hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng Espiritu; na iniwawangis natin ang mga bagay na ayon sa espiritu sa mga pananalitang ayon sa espiritu. 14 Nguni't ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka't ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka't ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu. 15 Nguni't ang sa espiritu ay nagsisiyasat sa lahat ng mga bagay, at siya'y hindi sinisiyasat ng sinoman. 16 Sapagka't sino ang nakakilala ng pagiisip ng Panginoon, upang siya'y turuan niya? Datapuwa't nasa atin ang pagiisip ni Cristo.
1 At ako, mga kapatid, ay hindi nakapagsalita sa inyo na tulad sa mga nasa espiritu, kundi tulad sa mga nasa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. 2 Kinandili ko kayo ng gatas, at hindi ng lamang-kati; sapagka't kayo'y wala pang kaya noon: wala, na ngayon pa man ay wala kayong kaya; 3 Sapagka't kayo'y mga sa laman pa: sapagka't samantalang sa inyo'y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi baga kayo'y mga sa laman, at kayo'y nagsisilakad ayon sa kaugalian ng mga tao? 4 Sapagka't kung sinasabi ng isa, Ako'y kay Pablo; at ng iba, Ako'y kay Apolos; hindi baga kayo'y mga tao? 5 Ano nga si Apolos? at Ano si Pablo? Mga ministro na sa pamamagitan nila ay nagsisampalataya kayo; at sa bawa't isa ayon sa ipinagkaloob ng Panginoon sa kaniya. 6 Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig; nguni't ang Dios ang siyang nagpalago. 7 Ano pa't walang anoman ang nagtatanim, ni ang nagdidilig; kundi ang Dios na nagpapalago. 8 Ngayon ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa: nguni't ang bawa't isa ay tatanggap ng kaniyang sariling kagantihan ayon sa kaniyang sariling pagpapagal. 9 Sapagka't tayo ay mga kamanggagawa ng Dios: kayo ang bukid ng Dios, ang gusali ng Dios. 10 Ayon sa biyaya ng Dios na ibinigay sa akin, na tulad sa matalinong tagapagtayo ay inilagay ko ang pinagsasaligan; at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Nguni't ingatan ng bawa't tao kung paano ang pagtatayo niya sa ibabaw nito. 11 Sapagka't sinoman ay hindi makapaglalagay ng ibang pinagsasaligan, kundi ang nalalagay na, na ito'y si Cristo Jesus. 12 Datapuwa't kung ang sinoma'y magtatayo sa ibabaw ng pinagsasaligang ito ng ginto, pilak, mga mahahalagang bato, kahoy, tuyong dayami; 13 Ang gawa ng bawa't isa ay mahahayag: sapagka't ang araw ang magsasaysay, sapagka't sa pamamagitan ng apoy inihahayag; at ang apoy rin ang susubok sa gawa ng bawa't isa kung ano yaon. 14 Kung ang gawa ng sinoman ay manatili, na kaniyang itinayo sa ibabaw niyaon, siya'y tatanggap ng kagantihan. 15 Kung ang gawa ng sinoman ay masunog, ay malulugi siya: nguni't siya sa kaniyang sarili ay maliligtas; gayon ma'y tulad sa pamamagitan ng apoy. 16 Hindi baga ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo? 17 Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya'y igigiba ng Dios; sapagka't ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo. 18 Sinoma'y huwag magdaya sa kaniyang sarili. Kung ang sinoman sa inyo ay nagiisip na siya'y marunong sa kapanahunang ito, ay magpakamangmang siya, upang siya ang maging marunong. 19 Sapagka't ang karunungan ng sanglibutang ito ay kamangmangan sa Dios. Sapagka't nasusulat, Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan: 20 At muli, Nalalaman ng Panginoon ang pangangatuwiran ng marurunong, na pawang walang kabuluhan. 21 Kaya't huwag ipagmamapuri ninoman sa mga tao, Sapagka't ang lahat ng mga bagay ay sa inyo. 22 Kahit si Pablo, kahit si Apolos, kahit si Cefas, kahit ang sanglibutan, kahit ang buhay, kahit ang kamatayan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating; lahat ay sa inyo: 23 At kayo'y kay Cristo; at si Cristo ay sa Dios.
1 Ipalagay nga kami ng sinoman na mga ministro ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Dios. 2 Bukod dito'y kinakailangan sa mga katiwala, na ang bawa't isa ay maging tapat. 3 Datapuwa't sa ganang akin ay isang bagay na totoong maliit ang ako'y siyasatin ninyo, o ng pagsisiyasat ng tao: oo, ako'y hindi nagsisiyasat sa aking sarili. 4 Sapagka't wala akong nalalamang anomang laban sa aking sarili; bagaman hindi dahil dito'y inaaring-ganap ako: sapagka't ang nagsisiyasat sa akin ay ang Panginoon. 5 Kaya nga huwag muna kayong magsihatol ng anoman, hanggang sa dumating ang Panginoon, na siya ang maghahayag ng mga bagay na nalilihim sa kadiliman, at ipahahayag naman ang mga haka ng mga puso; at kung magkagayon ang bawa't isa ay magkakaroon ng kapurihan sa Dios. 6 Ang mga bagay ngang ito, mga kapatid, ay inianyo ko sa halimbawa sa aking sarili at kay Apolos dahil sa inyo; upang sa amin ay mangatuto kayo na huwag magsihigit sa mga bagay na nangasusulat; upang ang sinoman sa inyo ay huwag magpalalo ang isa laban sa iba. 7 Sapagka't sino ang gumawa na ikaw ay matangi? at anong nasa iyo na hindi mo tinanggap? nguni't kung tinanggap mo, ay bakit mo ipinagmamapuri na tulad sa hindi mo tinanggap? 8 Kayo'y mga busog na, kayo'y mayayaman na, kayo'y nangaghari nang wala kami: at ibig ko sanang mangaghari kayo, upang kami nama'y mangagharing kasama ninyo. 9 Sapagka't iniisip ko, na pinalitaw ng Dios kaming mga apostol na mga kahulihulihan sa lahat, na tulad sa mga itinalaga sa kamatayan: sapagka't kami'y ginawang panoorin ng sanglibutan, at ng mga anghel, at ng mga tao. 10 Kami'y mga mangmang dahil kay Cristo, nguni't kayo'y marurunong kay Cristo; kami'y mahihina, nguni't kayo'y malalakas; kayo'y may karangalan, datapuwa't kami ay walang kapurihan. 11 Hanggang sa oras na ito'y nangagugutom kami, at nangauuhaw, at mga hubad, at mga tinampal, at wala kaming tiyak na tahanan; 12 At kami'y nangagpapagal, na nangagsisigawa ng aming sariling mga kamay: bagama't inuupasala, ay kami'y nangagpapala; bagama't mga pinaguusig, ay nangagtitiis kami; 13 Bagama't mga sinisiraangpuri, ay aming pinamamanhikan: kami'y naging tulad ng yagit sa sanglibutan, sukal ng lahat ng mga bagay hanggang ngayon. 14 Hindi ko isinusulat ang mga bagay na ito upang kayo'y hiyain, kundi upang paalalahanan kayong tulad sa aking mga minamahal na anak. 15 Sapagka't bagaman mangagkaroon kayo ng sampung libong mga guro kay Cristo, ay wala nga kayong maraming mga ama; sapagka't kay Cristo Jesus ipinanganak ko kayo sa pamamagitan ng evangelio. 16 Ipinamamanhik ko nga sa inyo, na kayo'y maging mga tagatulad sa akin. 17 Dahil dito'y aking sinugo sa inyo si Timoteo, na aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon, na siya ang sa inyo'y magpapaalaala ng aking mga daang nanga kay Cristo, gaya ng itinuturo ko saan mang dako sa bawa't iglesia. 18 Ang mga iba nga'y nangagpapalalo, na waring hindi na ako mapapariyan sa inyo. 19 Nguni't ako'y paririyan agad sa inyo, kung loloobin ng Panginoon; at aking aalamin, hindi ang salita ng nangagpapalalo, kundi ang kapangyarihan. 20 Sapagka't ang kaharian ng Dios ay hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan. 21 Anong ibig ninyo? paririyan baga ako sa inyo na may panghampas, o sa pagibig, at sa espiritu ng kahinahunan?
1 Sa kasalukuya'y nababalita na sa inyo'y may pakikiapid, at ang ganyang pakikiapid ay wala kahit sa mga Gentil, na isa sa inyo'y nagaari ng asawa ng kaniyang ama. 2 At kayo'y mga mapagpalalo, at hindi kayo bagkus nangalumbay, upang maalis sa gitna ninyo ang gumagawa ng gawang ito. 3 Sapagka't ako sa katotohanan, bagama't wala sa harapan ninyo sa katawan nguni't ako'y nasa harapan ninyo sa espiritu, akin ngang hinatulan na ang gumawa ng bagay na ito, na tulad sa ako'y nahaharap, 4 Sa pangalan ng ating Panginoong Jesus, nang nangagkakatipon kayo, at ang aking espiritu, na taglay ang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, 5 Upang ang ganyan ay ibigay kay Satanas sa ikawawasak ng kaniyang laman, upang ang espiritu ay maligtas sa araw ng Panginoong Jesus. 6 Hindi mabuti ang inyong pagmamapuri. Hindi baga ninyo nalalaman na ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak? 7 Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo'y maging bagong limpak, na tulad sa kayo'y walang lebadura. Sapagka't ang kordero ng ating paskua ay naihain na, sa makatuwid baga'y si Cristo: 8 Kaya nga ipangilin natin ang pista, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura man ng masamang akala at ng kasamaan, kundi sa tinapay na walang lebadura ng pagtatapat at ng katotohanan. 9 Isinulat ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makisama sa mga mapakiapid; 10 Tunay nga hindi ang ibig sabihin ay sa mga mapakiapid sa sanglibutang ito, o sa mga masasakim at mga manglulupig, o sa mga mananamba sa diosdiosan; sapagka't kung gayo'y kinakailangang magsialis kayo sa sanglibutan: 11 Datapuwa't sinusulatan ko nga kayo, na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya'y mapakiapid, o masakim, o mananamba sa diosdiosan, o mapagtungayaw, o manglalasing, o manglulupig; sa gayo'y huwag man lamang kayong makisalo. 12 Sapagka't ano sa akin ang humatol sa nangasa labas? Hindi baga kayo nagsisihatol sa nangasa loob? 13 Datapuwa't sa nangasa labas ay Dios ang humahatol. Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao.
1 Nangangahas baga ang sinoman sa inyo, kung mayroong anomang bagay laban sa iba, na siya'y magsakdal sa harapan ng mga liko, at hindi sa harapan ng mga banal? 2 O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga banal ay magsisihatol sa sanglibutan? at kung ang sanglibutan ay hahatulan ninyo, hindi kaya baga dapat magsihatol kayo sa mga bagay na pinakamaliit? 3 Hindi baga ninyo nalalaman na ating hahatulan ang mga anghel? gaano pa kaya ang mga bagay na nauukol sa buhay na ito? 4 Kung kayo nga'y mayroong usapin na mga bagay na nauukol sa buhay na ito, ilalagay baga ninyo upang magsihatol ang mga taong walang halaga sa iglesia? 5 Sinasabi ko ito upang mangahiya kayo. Ano, diyata't wala baga sa inyo na isa mang marunong na makapagpapayo sa kaniyang mga kapatid, 6 Kundi ang kapatid ay nakikipagusapin laban sa kapatid, at ito'y sa harapan ng mga hindi nagsisipanampalataya? 7 Ngayon nga, tunay na isang pagkukulang sa inyo ang kayo-kayo'y magkaroon ng mga usapin. Bakit hindi bagkus ninyong tiisin ang mga kalikuan? bakit hindi bagkus kayo'y padaya? 8 Nguni't kayo rin ang mga nagsisigawa ng kalikuan, at nangagdaraya, at ito'y sa mga kapatid ninyo. 9 O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga liko ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios? Huwag kayong padaya: kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diosdiosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga nangbababae, ni ang mga mapakiapid sa kapuwa lalake. 10 Ni ang mga magnanakaw, ni ang mga masasakim, ni ang mga manglalasing, ni ang mga mapagtungayaw, ni ang mga manglulupig, ay hindi mangagmamana ng kaharian ng Dios. 11 At ganyan ang mga ilan sa inyo: nguni't nangahugasan na kayo, nguni't binanal na kayo, nguni't inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, at sa Espiritu ng ating Dios. 12 Ang lahat ng mga bagay sa akin ay matuwid; nguni't hindi ang lahat ay nararapat. Ang lahat ng mga bagay sa akin ay matuwid; nguni't hindi ako pasasakop sa kapangyarihan ng anoman. 13 Ang mga pagkain ay sa tiyan, at ang tiyan ay sa mga pagkain: nguni't kapuwa iwawasak ng Dios yaon at ang mga ito. Datapuwa't ang katawan ay hindi sa pakikiapid, kundi sa Panginoon; at ang Panginoon ay sa katawan: 14 At muling binuhay ng Dios ang Panginoon, at muling bubuhayin naman tayo sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan. 15 Hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong mga katawan ay mga sangkap ni Cristo? kukunin ko nga baga ang mga sangkap ni Cristo, at gagawin kong mga sangkap ng isang patutot? Huwag nawang mangyari. 16 O hindi baga ninyo nalalaman na ang nakikisama sa patutot, ay kaisang katawan niya? sapagka't sinasabi niya, Ang dalawa ay magiging isang laman. 17 Nguni't ang nakikisama sa Panginoon, ay kaisang espiritu niya. 18 Magsitakas kayo sa pakikiapid. Lahat ng kasalanang gawin ng mga tao ay nangasa labas ng katawan; nguni't ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan. 19 O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios? at hindi kayo sa inyong sarili; 20 Sapagka't kayo'y binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan ang Dios.
1 At tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin: Mabuti sa lalake ay huwag humipo sa babae. 2 Datapuwa't, dahil sa mga pakikiapid, ang bawa't lalake ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa, at bawa't babae ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa. 3 Ibigay ng lalake sa asawa ang sa kaniya'y nararapat: at gayon din naman ang babae sa asawa. 4 Ang babae ay walang kapangyarihan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang asawa: at gayon din naman ang lalake ay walang kapangyarihan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang asawa. 5 Huwag magpigil ang isa't isa, maliban kung pagkasunduan sa ilang panahon, upang kayo'y mamalagi sa pananalangin, at muling kayo'y magsama, baka kayo'y tuksuhin ni Satanas dahil sa inyong kawalan ng pagpipigil. 6 Nguni't ito'y sinasabi ko na parang payo, hindi sa utos. 7 Kaya't ibig ko sana, na ang lahat ng tao ay maging gaya ko. Nguni't ang bawa't tao'y mayroong kanikaniyang kaloob na mula sa Dios, ang isa'y ayon sa paraang ito, at ang iba'y ayon sa paraan yaon. 8 Datapuwa't sinasabi ko sa mga walang asawa, at sa mga babaing bao, Mabuti sa kanila kung sila'y magsipanatiling gayon sa makatuwid baga'y gaya ko. 9 Nguni't kung sila'y hindi makapagpigil, ay magsipagasawa: sapagka't magaling ang magasawa kay sa mangagningas ang pita. 10 Datapuwa't sa mga may asawa ay aking ipinaguutos, Nguni't hindi ako, kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kaniyang asawa. 11 (Datapuwa't kung siya'y humiwalay, ay manatiling walang asawa, o kaya'y makipagkasundo sa kaniyang asawa); at huwag hiwalayan ng lalake ang kaniyang asawa. 12 Datapuwa't sa iba, ay ako ang nagsasabi, hindi ang Panginoon: Kung ang sinomang kapatid na lalake ay may asawang hindi sumasampalataya, at kung kalooban niyang makipamahay sa kaniya, ay huwag niyang hiwalayan. 13 At ang babaing may asawang hindi sumasampalataya, at kalooban niyang makipamahay sa kaniya, ay huwag niyang hiwalayan ang kaniyang asawa. 14 Sapagka't ang lalaking hindi sumasampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kaniyang asawa, at ang babaing hindi sumasampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kaniyang asawa: sa ibang paraa'y ang inyong mga anak ay nangagkaroon ng kapintasan; nguni't ngayo'y mga banal. 15 Gayon ma'y kung humiwalay ang hindi sumasampalataya, ay bayaan siyang humiwalay: ang kapatid na lalake o kapatid na babae ay hindi natatali sa mga ganitong bagay: kundi sa kapayapaan kayo tinawag ng Dios. 16 Sapagka't paanong malalaman mo, Oh babae, kung maililigtas mo ang iyong asawa? o paanong malalaman mo, Oh lalake, kung maililigtas mo ang iyong asawa? 17 Ayon nga lamang sa ipinamahagi ng Panginoon sa bawa't isa, at ayon sa pagkatawag ng Dios sa bawa't isa, ay gayon siya lumakad. At gayon ang iniuutos ko sa lahat ng mga iglesia. 18 Tinawag baga ang sinomang taong tuli na? huwag siyang maging di tuli. Tinawag baga ang sinomang di tuli? huwag siyang maging tuli. 19 Ang pagtutuli ay walang anoman, at ang di pagtutuli ay walang anoman; kundi ang pagtupad sa mga utos ng Dios. 20 Bayaang ang bawa't isa'y manatili doon sa pagkatawag na itinawag sa kaniya. 21 Ikaw baga'y alipin ng ikaw ay tinawag? huwag kang magalaala: kung maaaring ikaw ay maging malaya, ay pagsikapan mo ng maging laya. 22 Sapagka't ang tinawag sa Panginoon nang siya'y alipin, ay malaya sa Panginoon: gayon din naman ang tinawag nang siya'y malaya, ay alipin ni Cristo. 23 Sa halaga kayo'y binili; huwag kayong maging mga alipin ng mga tao. 24 Mga kapatid, bayaang ang bawa't isa'y manatili sa Dios sa kalagayang itinawag sa kaniya. 25 Ngayon, tungkol sa mga dalaga ay wala akong utos ng Panginoon: nguni't ibinibigay ko ang aking pasiya, na tulad sa nagkamit ng habag ng Panginoon upang mapagkatiwalaan. 26 Inaakala ko ngang mabuti ito dahil sa kasalukuyang kahapisan, sa makatuwid baga'y mabuti ngang ang tao'y manatili ng ayon sa kaniyang kalagayan. 27 Natatali ka ba sa asawa? huwag mong pagsikapang ikaw ay makakalag. Ikaw baga'y kalag sa asawa? huwag kang humanap ng asawa. 28 Nguni't kung ikaw ay magasawa, ay hindi ka nagkakasala; at kung ang isang dalaga ay magasawa, ay hindi siya nagkakasala. Datapuwa't ang mga gayon ay magkakaroon ng kahirapan sa laman: at ibig ko sanang kayo'y iligtas. 29 Nguni't sinasabi ko ito, mga kapatid, ang panahon ay pinaikli, upang mula ngayon ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa wala; 30 At ang mga nagsisiiyak, ay maging tulad sa mga hindi nagsisiiyak; at ang nangagagalak, ay maging tulad sa hindi nangagagalak; at ang mga nagsisibili, ay maging tulad sa mga walang inaari; 31 At ang mga nagsisigamit ng sanglibutan, ay maging tulad sa hindi nangagpapakalabis ng paggamit: sapagka't ang kaasalan ng sanglibutang ito ay lumilipas. 32 Datapuwa't ang ibig ko ay mawalan kayo ng kabalisahan. Ang walang asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, kung paanong makalulugod sa Panginoon: 33 Nguni't ang may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa, 34 At nagkakabahagi ang isipan. Gayon din naman ang babaing walang asawa at ang dalaga, ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, upang siya'y maging banal sa katawan at sa espiritu man; nguni't ang babaing may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa. 35 At ito'y sinasabi ko sa inyong sariling kapakinabangan; hindi upang alisin ko ang inyong kalayaan, kundi dahil sa bagay na nararapat, at upang kayo'y makapaglingkod sa Panginoon nang walang abala. 36 Nguni't kung iniisip ng sinomang lalake na hindi siya gumagawa ng marapat sa kaniyang anak na dalaga, kung ito'y sumapit na sa kaniyang katamtamang gulang, at kung kailangan ay sundin niya ang kaniyang maibigan, hindi siya nagkakasala; bayaang mangagasawa sila. 37 Subali't ang nananatiling matibay sa kaniyang puso, na walang kailangan, kundi may kapangyarihan tungkol sa kaniyang sariling kalooban, at pinasiyahan sa kaniyang sariling puso na ingatan ang kaniyang sariling anak na dalaga, ay mabuti ang gagawin. 38 Kaya nga ang nagpapahintulot sa kaniyang anak na dalaga na magasawa ay gumagawa ng mabuti; at ang hindi nagpapahintulot na siya'y magasawa ay gumagawa ng lalong mabuti. 39 Ang babaing may asawa ay natatalian samantalang nabubuhay ang kaniyang asawa; nguni't kung patay na ang kaniyang asawa, ay may kalayaan siyang makapagasawa sa kanino mang ibig niya; sa kalooban lamang ng Panginoon. 40 Nguni't lalong maligaya siya kung manatili ng ayon sa kaniyang kalagayan, ayon sa aking akala: at iniisip ko na ako'y may Espiritu rin naman ng Dios.
1 Ngayon tungkol sa mga bagay na inihain sa mga diosdiosan: Nalalaman natin na tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapalalo, nguni't ang pagibig ay nagpapatibay. 2 Kung ang sinoman ay nagaakala na siya'y may nalalamang anoman, ay wala pang nalalaman gaya ng nararapat niyang maalaman; 3 Datapuwa't kung ang sinoman ay umiibig sa Dios, ay kilala niya ang gayon. 4 Tungkol nga sa pagkain ng mga bagay na inihain sa mga diosdiosan, nalalaman natin na ang diosdiosan ay walang kabuluhan sa sanglibutan, at walang Dios liban sa iisa. 5 Sapagka't bagama't mayroong mga tinatawag na mga dios, maging sa langit o maging sa lupa; gaya nang may maraming mga dios at maraming mga panginoon; 6 Nguni't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya. 7 Gayon ma'y wala sa lahat ng mga tao ang kaalamang iyan: kundi ang ilan na hanggang ngayon ay nangamimihasa sa diosdiosan, ay kumakain na parang isang bagay na inihain sa diosdiosan; at ang kanilang budhi palibhasa'y mahina ay nangahahawa. 8 Datapuwa't ang pagkain ay hindi magtataguyod sa atin sa Dios: ni hindi tayo masama, kung tayo'y di magsikain; ni hindi tayo lalong mabuti, kung tayo'y magsikain. 9 Datapuwa't magsipagingat kayo baka sa anomang paraan ang inyong kalayaang ito ay maging katitisuran sa mahihina. 10 Sapagka't kung makita ng sinomang ikaw na may kaalaman na nakikisalo sa pagkain sa templo ng diosdiosan, hindi baga titibay ang kaniyang budhi, kung siya'y mahina, upang kumain ng mga bagay na inihain sa mga diosdiosan? 11 Sapagka't sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napapahamak ang mahina, ang kapatid na dahil sa kaniya'y namatay si Cristo. 12 At sa ganitong pagkakasala laban sa mga kapatid, at sa pagkakasugat ng kaniyang budhi kung ito'y mahina, ay nangagkakasala kayo laban kay Cristo. 13 Kaya, kung ang pagkain ay nakapagpapatisod sa aking kapatid, kailan man ay hindi ako kakain ng lamang-kati, upang ako'y huwag makapagpatisod sa aking kapatid.
1 Hindi baga ako'y malaya? hindi baga ako'y apostol? hindi ko baga nakita si Jesus na Panginoon natin? hindi baga kayo'y gawa ko sa Panginoon? 2 Kung sa iba'y hindi ako apostol, sa inyo man lamang ako'y gayon; sapagka't ang tatak ng aking pagkaapostol ay kayo sa Panginoon. 3 Ito ang aking pagsasanggalang sa mga nagsisiyasat sa akin. 4 Wala baga kaming matuwid na magsikain at magsiinom? 5 Wala baga kaming matuwid na magsipagsama ng isang asawa na sumasampalataya, gaya ng iba't ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Cefas? 6 O ako baga lamang at si Bernabe ang walang matuwid na magsitigil ng paggawa? 7 Sinong kawal ang magpakailan pa man ay naglilingkod sa kaniyang sariling gugol? sino ang nagtatanim ng isang ubasan, at hindi kumakain ng bunga niyaon? o sino ang nagpapakain sa kawan, at hindi kumakain ng gatas ng kawan? 8 Ang mga ito baga'y sinasalita ko ayon sa kaugalian lamang ng mga tao? o di baga sinasabi rin naman ang gayon ng kautusan? 9 Sapagka't nasusulat sa kautusan ni Moises, Huwag mong lalagyan ng busal ang baka pagka gumigiik. Ang mga baka baga ay iniingatan ng Dios, 10 O sinasabi kayang tunay ito dahil sa atin? Oo, dahil sa atin ito sinulat: sapagka't ang nagsasaka ay dapat magsaka sa pagasa, at ang gumigiik, ay sa pagasa na makakabahagi. 11 Kung ipinaghasik namin kayo ng mga bagay na ayon sa espiritu, malaking bagay baga na aming anihin ang inyong mga bagay na ayon sa laman? 12 Kung ang iba ay mayroon sa inyong matuwid, hindi baga lalo pa kami? Gayon ma'y hindi namin ginamit ang matuwid na ito; kundi aming tinitiis ang lahat ng mga bagay, upang huwag kaming makahadlang sa evangelio ni Cristo. 13 Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga nagsisipangasiwa sa mga bagay na banal, ay nagsisikain ng mga bagay na ukol sa templo, at ang mga nagsisipaglingkod sa dambana ay mga kabahagi ng dambana? 14 Gayon din naman ipinagutos ng Panginoon na ang mga nagsisipangaral ng evangelio ay dapat mangabuhay sa pamamagitan ng evangelio. 15 Nguni't ako'y hindi gumamit ng anoman sa mga bagay na ito: at hindi ko sinusulat ang mga bagay na ito upang gawin ang gayon sa akin; sapagka't mabuti pa sa akin ang mamatay, kay sa pawalang kabuluhan ninoman ang aking karangalan. 16 Sapagka't kung ipinangangaral ko ang evangelio, ay wala akong sukat ipagmapuri; sapagka't ang pangangailangan ay iniatang sa akin; sapagka't sa aba ko kung hindi ko ipangaral ang evangelio. 17 Sapagka't kung ito'y gawin ko sa aking sariling kalooban, ay may ganting-pala ako: nguni't kung hindi sa aking sariling kalooban, ay mayroon akong isang pamamahala na ipinagkatiwala sa akin. 18 Ano nga kaya ang aking ganting-pala? Na pagka ipinangangaral ko ang evangelio, ay ang evangelio ay maging walang bayad, upang huwag kong gamiting lubos ang aking karapatan sa evangelio. 19 Sapagka't bagaman ako ay malaya sa lahat ng mga tao, ay napaalipin ako sa lahat, upang ako'y makahikayat ng lalong marami. 20 At sa mga Judio, ako'y nagaring tulad sa Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio; sa mga nasa ilalim ng kautusan ay gaya ng nasa ilalim ng kautusan, bagaman wala ako sa ilalim ng kautusan upang mahikayat ang mga nasa ilalim ng kautusan; 21 Sa mga walang kautusan, ay tulad sa walang kautusan, bagama't hindi ako walang kautusan sa Dios, kundi nasa ilalim ng kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga walang kautusan. 22 Sa mga mahihina ako'y nagaring mahina, upang mahikayat ko ang mahihina: sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay mailigtas ko ang ilan. 23 At ginawa ko ang lahat ng mga bagay dahil sa evangelio, upang ako'y makasamang makabahagi nito. 24 Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, nguni't iisa lamang ang tumatanggap ng ganting-pala? Magsitakbo kayo ng gayon; upang magsipagtamo kayo. 25 At ang bawa't tao na nakikipaglaban sa mga palaruan ay mapagpigil sa lahat ng mga bagay. Ginagawa nga nila ito upang magsipagtamo ng isang putong na may pagkasira; nguni't tayo'y niyaong walang pagkasira. 26 Ako nga'y tumatakbo sa ganitong paraan, na hindi gaya ng nagsasapalaran; sa ganito rin ako'y sumusuntok, na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin: 27 Nguni't hinahampas ko ang aking katawan, at aking sinusupil: baka sakaling sa anomang paraan, pagkapangaral ko sa iba, ay ako rin ay itakuwil.
1 Sapagka't hindi ko ibig mga kapatid, na di ninyo maalaman, na ang ating mga magulang ay nangapasa ilalim ng alapaap, at ang lahat ay nagsitawid sa dagat; 2 At lahat ay nangabautismuhan kay Moises sa alapaap at sa dagat; 3 At lahat ay nagsikain ng isang pagkain ding ayon sa espiritu; 4 At lahat ay nagsiinom ng isang inumin ding ayon sa espiritu; sapagka't nagsiinom sa batong ayon sa espiritu na sumunod sa kanila: at ang batong yaon ay si Cristo. 5 Bagaman ang karamihan sa kanila ay hindi nakalugod sa Dios; sapagka't sila'y ibinuwal sa ilang. 6 Ang mga bagay na ito nga'y pawang naging mga halimbawa sa atin, upang huwag tayong magsipagnasa ng mga bagay na masama na gaya naman nila na nagsipagnasa. 7 Ni huwag din naman kayong mapagsamba sa mga diosdiosan, gaya niyaong ilan sa kanila; ayon sa nasusulat, Naupo ang bayan upang magsikain at magsiinom, at nagsitindig upang magsipagsayaw. 8 Ni huwag din naman tayong makiapid, na gaya ng ilan sa kanila na nangakiapid, at ang nangabuwal sa isang araw ay dalawangpu at tatlong libo. 9 Ni huwag din naman nating tuksuhin ang Panginoon, na gaya ng pagkatukso ng ilan sa kanila, at nangapahamak sa pamamagitan ng mga ahas. 10 Ni huwag din kayong mangagbulongbulungan, na gaya ng ilan sa kanila na nangagbulungan, at nangapahamak sa pamamagitan ng mga mangwawasak. 11 Ang mga bagay na ito nga'y nangyari sa kanila na pinakahalimbawa; at pawang nangasulat sa pagpapaalaala sa atin, na mga dinatnan ng katapusan ng mga panahon. 12 Kaya't ang may akalang siya'y nakatayo, magingat na baka mabuwal. 13 Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa't tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo'y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito'y inyong matiis. 14 Kaya, mga minamahal ko, magsitakas kayo sa pagsamba sa diosdiosan. 15 Ako'y nagsasalitang tulad sa marurunong; hatulan ninyo ang sinasabi ko. 16 Ang saro ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi baga siyang pakikipagkaisa ng dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputolputol, hindi baga siyang pakikipagkaisa ng katawan ni Cristo? 17 Bagaman tayo'y marami, ay iisa lamang tinapay, iisang katawan: sapagka't tayong lahat ay nakikibahagi sa isa lamang tinapay. 18 Tingnan ninyo ang Israel na ayon sa laman: ang mga nagsisikain baga ng mga hain ay wala kayang pakikipagkaisa sa dambana? 19 Ano ang aking sinasabi? na ang hain baga sa mga diosdiosan ay may kabuluhan? o ang diosdiosan ay may kabuluhan? 20 Subali't sinasabi ko, na ang mga bagay na inihahain ng mga Gentil, ay kanilang inihahain sa mga demonio, at hindi sa Dios: at di ko ibig na kayo'y mangagkaroon ng pakikipagkaisa sa mga demonio. 21 Hindi ninyo maiinuman ang saro ng Panginoon, at ang saro ng mga demonio: kayo'y hindi maaaring makisalo sa dulang ng Panginoon, at sa dulang ng mga demonio. 22 O minumungkahi baga natin sa paninibugho ang Panginoon? tayo baga'y lalong malakas kay sa kaniya? 23 Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni't hindi ang lahat ng mga bagay ay nararapat. Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni't hindi ang lahat ng mga bagay ay makapagpapatibay. 24 Huwag hanapin ninoman ang sa kaniyang sarili, kundi ang ikabubuti ng kapuwa. 25 Lahat ng ipinagbibili sa pamilihan ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng anoman dahilan sa budhi; 26 Sapagka't ang lupa ay sa Panginoon, at ang kabuuan ng naririto. 27 Kung kayo'y aanyayahan ng isang hindi sumasampalataya, at ibig ninyong pumaroon; ang anomang ihain sa inyo ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng anoman dahilan sa budhi. 28 Datapuwa't kung sa inyo'y may magsabi, Ito'y inihandog na hain, ay huwag ninyong kanin, dahilan doon sa nagpahayag at dahilan sa budhi; 29 Budhi, sinasabi ko, hindi ang inyong sarili, kundi ang sa iba; sapagka't bakit hahatulan ang kalayaan ng budhi ng iba? 30 Kung nakikisalo ako na may pagpapasalamat, bakit ako'y aalipustain ng dahil sa aking ipinagpapasalamat? 31 Kaya kung kayo'y nagsisikain man, o nagsisiinom man o anoman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Dios. 32 Huwag kayong magbigay ng dahilang ikatitisod, sa mga Judio man, sa mga Griego man, o sa iglesia man ng Dios: 33 Na gaya ko din naman, na sa lahat ng mga bagay ay nagbibigay lugod ako sa lahat ng mga tao, na hindi ko hinahanap ang aking sariling kapakinabangan, kundi ang sa marami, upang sila'y mangaligtas.
1 Maging taga tulad kayo sa akin, na gaya ko naman kay Cristo. 2 Kayo'y aking pinupuri nga, na sa lahat ng mga bagay ay naaalaala ninyo ako, at iniingatan ninyong matibay ang mga turo, na gaya ng ibinigay ko sa inyo. 3 Datapuwa't ibig ko na inyong maalaman, na ang pangulo ng bawa't lalake ay si Cristo, at ang pangulo ng babae ay ang lalake, at ang pangulo ni Cristo ay ang Dios. 4 Ang bawa't lalaking nanalangin, o nanghuhula na may takip ang ulo, ay niwawalan ng puri ang kaniyang ulo. 5 Datapuwa't ang bawa't babaing nananalangin o nanghuhula na walang lambong ang kaniyang ulo, niwawalan ng puri ang kaniyang ulo; sapagka't gaya rin ng kung kaniyang inahitan. 6 Sapagka't kung ang babae ay walang lambong, ay pagupit naman; nguni't kung kahiyahiya sa babae ang pagupit o paahit, ay maglambong siya. 7 Sapagka't katotohanang ang lalake ay hindi dapat maglambong sa kaniyang ulo, palibhasa'y larawan siya at kaluwalhatian ng Dios: nguni't ang babae ay siyang kaluwalhatian ng lalake. 8 Sapagka't ang lalake ay hindi sa babae; kundi ang babae ay sa lalake: 9 Sapagka't hindi nilalang ang lalake dahil sa babae; kundi ang babae dahil sa lalake; 10 Dahil dito'y nararapat na ang babae ay magkaroon sa kaniyang ulo ng tanda ng kapamahalaan, dahil sa mga anghel. 11 Gayon man, ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon. 12 Sapagka't kung paanong ang babae ay sa lalake, gayon din naman ang lalake ay sa pamamagitan ng babae; datapuwa't ang lahat ng mga bagay ay sa Dios. 13 Hatulan ninyo sa inyo-inyong sarili: nararapat baga na manalangin ang babae sa Dios nang walang lambong? 14 Hindi baga ang katalagahan din ang nagtuturo sa inyo, na kung may mahabang buhok ang lalake, ay mahalay sa kaniya? 15 Datapuwa't kung ang babae ang may mahabang buhok, ay isang kapurihan niya; sapagka't ang buhok sa kaniya'y ibinigay na pangtakip. 16 Datapuwa't kung tila mapagtunggali ang sinoman, walang gayong ugali kami, ni ang iglesia man ng Dios. 17 Datapuwa't sa pagtatagubilin sa inyo nito, ay hindi ko kayo pinupuri, sapagka't kayo'y nangagkakatipon hindi sa lalong mabuti kundi sa lalong masama. 18 Sapagka't unauna'y nababalitaan ko na kung nangagkakatipon kayo sa iglesia, ay mayroon sa inyong mga pagkakabahabahagi; at may kaunting paniniwala ako. 19 Sapagka't tunay na sa inyo'y mayroong mga hidwang pananampalataya, upang yaong mga napatunayan na ay mangahayag sa inyo. 20 Kung kayo nga ay nangagkakatipon, ay hindi kayo maaaring magsikain ng hapunan ng Panginoon; 21 Sapagka't sa inyong pagkain, ang bawa't isa'y kumukuha ng kanikaniyang sariling hapunan na nagpapauna sa iba; at ang isa ay gutom, at ang iba'y lasing. 22 Ano, wala baga kayong mga bahay na inyong makakanan at maiinuman? o niwawalang halaga ninyo ang iglesia ng Dios, at hinihiya ninyo ang mga wala ng anoman? Ano ang aking sasabihin sa inyo? Kayo baga'y aking pupurihin? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo pinupuri. 23 Sapagka't tinanggap ko sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo; na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay; 24 At nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, Ito'y aking katawan na pinagputolputol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin. 25 At gayon din naman hinawakan ang saro pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito'y siyang bagong tipan sa aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo'y magsisiinom, sa pagaalaala sa akin. 26 Sapagka't sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya. 27 Kaya't ang sinomang kumain ng tinapay, o uminom sa saro ng Panginoon, na di nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Datapuwa't siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro. 29 Sapagka't ang kumakain at umiinom, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili, kung hindi niya kinikilala ang katawan ng Panginoon. 30 Dahil dito'y marami sa inyo ang mahihina at mga masasaktin, at hindi kakaunti ang nangatutulog. 31 Datapuwa't kung ating kilalanin ang ating sarili, ay hindi tayo hahatulan. 32 Datapuwa't kung tayo'y hinahatulan, ay pinarurusahan tayo ng Panginoon, upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanglibutan. 33 Dahil dito, mga kapatid ko, kung kayo'y mangagsasalosalo sa pagkain, ay mangaghintayan kayo. 34 Kung ang sinoman ay magutom, kumain siya sa bahay; upang ang inyong pagsasalosalo ay huwag maging sa paghatol. At ang iba ay aking aayusin pagpariyan ko.
1 Ngayong tungkol sa mga kaloob na ayon sa espiritu, mga kapatid, ay hindi ko ibig na hindi kayo makaalam. 2 Nalalaman ninyo na nang kayo'y mga Gentil pa, ay iniligaw kayo sa mga piping diosdiosan, sa alin mang paraang pagkahatid sa inyo. 3 Kaya't ipinatatalastas ko sa inyo, na wala sinomang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios ay nagsasabi, Si Jesus ay itinakwil; at wala sinoman ay makapagsasabi, Si Jesus ay Panginoon kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. 4 Ngayo'y may iba't ibang mga kaloob, datapuwa't iisang Espiritu. 5 At may iba't ibang mga pangangasiwa, datapuwa't iisang Panginoon. 6 At may iba't ibang paggawa, datapuwa't iisang Dios na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat. 7 Datapuwa't sa bawa't isa ay ibinibigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan naman. 8 Sapagka't sa isa, sa pamamagitan ng Espiritu ay ibinibigay ang salita ng karunungan; at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon din sa Espiritu: 9 Sa iba'y ang pananampalataya, sa gayon ding Espiritu; at sa iba'y ang mga kaloob na pagpapagaling, sa iisang Espiritu. 10 At sa iba'y ang mga paggawa ng mga himala; at sa iba'y hula; at sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu; at sa iba'y ang iba't ibang wika; at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika. 11 Datapuwa't ang lahat ng ito ay ginagawa ng isa at ng gayon ding Espiritu, na binabahagi sa bawa't isa ayon sa kaniyang ibig. 12 Sapagka't kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan, bagama't marami, ay iisang katawan; gayon din naman si Cristo. 13 Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo'y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu. 14 Sapagka't ang katawan ay hindi iisang sangkap, kundi marami. 15 Kung sasabihin ng paa, Sapagka't hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan. 16 At kung sasabihin ng tainga, Sapagka't hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan. 17 Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan naroroon ang pakinig? Kung ang lahat ay pawang pakinig, saan naroroon ang pangamoy. 18 Datapuwa't ngayo'y inilagay ng Dios ang bawa't isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling. 19 At kung ang lahat nga'y pawang isang sangkap, saan naroroon ang katawan? 20 Datapuwa't maraming mga sangkap nga, nguni't iisa ang katawan. 21 At hindi makapagsasabi ang mata sa kamay, Hindi kita kinakailangan: at hindi rin ang ulo sa mga paa, Hindi ko kayo kailangan. 22 Hindi, kundi lalo pang kailangan yaong mga sangkap ng katawan na wari'y lalong mahihina: 23 At yaong mga sangkap ng katawan, na inaakala nating kakaunti ang kapurihan, sa mga ito ipinagkakaloob natin ang lalong saganang papuri; at ang mga sangkap nating mga pangit ay siyang may lalong saganang kagandahan; 24 Yamang ang mga sangkap nating magaganda ay walang kailangan: datapuwa't hinusay ng Dios ang katawan na binigyan ng lalong saganang puri yaong sangkap na may kakulangan; 25 Upang huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa't isa. 26 At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya. 27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga sangkap niya. 28 At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang mga wika. 29 Lahat baga'y mga apostol? lahat baga'y mga propeta? lahat baga'y mga guro? lahat baga'y mga manggagawa ng mga himala? 30 May mga kaloob na pagpapagaling baga ang lahat? nangagsasalita baga ang lahat ng mga wika? lahat baga ay nangagpapaliwanag? 31 Datapuwa't maningas ninyong nasain, ang lalong dakilang mga kaloob. At itinuturo ko sa inyo ang isang daang kagalinggalingan.
1 Kung ako'y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, datapuwa't wala akong pagibig, ay ako'y naging tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw. 2 At kung magkaroon ako ng kaloob na panghuhula, at maalaman ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman; at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya, na ano pa't mapalipat ko ang mga bundok, datapuwa't wala akong pagibig, ay wala akong kabuluhan. 3 At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking mga tinatangkilik upang ipakain sa mga dukha, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, datapuwa't wala akong pagibig, ay walang pakikinabangin sa akin. 4 Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo. 5 Hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama; 6 Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan; 7 Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis. 8 Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man: kahit maging mga hula, ay mangatatapos; maging mga wika, ay titigil: maging kaalaman, ay mawawala. 9 Sapagka't nangakakakilala tayo ng bahagya, at nanganghuhula tayo ng bahagya; 10 Datapuwa't kung dumating ang sakdal, ang bahagya ay matatapos. 11 Nang ako'y bata pa, ay nagsasalita akong gaya ng bata, nagdaramdam akong gaya ng bata, nagiisip akong gaya ng bata: ngayong maganap ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata. 12 Sapagka't ngayo'y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; nguni't pagkatapos ay makikita natin sa mukhaan: ngayo'y nakikilala ko ng bahagya, nguni't pagkatapos ay makikilala ko ng gaya naman ng pagkakilala sa akin. 13 Datapuwa't ngayo'y nanatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang pagasa, at ang pagibig; nguni't ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig.
1 Sundin ninyo ang pagibig; gayon ma'y maningas ninyong pakanasain ang mga kaloob na ayon sa espiritu, nguni't lalo na ang kayo'y mangakapanghula. 2 Sapagka't ang nagsasalita ng wika ay hindi sa mga tao nagsasalita, kundi sa Dios; sapagka't walang nakauunawa sa kaniya; kundi sa espiritu ay nagsasalita ng mga hiwaga. 3 Datapuwa't ang nanghuhula ay nagsasalita sa mga tao sa ikatitibay, at sa ikapangangaral, at sa ikaaaliw. 4 Ang nagsasalita ng wika, ay nagpapatibay sa sarili; nguni't ang nanghuhula ay nagpapatibay sa iglesia. 5 Ibig ko sanang kayong lahat ay mangagsalita ng mga wika, datapuwa't lalo na ang kayo'y magsipanghula: at lalong dakila ang nanghuhula kay sa nagsasalita ng mga wika, maliban na kung siya'y magpapaliwanag upang ang iglesia ay mapagtibay. 6 Ngayon nga, mga kapatid, kung ako'y pumariyan sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong pakikinabangin sa akin, maliban na kung kayo'y pagsalitaan ko sa pamamagitan ng pahayag, o ng kaalaman, o ng panghuhula, o ng aral? 7 Kahit ang mga bagay na walang buhay, na nagsisitunog, maging plauta, o alpa, kundi bigyan ng pagkakaiba ang mga tunog, paanong malalaman kung ano ang tinutugtog sa plauta o sa alpa? 8 Sapagka't kung ang pakakak ay tumunog na walang katiyakan, sino ang hahanda sa pakikibaka? 9 Gayon din naman kayo, kung hindi ipinangungusap ninyo ng dila ang mga salitang madaling maunawaan, paanong matatalos ang inyong sinasalita? sapagka't sa hangin kayo magsisipagsalita. 10 Halimbawa, mayroon ngang iba't ibang mga tinig sa sanglibutan, at walang di may kahulugan. 11 Kung hindi ko nga nalalaman ang kahulugan ng tinig, magiging barbaro ako sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging barbaro sa akin. 12 Gayon din naman kayo, na yamang kayo'y mapagsikap sa mga kaloob na ayon sa espiritu ay pagsikapan ninyong kayo'y magsisagana sa ikatitibay ng iglesia. 13 Kaya't ang nagsasalita ng wika ay manalangin na siya'y makapagpaliwanag. 14 Sapagka't kung ako'y nananalangin sa wika, ay nananalangin ang aking espiritu, datapuwa't ang aking pagiisip ay hindi namumunga. 15 Ano nga ito? Mananalangin ako sa espiritu, at mananalangin din naman ako sa pagiisip: aawit ako sa espiritu, at aawit din naman ako sa pagiisip. 16 Sa ibang paraan, kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, ang nasa kalagayan ng di marunong, paanong siya'y makapagsasabi ng Siya nawa, sa iyong pagpapasalamat, palibhasa'y hindi nalalaman ang inyong sinasabi? 17 Sapagka't ikaw sa katotohanan ay nagpapasalamat kang mabuti, datapuwa't ang iba'y hindi napapagtibay. 18 Nagpapasalamat ako sa Dios, na ako'y nagsasalita ng mga wika na higit kay sa inyong lahat: 19 Nguni't sa iglesia ibig ko pang magsalita ng limang salita ng aking pagiisip, upang makapagturo ako naman sa iba, kay sa magsalita ng sangpung libong salita sa wika. 20 Mga kapatid, huwag kayong mangagpakabata sa pagiisip; gayon ma'y sa kahalayan ay mangagpakasanggol kayo, datapuwa't sa pagiisip kayo'y mangagpakatao. 21 Sa kautusan ay nasusulat, sa pamamagitan ng mga taong may iba't ibang wika, at sa pamamagitan ng mga labi ng mga taga ibang lupa ay magsasalita ako, sa bayang ito: at gayon ma'y hindi ako pakikinggan nila, ang sabi ng Panginoon. 22 Kaya nga ang mga wika ay pinaka tanda, hindi sa mga nagsisisampalataya; kundi sa mga hindi nagsisisampalataya; nguni't ang panghuhula ay hindi sa mga hindi nagsisisampalataya, kundi sa mga nagsisisampalataya. 23 Kung ang buong iglesia nga'y magkatipon sa isang dako at lahat ay mangagsalita ng mga wika, at mangagsipasok ang mga hindi marurunong o hindi mga nagsisisampalataya, hindi baga nila sasabihing kayo'y mga ulol? 24 Datapuwa't kung ang lahat ay nagsisipanghula, at may pumasok na isang hindi sumasampalataya, o hindi marunong, mahihikayat siya ng lahat, masisiyasat siya ng lahat; 25 Ang mga lihim ng kaniyang puso ay nahahayag; at sa gayo'y magpapatirapa siya at sasamba sa Dios, na sasabihing tunay ngang ang Dios ay nasa gitna ninyo. 26 Ano nga ito, mga kapatid? Pagka kayo'y nangagkakatipon ang bawa't isa sa inyo'y may isang awit, may isang aral, may isang pahayag, may wika, may isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay sa ikatitibay. 27 Kung nagsasalita ang sinoman ng wika, maging dalawa, o huwag higit sa tatlo, at sunodsunod; at ang isa'y magpaliwanag: 28 Datapuwa't kung walang tagapagpaliwanag ay tumahimik siya sa iglesia; at siya'y magsalita sa kaniyang sarili, at sa Dios. 29 At ang dalawa o tatlo sa mga propeta ay magsipagsalita, at ang mga iba'y mangagsiyasat. 30 Datapuwa't kung may ipinahayag na anoman sa isang nauupo, ay tumahimik ang nauuna. 31 Sapagka't kayong lahat ay makapanghuhulang isa-isa, upang ang lahat ay mangatuto, at ang lahat ay maaralan; 32 At ang mga espiritu ng mga propeta ay nasasakupan ng mga propeta; 33 Sapagka't ang Dios ay hindi Dios ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesia ng mga banal, 34 Ang mga babae ay magsitahimik sa mga iglesia: sapagka't sila'y walang kapahintulutang mangagsalita; kundi sila'y pasakop, gaya naman ng sinasabi ng kautusan. 35 At kung ibig nilang maalaman ang anomang bagay, magtanong sila sa kanilang asawa sa bahay; sapagka't mahalay na ang isang babae ay magsalita sa iglesia. 36 Ano? lumabas baga mula sa inyo ang salita ng Dios? o sa inyo lamang dumating? 37 Kung iniisip ninoman na siya'y propeta, o ayon sa espiritu, ay kilalanin niya ang mga bagay na sa inyo'y isinusulat ko, na pawang utos ng Panginoon. 38 Datapuwa't kung ang sinoman ay mangmang, ay manatili siyang mangmang. 39 Kaya nga, mga kapatid ko, maningas na pakanasain ninyong makapanghula, at huwag ninyong ipagbawal ang magsalita ng mga wika. 40 Datapuwa't gawin ninyong may karapatan at may kaayusan ang lahat ng mga bagay.
1 Ngayo'y ipinatatalastas ko sa inyo, mga kapatid, ang evangelio na sa inyo'y aking ipinangaral, na inyo namang tinanggap, na siya naman ninyong pinananatilihan, 2 Sa pamamagitan naman nito'y ligtas kayo kung matiyaga ninyong iingatan ang salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na kung kayo'y nagsipanampalataya nang walang kabuluhan. 3 Sapagka't ibinigay ko sa inyo una sa lahat, ang akin namang tinanggap: na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan, 4 At siya'y inilibing; at siya'y muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan; 5 At siya'y napakita kay Cefas, at saka sa labingdalawa; 6 Pagkatapos ay napakita sa mahigit na limang daang kapatid na paminsan, na ang karamihan sa mga ito'y nangabubuhay hanggang ngayon, datapuwa't ang mga iba'y nangatulog na; 7 Saka napakita kay Santiago; at saka sa lahat ng mga apostol; 8 At sa kahulihulihan, tulad sa isang ipinanganak sa di kapanahunan, ay napakita naman siya sa akin. 9 Ako nga ang pinakamaliit sa mga apostol, at hindi ako karapatdapat na tawaging apostol, sapagka't pinagusig ko ang iglesia ng Dios. 10 Datapuwa't sa pamamagitan ng biyaya ng Dios, ako nga'y ako; at ang kaniyang biyaya na ibinigay sa akin ay hindi nawawalan ng kabuluhan; bagkus ako'y malabis na nagpagal kay sa kanilang lahat: bagaman hindi ako, kundi ang biyaya ng Dios na sumasa akin. 11 Maging ako nga o sila, ay gayon ang aming ipinangangaral, at gayon ang inyong sinampalatayanan. 12 Kung si Cristo nga'y ipinangangaral na siya'y muling binuhay sa mga patay, bakit ang ilan sa inyo ay nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli ng mga patay? 13 Datapuwa't kung walang pagkabuhay na maguli ng mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo: 14 At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, ay walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, wala rin namang kabuluhan ang inyong pananampalataya. 15 Oo, at kami ay nasusumpungang mga saksing bulaan tungkol sa Dios; sapagka't aming sinasaksihan tungkol sa Dios, na kaniyang muling binuhay si Cristo; na hindi siyang muling nabuhay, kung tunay nga ang mga patay ay hindi muling binubuhay. 16 Sapagka't kung hindi muling binubuhay ang mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo: 17 At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan kayo'y nasa inyong mga kasalanan pa. 18 Kung gayon nga, ang mga nangatutulog din naman kay Cristo ay pawang nangapahamak. 19 Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag. 20 Datapuwa't si Cristo nga'y muling binuhay sa mga patay na siya ay naging pangunahing bunga ng nangatutulog. 21 Sapagka't yamang sa pamamagitan ng tao'y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din naman ng tao'y dumating ang pagkabuhay na maguli sa mga patay. 22 Sapagka't kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. 23 Datapuwa't ang bawa't isa'y sa kaniyang sariling katayuan; si Cristo ang pangunahing bunga; pagkatapos ay ang mga kay Cristo, sa kaniyang pagparito. 24 Kung magkagayo'y darating ang wakas, pagka ibibigay na niya ang kaharian sa Dios, sa makatuwid baga'y sa Ama; pagka lilipulin na niya ang lahat ng paghahari, at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan. 25 Sapagka't kinakailangang siya'y maghari hanggang mailagay niya sa ilalim ng kaniyang mga talampakan ang lahat niyang mga kaaway. 26 Ang kahulihulihang kaaway na lilipulin ay ang kamatayan. 27 Sapagka't kaniyang pinasuko ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang paa. Datapuwa't kung sinasabi, ang lahat ng mga bagay ay pinasuko, ay maliwanag na itinangi yaong nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya. 28 At kung ang lahat ng mga bagay ay mapasuko na sa kaniya, kung magkagayo'y ang Anak rin ay pasusukuin naman sa nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya, upang ang Dios ay maging lahat sa lahat. 29 Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, bakit nga sila'y binabautismuhan dahil sa kanila? 30 Bakit baga naman tayo'y nanganganib bawa't oras? 31 Ipinahahayag ko alangalang sa ikaluluwalhati ninyo, mga kapatid, na taglay ko kay Cristo Jesus na Panginoon natin na araw-araw ay nasa panganib ng kamatayan ako. 32 Kung ako'y nakipagbaka sa Efeso laban sa mga ganid, ayon sa kaugalian ng tao, ano ang pakikinabangin ko? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, magsikain at magsiinom tayo yamang bukas tayo'y mangamamatay. 33 Huwag kayong padaya: Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali. 34 Gumising kayo ng ayon sa katuwiran, at huwag mangagkasala; sapagka't may mga ibang walang pagkakilala sa Dios: sinasabi ko ito upang kayo'y kilusin sa kahihiyan. 35 Datapuwa't sasabihin ng iba, Paanong muling bubuhayin ang mga patay? at anong anyo ng katawan ang iparirito nila? 36 Ikaw na mangmang, ang inyong inihahasik ay hindi binubuhay maliban na kung mamatay: 37 At ang iyong inihahasik ay hindi mo inihahasik ang katawang lilitaw, kundi ang butil lamang, na marahil ay trigo, o ibang bagay; 38 Datapuwa't ang Dios ay nagbibigay ng katawan dito ayon sa kaniyang minagaling, at sa bawa't binhi ay ang sariling katawan. 39 Hindi ang lahat ng laman ay magkasing-isang laman: kundi may laman sa mga tao, at ibang laman sa mga hayop, at ibang laman sa mga ibon, at ibang laman sa mga isda. 40 Mayroon namang mga katawang ukol sa langit, at mga katawang ukol sa lupa: datapuwa't iba ang kaluwalhatian ng ukol sa langit, at iba ang ukol sa lupa. 41 Iba ang kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin; sapagka't ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian. 42 Gayon din naman ang pagkabuhay na maguli ng mga patay. Itinatanim na may kasiraan; binubuhay na maguli na walang kasiraan; 43 Itinatanim na may pagkasiphayo; binubuhay na maguli na may kaluwalhatian: itinatanim na may kahinaan; binubuhay na maguli na may kapangyarihan: 44 Itinatanim na may katawang ukol sa lupa; binubuhay na maguli na katawang ukol sa espiritu. Kung may katawang ukol sa lupa ay may katawang ukol sa espiritu naman. 45 Gayon din naman nasusulat, Ang unang taong si Adam ay naging kaluluwang buhay. Ang huling Adam ay naging espiritung nagbibigay buhay. 46 Bagaman ang ukol sa espiritu ay hindi siyang una, kundi ang ukol sa lupa: pagkatapos ang ukol sa espiritu. 47 Ang unang tao ay taga lupa na ukol sa lupa: ang ikalawang tao ay taga langit. 48 Kung ano ang ukol sa lupa, ay gayon din naman silang mga taga lupa: at kung ano ang ukol sa langit ay gayon din naman silang taga langit. 49 At kung paanong tinaglay natin ang larawang ukol sa lupa, ay tataglayin din naman natin ang larawang ukol sa langit. 50 Sinasabi ko nga ito, mga kapatid, na ang laman at ang dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Dios; ni ang kasiraan ay magmamana ng walang kasiraan. 51 Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: hindi tayong lahat ay mangatutulog, nguni't tayong lahat ay babaguhin, 52 Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka't tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo'y babaguhin. 53 Sapagka't kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan. 54 Datapuwa't pagka itong may kasiraan ay mabihisan ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkakagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan. 55 Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong pagtatagumpay? Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong tibo? 56 Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan; at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan: 57 Datapuwa't salamat sa Dios, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo. 58 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal, kayo'y magsitatag, huwag makilos, na laging sumasagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.
1 Ngayon tungkol sa ambagan sa mga banal, ay gawin din naman ninyong gaya ng iniutos ko sa mga iglesia ng Galacia. 2 Tuwing unang araw ng sanglinggo ang bawa't isa sa inyo ay magbukod na magsimpan, ayon sa kaniyang iginiginhawa, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan sa pagpariyan ko. 3 At pagdating ko, ang sinomang inyong mamagalingin, ay sila ang aking susuguin na may mga sulat upang makapagdala ng inyong abuloy sa Jerusalem: 4 At kung nararapat na ako naman ay pumaroon, sila'y isasama ko. 5 Nguni't ako'y paririyan sa inyo, pagkaraan ko sa Macedonia; sapagka't magdaraan ako sa Macedonia; 6 Datapuwa't marahil ako'y matitira sa inyo o makikisama sa inyo sa taginaw, upang ako'y tulungan ninyo sa aking paglalakbay saan man ako pumaroon. 7 Sapagka't hindi ko ibig na kayo'y makita ngayon sa paglalakbay; sapagka't inaasahan kong ako'y makikisama sa inyong kaunting panahon, kung itutulot ng Panginoon. 8 Datapuwa't ako'y titigil sa Efeso hanggang sa Pentecostes; 9 Sapagka't sa akin ay nabuksan ang isang pintuang malaki at mapapakinabangan, at marami ang mga kaaway. 10 Ngayon kung dumating si Timoteo, ingatan ninyo na siya'y mapasainyo na walang pangamba; sapagka't ginagawa niya ang gawain ng Panginoon, na gaya ko rin naman: 11 Sinoman nga ay huwag humamak sa kaniya. Kundi tulungan ninyo siyang payapa sa kaniyang paglalakbay, upang siya'y makaparito sa akin: sapagka't inaasahan ko siya'y kasama ng mga kapatid. 12 Nguni't tungkol sa kapatid na si Apolos, ay ipinamanhik ko sa kaniyang malabis na siya'y pumariyan sa inyong kasama ng mga kapatid: at sa anomang paraan ay hindi niya kalooban na pumariyan ngayon; nguni't paririyan pagkakaroon niya ng panahon. 13 Magsipagingat kayo, mangagpakatibay kayo sa pananampalataya, kayo'y mangagpakalalake, kayo'y mangagpakalakas. 14 Gawin ninyo sa pagibig ang lahat ninyong ginagawa. 15 Ipinamamanhik ko nga sa inyo, mga kapatid (nalalaman ninyo na ang sangbahayan ni Estefanas ay siyang pangunahing bunga ng Acaya, at nangagsitalaga sa paglilingkod sa mga banal), 16 Na kayo'y pasakop naman sa mga gayon, at sa bawa't tumutulong sa gawa at nagpapagal. 17 At ikinagagalak ko ang pagdating ni Estefanas at ni Fortunato at ni Acaico: sapagka't ang kakulangan ninyo ay pinunan nila. 18 Sapagka't inaliw nila ang aking espiritu at ang inyo: magsikilala nga kayo sa mga gayon. 19 Binabati kayo ng mga iglesia sa Asia. Kayo'y binabating malabis sa Panginoon ni Aquila at ni Prisca pati ng iglesiang nasa kanilang bahay. 20 Binabati kayo ng lahat ng mga kapatid. Kayo'y mangagbatian ng halik na banal. 21 Ang bati ko, ni Pablo na sinulat ng aking sariling kamay. 22 Kung ang sinoman ay hindi umiibig sa Panginoon, ay maging takuwil siya. Maranatha. 23 Ang biyaya ng Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawa. 24 Ang aking pagibig kay Cristo Jesus ay sumainyo nawang lahat. Siya nawa.
1 Si Pablo, na Apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Timoteo, na ating kapatid sa Iglesia ng Dios na nasa Corinto, kalakip ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaya. 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo. 3 Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, ang Ama ng mga kaawaan at Dios ng buong kaaliwan; 4 Na siyang umaaliw sa atin sa lahat ng kapighatian, upang ating maaliw ang nangasa anomang kapighatian, sa pamamagitan ng pagaliw na inialiw din sa atin ng Dios. 5 Sapagka't kung paanong sumasagana sa atin ang mga sakit ni Cristo, ay gayon din naman ang aming kaaliwan ay sumasagana sa pamamagitan ni Cristo. 6 Datapuwa't maging kami man ay mapighati, ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan; o maging kami man ay maaliw ay para sa inyong kaaliwan, na siyang gumagawa sa pagdadalitang may pagtitiis ng mga gayon ding pagbabata na amin namang binabata: 7 At ang aming pagasa tungkol sa inyo ay matibay; yamang nalalaman na kung paanong kayo'y mga karamay sa mga sakit, ay gayon din naman kayo sa kaaliwan. 8 Hindi namin ibig na kayo'y di makaalam, mga kapatid, ng tungkol sa mga kapighatian namin na nangyari sa Asia, na kami ay totoong nabigatan, ng higit sa aming kaya, ano pa't kami ay nawalan na ng pagasa sa buhay: 9 Oo, kami'y nagkaroon sa aming sarili ng hatol sa kamatayan, upang huwag kaming magkatiwala sa amin ding sarili, kundi sa Dios na bumubuhay na maguli ng mga patay: 10 Na siyang sa amin ay nagligtas sa gayong lubhang malaking kamatayan, at nagliligtas: na siya naming inaasahan na siya namang magliligtas pa sa amin; 11 Kayo naman na nagsisitulong ng inyong panalangin na patungkol sa amin; upang dahil sa kaloob na ipinagkaloob sa amin sa pamamagitan ng marami, ay makapagpasalamat ang maraming tao dahil sa amin. 12 Sapagka't ang aming pagmamapuri ay ito, ang pagpapatotoo ng aming budhi, ayon sa kabanalan at pagtatapat sa Dios, hindi ayon sa karunungan ng laman, kundi sa biyaya ng Dios, na kami'y nagugali ng gayon sa sanglibutan at lalong sagana pa nga sa inyo. 13 Sapagka't hindi namin kayo sinusulatan ng ibang mga bagay, maliban na sa inyong binabasa, o kinikilala, at umaasa ako na inyong kikilalanin hanggang sa katapusan: 14 Gaya naman ng inyong bahagyang pagkilala sa amin, na kami'y inyong kapurihan, gayon din naman kayo'y sa amin, sa araw ng Panginoong si Jesus. 15 At sa pagkakatiwalang ito ay ninasa kong pumariyan muna sa inyo, upang kayo'y mangagkaroon ng pangalawang pakinabang; 16 At magdaan sa inyo na patungo sa Macedonia, at muling buhat sa Macedonia ay magbalik sa inyo, at nang tulungan ninyo ako sa paglalakbay ko sa Judea. 17 Nang nasain ko nga ang ganito, ako baga kaya ay nagatubili? o ang mga bagay na ninasa ko, ay mga ninasa ko baga ayon sa laman, upang magkaroon sa akin ng oo, oo, at ng hindi, hindi? 18 Nguni't palibhasa'y ang Dios ay tapat, ang aming salita sa inyo ay di oo at hindi. 19 Sapagka't ang Anak ng Dios, si Jesucristo, na ipinangaral namin sa inyo, ako at si Silvano at si Timoteo, hindi naging oo at hindi, kundi sa kaniya ay naging oo. 20 Sapagka't maging gaano man ang mga pangako ng Dios, ay nasa kaniya ang oo: kaya nga naman na sa kaniya ang Siya Nawa sa ikaluluwalhati ng Dios sa pamamagitan namin. 21 Ngayon, siya na ang nagpapatibay sa amin na kasama ninyo kay Cristo, at nagpahid sa atin, ay ang Dios, 22 Na siyang nagtatak naman sa atin, at nagbigay ng patotoo ng Espiritu sa ating mga puso. 23 Datapuwa't ang Dios ang tinatawag kong maging saksi sa aking kaluluwa, na upang huwag kayong papagdamdamin ay hindi muna ako napariyan sa Corinto. 24 Hindi sa kami ay may pagkapanginoon sa inyong pananampalataya, kundi kami ay mga tagatulong sa inyong katuwaan: sapagka't sa pananampalataya kayo'y nangagsisitatag.
1 Datapuwa't ito'y ipinasiya ko sa aking sarili, na hindi na ako muling paririyan sa inyo na may kalumbayan. 2 Sapagka't kung kayo'y palulumbayin ko, sino nga ang sa akin ay magpapagalak, kundi yaong pinalulumbay ko? 3 At aking isinulat ang bagay ring ito, upang pagdating ko ay huwag akong magkaroon ng kalumbayan doon sa mga nararapat kong ikagalak; sa pagkakatiwala sa inyong lahat, na ang aking kagalakan ay kagalakan ninyong lahat. 4 Sapagka't sa malaking kapighatian at hapis ng puso ay sinulatan ko kayo na may maraming luha; hindi upang kayo'y palumbayin, kundi upang inyong makilala ang pagibig kong napakasagana sa inyo. 5 Datapuwa't kung ang sinoman ay nakapagpalumbay, hindi ako ang pinalumbay niya, kundi sa isang paraan ay kayong lahat (upang huwag kong higpitang totoo). 6 Sukat na sa gayon ang kaparusahang ito na ipinarusa ng marami; 7 Upang bagkus ninyong patawarin siya at aliwin siya, baka sa anomang paraan ay madaig ang gayon ng kaniyang malabis na kalumbayan. 8 Dahil dito'y ipinamamanhik ko sa inyo na papagtibayin ninyo ang pagibig sa kaniya. 9 Sapagka't dahil din sa bagay na ito ay sumulat ako, upang aking makilala ang katunayan tungkol sa inyo, kung kayo'y mga matalimahin sa lahat ng mga bagay. 10 Datapuwa't ang inyong pinatatawad ng anoman ay pinatatawad ko rin naman: sapagka't ang aking ipinatawad naman, kung ako'y nagpapatawad ng anoman, ay dahil sa inyo, sa harapan ni Cristo; 11 Upang huwag kaming malamangan ni Satanas: sapagka't kami ay hindi hangal sa kaniyang mga lalang. 12 Nang ako'y dumating nga sa Troas dahil sa evangelio ni Cristo, at nang mabuksan sa akin ang isang pinto sa Panginoon, 13 Ay hindi ako nagkaroon ng katiwasayan sa aking espiritu, sapagka't hindi ko nasumpungan si Tito na kapatid ko: datapuwa't pagkapagpaalam ko sa kanila, ako'y napasa Macedonia. 14 Datapuwa't salamat sa Dios, na laging pinapagtatagumpay tayo kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag ang samyo ng pagkakilala sa kaniya sa bawa't dako. 15 Sapagka't sa mga inililigtas, at sa mga napapahamak ay masarap tayong samyo ni Cristo sa Dios; 16 Sa isa ay samyo mula sa kamatayan sa ikamamatay; at sa iba ay samyong mula sa kabuhayan sa ikabubuhay. At sino ang sapat sa mga bagay na ito? 17 Sapagka't hindi kami gaya ng karamihan na kinakalakal ang salita ng Dios: kundi sa pagtatapat, at gaya ng mula sa Dios, sa harapan ng Dios ay nagsasalita kami para kay Cristo.
1 Pinasisimulan baga naming muli na ipagkapuri ang aming sarili? o kami baga ay nangangailangan gaya ng iba, ng mga sulat na papuri sa inyo, o mula sa inyo? 2 Kayo ay ang aming sulat, na nasusulat sa aming mga puso, nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao; 3 Yamang nahahayag na kayo'y sulat ni Cristo, na pinangasiwaan namin, hindi isinulat ng tinta, kundi ng Espiritu, ng Dios na buhay, hindi sa mga tapyas ng bato, kundi sa mga tapyas ng pusong laman. 4 At ang gayong pagkakatiwala sa Dios ay taglay namin sa pamamagitan ni Cristo: 5 Hindi sa kami ay sapat na sa aming sarili, upang isiping ang anoman ay mula sa ganang aming sarili; kundi ang aming kasapatan ay mula sa Dios; 6 Na sa amin naman ay nagpapaging sapat na mga ministro ng bagong tipan; hindi ng titik, kundi ng espiritu: sapagka't ang titik ay pumapatay, datapuwa't ang espiritu ay nagbibigay ng buhay. 7 Nguni't kung ang pangangasiwa ng kamatayan, na nasusulat, at nauukit sa mga bato, ay nangyaring may kaluwalhatian, ano pa't ang mga anak ni Israel ay hindi makatitig sa mukha ni Moises, dahil sa kaluwalhatian ng kaniyang mukha; na ang kaluwalhatiang ito'y lumilipas: 8 Paanong hindi lalong magkakaroon ng kaluwalhatian ang pangangasiwa ng espiritu? 9 Sapagka't kung ang pangangasiwa ng kahatulan ay may kaluwalhatian, ay bagkus pa ngang higit na sagana sa kaluwalhatian ang pangasiwang ukol sa katuwiran. 10 Sapagka't katotohanang ang pinaluwalhati ay hindi pinaluwalhati sa bagay na ito, ng dahil sa kaluwalhatiang sumasagana. 11 Sapagka't kung ang lumilipas ay may kaluwalhatian, ay lalo pang nananatili ay nasa kaluwalhatian. 12 Yaman ngang mayroong gayong pagasa ay ginagamit namin ang buong katapangan ng pananalita, 13 At hindi gaya ni Moises, na nagtalukbong ng kaniyang mukha upang ang mga anak ni Israel ay huwag magsititig sa katapusan niyaong lumilipas: 14 Datapuwa't ang kanilang mga pagiisip ay nagsitigas: sapagka't hanggang sa araw na ito, pagka binabasa ang matandang tipan, ang talukbong ding iyon ay nananatili na hindi itinataas, na ito'y naalis sa pamamagitan ni Cristo. 15 Datapuwa't hanggang sa araw na ito, kailan ma't binabasa ang mga aklat ni Moises, ay may isang talukbong na nakatakip sa kanilang puso. 16 Nguni't kailan ma't magbalik sa Panginoon, ay maaalis ang talukbong. 17 Ngayon ang Panginoon ay siyang Espiritu: at kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, doon ay may kalayaan. 18 Datapuwa't tayong lahat, na walang talukbong ang mukha na tumitinging gaya ng sa isang salamin sa kaluwalhatian ng Panginoon, ay nababago tayo sa gayon ding larawan mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian, na gaya ng mula sa Panginoon na Espiritu.
1 Kaya nga sa pagkakaroon namin ng ministeriong ito, ayon sa aming tinanggap na kaawaan, ay hindi kami nanghihina. 2 Bagkus tinanggihan namin ang mga kahiyahiyang bagay na nangatatago, na hindi kami nagsisilakad sa katusuhan, ni nagsisigamit man na may daya ng mga salita ng Dios; kundi sa pagpapahayag ng katotohanan ay ipinagtatagubilin ang aming sarili sa bawa't budhi ng mga tao sa harapan ng Dios. 3 At kung ang aming evangelio ay natatalukbungan pa, ay may talukbong sa mga napapahamak: 4 Na binulag ng dios ng sanglibutang ito ang mga pagiisip ng mga hindi nagsisisampalataya, upang sa kanila'y huwag sumilang ang kaliwanagan ng evangelio ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Dios. 5 Sapagka't hindi namin ipinangangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus na Panginoon, at kami ay gaya ng inyong mga alipin dahil kay Cristo. 6 Yamang ang Dios, ang nagsabi, Magniningning ang ilaw sa kadiliman, na siyang nagningning sa aming mga puso, upang magbigay ng liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Dios sa mukha ni Jesucristo. 7 Nguni't taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ang dakilang kalakhan ng kapangyarihan ay maging mula sa Dios, at huwag mula sa aming sarili; 8 Sa magkabikabila ay nangagigipit kami, gayon ma'y hindi nangaghihinagpis; nangatitilihan, gayon ma'y hindi nangawawalan ng pagasa; 9 Pinaguusig, gayon ma'y hindi pinababayaan; inilulugmok, gayon ma'y hindi nangasisira; 10 Laging saan ma'y tinataglay sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag naman sa aming katawan. 11 Sapagka't kaming nangabubuhay ay laging ibinibigay sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang buhay naman ni Jesus ay mahayag sa aming lamang may kamatayan. 12 Kaya nga ang kamatayan ay gumagawa sa amin, datapuwa't ang buhay ay sa inyo. 13 Nguni't yamang mayroong gayon ding espiritu ng pananampalataya, na gaya ng nasusulat, Sumampalataya ako, at kaya't nagsalita ako; kami naman ay nagsisisampalataya, at kaya't kami naman ay nangagsasalita; 14 Na aming nalalaman na ang bumuhay na maguli sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay na maguli sa amin na kalakip ni Jesus, at ihaharap kaming kasama ninyo. 15 Sapagka't ang lahat ng mga bagay ay dahil sa inyo, upang ang biyaya na pinarami sa pamamagitan ng marami, ay siyang magpasagana ng pagpapasalamat sa ikaluluwalhati ng Dios. 16 Kaya nga hindi kami nanghihimagod; bagama't ang aming pagkataong labas ay pahina, nguni't ang aming pagkataong loob ay nababago sa araw-araw. 17 Sapagka't ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo't lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan; 18 Samantalang kami ay nagsisitingin hindi sa mga bagay na nangakikita, kundi sa mga bagay na hindi nangakikita: sapagka't ang mga bagay na nangakikita ay may katapusan; datapuwa't ang mga bagay na hindi nangakikita ay walang hanggan.
1 Sapagka't nalalaman namin na kung masira ang aming bahay na tabernakulong ukol sa lupa, ay mayroong kaming isang gusaling mula sa Dios, bahay na hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan, sa sangkalangitan. 2 Sapagka't tunay na sa ganito kami ay nagsisihibik, na nangagnanasang mabihisan kami ng aming tahanang mula sa langit: 3 Na kung mabihisan nga kami niyaon ay hindi kami mangasusumpungang hubad. 4 Sapagka't tunay na kaming nangasa tabernakulong ito ay nagsisihibik, na nangabibigatan; hindi sa ninanasa naming maging hubad, kundi ninanasa naming kami'y bihisan, upang ang may kamatayan ay lamunin ng buhay. 5 Ngayon ang gumawa sa amin ng bagay ding ito ay ang Dios, na nagbigay sa amin ng patotoo ng Espiritu. 6 Kaya nga kami'y laging malakas ang loob, at nalalaman namin na, samantalang kami ay nangasa tahanan sa katawan, ay wala kami sa harapan ng Panginoon. 7 (Sapagka't nagsisilakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin); 8 Na malakas ang loob namin, ang sabi ko, at ibig pa nga namin ang mawala sa katawan, at mapasa tahanan na kasama ng Panginoon. 9 Kaya't ang amin namang pinagsisikapan, maging sa tahanan man o di man, ay maging kalugodlugod kami sa kaniya. 10 Sapagka't tayong lahat ay kinakailangang mahayag sa harapan ng hukuman ni Cristo; upang tumanggap ang bawa't isa ng mga bagay na ginawa sa pamamagitan ng katawan, ayon sa ginawa niya, maging mabuti o masama. 11 Yamang nalalaman nga ang pagkatakot sa Panginoon, ay aming hinihikayat ang mga tao, nguni't kami ay nangahahayag sa Dios; at inaasahan ko na kami ay nangahayag din naman sa inyong mga budhi. 12 Hindi namin ipinagkakapuring muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng dahilan na ikaluluwalhati ninyo dahil sa amin, upang kayo'y mangagkaroon ng maisasagot sa mga nagpapaluwalhati sa anyo, at hindi sa puso. 13 Sapagka't kung kami ay maging mga ulol, ay para sa Dios; o maging kami ay mahinahon ang pagiisip, ay para sa inyo. 14 Sapagka't ang pagibig ni Cristo ay pumipilit sa amin; sapagka't ipinasisiya namin ang ganito, na kung ang isa ay namatay dahil sa lahat, kung gayo'y lahat ay nangamatay; 15 At siya'y namatay dahil sa lahat, upang ang nangabubuhay ay huwag nang mabuhay pa sa kanilang sarili, kundi doon sa namatay dahil sa kanila at muling nabuhay. 16 Kaya nga mula ngayon ay hindi namin nakikilala ang sinoman ayon sa laman: bagama't nakilala namin si Cristo ayon sa laman, nguni't sa ngayo'y hindi na namin nakikilala siyang gayon. 17 Kaya't kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y pawang naging mga bago. 18 Datapuwa't ang lahat ng mga bagay ay pawang sa Dios, na pinakipagkasundo tayo sa kaniya rin sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay sa amin ang ministerio sa pagkakasundo; 19 Sa makatuwid baga'y, na ang Dios kay Cristo ay pinakipagkasundo ang sanglibutan sa kaniya rin, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pagkakasundo. 20 Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Dios. 21 Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo'y maging sa kaniya'y katuwiran ng Dios.
1 At yamang kalakip niyang gumagawa ay ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Dios na walang kabuluhan. 2 (Sapagka't sinasabi niya, Sa panahong ukol kita'y pinakinggan, At sa araw ng pagliligtas kita'y sinaklolohan: Narito, ngayon ang panahong ukol; narito, ngayon ang araw ng kaligtasan): 3 Na di nagbibigay ng kadahilanang ikatitisod sa anoman, upang ang aming ministerio ay huwag mapulaan; 4 Datapuwa't sa lahat ng mga bagay ay ipinagkakapuri namin ang aming sarili, gaya ng mga ministro ng Dios, sa maraming pagtitiis, sa mga kapighatian, sa mga pangangailangan, sa mga paghihinagpis, 5 Sa mga latay, sa mga pagkabilanggo, sa mga kaguluhan, sa mga gawa, sa mga pagpupuyat, sa mga pagaayuno; 6 Sa kalinisan, sa kaalaman, sa pagpapahinuhod, sa kagandahang-loob, sa Espiritu Santo, sa pagibig na hindi pakunwari, 7 Sa salita ng katotohanan, sa kapangyarihan ng Dios; sa pamamagitan ng mga sandata ng katuwiran sa kanan at sa kaliwa, 8 Sa pamamagitan ng karangalan at ng kasiraang puri, sa pamamagitan ng masamang ulat at ng mabuting ulat; gaya ng mga magdaraya gayon ma'y mga mapagtapat; 9 Waring hindi mga kilala, gayon ma'y mga kilalang mabuti; tulad sa nangaghihingalo, at narito, kami ay nangabubuhay; gaya ng mga pinarurusahan, at hindi pinapatay; 10 Tulad sa nangalulungkot, gayon ma'y laging nangagagalak; tulad sa mga dukha, gayon ma'y nangagpapayaman sa marami; gaya ng walang anomang pag-aari, gayon ma'y mayroon ng lahat ng mga bagay. 11 Ang aming bibig ay bukas para sa inyo, Oh mga taga Corinto, ang aming puso ay lumalaki. 12 Hindi kayo nangakasisikip sa amin, kundi nangasisikipan kayo sa inyong sariling pagibig. 13 Kaya nga bilang ganti sa gayong bagay (nangungusap akong gaya sa aking mga anak), ay mangagsilaki naman kayo. 14 Huwag kayong makipamatok ng kabilan sa mga di nagsisisampalataya: sapagka't anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? o anong pakikisama mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? 15 At anong pakikipagkasundo mayroon si Cristo kay Belial? o anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di sumasampalataya? 16 At anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Dios sa mga diosdiosan? sapagka't tayo'y templo ng Dios na buhay; gaya ng sabi ng Dios, Mananahan ako sa kanila, at lalakad ako sa kanila; at ako'y magiging kanilang Dios, at sila'y magiging aking bayan. 17 Kaya nga, Magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo, sabi ng Panginoon, At huwag kayong magsihipo ng mga bagay na marumi, At kayo'y aking tatanggapin, 18 At ako sa inyo'y magiging ama, At sa akin kayo'y magiging mga anak na lalake at babae, sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.
1 Yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga minamahal, ay magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pakasakdalin ang kabanalan sa takot sa Dios. 2 Buksan ninyo sa amin ang inyong mga puso: hindi namin inapi ang sinoman, hindi namin ipinasama ang sinoman, hindi namin dinaya ang sinoman. 3 Hindi ko sinasabi ito upang kayo'y hatulan: sapagka't sinabi ko na nang una, na kayo'y nasa aming mga puso upang magkasamang mamatay at magkasamang mabuhay. 4 Malaki ang katapangan ko ng pagsasalita sa inyo, malaki ang aking kapurihan dahil sa inyo: ako'y puspos ng kaaliwan, nananagana sa katuwaan sa lahat ng aming kapighatian. 5 Sapagka't nagsidating man kami sa Macedonia ang aming laman ay hindi nagkaroon ng katiwasayan, kundi sa lahat kami ay pinipighati; sa labas ay mga pagbabaka, sa loob ay mga katakutan. 6 Gayon man ang Dios na umaaliw sa mabababang-loob, ay kami'y inaliw sa pamamagitan ng pagdating ni Tito; 7 At hindi lamang sa kaniyang pagdating, kundi naman sa kaaliwan ng inialiw sa kaniya dahil sa inyo, nang sa amin ay ibalita niya ang inyong pananabik, ang inyong kalumbayan, ang inyong pagmamalasakit dahil sa akin; ano pa't ako'y lubha pang nagalak. 8 Sapagka't bagaman ako'y nakapagpalumbay sa inyo sa aking sulat, ay hindi ko dinaramdam: bagama't aking dinamdam (sapagka't akin ngang natatalastas na ang sulat na yaon ay nakapagpalumbay sa inyo, bagama't sa maikling panahon lamang), 9 Ngayo'y nagagalak ako, hindi dahil sa inyong pagkalumbay, kundi dahil sa inyong mga pagkalumbay na ikapagsisisi; sapagka't kayo'y pinalumbay sa paraang ukol sa Dios, upang sa anoman ay huwag kayong mangagkaroon ng kalugihan dahil sa amin. 10 Sapagka't ang kalumbayang mula sa Dios, ay gumagawa ng pagsisisi sa ikaliligtas, na hindi ikalulungkot: datapuwa't ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay ikamamatay. 11 Narito nga, ito rin ang inyong ikinalulumbay na mula sa Dios, gaanong sikap na pagiingat ang sa inyo'y ginawa, oo't gaanong pagtatanggol ng inyong sarili, oo't gaanong pagkagalit, oo't gaanong katakutan, oo't gaanong pananabik, oo't gaanong pagmamalasakit, oo't gaanong paghihiganti! Sa lahat ay napakita kayong dalisay sa bagay na ito. 12 Kaya nga, bagama't ako'y sumulat sa inyo, ay hindi dahil doon sa gumawa ng kamalian, ni dahil doon sa nagbata ng kamalian, kundi upang maihayag sa inyo ang inyong masikap na pagiingat sa amin sa harapan ng Dios. 13 Kaya't kami'y pawang nangaaliw: at sa aming pagkaaliw ay bagkus pang nangagalak kami dahil sa kagalakan ni Tito, sapagka't ang kaniyang espiritu ay inaliw ninyong lahat. 14 Sapagka't kung ako ay nagmapuri ng anoman sa kaniya dahil sa inyo, ay hindi ako nahiya; datapuwa't kung paanong sinabi namin ang lahat ng mga bagay sa inyo sa katotohanan, ay gayon din naman ang aming pagmamapuri na ginawa ko sa harap ni Tito ay nasumpungang totoo. 15 At ang kaniyang pagibig ay lubha pang nanagana sa inyo, samantalang naaalaala niya ang pagtalima ninyong lahat, kung paanong siya'y tinanggap ninyo na may takot at panginginig. 16 Ako'y nagagalak na sa lahat ng mga bagay ay mayroon akong lubos na pagtitiwala sa inyo.
1 Bukod dito, mga kapatid, ay ipinatatalastas namin sa inyo ang biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa mga iglesia ng Macedonia; 2 Kung paanong sa maraming pagsubok sa kapighatian ang kasaganaan ng kanilang katuwaan at ang kanilang malabis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob. 3 Sapagka't ayon sa kanilang kaya, ay nagpapatotoo ako at higit pa sa kanilang kaya, ay nagsiabuloy sila sa sariling kalooban, 4 Na lubhang ipinamamanhik sa amin ang tungkol sa biyayang ito at sa pakikisama sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal: 5 At ito, ay hindi ayon sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Dios. 6 Ano pa't namanhik kami kay Tito, na yamang siya'y nagpasimula nang una, ay siya na rin ang gumanap sa inyo ng biyayang ito. 7 Datapuwa't yamang kayo'y nagsisisagana sa lahat ng mga bagay, sa pananampalataya, at pananalita, at kaalaman, at sa buong kasipagan, at sa inyong pagibig sa amin ay magsisagana naman kayo sa biyayang ito. 8 Hindi ako nangungusap na tulad sa naguutos, kundi gaya ng sumusubok sa pamamagitan ng kasipagan ng iba ang katapatan naman ng inyong pagibig. 9 Sapagka't nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo, na, bagaman siya'y mayaman, gayon ma'y nagpakadukha dahil sa inyo, upang sa pamamagitan ng kaniyang karukhaan ay magsiyaman kayo. 10 At sa ganito'y ibinibigay ko ang aking pasiya: sapagka't ito'y nararapat sa inyo, na naunang nangagpasimula na may isang taon na, hindi lamang sa paggawa, kundi naman sa pagnanais. 11 Datapuwa't ngayo'y tapusin din naman ninyo ang paggawa; upang kung paanong nagkaroon ng sikap ng pagnanais, ay gayon din namang magkaroon ng pagkatapos ayon sa inyong kaya. 12 Sapagka't kung may sikap, ay tinatanggap ayon sa tinataglay, hindi ayon sa di tinataglay. 13 Sapagka't hindi ko sinasabi ito upang ang mga iba ay magaanan at kayo'y mabigatan; 14 Kundi ayon sa pagkakapantay-pantay: ang inyong kasaganaan ay naging abuloy sa panahong ito sa kanilang kakulangan, upang ang kanilang kasaganaan naman ay maging abuloy sa inyong kailangan; upang magkaroon ng pagkakapantaypantay. 15 Gaya ng nasusulat, Ang nagtipon ng marami ay hindi naglabis; at ang nagtipon ng kaunti ay hindi kinulang. 16 Datapuwa't salamat sa Dios, na naglalagay sa puso ni Tito niyaong masikap na pagiingat sa inyo. 17 Sapagka't tunay na tinanggap niya ang aming pamanhik, nguni't palibhasa'y lubha siyang masikap, ay napariyan sa inyo sa kaniyang sariling kalooban. 18 At sinugo naming kasama niya ang kapatid na ang kaniyang kapurihan sa evangelio ay sa lahat ng mga iglesia; 19 At hindi lamang gayon, kundi siya naman ang inihalal ng mga iglesia na maglakbay na kasama namin tungkol sa biyayang ito, na pinangangasiwaan namin sa ikaluluwalhati ng Panginoon, at upang ipamalas ang aming sikap: 20 Na iniilagan ito, na sinoma'y huwag kaming sisihin tungkol sa abuloy na ito na aming pinangangasiwaan: 21 Sapagka't iniisip namin ang mga bagay na kapuripuri, hindi lamang sa paningin ng Panginoon, kundi naman sa paningin ng mga tao. 22 At aming sinugong kasama nila ang aming kapatid, na aming nasubok na madalas na masikap sa maraming bagay, datapuwa't ngayon ay lalo nang masikap, dahil sa malaking pagkakatiwala niya sa inyo. 23 Kung may magsiyasat tungkol kay Tito, siya'y aking kasama at kamanggagawa sa pagpapagal sa inyo; o sa aming mga kapatid, sila'y mga sugo ng mga iglesia, at kaluwalhatian ni Cristo. 24 Inyo ngang ipakita sa kanila sa harapan ng mga iglesia ang katunayan ng inyong pagibig, at ng aming pagmamapuri dahil sa inyo.
1 Sapagka't tungkol sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal, ay kalabisan na sa akin ang isulat ko pa. 2 Sapagka't nakikilala ko ang inyong sikap, na aking ipinagmamapuri tungkol sa inyo sa mga taga Macedonia, na ang Acaya ay nahahandang isang taon na; at ang inyong pagsisikap ay nakapagudyok sa lubhang marami sa kanila. 3 Datapuwa't sinugo ko ang mga kapatid, upang ang aming pagmamapuri dahil sa inyo ay huwag mawalan ng kabuluhan sa bagay na ito; na, ayon sa aking sinabi, kayo'y mangakapaghanda: 4 Baka sakaling sa anomang paraan kung magsirating na kasama ko ang ilang taga Macedonia at kayo'y maratnang hindi nangahahanda, kami (upang huwag sabihing kayo) ay mangapahiya sa pagkakatiwalang ito. 5 Iniisip ko ngang kailangang ipamanhik sa mga kapatid, na mangaunang pumariyan sa inyo, at ihanda agad ang inyong abuloy na ipinangako nang una, upang ito'y maihanda na gaya ng abuloy, at hindi gaya ng sapilitan. 6 Datapuwa't sinasabi ko, Ang naghahasik ng bahagya na ay magaani namang bahagya na; at ang naghahasik na sagana ay magaani namang sagana. 7 Magbigay ang bawa't isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka't iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya. 8 At maaaring gawin ng Dios na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo; upang kayo, na mayroong laging buong kaya sa lahat ay magsipanagana sa bawa't mabuting gawa: 9 Gaya ng nasusulat, Siyang nagsabog, siyang nagbigay sa mga dukha; Ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man. 10 At ang nagbibigay ng binhi sa naghahasik at ng tinapay na pinakapagkain, ay magbibigay at magpaparami ng inyong binhi upang ihasik, at magdaragdag ng mga bunga ng inyong katuwiran: 11 Yamang kayo'y pinayaman sa lahat ng mga bagay na ukol sa lahat ng kagandahang-loob, na nagsisigawa sa pamamagitan namin ng pagpapasalamat sa Dios. 12 Sapagka't ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang tumatakip sa pangangailangan ng mga banal, kundi naman umaapaw sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Dios; 13 Palibhasa'y sa pagsubok sa inyo sa pamamagitan ng ministeriong ito ay niluluwalhati nila ang Dios dahil sa pagtalima ng inyong pagkilala sa evangelio ni Cristo, at dahil sa kagandahang-loob ng inyong ambag sa kanila at sa lahat; 14 Samantalang sila rin naman, sa panalanging patungkol sa inyo, ay nananabik sa inyo dahil sa saganang biyaya ng Dios sa inyo. 15 Salamat sa Dios dahil sa kaniyang kaloob na di masabi.
1 Ako ngang si Pablo ay namamanhik sa inyo alangalang sa kaamuang-loob at kapakumbabaan ni Cristo, ako na sa harapan ninyo ay mapagpakumbaba sa gitna ninyo, nguni't ako'y lubhang malakas ang loob kung wala sa harapan ninyo: 2 Oo, ako'y namamanhik sa inyo, upang kung ako'y nahaharap ay huwag akong magpakita ng katapangang may pagkakatiwala na ipinasiya kong ipagmatapang laban sa ilang nagiisip sa amin, na waring kami ay nagsisilakad ng ayon sa laman. 3 Sapagka't bagaman kami ay nagsisilakad sa laman, ay hindi kami nangakikipagbakang ayon sa laman. 4 (Sapagka't ang mga sandata ng aming pakikilaban ay hindi ukol sa laman, kundi sa harapan ng Dios ay may kapangyarihang gumiba ng mga kuta); 5 Na siyang gumigiba ng mga maling haka, at ng bawa't bagay na matayog na nagmamataas laban sa karunungan ng Dios, at bumibihag sa lahat ng pagiisip sa pagtalima kay Cristo; 6 At nangahahanda upang maghiganti sa lahat ng pagsuway, kung maganap na ang inyong pagtalima. 7 Minamasdan ninyo ang mga bagay na nahaharap sa inyong mukha. Kung ang sinoman ay mayroong pagkakatiwala sa kaniyang sarili na siya'y kay Cristo, ay muling dilidilihin ito sa kaniyang sarili na, kung paanong siya'y kay Cristo, kami naman ay gayon din. 8 Sapagka't bagaman ako ay magmapuri ng marami tungkol sa aming kapamahalaan (na ibinigay ng Panginoon sa ikapagtitibay sa inyo, at hindi sa ikagigiba ninyo) ay hindi ako mapapahiya. 9 Upang huwag akong wari'y ibig ko kayong pangilabutin sa takot sa aking mga sulat. 10 Sapagka't, sinasabi nila, Ang kaniyang mga sulat, ay malaman at mabisa; datapuwa't ang anyo ng kaniyang katawan ay mahina, at ang kaniyang pananalita ay walang kabuluhan. 11 Bayaang isipin ng isang gayon ito, na, kung ano kami sa pananalita sa mga sulat pagka kami ay wala sa harapan, ay gayon din kami naman sa gawa pagka kami ay nahaharap. 12 Sapagka't hindi kami nangagmamatapang na makibilang o makitulad sa mga ilan doon sa mga nagmamapuri sa kanilang sarili: nguni't sila na sinusukat ang kanilang sarili sa kanila rin, at kanilang itinutulad ang sarili sa kanila rin ay mga walang unawa. 13 Datapuwa't hindi naman ipinagmamapuri ang labis sa aming sukat, kundi ayon sa sukat ng hangganang sa amin ay ipinamamahagi ng Dios, na gaya ng sukat, upang umabot hanggang sa inyo. 14 Sapagka't hindi kami nagsisilagpas ng higit, na waring hindi na namin kayo aabutin: sapagka't hanggang sa inyo naman ay nagsirating kami sa evangelio ni Cristo: 15 Na hindi namin ipinagmamapuri ang labis sa aming sukat, sa makatuwid baga'y ang mga gawa ng ibang mga tao; kundi yamang may pagasa, na ayon sa paglago ng inyong pananampalataya, kami'y pupurihin sa inyo ayon sa aming hangganan sa lalong kasaganaan, 16 Upang ipangaral ang evangelio sa mga dako pa roon ng lupain ninyo, at huwag kaming mangagmapuri sa hangganan ng iba tungkol sa mga bagay na nangahahanda na sa amin. 17 Datapuwa't ang nagmamapuri ay magmapuri sa Panginoon. 18 Sapagka't hindi subok ang nagtatagubilin sa kaniyang sarili, kundi ang ipinagtatagubilin ng Panginoon.
1 Kahimanawari'y mapagtiisan ninyo ako sa kaunting kamangmangan: nguni't tunay na ako'y inyong pinagtitiisan. 2 Sapagka't ako'y naninibugho tungkol sa inyo ng panibughong ukol sa Dios: sapagka't kayo'y aking pinapagasawa sa isa, upang kayo'y maiharap ko kay Cristo na tulad sa dalagang malinis. 3 Nguni't ako'y natatakot, baka sa anomang paraan, kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas sa kaniyang katusuhan, ang inyong walang malay at malinis na mga pagiisip na kay Cristo ay pasamain. 4 Sapagka't kung yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo. 5 Sapagka't inaakala kong sa anoman ay hindi ako huli sa lubhang mga dakilang apostol. 6 Datapuwa't bagaman ako ay magaspang sa pananalita, gayon ma'y hindi ako sa kaalaman; hindi, kundi sa lahat ng paraan ay ipinahayag namin ito sa inyo. 7 Ako nga baga'y nagkasala sa pagpapakababa ko sa aking sarili, upang kayo'y mangataas dahil sa ipinangaral ko sa inyo na walang bayad ang evangelio ng Dios? 8 Aking sinamsaman ang ibang mga iglesia, sa pagtanggap ko ng upa sa kanila, upang ipangasiwa ko sa inyo; 9 At pagka ako'y kaharap ninyo at ako'y nagkukulang ng ikabubuhay, ako'y hindi naging pasan sa kanino man; sapagka't mga kapatid nang sila'y manggaling sa Macedonia ay tumakip ng aming pangangailangan; at sa lahat ng mga bagay ay pinagingatan kong huwag maging pasanin ninyo, at magiingat nga ako. 10 Kung paanong nasa akin ang katotohanan ni Cristo, sinoman ay hindi makapipigil sa akin sa pagmamapuring ito sa mga dako ng Acaya. 11 Bakit? sapagka't hindi ko baga kayo iniibig? Nalalaman ng Dios. 12 Datapuwa't ang aking ginagawa ay siya kong gagawin, upang maputol ko ang kadahilanan sa mga nagnanasa ng kadahilanan; upang sa anomang ipinagmamapuri nila ay mangasumpungan sila na gaya namin. 13 Sapagka't ang mga gayong tao ay mga bulaang apostol, mga magdarayang manggagawa, na nangagpapakunwaring mga apostol ni Cristo. 14 At hindi katakataka: sapagka't si Satanas man ay nagpapakunwaring anghel ng kaliwanagan. 15 Hindi malaking bagay nga na ang kaniyang mga ministro naman ay magpakunwari na waring ministro ng katuwiran; na ang kanilang wakas ay masasangayon sa kanilang mga gawa. 16 Muling sinasabi ko, Huwag isipin ng sinoman na ako'y mangmang; nguni't kung gayon, gayon ma'y tanggapin ninyo akong gaya ng isang mangmang, upang ako naman ay makapagmapuri ng kaunti. 17 Ang ipinangungusap ko ay hindi ko ipinangungusap ayon sa Panginoon, kundi gaya ng sa kamangmangan, sa pagkakatiwalang ito sa pagmamapuri. 18 Yamang maraming nagmamapuri ayon sa laman, ako nama'y magmamapuri. 19 Sapagka't pinagtitiisan ninyo na may kasayahan ang mga mangmang, palibhasa'y marurunong kayo. 20 Sapagka't inyong pinagtitiisan ang sinoman, kung kayo'y inaalipin, kung kayo'y sinasakmal, kung kayo'y binibihag, kung siya'y nagpapalalo, kung kayo'y sinasampal sa mukha. 21 Sinasalita ko ang tungkol sa kapulaan, na wari ay naging mahina kami. Nguni't kung ang sinoman ay matapang sa anoman (nangungusap ako sa kamangmangan), ako'y matapang din naman. 22 Sila baga'y mga Hebreo? ako man. Sila baga'y mga Israelita? ako man. Sila baga'y binhi ni Abraham? ako man. 23 Sila baga'y mga ministro ni Cristo? (ako'y nangungusap na waring nasisira ang bait) lalo pa ako; sa pagpapagal ako'y lubhang sagana, sa mga bilangguan ay lubhang madalas, sa mga palo ay walang bilang, sa mga ikamamatay ay malimit. 24 Sa mga Judio ay makalimang tumanggap ako ng tigaapat na pung palo, kulang ng isa. 25 Makaitlong ako'y hinampas ng mga panghampas, minsan ako'y binato, makaitlong ako'y nabagbag, isang araw at isang gabi na ako'y nasa kalaliman ng dagat; 26 Sa mga paglalakbay ay madalas, sa mga kapanganiban sa mga ilog, sa mga kapanganiban sa mga tulisan, sa mga kapanganiban sa aking mga kababayan, sa mga kapanganiban sa mga Gentil, sa mga kapanganiban sa bayan, sa mga kapanganiban sa mga ilang, sa mga kapanganiban sa dagat, sa mga kapanganiban sa gitna ng mga bulaang kapatid; 27 Sa pagpapagal at sa pagdaramdam, sa mga pagpupuyat ay madalas, sa gutom at uhaw, mga pagaayuno ay madalas, sa ginaw at kahubaran. 28 Bukod sa mga bagay na yaon, ay may umiinis sa akin sa araw-araw, ang kabalisahan dahil sa lahat ng mga iglesia. 29 Sino ang nanghina, at ako'y hindi nanghina? Sino ang napapatisod, at ako'y di nagdaramdam? 30 Kung kinakailangang ako'y magmapuri, ako'y magmamapuri sa mga bagay na nauukol sa aking kahinaan. 31 Ang Dios at Ama ng Panginoong Jesus, na mapalad magpakailan pa man, ang nakakaalam na ako'y hindi nagsisinungaling. 32 Sa Damasco ay binantayan ng gobernador na sakop ng haring Aretas ang bayan ng mga taga Damasco, upang ako'y hulihin: 33 At sa isang dungawan, ay napahugos ako sa kuta, sa isang balaong, at ako'y nakatanan sa kanilang mga kamay.
1 Kinakailangang ako'y magmapuri, bagaman ito'y hindi nararapat; nguni't aking sasaysayin ang mga pangitain ko at mga pahayag ng Panginoon. 2 Nakikilala ko ang isang lalake kay Cristo, na mayroong nang labingapat na taon (maging sa katawan, aywan ko; o maging sa labas ng katawan, aywan ko; Dios ang nakaaalam) na inagaw hanggang sa ikatlong langit. 3 At nakikilala ko ang taong iyan (maging sa katawan, o sa labas ng katawan, aywan ko; Dios ang nakaaalam), 4 Na kung paanong siya'y inagaw sa Paraiso, at nakarinig ng mga salitang di masayod na hindi nararapat salitain ng tao. 5 Tungkol sa taong yaon ako'y magmamapuri: nguni't tungkol sa aking sarili ay hindi ako magmamapuri, maliban na sa aking mga kahinaan. 6 Sapagka't kung ibigin kong ako'y magmapuri, ay hindi ako magiging mangmang; sapagka't sasalitain ko ang katotohanan: nguni't nagpipigil ako, baka ang sinoman ay magakalang ako'y mataas sa nakikita niya sa akin, o naririnig sa akin. 7 At nang ako'y huwag magpalalo ng labis dahil sa kadakilaan ng mga pahayag, ay binigyan ako ng isang tinik sa laman, ng isang sugo ni Satanas, upang ako'y tampalin, nang ako'y huwag magpalalo ng labis. 8 Tungkol dito'y makaitlo akong nanalangin sa Panginoon, upang ilayo ito sa akin. 9 At siya'y nagsabi sa akin, Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka't ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan. Kaya't bagkus akong magmamapuri na may malaking galak sa aking kahinaan upang manahan nawa sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Kaya nga ako'y nagagalak sa mga kahinaan, sa mga pagkaapi, sa mga pangangailangan, sa mga pagkakausig, sa mga paghihinagpis, dahil kay Cristo: sapagka't pagka ako'y mahina, ako nga'y malakas. 11 Ako'y naging mangmang: pinilit ninyo ako; ako sana'y dapat ninyong purihin: sapagka't sa anoman ay hindi ako naging huli sa lubhang mga dakilang apostol, bagaman ako'y walang kabuluhan. 12 Tunay na ang mga tanda ng apostol ay pawang nangyari sa inyo sa buong pagtitiis, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan at ng mga gawang makapangyarihan. 13 Sapagka't ano nga ang inyong ikinahuli sa ibang mga iglesia, kundi ang ako'y hindi naging pasanin ninyo? ipatawad ninyo sa akin ang kamaliang ito. 14 Narito, ito ang ikatlo na ako'y handang pumariyan sa inyo; at ako'y hindi magiging pasanin ninyo: sapagka't hindi ko hinahanap ang inyo, kundi kayo: sapagka't hindi nararapat ipagtipon ng mga anak ang mga magulang, kundi ng mga magulang ang mga anak. 15 At ako'y gugugol ng may malaking kagalakan at pagugugol dahil sa inyong mga kaluluwa. Kung kayo'y iniibig ko ng lalong higit, ako baga'y iniibig ng kaunti? 16 Datapuwa't magkagayon man, ako'y hindi naging pasan sa inyo; kundi dahil sa pagkatuso ko, kayo'y hinuli ko sa daya. 17 Kayo baga'y aking dinaya sa pamamagitan ng sinoman sa mga sinugo sa inyo? 18 Pinamanhikan ko si Tito, at sinugo kong kasama niya ang kapatid. Kayo baga'y dinaya ni Tito? hindi baga kami ay nagsilakad sa isang Espiritu? hindi baga kami ay nagsisunod sa gayon ding mga hakbang? 19 Iniisip ninyo na sa buong panahong ito'y kami ay nangagdadahilan sa inyo. Sa paningin ng Dios ay nangagsasalita kami sa pangalan ni Cristo. Datapuwa't ang lahat ng mga bagay, mga minamahal, ay sa inyong mga ikatitibay. 20 Natatakot nga ako na baka sa anomang paraan, kung ako'y dumating ay kayo'y masumpungan kong hindi gaya ng ibig ko, at ako ay inyong masumpungang hindi gaya ng ibig ninyo; baka sa anomang paraan ay magkaroon ng pagtatalo, mga paninibugho, mga kagalitan, mga pagkakampikampi, mga pagsirang-puri, mga paghatid-dumapit, mga kapalaluan, mga pagkakagulo; 21 Baka pagka ako'y dumating na muli ay ako'y pababain ng Dios ko sa harapan ninyo, at ako'y malumbay dahil sa marami sa nangagkasalang una, at hindi nangagsisi sa karumihan at sa pakikiapid at sa kalibugan na ginawa nila.
1 Ito ang ikatlo na ako'y paririyan sa inyo. Sa bibig ng dalawang saksi o ng tatlo ay papagtibayin ang bawa't salita. 2 Sinabi ko na nang una, at muling aking ipinagpapauna, gaya nang ako'y nahaharap ng ikalawa, gayon din ngayon, na ako'y wala sa harapan, sa mga nagkasala nang una, at sa mga iba pa, na kung ako'y pumariyang muli ay hindi ko na patatawarin; 3 Yamang nagsisihanap kayo ng isang katunayan na si Cristo ay nagsasalita sa akin; na siya sa inyo'y hindi mahina, kundi sa inyo'y makapangyarihan: 4 Sapagka't siya'y ipinako sa krus dahil sa kahinaan, gayon ma'y nabubuhay siya dahil sa kapangyarihan ng Dios. Sapagka't kami naman ay sa kaniya'y mahihina, nguni't kami ay mabubuhay na kasama niya sa kapangyarihan ng Dios sa inyo. 5 Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo'y nangasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi baga ninyo nalalaman sa ganang inyong sarili, na si Jesucristo ay nasa inyo? maliban na nga kung kayo'y itinakuwil na. 6 Nguni't inaasahan ko na inyong mangakikilala na kami ay hindi itinakuwil. 7 Ngayo'y idinadalangin namin sa Dios na kayo'y huwag magsigawa ng masama; hindi upang kami'y mangakitang subok, kundi upang gawin ninyo ang may karangalan, kahit kami'y maging gaya ng itinakuwil. 8 Sapagka't kami'y walang anomang magagawang laban sa katotohanan, kundi ayon sa katotohanan. 9 Sapagka't kami'y natutuwa kung kami'y mahihina, at kayo'y malalakas: at ito naman ang idinadalangin namin, sa makatuwid baga'y ang inyong pagkasakdal. 10 Dahil dito'y sinusulat ko ang mga bagay na ito samantalang ako'y wala sa harapan, upang kung nasa harapan ay huwag akong gumamit ng kabagsikan, ayon sa kapamahalaang ibinibigay sa akin ng Panginoon sa ikatitibay, at hindi sa ikagigiba. 11 Sa katapustapusan, mga kapatid, paalam na. Mangagpakasakdal kayo; mangaaliw kayo; mangagkaisa kayo ng pagiisip; mangabuhay kayo sa kapayapaan: at ang Dios ng pagibig at ng kapayapaan ay sasa inyo. 12 Mangagbatian ang isa't isa sa inyo ng banal na halik. 13 Binabati kayo ng lahat ng mga banal. 14 Ang biyaya ng Panginoong Jesucristo, at ang pagibig ng Dios, at ang pakikipisan ng Espiritu Santo ay sumainyo nawang lahat.
1 Si Pablo, na Apostol (hindi mula sa mga tao, ni sa pamamagitan man ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesucristo, at ng Dios Ama, na siyang sa kaniya'y muling bumuhay;) 2 At ang lahat ng mga kapatid na mga kasama ko, sa mga iglesia ng Galacia: 3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na Ama, at sa ating Panginoong Jesucristo, 4 Na siyang nagbigay sa kaniyang sarili dahil sa ating mga kasalanan, upang tayo'y mailigtas dito sa kasalukuyang masamang sanglibutan, ayon sa kalooban ng ating Dios at Ama: 5 Na sumakaniya ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa. 6 Ako'y namamangha na kay dali ninyong nagsilipat sa ibang evangelio buhat sa tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo; 7 Na ito'y hindi ibang evangelio: kundi mayroong ilan na sa inyo'y nagsisiligalig, at nangagiibig na pasamain ang evangelio ni Cristo. 8 Datapuwa't kahima't kami, o isang anghel na mula sa langit, ang mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba sa aming ipinangangaral sa inyo, ay matakuwil. 9 Ayon sa aming sinabi nang una, ay muling gayon ang aking sinasabi ngayon, Kung ang sinoman ay mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba kay sa inyong tinanggap na, ay matakuwil. 10 Sapagka't ako baga'y nanghihikayat ngayon sa mga tao o sa Dios? o ako baga'y nagsisikap na magbigay-lugod sa mga tao? kung ako'y magbibigay-lugod pa sa mga tao, ay hindi ako magiging alipin ni Cristo. 11 Sapagka't aking ipinatatalastas sa inyo, mga kapatid, tungkol sa evangelio na aking ipinangaral, na ito'y hindi ayon sa tao. 12 Sapagka't hindi ko tinanggap ito sa tao, ni itinuro man sa akin, kundi aking tinanggap sa pamamagitan ng pahayag ni Jesucristo. 13 Sapagka't inyong nabalitaan ang aking pamumuhay nang nakaraang panahon sa relihion ng mga Judio, kung paanong aking inuusig na malabis, at nilipol ang iglesia ng Dios: 14 At ako'y nangunguna sa relihion ng mga Judio ng higit kay sa marami sa aking mga kasing gulang sa aking mga kababayan, palibhasa'y totoong masikap ako sa mga sali't-saling sabi ng aking mga magulang. 15 Nguni't nang magalingin ng Dios na siyang sa akin ay nagbukod, buhat pa sa tiyan ng aking ina, at ako'y tawagin sa pamamagitan ng kaniyang biyaya, 16 Na ihayag ang kaniyang Anak sa akin, upang siya'y aking ipangaral sa gitna ng mga Gentil; pagkaraka'y hindi ako sumangguni sa laman at sa dugo: 17 Ni inahon ko man sa Jerusalem silang mga apostol na nangauna sa akin: kundi sa Arabia ako naparoon; at muling nagbalik ako sa Damasco. 18 Nang makaraan nga ang tatlong taon ay umahon ako sa Jerusalem upang dalawin si Cefas, at natira akong kasama niyang labing-limang araw. 19 Nguni't wala akong nakita sa mga ibang apostol, maliban na kay Santiago na kapatid ng Panginoon. 20 Tungkol nga sa mga bagay na isinusulat ko sa inyo, narito, sa harapan ng Dios, hindi ako nagsisinungaling. 21 Pagkatapos ay naparoon ako sa mga lupain ng Siria at Cilicia. 22 At hindi pa ako nakikilala sa mukha ng mga iglesia ng Judea na pawang kay Cristo. 23 Kundi ang kanila lamang naririnig na pinaguusapan ay, Yaong umuusig sa atin nang una, ngayo'y nangangaral ng pananampalataya na nang ibang panahon ay kaniyang sinisira; 24 At kanilang niluluwalhati ang Dios sa akin.
1 Nang makaraan nga ang labingapat na taon ay umahon akong muli sa Jerusalem na kasama si Bernabe, at isinama ko rin naman si Tito. 2 At ako'y umahon dahil sa pahayag; at isinaysay ko sa harapan nila ang evangelio na aking ipinangangaral sa gitna ng mga Gentil, datapuwa't sa harapan ng mga may dangal ay sa lihim, baka sa anomang paraan ako'y tatakbo, o tumakbo, ng walang kabuluhan. 3 Datapuwa't maging si Tito man na kasama ko, bagama't Griego, ay hindi napilit na patuli. 4 At yaon ay dahil sa mga hindi tunay na kapatid na ipinasok ng lihim, na nagsipasok ng lihim upang tiktikan ang aming kalayaan na taglay namin kay Cristo Jesus, upang kami'y ilagay nila sa pagkaalipin: 5 Sa mga yaon ay hindi kami napahinuhod na supilin kami, kahit isang oras; upang ang katotohanan ng evangelio ay manatili sa inyo. 6 Datapuwa't ang mga wari'y may dangal ng kaunti (maging anoman sila, ay walang anoman sa akin: ang Dios ay hindi tumatanggap ng anyo ninoman) silang may dangal, sinasabi ko, ay hindi nagbahagi sa akin ng anoman: 7 Kundi bagkus nang makita nila na sa akin ay ipinagkatiwala ang evangelio ng di-pagtutuli, gaya rin naman ng pagkakatiwala kay Pedro ng evangelio ng pagtutuli; 8 (Sapagka't ang naghanda kay Pedro sa pagkaapostol sa pagtutuli ay naghanda rin naman sa akin sa pagkaapostol sa mga Gentil); 9 At nang makita nila ang biyayang sa akin ay ipinagkaloob, ang mga kanang kamay ng pakikisama ay ibinigay sa akin at kay Bernabe ni Santiago at ni Cefas at ni Juan, sila na mga inaaring haligi, upang kami ay magsiparoon sa mga Gentil, at sila'y sa pagtutuli; 10 Ang kanila lamang hinihiling ay aming alalahanin ang mga dukha; na ang bagay ring ito'y aking pinagsisikapan gawain. 11 Nguni't nang dumating si Cefas sa Antioquia, ay sumalansang ako sa kaniya ng mukhaan, sapagka't siya'y nararapat hatulan. 12 Sapagka't bago nagsidating ang ilang mula kay Santiago, ay nakisalo siya sa mga Gentil; nguni't nang sila'y magsidating na, siya'y umurong, at humiwalay sa mga Gentil, palibhasa'y natatakot sa mga sa pagtutuli. 13 At ang ibang mga Judio ay nangagpakunwari rin namang kasama niya: ano pa't pati si Bernabe ay nabuyo sa kanilang pagkukunwari. 14 Nguni't nang aking makita na hindi sila nagsisilakad ng matuwid ayon sa katotohanan ng evangelio, sinabi ko kay Cefas sa harapan nilang lahat, Kung ikaw, na Judio, ay namumuhay gaya ng mga Gentil, at di gaya ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Gentil na mamuhay na gaya ng mga Judio? 15 Tayo'y mga Judio sa katutubo, at hindi mga makasalanang Gentil, 16 Bagama't naaalaman na ang tao ay hindi inaaring-ganap sa mga gawang ayon sa kautusan, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi dahil sa mga gawang ayon sa kautusan: sapagka't sa mga gawang ayon sa kautusan ay hindi aariing-ganap ang sinomang laman. 17 Nguni't kung, samantalang ating pinagsisikapan na tayo'y ariing-ganap kay Cristo, ay tayo rin naman ay nangasusumpungang mga makasalanan, si Cristo baga ay ministro ng kasalanan? Huwag nawang mangyari. 18 Kung akin ngang muling itayo ang mga bagay na aking sinira, sa aking sarili ay pinatutunayan ko na ako'y suwail. 19 Sapagka't ako sa pamamagitan ng kautusan ay namatay, sa kautusan, upang ako'y mabuhay sa Dios. 20 Ako'y napako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito'y sa Anak ng Dios, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa akin. 21 Hindi ko niwawalan ng halaga ang biyaya ng Dios: sapagka't kung sa pamamagitan ng kautusan ay ang katuwiran, kung gayo'y si Cristo ay namatay ng walang kabuluhan.
1 Oh mga mangmang na taga Galacia, sino ang mga nagsigayuma sa inyo, na sa harapan ng inyong mga mata'y si Jesucristo, na napako sa krus, ay maliwanag na inihayag? 2 Ito lamang ang ibig kong maalaman sa inyo, Tinanggap baga ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig ng tungkol sa pananampalataya? 3 Napakamangmang na baga kayo? kayong nagpasimula sa Espiritu, ngayo'y nangagpapakasakdal kayo sa laman? 4 Tiniis baga ninyong walang kabuluhan ang lubhang maraming mga bagay? kung tunay na walang kabuluhan. 5 Siya na nagbibigay nga sa inyo ng Espiritu, at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo, ginagawa baga sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pakikinig ng tungkol sa pananampalataya? 6 Gaya nga ni Abraham na sumampalataya sa Dios, at ito'y ibinilang sa kaniya na katuwiran. 7 Talastasin nga ninyo na ang mga sa pananampalataya, ang mga yaon ay mga anak ni Abraham. 8 At sapagka't ipinakita na ng kasulatan, na aariing-ganap ng Dios ang mga Gentil sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ipinangaral na nang una ang evangelio kay Abraham, na sinasabi, Sa iyo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa. 9 Kaya't ang mga sa pananampalataya ay pinagpapala kay Abraham na may pananampalataya. 10 Sapagka't ang lahat na sa mga gawang ayon sa kautusan ay nasa ilalim ng sumpa: sapagka't nasusulat, Sinusumpa ang bawa't hindi nananatili sa lahat ng mga bagay na nasusulat sa aklat ng kautusan, upang gawin nila. 11 Maliwanag nga na sinoman ay hindi inaaring-ganap sa kautusan sa harapan ng Dios; sapagka't, Ang ganap ay mabubuhay sa pananampalataya. 12 At ang kautusan ay hindi sa pananampalataya; kundi, Ang gumaganap ng mga yaon ay mabubuhay sa mga yaon. 13 Sa sumpa ng kautusan ay tinubos tayo ni Cristo, na naging sumpa sa ganang atin; sapagka't nasusulat, Sinusumpa ang bawa't binibitay sa punong kahoy: 14 Upang sa mga Gentil ay dumating ang pagpapala ni Abraham na kay Cristo Jesus; upang sa pamamagitan ng pananampalataya ay tanggapin natin ang pangako ng Espiritu. 15 Mga kapatid, nagsasalita ako ayon sa kaugalian ng mga tao: Bagama't ang pakikipagtipan ay gawa lamang ng tao, gayon ma'y pagka pinagtibay, sinoman ay hindi makapagpapawalang kabuluhan, o makapagdaragdag man. 16 Ngayon kay Abraham nga sinabi ang mga pangako, at sa kaniyang binhi. Hindi sinasabi ng Dios, At sa mga binhi, na gaya baga sa marami; kundi gaya sa iisa lamang, At sa iyong binhi, na si Cristo. 17 Ito nga ang aking sinasabi: Ang isang pakikipagtipang pinagtibay na nang una ng Dios, ay hindi mapawawalang kabuluhan ng kautusan, na sumipot nang makaraan ang apat na raan at tatlongpung taon, ano pa't upang pawalang kabuluhan ang pangako. 18 Sapagka't kung ang mana ay sa pamamagitan ng kautusan, ay hindi na sa pamamagitan ng pangako: datapuwa't ipinagkaloob ng Dios kay Abraham sa pamamagitan ng pangako. 19 Ano nga ang kabuluhan ng kautusan? Idinagdag dahil sa mga pagsalangsang, hanggang sa pumarito ang binhi na siyang pinangakuan; at ito'y iniutos sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan. 20 Ngayon ang isang tagapamagitan ay hindi tagapamagitan ng iisa; datapuwa't ang Dios ay iisa. 21 Ang kautusan nga baga ay laban sa mga pangako ng Dios? Huwag nawang mangyari: sapagka't kung ibinigay sana ang isang kautusang may kapangyarihang magbigay buhay, tunay ngang ang katuwiran sana ay naging dahil sa kautusan. 22 Datapuwa't kinulong ng kasulatan ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kasalanan, upang ang pangako sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo ay maibigay sa mga nagsisisampalataya. 23 Nguni't bago dumating ang pananampalataya, ay nabibilanggo tayo sa ilalim ng kautusan, na nakukulong tayo hanggang sa ang pananampalataya ay ipahahayag pagkatapos. 24 Ano pa't ang kautusan ay siyang naging tagapagturo natin upang ihatid tayo kay Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya. 25 Datapuwa't ngayong dumating na ang pananampalataya, ay wala na tayo sa ilalim ng tagapagturo. 26 Sapagka't kayong lahat ay mga anak ng Dios, sa pamamagitan ng pananampalataya, kay Cristo Jesus. 27 Sapagka't ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo. 28 Walang magiging Judio o Griego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagka't kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus. 29 At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.
2 Datapuwa't nasa ilalim ng mga tagapagampon at ng mga tagapangasiwa hanggang sa panahong itinakda ng ama. 3 Gayon din naman tayo, nang tayo'y mga bata pa, tayo'y nasasakop ng pagkaalipin sa ilalim ng mga pasimulang aral ng sanglibutan. 4 Datapuwa't nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, na ipinanganak sa ilalim ng kautusan, 5 Upang matubos niya ang nangasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkukupkop sa mga anak. 6 At sapagka't kayo'y mga anak, ay sinugo ng Dios ang Espiritu ng kaniyang Anak sa ating mga puso, na sumisigaw, Abba, Ama. 7 Ano pa't hindi ka na alipin, kundi anak; at kung anak, ay tagapagmana ka nga sa pamamagitan ng Dios. 8 Gayon man nang panahong yaon, sa hindi ninyo pagkakilala sa Dios, kayo'y nasa pagkaalipin ng sa katutubo ay hindi mga dios: 9 Datapuwa't ngayon yamang nakikilala na ninyo ang Dios, o ang lalong mabuting sabihin, kayo'y nangakikilala ng Dios, bakit muling nangagbabalik kayo doon sa mahihina at walang bisang mga pasimulang aral, na sa mga yao'y ninanasa ninyong magbalik sa pagkaalipin? 10 Ipinangingilin ninyo ang mga araw, at mga buwan, at mga panahon, at mga taon. 11 Ako'y natatakot tungkol sa inyo, baka sa anomang paraan ay nagpagal ako sa inyo ng walang kabuluhan. 12 Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na kayo'y mangagsitulad sa akin, sapagka't ako'y katulad din ninyo. Wala kayong ginawa sa aking anomang kasamaan. 13 Datapuwa't nalalaman ninyo na dahil sa sakit ng laman, ay ipinangaral ko sa inyo ang evangelio nang pasimula: 14 At yaong sa inyo'y isang tukso sa aking laman ay hindi ninyo inalipusta, ni itinakuwil man; kundi ako'y tinanggap ninyong tulad sa isang anghel ng Dios, tulad kay Cristo Jesus. 15 Saan nga naroon yaong inyong kapalaran? sapagka't pinatototohanan ko sa inyo, na, kung mangyayari, ay inyong dinukit sana ang inyong mga mata at ibinigay sa akin. 16 Kaya nga ako baga'y naging kaaway ninyo, sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan? 17 May nangagmamalasakit sa inyo sa hindi mabuting akala; subali't, ang ibig nila ay ihiwalay kayo, upang ipagmalasakit ninyo sila. 18 Datapuwa't mabuti ang ipagmalasakit sa mabuting bagay sa lahat ng panahon, at hindi lamang samantalang ako'y kaharap ninyo. 19 Maliliit kong mga anak, na muli kong ipinagdaramdam sa panganganak hanggang si Cristo ay mabadha sa inyo. 20 Datapuwa't, ibig kong makaharap ninyo ako ngayon, at baguhin ang aking tinig; sapagka't ako'y nagaalinlangan tungkol sa inyo. 21 Sabihin ninyo sa akin, kayong nagsisipagnasang mapasa ilalim ng kautusan, hindi baga ninyo naririnig ang kautusan? 22 Sapagka't nasusulat, na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, ang isa'y sa aliping babae, at ang isa'y sa babaing malaya. 23 Gayon man ang anak sa alipin ay ipinanganak ayon sa laman; nguni't ang anak sa babaing malaya ay sa pamamagitan ng pangako. 24 Ang mga bagay na ito'y may lamang talinghaga: sapagka't ang mga babaing ito'y dalawang tipan; ang isa'y mula sa bundok ng Sinai, na nanganganak ng mga anak sa pagkaalipin, na ito'y si Agar. 25 Ang Agar ngang ito ay bundok ng Sinai sa Arabia, at ito'y katulad ng Jerusalem ngayon: sapagka't ito'y nasa pagkaalipin kasama ng kaniyang mga anak. 26 Nguni't ang Jerusalem na nasa itaas ay malaya, na siyang ina natin. 27 Sapagka't nasusulat, Magsaya ka, Oh baog na hindi nanganganak; Magbiglang umawit at humiyaw ka, ikaw na hindi nagdaramdam sa panganganak: Sapagka't higit pa ang mga anak ng pinabayaan kay sa mga anak ng may asawa. 28 At tayo, mga kapatid, tulad ni Isaac, ay mga anak sa pangako. 29 Datapuwa't kung papaanong yaong ipinanganak ayon sa laman ay nagusig sa ipinanganak ayon sa espiritu, ay gayon din naman ngayon. 30 Gayon man ano ang sinasabi ng kasulatan? Palayasin ang aliping babae at ang kaniyang anak: sapagka't hindi magmamana ang anak ng babaing alipin na kasama ng anak ng babaing malaya. 31 Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo mga anak ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya.
1 Sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo: magsitibay nga kayo, at huwag na kayong pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin. 2 Narito, akong si Pablo ay nagsasabi sa inyo, na, kung inyong tinatanggap ang pagtutuli, ay wala kayong mapapakinabang na anoman kay Cristo. 3 Oo, pinatotohanan kong muli sa bawa't taong tumatanggap ng pagtutuli, na siya'y may kautangang tumupad ng buong kautusan. 4 Kayo'y hiwalay kay Cristo, kayong nangagiibig na ariing-ganap ng kautusan; nangahulog kayo mula sa biyaya. 5 Sapagka't tayo sa pamamagitan ng Espiritu sa pananampalataya ay naghihintay ng pangako ng katuwiran. 6 Sapagka't kay Cristo Jesus, kahit ang pagtutuli ay walang kabuluhan, kahit man ang di-pagtutuli; kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pagibig. 7 Nagsisitakbo kayong mabuti nang una; sino ang gumambala sa inyo upang kayo'y huwag magsisunod sa katotohanan? 8 Ang paghikayat na ito ay hindi nagmula doon sa tumawag sa inyo. 9 Ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak. 10 Ako'y may pagkakatiwala sa inyo sa Panginoon, na hindi kayo nagsipagisip ng ibang paraan: datapuwa't ang gumagambala sa inyo ay magtataglay ng kaniyang kahatulan, maging sinoman siya. 11 Nguni't ako, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit ako'y pinaguusig pa? kung gayon ay natapos na ang katitisuran sa krus. 12 Ibig ko sana na ang mga nagsisigulo sa inyo ay gumawa ng higit sa pagtutuli. 13 Sapagka't kayo, mga kapatid, ay tinawag sa kalayaan; huwag lamang gamitin ang inyong kalayaan, upang magbigay kadahilanan sa laman, kundi sa pamamagitan ng pagibig ay mangaglingkuran kayo. 14 Sapagka't ang buong kautusan ay natutupad sa isang salita, sa makatuwid ay dito: Iibigin mo ang inyong kapuwa na gaya ng inyong sarili. 15 Nguni't kung kayo-kayo rin ang nangagkakagatan at nangagsasakmalan, magsipagingat kayo na baka kayo'y mangaglipulan sa isa't isa. 16 Sinasabi ko nga, Magsilakad kayo ayon sa Espiritu, at hindi ninyo gagawin ang mga pita ng laman. 17 Sapagka't ang laman ay nagnanasa ng laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagka't ang mga ito ay nagkakalaban; upang huwag ninyong gawin ang bagay na inyong ibigin. 18 Datapuwa't kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, ay wala kayo sa ilalim ng kautusan. 19 At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan, 20 Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, 21 Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios. 22 Datapuwa't ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, 23 Kaamuan, pagpipigil; laban sa mga gayong bagay ay walang kautusan. 24 At ipinako sa krus ng mga na kay Cristo Jesus ang laman na kasama ang mga masasamang pita at mga kahalayan nito. 25 Kung tayo'y nangabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, ay mangagsilakad naman tayo ayon sa Espiritu. 26 Huwag tayong maging mga palalo, na tayo-tayo'y nangagmumungkahian sa isa't isa, nangagiinggitan sa isa't isa.
1 Mga kapatid, kung ang sinoman ay masumpungan sa anomang pagsuway, kayong mga sa espiritu, ay inyong papanumbalikin ang gayon sa espiritu ng kahinhinan; na iyong pagwariin ang iyong sarili, baka ikaw naman ay matukso. 2 Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa't isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo. 3 Sapagka't kung ang sinoman ay nagaakala na siya'y may kabuluhan bagaman siya ay walang kabuluhan, ang kaniyang sarili ang dinadaya niya. 4 Nguni't siyasatin ng bawa't isa ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng kaniyang kapurihan tungkol sa kaniyang sarili lamang, at hindi tungkol sa kapuwa. 5 Sapagka't ang bawa't tao ay magpapasan ng kaniyang sariling pasan. 6 Datapuwa't ang tinuturuan sa aral ng Dios ay makidamay doon sa nagtuturo sa lahat ng mga bagay na mabuti. 7 Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro: sapagka't ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya. 8 Sapagka't ang naghahasik ng sa kaniyang sariling laman ay sa laman magaani ng kasiraan; datapuwa't ang naghahasik ng sa Espiritu ay sa Espiritu magaani ng buhay na walang hanggan. 9 At huwag tayong mangapagod sa paggawa ng mabuti: sapagka't sa kapanahunan ay magsisipagani tayo, kung hindi tayo manganghihimagod. 10 Kaya nga, samantalang tayo'y may pagkakataon, ay magsigawa tayo ng mabuti sa lahat, at lalong lalo na sa mga kasangbahay sa pananampalataya. 11 Tingnan ninyo kung gaano kalalaking mga titik ang isinulat ko sa inyo ng aking sariling kamay. 12 Yaong lahat na may ibig magkaroon ng isang mabuting anyo sa laman, ay siyang pumipilit sa inyo na mangagtuli; upang huwag lamang silang pagusigin dahil sa krus ni Cristo. 13 Sapagka't yaon mang nangatuli na ay hindi rin nagsisitupad ng kautusan; nguni't ibig nilang kayo'y ipatuli, upang sila'y mangagmapuri sa inyong laman. 14 Datapuwa't malayo nawa sa akin ang pagmamapuri, maliban na sa krus ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niyao'y ang sanglibutan ay napako sa krus sa ganang akin, at ako'y sa sanglibutan. 15 Sapagka't ang pagtutuli ay walang anoman, kahit man ang di-pagtutuli, kundi ang bagong nilalang. 16 At ang lahat na mangagsisilakad ayon sa alituntuning ito, kapayapaan at kaawaan nawa ang sumakanila, at sa Israel ng Dios. 17 Buhat ngayon sinoman ay huwag bumagabag sa akin; sapagka't dala kong nakalimbag sa aking katawan ang mga tanda ni Jesus. 18 Mga kapatid, ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawang espiritu. Siya nawa.
1 Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, sa mga banal na nangasa Efeso, at sa mga tapat kay Cristo Jesus: 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo. 3 Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na siyang nagpala sa atin ng bawa't pagpapalang ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo: 4 Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig: 5 Na tayo'y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban, 6 Sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na sa atin ay ipinagkaloob na masagana sa Minamahal: 7 Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya, 8 Na pinasagana niya sa atin, sa buong karunungan at katalinuhan, 9 Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin. 10 Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko, 11 Tayo rin naman sa kaniya ay ginawang mana, na itinalaga na niya tayo nang una pa ayon sa pasiya niyaong gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa pasiya ng kaniyang kalooban; 12 Upang tayo'y maging kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian, tayong nagsiasa nang una kay Cristo: 13 Na sa kaniya'y kayo rin naman, pagkarinig ng aral ng katotohanan, ng evangelio ng inyong kaligtasan, na sa kaniya rin naman, mula nang kayo'y magsisampalataya, ay kayo'y tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako, 14 Na siyang patotoo sa ating mana, hanggang sa ikatutubos ng sariling pag-aari ng Dios, sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian. 15 Dahil dito ako rin naman, pagkarinig ng pananampalataya sa Panginoong Jesus na nasa inyo, at ng pagibig na inyong ipinakita sa lahat ng mga banal, 16 Ay hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat dahil sa inyo, na aking binabanggit kayo sa aking mga panalangin; 17 Upang ipagkaloob sa inyo ng Dios ng ating Panginoong Jesucristo, ng Ama ng kaluwalhatian, ang espiritu ng karunungan at ng pahayag sa pagkakilala sa kaniya; 18 Yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang maalaman ninyo kung ano ang pagasa sa kaniyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa mga banal, 19 At kung ano ang dakilang kalakhan ng kaniyang kapangyarihan sa ating nagsisisampalataya, ayon sa gawa ng kapangyarihan ng kaniyang lakas, 20 Na kaniyang ginawa kay Cristo, nang ito'y kaniyang buhaying maguli sa mga patay, at pinaupo sa kaniyang kanan sa sangkalangitan, 21 Sa kaibaibabawan ng lahat na pamunuan, at kapamahalaan, at kapangyarihan, at pagkasakop, at sa bawa't pangalan na ipinangungusap, hindi lamang sa sanglibutang ito, kundi naman sa darating: 22 At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia, 23 Na siyang katawan niya, na kapuspusan niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat.
1 At kayo'y binuhay niya, nang kayo'y mga patay dahil sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan, 2 Na inyong nilakaran noong una ayon sa lakad ng sanglibutang ito, ayon sa pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway; 3 Sa gitna ng mga yaon, tayo rin naman, ng ibang panahon ay nangabubuhay sa mga kahalayan ng ating laman, na ating ginagawa ang mga pita ng laman at ng pagiisip, at tayo noo'y katutubong mga anak ng kagalitan, gaya naman ng mga iba: 4 Nguni't ang Dios, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa kaniyang malaking pagibig na kaniyang iniibig sa atin, 5 Bagama't tayo'y mga patay dahil sa ating mga kasalanan, tayo'y binuhay na kalakip ni Cristo (sa pamamagitan ng biyaya kayo'y nangaligtas), 6 At tayo'y ibinangong kalakip niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus: 7 Upang sa mga panahong darating ay maihayag niya ang dakilang kayamanan ng kaniyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin kay Cristo Jesus: 8 Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios; 9 Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri. 10 Sapagka't tayo'y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran. 11 Kaya nga alalahanin ninyo, na kayo noong una, mga Gentil sa laman, tinatawag na Di-pagtutuli niyaong tinatawag na Pagtutuli sa laman, na ginawa ng mga kamay: 12 Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan. 13 Datapuwa't ngayon kay Cristo Jesus kayo na noong panahon ay nalalayo ay inilapit sa dugo ni Cristo. 14 Sapagka't siya ang ating kapayapaan, na kaniyang pinagisa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay, 15 Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan; 16 At upang papagkasunduin silang dalawa sa isang katawan sa Dios sa pamamagitan ng krus, na sa kaniya'y pinatay ang pagkakaalit. 17 At siya'y naparito at ipinangaral ang kapayapaan sa inyong nalalayo, at ang kapayapaan sa nangalalapit: 18 Sapagka't sa pamamagitan niya tayo'y may pagpasok sa isang Espiritu rin sa Ama. 19 Kaya nga hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo'y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios, 20 Na mga itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok; 21 Na sa kaniya'y ang buong gusali, na nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging isang templong banal sa Panginoon; 22 Na sa kaniya'y itinayo naman kayo upang maging tahanan ng Dios sa Espiritu.
1 Dahil dito, akong si Pablo, na bilanggo ni Cristo Jesus dahil sa inyong mga Gentil, 2 Kung tunay na inyong narinig yaong pagiging katiwala sa biyaya ng Dios na sa akin ay ibinigay sa ikagagaling ninyo; 3 Kung paanong sa pahayag ay ipinakilala sa akin ang hiwaga, gaya ng isinulat ko nang una sa ilang salita. 4 Sa pamamagitan niyaon, sa pagbasa ninyo, ay inyong mapagtatalastas ang aking pagkakilala sa hiwaga ni Cristo; 5 Na nang ibang panahon ay hindi ipinakilala sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag sa kaniyang mga banal na apostol at propeta sa Espiritu; 6 Na ang mga Gentil ay mga tagapagmana, at mga kasangkap ng katawan, at mga may bahagi sa pangako na kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng evangelio, 7 Na dito'y ginawa akong ministro, ayon sa kaloob ng biyayang yaon ng Dios na sa akin ay ibinigay ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan. 8 Sa akin, na ako ang kababababaan sa lahat ng lalong mababa sa mga banal, ay ibinigay ang biyayang ito, upang ipangaral sa mga Gentil ang mga di malirip na mga kayamanan ni Cristo; 9 At maipakita sa lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Dios na lumalang ng lahat ng mga bagay; 10 Upang ngayo'y sa pamamagitan ng iglesia, ay maipakikilala sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sa sangkalangitan ang kapuspusan ng karunungan ng Dios, 11 Ayon sa panukalang walang hanggan na ipinanukala kay Cristo Jesus na Panginoon natin: 12 Na sa kaniya'y mayroon tayong lakas ng loob at pagpasok na may pagasa sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kaniya. 13 Kaya nga ipinamamanhik ko na huwag kayong manglupaypay sa mga kapighatian ko dahil sa inyo, na pawang kapurihan ninyo. 14 Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama, 15 Na sa kaniya'y kumukuha ng pangalan ang bawa't sangbahayan sa langit at sa lupa, 16 Upang sa inyo'y ipagkaloob niya, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu sa pagkataong loob; 17 Na si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya; upang kung kayo'y magugat at magtumibay sa pagibig. 18 Ay lumakas upang matalastas pati ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang at ang haba at ang taas at lalim, 19 At makilala ang pagibig ni Cristo na di masayod ng kaalaman, upang kayo'y mangapuspos hanggang sa buong kapuspusan ng Dios. 20 Ngayon sa makapangyarihang gumawa ng lubhang sagana ng higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin, 21 Ay sumakaniya nawa ang kaluwalhatian sa iglesia at kay Cristo Jesus sa buong panahon magpakailan man. Siya nawa.
1 Namamanhik nga sa inyo akong bilanggo sa Panginoon, na kayo'y magsilakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag, 2 Ng buong kapakumbabaan at kaamuan, na may pagpapahinuhod, na mangagbatahan kayo-kayo sa pagibig; 3 Na pagsakitan ninyong ingatan ang pakikipagkaisa sa Espiritu sa tali ng kapayapaan. 4 May isang katawan, at isang Espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang pagasa ng pagtawag sa inyo; 5 Isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo, 6 Isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat. 7 Datapuwa't ang bawa't isa sa atin ay binigyan ng biyaya ayon sa sukat na kaloob ni Cristo. 8 Kaya't sinasabi niya, Nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang bihag ang pagkabihag, At nagbigay ng mga kaloob sa mga tao. 9 (Ngayon ito, Umakyat Siya, ano ito, kundi siya'y bumaba rin naman sa mga dakong kalaliman ng lupa? 10 Ang bumaba ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng buong sangkalangitan, upang kaniyang mapuspos ang lahat ng mga bagay.) 11 At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba'y propeta; at ang mga iba'y evangelista; at ang mga iba'y pastor at mga guro; 12 Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo: 13 Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo: 14 Upang tayo'y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito't doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian; 15 Kundi sa pagsasalita ng katotohanan na may pagibig, ay mangagsilaki sa lahat ng mga bagay sa kaniya, na siyang pangulo, sa makatuwid baga'y si Cristo; 16 Na dahil sa kaniya'y ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakalakip sa pamamagitan ng tulong ng bawa't kasukasuan, ayon sa paggawang nauukol sa bawa't iba't ibang sangkap, ay nagpapalaki sa katawan sa ikatitibay ng kaniyang sarili sa pagibig. 17 Ito nga ang sinasabi ko, at sinasaksihan sa Panginoon, na kayo'y hindi na nagsisilakad pa na gaya naman ng lakad ng mga Gentil, sa pagpapalalo sa kanilang pagiisip, 18 Na sa kadiliman ng kanilang pagiisip, ay nangahiwalay sa buhay ng Dios, dahil sa kahangalang nasa kanila, dahil sa pagmamatigas ng kanilang puso; 19 Na sila sa di pagkaramdam ng kahihiyan ay napahikayat sa kalibugan, upang kalakalin ang lahat ng karumihan ng buong kasakiman. 20 Nguni't kayo'y hindi nangatuto ng ganito kay Cristo; 21 Kung tunay na siya'y inyong pinakinggan, at kayo'y tinuruan sa kaniya, gaya ng katotohanan na kay Jesus. 22 At inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya; 23 At kayo'y mangagbago sa espiritu ng inyong pagiisip, 24 At kayo'y mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Dios ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan. 25 Kaya nga, pagkatakuwil ng kasinungalingan, ay magsasalita ang bawa't isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa: sapagka't tayo'y mga sangkap na isa't isa sa atin. 26 Kayo'y mangagalit at huwag kayong mangakasala: huwag lumubog ang araw sa inyong galit: 27 Ni bigyan daan man ang diablo. 28 Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa: bagkus magpagal, na igawa ang kaniyang mga kamay ng mabuting bagay, upang siya'y may maibigay sa nangangailangan. 29 Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuting ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nagsisipakinig. 30 At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Dios, na sa kaniya kayo'y tinatakan hanggang sa kaarawan ng pagkatubos. 31 Ang lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit, at kadaldalan, at panglilibak, ay mangaalis nawa sa inyo, pati ng lahat ng masasamang akala: 32 At magmagandang-loob kayo sa isa't isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo sa isa't isa, gaya naman ng pagpapatawad sa inyo ng Dios kay Cristo.
1 Kayo nga'y magsitulad sa Dios, na gaya ng mga anak na minamahal; 2 At magsilakad kayo sa pagibig, gaya rin naman ng pagibig ni Cristo sa inyo, at ibinigay dahil sa atin ang kaniyang sarili, na hain at handog sa Dios upang maging samyo ng masarap na amoy. 3 Nguni't ang pakikiapid, at ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag man lamang masambit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal; 4 O ang karumihan man, o mga mangmang na pananalita, o ang mga pagbibiro, na di nangararapat: kundi kayo'y magpasalamat. 5 Sapagka't talastas ninyong lubos, na sinomang mapakiapid, o mahalay, o masakim, na isang mapagsamba sa mga diosdiosan, ay walang anomang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Dios. 6 Huwag kayong madaya ng sinoman ng mga salitang walang kabuluhan: sapagka't dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Dios sa mga anak ng pagsuway. 7 Huwag kayong makibahagi sa kanila; 8 Sapagka't noong panahon kayo'y kadiliman, datapuwa't ngayon kayo'y kaliwanagan sa Panginoon: magsilakad kayong gaya ng mga anak ng kaliwanagan: 9 (Sapagka't ang bunga ng kaliwanagan ay nabubuo ng kabutihan at katuwiran at katotohanan), 10 Na inyong pinatutunayan ang kinalulugdan ng Panginoon; 11 At huwag kayong makibahagi sa mga walang mapapakinabang na gawa ng kadiliman, kundi bagkus inyong sawatain; 12 Sapagka't ang mga bagay na ginagawa nila sa lihim ay mahalay na salitain man lamang. 13 Datapuwa't ang lahat ng mga bagay pagka sawata ay itinatanyag ng kaliwanagan: sapagka't ang lahat ng mga bagay na itinatanyag ay kaliwanagan. 14 Kaya sinasabi niya, Gumising kang natutulog, at magbangon ka sa gitna ng mga patay, at liliwanagan ka ni Cristo. 15 Mangagingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong; 16 Na inyong samantalahin ang panahon, sapagka't ang mga araw ay masasama. 17 Kaya huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18 At huwag kayong magsipaglasing ng alak na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo'y mangapuspos ng Espiritu; 19 Na kayo'y mangagusapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na nangagaawitan at nangagpupuri sa inyong mga puso sa Panginoon; 20 Na kayo'y laging magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo sa Dios na ating Ama; 21 Na pasakop kayo sa isa't isa sa takot kay Cristo. 22 Mga babae, pasakop kayo sa inyo-inyong sariling asawa, na gaya ng sa Panginoon. 23 Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan. 24 Datapuwa't kung paanong ang iglesia ay nasasakop ni Cristo, ay gayon din naman ang mga babae ay pasakop sa kani-kaniyang asawa sa lahat ng mga bagay. 25 Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya; 26 Upang kaniyang pakabanalin ito, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may salita, 27 Upang ang iglesia ay maiharap sa kaniyang sarili na maluwalhati, na walang dungis o kulubot o anomang gayong bagay; kundi ito'y nararapat maging banal at walang kapintasan. 28 Gayon din naman nararapat ibigin ng mga lalake ang kani-kaniyang sariling asawa, na gaya ng kanilang sariling mga katawan. Ang umiibig sa kaniyang sariling asawa ay umiibig sa kaniyang sarili: 29 Sapagka't walang sinoman na napoot kailan man sa kaniyang sariling katawan; kundi kinakandili at minamahal, gaya naman ni Cristo sa iglesia; 30 Sapagka't tayo ay mga sangkap ng kaniyang katawan. 31 Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman. 32 Ang hiwagang ito ay dakila: datapuwa't sinasalita ko ang tungkol kay Cristo at tungkol sa iglesia. 33 Gayon man ay umibig naman ang bawa't isa sa inyo sa kani-kaniyang sariling asawa gaya ng sa kaniyang sarili; at ang babae ay gumalang sa kaniyang asawa.
1 Mga anak, magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon: sapagka't ito'y matuwid. 2 Igalang mo ang iyong ama at ina (na siyang unang utos na may pangako), 3 Upang yumaon kang mabuti, at ikaw ay mabuhay na malaon sa lupa. 4 At, kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak: kundi inyong turuan sila ayon sa saway at aral ng Panginoon. 5 Mga alipin, magsitalima kayo sa mga yaong ayon sa laman ay inyong mga panginoon, na may takot at panginginig, sa katapatan ng inyong puso, na gaya ng kay Cristo; 6 Hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao; kundi bagkus gaya ng mga alipin ni Cristo, na ginagawa mula sa puso ang kalooban ng Dios; 7 Maglingkod na may mabuting kalooban, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao: 8 Yamang napagaalaman na anomang mabuting bagay na gawin ng bawa't isa, ay gayon din ang muling tatanggapin niya sa Panginoon, maging alipin o laya. 9 At kayong mga panginoon, gayon din ang inyong gawin sa kanila, at iwan ninyo ang mga pagbabala: yamang napagaalaman na ang Panginoon nila at ninyo ay nasa langit, at sa kaniya'y walang itinatanging tao. 10 Sa katapustapusa'y magpakalakas kayo sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan. 11 Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo. 12 Sapagka't ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan. 13 Dahil dito magsikuha kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y mangakatagal sa araw na masama, at kung magawa ang lahat, ay magsitibay. 14 Magsitibay nga kayo, na ang inyong mga baywang ay may bigkis na katotohanan, na may sakbat na baluti ng katuwiran, 15 At ang inyong mga paa ay may panyapak na paghahanda ng evangelio ng kapayapaan; 16 Bukod dito ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat ng nangagniningas na suligi ng masama. 17 At magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan, at ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios: 18 Na magsipanalangin kayo sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaan at daing na patungkol sa lahat ng mga banal, 19 At sa akin, upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubuka ng aking bibig, upang ipakilalang may katapangan ang hiwaga ng evangelio, 20 Na dahil dito ako'y isang sugong natatanikalaan; upang sa ganito ako'y magsalita na may katapangan gaya ng nararapat na aking salitain. 21 Datapuwa't upang mangaalaman ninyo naman ang mga bagay na ukol sa akin, at ang kalagayan ko, si Tiquico na aking minamahal na kapatid at tapat na ministro sa Panginoon, ay siyang magpapakilala sa inyo ng lahat ng mga bagay: 22 Na siyang aking sinugo sa inyo sa bagay na ito, upang makilala ninyo ang aming kalagayan, at upang kaniyang aliwin ang inyong mga puso. 23 Kapayapaan nawa sa mga kapatid, at pagibig na may pananampalataya, mula sa Dios Ama at sa Panginoong Jesucristo. 24 Ang biyaya nawa'y sumalahat ng mga nagsisiibig sa ating Panginoong Jesucristo ng pagibig na walang pagkasira. Siya nawa.
1 Si Pablo at si Timoteo, na mga alipin ni Cristo Jesus, sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nangasa Filipos, pati ng mga obispo at ng mga diakono: 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo. 3 Ako'y nagpapasalamat sa aking Dios, sa tuwing kayo'y aking naaalaala, 4 Na parating sa bawa't daing ko, ay masayang nananaing ako na patungkol sa inyong lahat, 5 Dahil sa inyong pakikisama sa pagpapalaganap ng evangelio, mula nang unang araw hanggang ngayon; 6 Na ako'y may lubos na pagkakatiwala sa bagay na ito, na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa, ay lulubusin hanggang sa araw ni Jesucristo: 7 Gaya ng matuwid na aking isiping gayon tungkol sa inyong lahat, sapagka't kayo'y nasa aking puso, palibhasa'y, sa aking mga tanikala at pagsasanggalang at sa pagpapatunay naman sa evangelio, kayong lahat na kasama ko ay may bahagi sa biyaya. 8 Sapagka't saksi ko ang Dios, kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat sa mahinahong habag ni Cristo Jesus. 9 At ito'y idinadalangin ko, na ang inyong pagibig ay lalo't lalo pang sumagana nawa sa kaalaman at sa lahat ng pagkakilala; 10 Upang inyong kilalanin ang mga bagay na magagaling; upang kayo'y maging mga tapat at walang kapintasan hanggang sa kaarawan ni Cristo; 11 Na mangapuspos ng bunga ng kabanalan, na ito'y sa pamamagitan ni Jesucristo, sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Dios. 12 Ngayon ibig ko na inyong maalaman, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nangyari sa lalong ikasusulong ng evangelio; 13 Ano pa't ang aking mga tanikala kay Cristo ay nahayag sa lahat ng mga bantay ng pretorio, at sa mga iba't iba pa; 14 At ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na palibhasa'y may pagkakatiwala sa aking mga tanikala, ay lalong nagkaroon ng tapang upang salitaing walang takot ang salita ng Dios. 15 Tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo sa kapanaghilian at sa pakikipagtalo; at ng mga iba naman sa mabuting kalooban: 16 Ang isa'y gumagawa nito sa pagibig, palibhasa'y nalalaman na ako'y nalalagay sa pagsasanggalang ng evangelio; 17 Datapuwa't itinatanyag ng iba si Cristo dahil sa pagkakampikampi, hindi sa pagtatapat, na ang iniisip ay dalhan ako ng kapighatian sa aking mga tanikala. 18 Ano nga? gayon man, sa lahat ng paraan, maging sa pagdadahilan o sa katotohanan, ay itinatanyag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako, oo, at ako'y magagalak. 19 Sapagka't nalalaman ko na ang kahihinatnan nito'y sa aking ikaliligtas, sa pamamagitan ng inyong pananaing at kapuspusan ng Espiritu ni Cristo, 20 Ayon sa aking maningas na paghihintay at pagasa, na, sa anoma'y hindi ako mapapahiya, kundi sa buong katapangan, na gaya ng dati, gayon din naman ngayon, ay dadakilain si Cristo sa aking katawan, maging sa pamamagitan ng kabuhayan, o sa pamamagitan ng kamatayan. 21 Sapagka't sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang. 22 Nguni't kung ang mabuhay sa laman ay siya kong palad, ito'y magiging mabungang pagpapagal, na aywan ko nga kung ano ang aking pipiliin. 23 Sapagka't ako'y nagigipit sa magkabila, akong may nasang umalis at suma kay Cristo; sapagka't ito'y lalong mabuti: 24 Gayon ma'y ang manatili sa laman ay siyang lalong kinakailangan dahil sa inyo. 25 At sa pagkakatiwalang ito, ay aking nalalaman na ako'y mananatili, oo, at mananatili ako na kasama ninyong lahat, sa ikasusulong ninyo at ikagagalak sa pananampalataya; 26 Upang managana ang inyong pagmamapuri kay Cristo Jesus sa akin sa pamamagitan ng aking pagharap na muli sa inyo. 27 Ang inyo lamang pamumuhay ay maging karapatdapat sa evangelio ni Cristo: upang, maging ako ay dumating at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo, ay mabalitaan ko ang inyong kalagayan, na kayo'y matitibay sa isang espiritu, na kayo'y mangagkaisa ng kaluluwa na nangagsisikap sa pananampalataya sa evangelio; 28 At sa anoman ay huwag kayong mangatakot sa mga kaaway: na ito sa kanila ay malinaw na tanda ng kapahamakan, datapuwa't tanda ng inyong pagkaligtas, at ito'y mula sa Dios; 29 Sapagka't sa inyo'y ipinagkaloob alangalang kay Cristo, hindi lamang upang manampalataya sa kaniya, kundi upang magtiis din naman alangalang sa kaniya: 30 Yamang taglay ninyo ang pakikipagbuno na inyong nakita rin sa akin, at ngayo'y nababalitaan ninyong taglay ko.
1 Kaya nga kung mayroong anomang kasiglahan kay Cristo, kung mayroong anomang kaaliwan ng pagibig, kung mayroong anomang pakikisama ng Espiritu, kung mayroong anomang mahinahong awa at habag, 2 Ay lubusin ninyo ang aking katuwaan, upang kayo'y mangagkaisa ng pagiisip, mangagtaglay ng isa ring pagibig, na mangagkaisa ng akala, at isa lamang pagiisip; 3 Na huwag ninyong gawin ang anoman sa pamamagitan ng pagkakampikampi o sa pamamagitan ng pagpapalalo, kundi sa kababaan ng pagiisip, na ipalagay ng bawa't isa ang iba na lalong mabuti kay sa kaniyang sarili; 4 Huwag tingnan ng bawa't isa sa inyo ang sa kaniyang sarili, kundi ang bawa't isa naman ay sa iba't iba. 5 Mangagkaroon kayo sa inyo ng pagiisip, na ito'y na kay Cristo Jesus din naman: 6 Na siya, bagama't nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios, 7 Kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao: 8 At palibhasa'y nasumpungan sa anyong tao, siya'y nagpakababa sa kaniyang sarili, na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus. 9 Kaya siya naman ay pinakadakila ng Dios, at siya'y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan; 10 Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa, 11 At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama. 12 Kaya nga, mga minamahal ko, kung paano ang inyong laging pagsunod, na hindi lamang sa harapan ko, kundi bagkus pa ngayong ako'y wala, ay lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas na may takot at panginginig; 13 Sapagka't Dios ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban. 14 Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay na walang mga bulungbulong at pagtatalo: 15 Upang kayo'y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Dios na walang dungis sa gitna ng isang lahing liko at masama, na sa gitna nila'y lumiliwanag kayong tulad sa mga ilaw sa sanglibutan, 16 Na nagpapahayag ng salita ng kabuhayan; upang may ipagkapuri ako sa kaarawan ni Cristo, na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal man nang walang kabuluhan. 17 Oo, kahit ako'y maging hain sa paghahandog at paglilingkod ng inyong pananampalataya, ako'y nakikipagkatuwa, at nakikigalak sa inyong lahat: 18 At sa ganyan ding paraan kayo'y nakikipagkatuwa naman, at nakikigalak sa akin. 19 Datapuwa't inaasahan ko sa Panginoong Jesus na suguing madali sa inyo si Timoteo, upang ako naman ay mapanatag, pagkaalam ko ng inyong kalagayan. 20 Sapagka't walang taong katulad ko ang pagiisip na magmamalasakit na totoo sa inyong kalagayan. 21 Sapagka't pinagsisikapan nilang lahat ang sa kanilang sarili, hindi ang mga bagay ni Jesucristo. 22 Nguni't nalalaman ninyo ang pagkasubok sa kaniya na gaya ng paglilingkod ng anak sa ama, ay gayon naglilingkod siyang kasama ko sa ikalalaganap ng evangelio. 23 Siya nga ang aking inaasahang suguin madali, pagkakita ko kung ano ang mangyayari sa akin: 24 Datapuwa't umaasa ako sa Panginoon, na diya'y makararating din naman akong madali. 25 Nguni't inakala kong kailangang suguin sa inyo si Epafrodito, na aking kapatid at kamanggagawa, at kapuwa kawal at inyong sugo at katiwala sa aking kailangan. 26 Yamang siya'y nananabik sa inyong lahat, at totoong siya'y namanglaw, sapagka't inyong nabalitaan na siya'y may-sakit: 27 Katotohanan ngang nagkasakit siya na malapit na sa kamatayan: nguni't kinahabagan siya ng Dios; at hindi lamang siya kundi pati ako, upang ako'y huwag magkaroon ng sapinsaping kalumbayan. 28 Siya nga'y sinugo kong may malaking pagpipilit, upang, pagkakitang muli ninyo sa kaniya, kayo'y mangagalak, at ako'y mabawasan ng kalumbayan. 29 Tanggapin nga ninyo siya sa Panginoon ng buong galak; at ang gayon ay papurihan ninyo: 30 Sapagka't dahil sa pagpapagal kay Cristo ay nalapit siya sa kamatayan, na isinasapanganib ang kaniyang buhay upang punan ang kakulangan sa inyong paglilingkod sa akin.
1 Sa katapustapusan, mga kapatid ko, mangagalak kayo sa Panginoon. Ang pagsulat ko nga sa inyo ng mga gayon ding bagay, sa akin ay tunay na hindi nakangangalay, nguni't sa inyo'y katiwasayan. 2 Magsipagingat kayo sa mga aso, magsipagingat kayo sa masasamang manggagawa, magsipagingat kayo sa mga sa pagtutuli: 3 Sapagka't tayo ang pagtutuli, na nagsisisamba sa Espiritu ng Dios, at nangagmamapuri kay Cristo Jesus, at walang anomang pagkakatiwala sa laman: 4 Bagama't ako'y makapagkakatiwala sa laman: na kung ang iba ay nagaakala na may pagkakatiwala sa laman, ay lalo na ako: 5 Na tinuli ng ikawalong araw, mula sa lahi ng Israel, mula sa angkan ni Benjamin, Hebreo sa mga Hebreo; tungkol sa kautusan, ay Fariseo; 6 Tungkol sa pagsisikap, ay manguusig sa iglesia; tungkol sa kabanalan na nasa kautusan, ay walang kapintasan. 7 Gayon man ang mga bagay na sa akin ay pakinabang, ay inari kong kalugihan, alangalang kay Cristo. 8 Oo nga, at lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Cristo Jesus na Panginoon ko: na alangalang sa kaniya'y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong sukal lamang, upang tamuhin ko si Cristo, 9 At ako'y masumpungan sa kaniya, na walang katuwirang aking sarili, sa makatuwid baga'y sa kautusan, kundi ang katuwirang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwiran ngang buhat sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya: 10 Upang makilala ko siya, at ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay na maguli, at ang pakikisama ng kaniyang mga kahirapan, na ako'y natutulad sa kaniyang pagkamatay; 11 Kung aking tamuhin sa anomang paraan ang pagkabuhay na maguli sa mga patay. 12 Hindi sa ako'y nagtamo na, o ako'y nalubos na: kundi nagpapatuloy ako, baka sakaling maabot ko yaong ikinaaabot naman sa akin ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko pa inaaring inabot: datapuwa't isang bagay ang ginagawa ko, na nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap, 14 Nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus. 15 Kaya nga, kung ilan tayong mga sakdal, ay magisip ng gayon: at kung sa anoma'y nangagkakaiba kayo ng iniisip ay ipahahayag naman ito sa inyo ng Dios: 16 Lamang, ay magsilakad tayo ayon sa gayon ding ayos na ating inabot na. 17 Mga kapatid, kayo'y mangagkaisang tumulad sa akin, at tandaan ninyo ang mga nagsisilakad ng gayon, ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa akin. 18 Sapagka't marami ang mga nagsisilakad, na siyang madalas na aking sinabi sa inyo, at ngayo'y sinasabi ko sa inyo na may pagiyak, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo: 19 Na ang kanilang kahihinatnan ay ang kapahamakan, na ang kanilang dios ay ang tiyan, at ang kanilang kapurihan ay nasa kanilang kahihiyan, na nagiisip ng mga bagay na ukol sa lupa. 20 Sapagka't ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula doon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo: 21 Na siyang magbabago ng katawan ng ating pagkamababa, upang maging katulad ng katawan ng kaniyang kaluwalhatian, ayon sa paggawa na maipagpapasuko niya sa lahat ng mga bagay sa kaniya.
1 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking katuwaan at putong, magsitibay nga kayo sa Panginoon, mga minamahal ko. 2 Ipinamamanhik ko kay Euodias, at ipinamamanhik ko kay Sintique, na mangagkaisa ng pagiisip sa Panginoon. 3 Oo, ipinamamanhik ko rin naman sa iyo, tapat na kasama sa pagtulong, na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagka't sila'y nangagpagal na kasama ko sa evangelio, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nangasa aklat ng buhay. 4 Mangagalak kayong lagi sa Panginoon: muli kong sasabihin, Mangagalak kayo. 5 Makilala nawa ang inyong kahinhinan ng lahat ng mga tao. Ang Panginoon ay malapit na. 6 Huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios. 7 At ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip, ay magiingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pagiisip kay Cristo Jesus. 8 Katapustapusan, mga kapatid, anomang bagay na katotohanan, anomang bagay na kagalanggalang, anomang bagay na matuwid, anomang bagay na malinis, anomang bagay na kaibigibig, anomang bagay na mabuting ulat; kung may anomang kagalingan, at kung may anomang kapurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito. 9 Ang mga bagay na inyong natutuhan at tinanggap at narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo: at ang Dios ng kapayapaan ay sasa inyo. 10 Datapuwa't ako'y totoong nagagalak sa Panginoon, na ngayon sa kahulihulihan ay inyong binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na dito'y katotohanang nangagkaroon kayo ng malasakit, nguni't kayo'y nagkulang ng mabuting pagkakataon. 11 Hindi sa sinasabi ko ang tungkol sa kailangan: sapagka't aking natutuhan ang masiyahan sa anomang kalagayang aking kinaroroonan. 12 Marunong akong magpakababa, at marunong naman akong magpakasagana: sa bawa't bagay at sa lahat ng bagay ay natutuhan ko ang lihim maging sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan. 13 Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon sa nagpapalakas sa akin. 14 Gayon man ay mabuti ang inyong ginawa na kayo'y nakiramay sa aking kapighatian. 15 At kayo mga taga Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimulan ang evangelio, nang ako'y umalis sa Macedonia, alin mang iglesia ay walang nakipagkaisa sa akin sa pagkakaloob at pagtanggap kundi kayo lamang; 16 Sapagka't sa Tesalonica ay nagpadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan. 17 Hindi sa ako'y naghahanap ng kaloob; kundi hinahanap ko ang bunga na dumadami sa ganang inyo. 18 Datapuwa't mayroon ako ng lahat ng bagay, at sumasagana: ako'y busog, palibhasa'y tumanggap kay Epafrodito ng mga bagay na galing sa inyo, na isang samyo ng masarap na amoy, isang handog na kaayaaya, na lubhang nakalulugod sa Dios. 19 At pupunan ng aking Dios ang bawa't kailangan ninyo ayon sa kaniyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus. 20 Ngayon nawa'y suma ating Dios at Ama ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa. 21 Batiin ninyo ang bawa't banal kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko. 22 Binabati kayo ng lahat ng mga banal, lalong lalo na ng mga kasangbahay ni Cesar. 23 Ang biyaya ng Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawang espiritu.
1 Si Pablo, na apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at ang kapatid nating si Timoteo, 2 Sa mga banal at tapat na mga kapatid kay Cristo, na nangasa sa Colosas: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama. 3 Nagpapasalamat kami sa Dios, na Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na kayo'y laging idinadalangin, 4 Nang nabalitaan namin ng inyong pananampalataya kay Cristo Jesus, at ang pagibig ninyo sa lahat ng mga banal, 5 Dahil sa pagasa na natataan para sa inyo sa langit, na nang una ay inyong narinig sa salita ng katotohanan ng evangelio, 6 Na ito'y dumating sa inyo; gayon din naman kung paano sa buong sanglibutan na namumunga at lumalaganap, gaya rin naman sa inyo, mula nang araw na inyong marinig at maalaman ang biyaya ng Dios sa katotohanan; 7 Ayon sa inyong natutuhan kay Epafras na aming minamahal na kasamang lingkod, na isang tapat na ministro ni Cristo, sa ganang atin; 8 Na siya rin namang sa amin ay nagbalita ng inyong pagibig sa Espiritu. 9 Dahil dito'y kami naman, mula nang araw na aming marinig ito, ay hindi kami nagsisitigil ng pananalangin at ng paghingi na patungkol sa inyo, upang kayo'y puspusin ng kaalaman ng kaniyang kalooban, sa buong karunungan at pagkaunawa ayon sa espiritu, 10 Upang kayo'y magsilakad ng nararapat sa Panginoon, sa buong ikalulugod niya, at magsipamunga sa bawa't gawang mabuti, at magsilago sa kaalaman ng Dios; 11 Na kayo'y palakasin ng buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kaniyang kaluwalhatian, sa buong pagtitiis at pagpapahinuhod na may galak; 12 Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan; 13 Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig; 14 Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan: 15 Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang; 16 Sapagka't sa kaniya nilalang ang lahat na mga bagay, sa sangkalangitan at sa sangkalupaan, na mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di nakikita, maging mga luklukan o mga pagsakop o mga pamunuan o mga kapangyarihan; lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya; 17 At siya'y una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nangabubuhay dahil sa kaniya. 18 At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia; na siya ang pasimula, ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan. 19 Sapagka't minagaling ng Ama na ang buong kapuspusan ay manahanan sa kaniya; 20 At sa pamamagitan niya ay pakipagkasunduin sa kaniya ang lahat ng mga bagay, na pinapayapa niya sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang krus; sa pamamagitan niya, sinasabi ko, maging mga bagay sa kalupaan, o mga bagay sa sangkalangitan. 21 At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong mga gawang masasama. 22 Gayon ma'y pinakipagkasundo niya ngayon sa katawan ng kaniyang laman, sa pamamagitan ng kamatayan, upang kayo'y iharap na mga banal at walang dungis at walang kapintasan sa harapan niya: 23 Kung tunay na kayo'y mamamalagi sa pananampalataya, na nababaon at matitibay, at di makilos sa pagasa sa evangelio na inyong narinig, na ipinangaral sa lahat ng mga nilalang sa silong ng langit; na dito akong si Pablo ay ginawang ministro. 24 Ngayo'y nagagalak ako sa aking mga hirap dahil sa inyo, at aking pinupunan sa akin ang kakulangan ng mga hirap ni Cristo sa aking laman dahil sa kaniyang katawan, na siyang iglesia; 25 Na ako'y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa inyo upang maipahayag ang salita ng Dios, 26 Maging ang hiwaga na inilihim sa lahat ng panahon at lahi: datapuwa't ngayo'y ipinahayag sa kaniyang mga banal, 27 Na sa kanila'y minagaling ng Dios na ipakilala kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Gentil, na ito'y si Cristo na nasa inyo, na pagasa ninyo sa kaluwalhatian: 28 Na siya naming inihahayag, na pinaaalalahanan ang bawa't tao at tinuturuan ang bawa't tao, sa buong karunungan, upang maiharap naming sakdal kay Cristo ang bawa't tao; 29 Na dahil dito'y nagpapagal din naman ako, na nagpipilit ayon sa kaniyang paggawa, na siyang sa akin ay gumagawa na may kapangyarihan.
1 Sapagka't ibig ko na inyong maalaman kung gaano kalaki ang aking pagpipilit dahil sa inyo, at sa nangasa Laodicea, at sa lahat na hindi nakakita ng mukha ko sa laman; 2 Upang mangaaliw ang kanilang mga puso, sa kanilang pagkakalakip sa pagibig, at sa lahat ng mga kayamanan ng lubos na katiwasayan ng pagkaunawa, upang makilala nila ang hiwaga ng Dios, sa makatuwid baga'y si Cristo, 3 Na siyang kinatataguan ng lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman. 4 Ito'y sinasabi ko, upang huwag kayong madaya ng sinoman sa mga pananalitang kaakitakit. 5 Sapagka't bagaman sa laman ako'y wala sa harap, gayon ma'y nasa inyo ako sa espiritu, na nagagalak at nakikita ko ang inyong ayos, at ang katibayan ng inyong pananampalataya kay Cristo. 6 Kung paano nga na inyong tinanggap si Cristo Jesus na Panginoon, ay magsilakad kayong gayon sa kaniya, 7 Na nangauugat at nangatatayo sa kaniya, at matibay sa inyong pananampalataya, gaya ng pagkaturo sa inyo, na sumasagana sa pagpapasalamat. 8 Kayo'y magsipagingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng kaniyang pilosopia at walang kabuluhang pagdaraya, ayon sa sali't saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, at di ayon kay Cristo: 9 Sapagka't sa kaniya'y nananahan ang buong kapuspusan ng pagka Dios sa kahayagan ayon sa laman, 10 At sa kaniya kayo'y napuspus na siyang pangulo ng lahat na pamunuan at kapangyarihan: 11 Na sa kaniya ay tinuli rin naman kayo ng pagtutuling hindi gawa ng mga kamay, sa pagkahubad ng katawang laman, sa pagtutuli ni Cristo; 12 Na nangalibing na kalakip niya sa bautismo, na kayo nama'y muling binuhay na kalakip niya, sa pamamagitan ng pananampalataya sa pagawa ng Dios, na muling bumangon sa kaniya sa mga patay. 13 At nang kayo'y mga patay dahil sa inyong mga kasalanan, at sa di pagtutuli ng inyong laman ay kaniyang binuhay kayo na kalakip niya, na ipinatawad sa atin ang ating lahat na mga kasalanan: 14 Na pinawi ang usapang nasusulat sa mga palatuntunan laban sa atin, na hindi naayon sa atin: at ito'y kaniyang inalis, na ipinako sa krus; 15 Pagkasamsam sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sila'y mga inilagay niya sa hayag na kahihiyan, na nagtatagumpay siya sa kanila sa bagay na ito. 16 Sinoman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o araw ng sabbath: 17 Na isang anino ng mga bagay na magsisidating: nguni't ang katawan ay kay Cristo. 18 Sinoman ay huwag manakawan ng ganting-pala sa inyo sa pamamagitan ng kusang pagpapakababa at pagsamba sa mga anghel, na nananatili sa mga bagay na kaniyang nakita, na nagpapalalo ng walang kabuluhan sa pamamagitan ng kaniyang akalang ukol sa laman, 19 At hindi nangangapit sa Ulo, na sa kaniya'y ang buong katawan, na inaalalayan at nakalakip sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid, ay lumalago ng paglagong mula sa Dios. 20 Kung kayo'y nangamatay na kalakip ni Cristo mula sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, bakit, na waring kayo'y nangabubuhay pa sa sanglibutan, kayo'y nangapasasakop sa mga palatuntunan, 21 Gaya ng: Huwag dumampot, ni huwag lumasap, ni huwag humipo; 22 (Ang lahat ng mga bagay na ito ay mangasisira sa paggamit), ayon sa mga utos at mga aral ng mga tao? 23 Ang mga bagay na iya'y katotohanang mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang kusa, at sa pagpapakababa, at sa pagpapakahirap sa katawan; nguni't walang anomang kabuluhan laban sa ikalalayaw ng laman.
1 Kung kayo nga'y muling binuhay na kalakip ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nangasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Dios. 2 Ilagak ninyo ang inyong pagiisip sa mga bagay na nangasa itaas, huwag sa mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa. 3 Sapagka't kayo'y nangamatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Dios. 4 Pagka si Cristo na ating buhay ay mahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian. 5 Patayin nga ninyo ang inyong mga sangkap ng katawang nangasa ibabaw ng lupa, pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang nasa, at kasakiman, na iya'y pagsamba sa mga diosdiosan; 6 Na dahil sa mga bagay na iyan ay dumarating ang kagalitan ng Dios sa mga anak ng pagsuway: 7 Na inyo ring nilakaran nang una, nang kayo'y nangabubuhay pa sa mga bagay na ito; 8 Datapuwa't ngayon ay inyo namang layuan ang lahat ng mga ito: galit, kapootan, paghihinala, panunungayaw, mga salitang kahalay-halay na mula sa inyong bibig: 9 Huwag kayong mangagbubulaan sa isa't isa; yamang hinubad na ninyo ang datihang pagkatao pati ng kaniyang mga gawa, 10 At kayo'y nangagbihis ng bagong pagkatao, na nagbabago sa kaalaman ayon sa larawan niyaong lumalang sa kaniya: 11 Doo'y hindi maaaring magkaroon ng Griego at ng Judio, ng pagtutuli at ng di pagtutuli, ng barbaro, ng Scita, ng alipin, ng laya; kundi si Cristo ang lahat, at sa lahat. 12 Mangagbihis nga kayo gaya ng mga hinirang ng Dios, na mga banal at minamahal, ng isang pusong mahabagin, ng kagandahangloob, ng kababaan, ng kaamuan, ng pagpapahinuhod: 13 Mangagtiisan kayo sa isa't isa, at mangagpatawaran kayo sa isa't isa, kung ang sinoman ay may sumbong laban sa kanino man; na kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayon din naman ang inyong gawin: 14 At sa ibabaw ng lahat ng mga bagay na ito ay mangagbihis kayo ng pagibig na siyang tali ng kasakdalan. 15 At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya'y tinawag din naman kayo sa isang katawan; at kayo'y maging mapagpasalamat. 16 Manahanan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo; ayon sa buong karunungan, kayo'y mangagturuan at mangagpaalalahanan sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na magsiawit kayong may biyaya sa inyong puso sa Dios. 17 At anomang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Dios sa pamamagitan niya. 18 Mga babae, pasakop kayo sa inyo-inyong asawa, gaya ng nararapat sa Panginoon. 19 Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, at huwag kayong maging mapait sa kanila. 20 Mga anak, magsitalima kayo sa inyong magulang sa lahat ng mga bagay, sapagka't ito'y totoong nakalulugod sa Panginoon. 21 Mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, upang huwag manghina ang loob nila. 22 Mga alipin, magsitalima kayo sa lahat ng mga bagay sa mga yaong ayon sa laman ay inyong mga panginoon: hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao, kundi sa katapatan ng puso, na mangatakot sa Panginoon: 23 Anomang inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao; 24 Yamang inyong nalalaman na sa Panginoon ay tatanggapin ninyo ang ganting mana; sapagka't naglilingkod kayo sa Panginoong Jesucristo. 25 Sapagka't ang gumagawa ng masama ay tatanggap ng ayon sa masama na kaniyang ginawa; at walang itinatanging mga tao.
1 Mga panginoon, gawin ninyo sa inyong mga alipin ang matuwid, at katampatan; yamang nalalaman ninyo na kayo naman ay mayroong ding isang Panginoon sa langit. 2 Manatili kayong palagi sa pananalangin, na kayo'y mangagpuyat na may pagpapasalamat; 3 Na tuloy idalangin din ninyo kami, na buksan sa amin ng Dios ang pinto sa salita, upang aming salitain ang hiwaga ni Cristo, na dahil din dito'y may mga tanikala ako; 4 Upang ito'y aking maihayag, gaya ng aking nararapat na salitain. 5 Magsilakad kayo na may karunungan sa nangasa labas, na inyong samantalahin ang panahon. 6 Ang inyong pananalita nawa'y laging may biyaya, na magkalasang asin, upang inyong maalaman kung ano ang nararapat ninyong isagot sa bawa't isa. 7 Ang lahat na mga bagay ukol sa akin ay ipatatalastas sa inyo ni Tiquico, na minamahal na kapatid at tapat na ministro, at kasamang lingkod sa Panginoon: 8 Na siyang aking sinugo sa inyo sa bagay na ito, upang maalaman ninyo ang aming kalagayan, at upang kaniyang aliwin ang inyong mga puso; 9 Na kasama ni Onesimo, tapat at minamahal na kapatid, na siya'y isa sa inyo. Sila ang magpapatalastas sa inyo ng lahat ng mga bagay na nangyayari dini. 10 Binabati kayo ni Aristarco na kasama ko sa bilangguan, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe (tungkol sa kaniya'y tinanggap na ninyo ang mga utos: kung paririyan siya sa inyo, ay inyong tanggapin), 11 At si Jesus na tinatawag na Justo, na pawang sa pagtutuli: ang mga ito lamang ang aking kamanggagawa sa kaharian ng Dios, mga taong naging kaaliwan ko. 12 Binabati kayo ni Epafras, na isa sa inyo, na lingkod ni Cristo Jesus, na siyang laging nagsisikap dahil sa inyo sa kaniyang pananalangin, upang kayo'y magsitatag na mga sakdal at lubos na tiwasay sa lahat na kalooban ng Dios. 13 Sapagka't siya'y binibigyan kong patotoo na siya'y totoong nagpapagal sa inyo, at sa nangasa Laodicea, at sa nangasa Hierapolis. 14 Binabati kayo ni Lucas, ang minamahal na manggagamot, at ni Demas. 15 Batiin ninyo ang mga kapatid na nangasa Laodicea, at si Nimfas, at ang iglesiang nasa kanilang bahay. 16 At pagkabasa ng sulat na ito sa inyo, ay ipabasa naman ninyo sa iglesia ng mga taga Laodicea; at basahin naman ninyo ang sulat na mula sa Laodicea. 17 At sabihin ninyo kay Arquipo, Ingatan mong tuparin ang ministerio na tinanggap mo sa Panginoon. 18 Ang bating sinulat ng aking sariling kamay, akong si Pablo. Alalahanin ninyo ang aking mga tanikala. Ang biyaya'y sumasainyo nawa.
1 Si Pablo, at si Silvano, at si Timoteo, sa iglesia ng mga taga Tesalonica sa Dios Ama at sa Panginoong Jesucristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan. 2 Nangagpapasalamat kaming lagi sa Dios dahil sa inyong lahat, na aming binabanggit kayo sa aming mga panalangin; 3 Na aming inaalaalang walang patid sa harapan ng ating Dios at Ama, ang inyong gawa sa pananampalataya at pagpapagal sa pagibig at pagtitiis sa pagasa sa ating Panginoong Jesucristo; 4 Yamang aming nalalaman, mga kapatid na minamahal ng Dios, ang pagkahirang sa inyo, 5 Kung paanong ang aming evangelio ay hindi dumating sa inyo sa salita lamang, kundi sa kapangyarihan din naman, at sa Espiritu Santo, at sa lubos na katiwasayan; na gaya ng inyong nalalaman kung anong pagkatao namin ang aming ipinakita sa inyo dahil sa inyo. 6 At kayo'y nagsitulad sa amin, at sa Panginoon, nang inyong tanggapin ang salita sa malaking kapighatian, na may katuwaan sa Espiritu Santo; 7 Ano pa't kayo'y naging uliran ng lahat ng nangananampalatayang nangasa Macedonia at nangasa Acaya. 8 Sapagka't mula sa inyo'y nabansag ang salita ng Panginoon, hindi lamang sa Macedonia at Acaya, kundi sa lahat ng mga dako ay natanyag ang inyong pananampalataya sa Dios; ano pa't kami ay wala nang kailangang magsabi pa ng anoman. 9 Sapagka't sila rin ang nangagbalita tungkol sa amin kung paanong nangakapasok kami sa inyo; at kung paanong nangagbalik kayo sa Dios mula sa mga diosdiosan, upang mangaglingkod sa Dios na buhay at tunay, 10 At upang hintayin ang kaniyang Anak na mula sa langit, na kaniyang ibinangon sa mga patay, si Jesus nga na nagligtas sa atin mula sa galit na darating.
1 Kaya nga nalalaman ninyo rin, mga kapatid, na ang aming pagkapasok sa inyo, ay hindi nawalan ng kabuluhan: 2 Kundi palibhasa'y nagsipagbata kami nang una at inalipusta, gaya ng inyong nalalaman, sa Filipos, ay nangagkaroon kami ng kalakasan ng loob dahil sa ating Dios upang salitain sa inyo ang evangelio ng Dios sa gitna ng maraming kaligaligan. 3 Sapagka't ang aming iniaaral ay hindi sa kamalian, ni sa karumihan, ni sa pagdaraya. 4 Kundi kung paanong kami'y minarapat ng Dios upang pagkatiwalaan kami ng evangelio, ay gayon namin sinasalita; hindi gaya ng nangagbibigay lugod sa mga tao, kundi sa Dios na sumusubok ng aming mga puso. 5 Sapagka't hindi kami nasusumpungang nagsisigamit kailan man ng mga salitang paimbabaw, gaya ng nalalaman ninyo, ni ng balabal man ng kasakiman, saksi ang Dios; 6 Ni nagsihanap man sa mga tao ng kapurihan, ni sa inyo man, ni sa mga iba man, nang maaaring magsigamit kami ng kapamahalaan gaya ng mga apostol ni Cristo. 7 Kundi kami ay nangagpapakalumanay sa gitna ninyo, na gaya ng isang sisiwa pagka inaamoamo ang kaniyang sariling mga anak: 8 Gayon din kami, palibhasa'y may magiliw na pagibig sa inyo, ay kinalugdan naming kayo'y bahaginan, hindi lamang ng evangelio ng Dios, kundi naman ng aming sariling mga kaluluwa, sapagka't kayo'y naging lalong mahal sa amin. 9 Sapagka't inaalaala ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at pagdaramdam: amin ngang ipinangaral ang evangelio ng Dios na kami ay gumagawa gabi't araw, upang huwag kaming maging isang pasanin sa kanino man sa inyo. 10 Kayo'y mga saksi, at ang Dios man, kung gaanong pagkabanal at pagkamatuwid at pagkawalang kapintasan ang inugali namin sa inyong nagsisisampalataya: 11 Gaya ng inyong nalalaman kung ano ang inugali namin sa bawa't isa sa inyo, na gaya ng isang ama sa kaniyang sariling mga anak, na kayo'y inaaralan, at pinalalakas ang loob ninyo, at nagpapatotoo, 12 Upang kayo'y magsilakad ng nararapat sa Dios, na siyang tumawag sa inyo sa kaniyang sariling kaharian at kaluwalhatian. 13 At dahil naman dito kami ay nangagpapasalamat na walang patid sa Dios, na nang inyong tanggapin sa amin ang salita na ipinangaral, sa makatuwid baga'y ang salita ng Dios, ay inyong tinanggap na hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, na salita ng Dios, na gumagawa naman sa inyo na nagsisisampalataya. 14 Sapagka't kayo, mga kapatid, ay nagsitulad sa mga iglesia ng Dios na nasa Judea kay Cristo Jesus: sapagka't nagsipagbata naman kayo sa inyong sariling mga kababayan, gaya naman nila sa mga Judio; 15 Na nagsipatay sa Panginoong Jesus, at gayon din sa mga propeta, at kami ay kanilang pinalayas, at di nangagbibigay lugod sa Dios, at laban sa lahat ng mga tao; 16 Na pinagbabawalan kaming makipagusap sa mga Gentil upang mangaligtas ang mga ito; upang kanilang paramihing lagi ang kanilang mga kasalanan: nguni't dumating sa kanila ang kagalitan, hanggang sa katapusan. 17 Nguni't kami, mga kapatid, na nangahiwalay sa inyong sangdaling panahon, sa katawan hindi sa puso, ay nangagsisikap na lubha, upang makita ang inyong mukha na may dakilang pagnanais: 18 Sapagka't nangagnasa kaming pumariyan sa inyo, akong si Pablo, na minsan at muli; at hinadlangan kami ni Satanas. 19 Sapagka't ano ang aming pagasa, o katuwaan, o putong, na ipinagmamapuri? Hindi baga kayo rin sa harapan ng ating Panginoong Jesucristo sa kaniyang pagparito? 20 Sapagka't kayo ang aming kaluwalhatian at aming katuwaan.
1 Kaya't nang hindi na kami mangakatiis, ay minagaling naming maiwang nangagiisa sa Atenas; 2 At aming sinugo si Timoteo, na aming kapatid at ministro ng Dios sa evangelio ni Cristo, upang kayo'y kaniyang patibayin at aliwin, tungkol sa inyong pananampalataya; 3 Upang ang sinoma'y huwag mabagabag sa pamamagitan ng mga kapighatiang ito; sapagka't kayo rin ang nangakaaalam na itinalaga kami sa bagay na ito. 4 Sapagka't sa katotohanan, nang kami ay kasama ninyo ay aming sinabi nang una sa inyo na kami ay mangagbabata ng kapighatian; gaya nga na nangyari, at nalalaman ninyo. 5 Dahil dito naman, nang hindi ko na matiis pa, ako'y nagsugo upang matalastas ko ang inyong pananampalataya, baka sa anomang paraan kayo'y nangatukso ng manunukso, at ang aming pagpapagal ay mawalan ng kabuluhan. 6 Datapuwa't nang si Timoteo ay dumating sa amin ngayon na buhat sa inyo, at nagdala sa amin ng mabubuting balita tungkol sa inyong pananampalataya at pagibig, at laging kami'y inaalaalang mabuti ninyo, na ninanasang makita kami na gaya naman namin sa inyo; 7 Dahil dito'y nangaaliw kami, mga kapatid, tungkol sa inyo sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa lahat naming kagipitan at kapighatian: 8 Sapagka't ngayon ay nangabubuhay kami, kung kayo'y nangamamalaging matibay sa Panginoon. 9 Sapagka't ano ngang pagpapasalamat ang aming muling maibibigay sa Dios dahil sa inyo, dahil sa buong kagalakan na aming ikinagalak dahil sa inyo sa harapan ng aming Dios; 10 Gabi't araw ay idinadalangin naming buong ningas na aming makita ang inyong mukha, at aming malubos ang inyong pananampalataya. 11 Ngayo'y patnugutan nawa ng atin ding Dios at Ama, at ng ating Panginoong Jesus, ang aming paglalakbay sa inyo: 12 At kayo'y palaguin at pasaganain ng Panginoon sa pagibig sa isa't isa, at sa lahat ng mga tao, na gaya naman ng amin sa inyo; 13 Upang patibayin niya ang inyong mga puso, na walang maipipintas sa kabanalan sa harapan ng ating Dios at Ama, sa pagparito ng ating Panginoong Jesus na kasama ang kaniyang lahat na mga banal.
1 Katapustapusan nga, mga kapatid, kayo'y aming pinamamanhikan at inaaralan sa Panginoong Jesus, na, ayon sa tinanggap ninyo sa amin, na kung paanong kayo'y dapat magsilakad at mangagbigay lugod sa Dios, na gaya ng inyong paglakad, upang kayo'y magsipanagana ng higit at higit. 2 Sapagka't talastas ninyo kung anong mga tagubilin ang ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. 3 Sapagka't ito ang kalooban ng Dios, sa makatuwid baga'y ang inyong pagpapakabanal, na kayo'y magsiilag sa pakikiapid; 4 Na ang bawa't isa sa inyo'y makaalam na maging mapagpigil sa kaniyang sariling katawan sa pagpapakabanal at kapurihan, 5 Hindi sa pita ng kahalayan, na gaya ng mga Gentil na hindi nangakakakilala sa Dios; 6 Na sinoma'y huwag lumapastangan at magdaya sa kaniyang kapatid sa bagay na ito: sapagka't ang Panginoon ay mapaghiganti sa lahat ng mga bagay na ito, na gaya naman ng aming ipinatalastas nang una na sa inyo at pinatotohanan. 7 Sapagka't tayo'y tinawag ng Dios hindi sa ikarurumi, kundi sa pagpapakabanal. 8 Kaya't ang nagtatakuwil, hindi ang tao ang itinatakuwil, kundi ang Dios, na nagbibigay sa inyo ng kaniyang Espiritu Santo. 9 Datapuwa't tungkol sa pagiibigang kapatid ay hindi ninyo kailangan na kayo'y sulatan ng sinoman: sapagka't kayo rin ay tinuruan ng Dios na mangagibigan kayo sa isa't isa; 10 Sapagka't katotohanang ginagawa ninyo ang gayon sa lahat ng kapatid na nangasa buong Macedonia. Nguni't aming iniaaral sa inyo, mga kapatid, na kayo'y lalo't lalong magsipanagana. 11 At pagaralan ninyong maging matahimik, at gawin ang inyong sariling gawain, at kayo'y mangagpagal ng inyong sariling mga kamay, na gaya ng aming ipinagbilin sa inyo; 12 Upang kayo'y magsilakad ng nararapat sa nangasa labas, at huwag kayong maging mapagkailangan. 13 Nguni't hindi namin ibig na kayo'y di makaalam, mga kapatid, tungkol sa nangatutulog; upang kayo'y huwag mangalumbay, na gaya ng mga iba, na walang pagasa. 14 Sapagka't kung tayo'y nagsisisampalatayang si Jesus ay namatay at nabuhay na maguli, ay gayon din naman ang nangatutulog kay Jesus ay dadalhin ng Dios na kasama niya. 15 Sapagka't ito'y sinasabi namin sa inyo sa salita ng Panginoon, na tayong nangabubuhay, na nangatitira hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi tayo mangauuna sa anomang paraan sa nangatutulog. 16 Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; 17 Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man. 18 Kaya't mangagaliwan kayo sa isa't isa ng mga salitang ito.
1 Datapuwa't tungkol sa mga kapanahunan at mga bahagi ng panahon, mga kapatid, hindi ninyo kailangan na isulat ko pa sa inyo ang anoman. 2 Sapagka't kayo rin ang mga lubos na nangakakaalam, na ang pagdating ng kaarawan ng Panginoon ay gaya ng magnanakaw sa gabi. 3 Pagka sinasabi ng mga tao, Kapayapaan at katiwasayan, kung magkagayo'y darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam, sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao; at sila'y hindi mangakatatanan sa anomang paraan. 4 Nguni't kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na yaon ay masubukan kayong gaya ng magnanakaw: 5 Sapagka't kayong lahat ay pawang mga anak ng kaliwanagan, at mga anak ng araw: tayo'y hindi ng gabi, ni ng kadiliman man; 6 Huwag nga tayong mangatulog, gaya ng mga iba, kundi tayo'y mangagpuyat at mangagpigil. 7 Sapagka't ang nangatutulog ay nangatutulog sa gabi; at ang nangaglalasing ay nangaglalasing sa gabi. 8 Datapuwa't palibhasa'y mga anak tayo ng araw, mangagpigil tayo, na isuot ang baluti ng pananampalataya at ng pagibig; at ang maging turbante ay ang pagasa ng kaligtasan. 9 Sapagka't tayo'y hindi itinalaga ng Dios sa galit, kundi sa pagtatamo ng pagkaligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo, 10 Na namatay dahil sa atin, upang tayo, sa gising o tulog man, ay mangabuhay tayong kasama niya. 11 Dahil dito kayo'y mangagpangaralan, at mangagpatibayan sa isa't isa sa inyo, gaya ng inyong ginagawa. 12 Datapuwa't ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na inyong kilalanin ang nangagpapagal sa inyo, at nangamumuno sa inyo sa Panginoon, at nangagpapaalaala sa inyo; 13 At inyong lubos na pakamahalin sila sa pagibig, dahil sa kanilang gawa. Magkaroon kayo-kayo ng kapayapaan. 14 At aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, na inyong paalalahanan ang mga manggugulo, palakasin ang mga mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging mapagpahinuhod kayo sa lahat. 15 Tingnan nga ninyo na huwag gumanti ang sinoman ng masama sa masama; nguni't sundin ninyong lagi ang mabuti, ang isa'y sa iba, at sa lahat. 16 Mangagalak kayong lagi; 17 Magsipanalangin kayong walang patid; 18 Sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo; sapagka't ito ang kalooban ng Dios kay Cristo tungkol sa inyo. 19 Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu; 20 Huwag ninyong hamakin ang mga panghuhula; 21 Subukin ninyo ang lahat ng mga bagay, ingatan ninyo ang mabuti; 22 Layuan ninyo ang bawa't anyo ng masama. 23 At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo. 24 Tapat yaong sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito. 25 Mga kapatid, idalangin ninyo kami. 26 Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik. 27 Idinadaing ko sa inyo alangalang sa Panginoon na basahin sa lahat ng mga kapatid ang sulat na ito. 28 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawa.
1 Si Pablo, at si Silvano, at si Timoteo, sa iglesia ng mga taga Tesalonica na nasa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo; 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios Ama at sa Panginoong Jesucristo. 3 Kami ay nararapat, mga kapatid, na mangagpasalamat na lagi sa Dios dahil sa inyo, gaya ng marapat, dahil sa ang inyong pananampalataya ay lumalaking lubha, at ang pagibig ng bawa't isa sa iba't iba sa inyong lahat ay sumasagana; 4 Ano pa't kami sa aming sarili ay nangagkakapuri sa inyo sa mga iglesia ng Dios dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga paguusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis; 5 Na isang tandang hayag ng matuwid na paghukom ng Dios; upang kayo'y ariing karapatdapat sa kaharian ng Dios, na dahil dito'y nangagbabata rin naman kayo: 6 Kung isang bagay na matuwid sa Dios na gantihin ng kapighatian ang mga pumipighati sa inyo, 7 At kayong mga pinighati ay bigyang kasama namin ng kapahingahan sa pagpapakahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang mga anghel ng kaniyang kapangyarihan na nasa nagniningas na apoy, 8 Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus: 9 Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan. 10 Pagka paririto siya upang luwalhatiin sa kaniyang mga banal, at upang siya'y maging kahangahanga sa lahat ng mga nagsisampalataya sa araw na yaon (sapagka't ang aming patotoo sa inyo ay pinaniwalaan). 11 Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, upang kayo'y ariing karapatdapat ng ating Dios sa pagkatawag sa inyo, at ganaping may kapangyarihan ang bawa't nais sa kabutihan at gawa ng pananampalataya; 12 Upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay luwalhatiin sa inyo, at kayo'y sa kaniya, ayon sa biyaya ng ating Dios at ng Panginoong Jesucristo.
1 Ngayon aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, tungkol sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo, at sa ating pagkakatipon sa kaniya: 2 Upang huwag kayong madaling makilos sa inyong pagiisip, at huwag din naman kayong mabagabag maging sa pamamagitan man ng espiritu, o sa pamamagitan ng salita, o sa pamamagitan ng sulat na waring mula sa amin, na wari bagang nalalapit na ang kaarawan ng Panginoon; 3 Huwag kayong padaya kanino man sa anomang paraan: sapagka't ito'y hindi darating, maliban nang dumating mula ang pagtaliwakas, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan, 4 Na sumasalangsang at nagmamataas laban sa lahat na tinatawag na Dios o sinasamba; ano pa't siya'y nauupo sa templo ng Dios, na siya'y nagtatanyag sa kaniyang sarili na tulad sa Dios. 5 Hindi baga ninyo naaalaala nang ako'y kasama ninyo pa, ay sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito? 6 At ngayo'y nalalaman ninyo ang nakapipigil, upang siya'y mahayag sa kaniyang talagang kapanahunan. 7 Sapagka't ang hiwaga ng kasamaan ay gumagawa na: lamang ay may pumipigil ngayon, hanggang sa alisin ito. 8 At kung magkagayo'y mahahayag ang tampalasan, na papatayin ng Panginoong Jesus ng hininga ng kaniyang bibig, at sa pamamagitan ng pagkahayag ng kaniyang pagparito ay lilipulin; 9 Siya, na ang kaniyang pagparito ay ayon sa paggawa ni Satanas na may buong kapangyarihan at mga tanda at mga kahangahangang kasinungalingan, 10 At may buong daya ng kalikuan sa nangapapahamak; sapagka't hindi nila tinanggap ang pagibig sa katotohanan, upang sila'y mangaligtas. 11 At dahil dito'y ipinadadala sa kanila ng Dios ang paggawa ng kamalian, upang magsipaniwala sila sa kasinungalingan: 12 Upang mangahatulan silang lahat na hindi nagsisampalataya sa katotohanan, kundi nangalugod sa kalikuan. 13 Nguni't kami ay nararapat magpasalamat sa Dios dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, sa pagkakahirang sa inyo ng Dios buhat nang pasimula sa ikaliligtas sa pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan: 14 Sa kalagayang ito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming evangelio, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, kayo'y mangagpakatibay, at inyong panghawakan ang mga aral na sa inyo'y itinuro, maging sa pamamagitan ng salita, o ng aming sulat. 16 Ngayon ang ating Panginoong Jesucristo rin, at ang Dios na ating Ama na sa amin ay umibig at sa amin ay nagbigay ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pagasa sa pamamagitan ng biyaya, 17 Aliwin nawa ang inyong puso, at patibayin kayo sa bawa't mabuting gawa at salita.
1 Katapustapusan, mga kapatid, ay inyong idalangin kami, upang ang salita ng Panginoon ay lumaganap at luwalhatiin nawa na gaya rin naman sa inyo; 2 At upang kami ay mangaligtas sa mga taong walang katuwiran at masasama; sapagka't hindi lahat ay mayroong pananampalataya. 3 Nguni't tapat ang Panginoon na magpapatibay sa inyo, at sa inyo'y magiingat sa masama. 4 At may pagkakatiwala kami sa Panginoon tungkol sa inyo, na inyong ginagawa at gagawin naman ang mga bagay na aming iniuutos. 5 At patnubayan nawa ng Panginoon ang inyong mga puso sa pagibig ng Dios, at sa pagtitiis ni Cristo. 6 Aming inuutos nga sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayo'y magsihiwalay sa bawa't kapatid na lumalakad ng walang kaayusan, at hindi ayon sa aral na tinanggap nila sa amin. 7 Sapagka't kayo rin ang nangakakaalam kung paano kami ay inyong dapat tularan: sapagka't kami ay hindi nangagugali ng walang kaayusan sa inyo; 8 Ni nagsikain man kami ng walang bayad ng tinapay ng sinoman; kundi sa pagpapagal at sa pagdaramdam na gumagawa gabi't araw, upang kami ay huwag maging pasanin sa kanino man sa inyo: 9 Hindi dahil sa kami ay walang karapatan, kundi upang kami ay mangakapagbigay sa inyo ng isang uliran, upang kami ay inyong tularan. 10 Sapagka't noon pa mang kami ay kasama ninyo, ay aming iniutos ito sa inyo, Kung ang sinoman ay ayaw gumawa, ay huwag din namang kumain. 11 Sapagka't aming nababalitaan ang ilan sa inyo na nagsisilakad ng walang kaayusan, na hindi man lamang nagsisigawa, kundi mga mapakialam sa mga bagay ng iba. 12 Sa mga gayon nga ay aming iniuutos at ipinamamanhik sa Panginoong Jesucristo, na sila'y magsigawang may katahimikan, at magsikain ng kanilang sariling tinapay. 13 Nguni't kayo, mga kapatid, huwag kayong mangapagod sa paggawa ng mabuti. 14 At kung ang sinoma'y hindi tumalima sa aming salita sa pamamagitan ng sulat na ito, inyong tandaan ang taong yaon, upang huwag kayong makisama sa kaniya, nang siya'y mahiya. 15 At gayon ma'y huwag ninyong ariin siyang kaaway, kundi inyo siyang paalalahanan tulad sa kapatid. 16 Ngayon ang Panginoon din ng kapayapaan ay magbigay nawa sa inyo ng kapayapaan sa buong panahon at sa lahat ng paraan. Ang Panginoon ay sumainyo nawang lahat. 17 Ang bati na sinulat ng aking sariling kamay, akong si Pablo, na siyang tanda sa bawa't sulat: gayon sumusulat ako. 18 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawang lahat.
1 Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas, at ni Cristo Jesus na ating pagasa; 2 Kay Timoteo na aking tunay na anak sa pananampalataya: Biyaya, kahabagan, at kapayapaan nawang mula sa Dios na Ama at kay Jesucristo na Panginoon natin. 3 Kung paanong ipinamanhik ko sa iyo na ikaw ay matira sa Efeso, nang pumaparoon ako sa Macedonia, upang maipagbilin mo sa ilang tao na huwag magsipagturo ng ibang aral, 4 Ni huwag makinig sa mga katha at sa mga kasaysayan ng mga lahi na walang katapusan, na pinanggagalingan ng pagtatalo, at hindi ng pagkakatiwalang mula sa Dios na nasa pananampalataya; ay gayon din ang ipinamamanhik ko ngayon. 5 Nguni't ang kinauuwian ng bilin ay ang pagibig na nagbubuhat sa malinis na puso at sa mabuting budhi at sa pananampalatayang hindi paimbabaw: 6 Na pagkasinsay ng iba sa mga bagay na ito ay nagsibaling sa walang kabuluhang pananalita; 7 Na nagsisipagnasang maging mga guro ng kautusan, bagaman di nila natatalastas kahit ang kanilang sinasabi, kahit ang kanilang buong tiwalang pinatutunayan. 8 Datapuwa't nalalaman natin na ang kautusan ay mabuti, kung ginagamit ng tao sa matuwid, 9 Yamang nalalaman ito, na ang kautusan ay hindi ginawa dahil sa taong matuwid, kundi sa mga walang kautusan at manggugulo, dahil sa masasama at mga makasalanan, dahil sa mga di banal at mapaglapastangan, dahil sa nagsisipatay sa ama at sa nagsisipatay sa ina, dahil sa mga mamamatay-tao, 10 Dahil sa mga nakikiapid, dahil sa mga mapakiapid sa kapuwa lalake, dahil sa mga nagnanakaw ng tao, dahil sa mga bulaan, dahil sa mga mapagsumpa ng kabulaanan, at kung mayroon pang ibang bagay laban sa mabuting aral; 11 Ayon sa evangelio ng kaluwalhatian ng mapagpalang Dios, na ipinagkatiwala sa akin. 12 Nagpapasalamat ako sa kaniya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagka't ako'y inari niyang tapat, na ako'y inilagay sa paglilingkod sa kaniya; 13 Bagaman nang una ako'y naging mamumusong, at manguusig; at mangaalipusta: gayon ma'y kinahabagan ako, sapagka't yao'y ginawa ko sa di pagkaalam sa kawalan ng pananampalataya; 14 At totoong sumagana ang biyaya ng ating Panginoon na nasa pananampalataya at pagibig na pawang kay Cristo Jesus. 15 Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa sanglibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangulo sa mga ito; 16 Gayon ma'y dahil dito, kinahabagan ako, upang sa akin na pangulong makasalanan, ay maipahayag ni Jesucristo ang buong pagpapahinuhod niya, na halimbawa sa mga magsisisampalataya sa kaniya, sa ikabubuhay na walang hanggan. 17 Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man. Siya nawa. 18 Ang biling ito ay ipinagtatagubilin ko sa iyo, Timoteo na aking anak, ayon sa mga hula na nangauna tungkol sa iyo, upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka; 19 Na ingatan mo ang pananampalataya at ang mabuting budhi; na nang ito'y itakuwil ng iba sa kanila ay nangabagbag tungkol sa pananampalataya: 20 Na sa mga ito'y si Himeneo at si Alejandro; na sila'y aking ibinigay kay Satanas, upang sila'y maturuang huwag mamusong.
1 Una-una nga sa lahat ng mga bagay, ay iniaaral ko na manaing, manalangin, mamagitan, at magpasalamat na patungkol sa lahat ng mga tao; 2 Ang mga hari at ang lahat ng nangasa mataas na kalagayan; upang tayo'y mangabuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at kahusayan. 3 Ito'y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas; 4 Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan. 5 Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus, 6 Na ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat; na pagpapatotoong mahahayag sa sariling kapanahunan; 7 Na dito'y itinalaga ako na tagapangaral at apostol (sinasabi ko ang katotohanan, hindi ako nagsisinungaling), guro sa mga Gentil sa pananampalataya at katotohanan. 8 Ibig ko ngang ang mga tao'y magsipanalangin sa bawa't dako, na iunat ang mga kamay na banal, na walang galit at pakikipagtalo. 9 Gayon din naman, na ang mga babae ay magsigayak ng mahinhing damit na may katimtiman at hinahon; hindi ng mahalagang hiyas ng buhok, at ginto o perlas o damit na mahalaga; 10 Kundi (siyang nararapat sa mga babae na magpakabanal) sa pamamagitan ng mabubuting gawa. 11 Ang babae'y magaral na tumahimik na may buong pagkapasakop. 12 Nguni't hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalake, kundi tumahimik. 13 Sapagka't si Adam ay siyang unang nilalang, saka si Eva; 14 At si Adam ay hindi nadaya, kundi ang babae nang madaya ay nahulog sa pagsalangsang; 15 Nguni't ililigtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung sila'y magsisipamalagi sa pananampalataya at pagibig at sa pagpapakabanal na may hinahon.
1 Tapat ang pasabi, Kung ang sinoman ay magsisikap na maging obispo, ay mabuting gawa ang ninanasa. 2 Dapat nga na ang obispo ay walang kapintasan, asawa ng isa lamang babae, mapagpigil, mahinahon ang pagiisip, mahusay, mapagpatuloy, sapat na makapagturo; 3 Hindi magulo, hindi palaaway, kundi malumanay, hindi mapakipagtalo, hindi maibigin sa salapi; 4 Namamahalang mabuti ng kaniyang sariling sangbahayan, na sinusupil ang kaniyang mga anak na may buong kahusayan; 5 (Nguni't kung ang sinoman nga ay hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sangbahayan paanong makapamamahala sa iglesia ng Dios?) 6 Hindi baguhan, baka siya kung magpalalo ay mahulog sa kaparusahan ng diablo. 7 Bukod dito'y dapat din namang siya'y magkaroon ng mabuting patotoo ng nangasa labas, baka mahulog sa kapintasan at silo ng diablo. 8 Gayon din naman ang mga diakono dapat ay mahuhusay, hindi dalawang dila, hindi mahilig sa maraming alak, hindi mga sakim sa mahahalay na kapakinabangan; 9 Na iniingatan ang hiwaga ng pananampalataya ng malinis na budhi. 10 At ang mga ito rin naman ay subukin muna; kung magkagayo'y mamahalang may pagka diakono, kung walang kapintasan. 11 Gayon din naman ang mga babae dapat ay mahuhusay, hindi palabintangin, mapagpigil, tapat sa lahat ng mga bagay. 12 Maging asawa ang mga diakono ng tigiisa lamang na babae, na pamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at ang kanilang sariling mga sangbahayan. 13 Sapagka't ang nangamamahalang mabuti sa pagka diakono, ay nangagtatamo sa kanilang sarili ng isang mabuting kalagayan, at malaking katapangan sa pananampalataya na kay Cristo Jesus. 14 Ang mga bagay na ito ay aking isinusulat sa iyo, na inaasahang makararating sa iyong madali; 15 Nguni't kung ako'y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Dios na buhay, at haligi at suhay ng katotohanan. 16 At walang pagtatalo, dakila ang hiwaga ng kabanalan; Yaong nahayag sa laman, Pinapaging-banal sa espiritu, Nakita ng mga anghel, Ipinangaral sa mga bansa, Sinampalatayanan sa sanglibutan, Tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.
1 Nguni't hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba'y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio, 2 Sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsisipagsalita ng mga kasinungalingan, na hinerohan ang kanilang mga sariling budhi ng waring bakal na nagbabaga; 3 Na ipinagbabawal ang pagaasawa, at ipinaguutos na lumayo sa mga lamangkati, na nilalang ng Dios upang tanggapin na may pagpapasalamat ng mga nagsisisampalataya at nangakakaalam ng katotohanan. 4 Sapagka't ang bawa't nilalang ng Dios ay mabuti, at walang anomang nararapat na itakuwil, kung tinatanggap na may pagpapasalamat: 5 Sapagka't pinakababanal sa pamamagitan ng salita ng Dios at ng pananalangin. 6 Kung ipaalaala mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting ministro ni Cristo Jesus, na kinandili sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na sinusunod mo hanggang ngayon: 7 Datapuwa't itakuwil mo ang mga kathang masasama at walang kabuluhan. At magsanay ka sa kabanalan: 8 Sapagka't sa pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, nguni't ang kabanalang sa lahat ng mga bagay ay pinakikinabangan, na may pangako sa buhay na ito, at sa darating. 9 Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat. 10 Sapagka't dahil dito ay nagsisipagpagal kami at nagsisipagsikap, sapagka't may pagasa kami sa Dios na buhay, na siyang Tagapagligtas sa lahat ng mga tao, lalong lalo na sa mga nagsisisampalataya. 11 Ang mga bagay na ito'y iyong iutos at ituro. 12 Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan. 13 Hanggang ako'y pumariyan ay magsikap ka sa pagbasa, sa pangangaral, sa pagtuturo. 14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng hula, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng mga presbitero. 15 Magsipag ka sa mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito; upang ang iyong pagkasulong ay mahayag sa lahat. 16 Magingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito; sapagka't sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo.
1 Huwag mong pagwikaan ang matanda, kundi pangaralan mo siyang tulad sa ama; ang mga kabataang lalake na tulad sa mga kapatid: 2 Ang mga babaing matatanda na tulad sa mga ina; at ang mga kabataang babae na tulad sa mga kapatid na babae sa buong kalinisan. 3 Papurihan mo ang mga babaing bao na tunay na bao. 4 Nguni't kung ang sinomang babaing bao ay may mga anak o mga apo, magsipagaral ang mga ito muna ng pamamahalang may kabanalan sa kanilang sariling sangbahayan, at magsiganti sa kanilang mga magulang: sapagka't ito'y nakalulugod sa paningin ng Dios. 5 Kaya't ang tunay na babaing bao at walang nagaampon, ay may pagasa sa Dios, at nananatili sa mga pagdaing at mga panalangin gabi't araw. 6 Datapuwa't ang nangagpapakabuyo sa mga kalayawan, bagama't buhay ay patay. 7 Ang mga bagay na ito'y iutos mo rin naman, upang sila'y mawalan ng kapintasan. 8 Datapuwa't kung ang sinoman ay hindi nagkakandili sa mga sariling kaniya, lalong lalo na sa kaniyang sariling sangbahayan, ay tumanggi siya sa pananampalataya at lalong masama kay sa hindi sumasampalataya. 9 Huwag itala na gaya ng babaing bao samantalang walang anim na pung taon, na naging asawa ng isang lalake, 10 Na may mabuting patotoo tungkol sa mabubuting gawa; kung siya'y nagalaga sa mga anak, kung siya'y nagpatuloy sa mga taga ibang bayan, kung siya'y naghugas ng mga paa ng mga banal, kung siya'y umabuloy sa mga napipighati, kung ginanap niya na may kasipagan ang bawa't mabuting gawa. 11 Nguni't tanggihan mo ang mga batang babaing bao: sapagka't pagkakaroon nila ng masamang pita na hiwalay kay Cristo, ay nagsisipagnasang magasawa; 12 Na nagkakaroon ng kahatulan, sapagka't itinakuwil nila ang unang pananampalataya. 13 At bukod dito ay nangagaaral din naman na maging mga tamad, na nagpapalipatlipat sa bahay-bahay; at hindi lamang mga tamad, kundi matatabil din naman at mga mapakialam, na nagsisipagsalita ng mga bagay na di nararapat. 14 Ibig ko ngang magsipagasawa ang mga batang babaing bao, magsipanganak, magsipamahala ng sangbahayan, huwag magbigay sa kaaway ng anomang pagkadahilanan ng ikalilibak: 15 Sapagka't ang mga iba'y nagsibaling na sa hulihan ni Satanas. 16 Kung ang sinomang babaing nanampalataya ay may inaampong mga babaing bao, ay umabuloy sa kanila, at huwag pabigatan ang iglesia, upang maabuluyan nito ang mga tunay na bao. 17 Ang mga matanda na nagsisipamahalang mabuti ay ariing may karapatan sa ibayong kapurihan, lalong lalo na ang mga nangagpapagal sa salita at sa pagtuturo. 18 Sapagka't sinasabi ng kasulatan, Huwag mong lalagyan ng busal ang baka pagka gumigiik. At, ang nagpapagal ay karapatdapat sa kaupahan sa kaniya. 19 Laban sa matanda ay huwag kang tatanggap ng sumbong, maliban sa dalawa o tatlong saksi. 20 Sila na mga nagkakasala ay paalalahanan mo sa harapan ng lahat upang ang iba nama'y mangatakot. 21 Pinagbibilinan kita sa paningin ng Dios, at ni Cristo Jesus, at ng mga anghel na hinirang, na iyong ganapin ang mga bagay na ito na walang pagtatangi na huwag mong gagawin ang anomang pagayo. 22 Huwag mong ipatong na madalian ang iyong mga kamay sa kanino man, ni huwag kang makaramay sa mga kasalanan ng iba: ingatan mong malinis ang iyong sarili. 23 Huwag kang iinom pa ng tubig lamang, kundi gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong sikmura at sa iyong madalas na pagkakasakit. 24 Ang mga kasalanan ng ilang tao ay hayag na, na nagsisipanguna sa paghukom: at ang ilang mga tao naman ay kanilang sinusundan. 25 Gayon din naman ang mabubuting gawa ay hayag: at ang mga di gayo'y hindi maaaring ilihim.
1 Ang lahat ng mga alipin na nangasa ilalim ng pamatok ay ariin ang kanilang mga panginoon na karapatdapat sa buong kapurihan, upang ang pangalan ng Dios at ang aral ay huwag malapastangan. 2 At ang mga may panginoong nagsisisampalataya, ay huwag mayamot sa kanila, sapagka't sila'y pawang magkakapatid; kundi bagkus paglingkuran nila silang mabuti, sapagka't nagsisipanampalataya at mga minamahal ang mga nagsisitanggap ng kapakinabangan. Iyong ituro at iaral ang mga bagay na ito. 3 Kung ang sinoma'y nagtuturo ng ibang aral, at hindi sumasangayon sa mga salitang nakagagaling, sa makatuwid ay sa mga salita ng ating Panginoong Jesucristo, at sa aral na ayon sa kabanalan; 4 Ang gayon ay palalo, walang nalalamang anoman, kundi may-sakit sa mga usapan at mga pagtatalo, sa mga salitang pinagbubuhatan ng kapanaghilian, mga pagkakaalit, mga pagalipusta, mga masasamang akala. 5 Pagtataltalan ng mga taong masasama ang pagiisip at salat sa katotohanan, na nagsisipagakala na ang kabanalan ay paraan ng pakinabang. 6 Datapuwa't ang kabanalan na may kasiyahan ay malaking kapakinabangan: 7 Sapagka't wala tayong dinalang anoman sa sanglibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anoman; 8 Nguni't kung tayo'y may pagkain at pananamit ay masisiyahan na tayo doon. 9 Datapuwa't ang mga nagsisipagnasang yumaman, ay nangahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang hangal at nakasasama, na siyang naglulubog sa mga tao sa kapahamakan at kamatayan. 10 Sapagka't ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na sa pagnanasa ng iba ay nangasinsay sa pananampalataya, at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming mga kalumbayan. 11 Datapuwa't ikaw, Oh tao, ng Dios, tumakas ka sa mga bagay na ito, at sumunod ka sa katuwiran, sa kabanalan, sa pananampalataya, sa pagibig, sa pagtitiis, sa kaamuan. 12 Makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya, manangan ka sa buhay na walang hanggan, na dito'y tinawag ka, at ipinahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming mga saksi. 13 Ipinagbibilin ko sa iyo sa paningin ng Dios na bumubuhay sa lahat ng mga bagay, at ni Cristo Jesus, na sa harapan ni Poncio Pilato ay sumaksi ng mabuting pagpapahayag; 14 Na tuparin mo ang utos, na walang dungis, walang kapintasan hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesucristo: 15 Na sa kaniyang kapanahunan ay ipahahayag siya, na mapalad at tanging Makapangyarihan Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon; 16 Na siya lamang ang walang kamatayan, na nananahan sa liwanag na di malapitan; na di nakita ng sinomang tao, o makikita man: sumakaniya nawa ang kapurihan at paghaharing walang hanggan. Siya nawa. 17 Ang mayayaman sa sanglibutang ito, ay pagbilinan mo na huwag magsipagmataas ng pagiisip, at huwag umasa sa mga kayamanang di nananatili, kundi sa Dios na siyang nagbibigay sa ating sagana ng lahat ng mga bagay upang ating ikagalak; 18 Na sila'y magsigawa ng mabuti, na sila'y magsiyaman sa mabuting gawa, na sila'y maging handa sa pamimigay, maibigin sa pamamahagi; 19 Na mangagtipon sa kanilang sarili ng isang mabuting kinasasaligan para sa panahong darating, upang sila'y makapanangan sa buhay na tunay na buhay. 20 Oh Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na ilagan mo ang mga usapan na walang kabuluhan at ang mga pagsalungat ng maling tawag na kaalaman; 21 Na palibhasa'y pinaniwalaan ng ilan ay nangasinsay tungkol sa pananampalataya. Ang biyaya ay sumainyo nawa.
1 Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, ayon sa pangako ng buhay na nasa kay Cristo Jesus, 2 Kay Timoteo na aking minamahal na anak: Biyaya, kaawaan, kapayapaan nawang mula sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na Panginoon natin. 3 Nagpapasalamat ako sa Dios, na mula sa aking kanunununuan ay aking pinaglilingkuran sa budhing malinis, na walang patid na inaalaala kita sa aking mga daing, gabi't araw; 4 Na kinasasabikan kong makita kita, na inaalaala ang iyong mga pagluha, upang ako'y mapuspos ng kagalakan; 5 Na inaalaala ko ang pananampalatayang hindi pakunwari na nasa iyo; na namalagi muna kay Loida na iyong lelang, at kay Eunice na iyong ina; at, ako'y naniniwalang lubos, na nasa iyo rin naman. 6 Dahil dito ay ipinaaalaala ko sa iyo na paningasin mo ang kaloob ng Dios, na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng aking mga kamay. 7 Sapagka't hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pagibig at ng kahusayan. 8 Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon, ni ako na bilanggo niya: kundi magtiis ka ng mga kahirapan dahil sa evangelio ayon sa kapangyarihan ng Dios; 9 Na siyang sa atin ay nagligtas, at sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag, hindi ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa kaniyang sariling akala at biyaya, na ibinigay sa atin kay Cristo Jesus buhat pa ng mga panahong walang hanggan. 10 Nguni't ngayon ay nahayag sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus, na siyang nagalis ng kamatayan, at nagdala sa liwanag ng buhay at ng walang pagkasira sa pamamagitan ng evangelio, 11 Na sa bagay na ito ay ako'y itinalaga na tagapangaral, at apostol at guro. 12 Dahil dito'y nagtiis din ako ng mga bagay na ito: gayon ma'y hindi ako nahihiya; sapagka't nakikilala ko yaong aking sinampalatayanan, at lubos akong naniniwalang siya'y makapagiingat ng aking ipinagkatiwala sa kaniya hanggang sa araw na yaon. 13 Ingatan mo ang mga ulirang mga salitang magagaling na narinig mo sa akin, sa pananampalataya at pagibig na nasa kay Cristo Jesus. 14 Yaong mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo ay ingatan mo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nananahan sa atin. 15 Ito'y nalalaman mo, na nagsihiwalay sa akin ang lahat ng nangasa Asia; na sa mga yaon ay si Figello at si Hermogenes. 16 Pagkalooban nawa ng Panginoon ng habag ang sangbahayan ni Onesiforo: sapagka't madalas niya akong pinaginhawa, at hindi ikinahiya ang aking tanikala; 17 Kundi, nang siya'y nasa Roma, ay hinanap niya ako ng buong sikap, at ako'y nasumpungan niya. 18 (Pagkalooban nawa siya ng Panginoon na masumpungan niya ang kahabagan ng Panginoon sa araw na yaon); at totoong alam mo kung gaano karaming mga bagay ang ipinaglingkod niya sa Efeso.
1 Ikaw nga, anak ko, magpakalakas ka sa biyayang nasa kay Cristo Jesus. 2 At ang mga bagay na iyong narinig sa akin sa gitna ng maraming saksi, ay siya mo ring ipagkatiwala sa mga taong tapat, na makapagtuturo naman sa mga iba. 3 Makipagtiis ka sa akin ng mga kahirapan, na gaya ng mabuting kawal ni Cristo Jesus. 4 Sinomang kawal na nasa pagkakawal ay hindi nahalubilo sa mga bagay ng buhay na ito; upang siya'y kalugdan niyaong nagtala sa pagkakawal. 5 At kung ang sinoman ay makikipaglaban naman sa mga laro, ay hindi pinuputungan maliban na kung makipaglabang matuwid. 6 Ang magsasaka na nagpapagal ay siyang kailangang unang makabahagi sa mga bunga. 7 Isipin mo ang sinasabi ko; sapagka't bibigyan ka ng Panginoon ng pagkaunawa sa lahat ng mga bagay. 8 Alalahanin mo si Jesucristo na muling nabuhay sa mga patay, sa binhi ni David, ayon sa aking evangelio: 9 Na siyang pinagtitiisan ko ng kahirapan sa mga tanikala, na tulad sa tampalasan; nguni't ang salita ng Dios ay hindi natatanikalaan. 10 Kaya aking tinitiis ang lahat ng mga bagay dahil sa mga hinirang, upang kamtan naman nila ang pagkaligtas na nasa kay Cristo Jesus na may kaluwalhatiang walang hanggan. 11 Tapat ang pasabi: Sapagka't kung tayo'y nangamatay na kalakip niya, ay mangabubuhay naman tayong kasama niya: 12 Kung tayo'y mangagtiis, ay mangaghahari naman tayong kasama niya: kung ating ikaila siya, ay ikakaila naman niya tayo: 13 Kung tayo'y hindi mga tapat, siya'y nananatiling tapat; sapagka't hindi makapagkakaila sa kaniyang sarili. 14 Ipaalaala mo sa kanila ang mga bagay na ito, na sila'y pagbilinan sa paningin ng Panginoon, na sila'y huwag makipagtalo tungkol sa mga salitaan na hindi mapapakinabangan, sa ikapapahamak ng mga nakikinig. 15 Pagsikapan mong humarap na subok sa Dios, manggagawang walang anomang ikahihiya, na gumagamit na matuwid ng salita ng katotohanan. 16 Datapuwa't ilagan mo ang mga usapang walang kabuluhan: sapagka't sila'y lalong magpapatuloy sa kasamaan, 17 At ang kanilang salita ay kakalat na gaya ng ganggrena: na sa mga ito ay si Himeneo at si Fileto; 18 Na mga taong tungkol sa katotohanan ay nangasinsay, na sinasabing ang pagkabuhay na maguli ay nakaraan na, at ginugulo ang pananampalataya ng iba. 19 Gayon ma'y ang matibay na pinagsasaligan ng Dios ay nananatili na may tatak nito, Nakikilala ng Panginoon ang mga kaniya: at, Lumayo sa kalikuan ang bawa't isa na sumasambitla ng pangalan ng Panginoon. 20 Datapuwa't sa isang malaking bahay ay hindi lamang may mga sisidlang ginto at pilak, kundi mayroon din namang kahoy at lupa; at ang iba'y sa ikapupuri, at ang iba'y sa ikasisirang-puri. 21 Kung ang sinoman nga ay malinis sa alin man sa mga ito, ay magiging sisidlang ikapupuri, pinakabanal, marapat gamitin ng mayari, nahahanda sa lahat ng gawang mabuti. 22 Datapuwa't layuan mo ang masasamang pita ng kabinataan, at sundin mo ang kabanalan, ang pananampalataya, ang pagibig, ang kapayapaan, kasama ng mga nagsisitawag sa Panginoon mula sa pusong malinis. 23 Nguni't tanggihan mo ang mga usapang walang kabuluhan at hangal, yamang nalalaman mo na namumunga ng mga pagtatalo. 24 At ang alipin ng Panginoon ay hindi nararapat na makipagtalo, kundi maamo sa lahat, sapat na makapagturo, matiisin, 25 Na sawaying may kaamuan ang mga nagsisisalangsang; baka sakaling sila'y pagkalooban ng Dios ng pagsisisi sa ikaaalam ng katotohanan, 26 At sila'y makawala sa silo ng diablo, na bumihag sa kanila ayon sa kaniyang kalooban.
1 Datapuwa't alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib. 2 Sapagka't ang mga tao'y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, 3 Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti, 4 Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios; 5 Na may anyo ng kabanalan, datapuwa't tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito. 6 Sapagka't sa mga ito ang nanganggagapang sa mga bahay, at binibihag ang babaing haling na lipos ng mga kasalanan, hinihila ng mga iba't ibang pita, 7 Na laging nagsisipagaral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan. 8 At kung paanong si Janes at si Jambres ay nagsilaban kay Moises, ay gayon din naman ang mga ito'y nagsisilaban sa katotohanan; mga taong masasama ang pagiisip, mga itinakuwil tungkol sa pananampalataya. 9 Nguni't sila'y hindi mangagpapatuloy: sapagka't mangahahayag sa lahat ng mga tao ang kanilang kamangmangan, gaya naman ng pagkahayag ng sa mga yaon. 10 Nguni't sinunod mo ang aking aral, ugali, akala, pananampalataya, pagpapahinuhod, pagibig, pagtitiis, 11 Mga paguusig, mga pagbabata; anomang mga bagay ang nangyari sa akin sa Antioquia, sa Iconio, sa Listra; anomang mga paguusig ang tiniis ko: at sa lahat ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Oo, at lahat na ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay mangagbabata ng paguusig. 13 Datapuwa't ang masasamang tao at mga magdaraya ay lalong sasama ng sasama, na mangagdadaya, at sila rin ang mangadadaya. 14 Datapuwa't manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan, yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan; 15 At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: 17 Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.
1 Ipinagbibilin ko sa iyo sa paningin ng Dios, at ni Cristo Jesus, na siyang huhukom sa mga buhay at sa mga patay, sa pamamagitan ng kaniyang pagpapakita at sa kaniyang kaharian: 2 Ipangaral mo ang salita; magsikap ka sa kapanahunan, at sa di kapanahunan, sumawata ka, sumaway ka, mangaral ka na may buong pagpapahinuhod at pagtuturo. 3 Sapagka't darating ang panahon na hindi nila titiisin ang magaling na aral; kundi, pagkakaroon nila ng kati ng tainga, ay magsisipagbunton sila sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling mga masasamang pita; 4 At ihihiwalay sa katotohanan ang kanilang mga tainga, at mga ibabaling sa katha. 5 Nguni't ikaw ay magpigil sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng mga kahirapan, gawin mo ang gawa ng evangelista, ganapin mo ang iyong ministerio. 6 Sapagka't ako'y iniaalay na, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na. 7 Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: 8 Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita. 9 Magsikap kang pumarini na madali sa akin: 10 Sapagka't ako'y pinabayaan ni Demas, palibhasa'y iniibig niya ang sanglibutang ito, at napasa Tesalonica; si Crescente ay napasa Galacia, at si Tito ay sa Dalmacia. 11 Si Lucas lamang ang kasama ko. Kaunin mo si Marcos, at ipagsama mo; sapagka't siya'y napapakinabangan ko sa ministerio. 12 Datapuwa't si Tiquico ay sinugo ko sa Efeso. 13 Ang balabal na aking iniwan sa Troas kay Carpo ay iyong dalhin pagparini mo, at ang mga aklat, lalong lalo na ang mga pergamino. 14 Si Alejandro na panday-tanso ay ginawan ako ng lubhang masama: gagantihan siya ng Panginoon ayon sa kaniyang mga gawa: 15 Magingat ka rin naman sa kaniya; sapagka't totoong kaniyang sinalangsang ang aming mga salita. 16 Sa aking unang pagsasanggalang sinoman ay walang kumampi sa akin, bagkus pinabayaan ako ng lahat: huwag nawang ibilang sa kanila ito. 17 Datapuwa't ang Panginoon ay sumaakin, at ako'y pinalakas; upang sa pamamagitan ko ang mabuting balita ay maitanyag ng ganap, at upang mapakinggan ng lahat ng mga Gentil: at ako'y iniligtas sa bibig ng leon. 18 Ako'y ililigtas ng Panginoon sa bawa't gawa ng masama, at ako'y kaniyang iingatan sa kaniyang kaharian sa langit: na sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa. 19 Batiin mo si Prisca at si Aquila, at ang sangbahayan ni Onesiforo. 20 Si Erasto ay natira sa Corinto; datapuwa't si Trofimo ay iniwan kong may-sakit sa Mileto. 21 Magsikap kang pumarini bago magtaginaw. Binabati ka ni Eubulo, at ni Pudente, at ni Lino, at ni Claudia, at ng lahat ng mga kapatid. 22 Ang Panginoon nawa'y sumainyong espiritu. Ang biyaya nawa'y sumainyo.
1 Si Pablo, na alipin ng Dios, at apostol ni Jesucristo, ayon sa pananampalataya ng mga hinirang ng Dios, at sa pagkaalam ng katotohanan na ayon sa kabanalan, 2 Sa pagasa sa buhay na walang hanggan, na ipinangako ng Dios na di makapagsisinungaling buhat pa ng mga panahong walang hanggan; 3 Nguni't sa kaniyang mga panahon ay ipinahayag ang kaniyang salita sa pangangaral, na sa akin ay ipinagkatiwala ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas; 4 Kay Tito na aking tunay na anak ayon sa pananampalataya ng lahat: Biyaya at kapayapaan nawang mula sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na Tagapagligtas natin. 5 Dahil dito'y iniwan kita sa Creta, upang husayin mo ang mga bagay na nagkukulang, at maghalal ng mga matanda sa bawa't bayan, na gaya ng ipinagbilin ko sa iyo; 6 Kung ang sinoman ay walang kapintasan, asawa ng isang babae lamang, na may mga anak na nagsisisampalataya, na hindi maisusumbong sa pangliligalig o suwail. 7 Sapagka't dapat na ang obispo ay walang kapintasan, palibhasa siya'y katiwala ng Dios; hindi mapagsariling kalooban, hindi magagalitin, hindi manggugulo, hindi palaaway, hindi masakim sa mahalay na kapakinabangan; 8 Kundi mapagpatuloy, maibigin sa mabuti, mahinahon ang pagiisip, matuwid, banal, mapagpigil; 9 Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa turo, upang umaral ng magaling na aral, at papaniwalain ang nagsisisalangsang. 10 Sapagka't may maraming mga suwail, na mapagsalita ng walang kabuluhan at mga magdaraya, lalong lalo na yaong mga sa pagtutuli, 11 Na ang kanilang mga bibig ay nararapat matikom; mga taong nagsisipanggulo sa buong mga sangbahayan, na nangagtuturo ng mga bagay na di nararapat, dahil sa mahalay na kapakinabangan. 12 Sinabi ng isa sa kanila rin, ng isang propetang sarili nila, Ang mga taga Creta kailan pa man ay mga sinungaling, masasamang hayop, matatakaw na mga tamad. 13 Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito'y sawayin mong may kabagsikan sila, upang mangapakagaling sa pananampalataya, 14 Na huwag mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan. 15 Sa malinis ang lahat ng mga bagay ay malinis: datapuwa't sa nangahawa at di nagsisisampalataya ay walang anomang malinis; kundi pati ng kanilang pagiisip at kanilang budhi ay pawang nangahawa. 16 Sila'y nangagpapanggap na nakikilala nila ang Dios; nguni't ikinakaila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, palibhasa'y mga malulupit, at mga masuwayin, at mga itinakuwil sa bawa't gawang mabuti.
1 Nguni't magsalita ka ng mga bagay na nauukol sa aral na magaling: 2 Na ang matatandang lalake ay maging mapagpigil, mahusay, mahinahon ang pagiisip, magagaling sa pananampalataya, sa pagibig, sa pagtitiis: 3 Na gayon din ang matatandang babae ay maging magalang sa kanilang kilos, hindi palabintangin ni paalipin man sa maraming alak, mga guro ng kabutihan; 4 Upang kanilang maturuan ang mga babaing may kabataan na magsiibig sa kanikaniyang asawa, magsiibig sa kanilang mga anak, mangagpakahinahon, 5 Mangagpakahinahon, mangagpakalinis, mangagpakasipag sa bahay, magagandang-loob, pasakop sa kanikaniyang asawa, upang huwag lapastanganin ang salita ng Dios: 6 Iaral mo rin naman sa mga bagong tao na sila'y mangagpakahinahon ng pagiisip: 7 Sa lahat ng mga bagay ay magpakilala kang ikaw ay isang uliran sa mabubuting gawa; at sa iyong aral ay ipakilala mo ang walang kamalian ang kahusayan, 8 Pangungusap na magaling, na di mahahatulan; upang sila na nasa kabilang panig ay mahiya, nang walang anomang masamang masabi tungkol sa atin. 9 Iaral mo sa mga alipin na sila'y pasakop sa kanikaniyang Panginoon, at kanilang kalugdan sa lahat ng mga bagay; at huwag mga masagutin; 10 Huwag mangagdaya, kundi mangagpakita ng buong buting pagtatapat; upang pamutihan sa lahat ng mga bagay ang aral ng Dios na ating Tagapagligtas. 11 Sapagka't napakita ang biyaya ng Dios, na may dalang kaligtasan sa lahat ng mga tao, 12 Na nagtuturo sa atin, upang, pagtanggi natin sa kalikuan at sa mga kahalayan ng sanglibutan, ay marapat mabuhay tayong may pagpipigil at matuwid at banal sa panahong kasalukuyan ng sanglibutang ito; 13 Na hintayin yaong mapalad na pagasa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo; 14 Na siyang nagbigay ng kaniyang sarili dahil sa atin, upang tayo'y matubos niya sa lahat ng mga kasamaan, at malinis niya sa kaniyang sarili ang bayang masikap sa mabubuting gawa, upang maging kaniyang sariling pag-aari. 15 Ang mga bagay na ito ay iyong salitain at iaral at isaway ng buong kapangyarihan. Sinoman ay huwag humamak sa iyo.
1 Ipaalala mo sa kanilang pasakop sa mga pinuno, sa mga may kapangyarihan, na mangagmasunurin, na humanda sa bawa't gawang mabuti, 2 Na huwag magsalita ng masama tungkol sa kanino man, na huwag makipagtalo, kundi mapakahinhin, at magpakahinahon sa lahat ng mga tao. 3 Sapagka't tayo rin naman nang unang panahon ay mga mangmang, mga suwail, mga nadaya, na nagsisipaglingkod sa sarisaring masamang pita at kalayawan, na nangamumuhay sa masasamang akala at kapanaghilian, mga napopoot, at tayo'y nangagkakapootan. 4 Nguni't nang mahayag na ang kagandahang-loob ng Dios na ating Tagapagligtas, at ang kaniyang pagibig sa tao, 5 Na hindi dahil sa mga gawa sa katuwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo, sa pamamagitan ng paghuhugas sa muling kapanganakan at ng pagbabago sa Espiritu Santo, 6 Na kaniyang ibinuhos ng sagana sa atin, sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Tagapagligtas; 7 Upang, sa pagkaaring-ganap sa atin sa pamamagitan ng kaniyang biyaya, ay maging tagapagmana tayo ayon sa pagasa sa buhay na walang hanggan. 8 Tapat ang pasabi, at tungkol sa mga bagay na ito ay ninanasa kong patotohanan mong may pagkakatiwala, upang ang mga nagsisipanampalataya sa Dios ay maging maingat na papanatilihin ang mabubuting gawa. Ang mga bagay na ito ay pawang mabubuti at mapapakinabangan ng mga tao: 9 Nguni't ilagan mo ang mga hangal na usapan, at ang mga pagsasalaysay ng lahi, at ang mga pagtatalo, at pagtataltalan tungkol sa kautusan; sapagka't ang mga ito ay di pinakikinabangan at walang kabuluhan. 10 Ang taong may maling pananampalataya pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway ay itakuwil mo; 11 Yamang nalalaman mo na ang gayon ay napahamak, at nagkakasala at siya'y hinahatulan ng kaniyang sarili. 12 Pagka susuguin ko sa iyo si Artemas, o si Tiquico, ay magsikap kang pumarini sa akin sa Nicopolis: sapagka't pinasiyahan kong doon matira sa taginaw. 13 Suguin mong may sikap si Zenas na tagapagtanggol ng kautusan at si Apolos sa kanilang paglalakbay, upang sila'y huwag kulangin ng ano man. 14 At pagaralan din naman ng ating mga tao na manatili sa mabubuting gawa sa kagamitang kailangan, upang huwag mawalan ng bunga. 15 Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko. Batiin mo ang mga nagsisiibig sa atin sa pananampalataya. Biyaya ang sumainyo nawang lahat.
1 Si Pablo, na bilanggo ni Cristo Jesus, at si Timoteo na ating kapatid kay Filemon na aming minamahal at kamanggagawa, 2 At kay Apia na ating kapatid na babae, at kay Arquipo na kapuwa kawal namin, at sa iglesia sa iyong bahay: 3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo. 4 Nagpapasalamat akong lagi sa aking Dios, na ikaw ay binabanggit ko sa aking mga panalangin, 5 Sa pagkabalita ko ng iyong pagibig, at ng pananampalataya mo sa Panginoong Jesus, at sa lahat ng mga banal; 6 Upang ang pakikipagkaisa ng iyong pananampalataya, ay maging mabisa sa pagkaalam ng bawa't mabuting bagay na nasa iyo, sa kay Cristo. 7 Sapagka't ako'y totoong nagalak at naaliw sa iyong pagibig, sapagka't ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid. 8 Kaya, bagama't kay Cristo ay mayroon akong buong pagkakatiwala upang ipagtagubilin ko sa iyo ang nauukol, 9 Gayon ma'y alangalang sa pagibig ay bagkus akong namamanhik, kung sa bagay akong si Pablo ay matanda na, at ngayon nama'y bilanggo ni Cristo Jesus: 10 Ipinamamanhik ko sa iyo ang aking anak, na aking ipinanganak sa aking mga tanikala, si Onesimo, 11 Na nang unang panahon ay hindi mo pinakinabangan, datapuwa't ngayon ay may pakikinabangin ka at ako man: 12 Na siya'y aking pinabalik sa iyo sa kaniyang sariling katawan, sa makatuwid baga'y, ang aking sariling puso: 13 Na ibig ko sanang pigilin siya sa aking piling, upang sa iyong pangalan ay paglingkuran ako sa mga tanikala ng evangelio: 14 Datapuwa't kung wala kang pasiya ay wala akong magagawang anoman; upang ang iyong kabutihang-loob ay huwag maging tila sa pagkakailangan, kundi sa sariling kalooban. 15 Sapagka't marahil sa ganito siya'y nahiwalay sa iyo sa sangdaling panahon, upang siya'y mapasa iyo magpakailan man; 16 Na hindi na alipin, kundi higit sa alipin, isang kapatid na minamahal, lalong lalo na sa akin, nguni't gaano pa kaya sa iyo, na siya'y minamahal mo maging sa laman at gayon din sa Panginoon. 17 Kung ako nga ay inaari mong kasama, ay tanggapin mo siyang tila ako rin. 18 Nguni't kung siya'y nagkasala sa iyo ng anoman, o may utang sa iyong anoman, ay ibilang mo sa akin; 19 Akong si Pablo na sumusulat nito ng aking sariling kamay, ay siyang magbabayad sa iyo: hindi sa sinasabi ko sa iyo na ikaw man ay utang mo pa sa akin. 20 Oo, kapatid, magkaroon nawa ako ng katuwaan sa iyo sa Panginoon: panariwain mo ang aking puso kay Cristo. 21 Kita'y sinulatan sa pagkakatiwala sa iyong pagtalima, palibhasa'y aking nalalaman na gagawin mo ang higit pa kay sa aking sinasabi. 22 Datapuwa't bago ang lahat ay ipaghanda mo ako ng matutuluyan: sapagka't inaasahan kong sa pamamagitan ng inyong mga panalangin ay ipagkakaloob ako sa inyo. 23 Binabati ka ni Epafras, na aking kasama sa pagkabilanggo kay Cristo Jesus; 24 At gayon din ni Marcos, ni Aristarco, ni Demas, at ni Lucas na aking mga kamanggagawa. 25 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawang espiritu. Siya nawa.
1 Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, 2 Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan; 3 Palibhasa'y siyang sinag ng kaniyang kaluwalhatian, at tunay na larawan ng kaniyang pagka-Dios, at umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan, nang kaniyang magawa na ang paglilinis ng mga kasalanan, ay lumuklok sa kanan ng Karangalan sa kaitaasan; 4 Na naging lalong mabuti kay sa mga anghel, palibhasa'y nagmana ng lalong marilag na pangalan kay sa kanila. 5 Sapagka't kanino nga sa mga anghel sinabi niya kailan man, Ikaw ay aking Anak, Ikaw ay aking ipinanganak ngayon? at muli, Ako'y magiging kaniyang Ama, At siya'y magiging aking Anak? 6 At muli nang dinadala niya ang panganay sa sangkalupaan ay sinasabi, At sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Dios. 7 At sinasabi niya tungkol sa mga anghel, Yaong ginagawang mga anghel niya ang mga hangin, At ang kaniyang mga ministro ay ningas ng apoy: 8 Nguni't tungkol sa Anak ay sinasabi, Ang iyong luklukan, Oh Dios, ay magpakailan man; At ang setro ng katuwiran ay siyang setro ng iyong kaharian. 9 Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan; Kaya't ang Dios, ang Dios mo, ay nagbuhos sa inyo, Ng langis ng kasayahang higit sa iyong mga kasamahan. 10 At, Ikaw, Panginoon, nang pasimula'y inilagay mo ang kinasasaligan ng lupa, At ang mga langit ay mga gawa ng iyong mga kamay: 11 Sila'y mangapapahamak; datapuwa't ikaw ay nananatili: At silang lahat ay mangalulumang gaya ng isang kasuutan; 12 At gaya ng isang balabal sila'y iyong bibilutin, At sila'y mapapalitang gaya ng kasuutan: Nguni't ikaw ay ikaw rin, At ang iyong mga taon ay di matatapos. 13 Nguni't kanino sa mga anghel sinabi niya kailan man, Lumuklok ka sa aking kanan, Hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tungtungan ng iyong mga paa? 14 Hindi baga silang lahat ay mga espiritung tagapaglingkod, na mga sinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng mangagmamana ng kaligtasan?
1 Kaya't nararapat nating pagkatantuin ang mga bagay na narinig, baka sakaling tayo'y makahagpos. 2 Sapagka't kung ang ipinangusap na salita sa pamamagitan ng mga anghel ay nagtibay, at ang bawa't pagsalangsang at pagsuway ay tumanggap ng matuwid na parusa na kabayaran; 3 Paanong makatatanan tayo, kung ating pabayaan ang ganitong dakilang kaligtasan? na ipinangusap ng Panginoon noong una ay pinatunayan sa atin sa pamamagitan ng mga nakarinig; 4 Na pawang sinasaksihan naman ng Dios na kasama nila, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, at ng saganang kapangyarihan, at ng mga kaloob ng Espiritu Santo, ayon sa kaniyang sariling kalooban. 5 Sapagka't hindi niya ipinasakop sa mga anghel ang sanglibutang darating, na siya naming isinasaysay. 6 Nguni't pinatunayan ng isa sa isang dako, na sinasabi, Ano ang tao, upang siya'y iyong alalahanin? O ang anak ng tao, upang siya'y iyong dalawin? 7 Siya'y ginawa mong mababa ng kaunti kay sa mga anghel; Siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan, At siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay: 8 Inilagay mo ang lahat ng mga bagay sa pagsuko sa ilalim ng kaniyang mga paa. Sapagka't nang pasukuin niya ang lahat ng mga bagay sa kaniya, ay wala siyang iniwan na di sumuko sa kaniya. Nguni't ngayon ay hindi pa natin nakikitang sumuko sa kaniya ang lahat ng mga bagay. 9 Kundi nakikita natin ang ginawang mababa ng kaunti kay sa mga anghel, sa makatuwid ay si Jesus, na dahil sa pagbata ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Dios ay lasapin niya ang kamatayan dahil sa bawa't tao. 10 Sapagka't marapat sa kaniya na pinagukulan ng lahat ng mga bagay, at sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak sa kaluwalhatian na gawing sakdal siyang may gawa ng kaligtasan nila sa pamamagitan ng mga sakit. 11 Sapagka't ang nagpapagingbanal at ang mga pinapagingbanal ay pawang sa isa: na dahil dito'y hindi siya nahihiyang tawagin silang mga kapatid, 12 Na sinasabi, Ibabalita ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid, Sa gitna ng kapisanan ay aawitin ko ang kapurihan mo. 13 At muli, ilalagak ko ang aking pagkakatiwala sa kaniya. At muli, Narito, ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Dios. 14 Dahil sa ang mga anak ay mga may bahagi sa laman at dugo, siya nama'y gayon ding nakabahagi sa mga ito; upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang malipol yaong may paghahari sa kamatayan, sa makatuwid ay ang diablo: 15 At mailigtas silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan ay nangasailalim ng pagkaalipin sa buong buhay nila. 16 Sapagka't tunay na hindi niya tinutulungan ang mga anghel, kundi tinutulungan niya ang binhi ni Abraham. 17 Kaya't nararapat sa kaniya na sa lahat ng mga bagay ay matulad sa kaniyang mga kapatid, upang maging isang dakilang saserdoteng maawain at tapat sa mga bagay na nauukol sa Dios, upang gumawa ng pangpalubag-loob patungkol sa mga kasalanan ng bayan. 18 Palibhasa'y nagbata siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso.
1 Kaya, mga banal na kapatid, mga may bahagi sa pagtawag ng kalangitan, inyong isipin ang Apostol at Dakilang Saserdote na ating kinikilala, si Jesus; 2 Na siya'y tapat sa naglagay sa kaniya na gaya rin naman ni Moises sa buong sangbahayan niya. 3 Sapagka't siya ay inaring may karapatan sa lalong kaluwalhatian kay sa kay Moises, palibhasa'y may lalong karangalan kay sa bahay yaong nagtayo ng bahay. 4 Sapagka't ang bawa't bahay ay may nagtayo; datapuwa't ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Dios. 5 At sa katotohanang si Moises ay tapat sa buong sangbahayan niya gaya ng lingkod, na pinakapatotoo sa mga bagay na sasabihin pagkatapos; 6 Datapuwa't si Cristo, gaya ng anak ay puno sa bahay niya; na ang bahay niya ay tayo, kung ating ingatang matibay ang ating pagkakatiwala at pagmamapuri sa pagasa natin hanggang sa katapusan. 7 Gaya nga ng sabi ng Espiritu Santo, Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, 8 Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa pamumungkahi, Gaya nang sa araw ng pagtukso sa ilang, 9 Na doon ako tinukso ng inyong mga magulang sa pagsubok sa akin, At apat na pung taon na nangakita ang aking mga gawa. 10 Dahil dito'y nagalit ako sa lahing ito, At aking sinabi, Laging sila'y nangagkakamali sa kanilang puso: Nguni't hindi nila nangakilala ang aking mga daan; 11 Ano pa't aking isinumpa sa aking kagalitan, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan. 12 Magsipagingat kayo, mga kapatid, baka sakaling mayroon sa kanino man sa inyo ng isang pusong masama na walang pananampalataya, na naghihiwalay sa inyo sa Dios na buhay: 13 Nguni't kayo'y mangagpangaralan sa isa't isa araw-araw, samantalang sinasabi, Ngayon; baka papagmatigasin ang sinoman sa inyo ng daya ng kasalanan: 14 Sapagka't tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo, kung ating iniingatang matibay ang pasimula ng ating pagkakatiwala hanggang sa katapusan: 15 Samantalang sinasabi, Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa pamumungkahi. 16 Sapagka't sino-sino, na pagkarinig ay namungkahi? nguni't, hindi baga yaong lahat na nagsialis sa Egipto sa pamamagitan ni Moises? 17 At sino-sino ang kinagalitan niyang apat na pung taon? hindi baga yaong nangagkasala, na ang kanilang mga katawan ay nangabuwal sa ilang? 18 At sa kani-kanino isinumpa niyang hindi makapapasok sa kaniyang kapahingahan, kundi yaong mga nagsisuway? 19 At nakikita natin na sila'y hindi nangakapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya.
1 Mangatakot nga tayo, yamang may iniwang pangako ng pagpasok sa kaniyang kapahingahan, baka sakaling sinoman sa inyo ay maging tulad sa di nakaabot niyaon. 2 Sapagka't tunay na tayo'y pinangaralan ng mabubuting balita, gaya rin naman nila: nguni't hindi nila pinakinabangan ang salitang napakinggan, dahil sa walang kalakip na pananampalataya ang nangakarinig. 3 Sapagka't tayong nagsisipanampalataya ay nagsisipasok sa kapahingahang yaon; gaya ng sinabi niya, Gaya ng aking isinumpa sa aking kagalitan, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan: bagama't ang mga gawa ay nangatapos mula nang itatag ang sanglibutan. 4 Sapagka't sa isang dako ay sinabi niya ang ganito tungkol sa ikapitong araw, At nagpahinga nang ikapitong araw ang Dios sa lahat ng kaniyang mga gawa; 5 At sa dakong ito ay muling sinabi, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan. 6 Kaya't yamang may natitira pang ibang dapat magsipasok doon, at ang mga pinangaralan nang una ng mabubuting balita ay hindi nangapasok dahil sa pagsuway, 7 Ay muling nagtangi siya ng isang araw, Ngayon pagkatapos ng ilang panahon na sinabi sa mga awit ni David (ayon sa sinabi na ng una), Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso. 8 Sapagka't kung ibinigay sa kanila ni Josue ang kapahingahan, ay hindi na sana niya sasalitain pagkatapos ang ibang araw. 9 May natitira pa ngang isang pamamahingang sabbath, ukol sa bayan ng Dios. 10 Sapagka't ang pumasok sa kaniyang kapahingahan ay nagpahinga naman sa kaniyang mga gawa, gaya ng Dios sa kaniyang mga gawa. 11 Magsipagsikap nga tayo ng pagpasok sa kapahingahang yaon, upang huwag marapa ang sinoman ayon sa gayong halimbawa ng pagsuway. 12 Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso. 13 At walang anomang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin: nguni't ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan. 14 Yaman ngang tayo'y mayroong isang lubhang dakilang saserdote, na pumasok sa kalangitan, si Jesus na Anak ng Dios, ay ingatan nating matibay ang ating pagkakilala. 15 Sapagka't tayo'y walang isang dakilang saserdote na hindi maaaring mahabag sa ating kahinaan, kundi isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin gayon ma'y walang kasalanan. 16 Magsilapit nga tayong may pagkakatiwala sa luklukan ng biyaya, upang tayo'y magsipagtamo ng awa, at mangakasumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.
1 Sapagka't ang bawa't dakilang saserdote palibhasa'y hinugot sa mga tao, ay inilagay dahil sa mga tao sa mga bagay na nauukol sa Dios, upang siya'y makapaghandog ng mga kaloob at mga hain namang patungkol sa mga kasalanan: 2 Na makapagtitiis na may kaamuan sa mga di nakaaalam at nangamamali, yamang siya rin naman ay nalilibid ng kahinaan; 3 At dahil dito'y nararapat siyang maghandog dahil sa mga kasalanan, at hindi lamang patungkol sa mga tao, kundi naman sa kaniyang sarili. 4 At sinoman ay hindi tumatanggap sa kaniyang sarili ng karangalang ito, liban na kung tawagin siya ng Dios, na gaya ni Aaron. 5 Gayon din si Cristo man ay hindi nagmapuri sa kaniyang sarili upang maging dakilang saserdote, kundi yaong sa kaniya ay nagsabi, Ikaw ay aking Anak. Ikaw ay aking naging anak ngayon: 6 Gaya rin naman ng sinasabi niya sa ibang dako, Ikaw ay saserdote magpakailan man Ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec. 7 Na siya sa mga araw ng kaniyang laman ay naghandog ng mga panalangin at mga daing na sumisigaw ng malakas at lumuluha doon sa may kapangyarihang makapagligtas sa kaniya sa kamatayan, at siya'y dininig dahil sa kaniyang banal na takot, 8 Bagama't siya'y Anak, gayon may natuto ng pagtalima sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis; 9 At nang siya'y mapaging sakdal, ay siya ang gumawa ng walang hanggang kaligtasan ng lahat na mga nagsisitalima sa kaniya; 10 Pinanganlan ng Dios na dakilang saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec. 11 Tungkol sa kaniya'y marami kaming sasabihin, at mahirap na saysayin, palibhasa'y nagsipurol kayo sa pakikinig. 12 Sapagka't nang kayo'y nangararapat nang maging mga guro dahil sa kaluwatan, ay muling kayo'y nangangailangan na kayo'y turuan ninoman ng mga unang simulain ng aral ng Dios; at naging tulad sa mga nangangailangan ng gatas, at hindi ng pagkaing matigas. 13 Sapagka't bawa't tumatanggap ng gatas ay walang karanasan sa salita ng katuwiran; sapagka't siya'y isang sanggol. 14 Nguni't ang pagkaing matigas ay sa mga may gulang, sa makatuwid ay doon sa mga sa pamamagitan ng pamimihasa ay nangasanay ang kanilang mga pakiramdam, upang makilala ang mabuti at ang masama.
1 Kaya't tayo'y tumigil na ng pagsasalita ng mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y mangagpatuloy sa kasakdalan; na huwag nating ilagay na muli ang kinasasaligan ng pagsisisi sa mga patay na gawa, at ng pananampalataya sa Dios, 2 Ng aral na tungkol sa mga paglilinis, at ng pagpapatong ng mga kamay, at ng pagkabuhay na maguli ng mga patay, at ng paghuhukom na walang hanggan. 3 At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Dios. 4 Sapagka't tungkol sa mga minsang naliwanagan at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga nakabahagi ng Espiritu Santo, 5 At nakalasap ng mabuting salita ng Dios, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating, 6 At saka nahiwalay sa Dios ay di maaaring baguhin silang muli sa pagsisisi; yamang kanilang ipinapapakong muli sa ganang kanilang sarili ang Anak ng Dios, at inilalagay na muli siya sa hayag na kahihiyan. 7 Sapagka't ang lupang humitit ng ulang madalas na lumalagpak sa kaniya, at tinutubuan ng mga damong pakikinabangan ng mga yaon na dahil sa kanila'y binukid, ay tumanggap ng pagpapalang mula sa Dios: 8 Datapuwa't kung namumunga ng mga tinik at dawag, ay itinatakuwil at malapit sa sumpa; at ang kaniyang kahihinatnan ay ang sunugin. 9 Nguni't, mga minamahal, naniniwala kaming lubos sa magagaling na bagay tungkol sa inyo, at sa mga bagay na kalakip ng pagkaligtas, bagama't kami ay nagsasalita ng ganito: 10 Sapagka't ang Dios ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pagibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, at hanggang ngayo'y nagsisipaglingkod kayo. 11 At ninanasa namin na ang bawa't isa sa inyo ay magpakita ng gayon ding sikap sa ikalulubos ng pagasa hanggang sa katapusan: 12 Na huwag kayong mga tamad, kundi mga taga tulad kayo sa mga na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagsisipagmana ng mga pangako. 13 Sapagka't nang mangako ang Dios kay Abraham, palibhasa'y hindi niya maipanumpa ang anomang lalong mataas, ay ipinanumpa ang kaniyang sarili, 14 Na sinasabi, Tunay sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin kita. 15 At sa ganito, nang makapaghintay na may pagtitiis, ay nagtamo siya ng pangako. 16 Sapagka't ipinanunumpa ng mga tao ang lalong mataas: at sa bawa't pagtatalo nila'y ang sumpa sa pagpapatotoo ang siyang katapusan. 17 Sa ganito, sa pagkaibig ng Dios na maipakitang lalong sagana sa mga tagapagmana ng pangako ang kawalan ng pagbabago ng kaniyang pasiya, ay ipinamagitan ang sumpa; 18 Upang sa dalawang bagay na di mababago, na diya'y di maaaring ang Dios ay magbulaan, ay mangagkaroon tayo ng isang matibay na kasiglahan, tayong nangagsitakas na sumakanlong upang mangapit sa pagasang nalalagay sa ating unahan: 19 Na ating inaring tulad sa sinepete ng kaluluwa, isang pagasa na matibay at matatag at pumapasok sa nasa loob ng tabing; 20 Na doo'y pumasok dahil sa atin si Jesus, na gaya ng pangunahin, na naging dakilang saserdote magpakailan man ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
1 Sapagka't itong si Melquisedec, hari sa Salem, saserdote ng Kataastaasang Dios, na siyang sumalubong kay Abraham sa pagbabalik na galing sa paglipol sa mga hari at siya'y pinagpala niya, 2 Na siya namang binahagihan ni Abraham ng ikasangpung bahagi ng lahat (na kung sasaysayin, una-una, siya'y Hari ng katuwiran, at saka Hari naman sa Salem, na sa makatuwid, ay Hari ng kapayapaan; 3 Na walang ama, walang ina, walang tandaan ng lahi, at walang pasimula ng mga araw ni katapusan ng buhay man, datapuwa't naging katulad ng Anak ng Dios), ay nanatiling saserdote magpakailan man. 4 Nilaynilayin nga ninyo kung gaano ang kadakilaan ng taong ito, na binigyan ni Abraham, na patriarka, ng ikasangpung bahagi ng mga pinakamagagaling na samsam. 5 At katotohanan ang mga sa anak ni Levi na nagsisitanggap ng katungkulang saserdote, ay mayroong utos na kumuha ng ikasangpung bahagi sa bayan ayon sa kautusan, sa makatuwid ay sa kanilang mga kapatid, bagama't ang mga ito ay nagsilabas sa mga balakang ni Abraham: 6 Nguni't yaong ang talaan ng lahi ay hindi ibinibilang sa kanila ay kumuha ng ikasangpung bahagi kay Abraham, at pinagpala yaong may mga pangako. 7 Datapuwa't walang anomang pagtatalo ang mababa ay pinagpapala ng mataas. 8 At dito'y ang mga taong may kamatayan ay tumatanggap ng ikasangpung bahagi; datapuwa't doon ay ang isa, na pinatutunayang nabubuhay. 9 At sa makatuwid baga'y sa pamamagitan ni Abraham pati si Levi, na tumatanggap ng ikasangpung bahagi, ay nagbayad ng ikasangpung bahagi; 10 Sapagka't siya'y nasa mga balakang pa ng kaniyang ama, nang ito'y salubungin ni Melquisedec. 11 Ngayon kung may kasakdalan nga sa pamamagitan ng pagkasaserdote ng mga Levita (sapagka't sa ilalim nito ay tinanggap ng bayan ang kautusan), anong kailangan pa na magbangon ang ibang saserdote, ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec at hindi ibilang ayon sa pagkasaserdote ni Aaron? 12 Sapagka't nang palitan ang pagkasaserdote ay kinailangang palitan naman ang kautusan. 13 Sapagka't yaong tungkol sa kaniya ay sinasabi ang mga bagay na ito ay naukol sa ibang angkan, na doon ang sinoma'y hindi naglilingkod sa dambana. 14 Sapagka't maliwanag na ang ating Panginoon ay lumitaw mula kay Juda; na tungkol sa angkang yao'y walang sinalitang anoman si Moises hinggil sa mga saserdote. 15 At lalo pang napakaliwanag ito, kung ayon sa anyo ni Melquisedec ay lumitaw ang ibang saserdote, 16 Na ginawa, hindi ayon sa kautusan ng utos na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na walang katapusan: 17 Sapagka't pinatotohanan tungkol sa kaniya, Ikaw ay saserdote magpakailan man Ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec. 18 Sapagka't napapawi ang unang utos dahil sa kaniyang kahinaan at kawalan ng kapakinabangan. 19 (Sapagka't ang kautusan ay walang anomang pinasasakdal), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling, na sa pamamagitan nito ay nagsisilapit tayo sa Dios. 20 At yamang yao'y hindi naging sa walang sumpa: 21 (Sapagka't sila'y sa katotohanan ay ginawang mga saserdote na walang sumpa; datapuwa't siya'y may sumpa sa pamamagitan niyaong nagsasabi tungkol sa kaniya, Sumumpa ang Panginoon at hindi siya nagsisisi, Ikaw ay saserdote magpakailan man); 22 Ay gayon din naman si Jesus ay naging tagapanagot sa lalong mabuting tipan. 23 At katotohanang sila'y marami sa bilang na naging mga saserdote, sapagka't dahil sa kamatayan ay napigil sila ng pagpapatuloy: 24 Datapuwa't siya, sapagka't namamalagi magpakailan man ay may pagkasaserdote siyang di mapapalitan. 25 Dahil dito naman siya'y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Dios sa pamamagitan niya, palibhasa'y laging nabubuhay siya upang mamagitan sa kanila. 26 Sapagka't nararapat sa atin ang gayong dakilang saserdoteng banal, walang sala, walang dungis, nahihiwalay sa mga makasalanan, at ginawang lalong mataas pa kay sa mga langit; 27 Na hindi nangangailangan araw-araw na maghandog ng hain, na gaya niyaong mga dakilang saserdote una-una'y patungkol sa kaniyang sariling mga kasalanan at saka patungkol sa mga kasalanan ng bayan: sapagka't ito'y ginawa niyang minsan magpakailan man, nang kaniyang ihandog ang kaniyang sarili. 28 Sapagka't inilagay ng kautusan na mga dakilang saserdote ang mga taong may kahinaan; nguni't ang salita ng sumpa na kasunod ng kautusan ay siyang naglalagay sa Anak, na sakdal magpakailan man.
1 Ang kinauuwian nga ng mga bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong isang dakilang saserdote, na nakaupo sa kanan ng luklukan ng Karangalan sa mga langit, 2 Ministro sa santuario, at sa tunay na tabernakulo, na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao. 3 Sapagka't ang bawa't dakilang saserdote ay inilagay upang maghandog ng mga kaloob at ng mga hain naman: sa ganito'y kinakailangan din namang siya'y magkaroon ng anomang ihahandog. 4 Kung siya nga'y nasa lupa ay hindi siya saserdote sa anomang paraan, palibhasa'y mayroon nang nagsisipaghandog ng mga kaloob ayon sa kautusan; 5 Na nangaglilingkod sa anyo at anino ng mga bagay sa kalangitan, gaya naman ni Moises na pinagsabihan ng Dios nang malapit ng gawin niya ang tabernakulo: sapagka't sinabi niya, Ingatan mo na iyong gawin ang lahat ng mga bagay ayon sa anyong ipinakita sa iyo sa bundok. 6 Datapuwa't ngayo'y kinamtan niya ang ministeriong lalong marangal, palibhasa'y siya nama'y tagapamagitan sa isang tipang lalong magaling, na inilagda sa lalong mabubuting pangako. 7 Sapagka't kung ang unang tipang yaon ay naging walang kakulangan, ay hindi na sana inihanap ng pangangailangan ang ikalawa. 8 Sapagka't sa pagkakita ng kakulangan sa kanila, ay sinabi niya, Narito, dumarating ang mga araw, sinasabi ng Panginoon, Na ako'y gagawa ng isang bagong pakikipagtipan; sa sangbahayan ni Israel at sa sangbahayan ni Juda. 9 Hindi ayon sa tipang aking ipinakipagtipan sa kanilang mga magulang Nang araw na sila'y aking tangnan sa kamay, upang sila'y ihatid sa labas ng lupain ng Egipto; Sapagka't sila'y hindi nanatili sa aking tipan, At akin silang pinabayaan, sinasabi ng Panginoon. 10 Sapagka't ito ang pakikipagtipang aking gagawin sa sangbahayan ni Israel Pagkatapos ng mga araw na yaon, sinasabi ng Panginoon; Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pagiisip, At sa kanilang mga puso'y aking isusulat ang mga ito. At ako'y magiging Dios nila, At sila'y magiging bayan ko: 11 At hindi magtuturo ang bawa't isa sa kaniyang kababayan, At ang bawa't isa sa kaniyang kapatid, na sasabihing, Kilalanin mo ang Panginoon: Sapagka't ako'y makikilala ng lahat, Mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan sa kanila. 12 Sapagka't ako'y magiging mahabagin sa kanilang kalikuan, At ang kanilang mga kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa. 13 Doon sa sinasabi niya, Isang bagong tipan, ay linuma niya ang una. Datapuwa't ang nagiging luma at tumatanda ay malapit ng lumipas.
1 Ngayon, ang unang tipan din ay nagkaroon ng mga palatuntunan ng pagsamba sa Dios, at ng kaniyang santuario, ang santuario ng sanglibutang ito. 2 Sapagka't inihanda ang isang tabernakulo, ang una, na kinaroroonan ng kandelero, at ng dulang, at ng mga tinapay na handog; na siyang tinatawag na Dakong Banal. 3 At sa likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanalbanalan; 4 Na may isang gintong dambana ng kamangyan at kaban ng tipan, at ang paligid ay nakakalupkupan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang-ginto na may lamang mana, at tungkod ni Aaron na namulaklak, at mga tapyas na bato ng tipan; 5 At sa ibabaw nito ay ang mga querubin ng kaluwalhatian na nangagsisililim sa luklukan ng awa; na ang mga bagay na ito ay hindi natin mapaguusapan ngayon ng isa isa. 6 At sa ganitong pagkahanda ng mga bagay na ito, sa unang tabernakulo ay palaging nagsisipasok ang mga saserdote, na tinutupad ang mga katungkulan; 7 Datapuwa't sa ikalawa ay pumapasok na nagiisa ang dakilang saserdote, minsan sa isang taon, na hindi walang dalang dugo, na inihahandog na patungkol sa kaniyang sarili, at sa mga kamalian ng bayan: 8 Na ipinakikilala ng Espiritu Santo, na hindi pa naihahayag ang pagpasok sa dakong banal samantalang natatayo pa ang unang tabernakulo; 9 Na yao'y isang talinghaga ng panahong kasalukuyan; ayon dito ay inihahandog ang mga kaloob at ang mga hain, tungkol sa budhi, na hindi magpapasakdal sa sumasamba, 10 Palibhasa'y palatuntunan lamang na ukol sa laman, na iniatang hanggang sa panahon ng pagbabago (gaya ng mga pagkain, at mga inumin at sarisaring paglilinis). 11 Nguni't pagdating ni Cristo na dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating, sa pamamagitan ng lalong malaki at lalong sakdal na tabernakulo, na hindi gawa ng mga kamay, sa makatuwid baga'y hindi sa paglalang na ito, 12 At hindi rin naman sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at ng mga bulong baka, kundi sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo, ay pumasok na minsan magpakailan man sa dakong banal, na kinamtan ang walang hanggang katubusan. 13 Sapagka't kung ang dugo ng mga kambing at ng mga baka, at ang abo ng dumalagang baka na ibinubudbod sa mga nadungisan, ay makapagiging banal sa ikalilinis ng laman: 14 Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, ay maglilinis ng inyong budhi sa mga gawang patay upang magsipaglingkod sa Dios na buhay? 15 At dahil dito'y siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang sa pamamagitan ng isang kamatayan na ukol sa ikatutubos ng mga pagsalangsang na nasa ilalim ng unang tipan, ang mga tinawag ay magsitanggap ng pangako na manang walang hanggan. 16 Sapagka't kung saan mayroong tipan doo'y kinakailangan ang kamatayan ng gumawa niyaon. 17 Sapagka't ang isang tipan ay may kabuluhan kung mamatay ang gumawa: sa ibang paraa'y walang anomang kabuluhan samantalang nabubuhay ang gumawa. 18 Kaya't ang una mang tipan ay hindi itinalaga ng walang dugo. 19 Sapagka't nang salitain ni Moises ang bawa't utos sa buong bayan ayon sa kautusan, ay kumuha siya ng dugo ng mga bulong baka at ng mga kambing, na may tubig at balahibong mapula ng tupa at isopo, at winisikan ang aklat at gayon din ang buong bayan, 20 Na sinasabi, Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Dios tungkol sa inyo. 21 Gayon din ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapan sa pangangasiwa ay pinagwiwisikan niya ng dugo sa gayon ding paraan. 22 At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran. 23 Kinakailangan nga na ang mga anyo ng mga bagay sa sangkalangitan ay linisin ng mga ito; nguni't ang mga bagay ring ito sa sangkalangitan ay linisin ng lalong mabubuting handog kay sa rito. 24 Sapagka't hindi pumasok si Cristo sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na kahalintulad lamang ng tunay; kundi sa talagang langit, upang humarap ngayon sa harapan ng Dios dahil sa atin: 25 At siya'y hindi rin naman kailangang ihandog na madalas pa ang kaniyang sarili, na gaya ng dakilang saserdote na pumapasok sa dakong banal taon-taon na may dalang dugo na hindi niya sarili; 26 Sa ibang paraan ay kailangan na siya'y magbatang madalas mula nang itatag ang sanglibutan: datapuwa't ngayon ay minsan siya'y nahayag sa katapusan ng mga panahon upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng pagkahandog ng kaniyang sarili. 27 At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom; 28 Ay gayon din naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, sa ikalawa'y pakikita na hiwalay sa kasalanan, sa ikaliligtas ng mga nagsisipaghintay sa kaniya.
1 Sapagka't ang kautusan na may isang anino ng mabubuting bagay na darating, hindi ang tunay na larawan ng mga bagay, kailan pa man ay di maaaring magpasakdal sa mga nagsisilapit sa pamamagitan ng mga hain na laging inihahandog sa taon-taon. 2 Sa ibang paraan ay hindi kaya baga nagsipaglikat sila ng paghahandog? sapagka't ang mga nagsisisamba, yamang nalinis na minsan, ay hindi na sana nagkaroon pa ng budhi sa mga kasalanan. 3 Nguni't sa mga hain yaon ginagawa ang pagaalaala sa mga kasalanan taon-taon. 4 Sapagka't di maaari na ang dugo ng mga baka at ng mga kambing ay makapagalis ng mga kasalanan. 5 Kaya't pagpasok niya sa sanglibutan, ay sinasabi, Hain at handog ay hindi mo ibig. Nguni't isang katawan ang sa akin ay inihanda mo; 6 Sa mga handog na susunugin at mga haing patungkol sa mga kasalanan ay hindi ka nalugod. 7 Nang magkagayo'y sinabi ko, Narito, ako'y pumarito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin.) Upang gawin, Oh Dios, ang iyong kalooban. 8 Sa itaas ay sinasabi, Mga hain at mga handog at mga handog na susunuging buo at mga haing patungkol sa kasalanan ay hindi mo ibig, at di mo rin kinalulugdan (mga bagay na inihahandog ayon sa kautusan), 9 Saka sinabi niya, Narito, ako'y pumarito upang gawin ang iyong kalooban. Inaalis niya ang una, upang maitatag ang ikalawa. 10 Sa kaloobang yaon tayo'y pinapaging-banal, sa pamamagitan ng pagkahandog ng katawan ni Cristo na minsan magpakailan man. 11 At katotohanang ang bawa't saserdote na araw-araw ay nangangasiwa ng patayo at naghahandog na madalas ng gayon ding mga hain, na hindi makaalis kailan pa man ng mga kasalanan: 12 Nguni't siya, nang makapaghandog ng isa lamang hain patungkol sa mga kasalanan magpakailan man, ay umupo sa kanan ng Dios; 13 Buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kaniyang mga kaaway ay maging tungtungan ng kaniyang mga paa. 14 Sapagka't sa pamamagitan ng isang paghahandog ay kaniyang pinasakdal magpakailan man ang mga pinapagiging-banal. 15 At ang Espiritu Santo ay nagbibigay patotoo rin naman sa atin; sapagka't pagkasabi niya na, 16 Ito ang tipang gagawin ko sa kanila Pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon; Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang puso, At isusulat ko rin naman sa kanilang pagiisip; 17 At ang kanilang mga kasalanan at kanilang mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa. 18 At kung saan may kapatawaran ng mga ito ay wala nang paghahandog na patungkol pa sa kasalanan. 19 Mga kapatid, yamang may kalayaan ngang makapasok sa dakong banal sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, 20 Sa pamamagitan ng daang bago at buhay na kaniyang itinalaga sa atin, sa pamamagitan ng tabing, sa makatuwid baga'y sa kaniyang laman; 21 At yamang may isang Dakilang Saserdote na pangulo sa bahay ng Dios; 22 Tayo'y magsilapit na may tapat na puso sa lubos na pananampalataya, na ang ating mga puso na winisikan mula sa isang masamang budhi: at mahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig, 23 Na ating ingatang matibay ang pagkakilala ng ating pagasa upang huwag magalinlangan: sapagka't tapat ang nangako: 24 At tayo'y mangagtinginan upang tayo'y mangaudyok sa pagiibigan at mabubuting gawa; 25 Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa't isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw. 26 Sapagka't kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, 27 Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway. 28 Ang magpawalang halaga sa kautusan ni Moises sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay mamamatay na walang awa: 29 Gaano kayang higpit ng parusa, sa akala ninyo, ang ihahatol na nauukol doon sa yumurak sa Anak ng Dios, at umaring di banal sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kaniya, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya? 30 Sapagka't ating nakikilala yaong nagsabi, Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti. At muli, Huhukuman ng Panginoon ang kaniyang bayan. 31 Kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Dios na buhay. 32 Datapuwa't alalahanin ang mga nakaraang araw, na sa mga yaon, pagkatapos na kayo'y maliwanagan, ay nangagtiis kayo ng malaking pakikilaban ng mga pagbabata; 33 Na una una ay naging isang katawatawa dahil sa mga pagkasiphayo at gayon din sa mga kahirapan; at sa ikalawa, ay naging kasama niyaong mga inaring gayon. 34 Sapagka't kayo'y nangahabag sa mga may tanikala, at tinanggap ninyo ng buong galak ang pagkaagaw ng inyong pag-aari, palibhasa'y inyong nalalamang mayroon kayo sa inyong sarili ng isang pag-aaring lalong mabuti at tumatagal. 35 Huwag nga ninyong itakuwil ang inyong pagkakatiwala, na may dakilang ganting-pala. 36 Sapagka't kayo'y nangangailangan ng pagtitiis, upang kung inyong magawa ang kalooban ng Dios, ay magsitanggap kayo ng pangako. 37 Sapagka't sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating, at hindi magluluwat. 38 Nguni't ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa. 39 Nguni't tayo'y hindi doon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan; kundi doon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.
1 Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita. 2 Sapagka't sa pamamagitan nito ang mga matanda ay sinaksihan. 3 Sa pananampalataya ay natatalastas natin na ang sanglibutan ay natatag sa pamamagitan ng salita ng Dios, ano pa't ang nakikita ay hindi ginawa sa mga bagay na nakikita. 4 Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Dios ng lalong mabuting hain kay sa kay Cain, sa pamamagitan nito'y sinaksihan sa kaniyang siya'y matuwid, na nagpapatotoo ang Dios tungkol sa kaniyang mga kaloob: at sa pamamagitan nito patay na siya ay nagsasalita pa. 5 Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang huwag niyang makita ang kamatayan; at hindi siya nasumpungan, sapagka't siya'y inilipat ng Dios: sapagka't bago siya inilipat ay pinatotohanan sa kaniyang siya'y naging kalugodlugod sa Dios: 6 At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka't ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya'y nagsisihanap. 7 Sa pananampalataya si Noe, nang paunawaan ng Dios tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, dala ng banal na takot, ay naghanda ng isang daong sa ikaliligtas ng kaniyang sangbahayan; na sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanglibutan, at naging tagapagmana ng katuwiran na ayon sa pananampalataya. 8 Sa pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay tumalima upang pumaroon sa isang dakong kaniyang tatanggaping mana; at siya'y yumaon na di nalalaman kung saan siya paroroon. 9 Sa pananampalataya siya'y naging manglalakbay sa lupang pangako, na gaya sa hindi niya sariling lupa, at tumahan sa mga tolda na kasama si Isaac at si Jacob, na mga tagapagmana ng isang pangako na kasama niya: 10 Sapagka't inaasahan niya ang bayang may mga kinasasaligan, na ang nagtayo at gumawa ay ang Dios. 11 Sa pananampalataya si Sara rin ay tumanggap ng lakas upang ipaglihi ang binhi, nang lipas na ang kaniyang gulang, palibhasa'y inari niyang tapat ang nangako: 12 Kaya naman sumibol sa isa, sa kaniya na tila patay na, ang kasing dami ng mga bituin sa langit sa karamihan, at di mabilang na gaya ng mga buhanging nasa tabi ng dagat. 13 Ayon sa pananampalataya ay nangamatay ang lahat ng mga ito, na hindi kinamtan ang mga pangako, nguni't kanilang nangakita na natanaw mula sa malayo, at kanilang ipinahayag na sila'y pawang taga ibang bayan at manglalakbay sa ibabaw ng lupa. 14 Sapagka't ang mga nagsisipagsabi ng mga gayong bagay ay nagpapakilalang hinahanap nila ang lupaing kanilang sarili. 15 At katotohanang kung kanilang naalaala yaong lupaing kanilang pinanggalingan, ay nagkaroon sana sila ng mabuting pagkakataon upang bumalik. 16 Nguni't ngayon ay nagnanasa sila ng lalong magaling na lupain, sa makatuwid baga'y ang sa langit: kaya hindi sila ikinahihiya ng Dios na tawaging Dios nila; sapagka't kaniyang ipinaghanda sila ng isang bayan. 17 Sa pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay inihandog si Isaac: oo, siyang tumanggap na may galak ng mga pangako ay siyang naghandog sa kaniyang bugtong na anak; 18 Sa makatuwid baga'y yaong pinagsabihan, Kay Isaac ay tatawagin ang iyong binhi: 19 Na inisip na maging sa gitna ng mga patay ay maaaring buhayin siyang maguli ng Dios; mula diyan din naman ay muli siyang tinanggap sa isang halimbawa. 20 Sa pananampalataya'y binasbasan ni Isaac si Jacob at si Esau, tungkol sa mga bagay na darating. 21 Sa pananampalataya, si Jacob ng mamatay na ay binasbasan niya ang bawa't isa sa mga anak ni Jose; at sumambang nakatangan sa puno ng kaniyang tungkod. 22 Sa pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose, ay binanggit niya ang pagalis sa Egipto ng mga anak ni Israel; at nagutos tungkol sa kaniyang mga buto. 23 Sa pananampalataya, nang ipanganak si Moises, ay itinagong tatlong buwan ng kaniyang mga magulang, sapagka't kanilang nakitang maganda ang bata; at hindi sila natakot sa utos ng hari. 24 Sa pananampalataya, nang lumaki na si Moises, ay tumangging siya'y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon; 25 Na pinili pa ang siya'y tampalasanin na kasama ng bayan ng Dios, kay sa magtamo ng nagsisikupas na kaligayahan sa pagkakasala; 26 Na inaring malaking kayamanan ang kadustaan ni Cristo, kay sa mga kayamanan ng Egipto: sapagka't ang kaniyang tinititigan ay ang gantingpalang kabayaran. 27 Sa pananampalataya'y iniwan niya ang Egipto, na hindi natakot sa poot ng hari: sapagka't nagtitiyagang tulad sa nakakita niyaong di nakikita. 28 Sa pananampalataya'y itinatag niya ang paskua, at ang pagwiwisik ng dugo, upang ang manglilipol sa mga panganay ay huwag silang lipulin. 29 Sa pananampalataya'y nagsipagdaan sila sa gitna ng Dagat na Mapula na gaya ng sa lupang tuyo: na nang subuking gawin ito ng mga taga Egipto ay pawang nangalunod. 30 Sa pananampalataya'y nangalagpak ang mga kuta ng Jerico, pagkatapos na makubkob na pitong araw. 31 Sa pananampalataya'y hindi napahamak na kasama ng mga manunuway, ang patutot na si Rahab, na tumanggap na payapa sa mga tiktik. 32 At ano pa ang aking sasabihin? sapagka't kukulangin ako ng panahon kung sasaysayin ko ang tungkol kay Gideon, kay Barac, kay Samson, kay Jefte; tungkol kay David, at kay Samuel at sa mga propeta: 33 Na ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya'y nagsilupig ng mga kaharian, nagsigawa ng katuwiran, nangagtamo ng mga pangako, nangagtikom ng mga bibig ng mga leon, 34 Nagsipatay ng bisa ng apoy, nangakatanan sa talim ng tabak, nagsilakas sa kahinaan, naging mga makapangyarihan sa pakikipagbaka, nangagpaurong ng mga hukbong taga ibang lupa. 35 Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli: at ang iba'y nangamatay sa hampas, na hindi tinanggap ang kanilang katubusan; upang kamtin nila ang lalong mabuting pagkabuhay na maguli: 36 At ang iba'y nangagkaroon ng pagsubok sa pagkalibak at pagkahampas, oo, bukod dito'y sa mga tanikala at bilangguan naman: 37 Sila'y pinagbabato, pinaglagari, pinagtutukso, pinagpapatay sa tabak: sila'y nagsilakad na paroo't parito na may balat ng mga tupa't kambing: na mga salat, nangapipighati, tinatampalasan; 38 (Na sa mga yaon ay hindi karapatdapat ang sanglibutan), na nangaliligaw sa mga ilang at sa mga kabundukan at sa mga yungib, at sa mga lungga ng lupa. 39 At ang lahat ng mga ito, nang sila'y mapatotohanan na dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi kinamtan ang pangako, 40 Na ipinaghanda ng Dios ng lalong mabuting bagay tungkol sa atin, upang sila'y huwag maging sakdal ng bukod sa atin.
1 Kaya't yamang nakukubkob tayo ng makapal na bilang ng mga saksi, itabi namang walang liwag ang bawa't pasan, at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin, 2 Na masdan natin si Jesus na gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya, na siya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus, na niwalang bahala ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng luklukan ng Dios. 3 Sapagka't dilidilihin ninyo yaong nagtiis ng gayong pagsalangsang ng mga makasalanan laban sa kaniyang sarili, upang kayo'y huwag magsihina, na manglupaypay sa inyong mga kaluluwa. 4 Hindi pa kayo nakikipaglaban hanggang sa mabubo ang dugo, na nakikipagaway laban sa kasalanan: 5 At inyong nilimot ang iniaral na ipinakikipagtalo sa inyong tulad sa mga anak, Anak ko, huwag mong waling bahala ang parusa ng Panginoon, O manglupaypay man kung ikaw ay pinagwiwikaan niya; 6 Sapagka't pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig, At hinahampas ang bawa't tinatanggap na anak. 7 Na dahil sa ito'y parusa kayo'y nagtitiis; inaari kayo ng Dios na tulad sa mga anak; sapagka't alin ngang anak ang hindi pinarurusahan ng kaniyang ama? 8 Datapuwa't kung kayo'y hindi pinarurusahan, na pawang naranasan ng lahat, kung gayo'y mga anak sa ligaw kayo, at hindi tunay na anak. 9 Bukod dito, tayo'y nangagkaroon ng mga ama ng ating laman upang tayo'y parusahan, at sila'y ating iginagalang: hindi baga lalong tayo'y pasasakop sa Ama ng mga espiritu, at tayo'y mabubuhay? 10 Sapagka't katotohanang tayo'y pinarusahan nilang ilang araw ayon sa kanilang minagaling; nguni't siya'y sa kapakinabangan natin, upang tayo'y makabahagi ng kaniyang kabanalan. 11 Lahat ng parusa sa ngayon ay tila man din hindi ikaliligaya kundi ikalulungkot; gayon ma'y pagkatapos ay namumunga ng bungang mapayapa ng katuwiran sa mga nagsipagsanay sa pamamagitan nito. 12 Kaya't itaas ninyo ang mga kamay na nakababa, ang mga tuhod namang nanginginig; 13 At magsigawa kayo ng matuwid na landas sa inyong mga paa, upang huwag maligaw ang pilay, kundi bagkus gumaling. 14 Sundin ninyo ang kapayapaan sa lahat ng mga tao, at ang pagpapakabanal na kung wala ito'y sinoman ay di makakakita sa Panginoon: 15 Na pakaingatan na baka ang sinoma'y di makaabot sa biyaya ng Dios; baka kayo'y bagabagin ng anomang ugat ng kapaitan na sumisibol, at dahil dito'y mahawa ang marami; 16 Baka magkaroon ng sinomang mapakiapid, o mapaglapastangan, gaya ni Esau, na sa isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kaniyang sariling pagkapanganay. 17 Sapagka't nalalaman ninyo na bagama't pagkatapos ay ninanasa niyang magmana ng pagpapala, siya'y itinakuwil; sapagka't wala na siyang nasumpungang pagkakataon ng pagsisisi sa kaniyang ama, bagama't pinagsisikapan niyang mapilit na lumuluha. 18 Sapagka't hindi kayo nagsilapit sa bundok na nahihipo, at nagliliyab sa apoy, at sa kapusikitan, at sa kadiliman, at sa unos, 19 At tunog ng pakakak, at tinig ng mga salita; na ang nakarinig ng tinig na ito ay nagsipamanhik na huwag nang sa kanila'y salitain pa ang anomang salita; 20 Sapagka't hindi matiis ang iniuutos, Kahit ang isang hayop kung tumungtong sa bundok ay babatuhin; 21 At totoong kakilakilabot ang napanood, ano pa't sinabi ni Moises, Ako'y totoong nasisindak at nanginginig: 22 Datapuwa't nagsilapit kayo sa bundok ng Sion, at sa bayan ng Dios na buhay, ang Jerusalem sa kalangitan, at sa mga di mabilang na hukbo ng mga anghel, 23 Sa pangkalahatang pulong at iglesia ng mga panganay na nangatatala sa langit, at sa Dios na Hukom ng lahat, at mga espiritu ng mga taong ganap na pinasakdal, 24 At kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at dugong pangwisik na nagsasalita ng lalong mabuti kay sa dugo ni Abel. 25 Pagingatan ninyong kayo'y huwag tumanggi sa nagsasalita. Sapagka't kung hindi nakatanan ang mga nagsitanggi sa nagbalita sa kanila sa ibabaw ng lupa, ay lalo pa tayong hindi makatatanan na nagsisihiwalay Doon sa nagbabalitang buhat sa langit: 26 Na ang tinig na yaon ay nagpayanig noon ng lupa: datapuwa't ngayo'y nangako siya, na nagsasabi, Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ng langit. 27 At itong salita, Minsan pang, ay pinakakahuluganan ang pagaalis niyaong mga bagay na niyanig, gaya ng mga bagay na ginawa, upang mamalagi ang mga hindi niyanig. 28 Kaya't pagkatanggap ng isang kahariang hindi magagalaw, ay magkaroon tayo ng biyayang sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayong may paggalang at katakutan ng paglilingkod na nakalulugod sa Dios: 29 Sapagka't ang Dios natin ay isang apoy na mamumugnaw.
1 Mamalagi nawa ang pagibig sa mga kapatid. 2 Huwag ninyong limutin ang pagpapakita ng pagibig sa mga taga ibang lupa: sapagka't sa pamamagitan nito ang iba'y walang malay na nakapagpapatuloy ng mga anghel. 3 Alalahanin ninyo ang mga may tanikala, gaya ng kayo'y nangagagapos na kasama nila; ang mga tinatampalasan na gaya ng kayo naman ay tinatampalasan sa katawan. 4 Maging marangal nawa sa lahat ang pagaasawa, at huwag nawang magkadungis ang higaan: sapagka't ang mga mapakiapid at ang mga mapangalunya ay pawang hahatulan ng Dios. 5 Mangilag kayo sa pagibig sa salapi; mangagkasiya kayo sa inyong tinatangkilik: sapagka't siya rin ang nagsabi, Sa anomang paraan ay hindi kita papagkukulangin, sa anomang paraan ni hindi kita pababayaan. 6 Ano pa't ating masasabi ng buong tapang, Ang Panginoon ang aking katulong; hindi ako matatakot: Anong magagawa sa akin ng tao? 7 Alalahanin ninyo ang nangagkaroon ng pagpupuno sa inyo na siyang nangagsalita sa inyo ng salita ng Dios; at sa pagdidilidili ng wakas ng kanilang pamumuhay, ay inyong tularan ang kanilang pananampalataya. 8 Si Jesucristo ay siya ring kahapon at ngayon, oo at magpakailan man. 9 Huwag nga kayong padala sa mga turong sarisari at di kilala: sapagka't mabuti na ang puso ay patibayin sa pamamagitan ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakikinabangan ng mga nagabala sa kanila. 10 Tayo ay may isang dambana, na hindi matuwid kainan ng mga nagsisipaglingkod sa tabernakulo. 11 Sapagka't ang mga katawan ng mga hayop na ang mga dugo'y dinadala ng dakilang saserdote sa dakong banal na handog na patungkol sa kasalanan, ay sinusunog sa labas ng kampamento. 12 Kaya naman si Jesus, upang mapaging banal sa pamamagitan ng kanilang sariling dugo ang bayan, ay nagbata sa labas ng pintuan. 13 Atin nga siyang labasin sa labas ng kampamento na dalhin natin ang kaniyang pagkadusta. 14 Sapagka't dito'y wala tayong bayan na namamalagi, nguni't hinahanap natin ang bayan na darating. 15 Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan. 16 Datapuwa't ang paggawa ng mabuti at ang pagabuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka't sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod. 17 Magsitalima kayo sa namiminuno sa inyo, at kayo'y pasakop sa kanila: sapagka't pawang nangagpupuyat dahil sa inyong mga kaluluwa, na parang sila ang mangagsusulit; upang ito'y gawin nilang may kagalakan, at huwag may hapis: sapagka't sa ganito'y di ninyo mapapakinabangan. 18 Idalangin ninyo kami: sapagka't kami'y naniniwalang lubos na kami ay may mabuting budhi, na nagnanasang mabuhay na marangal sa lahat ng mga bagay. 19 At iniaaral ko sa inyong malabis na inyong gawin ito, upang ako'y masauli na lalong madali sa inyo. 20 Ngayon ang Dios ng kapayapaan na muling nagdala mula sa mga patay sa dakilang pastor ng mga tupa sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, sa makatuwid baga'y ang Panginoon nating si Jesus, 21 Ay pakasakdalin nawa niya kayo sa bawa't mabuting gawa upang gawin ang kanyang kalooban, na gawin sa atin ang nakalulugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesucristo; na mapasa kaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa. 22 Datapuwa't ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na inyong pagtiisan ang salitang iniaral: sapagka't kayo'y sinulatan ko ng ilang salita. 23 Inyong talastasin na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinawalan na; na kung siya'y dumating na madali, kayo'y makikita kong kasama niya. 24 Batiin ninyo ang lahat ng mga namiminuno sa inyo, at ang lahat ng mga banal. Kayo'y binabati ng nangasa Italia. 25 Ang biyaya'y sumainyo nawang lahat. Siya nawa.
1 Si Santiago, na alipin ng Dios at ng Panginoon Jesucristo, ay bumabati sa labingdalawang angkan na nasa Pangangalat. 2 Mga kapatid ko, ariin ninyong buong kagalakan, kung kayo'y mangahulog sa sarisaring tukso; 3 Yamang nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis. 4 At inyong pabayaan na ang pagtitiis ay magkaroon ng sakdal na gawa, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anoman kakulangan. 5 Nguni't kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito'y ibibigay sa kaniya. 6 Nguni't humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan: sapagka't yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila. 7 Sapagka't huwag isipin ng taong yaon na siya'y tatanggap ng anoman bagay sa Panginoon; 8 Ang taong may dalawang akala, ay walang tiyaga sa lahat ng kaniyang mga paglakad. 9 Datapuwa't ang kapatid na mababang kapalaran ay magmapuri sa kaniyang mataas na kalagayan: 10 At ang mayaman, dahil sa siya'y pinababa: sapagka't siya'y lilipas na gaya ng bulaklak ng damo. 11 Sapagka't sumisikat ang araw na may hanging nakakasunog, at naluluoy ang damo; at nangalalagas ang bulaklak nito, at nawawala ang karikitan ng kaniyang anyo: gayon din naman ang taong mayaman na malalanta sa lahat ng kaniyang mga paglakad. 12 Mapalad ang taong nagtitiis ng tukso; sapagka't pagkasubok sa kaniya, siya'y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga nagsisiibig sa kaniya. 13 Huwag sabihin ng sinoman pagka siya'y tinutukso, Ako'y tinutukso ng Dios; sapagka't ang Dios ay hindi matutukso sa masamang bagay, at hindi rin naman siya nanunukso sa kanino man: 14 Kundi ang bawa't tao ay natutukso, pagka nahihila ng sariling masamang pita at nahihikayat. 15 Kung magkagayo'y ang kahalayan, kung maipaglihi ay nanganganak ng kasalanan: at ang kasalanan, pagka malaki na ay namumunga ng kamatayan. 16 Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid. 17 Ang bawa't mabuting kaloob at ang bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na bumababa mula sa Ama ng mga ilaw, na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba. 18 Sa kaniyang sariling kalooban ay kaniya tayong ipinanganak sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga pangunahing bunga ng kaniyang mga nilalang. 19 Nalalaman ninyo ito, minamahal kong mga kapatid. Nguni't magmaliksi ang bawa't tao sa pakikinig, magmakupad sa pananalita, magmakupad sa pagkagalit; 20 Sapagka't ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Dios. 21 Kaya't ihiwalay ninyo ang lahat na karumihan at ang pagapaw ng kasamaan, at tanggapin ninyo na may kaamuan ang salitang itinanim, na makapagliligtas ng inyong mga kaluluwa. 22 Datapuwa't maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili. 23 Sapagka't kung ang sinoman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, ay katulad siya ng isang tao na tinitingnan ang kaniyang talagang mukha sa salamin: 24 Sapagka't minamasdan niya ang kaniyang sarili, at siya'y umaalis at pagdaka'y kaniyang nalilimutan kung ano siya. 25 Nguni't ang nagsisiyasat ng sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatiling gayon, na hindi tagapakinig na lumilimot, kundi tagatupad na gumagawa, ay pagpapalain ang taong ito sa kaniyang ginagawa. 26 Kung ang sinoman ay nagiisip na siya'y relihioso samantalang hindi pinipigil ang kaniyang dila, kundi dinadaya ang kaniyang puso, ang relihion ng taong ito ay walang kabuluhan. 27 Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan.
1 Mga kapatid ko, yayamang mayroon kayong pananampalataya ng ating Panginoong Jesucristo, na Panginoon ng kaluwalhatian ay huwag magtatangi sa mga tao. 2 Sapagka't kung may pumapasok sa inyong sinagoga ang isang tao na may singsing na ginto, at may magandang kasuotan, at may pumapasok namang isang dukha na may damit na hamak; 3 At inyong itangi ang may suot na damit na maganda, at inyong sabihin, Maupo ka rito sa dakong mabuti; at sa dukha ay inyong sabihin, Tumayo ka riyan, o maupo ka sa ibaba ng aking tungtungan; 4 Hindi baga kayo'y nagtatangi sa inyong sarili, at nagiging mga hukom na may masasamang pagiisip? 5 Dinggin ninyo, mga minamahal kong kapatid; hindi baga pinili ng Dios ang mga dukha sa sanglibutang ito upang maging mayayaman sa pananampalataya, at mga tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa mga nagsisiibig sa kaniya? 6 Nguni't inyong niwalang-puri ang dukha. Hindi baga kayo'y pinahihirapan ng mayayaman, at sila rin ang kumakaladkad sa inyo sa harapan ng mga hukuman? 7 Hindi baga nilalapastangan nila yaong marangal na pangalan na sa inyo'y itinatawag? 8 Gayon man kung inyong ganapin ang kautusang hari, ayon sa kasulatan, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sa iyong sarili, ay nagsisigawa kayo ng mabuti: 9 Datapuwa't kung kayo'y nagtatangi ng mga tao, ay nangagkakasala kayo, at kayo'y hinahatulan ng kautusan na gaya ng mga suwail. 10 Sapagka't ang sinomang gumaganap ng buong kautusan, at gayon ma'y natitisod sa isa, ay nagiging makasalanan sa lahat. 11 Sapagka't ang nagsabi, Huwag kang mangalunya, ay nagsabi, naman, Huwag kang pumatay. Ngayon, kung ikaw ay hindi nangangalunya, nguni't pumapatay ka, ay nagiging suwail ka sa kautusan. 12 Gayon ang inyong salitain, at gayon ang inyong gawin, na gaya ng mga taong huhukuman sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan. 13 Sapagka't ang paghuhukom ay walang awa doon sa hindi nagpakita ng awa: ang awa ay lumuluwalhati laban sa paghuhukom. 14 Anong pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya'y may pananampalataya, nguni't walang mga gawa? makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan? 15 Kung ang isang kapatid na lalake o babae ay hubad at walang kakanin araw-araw, 16 At ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, Magsiyaon kayong payapa, kayo'y mangagpainit at mangagpakabusog; at gayon ma'y hindi ninyo ibinibigay sa kanila ang mga bagay na kinakailangan ng katawan; anong mapapakinabang dito? 17 Gayon din naman ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay sa kaniyang sarili. 18 Oo, sasabihin ng isang tao, Ikaw ay mayroong pananampalataya, at ako'y mayroong mga gawa: ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang hiwalay sa mga gawa, at ako sa pamamagitan ng aking mga gawa ay ipakita sa iyo ang aking pananampalataya. 19 Ikaw ay sumasampalataya na ang Dios ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa: ang mga demonio man ay nagsisisampalataya, at nagsisipanginig. 20 Datapuwa't ibig mo bagang maalaman, Oh taong walang kabuluhan, na ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog? 21 Hindi baga ang ating amang si Abraham ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa, dahil sa kaniyang inihain si Isaac na kaniyang anak sa ibabaw ng dambana? 22 Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa, at sa pamamagitan ng mga gawa ay naging sakdal ang pananampalataya; 23 At natupad ang kasulatan na nagsasabi, At si Abraham ay sumampalataya sa Dios, at yao'y ibinilang na katuwiran sa kaniya; at siya'y tinawag na kaibigan ng Dios. 24 Nakikita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa'y inaaring ganap ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. 25 At gayon din naman hindi rin baga si Rahab na patutot ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa, dahil sa tinanggap niya ang mga sugo, at kaniyang pinapagdaan sila sa ibang daan? 26 Sapagka't kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, ay gayon din ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.
1 Huwag maging guro ang marami sa inyo, mga kapatid ko, yamang nalalamang tayo'y tatanggap ng lalong mabigat na hatol. 2 Sapagka't sa maraming mga bagay tayong lahat ay nangatitisod. Kung ang sinoman ay hindi natitisod sa salita, ay isang taong sakdal ang gayon, may kaya rin namang makapigil ng buong katawan. 3 Kung atin ngang inilalagay ang mga preno ng kabayo sa kanilang mga bibig, upang tayo'y talimahin, ay ibinabaling din naman natin ang kanilang buong katawan. 4 Narito, ang mga daong naman, bagama't lubhang malalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, gayon ma'y sa pamamagitan ng isang lubhang maliit na ugit ay napapabaling kung saan ibig ng tagaugit. 5 Gayon din naman ang dila ay isang maliit na sangkap, at nagpapalalo ng malalaking bagay. Narito, kung gaano kalaking gubat ang pinagaalab ng lubhang maliit na apoy! 6 At ang dila'y isang apoy: ang sanglibutan ng kasamaan sa ating mga sangkap ay dili iba't ang dila, na nakakahawa sa buong katawan, at pinagningas ang gulong ng katalagahan, at ang dila'y pinagniningas ng impierno. 7 Sapagka't ang bawa't uri ng mga hayop at mga ibon, ng mga nagsisiusad at mga bagay sa dagat, ay pinaaamo, at napaaamo ng tao: 8 Datapuwa't ang dila ay hindi napaaamo ng sinomang tao; isang masamang hindi nagpapahinga, na puno ng lasong nakamamatay. 9 Siyang ating ipinagpupuri sa Panginoon at Ama; at siyang ating ipinanglalait sa mga taong ginawang ayon sa larawan ng Dios: 10 Sa bibig din lumalabas ang pagpuri't paglait. Mga kapatid ko, ang mga bagay na ito ay hindi nararapat magkagayon. 11 Ang bukal baga'y sa isa lamang siwang ay binubukalan ng matamis at mapait? 12 Maaari baga, mga kapatid ko, na ang puno ng igos ay magbunga ng aseitunas, o ng mga igos ang puno ng ubas? hindi rin naman babalungan ng matamis ang maalat na tubig. 13 Sino ang marunong at matalino sa inyo? ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting kabuhayan ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan. 14 Nguni't kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan. 15 Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo. 16 Sapagka't kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama. 17 Nguni't ang karunungang buhat sa itaas, ay una-una'y malinis saka mapayapa, banayad, madaling panaingan, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang inaayunan, walang pagpapaimbabaw. 18 At ang bunga ng katuwiran ay natatanim sa kapayapaan sa mga nagsisigawa ng kapayapaan.
1 Saan nagbubuhat ang mga pagbabaka at saan nagbubuhat ang mga pagaaway sa inyo? hindi baga nagbubuhat dito, sa inyong mga kalayawan na bumabaka sa inyong mga sangkap? 2 Kayo'y nangagiimbot, at kayo'y wala: kayo'y nagsisipatay, at kayo'y nangaiinggit, at hindi maaaring kamtan: kayo'y nangakikipagaway at nangakikipagbaka; kayo'y wala, sapagka't hindi kayo nagsisihingi. 3 Kayo'y nagsisihingi, at hindi kayo nagsisitanggap, sapagka't nagsisihingi kayo ng masama, upang gugulin sa inyong mga kalayawan. 4 Kayong mga mangangalunya, hindi baga ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanglibutan ay pakikipagaway sa Dios? Sinoman ngang magibig na maging kaibigan ng sanglibutan ay nagiging kaaway ng Dios. 5 O iniisip baga ninyo na ang kasulatan ay nagsasalita ng walang kabuluhan? Ang Espiritu baga na pinatira sa atin ay nagnanais hanggang sa kapanaghilian? 6 Nguni't siya'y nagbibigay ng lalong biyaya. Kaya't sinasabi ng kasulatan, Ang Dios ay sumasalansang sa mga palalo, datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba. 7 Pasakop nga kayo sa Dios; datapuwa't magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo. 8 Magsilapit kayo sa Dios, at siya'y lalapit sa inyo. Mangaglinis kayo ng inyong mga kamay, kayong mga makasalanan; at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang akala. 9 Kayo'y mangagpighati, at magsihibik, at magsitangis: inyong palitan ang inyong pagtawa ng paghibik, at ang inyong kagalakan ng kalumbayan. 10 Mangagpakababa kayo sa paningin ng Panginoon, at kaniyang itataas kayo. 11 Huwag kayong mangagsalita ng laban sa isa't isa, mga kapatid. Ang nagsasalita laban sa kapatid, o humahatol sa kaniyang kapatid, ay nagsasalita laban sa kautusan, at humahatol sa kautusan: datapuwa't kung ikaw ay humahatol sa kautusan, hindi ka na tagatupad ng kautusan, kundi hukom. 12 Iisa ang tagapagbigay ng kautusan at hukom, sa makatuwid baga'y ang makapagliligtas at makapagwawasak: datapuwa't sino ka na humahatol sa iyong kapuwa? 13 Magsiparito ngayon, kayong nagsisipagsabi, Ngayon o bukas ay magsisiparoon kami sa gayong bayan, at titira kami doong isang taon, at mangangalakal, at magtutubo: 14 Kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas. Ano ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka'y napapawi. 15 Sapagka't ang dapat ninyong sabihin ay, Kung loloobin ng Panginoon ay mangabubuhay kami, at gagawin namin ito o yaon. 16 Datapuwa't ngayon ay nagmamapuri kayo sa inyong mga pagpapalalo: ang lahat ng ganitong pagmamapuri ay masama. 17 Sa nakakaalam nga ng paggawa ng mabuti, at hindi ginagawa, ito'y kasalanan sa kaniya.
1 Magsiparito ngayon, kayong mayayaman, kayo'y magsitangis at magsihagulhol dahil sa mga karalitaan ninyong sa inyo'y darating. 2 Ang inyong mga kayamanan ay mga bulok, at ang inyong mga damit ay nginangatngat ng tanga. 3 Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na; at ang mga kalawang na ito ay siyang magiging patotoo laban sa inyo, at gaya ng apoy na lalamunin ang inyong laman. Kayo'y nagtipon ng inyong mga kayamanan sa mga huling araw. 4 Narito, ang kaupahan ng mga manggagawa na nagsiani sa inyong mga bukid, na iniring ninyo sa pamamagitan ng daya, ay humihibik: at ang mga hibik ng mga nagsiani ay nagsipasok sa mga pakinig ng Panginoon ng mga hukbo. 5 Kayo'y nangabuhay ng tamasa sa ibabaw ng lupa, at nangagalak; inyong pinataba ang inyong mga puso sa araw ng patayan. 6 Inyong hinatulan, inyong pinatay ang matuwid; hindi niya kayo nilalabanan. 7 Mangagtiis nga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagparito ng Panginoon. Narito, inaasahan ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa, na may pagtitiis, hanggang sa tanggapin ang ulang maaga at huli. 8 Mangagtiis din naman kayo; pagtibayin ninyo ang inyong mga puso, sapagka't ang pagparito ng Panginoon ay malapit na. 9 Huwag kayong mangagupasalaan, mga kapatid, laban sa isa't isa, upang kayo'y huwag mahatulan; narito, ang hukom ay nakatayo sa harapan ng mga pinto. 10 Kunan ninyong halimbawa ng pagbabata at ng pagtitiis, mga kapatid, ang mga propeta na nagsipagsalita sa pangalan ng Panginoon. 11 Narito, tinatawag nating mapapalad ang nangagtiis: inyong nabalitaan ang pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang pinapangyari ng Panginoon, kung gaano ang lubos na pagkahabag at ang pagkamaawain ng Panginoon. 12 Nguni't higit sa lahat ng mga bagay, mga kapatid ko, ay huwag ninyong ipanumpa, kahit ang langit, ni ang lupa, ni ang anomang ibang sumpa: kundi ang inyong oo, ay maging oo; at ang inyong hindi, ay maging hindi; upang kayo'y huwag mangahulog sa ilalim ng hatol. 13 Nagbabata baga ang sinoman sa inyo? siya'y manalangin. Natutuwa ang sinoman? awitin niya ang mga pagpupuri. 14 May sakit baga ang sinoman sa inyo? ipatawag niya ang mga matanda sa iglesia; at ipanalangin nila siya, na pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon: 15 At ang panalangin ng pananampalataya ay magliligtas sa may sakit, at ibabangon siya ng Panginoon; at kung nagkasala siya, ay ipatatawad sa kaniya. 16 Mangagpahayagan nga kayo sa isa't isa ng inyong mga kasalanan, at ipanalangin ng isa't isa ang iba, upang kayo'y magsigaling. Malaki ang nagagawa ng maningas na panalangin ng taong matuwid. 17 Si Elias ay isang taong may pagkataong gaya rin ng atin, at siya'y nanalangin ng buong ningas upang huwag umulan; at hindi umulan sa lupa sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At muli siyang nanalangin; at ang langit ay nagbigay ng ulan, at ang lupa ay namunga ng kaniyang bunga. 19 Mga kapatid ko, kung ang sinoman sa inyo ay nalilihis sa katotohanan, at siya'y papagbaliking loob ng sinoman; 20 Ay alamin nito na ang nagpapabalik-loob ng isang makasalanan, mula sa kamalian ng lakad niya ay magliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan, at magtatakip ng karamihang kasalanan.
1 Si Pedro, na apostol ni Jesucristo, sa mga hinirang na nangingibang bayan na nasa Pangangalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia at Bitinia, 2 Ayon sa paunang kaalaman ng Dios Ama, sa pagpabanal ng Espiritu, upang magsitalima at mangawisikan ng dugo ni Jesucristo: Biyaya at kapayapaan nawa ang sa inyo'y sumagana. 3 Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na ayon sa kaniyang malaking awa ay ipinanganak na muli tayo sa isang buhay na pagasa sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo sa mga patay, 4 Sa isang manang di nasisira, at walang dungis, at hindi kumukupas, na inilaan sa langit para sa inyo, 5 Na sa kapangyarihan ng Dios ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya sa ikaliligtas na nahanda upang ihayag sa huling panahon. 6 Na ito ang inyong totoong ikinagagalak, bagama't ngayo'y sa sangdaling panahon, kung kailangan, ay pinalumbay kayo sa muli't muling pagsubok, 7 Upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya na lalong mahalaga kay sa ginto na nasisira bagama't ito'y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal sa pagpapakahayag ni Jesucristo: 8 Na hindi ninyo nakita ay inyong iniibig; na bagama't ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayon ma'y inyong sinasampalatayanan, na kayo'y nangagagalak na totoo na may galak na di masayod at puspos ng kaluwalhatian: 9 Na inyong tinatanggap ang layunin ng inyong pananampalataya, ang pagkaligtas ng inyong mga kaluluwa. 10 Tungkol sa pagkaligtas na ito ay nagsikap at nagsiyasat na maigi ang mga propeta, na nangagsihula tungkol sa biyayang dadating sa inyo: 11 Na sinisiyasat ang kahulugan kung ano at kailang panahon itinuro ng Espiritu ni Cristo na sumasa kanila, nang patotohanan nang una ang mga pagbabata ni Cristo, at ang mga kaluwalhatiang hahalili sa mga ito. 12 Na ipinahayag sa kanila, na hindi sa ganang kanilang sarili, kundi sa ganang inyo, pinangasiwaan nila ang mga bagay na ito, na ngayo'y ibinalita sa inyo sa pamamagitan ng mga nagsipangaral sa inyo ng evangelio sa pamamagitan ng Espiritu Santo na sinugo mula sa langit; na ang mga bagay na ito'y ninanasang mamasdan ng mga anghel. 13 Kaya't inyong bigkisan ang mga baywang ng inyong pagiisip, na maging mapagpigil kayo at inyong ilagak na lubos ang inyong pagasa sa biyayang dadalhin sa inyo sa pagkahayag ni Jesucristo; 14 Na gaya ng mga anak na matalimahin, na huwag kayong mangagasal na ayon sa inyong dating mga masasamang pita nang kayo'y na sa kawalang kaalaman: 15 Nguni't yamang banal ang sa inyo'y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay; 16 Sapagka't nasusulat, Kayo'y mangagpakabanal; sapagka't ako'y banal. 17 At kung inyong tinatawagan, na Ama, siyang walang itinatanging tao, na humahatol ayon sa gawa ng bawa't isa, ay gugulin ninyo sa takot ang panahon ng inyong pangingibang bayan: 18 Na inyong nalalamang kayo'y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang; 19 Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, sa makatuwid baga'y ang dugo ni Cristo: 20 Na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, nguni't inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo, 21 Na sa pamamagitan niya ay nanganampalataya kayo sa Dios, na sa kaniya'y bumuhay na maguli sa mga patay, at sa kaniya'y nagbigay ng kaluwalhatian; upang ang inyong pananampalataya at pagasa ay mapasa Dios. 22 Yamang nilinis ninyo ang mga kaluluwa sa inyong pagtalima sa katotohanan, sa pagibig na hindi pakunwari sa mga kapatid, ay mangagibigan kayo ng buong ningas ng inyong puso sa isa't isa: 23 Yamang ipinanganak kayong muli, hindi sa binhing nasisira, kundi sa walang kasiraan, sa pamamagitan ng salita ng Dios na nabubuhay at namamalagi. 24 Sapagka't, Ang lahat ng laman ay gaya ng damo, At ang lahat ng kaniyang karangalan ay gaya ng bulaklak ng damo. Ang damo'y natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta: 25 Datapuwa't ang salita ng Panginoon ay namamalagi magpakailan man. At ito ang salita ng mabubuting balita na ipinangaral sa inyo.
1 Kaya't sa paghihiwalay ng lahat na kasamaan, at lahat ng pagdaraya, at pagpapaimbabaw, at mga pananaghili, at ng lahat ng panglalait, 2 Gaya ng mga sanggol na bagong panganak ay nasain ninyo ang gatas na walang daya na ukol sa espiritu, upang sa pamamagitan nito'y magsilago kayo sa ikaliligtas; 3 Kung inyong napagkilala na ang Panginoon ay mapagbiyaya: 4 Na kayo'y magsilapit sa kaniya, na isang batong buhay, na sa katotohana'y itinakuwil ng mga tao, datapuwa't sa Dios ay hirang, mahalaga, 5 Kayo rin naman, na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain na ukol sa espiritu, na nangakalulugod sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo. 6 Sapagka't ito ang nilalaman ng kasulatan, Narito, aking inilalagay sa Sion ang isang batong panulok na pangulo, hirang mahalaga: At ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya. 7 Sa inyo ngang nangananampalataya, siya'y mahalaga: datapuwa't sa hindi nangananampalataya, Ang batong itinakuwil ng nagsisipagtayo ng bahay Siyang naging pangulo sa panulok; 8 At, Batong katitisuran, at bato na pangbuwal; Sapagka't sila ay natitisod sa salita, palibhasa'y mga suwail: na dito rin naman sila itinalaga, 9 Datapuwa't kayo'y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan: 10 Na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, datapuwa't ngayo'y bayan ng Dios: na hindi nagsipagkamit ng awa, datapuwa't ngayo'y nagsipagkamit ng awa. 11 Mga minamahal, ipinamamanhik ko sa inyong tulad sa mga nangingibang bayan at nagsisipaglakbay, na kayo'y magsipagpigil sa mga masamang pita ng laman, na nakikipaglaban sa kaluluwa; 12 Na kayo'y mangagkaroon ng timtimang ugali sa gitna ng mga Gentil; upang, sa mga bagay na ipinagsasalita nila laban sa inyong tulad sa nagsisigawa ng masama, dahil sa inyong mabubuting gawa na kanilang nakikita, ay purihin nila ang Dios sa araw ng pagdalaw. 13 Kayo'y pasakop sa bawa't palatuntunan ng tao alangalang sa Panginoon: maging sa hari, na kataastaasan; 14 O sa mga gobernador, na sinugo niya sa panghihiganti sa nagsisigawa ng masama at sa kapurihan ng nagsisigawa ng mabuti. 15 Sapagka't siyang kalooban ng Dios, na dahil sa paggawa ng mabuti ay inyong mapatahimik ang kamangmangan ng mga taong palalo: 16 Na gaya nang kayo'y mga laya, at ang inyong kalayaan ay hindi ginagamit na balabal ng kasamaan, kundi gaya ng mga alipin ng Dios. 17 Igalang ninyo ang lahat ng mga tao. Ibigin ninyo ang pagkakapatiran. Mangatakot kayo sa Dios. Igalang ninyo ang hari. 18 Mga alila, kayo'y magsisuko na may buong takot sa inyong mga panginoon; hindi lamang sa mabubuti at mahihinahon, kundi naman sa mababagsik. 19 Sapagka't ito'y kalugodlugod, kung dahil sa budhing ukol sa Dios ay magtiis ang sinoman ng mga kalumbayan, na magbata ng di matuwid. 20 Sapagka't anong kapurihan nga, kung kayo'y nangagkakasala, at kayo'y tinatampal ay inyong tanggapin na may pagtitiis? nguni't kung kayo'y gumagawa ng mabuti, at kayo'y nagbabata, ay inyong tanggapin na may pagtitiis, ito'y kalugodlugod sa Dios. 21 Sapagka't sa ganitong bagay kayo'y tinawag: sapagka't si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang kayo'y mangagsisunod sa mga hakbang niya: 22 Na siya'y hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig: 23 Na, nang siya'y alipustain, ay hindi gumanti ng pagalipusta; nang siya'y magbata, ay hindi nagbala; kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili doon sa humahatol ng matuwid: 24 Na siya rin ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa ibabaw ng kahoy, upang pagkamatay natin sa mga kasalanan, ay mangabuhay tayo sa katuwiran; na dahil sa kaniyang mga sugat ay nangagsigaling kayo. 25 Sapagka't kayo'y gaya ng mga tupang nangaliligaw; datapuwa't ngayon ay nangabalik kayo sa Pastor at Obispo ng inyong mga kaluluwa.
1 Gayon din naman, kayong mga asawang babae, pasakop kayo sa inyong sarisariling asawa; upang, kung ang ilan ay hindi tumalima sa salita, ay mangahikayat ng walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kanikaniyang asawang babae; 2 Sa pagkamasid nila ng inyong ugaling mahinhin na may takot. 3 Na huwag sa labas ang kanilang paggayak na gaya ng pagpapahiyas ng buhok, at pagsusuot ng mga hiyas na ginto, o pagbibihis ng maringal na damit; 4 Kundi ang pagkataong natatago sa puso na may damit na walang kasiraan ng espiritung maamo at payapa, na may malaking halaga sa paningin ng Dios. 5 Sapagka't nang unang panahon, ay ganito naman nagsigayak ang mga babaing banal na nagsiasa sa Dios, na pasakop sa kanikaniyang asawa; 6 Na gaya ni Sara na tumalima kay Abraham, na kaniyang tinawag na panginoon: na kayo ang mga anak niya ngayon, kung nagsisigawa kayo ng mabuti, at di kayo nangatatakot sa anomang kasindakan. 7 Gayon din naman kayong mga lalake, magsipamahay kayong kasama ng inyo-inyong asawa ayon sa pagkakilala, na pakundanganan ang babae, na gaya ng marupok na sisidlan, yamang kayo nama'y kasamang tagapagmana ng biyaya ng kabuhayan: upang ang inyong mga panalangin ay huwag mapigilan. 8 Katapustapusan, kayong lahat ay mangagkaisang akala, madamayin, mangagibigang tulad sa magkakapatid, mga mahabagin, mga mapagkumbabang pagiisip: 9 Na huwag ninyong gantihin ng masama ang masama, o ng alipusta ang pagalipusta; kundi ng pagpapala; sapagka't dahil dito kayo'y tinawag, upang kayo'y mangagmana ng pagpapala. 10 Sapagka't, Ang magnais umibig sa buhay, At makakita ng mabubuting araw, Ay magpigil ng kaniyang dila sa masama, At ang kaniyang mga labi ay huwag magsalita ng daya: 11 At tumalikod siya sa masama, at gumawa ng mabuti; Hanapin ang kapayapaan, at kaniyang sundan. 12 Sapagka't ang mga mata ng Panginoon ay nasa mga matuwid, At ang kaniyang mga pakinig ay sa kanilang mga daing: Nguni't ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga nagsisigawa ng masama. 13 At sino ang sa inyo ay aapi, kung kayo'y mapagmalasakit sa mabuti? 14 Datapuwa't kung mangagbata kayo ng dahil sa katuwiran ay mapapalad kayo: at huwag kayong mangatakot sa kanilang pangtakot, o huwag kayong mangagulo; 15 Kundi inyong ariing banal si Cristo na Panginoon sa inyong mga puso: na lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa't tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo, nguni't sa kaamuan at takot: 16 Na taglay ang mabuting budhi; upang, sa mga bagay na salitain laban sa inyo, ay mangapahiya ang nagsisialipusta sa inyong mabuting paraan ng pamumuhay kay Cristo. 17 Sapagka't lalong magaling, kung gayon ang iniibig ng kalooban ng Dios na kayo'y mangagbata dahil sa paggawa ng mabuti kay sa dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagka't si Cristo man ay nagbata ring minsan dahil sa mga kasalanan, ang matuwid dahil sa mga di matuwid, upang tayo'y madala niya sa Dios; siyang pinatay sa laman, nguni't binuhay sa espiritu; 19 Na iyan din ang kaniyang iniyaon at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan, 20 Na nang unang panahon ay mga suwail, na ang pagpapahinuhod ng Dios, ay nanatili noong mga araw ni Noe, samantalang inihahanda ang daong, na sa loob nito'y kakaunti, sa makatuwid ay walong kaluluwa, ang nangaligtas sa pamamagitan ng tubig: 21 Na ayon sa tunay na kahawig ngayo'y nagligtas, sa makatuwid baga'y ang bautismo, hindi sa pagaalis ng karumihan ng laman, kundi sa paghiling ng isang mabuting budhi sa Dios, sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo; 22 Na nasa kanan ng Dios, pagkaakyat niya sa langit; na ipinasakop sa kaniya ang mga anghel at ang mga kapamahalaan ang mga kapangyarihan.
1 Kung paano ngang si Cristo ay nagbata sa laman, ay magsandata rin naman kayo ng gayong pagiisip; sapagka't siya na nagbata sa laman ay nagpapatigil sa kasalanan; 2 Upang huwag na kayong mangabuhay sa laman sa inyong nalalabing panahon sa mga masamang pita ng mga tao, kundi sa kalooban ng Dios. 3 Sapagka't sukat na ang nakaraang panahon upang gawin ang hangad ng mga Gentil, at lumakad sa kalibugan, sa mga masamang pita, sa mga paglalasing, sa mga kalayawan, sa mga kayamuan, at sa kasuklamsuklam na pagsamba sa mga diosdiosan: 4 Ikinahahanga nila ang bagay na ito na kayo'y hindi nakikitakbong kasama nila sa gayong pagpapakalabis ng kaguluhan, kung kaya't kayo'y pinagsasalitaan ng masama: 5 Na sila'y magbibigay sulit sa kaniya na handang humukom sa mga buhay at sa mga patay. 6 Sapagka't dahil dito'y ipinangaral maging sa mga patay ang evangelio, upang sila, ayon sa mga tao sa laman ay mangahatulan, datapuwa't mangabuhay sa espiritu ayon sa Dios. 7 Nguni't ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na: kayo nga'y mangagpakahinahon, at mangagpuyat sa pananalangin: 8 Na una sa lahat ay maging maningas kayo sa inyong pagiibigan; sapagka't ang pagibig ay nagtatakip ng karamihang kasalanan: 9 Na mangagpatuluyan kayo ng walang bulongbulungan: 10 Na ayon sa kaloob na tinanggap ng bawa't isa, ay ipaglingkod sa inyo-inyo rin, na gaya ng mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Dios; 11 Na kung ang sinoma'y nagsasalita, ay gaya ng sa mga aral ng Dios: kung ang sinoman ay nangangasiwa, ay gaya ng sa kalakasang ibinibigay ng Dios: upang ang Dios ay papurihan sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesucristo, na sa kaniya ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailan man. Siya nawa. 12 Mga minamahal, huwag kayong mangagtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok sa inyo, na dumarating sa inyo upang kayo'y subukin, na waring ang nangyayari sa inyo'y di karaniwang bagay: 13 Kundi kayo'y mangagalak, sapagka't kayo'y mga karamay sa mga hirap ni Cristo; upang sa pagkahayag ng kaniyang kaluwalhatian naman ay mangagalak kayo ng malabis na galak. 14 Kung kayo'y mapintasan dahil sa pangalan ni Cristo, ay mapapalad kayo; sapagka't ang Espiritu ng kaluwalhatian at ang Espiritu ng Dios ay nagpapahingalay sa inyo. 15 Nguni't huwag magbata ang sinoman sa inyo na gaya ng mamamatay-tao, o magnanakaw, o manggagawa ng masama, o gaya ng mapakialam sa mga bagay ng iba: 16 Nguni't kung ang isang tao ay magbata na gaya ng Cristiano, ay huwag mahiya; kundi luwalhatiin ang Dios sa pangalang ito. 17 Sapagka't dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios: at kung mauna sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi nagsisitalima sa evangelio ng Dios? 18 At kung ang matuwid ay bahagya ng makaliligtas, ang masama at ang makasalanan ay saan kaya magsisiharap? 19 Kaya't ipagkatiwala naman ng nangagbabata ayon sa kalooban ng Dios ang kanilang mga kaluluwa sa paggawa ng mabuti sa tapat na Lumalang.
1 Sa matatanda nga sa inyo'y umaaral ako, akong matandang kasamahan ninyo, at isang saksi ng mga hirap ni Cristo, na may bahagi naman sa kaluwalhatiang ihahayag: 2 Pangalagaan ninyo ang kawan ng Dios na nasa inyo, na magsigamit kayo ng pagpupuno, na hindi sapilitan, kundi may kasayahan, na ayon sa kalooban ng Dios; ni hindi dahil sa mahalay na kapakinabangan, kundi sa handang pagiisip; 3 Ni hindi din naman ang gaya ng kayo'y may pagkapanginoon sa pinangangasiwaang ipinagtagubilin sa inyo, kundi kayo'y maging mga uliran ng kawan. 4 At pagkahayag ng pangulong Pastor, ay magsisitanggap kayo ng di nasisirang putong ng kaluwalhatian. 5 Gayon din naman, kayong mga kabataan, ay magsisuko sa matatanda. Oo, kayong lahat ay mangagbigkis ng kapakumbabaan, na kayo-kayo'y maglingkuran: sapagka't ang Dios ay sumasalangsang sa mga palalo, datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba. 6 Kaya't kayo'y mangagpakababa sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Dios, upang kayo'y kaniyang itaas sa kapanahunan; 7 Na inyong ilagak sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagka't kayo'y ipinagmamalasakit niya. 8 Kayo'y maging mapagpigil, kayo'y maging mapagpuyat; ang inyong kalaban na diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya: 9 Na siya'y labanan ninyong matatag sa inyong pananampalataya, yamang inyong nalalaman na ang mga gayong hirap ay nagaganap sa inyong mga kapatid na nangasa sanglibutan. 10 At ang Dios ng buong biyaya na sa inyo'y tumawag sa kaniyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, pagkatapos na kayo'y makapagbatang sangdaling panahon, ay siya rin ang magpapasakdal, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo. 11 Sumasakaniya nawa ang paghahari magpakailan man. Siya nawa. 12 Sa pamamagitan ni Silvano, na tapat nating kapatid, ayon sa aking palagay sa kaniya, ay sinulatan ko kayo ng maiksi, na aking iniaaral at sinasaksihan na ito ang tunay na biyaya ng Dios: magsitibay kayo dito. 13 Binabati kayo ng nasa Babilonia, na kasamang hinirang; at ni Marcos na aking anak. 14 Mangagbatian kayo ng halik ng pagibig. Kapayapaan nawa ang sumainyong lahat na na kay Cristo.
1 Si Simon Pedro, na alipin at apostol ni Jesucristo, sa nagsipagkamit na kasama namin ng mahalagang pananampalataya sa katuwiran ng ating Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo: 2 Biyaya at kapayapaan ang sa inyo'y dumami sa pagkakilala sa Dios at kay Jesus na Panginoon natin; 3 Yamang ipinagkaloob sa atin ng kaniyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na nauukol sa kabuhayan at sa kabanalan, sa pamamagitan ng pagkakilala sa kaniya na tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaniyang sariling kaluwalhatian at kagalingan; 4 Na dahil dito ay ipinagkaloob niya sa atin ang kaniyang mahahalaga at napakadakilang pangako; upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi kayo sa kabanalang mula sa Dios, yamang nakatanan sa kabulukang nasa sanglibutan dahil sa masamang pita. 5 Oo, at dahil din dito, sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman; 6 At sa kaalaman ay ang pagpipigil; at sa pagpipigil ay ang pagtitiis; at sa pagtitiis ay ang kabanalan; 7 At sa kabanalan ay ang mabuting kalooban sa kapatid; at sa mabuting kalooban sa kapatid ay ang pagibig. 8 Sapagka't kung nasa inyo ang mga bagay na ito at sumasagana, ay hindi kayo pababayaang maging mga tamad o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesucristo. 9 Sapagka't yaong wala ng mga bagay na ito ay bulag, na ang nakikita lamang ay ang nasa malapit, sa pagkalimot ng paglilinis ng kaniyang dating mga kasalanan. 10 Kaya, mga kapatid, lalong pagsikapan ninyo na mangapanatag kayo sa pagkatawag at pagkahirang sa inyo: sapagka't kung gawin ninyo ang mga bagay na ito ay hindi kayo mangatitisod kailan man: 11 Sapagka't sa gayon ay ipinamamahaging sagana sa inyo ang pagpasok sa kahariang walang hanggan ng Panginoon natin at Tagapagligtas na si Jesucristo. 12 Kaya't magiging handa akong lagi na ipaalaala ko sa inyo ang mga bagay na ito, bagama't inyong nalalaman, at kayo'y pinatitibay sa katotohanang nasa inyo. 13 At inaakala kong matuwid, na samantalang ako'y nasa tabernakulong ito, ay kilusin ko kayo na ipaalaala ko sa inyo; 14 Yamang aking nalalaman na dumarating na madali ang paghiwalay ko sa aking tabernakulo, na gaya ng ipinahiwatig sa akin ng Panginoon nating Jesucristo. 15 Oo, pagsisikapan ko na sa tuwituwi na, pagkamatay ko'y inyong maalaala ang mga bagay na ito. 16 Sapagka't kami ay hindi nagsisunod sa mga kathang ginawang mainam, noong aming ipinakilala sa inyo ang kapangyarihan at pagparito ng ating Panginoong Jesucristo, kundi kami ay naging mga saksing nakakita ng kaniyang karangalan. 17 Sapagka't siya'y tumanggap sa Dios Ama ng karangalan at kaluwalhatian, nang dumating sa kaniya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan: 18 At ang tinig na ito ay aming narinig na nanggaling sa langit, nang kami ay kasama niya sa banal na bundok. 19 At kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula; na mabuti ang inyong ginagawa kung ito'y inyong sinusundan, na gaya ng sa isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso: 20 Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag. 21 Sapagka't hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyokan ng Espiritu Santo.
1 Nguni't may nagsilitaw din naman sa bayan na mga bulaang propeta, na gaya naman sa inyo'y magkakaroon ng mga bulaang guro, na mangagpapasok sa lihim ng mga makakapahamak na mga hiduwang pananampalataya, na itatatuwa pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na mangagtataglay sa kanilang sarili ng madaling pagkapahamak. 2 At maraming magsisisunod sa kanilang mga gawang mahahalay; na dahil sa kanila ay pagsasalitaan ng masama ang daan ng katotohanan. 3 At sa kasakiman sa mga pakunwaring salita ay ipangangalakal kayo: na ang hatol nga sa kanila mula nang una ay hindi nagluluwat, at ang kanilang kapahamakan ay hindi nagugupiling. 4 Sapagka't kung ang Dios ay hindi nagpatawad sa mga anghel nang mangagkasala ang mga yaon, kundi sila'y ibinulid sa impierno, at kinulong sa mga hukay ng kadiliman, upang ilaan sa paghuhukom; 5 At ang dating sanglibutan ay hindi pinatawad, datapuwa't iningatan si Noe na tagapangaral ng katuwiran na kasama ng ibang pito pa, noong dalhin ang pagkagunaw sa sanglibutan ng masasama; 6 At pinarusahan niya ng pagkalipol ang mga bayan ng Sodoma at Gomorra na pinapaging abo, nang maging halimbawa sa mga magsisipamuhay na masama: 7 At iniligtas ang matuwid na si Lot, na lubhang nahahapis sa mahahalay na pamumuhay ng masasama: 8 (Sapagka't ang matuwid na ito na namamayang kasama nila, ay lubhang nahapis araw-araw ang kaniyang matuwid na kaluluwa sa pagkakita at pagkarinig niya, ng mga gawa nilang laban sa kautusan): 9 Ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal, sa tukso at maglaan ng mga di matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom; 10 Datapuwa't lalong-lalo na ng mga nagsisilakad ng ayon sa laman sa masamang pita ng karumihan, at nangapopoot sa pagkasakop. Mga pangahas, mapagsariling kalooban, sila'y hindi natatakot na magsialipusta sa mga pangulo: 11 Samantalang ang mga anghel, bagama't lalong dakila ang lakas at kapangyarihan, ay hindi nagtataglay ng paghatol na may alipusta laban sa kanila sa harapan ng Panginoon. 12 Datapuwa't ang mga ito, na gaya ng mga kinapal na walang bait, na ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at lipulin, na nagsisialipusta sa mga bagay na hindi nila nalalaman ay walang pagsalang lilipulin sa kanila ring pagkalipol. 13 Na nangagbabata ng masama na kabayaran ng gawang masama; palibhasa'y inaari nilang isang kaligayahan ang magpakalayaw kung araw, mga dungis at kapintasan, na nangagpapakalayaw sa kanilang mga daya, samantalang sila'y nangakikipagpiging sa inyo; 14 Na may mga matang puspos ng pangangalunya, at hindi maaaring maglikat sa pagkakasala; na umaakit sa mga kaluluwang walang tiyaga; na may pusong sanay sa kasakiman; mga anak ng paglait, 15 Na pagkaalis sa daang matuwid ay nangaligaw sila, palibhasa'y nagsisunod sa daan ni Balaam na anak ni Beor, na nagibig ng kabayaran ng gawang masama; 16 Datapuwa't siya'y sinasaway dahil sa kaniyang sariling pagsalangsang: na isang asnong pipi ay nangusap ng tinig ng tao at pinigil ang kaululan ng propeta. 17 Ang mga ito'y mga bukal na walang tubig, mga ulap na tinatangay ng unos; na sa kanila'y itinaan ang kapusikitan ng kadiliman; 18 Sapagka't, sa pananalita ng mga kapalaluan na walang kabuluhan, ay umaakit sila sa masasamang pita ng laman, sa pamamagitan ng kalibugan, doon sa nagsisitakas sa nangamumuhay sa kamalian; 19 Na pinangangakuan ng kalayaan, samantalang sila'y mga alipin ng kabulukan; sapagka't ang nadaig ninoman ay naging alipin din naman niyaon. 20 Sapagka't kung, pagkatapos na sila'y makatakas sa mga pagkahawa sa sanglibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ay muling mahalubiluhan at madaig niyaon, ay lalong sumasama ang huling kalagayan nila kay sa nang una. 21 Sapagka't magaling pa sa kanila ang hindi nakakilala ng daan ng katuwiran, kay sa, pagkatapos na makakilala ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila. 22 Nangyari sa kanila ang ayon sa kawikaang tunay, Nagbabalik na muli ang aso sa kaniyang sariling suka, at sa paglulubalob sa pusali ang babaing baboy na nahugasan.
1 Ito nga ang ikalawang sulat, mga minamahal, na isinusulat ko sa inyo; at sa dalawa'y ginigising ko ang inyong tapat na pagiisip sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa inyo; 2 Upang maalaala ninyo ang mga salitang sinabi nang una ng mga banal na propeta, at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng inyong mga apostol: 3 Na maalaman muna ito, na sa mga huling araw ay magsisiparito ang mga manunuya na may pagtuya, na magsisilakad ayon sa kanikanilang masasamang pita, 4 At magsisipagsabi, Saan naroon ang pangako ng kaniyang pagparito? sapagka't, buhat nang araw na mangatulog ang mga magulang, ay nangananatili ang lahat ng mga bagay na gaya ng kalagayan nila mula nang pasimulan ang paglalang. 5 Sapagka't sadyang nililimot nila, na mayroong sangkalangitan mula nang unang panahon, at isang lupang inanyuan sa tubig at sa gitna ng tubig, sa pamamagitan ng salita ng Dios; 6 Na sa pamamagitan din nito ang sanglibutan noon, na inapawan ng tubig, ay napahamak: 7 Nguni't ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama. 8 Datapuwa't huwag ninyong kalimutan, mga minamahal, ang isang bagay na ito, na ang isang araw sa Panginoon ay katulad ng isang libong taon, at ang isang libong taon ay katulad ng isang araw. 9 Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba; kundi mapagpahinuhod sa inyo, na hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi. 10 Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog. 11 Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw ng ganito, ano ngang anyo ng mga pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagkamaawain, 12 Na ating hinihintay at pinakananasa ang pagdating ng kaarawan ng Dios, na dahil dito'y ang sangkalangitan na nagniningas ay mapupugnaw, at ang mga bagay sa langit ay matutunaw sa matinding init? 13 Nguni't, ayon sa kaniyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran. 14 Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo'y nagsisipaghintay ng mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong masumpungan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya. 15 At inyong ariin na ang pagpapahinuhod ng ating Panginoon ay pagliligtas; na gaya rin naman ni Pablo, na ating minamahal na kapatid, na ayon sa karunungang ibinigay sa kaniya, ay sinulatan kayo; 16 Gayon din naman sa lahat ng kaniyang mga sulat, na doo'y sinasalita ang mga bagay na ito; na doo'y may ilang bagay na mahirap unawain, na isinisinsay ng mga di nakaaalam at ng mga walang tiyaga, na gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila. 17 Kaya nga, mga minamahal, yamang nalalaman na ninyo nang una ang mga bagay na ito, ay magsipagingat kayo, baka kung mangaligaw kayo sa pamamagitan ng kamalian ng masasama, ay mangahulog kayo sa inyong sariling katiyagaan. 18 Datapuwa't magsilago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian ngayon at magpakailan man. Siya nawa.
1 Yaong buhat sa pasimula, yaong aming narinig, yaong nakita ng aming mga mata, yaong aming namasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa salita ng buhay; 2 (At ang buhay ay nahayag, at aming nakita, at pinatotohanan, at sa inyo'y aming ibinabalita ang buhay, ang buhay na walang hanggan, na kasama ng Ama at sa atin ay nahayag); 3 Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, at tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo: 4 At ang mga bagay na ito ay aming isinusulat, upang ang ating kagalakan ay malubos. 5 At ito ang pasabing aming narinig sa kaniya at sa inyo'y aming ibinabalita, na ang Dios ay ilaw, at sa kaniya'y walang anomang kadiliman. 6 Kung sinasabi nating tayo'y may pakikisama sa kaniya at nagsisilakad tayo sa kadiliman, ay nangagbubulaan tayo, at hindi tayo nagsisigawa ng katotohanan: 7 Nguni't kung tayo'y nagsisilakad sa liwanag, na gaya niyang nasa liwanag, ay may pakikisama tayo sa isa't isa, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak sa lahat ng kasalanan. 8 Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, ay ating dinadaya ang ating sarili, at ang katotohanan ay wala sa atin. 9 Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan. 10 Kung sinasabi nating tayo'y hindi nangagkasala, ay ating ginagawang sinungaling siya, at ang kaniyang salita ay wala sa atin.
1 Mumunti kong mga anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo upang kayo'y huwag mangagkasala. At kung ang sinoman ay magkasala, ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesucristo ang matuwid: 2 At siya ang pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan; at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa buong sanglibutan din naman. 3 At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang kaniyang mga utos. 4 Ang nagsasabing, Nakikilala ko siya, at hindi tumutupad ng kaniyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kaniya; 5 Datapuwa't ang sinomang tumutupad ng kaniyang salita, tunay na sa kaniya ay naging sakdal ang pagibig ng Dios. Dahil dito'y nalalaman nating tayo'y nasa kaniya: 6 Ang nagsasabing siya'y nananahan sa kaniya ay nararapat din namang lumakad na gaya ng inilakad niya. 7 Mga minamahal, wala akong isinusulat sa inyo na anomang bagong utos, kundi ang dating utos na nasa inyo buhat nang pasimula; ang dating utos ay ang salita na inyong narinig. 8 Muli, isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, bagay na tunay sa kaniya at sa inyo; sapagka't ang kadiliman ay lumilipas, at ang tunay na ilaw ay lumiliwanag na. 9 Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag at napopoot sa kaniyang kapatid, ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon. 10 Ang umiibig sa kaniyang kapatid ay nananahan sa liwanag, at sa kaniya'y walang anomang kadahilanang ikatitisod. 11 Nguni't ang napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman, at lumalakad sa kadiliman, at hindi niya nalalaman kung saan siya naparoroon, sapagka't ang kaniyang mga mata ay binulag ng kadiliman. 12 Kayo'y sinusulatan ko, mumunti kong mga anak, sapagka't ipinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan dahil sa kaniyang pangalan. 13 Kayo'y sinusulatan ko, mga ama, sapagka't inyong nakikilala yaong buhat pa nang pasimula ay siya na. Kayo'y sinusulatan ko, mga binata, sapagka't inyong dinaig ang masama. Kayo'y aking sinulatan, mumunting mga anak, sapagka't inyong nakikilala ang Ama. 14 Kayo'y aking sinulatan, mga ama, sapagka't inyong nakikilala yaong buhat pa nang pasimula ay siya na. Kayo'y aking sinulatan, mga binata, sapagka't kayo'y malalakas, at ang salita ng Dios ay nananahan sa inyo, at inyong dinaig ang masama. 15 Huwag ninyong ibigin ang sanglibutan, ni ang mga bagay na nasa sanglibutan. Kung ang sinoman ay umiibig sa sanglibutan, ay wala sa kaniya ang pagibig ng Ama. 16 Sapagka't ang lahat na nangasa sanglibutan, ang masamang pita ng laman at ang masamang pita ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanglibutan. 17 At ang sanglibutan ay lumilipas, at ang masamang pita niyaon; datapuwa't ang gumagawa ng kalooban ng Dios ay nananahan magpakailan man. 18 Mumunting mga anak, ito ang huling oras: at gaya ng inyong narinig na darating ang anticristo, kahit ngayon ay lumitaw ang marami nang anticristo; kaya nga nalalaman natin na ito na ang huling oras. 19 Sila'y nangagsilabas sa atin, nguni't sila'y hindi sa atin; sapagka't kung sila'y sa atin ay nagsipanatili sana sa atin: nguni't nangagsilabas, upang sila'y mahayag na silang lahat ay hindi sa atin. 20 At kayo'y may pahid ng Banal, at nalalaman ninyo ang lahat ng mga bagay. 21 Hindi ko kayo sinulatan ng dahil sa hindi ninyo nalalaman ang katotohanan, kundi dahil sa inyong nalalaman, at sapagka't alin mang kasinungalingan ay hindi sa katotohanan. 22 Sino ang sinungaling kundi ang tumatanggi na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anticristo, sa makatuwid ay ang tumatanggi sa Ama at sa Anak. 23 Ang sinomang tumatanggi sa Anak, ay hindi sumasa kaniya ang Ama: ang nagpapahayag sa Anak ay sumasa kaniya naman ang Ama. 24 Tungkol sa inyo, ay manahan sa inyo ang inyong narinig buhat nang pasimula. Kung manahan sa inyo yaong buhat nang pasimula ay inyong narinig, kayo naman ay mananahan sa Anak, at sa Ama. 25 At ito ang pangakong kaniyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan. 26 Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga may ibig na magligaw sa inyo. 27 At tungkol sa inyo, ang pagkapahid na sa kaniya'y inyong tinanggap ay nananahan sa inyo, at hindi ninyo kailangang kayo'y turuan ng sinoman; nguni't kung paanong kayo'y tinuturuan ng kaniyang pahid tungkol sa lahat ng mga bagay, at siyang totoo, at hindi kasinungalingan, at kung paanong kayo'y tinuruan nito, ay gayon kayong nananahan sa kaniya. 28 At ngayon, mumunti kong mga anak, manahan kayo sa kaniya; upang, kung siya'y mahayag, ay magkaroon kayo ng pagkakatiwala, at huwag tayong mangapahiya sa harapan niya sa kaniyang pagparito. 29 Kung nalalaman ninyong siya'y matuwid, nalalaman naman ninyo na ang bawa't gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak niya.
1 Masdan ninyo kung gaanong pagibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo'y mangatawag na mga anak ng Dios; at tayo'y gayon nga. Dahil dito'y hindi tayo nakikilala ng sanglibutan, sapagka't siya'y hindi nakilala nito. 2 Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Dios, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin, na kung siya'y mahayag, tayo'y magiging katulad niya: sapagka't siya'y ating makikitang gaya ng kaniyang sarili. 3 At sinomang mayroon ng pagasang ito sa kaniya ay naglilinis sa kaniyang sarili, gaya naman niyang malinis. 4 Ang sinomang gumagawa ng kasalanan ay sumasalangsang din naman sa kautusan: at ang kasalanan ay ang pagsalangsang sa kautusan. 5 At nalalaman ninyo na siya'y nahayag upang magalis ng mga kasalanan; at sa kaniya'y walang kasalanan. 6 Ang sinomang nananahan sa kaniya ay hindi nagkakasala; sinomang nagkakasala ay hindi nakakita sa kaniya, ni hindi man nakakilala sa kaniya. 7 Mumunti kong mga anak, huwag kayong padaya kanino man: ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya niya na matuwid: 8 Ang gumagawa ng kasalanan ay sa diablo; sapagka't buhat pa nang pasimula ay nagkakasala ang diablo. Sa bagay na ito'y nahayag ang Anak ng Dios, upang iwasak ang mga gawa ng diablo. 9 Ang sinomang ipinanganak ng Dios ay hindi nagkakasala, sapagka't ang kaniyang binhi ay nananahan sa kaniya: at siya'y hindi maaaring magkasala, sapagka't siya'y ipinanganak ng Dios. 10 Dito nahahayag ang mga anak ng Dios, at ang mga anak ng diablo: ang sinomang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Dios, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid. 11 Sapagka't ito ang pasabing inyong narinig buhat ng pasimula, na mangagibigan tayo sa isa't isa: 12 Hindi gaya ni Cain na siya'y sa masama, at pinatay ang kaniyang kapatid. At bakit niya pinatay? Sapagka't ang kaniyang mga gawa ay masasama, at ang mga gawa ng kaniyang kapatid ay matuwid. 13 Huwag kayong mangagtaka, mga kapatid, kung kayo'y kinapopootan ng sanglibutan. 14 Nalalaman nating tayo'y nangalipat na sa buhay mula sa kamatayan, sapagka't tayo'y nagsisiibig sa mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananahan sa kamatayan. 15 Ang sinomang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan. 16 Dito'y nakikilala natin ang pagibig, sapagka't kaniyang ibinigay ang kaniyang buhay dahil sa atin; at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay dahil sa mga kapatid. 17 Datapuwa't ang sinomang mayroong mga pag-aari sa sanglibutang ito, at nakikita ang kaniyang kapatid na nangangailangan, at doo'y ipagkait ang kaniyang awa, paanong mananahan ang pagibig ng Dios sa kaniya? 18 Mumunti kong mga anak, huwag tayong magsiibig ng salita, ni ng dila man; kundi ng gawa at katotohanan. 19 Dito'y makikilala nating tayo'y sa katotohanan, at papapanatagin natin ang ating mga puso sa harapan niya. 20 Sapagka't kung hinahatulan tayo ng ating puso, ang Dios ay lalong dakila kay sa ating puso, at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay. 21 Mga minamahal, kung tayo'y hindi hinahatulan ng ating puso, ay may pagkakatiwala tayo sa Dios; 22 At anomang ating hingin ay tinatanggap natin sa kaniya, sapagka't tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na kalugodlugod sa kaniyang paningin. 23 At ito ang kaniyang utos, na manampalataya tayo sa pangalan ng kaniyang Anak na si Jesucristo, at tayo'y mangagibigan, ayon sa ibinigay niyang utos sa atin. 24 At ang tumutupad ng kaniyang mga utos ay mananahan sa kaniya, at siya ay sa kaniya. At dito'y nakikilala natin na siya'y nananahan sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na kaniyang ibinigay sa atin.
1 Mga minamahal, huwag kayong magsipaniwala sa bawa't espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Dios: sapagka't maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan. 2 Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Dios: ang bawa't espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Dios: 3 At ang bawa't espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Dios: at ito ang sa anticristo, na inyong narinig na darating; at ngayo'y nasa sanglibutan na. 4 Kayo'y sa Dios, mumunti kong mga anak, at inyong dinaig sila: sapagka't lalong dakila siyang nasa inyo kay sa nasa sanglibutan. 5 Sila'y sa sanglibutan: kaya't tungkol sa sanglibutan ang sinasalita nila, at sila'y dinidinig ng sanglibutan. 6 Tayo nga'y sa Dios: ang nakakakilala sa Dios ay dumirinig sa atin; ang hindi sa Dios ay hindi dumirinig sa atin. Dito'y ating nakikilala ang espiritu ng katotohanan, at ang espiritu ng kamalian. 7 Mga minamahal, mangagibigan tayo sa isa't isa: sapagka't ang pagibig ay sa Dios; at ang bawa't umiibig ay ipinanganak ng Dios, at nakakakilala sa Dios. 8 Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Dios; sapagka't ang Dios ay pagibig. 9 Dito nahayag ang pagibig ng Dios sa atin, sapagka't sinugo ng Dios ang kaniyang bugtong na Anak sa sanglibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Narito ang pagibig, hindi sa tayo'y umibig sa Dios, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan. 11 Mga minamahal, kung tayo'y inibig ng Dios ng gayon, ay nararapat na mangagibigan din naman tayo. 12 Sinoman ay hindi nakakita kailan man sa Dios: kung tayo'y nangagiibigan, ang Dios ay nananahan sa atin, at ang kaniyang pagibig ay nagiging sakdal sa atin: 13 Dito'y nakikilala natin na tayo'y nangananahan sa kaniya at siya'y sa atin, sapagka't binigyan niya tayo ng kaniyang Espiritu. 14 At nakita natin at sinasaksihan na sinugo ng Ama ang Anak upang maging Tagapagligtas ng sanglibutan. 15 Ang sinomang nagpapahayag na si Jesus ay Anak ng Dios, ang Dios ay nananahan sa kaniya, at siya'y sa Dios. 16 At ating nakilala at ating sinampalatayanan ang pagibig ng Dios sa atin. Ang Dios ay pagibig; at ang nananahan sa pagibig ay nananahan sa Dios, at ang Dios ay nananahan sa kaniya. 17 Dito'y naging sakdal ang pagibig sa atin, upang tayo'y magkaroon ng pagkakatiwala sa araw ng paghuhukom; sapagka't kung ano siya, ay gayon din naman tayo sa sanglibutang ito. 18 Walang takot sa pagibig: kundi ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot, sapagka't ang takot ay may kaparusahan; at ang natatakot ay hindi pa pinasasakdal sa pagibig. 19 Tayo'y nagsisiibig, sapagka't siya'y unang umibig sa atin. 20 Kung sinasabi ng sinoman, Ako'y umiibig sa Dios, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay sinungaling; sapagka't ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakita, ay paanong makaiibig siya sa Dios na hindi niya nakita? 21 At ang utos na itong mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Dios ay dapat umibig sa kaniyang kapatid.
1 Ang sinomang nananampalataya na si Jesus ay siyang Cristo ay ipinanganak ng Dios: at ang bawa't umiibig sa nanganak ay umiibig din naman sa ipinanganak niyaon. 2 Dito'y ating nakikilala na tayo'y nagsisiibig sa mga anak ng Dios, pagka tayo'y nagsisiibig sa Dios at tinutupad natin ang kaniyang mga utos. 3 Sapagka't ito ang pagibig sa Dios, na ating tuparin ang kaniyang mga utos: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat. 4 Sapagka't ang sinomang ipinanganak ng Dios ay dumadaig sa sanglibutan: at ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang ating pananampalataya. 5 At sino ang dumadaig sa sanglibutan, kundi yaong nananampalatayang si Jesus ay anak ng Dios? 6 Ito yaong naparito sa pamamagitan ng tubig at dugo, sa makatuwid ay si Jesucristo; hindi sa tubig lamang, kundi sa tubig at sa dugo. 7 At ang Espiritu ang nagpapatotoo, sapagka't ang Espiritu ay katotohanan. 8 Sapagka't may tatlong nagpapatotoo, ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo: at ang tatlo ay nagkakaisa. 9 Kung tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, ay lalong dakila ang patotoo ng Dios, sapagka't ito ang patotoo ng Dios: sapagka't ito papatotoo tungkol sa kaniyang Anak. 10 Ang nananampalataya sa Anak ng Dios ay may patotoo sa kaniya: ang hindi nananampalataya sa Dios ay ginagawang isang sinungaling ang Dios: sapagka't hindi sumampalataya sa patotoo na ibinigay ng Dios tungkol sa kaniyang Anak. 11 At ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak. 12 Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay. 13 Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo, upang inyong maalaman na kayo'y mayroong buhay na walang hanggan, sa makatuwid ay sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Dios. 14 At ito ang nasa ating pagkakatiwala sa kaniya, na kung tayo'y humingi ng anomang bagay na ayon sa kaniyang kalooban, ay dinidinig tayo niya: 15 At kung ating nalalaman na tayo'y dinidinig niya sa anomang ating hingin, ay nalalaman natin na nasa atin ang mga kahilingang sa kaniya'y ating hiningi. 16 Kung makita ng sinoman na ang kaniyang kapatid ay nagkakasala ng kasalanang hindi ikamamatay, ay idalangin siya at bibigyan siya ng Dios ng buhay, na ukol sa mga nagkakasala nang hindi ikamamatay. May kasalanang ikamamatay: hindi tungkol dito ang sinasabi ko na idalangin niya. 17 Lahat ng kalikuan ay kasalanan: at may kasalanang hindi ikamamatay. 18 Nalalaman natin na ang sinomang ipinanganak ng Dios ay hindi nagkakasala; datapuwa't ang ipinanganak ng Dios ay nagiingat sa kaniyang sarili, at hindi siya ginagalaw ng masama. 19 Nalalaman natin na tayo'y sa Dios at ang buong sanglibutan ay nakahilig sa masama. 20 At nalalaman natin na naparito ang Anak ng Dios, at tayo'y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala siya na totoo, at tayo'y nasa kaniya na totoo, sa makatuwid ay sa kaniyang Anak na si Jesucristo. Ito ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan. 21 Mga anak ko, mangagingat kayo sa mga diosdiosan.
1 Ang matanda sa hirang na ginang at sa kaniyang mga anak, na aking iniibig sa katotohanan; at hindi lamang ako, kundi pati ng lahat ng mga nakakakilala ng katotohanan; 2 Alangalang sa katotohanan na nananahan sa atin, at sasa atin magpakailan man: 3 Sumaatin nawa ang biyaya, awa, at kapayapaang mula sa Dios Ama at kay Jesucristo, Anak ng Ama, sa katotohanan at sa pagibig. 4 Ako'y lubhang nagagalak na aking nasumpungan ang ilan sa iyong mga anak na nagsisilakad sa katotohanan, ayon sa ating tinanggap na utos sa Ama. 5 At ngayo'y ipinamamanhik ko sa iyo, ginang, na hindi waring sinusulatan kita ng isang bagong utos, kundi niyaong ating tinanggap nang pasimula, na tayo'y mangagibigan sa isa't isa. 6 At ito ang pagibig, na tayo'y mangagsilakad ayon sa kaniyang mga utos. Ito ang utos, na tayo'y mangagsilakad sa kaniya, gaya ng inyong narinig nang pasimula. 7 Sapagka't maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at ang anticristo. 8 Mangagingat kayo sa inyong sarili, upang huwag ninyong iwala ang mga bagay na aming pinagpagalan, kundi upang tanggapin ninyo ang isang lubos na kagantihan. 9 Ang sinomang nagpapatuloy at hindi nananahan sa aral ni Cristo, ay hindi kinaroroonan ng Dios: ang nananahan sa aral, ay kinaroroonan ng Ama at gayon din ng Anak. 10 Kung sa inyo'y dumating ang sinoman, at hindi dala ang aral na ito, ay huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin: 11 Sapagka't ang bumabati sa kaniya ay nararamay sa kaniyang masasamang gawa. 12 Yamang may maraming mga bagay na isusulat sa inyo, ay hindi ko ibig isulat sa papel at tinta; datapuwa't inaasahan kong pumariyan sa inyo, at makipagusap ng mukhaan, upang malubos ang inyong galak. 13 Ang mga anak ng iyong hirang na kapatid na babae ay bumabati sa iyo.
1 Ang matanda, kay Gayo na minamahal, na aking iniibig sa katotohanan. 2 Minamahal, aking idinadalangin na sa lahat ng mga bagay ay guminhawa ka at bumuti ang iyong katawan, na gaya ng pagginhawa ng iyong kaluluwa. 3 Sapagka't ako'y totoong nagalak nang magsidating ang mga kapatid at mangagpatotoo sa iyong katotohanan, ayon sa paglakad mo sa katotohanan. 4 Wala nang dakilang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay nagsisilakad sa katotohanan. 5 Minamahal, ginagawa mo ang tapat na gawa sa lahat ng iyong ginagawa doon sa mga kapatid at sa mga taga ibang lupa; 6 Na siyang nangagpapatotoo ng iyong pagibig sa harapan ng iglesia: na iyong gagawan ng magaling kung iyong tutulungan sila ng nararapat sa Dios, sa kanilang paglalakbay: 7 Sapagka't dahil sa Pangalan, ay nangagsiyaon sila na walang kinuhang anoman sa mga Gentil. 8 Nararapat nga nating tanggaping mabuti ang mga gayon, upang tayo'y maging kasama sa paggawa sa katotohanan. 9 Ako'y sumulat ng ilang bagay sa iglesia: datapuwa't si Diotrefes na nagiibig magkaroon ng kataasan sa kanila, ay hindi kami tinatanggap. 10 Kaya't kung pumariyan ako, ay ipaaalaala ko ang mga gawang kaniyang ginagawa, na nagsasalita ng masasamang salita laban sa amin: at hindi nasisiyahan sa ganito, ni hindi man niya tinatanggap ang mga kapatid, at silang mga ibig tumanggap ay pinagbabawalan niya at pinalalayas sila sa iglesia. 11 Minamahal, huwag mong tularan ang masama, kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay sa Dios: ang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Dios. 12 Si Demetrio ay pinatototohanan ng lahat, at ng katotohanan: oo, kami man ay nagpapatotoo rin; at nalalaman mo na ang aming patotoo ay tunay. 13 Maraming mga bagay ang isusulat ko sana sa iyo, datapuwa't hindi ko ibig isulat sa iyo ng tinta at panulat: 14 Datapuwa't inaasahan kong makita kang madali, at tayo'y magkakausap ng mukhaan. Ang kapayapaa'y sumainyo nawa. Binabati ka ng mga kaibigan. Batiin mo ang mga kaibigan sa pangalan.
1 Si Judas, na alipin ni Jesucristo, at kapatid ni Santiago, sa mga tinawag, na minamahal sa Dios Ama, at iniingatang para kay Jesucristo: 2 Kaawaan at kapayapaan at pagibig ang sa inyo nawa'y paramihin. 3 Mga minamahal, samantalang ako'y totoong nagsisikap ng pagsulat sa inyo tungkol sa kaligtasan nating lahat, ay napilitan akong sumulat sa inyo na inaaralan kayong makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya na ibinigay na minsan at magpakailan man sa mga banal. 4 Sapagka't may ilang taong nagsipasok ng lihim, yaong mga itinalaga nang una pa sa kahatulang ito, mga di banal, na pinalitan ng kalibugan ang biyaya ng ating Dios, na itinatatuwa ang ating iisang Guro at Panginoong si Jesucristo. 5 Ninanasa ko ngang ipaalaala sa inyo, bagama't nalalaman ninyong maigi ang lahat ng mga bagay, na nang mailigtas ng Panginoon ang isang bayan, sa lupain ng Egipto, ay nilipol niya pagkatapos yaong mga hindi nagsisipanampalataya. 6 At ang mga anghel na hindi nangagingat ng kanilang sariling pamunuan, kundi iniwan ang kanilang sariling tahanan, ay iniingatan niya sa mga tanikalang walang hanggan sa paghuhukom sa dakilang araw. 7 Gayon din ang Sodoma at Gomorra, at ang mga bayang nasa palibot ng mga ito, na dahil sa pagpapakabuyo sa pakikiapid at sa pagsunod sa ibang laman, ay inilagay na pinakahalimbawa, na sila'y nagbabata ng parusang apoy na walang hanggan. 8 Gayon ma'y ang mga ito rin naman sa kanilang pagkagupiling ay inihahawa ang laman, at hinahamak ang mga paghahari, at nilalait ang mga puno. 9 Datapuwa't ang arkanghel Miguel, nang makipaglaban sa diablo, na nakikipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ay hindi nangahas gumamit laban sa kaniya ng isang hatol na may pagalipusta, kundi sinabi, Sawayin ka nawa ng Panginoon. 10 Datapuwa't ang mga ito'y nangalipusta sa anomang bagay na hindi nila nalalaman: at sa mga bagay na talagang kanilang nauunawa, ay nangagpapakasira na gaya ng mga kinapal na walang bait. 11 Sa aba nila! sapagka't sila'y nagsilakad sa daan ni Cain, at nagsidaluhong na walang pagpipigil sa kamalian ni Balaam dahil sa upa, at nangapahamak sa pagsalangsang ni Core. 12 Ang mga ito'y pawang mga batong natatago sa inyong piging ng pagiibigan, kung sila'y nakikipagpiging sa inyo, mga pastor na walang takot na nangagpapasabsab sa kanilang sarili; mga alapaap na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin; mga punong kahoy sa taginaw na walang bunga, na makalawang namatay, na binunot pati ugat; 13 Mga mabangis na alon sa dagat, na pinagbubula ang kanilang sariling kahihiyan; mga bituing gala na siyang pinaglaanan ng pusikit ng kadiliman magpakailan man. 14 At ang mga ito naman ang hinulaan ni Enoc, na ikapito sa bilang mula kay Adam, na nagsabi, Narito, dumating ang Panginoon, na kasama ang kaniyang mga laksalaksang banal, 15 Upang isagawa ang paghuhukom sa lahat, at upang sumbatan ang lahat ng masasama sa lahat ng kanilang mga gawang masasama na kanilang ginawang may kasamaan, at sa lahat ng mga bagay na mabibigat na sinalita laban sa kaniya ng mga makasalanang masasama. 16 Ang mga ito'y mga mapagbulong, mga madaingin, na nangagsisilakad ayon sa kanilang masasamang pita (at ang kanilang bibig ay nangagsasalita ng mga kapalaluan), nangagpapakita ng galang sa mga tao dahil sa pakikinabangin. 17 Nguni't kayo, mga minamahal, ay alalahanin ninyo ang mga salitang nang una'y sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesucristo; 18 Kung paanong sinabi sa inyo, Magkakaroon ng mga manunuya sa huling panahon, na magsisilakad ayon sa kanikanilang masasamang pita. 19 Ang mga ito ang nagsisigawa ng paghihiwalay, malalayaw, na walang taglay na Espiritu. 20 Nguni't kayo, mga minamahal, papagtibayin ninyo ang inyong sarili sa inyong lubhang banal na pananampalataya, na manalangin sa Espiritu Santo, 21 Na magsipanatili kayo sa pagibig sa Dios, na inyong asahan ang awa ng ating Panginoong Jesucristo sa ikabubuhay na walang hanggan. 22 At ang ibang nagaalinlangan ay inyong kahabagan; 23 At ang iba'y inyong iligtas, na agawin ninyo sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan pati ng damit na nadungisan ng laman. 24 Ngayon doon sa makapagiingat sa inyo mula sa pagkatisod, at sa inyo'y makapaghaharap na walang kapintasan na may malaking galak, sa harapan ng kaniyang kaluwalhatian. 25 Sa iisang Dios na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Panginoon, ay sumakaniya nawa ang kaluwalhatian, ang karangalan, ang paghahari, at ang kapangyarihan, sa kaunaunahang panahon, at ngayon at magpakailan man. Siya nawa.
1 Ang Apocalipsis ni Jesucristo, na ibinigay ng Dios sa kaniya upang ipahayag sa kaniyang mga alipin, sa makatuwid ay ang mga bagay na nararapat mangyaring madali: at kaniyang ipinadala at ipinaalam sa pamamagitan ng kaniyang anghel sa kaniyang alipin na si Juan; 2 Na sumaksi sa salita ng Dios, at sa patotoo ni Jesucristo, sa lahat ng mga bagay na nakita niya. 3 Mapalad ang bumabasa, at ang nangakikinig ng mga salita ng hula, at tumutupad ng mga bagay na nangasusulat doon: sapagka't ang panaho'y malapit na. 4 Si Juan sa pitong iglesia na nasa Asia: Biyaya ang sumainyo nawa, at kapayapaang mula doon sa kaniya na ngayon, at nang nakaraan at darating; at mula sa pitong Espiritu na nasa harapan ng kaniyang luklukan; 5 At mula kay Jesucristo na siyang saksing tapat, na panganay sa mga patay, at pangulo ng mga hari sa lupa. Doon sa umiibig sa atin, at sa nagkalag sa atin sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang dugo; 6 At ginawa tayong kaharian, mga saserdote sa kaniyang Dios at Ama; sumakaniya nawa ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailan kailan man. Siya nawa. 7 Narito, siya'y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita siya ng bawa't mata, at ng nangagsiulos sa kaniya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa kaniya. Gayon din, Siya nawa. 8 Ako ang Alpha at ang Omega, sabi ng Panginoong Dios, ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat. 9 Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis na kay Jesus, ay nasasa pulo na tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Dios at sa patotoo ni Jesus. 10 Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang dakilang tinig, na tulad sa isang pakakak. 11 Na nagsasabi, Ang iyong nakikita, ay isulat mo sa isang aklat at iyong ipadala sa pitong iglesia: sa Efeso, at sa Smirna, at sa Pergamo, at sa Tiatira, at sa Sardis, at sa Filadelfia, at sa Laodicea. 12 At ako'y lumingon upang makita ang tinig na nagsasalita sa akin. At nang ako'y lumingon ay nakita ko ang pitong kandelerong ginto: 13 At sa gitna ng mga kandelero ay may isang katulad ng isang anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. 14 At ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; 15 At ang kaniyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. 16 At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi. 17 At nang siya'y aking makita, ay nasubasob akong waring patay sa kaniyang paanan. At ipinatong niya sa akin ang kaniyang kanang kamay, na sinasabi, Huwag kang matakot; ako'y ang una at ang huli, 18 At ang Nabubuhay; at ako'y namatay, at narito, ako'y nabubuhay magpakailan man, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades. 19 Isulat mo nga ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari sa darating; 20 Ang hiwaga ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ng pitong kandelerong ginto. Ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesia: at ang pitong kandelero ay ang pitong iglesia.
1 Sa anghel ng iglesia sa Efeso ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kaniyang kanang kamay, na yaong lumalakad sa gitna ng pitong kandelerong ginto: 2 Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagpapagal at pagtitiis, at hindi mo matiis ang masasamang tao, at sinubok mo ang mga nagpapanggap na apostol, at sila'y hindi gayon, at nasumpungan mo silang pawang bulaan; 3 At may pagtitiis ka at nagbata ka dahil sa aking pangalan, at hindi ka napagod. 4 Nguni't mayroon akong laban sa iyo, na iyong iniwan ang iyong unang pagibig. 5 Kaya't alalahanin mo kung saan ka nahulog, at magsisi ka at gawin mo ang iyong mga unang gawa; o kung hindi ay paririyan ako sa iyo, at aalisin ko ang iyong kandelero sa kaniyang kinalalagyan, maliban na magsisi ka. 6 Nguni't ito'y nasa iyo, na iyong kinapopootan ang mga gawa ng mga Nicolaita, na kinapopootan ko naman. 7 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay, ay siya kong pakakanin ng punong kahoy ng buhay, na nasa Paraiso ng Dios. 8 At sa anghel ng iglesia sa Smirna ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng una at ng huli, na namatay, at muling nabuhay: 9 Nalalaman ko ang iyong kapighatian, at ang iyong kadukhaan (datapuwa't ikaw ay mayaman), at ang pamumusong ng mga nagsasabing sila'y mga Judio, at hindi sila gayon, kundi isang sinagoga ni Satanas. 10 Huwag mong katakutan ang mga bagay na iyong malapit ng tiisin: narito, malapit ng ilagay ng diablo ang ilan sa inyo sa bilangguan, upang kayo'y masubok; at magkakaroon kayo ng kapighatiang sangpung araw. Magtapat ka hanggang sa kamatayan, at bibigyan kita ng putong ng buhay. 11 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay hindi parurusahan ng ikalawang kamatayan. 12 At sa anghel ng iglesia sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim: 13 Nalalaman ko kung saan ka tumatahan, sa makatuwid baga'y sa kinaroroonan ng luklukan ni Satanas; at iniingatan mong matibay ang aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang aking pananampalataya, kahit nang mga araw man ni Antipas na aking saksi, aking taong tapat, na pinatay sa gitna ninyo, na tinatahanan ni Satanas. 14 Datapuwa't mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo, sapagka't mayroon ka diyang ilan na nanghahawak sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balac na maglagay ng katisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang magsikain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan, at makiapid. 15 Gayon din naman na mayroon kang ilan na nanghahawak sa aral ng mga Nicolaita. 16 Magsisi ka nga; o kung hindi ay madaling paririyan ako sa iyo, at babakahin ko sila ng tabak ng aking bibig. 17 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng manang natatago, at siya'y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi yaong tumatanggap. 18 At sa anghel ng iglesia sa Tiatira ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Dios, na may mga matang gaya ng ningas ng apoy, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng tansong binuli: 19 Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagibig, at pananampalataya at ministerio at pagtitiis, at ang iyong mga huling gawa ay higit kay sa mga una. 20 Datapuwa't mayroon akong laban sa iyo, na pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na nagpapanggap na propetisa; at siya'y nagtuturo at humihikayat sa aking mga lingkod upang makiapid, at kumain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan. 21 At binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi; at siya'y ayaw magsisi sa kaniyang pakikiapid. 22 Narito, akin siyang iniraratay sa higaan, at ang mga nakikiapid sa kaniya sa malaking kapighatian, maliban na kung sila'y magsisipagsisi sa kaniyang mga gawa. 23 At papatayin ko ng salot ang kaniyang mga anak; at malalaman ng lahat ng mga iglesia na ako'y yaong sumasaliksik ng mga pagiisip at ng mga puso: at bibigyan ko ang bawa't isa sa inyo ng ayon sa inyong mga gawa. 24 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, sa mga iba na nasa Tiatira, sa lahat ng walang aral na ito, na hindi nakakaalam ng malalalim na bagay ni Satanas, gaya ng sinasabi nila; hindi na ako magpapasan sa inyo ng ibang pasan. 25 Gayon ma'y ang nasa inyo'y panghawakan ninyong matibay hanggang sa ako'y pumariyan. 26 At ang magtagumpay, at tumupad ng aking mga gawa hanggang sa katapusan, ay bibigyan ko ng kapamahalaan sa mga bansa: 27 At sila'y paghaharian niya sa pamamagitan ng isang panghampas na bakal, gaya ng pagkadurog ng mga sisidlang lupa ng magpapalyok; gaya naman ng tinanggap ko sa aking Ama: 28 At sa kaniya'y ibibigay ko ang tala sa umaga. 29 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.
1 At sa anghel ng iglesia sa Sardis ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may pitong Espiritu ng Dios, at may pitong bituin: Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay may pangalang ikaw ay nabubuhay, at ikaw ay patay. 2 Magpuyat ka, at pagtibayin mo ang mga bagay na natitira, na malapit ng mamatay: sapagka't wala akong nasumpungang iyong mga gawang sakdal sa harapan ng aking Dios. 3 Alalahanin mo nga kung paanong iyong tinanggap at narinig; at ito'y tuparin mo, at magsisi ka. Kaya't kung hindi ka magpupuyat ay paririyan akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong panahon paririyan ako sa iyo. 4 Nguni't mayroon kang ilang pangalan sa Sardis na hindi nangagdumi ng kanilang mga damit: at sila'y kasama kong magsisilakad na may mga damit na maputi; sapagka't sila'y karapatdapat. 5 Ang magtagumpay ay daramtang gayon ng mga mapuputing damit; at hindi ko papawiin sa anomang paraan ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay, at ipahahayag ko ang kaniyang pangalan sa harapan ng aking Ama, at sa harapan ng kaniyang mga anghel. 6 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. 7 At sa anghel ng iglesia sa Filadelfia ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng banal, niyaong totoo, niyaong may susi ni David, niyaong nagbubukas at di mailalapat ng sinoman, at naglalapat at di maibubukas ng sinoman: 8 Nalalaman ko ang iyong mga gawa (narito, inilagay ko sa harapan mo ang isang pintuang bukas, na di mailalapat ng sinoman), na ikaw ay may kaunting kapangyarihan, at tinupad mo ang aking salita, at hindi mo ikinaila ang aking pangalan. 9 Narito, ibinibigay ko sa sinagoga ni Satanas, ang mga nagsasabing sila'y mga Judio, at sila'y hindi, kundi nangagbubulaan; narito, sila'y aking papapariyanin at pasasambahin sa harap ng iyong mga paa, at nang maalamang ikaw ay aking inibig. 10 Sapagka't tinupad mo ang salita ng aking pagtitiis, ikaw naman ay aking iingatan sa panahon ng pagsubok, na darating sa buong sanglibutan, upang subukin ang mga nananahan sa ibabaw ng lupa. 11 Ako'y dumarating na madali: panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang huwag kunin ng sinoman ang iyong putong. 12 Ang magtagumpay, ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Dios, at hindi na siya'y lalabas pa doon: at isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Dios, at ang pangalan ng bayan ng aking Dios, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa aking Dios, at ang aking sariling bagong pangalan. 13 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. 14 At sa anghel ng iglesia sa Laodicea ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Siya Nawa, ng saksing tapat at totoo, ng pasimula ng paglalang ng Dios: 15 Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay hindi malamig o mainit man: ibig ko sanang ikaw ay malamig o mainit. 16 Kaya sapagka't ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita sa aking bibig. 17 Sapagka't sinasabi mo, Ako'y mayaman, at nagkamit ng kayamanan, at hindi ako nangangailangan ng anoman; at hindi mo nalalamang ikaw ang aba at maralita at dukha at bulag at hubad: 18 Ipinapayo ko sa iyo na ikaw ay bumili sa akin ng gintong dinalisay ng apoy, upang ikaw ay yumaman: at ng mapuputing damit, upang iyong maisuot, at upang huwag mahayag ang iyong kahiyahiyang kahubaran; at ng pangpahid sa mata, na ipahid sa iyong mga mata, upang ikaw ay makakita. 19 Ang lahat kong iniibig, ay aking sinasaway at pinarurusahan: ikaw nga'y magsikap, at magsisi. 20 Narito ako'y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako'y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya'y kasalo ko. 21 Ang magtagumpay, ay aking pagkakaloobang umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang luklukan. 22 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.
1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at narito, ang isang pintong bukas sa langit, at ang unang tinig na aking narinig, na gaya ng sa pakakak, na nakikipagusap sa akin, ay sa isang nagsasabi, Umakyat ka rito, at ipakikita ko sa iyo ang mga bagay na dapat mangyari sa haharapin. 2 Pagdaka'y napasa Espiritu ako: at narito, may isang luklukang nalalagay sa langit, at sa ibabaw ng luklukan ay may isang nakaupo; 3 At ang nakaupo ay katulad ng isang batong jaspe at isang sardio: at naliligid ng isang bahaghari na tulad sa anyo ng isang esmeralda. 4 At sa palibot ng luklukan ay may dalawangpu't apat na luklukan: at sa mga luklukan ay nakita kong nangakaupo ang dalawangpu't apat na matatanda, na nadaramtan ng mapuputing damit; at sa kanilang mga ulo ay may mga putong na ginto. 5 At mula sa luklukan ay may lumalabas na kidlat, at mga tinig at mga kulog. At may pitong ilawang apoy na mga nagliliyab sa harapan ng luklukan, na siyang pitong Espiritu ng Dios; 6 At sa harapan ng luklukan, ay wari na may isang dagat na bubog na katulad ng salamin; at sa gitna ng luklukan, at sa palibot ng luklukan, ay may apat na nilalang na buhay na puno ng mga mata sa harapan at sa likuran. 7 At ang unang nilalang ay katulad ng isang leon, at ang ikalawang nilalang ay katulad ng isang guyang baka, at ang ikatlong nilalang ay may mukhang katulad ng sa isang tao, at ang ikaapat na nilalang ay katulad ng isang agila na lumilipad. 8 At ang apat na nilalang na buhay, na may anim na pakpak bawa't isa sa kanila, ay mga puno ng mata sa palibot at sa loob; at sila'y walang pahinga araw at gabi, na nagsasabi, Banal, banal, banal, ang Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat, na nabuhay at nabubuhay at siyang darating. 9 At pagka ang mga nilalang na buhay ay nangagpupuri, at nangagpaparangal at nangagpapasalamat sa nakaupo sa luklukan, doon sa nabubuhay magpakailan kailan man, 10 Ang dalawangpu't apat na matatanda ay mangagpapatirapa sa harapan niyaong nakaupo sa luklukan, at mangagsisisamba doon sa nabubuhay magpakailan kailan man, at ilalagay ang kanilang putong sa harapan ng luklukan na nangagsasabi, 11 Marapat ka, Oh Panginoon namin at Dios namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng kapurihan at ng kapangyarihan: sapagka't nilikha mo ang lahat ng mga bagay at dahil sa iyong kalooban ay nangagsilitaw, at nangalikha.
1 At nakita ko sa kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at sa labas, na tinatakang mahigpit ng pitong tatak. 2 At nakakita ako ng isang malakas na anghel na nagtatanyag ng malakas na tinig, Sinong karapatdapat magbukas ng aklat, at magtanggal ng mga tatak nito? 3 At sinoman sa langit, o sa ibabaw man ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ay hindi makapagbukas ng aklat, o makatingin man. 4 At ako'y umiyak na mainam, sapagka't hindi nakasumpong ng sinomang marapat magbukas ng aklat, o makatingin man: 5 At sinabi sa akin ng isa sa matatanda, Huwag kang umiyak; narito, ang Leon sa angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang magbukas ng aklat at ng pitong tatak nito. 6 At nakita ko sa gitna ng luklukan at ng apat na nilalang na buhay, at sa gitna ng matatanda, ang isang Cordero na nakatayo, na wari ay pinatay, na may pitong sungay, at pitong mata, na siyang pitong Espiritu ng Dios, na sinugo sa buong lupa. 7 At siya'y lumapit, at kinuha ang aklat sa kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan. 8 At pagkakuha niya ng aklat, ang apat na nilalang na buhay at ang dalawangpu't apat na matatanda ay nangagpatirapa sa harapan ng Cordero, na ang bawa't isa'y may alpa, at mga mangkok na ginto na puno ng kamangyan, na siyang mga panalangin ng mga banal. 9 At sila'y nangagaawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi, Ikaw ang karapatdapat na kumuha ng aklat, at magbukas ng mga tatak nito: sapagka't ikaw ay pinatay, at binili mo sa Dios ng iyong dugo ang mga tao sa bawa't angkan, at wika, at bayan, at bansa. 10 At sila'y iyong ginawang kaharian at mga saserdote sa aming Dios; at sila'y nangaghahari sa ibabaw ng lupa. 11 At nakita ko, at narinig ko ang tinig ng maraming mga anghel sa palibot ng luklukan at ng mga nilalang na buhay at ng matatanda; at ang bilang nila ay sangpung libong tigsasangpung libo at libolibo; 12 Na nangagsasabi ng malakas na tinig, Karapatdapat ang Cordero na pinatay upang tumanggap ng kapangyarihan, at kayamanan, at karunungan, at kalakasan, at kapurihan, at kaluwalhatian, at pagpapala. 13 At ang bawa't bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito, ay narinig kong nangagsasabi, Sa kaniya na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero ay ang pagpapala, at kapurihan, at kaluwalhatian, at paghahari, magpakailan kailan man. 14 At ang apat na nilalang na buhay ay nagsabi, Siya nawa. At ang matatanda ay nangagpatirapa at nangagsisamba.
1 At nakita ko nang buksan ng Cordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko sa isa sa apat na nilalang na buhay, na nagsalitang gaya ng tunog ng kulog, Halika. 2 At tumingin ako, at narito, ang isang kabayong maputi, at yaong nakasakay dito ay may isang busog; at binigyan siya ng isang putong: at siya'y yumaong nagtatagumpay, at upang magtagumpay. 3 At nang buksan niya ang ikalawang tatak, ay narinig ko sa ikalawang nilalang na buhay, na sinasabi, Halika. 4 At may lumabas na ibang kabayo, na kabayong mapula: at ang nakasakay dito, ay pinagkaloobang magalis sa lupa ng kapayapaan, at upang mangagpatayan ang isa't isa: at binigyan siya ng isang malaking tabak. 5 At nang buksan niya ang ikatlong tatak, ay narinig ko sa ikatlong nilalang na buhay, na nagsasabi, Halika. At tumingin ako, at narito, ang isang kabayong maitim; at yaong nakasakay dito ay may isang timbangan sa kaniyang kamay. 6 At narinig ko ang gaya ng isang tinig sa gitna ng apat na nilalang na buhay na nagsasabi, Sa isang denario ay isang takal na trigo, at sa isang denario ay tatlong takal na sebada; at huwag mong ipahamak ang langis at ang alak. 7 At nang buksan niya ang ikaapat na tatak, ay narinig ko ang tinig ng ikaapat na nilalang na buhay na nagsasabi, Halika. 8 At tumingin ako, at narito, ang isang kabayong maputla: at ang nakasakay dito ay may pangalang Kamatayan; at ang Hades ay sumusunod sa kaniya. At sila'y pinagkalooban ng kapamahalaan sa ikaapat na bahagi ng lupa, na pumatay sa pamamagitan ng tabak, at ng gutom, at ng salot, at ng mga ganid na hayop sa lupa. 9 At nang buksan niya ang ikalimang tatak, ay nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Dios, at dahil sa patotoong sumakanila: 10 At sila'y sumigaw ng tinig na malakas, na nagsasabi, Hanggang kailan, Oh Panginoong banal at totoo, hindi mo hahatulan at ipaghihiganti ang aming dugo, sa mga nananahan sa ibabaw ng lupa? 11 At binigyan ang bawa't isa sa kanila ng isang maputing balabal; at sa kanila'y sinabi, na mangagpahinga pa ng kaunting panahon, hanggang sa maganap ang bilang ng kanilang mga kapuwa alipin at ng kanilang mga kapatid, na mga papatayin namang gaya nila. 12 At nakita ko nang buksan niya ang ikaanim na tatak, at nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng isang magaspang na kayong buhok na maitim, at ang buong buwan ay naging gaya ng dugo; 13 At ang mga bituin sa langit ay nangahulog sa lupa, gaya ng puno ng igos na isinasambulat ang kaniyang mga bungang bubot pagka hinahampas ng malakas na hangin. 14 At ang langit ay nahawi na gaya ng isang lulong aklat kung nalululon; at ang bawa't bundok at pulo ay naalis sa kanilang kinatatayuan. 15 At ang mga hari sa lupa, at ang mga prinsipe, at ang mga pangulong kapitan, at ang mayayaman, at ang mga makapangyarihan, at ang bawa't alipin at ang bawa't laya, ay nagsipagtago sa mga yungib at sa mga bato sa mga bundok; 16 At sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, Mahulog kayo sa amin, at kami'y inyong itago sa mukha noong nakaupo sa luklukan, at sa galit ng Cordero: 17 Sapagka't dumating na ang dakilang araw ng kanilang kagalitan; at sino ang makatatayo?
1 At pagkatapos nito ay nakita ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man, o sa anomang punong kahoy. 2 At nakita ko ang ibang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Dios na buhay: at siya'y sumigaw ng tinig na malakas sa apat na anghel na pinagkaloobang maipahamak ang lupa at ang dagat, 3 Na nagsasabi, Huwag ninyong ipahamak ang lupa, kahit ang dagat, kahit ang mga punong kahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Dios. 4 At narinig ko ang bilang ng mga natatakan, na isang daan at apat na pu't apat na libo, na natatakan, sa bawa't angkan ng mga anak ni Israel: 5 Sa angkan ni Juda ay labingdalawang libo ang tinatakan; Sa angkan ni Ruben ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Gad ay labingdalawang libo; 6 Sa angkan ni Aser ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Neftali ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Manases ay labingdalawang libo; 7 Sa angkan ni Simeon ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Levi ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Isacar ay labingdalawang libo; 8 Sa angkan ni Zabulon ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Jose ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Benjamin ay labingdalawang libo ang tinatakan. 9 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at narito, ang isang lubhang karamihan na di mabilang ng sinoman, na mula sa bawa't bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng luklukan at sa harapan ng Cordero, na nangadaramtan ng mapuputing damit, at may mga palma sa kanilang mga kamay; 10 At nagsisigawan ng tinig na malakas, na nangagsasabi, Ang pagliligtas ay sumaaming Dios na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero. 11 At ang lahat ng mga anghel ay nangakatayo sa palibot ng luklukan, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buhay; at sila'y nangagpatirapa sa harapan ng luklukan, at nangagsisamba sa Dios, 12 Na nangagsasabi, Siya nawa: Pagpapala at kaluwalhatian, at karunungan, at pagpapasalamat, at karangalan, at kapangyarihan, at kalakasan, nawa ang sumaaming Dios magpakailan kailan man. Siya nawa. 13 At sumagot ang isa sa matatanda na, nagsasabi sa akin, Ang mga ito na nangadaramtan ng mapuputing damit, ay sino-sino at saan nagsipanggaling? 14 At sinabi ko sa kaniya, Panginoon ko, Ikaw ang nakakaalam. At sinabi niya sa akin, Ang mga ito'y ang nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng Cordero. 15 Kaya't sila'y nasa harapan ng luklukan ng Dios; at nangaglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang templo: at siyang nakaupo sa luklukan, ay lulukuban sila ng kaniyang tabernakulo. 16 Sila'y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anomang init: 17 Sapagka't ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila'y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawa't luha ng kanilang mga mata.
1 At nang buksan niya ang ikapitong tatak, ay nagkaroon ng katahimikan sa langit na may kalahating oras. 2 At nakita ko ang pitong anghel na nangakatayo sa harapan ng Dios; at sila'y binigyan ng pitong pakakak. 3 At dumating ang ibang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na isang gintong pangsuob ng kamangyan; at binigyan siya ng maraming kamangyan, upang idagdag ito sa mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng luklukan. 4 At ang usok ng kamangyan, kalakip ng mga panalangin ng mga banal, ay napailanglang mula sa kamay ng anghel, sa harapan ng Dios. 5 At kinuha ng anghel ang pangsuob ng kamangyan; at pinuno niya ng apoy ng dambana, at itinapon sa lupa: at nagkaroon ng mga kulog, at mga tinig, at mga kidlat, at ng isang lindol. 6 At ang pitong anghel na may pitong pakakak ay nagsihanda upang magsihihip. 7 At humihip ang una, at nagkaroon ng granizo at apoy, na may halong dugo, at itinapon sa lupa: at ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punong kahoy ay nasunog, at ang lahat ng sariwang damo ay nasunog. 8 At humihip ang ikalawang anghel, at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay nabulusok sa dagat: at ang ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo; 9 At namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na nasa dagat, na mga may buhay; at ang ikatlong bahagi sa mga daong ay nawalat. 10 At humihip ang ikatlong anghel, at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo, at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig; 11 At ang pangalan ng bituin ay Ajenjo: at ang ikatlong bahagi ng tubig ay naging ajenjo; at maraming tao ay nangamatay dahil sa tubig, sapagka't mapait ang tubig. 12 At humihip ang ikaapat na anghel, at nasugatan ang ikatlong bahagi ng araw, at ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng bituin; upang magdilim ang ikatlong bahagi nila, at upang ang ikatlong bahagi ng maghapon ay huwag lumiwanag, at gayon din naman ang gabi. 13 At nakita ko, at narinig ko ang isang anghel, na lumilipad sa pagitan ng langit, na nagsasabi ng malakas na tinig, Sa aba, sa aba, sa aba ng mga nananahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga ibang tunog ng pakakak ng tatlong anghel, na magsisihihip pa.
1 At humihip ang ikalimang anghel, at nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit: at sa kaniya'y ibinigay ang susi ng hukay ng kalaliman. 2 At binuksan niya ang balon ng kalaliman; at napailanglang ang usok mula sa hukay, na gaya ng usok ng isang malaking lutuang-bakal; at nagdilim ang araw at ang himpapawid dahil sa usok ng hukay. 3 At nangagsilabas sa usok ang mga balang sa lupa; at binigyan sila ng kapangyarihan, na gaya ng mga alakdan sa lupa na may kapangyarihan. 4 At sinabi sa kanila na huwag ipahamak ang damo sa lupa, ni ang anomang bagay na sariwa, ni ang anomang punong kahoy, kundi ang mga tao lamang na walang tatak ng Dios sa kanilang mga noo. 5 At pinagkalooban silang huwag patayin ang mga ito, kundi pahirapan nilang limang buwan: at ang kanilang pahirap ay gaya ng pahirap ng alakdan kung kumakagat sa isang tao. 6 At sa mga araw na yaon ay hahanapin ng mga tao ang kamatayan, at sa anomang paraa'y hindi nila masusumpungan; at mangagnanasang mamatay, at ang kamatayan ay tatakas sa kanila. 7 At ang anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong nahahanda sa pagbabaka; at sa kanilang mga ulo ay gaya ng mga putong na katulad ng ginto, at ang kanilang mga mukha ay gaya ng mga mukha ng mga tao. 8 At sila'y may buhok na gaya ng buhok ng mga babae, at ang kanilang mga ngipin ay gaya ng sa mga leon. 9 At sila'y may mga baluti, na gaya ng baluting bakal; at ang ugong ng kanilang mga pakpak ay gaya ng ugong ng mga karro, at ng maraming kabayo na dumadaluhong sa pagbabaka. 10 At sila'y may mga buntot na gaya ng sa mga alakdan, at mga tibo; at sa kanilang mga buntot naroroon ang kanilang kapangyarihan upang ipahamak ang mga taong limang buwan. 11 Sila'y may pinakahari na anghel ng kalaliman: ang kaniyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abaddon, at sa Griego ay may pangalan siyang Apolyon. 12 Ang unang Pagkaaba ay nakaraan na: narito, darating pa ang dalawang Pagkaaba sa haharapin. 13 At humihip ang ikaanim na anghel, at narinig ko ang isang tinig mula sa mga sungay ng dambanang ginto na nasa harapan ng Dios, 14 Na nagsasabi sa ikaanim na anghel na may pakakak, Kalagan mo ang apat na anghel na nagagapos sa malaking ilog ng Eufrates. 15 At kinalagan ang apat na anghel, na nangahahanda sa oras at araw at buwan at taon upang patayin ang ikatlong bahagi ng mga tao. 16 At ang bilang ng mga hukbong nangangabayo ay makalawang sangpunglibong tigsasangpung libo: aking narinig ang bilang nila. 17 At nakita kong sa pangitain ang mga kabayo, at ang mga nakasakay dito, na may mga baluting gaya ng apoy at ng jacinto at ng asupre: at ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon; at sa kanilang mga bibig ay lumalabas ang apoy at usok at asupre. 18 Sa pamamagitan ng tatlong salot na ito ay napatay ang ikatlong bahagi ng mga tao, sa pamamagitan ng apoy at ng usok at ng asupre, na nangagsisilabas sa kanilang mga bibig. 19 Sapagka't ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang bibig, at nasa kanilang mga buntot; sapagka't ang kanilang mga buntot ay kawangis ng mga ahas, at may mga ulo; at siya nilang ipinananakit. 20 At ang nalabi sa mga tao, na hindi napatay sa mga salot na ito, ay hindi nagsipagsisi sa mga gawa ng kanilang mga kamay, upang huwag sumamba sa mga demonio, at sa mga diosdiosang ginto, at pilak, at tanso, at bato, at kahoy; na hindi nangakakakita, ni nangakaririnig man, ni nangakalalakad man. 21 At sila'y hindi nagsipagsisi sa kanilang mga pagpatay, kahit man sa kanilang panggagaway, kahit man sa kanilang pakikiapid, kahit man sa kanilang pagnanakaw.
1 At nakita ko ang ibang malakas na anghel na nanaog na mula sa langit, na nabibihisan ng isang alapaap; at ang bahaghari ay nasa kaniyang ulo, at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng mga haliging apoy; 2 At may isang maliit na aklat na bukas sa kaniyang kamay: at itinungtong ang kaniyang kanang paa sa dagat, at ang kaniyang kaliwa ay sa lupa; 3 At sumigaw ng malakas na tinig, na gaya ng leon na umaangal: at pagkasigaw niya, ay ang pitong kulog ay umugong. 4 At pagkaugong ng pitong kulog, ay isusulat ko sana: at narinig ko ang isang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Tatakan mo ang mga bagay na sinalita ng pitong kulog, at huwag mong isulat. 5 At ang anghel na aking nakita na nakatayo sa ibabaw ng dagat at sa ibabaw ng lupa ay itinaas ang kaniyang kanang kamay sa langit, 6 At ipinanumpa yaong nabubuhay magpakailan kailan man, na lumalang ng langit at ng mga bagay na naroroon, at ng lupa at ng mga bagay na naririto, at ng dagat at ng mga bagay na naririto, na hindi na magluluwat ang panahon: 7 Kundi sa mga araw ng tinig ng ikapitong anghel, pagka malapit nang siya'y humihip, kung magkagayo'y ganap na ang hiwaga ng Dios, ayon sa mabubuting balita na kaniyang isinaysay sa kaniyang mga alipin na mga propeta. 8 At ang tinig na aking narinig na mula sa langit, ay muling nagsalita sa akin, at nagsabi, Humayo ka, kunin mo ang aklat na bukas na nasa kamay ng anghel na nakatayo sa ibabaw ng dagat at sa ibabaw ng lupa. 9 At ako'y naparoon sa anghel na nagsabi ako sa kaniya na ibigay sa akin ang maliit na aklat. At kaniyang sinabi sa akin, Kunin mo ito, at ito'y kanin mo; at papapaitin ang iyong tiyan, datapuwa't sa iyong bibig ay magiging matamis na gaya ng pulot. 10 At kinuha ko ang maliit na aklat sa kamay ng anghel, at aking kinain; at sa aking bibig ay matamis na gaya ng pulot: at nang aking makain, ay pumait ang aking tiyan. 11 At sinasabi nila sa akin, Dapat kang manghulang muli sa maraming mga bayan at mga bansa at mga wika at mga hari.
1 At binigyan ako ng isang tambong katulad ng isang panukat: at may isang nagsabi, Magtindig ka, at sukatin mo ang templo ng Dios, at ang dambana, at ang mga sumasamba doon. 2 At ang loobang nasa labas ng templo ay pabayaan mo, at huwag mong sukatin; sapagka't ibinigay sa mga Gentil; at kanilang yuyurakang apat na pu't dalawang buwan ang banal na siudad. 3 At may ipagkakaloob ako sa aking dalawang saksi, at sila'y magsisipanghulang isang libo at dalawang daan at anim na pung araw, na nararamtan ng magagaspang na kayo. 4 Ang mga ito'y ang dalawang punong olibo at ang dalawang kandelero, na nangakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa. 5 At kung nasain ng sinoman na sila'y ipahamak, ay apoy ang lumalabas sa kanilang bibig, at lumalamon sa kanilang mga kaaway; at kung nasain ng sinoman na sila'y ipahamak ay kailangan ang mamatay sa ganitong paraan. 6 Ang mga ito'y may kapangyarihang magsara ng langit, upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang hula: at may kapangyarihan sila sa mga tubig na mapaging dugo, at mapahirapan ang lupa ng bawa't salot sa tuwing kanilang nasain. 7 At pagka natapos nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa kalaliman ay babaka sa kanila, at pagtatagumpayan sila, at sila'y papatayin. 8 At ang kanilang mga bangkay ay nasa lansangan ng malaking bayan, na ayon sa espiritu ay tinatawag na Sodoma at Egipto, na doon din naman ipinako sa krus ang Panginoon nila. 9 At ang mga tao mula sa gitna ng mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa, ay nanonood sa kanilang mga bangkay na tatlong araw at kalahati, at hindi itutulot na ang kanilang mga bangkay ay malibing. 10 At ang mga nananahan sa ibabaw ng lupa ay mangagagalak tungkol sa kanila, at mangatutuwa; at sila'y mangagpapadalahan ng mga kaloob; sapagka't ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa nangananahan sa ibabaw ng lupa. 11 At pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Dios ay pumasok sa kanila, at sila'y nangagsitindig; at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila. 12 At narinig nila ang isang malakas na tinig na nagsasabi sa kanila, Umakyat kayo rito. At sila'y umakyat sa langit sa isang alapaap; at pinagmasdan sila ng kanilang mga kaaway. 13 At nang oras na yaon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasangpung bahagi ng bayan; at may nangamatay sa lindol na pitong libo katao: at ang mga iba ay nangatatakot, at nangagbigay ng kaluwalhatian sa Dios ng langit. 14 Nakaraan na ang ikalawang Pagkaaba: narito, nagmamadaling dumarating ang ikatlong Pagkaaba. 15 At humihip ang ikapitong anghel; at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit, at nagsasabi, Ang kaharian ng sanglibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa kaniyang Cristo: at siya'y maghahari magpakailan kailan man. 16 At ang dalawangpu't apat na matatanda na nakaupo sa kanikaniyang luklukan sa harapan ng Dios ay nangagpatirapa, at nangagsisamba sa Dios, 17 Na nangagsasabi, Pinasasalamatan ka namin, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, na ikaw ngayon, at naging ikaw nang nakaraan; sapagka't hinawakan mo ang iyong dakilang kapangyarihan, at ikaw ay naghari. 18 At nangagalit ang mga bansa, at dumating ang iyong poot, at ang panahon ng mga patay upang mangahatulan, at ang panahon ng pagbibigay mo ng ganting-pala sa iyong mga alipin na mga propeta, at sa mga banal, at sa mga natatakot sa iyong pangalan, maliliit at malalaki; at upang ipahamak mo ang mga nagpapahamak ng lupa. 19 At nabuksan ang templo ng Dios na nasa langit: at nakita sa kaniyang templo ang kaban ng kaniyang tipan; at nagkaroon ng mga kidlat, at mga tinig, at mga kulog, at isang lindol, at malaking granizo.
1 At ang isang dakilang tanda ay nakita sa langit: isang babae na nararamtan ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa, at sa kaniyang ulo ay may isang putong na labingdalawang bituin; 2 At siya'y nagdadalang tao; at siya'y sumisigaw, na nagdaramdam sa panganganak, at sa hirap upang manganak. 3 At ang ibang tanda ay nakita sa langit: at narito, ang isang malaking dragong mapula, na may pitong ulo at sangpung sungay, at sa kaniyang mga ulo'y may pitong diadema. 4 At kinaladkad ng kaniyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit, at ipinaghagis sa lupa: at lumagay ang dragon sa harapan ng babaing manganganak na, upang lamunin ang kaniyang anak pagkapanganak niya. 5 At siya'y nanganak ng isang anak na lalake, na maghahari na may panghampas na bakal sa lahat ng mga bansa: at ang kaniyang anak ay inagaw na dinala hanggang sa Dios, at hanggang sa kaniyang luklukan. 6 At tumakas ang babae sa ilang, na doon siya'y ipinaghanda ng Dios ng isang dako, upang doon siya ampuning isang libo dalawang daan at anim na pung araw. 7 At nagkaroon ng pagbabaka sa langit: si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon; at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka; 8 At hindi sila nanganalo, ni nasumpungan pa man ang kanilang dako sa langit. 9 At inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diablo at Satanas, ang dumadaya sa buong sanglibutan; siya'y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya. 10 At narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit, na nagsasabi, Ngayo'y dumating ang kaligtasan, at ang kapangyarihan, at ang kaharian ng ating Dios, at ang kapamahalaan ng kaniyang Cristo: sapagka't inihagis na ang tagapagsumbong sa ating mga kapatid na siyang sa kanila'y nagsusumbong sa harapan ng ating Dios araw at gabi. 11 At siya'y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Cordero, at dahil sa salita ng kanilang patotoo, at hindi nila inibig ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan. 12 Kaya't mangagalak kayo, Oh mga langit at kayong nagsisitahan diyan. Sa aba ng lupa at ng dagat: sapagka't ang diablo'y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya. 13 At nang makita ng dragon na siya'y inihagis sa lupa, ay inusig niya ang babaing nanganak ng sanggol na lalake. 14 At sa babae'y ibinigay ang dalawang pakpak ng agilang malaki, upang ilipad sa ilang mula sa harap ng ahas hanggang sa kaniyang tahanan, na pinagkandilihan sa kaniyang isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon. 15 At ang ahas ay nagbuga sa kaniyang bibig sa likuran ng babae ng tubig na gaya ng isang ilog, upang maipatangay siya sa agos. 16 At tinulungan ng lupa ang babae, at ibinuka ang kaniyang bibig at nilamon ang ilog na ibinuga ng dragon sa kaniyang bibig. 17 At nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang bumaka sa nalabi sa kaniyang binhi, na siyang nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at mga may patotoo ni Jesus:
1 At siya'y tumayo sa buhanginan ng dagat. At nakita ko ang isang hayop na umaahon sa dagat, na may sangpung sungay at pitong ulo, at sa kanilang mga sungay ay may sangpung diadema, at sa kaniyang mga ulo ay mga pangalan ng kapusungan. 2 At ang hayop na aking nakita ay katulad ng isang leopardo, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng sa oso, at ang kaniyang bibig ay gaya ng bibig ng leon: at ibinigay sa kaniya ng dragon ang kaniyang kapangyarihan, at ang kaniyang luklukan, at dakilang kapamahalaan. 3 At nakita ko ang isa sa kaniyang mga ulo na waring sinugatan ng ikamamatay; at ang kaniyang sugat na ikamamatay ay gumaling: at ang buong lupa'y nanggilalas sa hayop; 4 At sila'y nangagsisamba sa dragon, sapagka't ibinigay niya ang kaniyang kapamahalaan sa hayop; at nangagsisamba sa hayop, na nangagsasabi, Sino ang kagaya ng hayop? at sinong makababaka sa kaniya? 5 At binigyan siya ng isang bibig na nagsasalita ng malalaking bagay at mga kapusungan: at binigyan siya ng kapamahalaan, upang magpatuloy na apat na pu't dalawang buwan. 6 At binuka niya ang kaniyang bibig sa mga kapusungan laban sa Dios, upang pusungin ang kaniyang pangalan, at ang kaniyang tabernakulo, gayon din naman ang mga nananahan sa langit. 7 At ipinagkaloob sa kaniya na makipagbaka sa mga banal, at pagtagumpayan sila; at binigyan siya ng kapamahalaan sa bawa't angkan at bayan at wika at bansa. 8 At ang lahat ng nangananahan sa lupa ay magsisisamba sa kaniya, na ang kanikaniyang pangalan ay hindi nasusulat sa aklat ng buhay ng Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan. 9 Kung ang sinoman ay may pakinig, ay makinig. 10 Kung ang sinoman ay sa pagkabihag, ay sa pagkabihag paroroon siya: kung ang sinoman ay papatay sa tabak, ay dapat siyang mamatay sa tabak. Narito ang pagtitiyaga at ang pananampalataya ng mga banal. 11 At nakita ko ang ibang hayop na umaahon sa lupa; at may dalawang sungay na katulad ng sa isang kordero, at siya'y nagsasalitang gaya ng dragon. 12 At kaniyang isinasagawa ang buong kapamahalaan ng unang hayop sa kaniyang paningin. At pinasasamba niya ang lupa at ang nangananahan dito sa unang hayop, na gumaling ang sugat na ikamamatay. 13 At siya'y gumagawa ng mga dakilang tanda, na ano pa't nakapagpapababa ng kahit apoy mula sa langit hanggang sa lupa sa paningin ng mga tao. 14 At nadadaya niya ang mga nananahan sa lupa dahil sa mga tanda na sa kaniya'y ipinagkaloob na magawa sa paningin ng hayop; na sinasabi sa mga nananahan sa lupa, na dapat silang gumawa ng isang larawan ng hayop na mayroon ng sugat ng tabak at nabuhay. 15 At siya'y pinagkaloobang makapagbigay ng hininga sa larawan ng hayop, upang ang larawan ng hayop ay makapangusap, at maipapatay naman ang lahat ng hindi sumasamba sa larawan ng hayop. 16 At ang lahat, maliliit at malalaki, at mayayaman at mga dukha, at ang mga laya at ang mga alipin ay pinabigyan ng isang tanda sa kanilang kanang kamay, o sa noo; 17 At nang huwag makabili o makapagbili ang sinoman, kundi siyang mayroong tanda, sa makatuwid ay ng pangalan ng hayop o bilang ng kaniyang pangalan. 18 Dito'y may karunungan. Ang may pagkaunawa ay bilangin ang bilang ng hayop; sapagka't siyang bilang ng isang tao: at ang kaniyang bilang ay Anim na raan at anim na pu't anim.
1 At tumingin ako, at narito, ang Cordero ay nakatayo sa bundok ng Sion, at ang kasama niya'y isang daan at apat na pu't apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kaniyang Ama, na nasusulat sa kanikaniyang noo. 2 At narinig ko ang isang tinig na mula sa langit, na gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malakas na kulog: at ang tinig na aking narinig ay gaya ng sa mga manunugtog ng alpa na tumutugtog ng kanilang mga alpa: 3 At sila'y nangagaawitan na wari'y isang bagong awit sa harapan ng luklukan, at sa harap ng apat na nilalang na buhay at ng matatanda: at sinoman ay hindi maaaring matuto ng awit kundi ang isang daan at apat na pu't apat na libo lamang, sa makatuwid ay siyang mga binili mula sa lupa. 4 Ang mga ito'y ang hindi nangahawa sa mga babae; sapagka't sila'y mga malilinis. At ang mga ito'y ang nagsisisunod sa Cordero saan man siya pumaroon. Ang mga ito'y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Dios at sa Cordero. 5 At sa kanikaniyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila'y mga walang dungis. 6 At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa't bansa at angkan at wika at bayan; 7 At sinasabi niya ng malakas na tinig, Matakot kayo sa Dios, at magbigay kaluwalhatian sa kaniya; sapagka't dumating ang panahon ng kaniyang paghatol: at magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig. 8 At ang iba, ang pangalawang anghel, ay sumunod na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat na bansa ng alak ng kagalitan ng kaniyang pakikiapid. 9 At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay, 10 Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya'y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero: 11 At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan. 12 Narito ang pagtitiyaga ng mga banal, ng mga nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at ng pananampalataya kay Jesus. 13 At narinig ko ang isang tinig na mula sa langit na nagsasabi, Isulat mo, Mapapalad ang mga patay na nangamamatay sa Panginoon mula ngayon: oo, sinasabi ng Espiritu, upang sila'y mangagpahinga sa kanilang mga gawa; sapagka't ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila. 14 At nakita ko, at narito, ang isang alapaap na maputi; at nakita ko na nakaupo sa alapaap ang isang katulad ng isang anak ng tao, na sa kaniyang ulo'y may isang putong na ginto, at sa kaniyang kamay ay may isang panggapas na matalas. 15 At lumabas ang ibang anghel sa templo, na sumisigaw ng malakas na tinig doon sa nakaupo sa alapaap, Ihulog mo ang iyong panggapas, at gumapas ka; sapagka't dumating ang oras ng paggapas, sapagka't ang aanihin sa lupa ay hinog na. 16 At inihagis ng nakaupo sa alapaap ang kaniyang panggapas sa lupa; at ang lupa ay nagapasan. 17 At lumabas ang ibang anghel sa templong nasa langit, na may panggapas din namang matalas. 18 At ang ibang anghel ay lumabas sa dambana, na siyang may kapangyarihan sa apoy, at tinawagan ng malakas na tinig yaong may panggapas na matalas, na sinasabi, Ihulog mo ang iyong panggapas na matalas, at putihin mo ang mga buwig sa ubasan sa lupa; sapagka't ang kaniyang mga ubas ay mga hinog na. 19 At inihagis ng anghel ang kaniyang panggapas sa lupa, at pinuti ang mga ubas sa lupa, at inihagis sa pisaan ng ubas, sa malaking pisaan ng kagalitan ng Dios. 20 At nayurakan ang pisaan ng ubas sa labas ng bayan, at lumabas sa pisaan ng ubas ang dugo, na umapaw hanggang sa mga preno ng mga kabayo, sa lawak na isang libo at anim na raang estadio.
1 At nakita ko ang ibang tanda sa langit, dakila at kagilagilalas. Pitong anghel na may pitong salot, na siyang mga panghuli, sapagka't sa mga yao'y magaganap ang kagalitan ng Dios. 2 At nakita ko ang gaya ng isang dagat na bubog na may halong apoy, at yaong nangagtagumpay sa hayop, at sa kaniyang larawan, at sa bilang ng kaniyang pangalan, ay nangakatayo sa tabi ng dagat na bubog, na may mga alpa ng Dios. 3 At inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Dios, at ang awit ng Cordero, na sinasabi, Mga dakila at kagilagilalas ang iyong mga gawa, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat; matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga bansa. 4 Sinong hindi matatakot, Oh Panginoon, at luluwalhatiin ang iyong pangalan? sapagka't ikaw lamang ang banal; sapagka't ang lahat ng mga bansa ay darating at magsisisamba sa harapan mo; sapagka't ang iyong mga matuwid na gawa ay nangahayag. 5 At pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at ang santuario ng tabernakulo ng patotoo sa langit ay nabuksan. 6 At sa santuario ay nagsilabas ang pitong anghel na may pitong salot, na nararamtan ng mahalagang bato, tunay at makintab, at nangabibigkisan ng gintong pamigkis ang kanilang mga dibdib. 7 At isa sa apat na nilalang na buhay ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong mangkok na ginto na puno ng kagalitan ng Dios, na siyang nabubuhay magpakailan kailan man. 8 At napuno ng usok ang santuario mula sa kaluwalhatian ng Dios, at sa kaniyang kapangyarihan; at sinoman ay hindi nakapasok sa santuario, hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.
1 At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa santuario, na nagsasabi sa pitong anghel, Humayo kayo, at ibuhos ninyo ang pitong mangkok ng kagalitan ng Dios sa lupa. 2 At humayo ang una, at ibinuhos ang kaniyang mangkok sa lupa; at naging sugat na masama at mabigat sa mga taong may tanda ng hayop na yaon, at nangagsisamba sa kaniyang larawan. 3 At ibinuhos ng ikalawa ang kaniyang mangkok sa dagat; at naging dugo na gaya ng isang patay; at bawa't kaluluwang may buhay, sa makatuwid ay ang nangasa dagat ay nangamatay. 4 At ibinuhos ng ikatlo ang kaniyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig; at nangaging dugo. 5 At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi, Matuwid ka, na ngayon at nang nakaraan, Oh Banal, sapagka't humatol ka na gayon; 6 Sapagka't ibinuhos nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at pinainom mo sila ng dugo; ito'y karapatdapat sa kanila. 7 At narinig ko ang dambana na nagsasabi, Oo, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, tunay at matuwid ang iyong mga hatol. 8 At ibinuhos ng ikaapat ang kaniyang mangkok sa araw; at ibinigay nito sa kaniya ng masunog ng apoy ang mga tao. 9 At nangasunog ang mga tao sa matinding init: at sila'y namusong sa pangalan ng Dios na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nangagsisi upang siya'y luwalhatiin. 10 At ibinuhos ng ikalima ang kaniyang mangkok sa luklukan ng hayop na yaon; at nagdilim ang kaniyang kaharian; at nginatngat nila ang kanilang mga dila dahil sa hirap, 11 At sila'y namusong sa Dios ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nangagsisi sa kanilang mga gawa. 12 At ibinuhos ng ikaanim ang kaniyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates; at natuyo ang tubig nito, upang mahanda ang dadaanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw. 13 At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon, at sa bibig ng hayop, at sa bibig ng bulaang propeta, ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka: 14 Sapagka't sila'y mga espiritu ng mga demonio, na nagsisigawa ng mga tanda; na pinaparoonan nila ang mga hari sa buong sanglibutan, upang tipunin sa pagbabaka sa dakilang araw ng Dios, na Makapangyarihan sa lahat. 15 (Narito, ako'y pumaparitong gaya ng magnanakaw. Mapalad siyang nagpupuyat, at nagiingat ng kaniyang mga damit, na baka siya'y lumakad na hubad, at makita nila ang kaniyang kahihiyan.) 16 At tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon. 17 At ibinuhos ng ikapito ang kaniyang mangkok sa hangin; at lumabas sa santuario ang isang malakas na tinig, mula sa luklukan na nagsasabi, Nagawa na: 18 At nagkaroon ng mga kidlat, at mga tinig, at mga kulog; at nagkaroon ng malakas na lindol, na di nangyari kailan man mula nang magkatao sa lupa, isang lindol na lubhang malakas, lubhang kakilakilabot. 19 At ang dakilang bayan ay nabahagi sa tatlo, at ang mga bayan ng mga bansa ay nangaguho: at ang dakilang Babilonia ay napagalaala sa paningin ng Dios, upang siya'y bigyan ng inuman ng alak ng kabagsikan ng kaniyang kagalitan. 20 At tumakas ang bawa't pulo, at ang mga bundok ay hindi nangasumpungan. 21 At malaking granizo na kasinglaki ng talento ay lumagpak sa mga tao buhat sa langit, at namusong ang mga tao sa Dios dahil sa salot na granizo; sapagka't ang salot na ito ay lubhang malaki.
1 At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok, at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Pumarito ka, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa bantog na patutot na nakaupo sa maraming tubig; 2 Na siyang pinakiapiran ng mga hari sa lupa, at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang pakikiapid. 3 At ako'y kaniyang dinalang nasa Espiritu sa isang ilang: at nakita ko ang isang babae na nakasakay sa isang hayop na pula, na puno ng mga pangalang pamumusong, na may pitong ulo at sangpung sungay. 4 At nararamtan ang babae ng kulay-ube at ng pula, at nahihiyasan ng ginto at ng mga mahalagang bato at mga perlas, na sa kaniyang kamay ay may isang sarong ginto na puno ng mga kasuklamsuklam, at ng mga bagay na marurumi ng kaniyang pakikiapid, 5 At sa kaniyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, HIWAGA, DAKILANG BABILONIA, INA NG MGA PATUTOT AT NG MGA KASUKLAMSUKLAM SA LUPA. 6 At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga banal, at sa dugo ng mga martir ni Jesus. At nang aking makita siya ay nanggilalas ako ng malaking panggigilalas. 7 At sinabi sa akin ng anghel, Bakit ka nanggilalas? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng hayop na sinasakyan niya, na may pitong ulo at sangpung sungay. 8 At ang hayop na nakita mo ay naging siya, at wala na; at malapit ng umahon sa kalaliman, at patungo sa kapahamakan. At silang mga nananahan sa lupa ay manggigilalas na ang kanilang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula nang itatag ang sanglibutan, pagkakita nila sa hayop, kung paano naging siya at wala na, at darating. 9 Narito ang pagiisip na may karunungan. Ang pitong ulo ay pitong bundok na kinauupuan ng babae: 10 At sila'y pitong hari; ang lima ay nanga buwal, ang isa'y narito, ang isa ay hindi pa dumarating; at pagdating niya ay dapat magtagal na sangdaling panahon. 11 At ang hayop na naging siya, at wala na, ay siya ring ikawalo at siya'y sa pito at siya'y patungo sa kapahamakan. 12 At ang sangpung sungay na iyong nakita ay sangpung hari, na hindi pa nagsisitanggap ng kaharian; datapuwa't magsisitanggap sila ng kapamahalaang paghahari na isang oras na kasama ng hayop. 13 Ang mga ito ay may isang kaisipan, at ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa hayop. 14 Makikipagbaka ang mga ito laban sa Cordero, at sila'y dadaigin ng Cordero, sapagka't siya'y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga Hari; at ng mga kasama niya, na mga tinawag at mga pili at mga tapat ay nananaig din. 15 At sinabi niya sa akin, Ang tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng patutot, ay mga bayan, at mga karamihan, at mga bansa, at mga wika. 16 At ang sangpung sungay na iyong nakita, at ang hayop, ay siyang nangapopoot sa patutot, at siya'y pababayaan at huhubaran, at kakanin ang kaniyang laman, at siya'y lubos na susupukin ng apoy. 17 Sapagka't inilagay ng Dios sa kanilang mga puso na gawin ang kaniyang kaisipan, at mangagkaisa ng kaisipan, at ibigay ang kanilang kaharian sa hayop, hanggang sa maganap ang mga salita ng Dios. 18 At ang babae na iyong nakita ay ang dakilang bayan, na naghahari sa mga hari sa lupa.
1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang ibang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapamahalaan; at ang lupa ay naliwanagan ng kaniyang kaluwalhatian. 2 At siya'y sumigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, at naging tahanan ng mga demonio, at kulungan ng bawa't espiritung karumaldumal, at kulungan ng bawa't karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon. 3 Sapagka't dahil sa alak ng galit ng kaniyang pakikiapid ay nangaguho ang lahat ng mga bansa; at ang mga hari sa lupa ay nangakiapid sa kaniya, at ang mga mangangalakal sa lupa ay nagsiyaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang kalayawan. 4 At narinig ko ang ibang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot: 5 Sapagka't ang kaniyang mga kasalanan ay umabot hanggang sa langit at naalaala ng Dios ang kaniyang mga katampalasanan. 6 Ibigay din ninyo ang ayon sa ibinigay niya sa inyo, at ibayuhin ninyo ng ibayo sa kaniyang mga gawa: sa sarong kaniyang pinaghaluan ay ipaghalo ninyo siya ng ibayo. 7 Kung gaano ang pagkakapagmapuri, at pagkapamuhay na malayaw, ay gayon din naman ang ibigay ninyo sa kaniyang pahirap at pagluluksa: sapagka't sinasabi niya sa kaniyang puso, Ako'y nakaupong reina, at hindi ako bao, at hindi ko makikita kailan man ang pagluluksa. 8 Kaya't darating sa isang araw ang mga salot sa kaniya, kamatayan at pagluluksa, at gutom; at siya'y lubos na susunugin sa apoy; sapagka't malakas ang Panginoong Dios na humatol sa kaniya. 9 At ang mga hari sa lupa, na nangakiapid at nangabuhay na malayaw na kasama niya, ay mangagsisiiyak at mangagsisitaghoy tungkol sa kaniya, pagkakita nila ng usok ng kaniyang pagkasunog, 10 At nangakatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kaniya, na nangagsasabi, Sa aba, sa aba ng dakilang bayang Babilonia, ng bayang matibay! sapagka't sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo. 11 At ang mga mangangalakal sa lupa ay mangagsisiiyak at mangagluluksa tungkol sa kaniya, sapagka't wala nang bibili pa ng kaniyang kalakal; 12 Ng kalakal na ginto at pilak, at mahalagang bato, at mga perlas, at mainam na lino, at kayong kulay ube, at sutla, at kayong pula; at sarisaring mababangong kahoy, at bawa't kasangkapang garing, at bawa't kasangkapang mahalagang kahoy, at tanso, at bakal, at marmol; 13 At kanela, at especias, at incienso, at ungguento, at kamangyan, at alak, at langis, at mainam na harina, at trigo, at mga baka, at mga tupa; at kalakal na mga kabayo at mga karo, at mga alipin; at mga kaluluwa ng mga tao. 14 At ang mga bungang pinipita mo ay nangapalayo sa iyo, at lahat ng mga bagay na maiinam at mariringal ay nangalipol sa iyo, at hindi na mangasusumpungan pa. 15 Ang mga mangangalakal ng mga bagay na ito, na nangagsiyaman dahil sa kaniya, ay mangagsisitayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kaniya, na nagsisiiyak at nagsisipagluksa; 16 Na nangagsasabi, Sa aba, sa aba, niyaong dakilang bayan, siya na nararamtan ng mahalagang lino at ng kayong kulay ube, at pula, at napapalamutihan ng ginto at ng mahalagang bato at ng perlas! 17 Sapagka't sa loob ng isang oras ay nalipol ang gayong malaking kayamanan. At bawa't pinunong daong, at bawa't naglalayag saan mang dako, at ang mga mangdaragat, at lahat ng nagsisipaghanap-buhay sa dagat, ay nangakatayo sa malayo, 18 At nangagsisisigaw pagkakita sa usok ng kaniyang pagkasunog, na nangagsasabi, Anong bayan ang katulad ng dakilang bayan? 19 At sila'y nangagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo, at nagsisigawan, na nagiiyakan at nagtataghuyan, na nangagsasabi, Sa aba, sa aba, ang dakilang bayan, na siyang iniyaman ng lahat na may mga daong sa dagat dahil sa kaniyang mga kayamanan! sapagka't sa loob ng isang oras ay nalipol. 20 Magalak ka tungkol sa kaniya, Oh langit, at kayong mga banal, at kayong mga apostol, at kayong mga propeta; sapagka't inihatol ng Dios ang inyong hatol sa kaniya. 21 At dinampot ng isang anghel na malakas ang isang bato, na gaya ng isang malaking gilingang bato, at inihagis sa dagat, na sinasabi, Gayon sa isang kakilakilabot na pagkahulog, igigiba ang Babilonia, ang dakilang bayan, at hindi na masusumpungan pa. 22 At ang tinig ng mga manunugtog ng alpa, at ng mga musiko at ng mga manunugtog ng plauta, at ng mga manunugtog ng pakakak ay hindi na maririnig pa sa iyo; at wala nang manggagawa ng anomang gawa ay masusumpungan pa sa iyo; at ang ugong ng gilingan ay hindi na maririnig pa sa iyo; 23 At ang ilaw ng ilawan ay hindi na liliwanag pa sa iyo, at ang tinig ng kasintahang lalake at ng kasintahang babae ay hindi na maririnig pa sa iyo; sapagka't ang mga mangangalakal mo ay naging mga pangulo sa lupa; sapagka't dinaya ng iyong panggagaway ang lahat ng mga bansa. 24 At nasumpungan sa kaniya ang dugo ng mga propeta, at ng mga banal, at ng lahat ng mga pinatay sa lupa.
1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malaking tinig ng isang makapal na karamihan sa langit, na nagsasabi, Aleluya; Kaligtasan, at kaluwalhatian, at kapangyarihan, ay nauukol sa ating Dios: 2 Sapagka't tunay at matuwid ang kaniyang mga paghatol; sapagka't hinatulan niya ang bantog na patutot, na siyang nagpasama sa lupa ng kaniyang pakikiapid, at iginanti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin sa pamamagitan ng kaniyang kamay. 3 At sila'y muling nangagsabi, Aleluya. At ang usok niya ay napaiilanglang magpakailan kailan man. 4 At nangagpatirapa ang dalawangpu't apat na matatanda at ang apat na nilalang na buhay, at nangagsisamba sa Dios na nakaupo sa luklukan, na nangagsasabi, Siya nawa; Aleluya. 5 At lumabas ang isang tinig sa luklukan, na nagsasabi, Purihin ninyo ang ating Dios, ninyong lahat na mga lingkod niya, ninyong lahat na mga natatakot sa kaniya, maliliit at malalaki. 6 At narinig ko ang gaya ng isang tinig ng isang makapal na karamihan, at gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malalakas na kulog na nagsasabi, Aleluya: sapagka't naghahari ang Panginoong ating Dios na Makapangyarihan sa lahat. 7 Tayo'y mangagalak at tayo'y mangagsayang mainam, at siya'y ating luwalhatiin; sapagka't dumating ang pagkakasal ng Cordero, at ang kaniyang asawa ay nahahanda na. 8 At sa kaniya'y ipinagkaloob na damtan ang kaniyang sarili ng mahalagang lino, makintab at tunay; sapagka't ang mahalagang lino ay siyang mga matuwid na gawa ng mga banal. 9 At sinasabi niya sa akin, Isulat mo, Mapapalad ang mga inanyayahan sa paghapon sa kasalan ng Cordero. At sinasabi niya sa akin, Ang mga ito'y siyang tunay na mga salita ng Dios. 10 At ako'y nagpatirapa sa kaniyang paanan upang siya'y aking sambahin. At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mayroong patotoo ni Jesus: sumamba ka sa Dios: sapagka't ang patotoo ni Jesus ay siyang espiritu ng hula. 11 At nakita kong bukas ang langit; at narito, ang isang kabayong maputi, at yaong nakasakay dito ay tinatawag na Tapat at Totoo; at sa katuwiran siya'y humahatol at nakikipagbaka. 12 At ang kaniyang mga mata ay ningas ng apoy, at sa kaniyang ulo ay maraming diadema; at siya'y may isang pangalang nakasulat, na sinoman ay di nakaaalam kundi siya rin. 13 At siya'y nararamtan ng damit na winisikan ng dugo: at ang kaniyang pangalan ay tinatawag na Ang Verbo ng Dios. 14 At ang mga hukbong nasa langit ay sumusunod sa kaniya na mga nakasakay sa mga kabayong puti, at nangararamtan ng mahalagang linong maputi at dalisay. 15 At sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y sugatan niya ang mga bansa: at kaniyang paghaharian ng tungkod na bakal: at niyuyurakan niya ang pisaan ng ubas ng kabangisan ng kagalitan ng Dios na Makapangyarihan sa lahat. 16 At siya'y mayroong isang pangalang nakasulat sa kaniyang damit at sa kaniyang hita, HARI NG MGA HARI AT PANGINOON NG MGA PANGINOON. 17 At nakita kong nakatayo ang isang anghel sa araw; na siya'y sumisigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa gitna ng himpapawid, Halikayo at mangagkatipon sa dakilang hapunan ng Dios; 18 Upang kayo'y makakain ng laman ng mga hari, at ng laman ng mga pangulong kapitan, at ng laman ng mga taong makapangyarihan, at ng laman ng mga kabayo at ng mga nakasakay dito, at ng laman ng lahat ng mga taong laya at mga alipin man, at maliliit at malalaki. 19 At nakita ko ang hayop, at ang mga hari sa lupa, at ang kanilang mga hukbo, na nangagkakatipon upang makipagbaka laban doon sa nakasakay sa kabayo, at laban sa kaniyang hukbo. 20 At sinunggaban ang hayop, at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa harapan nito, na siyang ipinangdaya sa mga nagsitanggap ng tanda ng hayop at sa mga sumamba sa larawan nito: ang dalawang ito ay inihagis na buhay sa dagatdagatang apoy na nagliliyab sa asupre: 21 At ang mga iba ay pinatay sa tabak na lumalabas sa bibig niyaong nakasakay sa kabayo, at ang lahat ng mga ibon ay nangabusog ng mga laman nila.
1 At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. 2 At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diablo at Satanas, at ginapos na isang libong taon, 3 At siya'y ibinulid sa kalaliman at sinarhan, at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang huwag ng magdaya sa mga bansa, hanggang sa maganap ang isang libong taon: pagkatapos nito ay kailangang siya'y pawalang kaunting panahon. 4 At nakakita ako ng mga luklukan, at may mga nagsisiluklok sa mga ito, sila'y pinagkalooban ng paghatol: at nakita ko ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo ni Jesus, at dahil sa salita ng Dios, at ang mga hindi sumamba sa hayop, o sa kaniyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay; at sila'y nangabuhay, at nagsipagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon. 5 Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na maguli. 6 Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon. 7 At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan, 8 At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. 9 At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok. 10 At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man. 11 At nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila. 12 At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa. 13 At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila'y hinatulan bawa't tao ayon sa kanikaniyang mga gawa. 14 At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy. 15 At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.
1 At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagka't ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na. 2 At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa. 3 At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya'y mananahan sa kanila, at sila'y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila: 4 At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na. 5 At yaong nakaluklok sa luklukan ay nagsabi, Narito, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay. At sinabi niya, Isulat mo: sapagka't ang mga salitang ito ay tapat at tunay. 6 At sinabi niya sa akin, Nagawa na. Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay aking paiinuming walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay. 7 Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako'y magiging Dios niya, at siya'y magiging anak ko. 8 Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan. 9 At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok, na mga puno ng pitong huling salot; at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Halika, ipakikita ko sa iyo ang babaing kasintahan, ang asawa ng Cordero. 10 At dinala niya akong nasa Espiritu sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita sa akin ang bayang banal na Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, 11 Na may kaluwalhatian ng Dios: ang kaniyang ilaw ay katulad ng isang totoong mahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na malinaw na gaya ng salamin: 12 Na may isang malaki at mataas na kuta; na may labingdalawang pintuan, at sa mga pintuan ay labingdalawang anghel; at may mga pangalang nakasulat sa mga yaon, na siyang sa labingdalawang angkan ng mga anak ng Israel: 13 Sa silanganan ay may tatlong pintuan; at sa hilagaan ay may tatlong pintuan; at sa timugan ay may tatlong pintuan; at sa kalunuran ay may tatlong pintuan. 14 At ang kuta ng bayan ay may labingdalawang pinagsasaligan, at sa mga ito'y ang labingdalawang pangalan ng labingdalawang apostol ng Cordero. 15 At ang nakikipagusap sa akin ay may panukat na tambong ginto upang sukatin ang bayan, at ang mga pintuan nito, at ang kuta nito. 16 At ang pagkatayo ng bayan ay parisukat, at ang kaniyang haba ay gaya ng kaniyang luwang: at sinukat niya ng tambo ang bayan, ay labingdalawang libong estadio: ang haba at ang luwang at ang taas nito ay magkakasukat. 17 At sinukat niya ang kuta nito, ay isang daan at apat na pu't apat na siko, ayon sa sukat ng tao, sa makatuwid baga'y ng isang anghel. 18 At ang malaking bahagi ng kuta niya ay jaspe: at ang bayan ay dalisay na ginto, na katulad ng malinis na bubog. 19 Ang mga pinagsasaligan ng kuta ng bayan ay may pamuting sarisaring mahahalagang bato. Ang unang pinagsasaligan ay jaspe; ang ikalawa ay zafiro; ang ikatlo ay calcedonia; ang ikaapat ay esmeralda; 20 Ang ikalima ay sardonica; ang ikaanim ay sardio; ang ikapito ay crisolito; ang ikawalo ay berilo; ang ikasiyam ay topacio; ang ikasangpu ay crisopasio; ang ikalabingisa ay jacinto; ang ikalabingdalawa ay amatista. 21 At ang labingdalawang pintuan ay labingdalawang perlas; at bawa't pinto ay isang perlas; at ang lansangan ng bayan ay dalisay na ginto, na gaya ng nanganganinag na bubog. 22 At hindi ako nakakita ng templo doon: sapagka't ang Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat, at ang Cordero ay siyang templo doon. 23 At ang bayan ay hindi nangangailangan ng araw, o ng buwan man, upang lumiwanag sa kaniya: sapagka't nililiwanagan ng kaluwalhatian ng Dios, at ang ilaw doon ay ang Cordero. 24 At ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito: at ang mga hari sa lupa ay mangagdadala ng kanilang karangalan sa loob niyaon. 25 At ang mga pintuan niyaon ay hindi ilalapat kailan man sa araw (sapagka't hindi magkakaroon doon ng gabi): 26 At dadalhin nila sa loob niyaon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa: 27 At hindi papasok doon sa anomang paraan ang anomang bagay na karumaldumal, o siyang gumagawa ng kasuklamsuklam at ng kasinungalingan: kundi yaon lamang na mga nakasulat sa aklat ng buhay ng Cordero.
1 At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Dios at ng Cordero, 2 Sa gitna ng lansangang yaon. At sa dako rito ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labingdalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawa't buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay pangpagaling sa mga bansa. 3 At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya'y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin; 4 At makikita nila ang kaniyang mukha; at ang kaniyang pangalan ay sasa kanilang mga noo. 5 At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sapagka't liliwanagan sila ng Panginoong Dios: at sila'y maghahari magpakailan kailan man. 6 At sinabi niya sa akin, Ang mga salitang ito'y tapat at tunay, at ang Panginoon, ang Dios ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari madali. 7 At narito, ako'y madaling pumaparito. Mapalad ang tumutupad ng mga salita ng hula ng aklat na ito. 8 At akong si Juan, ako ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, ay nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito. 9 At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito: sumamba ka sa Dios. 10 At sinasabi niya sa akin, Huwag mong tatakan ang mga salita ng hula ng aklat na ito; sapagka't malapit na ang panahon. 11 Ang liko, ay magpakaliko pa: at ang marumi, ay magpakarumi pa: at ang matuwid, ay magpakatuwid pa: at ang banal, ay magpakabanal pa. 12 Narito, ako'y madaling pumaparito; at ang aking ganting-pala ay nasa akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa't isa ayon sa kaniyang gawa. 13 Ako ang Alpha at ang Omega, at ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas. 14 Mapapalad ang nangaghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga pintuan. 15 Nangasa labas ang mga aso, at ang mga manggagaway, at ang mga mapakiapid, at ang mga mamamatay-tao, at ang mga mapagsamba sa diosdiosan, at ang bawa't nagiibig at gumagawa ng kasinungalingan. 16 Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo'y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesia. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga. 17 At ang Espiritu at ang kasintahang babae ay nagsasabi, Halika. At ang nakikinig ay magsabi, Halika. At ang nauuhaw, ay pumarito: ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay. 18 Aking sinasaksihan sa bawa't taong nakikinig sa mga salita ng hula ng aklat na ito, Kung ang sinoman ay magdagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito: 19 At kung ang sinoman ay magalis sa mga salita ng aklat ng hulang ito, ay aalisin ng Dios ang kaniyang bahagi sa punong kahoy ng buhay, at sa bayang banal, na nangakasulat sa aklat na ito. 20 Ang sumasaksi sa mga bagay na ito ay nagsasabi, Oo: ako'y madaling pumaparito. Siya nawa: pumarito ka Panginoong Jesus. 21 Ang biyaya ng Panginoong Jesus ay mapasa mga banal nawa. Siya nawa.