/1 Ang aklat ng salinlahi ni Jesu-Cristo, na anak ni David, na anak ni Abraham. Kay Abraham ay naisilang si Isaac; at kay Isaac ay naisilang si Jacob; at kay Jacob ay naisilang si Juda at ang kaniyang mga kapatid. At kay Juda ay naisilang si Fares at si Zara kay Tamar; at kay Fares ay naisilang si Esrom; at kay Esrom ay naisilang si Aram. At kay Aram ay naisilang si Aminadab; at kay Aminadab ay naisilang si Naason; at kay Naason ay naisilang si Salmon. At kay Salmon ay naisilang si Booz mula kay Racab; at kay Booz ay naisilang si Obed mula kay Ruth; at kay Obed ay naisilang si Jesse. At kay Jesse ay naisilang si David na hari; at kay David na hari ay naisilang si Solomon mula sa kaniya na naging asawa ni Urias. At kay Solomon ay naisilang si Roboam; at kay Roboam ay naisilang si Abia; at kay Abia ay naisilang si Asa. At kay Asa ay naisilang si Josafat; at kay Josafat ay naisilang si Joram; at kay Joram ay naisilang si Ozias. At kay Ozias ay naisilang si Joatam; at kay Joatam ay naisilang si Acaz; at kay Acaz ay naisilang si Ezequias. At kay Ezequias ay naisilang si Manases; at kay Manases ay naisilang si Amon; at kay Amon ay naisilang si Josias. At kay Josias ay naisilang si Jeconias at ang kaniyang mga kapatid, nang panahong sila ay dinalang bihag sa Babilonia. At pagkatapos na sila ay nadala sa Babilonia, kay Jeconias ay naisilang si Salatiel; at kay Salatiel ay naisilang si Zorobabel. At kay Zorobabel ay naisilang si Abiud; at kay Abiud ay naisilang si Eliaquim; at kay Eliaquim ay naisilang si Azor. At kay Azor ay naisilang si Sadoc; at kay Sadoc ay naisilang si Aquim; at kay Aquim ay naisilang si Eliud. At kay Eliud ay naisilang si Eleazar; at kay Eleazar ay naisilang si Matan; at kay Matan ay naisilang si Jacob. At kay Jacob ay naisilang si Jose na asawa ni Maria, na sa kaniya ay naipanganak si Jesus, na tinatawag na Cristo. Kaya ang lahat ng mga salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David ay labing-apat na mga salinlahi; at mula kay David hanggang sa pagkadalang bihag sa Babilonia ay labing-apat na mga salinlahi; at mula sa pagkadalang bihag sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labing-apat na mga salinlahi. Ngayon ang pagkapanganak kay Jesu-Cristo ay sa ganitong paraan: Nang ang kaniyang ina na si Maria ay itinakdang ikasal kay Jose, bago sila nagsama, siya ay nasumpungang nagdadalang-tao mula sa Espiritung Banal. Sa gayon si Jose na kaniyang asawa, bilang isang matuwid na tao, at hindi ninais na gawin siyang isang halimbawa sa madla, ay nagpasiyang hiwalayan siya nang palihim. Datapuwa't habang kaniyang pinagiisipan ang mga bagay na ito, masdan, ang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kaniya sa isang panaginip, na nagsasabing, Jose, ikawa na anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria na iyong asawa: sapagka't yaong ipinaglilihi sa kaniya ay mula sa Espiritung Banal. At siya ay magsisilang ng isang anak, at tatawagin mo siya sa kaniyang pangalan na Jesus: sapagka't siya ang magliligtas sa kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan. Ngayon ang lahat ng ito ay nangyari, upang nawa ay matupad itong sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabing. Masdan, isang birhen ang magdadalang-tao, at magsisilang ng isang lalaking anak, at tatawagin nila ang kaniyang pangalan na Emmanuel, na kung ipakahulugan ay, Ang Diyos ay kasama natin. Sa gayon si Jose na bumangon mula sa pagtulog ay ginawa ang gaya ng naipagbilin sa kaniya ng anghel ng Panginoon, at tinanggap niya ang kaniyang asawa. At hindi siya sinipingan hanggang sa siya ay nagsilang ng kaniyang panganay na anak: at tinawag niya ang kaniyang pangalang Jesus.
/2 Ngayon nang si Jesus ay ipinanganak sa Betlehem ng Judea sa mga araw ni Herodes na hari, masdan, may dumating na mga marurunong na tao mula sa silangan tungo sa Jerusalem. Na nagsasabing, Nasaan ba siya na ipinanganak na Hari ng mga Judio? sapagka't aming nakita ang kaniyang bituin sa silangan, at naparito upang sambahin siya. Nang marinig ni Herodes na hari ang mga bagay na ito, siya ay nabagabag, at ang buong Jerusalem na kasama niya. At nang sama-sama niyang natipon ang lahat ng mga punong saserdote at mga eskriba ng bayan, ay itinanong niya sa kanila kung saan ang Cristo dapat maipanganak. At sinabi nila sa kaniya, Sa Betlehem ng Judea: sapagka't gayon itong nasusulat sa pamamagitan ng propeta. At ikaw Betlehem, sa lupain ng Juda, ay hindi ang pinakamaliit sa gitna ng mga prinsipe ng Juda: sapagka't mula sa iyo ay magbubuhat ang isang Tagapamahala, na mamumuno sa aking bayang Israel. Sa gayon si Herodes, nang matawag niyang palihim ang marurunong na mga tao, ay masikap na nag-usisa sa kanila na kung anong panahon ang bituin ay nagpakita. At isinugo niya sila sa Betlehem, at nagsabing, Humayo kayo at maghanap nang masikap para sa maliit na bata; at kapag nasumpungan ninyo siya, ay sabihan akong muli, upang ako nawa ay makapunta at sambahin din siya. Nang narinig nila ang hari, sila ay lumisan; at, narito, ang bituin, na nakita nila sa silangan, ay nanguna sa kanila, hanggang ito ay dumating at tumigil sa tapat kung saan ang maliit na bata ay naroon. Nang makita nila ang bituin, sila ay nagalak ng may lubhang malaking kagalakan. At nang makarating sila sa loob ng bahay, ay nakita nila ang maliit na bata na kasama ni Maria na kaniyang ina, at nagpatirapa, at sumamba sa kaniya: at nang mabuksan nila ang kanilang mga kayamanan, ay inihandog nila sa kaniya ang mga kaloob; ginto, at kamanyang, at mira. At palibhasa ay binalaan ng Diyos sa isang panaginip na huwag na silang dapat magbalik kay Herodes, sila ay nagbalik sa kanilang sariling bayan sa ibang daan. At nang sila ay nakaalis na, masdan, ang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa isang panaginip, na nagsasabing, Bumangon ka, at kunin ang maliit na bata at ang kaniyang ina, at tumakas sa Egipto, ikaw ay pumaroon hanggang sa dalhan kita ng salita: sapagka't hahanapin ni Herodes ang maliit na bata upang patayin siya. Nang siya ay bumangon, ay kinuha niya ang maliit na bata at ang kaniyang ina sa kinagabihan, at nagtungo sa Egipto. At dumoon hanggang sa kamatayan ni Herodes: upang ito nawa ay matupad na sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na sinasabing, Mula sa Egipto ay tinawag ko ang aking lalaking anak. Sa gayon si Herodes, nang makita niyang siya ay nilibak ng mga marurunong na tao, ay lubhang napoot, at nagpasugo, at ipinapatay ang lahat ng mga bata na nasa Betlehem, at sa lahat ng mga baybayin nito, mula dalawang taong gulang at pababa, ayon sa panahon na siya ay masikap na nag-usisa sa mga marurunong na tao. Sa gayon ay natupad yaong sinalita sa pamamagitan ni Jeremias na propeta, na nagsasabing. Sa Rama ay nagkaroon ng isang tinig na narinig, pananaghoy, at pananangis, at malaking pagdadalamhati, si Raquel ay nananangis para sa kaniyang mga anak, at hindi maaaliw, dahil sila ay wala na. Datapuwa't nang si Herodes ay patay na, masdan, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita sa isang panaginip kay Jose sa Egipto. Na nagsasabing, Bumangon ka, at kunin ang maliit na bata at ang kaniyang ina, at magpunta sa lupain ng Israel: sapagka't sila na naghangad sa buhay ng maliit na bata ay mga patay na. At siya ay bumangon, at kinuha ang maliit na bata at ang kaniyang ina, at dumating sa lupain ng Israel. Datapuwa't nang marinig niya na si Arquelao ay naghari sa Judea na kapalit ng kaniyang amang si Herodes, siya ay natakot na magpunta roon: sa kabila nito, palibhasa ay binalaan ng Diyos sa isang panaginip, siya ay bumaling sa mga bahagi ng Galilea. At siya ay dumating at nanirahan sa isang lungsod na tinatawag na Nazaret: upang nawa ay matupad yaong sinalita sa pamamagitan ng mga propeta, Siya ay matatawag na isang Nazareno.
/3 Sa mga araw na yaon ay dumating si Juan na Bautista, na nangangaral sa ilang ng Judea. At nagsasabing, Magsisi kayo: sapagka't ang kaharian ng langit ay malapit na. Sapagka't siya itong sinalita sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabing, Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, gawin ang kaniyang mga landas na tuwid. At ang Juan ding ito ay taglay ang kaniyang kasuutan na balahibo ng kamelyo, at isang katad na pamigkis sa palibot ng kaniyang baywang; at ang kaniyang pagkain ay mga balang at ligaw na pulot-pukyutan. Sa gayon ay lumabas sa kaniya ang Jerusalem at lahat ng Judea, at ang buong rehiyon sa palibot ng Jordan. At nabautismuhan sa kaniya sa Jordan, na ipinahahayag ang kanilang mga kasalanan. Datapuwa't nang makita niya ang marami sa mga Fariseo at mga Saduceo ay naparoon sa kaniyang bautismo, ay sinabi niya sa kanila, O salinlahi ng mga ulupong, sino ba ang nagbabala sa inyo upang tumakas mula sa poot na darating?. Magbunga samakatuwid ng mga bunga na nararapat para sa pagsisisi. At huwag isiping sabihin sa inyong mga sarili, Kami ay may Abraham na aming ninuno: sapagka't sinasabi ko sa inyo, na makakaya ng Diyos na mula sa mga batong ito ay magpalitaw ng mga anak kay Abraham. At ngayon din ang palakol ay nakalagay sa ugat ng mga punong-kahoy: samakatuwid ang bawa't punong-kahoy na hindi nagbubunga ng mabuting bunga ay pinuputol, at inihahagis sa apoy. Ako ay tunay na nagbabautismo sa inyo ng tubig sa pagsisisi: datapuwa't siya na darating pagkatapos ko ay mas makapangyarihan kaysa sa akin, na sa kaniyang mga panyapak ay hindi ako karapat-dapat na magdala: siya ay magbabautismo sa inyo ng Espiritung Banal, at ng apoy. Na ang kalaykay niya ay nasa kaniyang kamay, at lubusan niyang lilinisin ang kaniyang giikan, at titpunin ang kaniyang trigo sa bangan; datapuwa't susunugin niya ang dayami ng dimapapatay na apoy. Sa gayon ay dumating si Jesus mula sa Galilea tungo sa Jordan kay Juan, upang mabautismuhan sa kaniya. Subali't binawalan siya ni Juan, na nagsasabing, Ako ang kinakailangan na bautismuhan mo, at lumalapit ka sa akin?. At si Jesus sa pagsagot ay sinabi sa kaniya, Hayaan ito na maging gayon na ngayon: sapagka't gayong ito ang nararapat sa atin upang tuparin ang lahat ng pagkamatuwid; Sa gayon siya ay pinayagan niya. At si Jesus, nang siya ay nabautismuhan na, ay umahon pagdaka mula sa tubig: at, narito, ang mga langit ay nabuksan sa kaniya, at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad ng isang kalapati, at lumalapag sa kaniya. At narito ang isang tinig mula sa langit, na nagsasabing, Ito ang iniibig kong Anak, na sa kaniya ay lubos akong nalulugod.
/4 Sa gayon ay inihatid ng Espiritu si Jesus sa ilang upang matukso ng diyablo. At nang siya ay nakapag-ayuno ng apatnapung araw at apatnapung gabi, siya pagkatapos ay nagutom. At nang ang manunukso ay lumapit sa kaniya, siya ay nagsabing, Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, ay iutos na ang mga batong ito ay magawang tinapay. Datapuwa't siya ay sumagot at nagsabing, Ito ay nasusulat, Ang tao ay hindi nabubuhay sa pamamagitan ng bawa't salita na lumalabas mula sa bibig ng Diyos. Sa gayon ang diyablo ay dinala siya sa banal na lungsod, at inilagay siya sa isang taluktok ng templo. At sinabi sa kaniya, Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, ay ihulog ang iyong sarili: sapagka't ito ay nasusulat, Siya ay magbibigay sa kaniyang mga anghel ng utos patungkol sa iyo: at sa kanilang mga kamay ay kanilang dadalhin ka paitaas, baka sa anumang panahon ay maibunggo mo ang iyong paa sa isang bato. Sinabi ni Jesus sa kaniya, Ito ay nasusulat muli, Huwag mong tutksuhin ang Panginoon na iyong Diyos. Muli, ang diyablo ay dinala siya sa isang lubhang napakataas na bundok, at ipinakita sa kaniya ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan, at ang kaluwalhatian nila. At sinabi sa kaniya, Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sambahin ako. Sa gayon ay sinabi ni Jesus sa kaniya, Lumayo ka, Satanas: sapagka't ito ay nasusulat, Iyong sasambahin ang Panginoon na iyong Diyos, at siya lamang ang iyong paglilingkuran. Sa gayon ay iniwan siya ng diyablo, at, masdan, ang mga anghel ay dumating at naglingkod sa kaniya. Ngayon nang marinig ni Jesus na si Juan ay itinapon sa bilangguan, siya ay nagtungo sa Galilea. At pagkalisan sa Nazaret, siya ay dumating at nanirahan sa Capernaum, na nasa baybayin ng dagat, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftalim. Upang ito nawa ay matupad na sinalita sa pamamagitan ni Isaias na propeta, na nagsasabing. Ang lupain ng Zabulon, at ang lupain ng Neftalim, sa daan ng dagat, sa ibayo ng Jordan, ay Galilea ng mga Gentil. Ang bayan na nakaupo sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag; at sa kanila na nakaupo sa rehiyon at anino ng kamatayon ay liwanag ang lumitaw. Mula nang panahong iyon si Jesus ay nagsimulang mangaral, at magsabing, Magsisi: sapagka't ang kaharian ng langit ay malapit na. At si Jesus, na naglalakad sa tabi ng dagat ng Galilea, ay nakita ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, na nahahagis ng lambat sa dagat: sapagka't sila ay mga mangingisda. At sinabi niya sa kanila, Sumunod sa akin, at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao. At pagdaka ay iniwan nila ang kanilang mga lambat, at sinundan siya. At sa pagpapatuloy mula roon, siya ay nakakita ng ibang dalawang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kaniyang kapatid, sa isang bapor na kasama si Zebedeo na kanilang ama, na hinahayuma ang kanilang mga lambat; at kaniyang tinawag sila. At sila pagdaka ay iniwan ang bapor at ang kanilang ama, at sinundan siya. At si Jesus ay nagtungo sa palibot ng buong Galilea, na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga, at ipinangangaral ang ebanghelyo ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng uri ng sakit at lahat ng uri ng karamdaman sa gitna mga tao. At ang kaniyang katanyagan ay nakarating sa lahat ng dako ng buong Siria: at dinala nila sa kaniya ang lahat ng mga taong may-sakit na pinahihirapan ng iba't ibang mga karamdaman at mga pahirap, at yaong mga inaalihan ng mga diyablo, at yaong mga baliw, at yaong may paralisis; at pinagaling niya sila. At may sumunod sa kaniya ng lubhang mga karamihan ng mga tao mula sa Galilea, at mula sa Decapolis, at mula sa Jerusalem, at mula sa Judea, at mula sa ibayo ng Jordan.
/5 At pagkakita sa mga karamihan, siya ay umakyat sa isang bundok: at nang siya ay nakaupo na, ay lumapit sa kaniya ang kaniyang mga disipulo. At binuksan niya ang kaniyang bibig, at tinuruan sila, na nagsasabing. mapapalad ang mga dukha sa espiritu: sapagka't sa kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad sila na mga nagdadalamhati: sapagka't sila ay maaaliw. Mapapalad ang mga maaamo: sapagka't mamanahin nila ang lupa. Mapapalad sila na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran: sapagka't sila ay mabubusog. Mapapalad ang mga mahabagin: sapagka't makakamtan nila ang kahabagan. Mapapalad ang mga dalisay sa puso: sapagka't makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga mapagpayapa: sapagka't sila ay matatawag na mga ank ng Diyos. Mapapalad sila na mga pinag-uusig alang-alang sa katuwiran: sapagka't sa kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo, kapag aalipustahin kayo ng mga tao, at uusigin kayo, at magsasalita ng lahat ng uri ng masama laban sa inyo na pawang kasinungalingan, alang-alang sa akin. Magalak, at maging lubhang masaya: sapagka't malaki ang inyong gantimpala sa langit: sapagka't gayon din nila inusig ang mga propeta na nauna sa inyo. Kayo ang asin ng lupa: nguni't kung ang asin ay nawalan ng kaniyang lasa, ano ba ang magpapaalat nito? buhat noon ito ay mabuti para sa walang-anuman, kundi upang matapon sa labas, at upang mayurakan sa ilalaim ng paa ng mga tao. Kayo ay ang liwanag ng sanlibutan; Ang isang lungsod na nakatayo sa isang burol ay hindi maaaring itago. Ni hindi ginagawa ng mga tao na magsindi ng isang kandila, at ilagay ito sa ilalim ng isang takalan, kundi sa isang lalagyan ng kandila; at ito ay nagbibigay ng liwanag sa lahat ng nasa bahay. Hayaan ang inyong liwanag ay gayong magliwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila nawa ang inyong mabubuting mga gawa, at luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.